Mag-asawa “Tangi Lamang sa Panginoon”—Praktikal Pa Ba?
“Hindi ako makakita ng mapapangasawa sa loob ng kongregasyon, at takót akong tumandang mag-isa.”
“May mga binata sa sanlibutan na mabait, maalalahanin, at madaling mahalin. Hindi sila tutol sa relihiyon ko, at parang mas masarap silang kasama kaysa sa ilang brother.”
Maaaring nasabi na rin iyan ng ilang lingkod ng Diyos na naghahanap ng mapapangasawa. Pero alam naman nila ang payo ni apostol Pablo na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon”—isang payo para sa lahat ng Kristiyano. (1 Cor. 7:39) Kung gayon, bakit nasasabi pa rin nila iyon?
KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN
Maaaring nakikita nila na hindi pantay ang dami ng binata at dalagang Saksi. Totoo iyan sa maraming bansa. Halimbawa: Sa Korea, sa bawat 100 Saksi na walang asawa, 57 ang sister at 43 ang brother. Sa Colombia naman, 66 na porsiyento ng mga Saksi ay sister at 34 na porsiyento lang ang brother.
Sa ilang lugar, nakadaragdag pa sa problema ang mga di-Saksing magulang na humihingi ng malaking dote kung kaya nahihirapang mag-asawa ang mga brother na hindi mayaman. Dahil sa mga ito, maaaring madama ng isang sister na maliit ang tsansa niyang makapag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” Kaya baka maitanong niya, “Makatotohanan ba talagang isipin na makakahanap ako ng kapuwa Kristiyano na angkop mapangasawa?”a
KAILANGANG MAGTIWALA KAY JEHOVA
Kung ganiyan ang nadarama mo, makatitiyak kang nakikita ni Jehova ang iyong sitwasyon. Oo, alam niya ang nadarama mo tungkol sa bagay na ito.—2 Cro. 6:29, 30.
Pero ipinasulat pa rin ni Jehova sa kaniyang Salita ang utos na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon. Bakit? Dahil alam niya kung ano ang makabubuti para sa kaniyang bayan. Hindi lang niya gustong maiwasan ng kaniyang mga lingkod ang kirot na bunga ng pagtahak sa maling landasin kundi nais din niyang maging maligaya sila. Nang ang mga Judio noong panahon ni Nehemias ay mag-asawa ng mga banyagang hindi sumasamba kay Jehova, binanggit ni Nehemias ang masamang halimbawa ni Solomon. Bagaman “minahal siya ng kaniyang Diyos, [si Solomon] ay pinagkasala ng mga asawang banyaga.” (Neh. 13:23-26) Kaya para sa ikabubuti ng mga lingkod ng Diyos, inuutusan niya tayo na mag-asawa lang ng tunay na mananamba. (Awit 19:7-10; Isa. 48:17, 18) Pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang maibiging pangangalaga ng Diyos at nagtitiwala sila sa kaniyang patnubay. Sa pagpapasakop nila sa kaniya bilang Tagapamahala, ipinakikita nilang kinikilala nila siya bilang ang Soberano ng Uniberso.—Kaw. 1:5.
Tiyak na ayaw mong “makipamatok nang kabilan” sa sinumang maglalayo sa iyo sa Diyos. (2 Cor. 6:14) Napabuti ang maraming Kristiyano sa ngayon na sumunod sa utos ng Diyos at napatunayan nilang tama ang kanilang naging desisyon. Pero ang ilan ay hindi sumunod.
PRAKTIKAL PA RIN
Ipinaliwanag ni Maggy,b isang sister sa Australia, ang nangyari nang magsimula siyang makipag-date sa isang di-Saksi: “Hindi na ako nakakadalo sa mga pulong para lang makasama siya. Humina nang husto ang espirituwalidad ko.” Nahulog naman ang loob ni Ratana na taga-India sa isa niyang kaklase na nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pero nang maglaon, lumabas na sa kaniya lang pala ito interesado. Ang resulta, iniwan ni Ratana ang katotohanan at nagbago ng relihiyon para lang makapag-asawa.
Isa pang halimbawa si Ndenguè na taga-Cameroon. Nag-asawa siya sa edad na 19. Bago sila ikasal, nangako ang boyfriend niya na hindi siya hahadlangan nito sa mga gawain ng kaniyang relihiyon. Pero dalawang linggo lang matapos silang ikasal, pinagbawalan na siya nito sa pagdalo sa mga pulong. Sinabi niya: “Lagi akong malungkot at umiiyak. Nakita kong hindi ko na kontrolado ang buhay ko. Sising-sisi ako.”
Siyempre, hindi naman lahat ng asawang di-Saksi ay nagiging malupit at di-makatuwiran. Pero hindi mo man maranasan ang kirot na dulot ng pag-aasawa ng isang di-Saksi, ano kaya ang magiging epekto nito sa kaugnayan mo sa iyong mapagmahal na Ama sa langit? Ano ang madarama mo na hindi mo pinakinggan ang kaniyang payo na para sa ikabubuti mo? At higit sa lahat, ano kaya ang madarama ni Jehova sa naging desisyon mo?—Kaw. 1:33.
Maraming kapatid sa buong mundo ang makapagpapatunay na ang pag-aasawa “tangi lamang sa Panginoon” ang pinakamabuting desisyon. Determinado ang mga walang asawa na pasayahin ang puso ni Jehova kaya pumipili lang sila ng angkop na mapapangasawa mula sa mga kapananampalataya. Si Michiko na taga-Japan ay kinukumbinsi noon ng mga kamag-anak niya na mag-asawa ng di-Saksi. Bukod pa riyan, nakikita niya na nakakahanap ang ilang kaibigan at kakilala niya ng mapapangasawa sa loob ng kongregasyon. Sinabi niya: “Lagi kong sinasabi sa sarili ko na ‘maligayang Diyos’ si Jehova, kaya puwede rin tayong maging maligaya may asawa man o wala. Naniniwala rin ako na ibinibigay ng Diyos ang kahilingan ng ating puso. Kaya kung hindi pa tayo makahanap ng mapapangasawa kahit gusto na natin, pinakamagandang huwag na lang munang mag-asawa.” (1 Tim. 1:11) Sa bandang huli, nakapag-asawa si Michiko ng isang mahusay na brother, at natutuwa siya na naghintay siya.
May ilang brother din na naghintay para makahanap ng angkop na mapapangasawa. Isa na riyan si Bill na taga-Australia. Inamin niya na nagkagusto siya noon sa mga di-Saksi. Pero iniwasan niyang maging masyadong palakaibigan sa kanila. Bakit? Ayaw niyang simulan ang isang bagay na aakay sa kaniya na “makipamatok nang kabilan” sa isang di-sumasampalataya. Nagkagusto rin siya sa ilang sister, pero ayaw naman nila sa kaniya. Naghintay si Bill nang 30 taon bago siya nakahanap ng sister na talagang kasundo niya. Sinabi ni Bill: “Wala akong pinagsisisihan.” Ipinaliwanag niya: “Talagang pinagpala ako dahil magkasama kami sa ministeryo, sa pag-aaral, at sa pagsamba. Masaya rin ako na makilala at makasama ang mga kaibigan ng asawa ko dahil mga mananamba rin sila ni Jehova. Sinusunod namin ang mga simulain ng Bibliya para maging masaya ang aming pagsasama.”
HABANG NAGHIHINTAY KAY JEHOVA
Ano ang puwede mong gawin habang ipinauubaya mo ang mga bagay-bagay sa maibiging kamay ni Jehova? Isipin mo kung bakit hindi ka pa nag-aasawa. Kung sa tingin mo, iyon ay dahil sinusunod mo ang utos ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon,” dapat kang papurihan. Makatitiyak kang nalulugod si Jehova sa determinasyon mong sundin ang kaniyang Salita. (1 Sam. 15:22; Kaw. 27:11) Laging ‘ibuhos ang iyong puso’ sa Diyos sa panalangin. (Awit 62:8) Magiging mas makabuluhan ang iyong mga panalangin habang marubdob kang nagsusumamo sa kaniya. Patuloy na titibay ang iyong kaugnayan sa Diyos habang matatag kang naninindigan sa kabila ng anumang panggigipit. Makatitiyak ka na ang Kataas-taasan ay interesado sa lahat ng kaniyang tapat na lingkod at na mahalaga ka sa kaniya. Alam niya ang iyong mga pangangailangan at kagustuhan. Hindi siya nangangakong maglaan ng mapapangasawa. Pero kung talagang kailangan mong mag-asawa, alam ng Diyos ang pinakamabuting paraan para mailaan ang iyong pangangailangan.—Awit 145:16; Mat. 6:32.
Maaaring nadarama mo rin kung minsan ang nadama ng salmistang si David, na nagsabi: “O magmadali ka, sagutin mo ako, O Jehova. Ang aking espiritu ay sumapit na sa kawakasan. Huwag mong ikubli sa akin ang iyong mukha.” (Awit 143:5-7, 10) Sa gayong sitwasyon, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong makalangit na Ama na ipakita ang gusto niya para sa iyo. Para magawa iyan, kailangan mong maglaan ng panahon para basahin ang kaniyang Salita at bulay-bulayin ito. Lalalim ang kaalaman mo sa kaniyang mga utos at makikita mo kung paano niya tinulungan noon ang kaniyang mga lingkod. Kung makikinig ka sa kaniya, makikita mong isang katalinuhan na laging sumunod sa kaniya.
Ano pa ang makatutulong para maging masaya at makabuluhan ang iyong buhay? Habang wala ka pang asawa, maaari mong pasulungin ang iyong espirituwal na kaunawaan, linangin ang pagkabukas-palad, kasipagan, kabaitan, at makadiyos na debosyon, at sikaping magkaroon ng mabuting reputasyon—mga bagay na mahalaga sa maligayang pagpapamilya. (Gen. 24:16-21; Ruth 1:16, 17; 2:6, 7, 11; Kaw. 31:10-27) Unahin ang Kaharian sa pamamagitan ng lubos na pakikibahagi sa gawaing pangangaral at iba pang gawaing Kristiyano. Ang paggawa nito ay magiging proteksiyon sa iyo. Ganito ang sinabi ni Bill tungkol sa nagdaang mga taon noong gusto na niyang mag-asawa: “Ang bilis lumipas ng panahon! Ginamit ko iyon sa paglilingkod kay Jehova bilang payunir.”
Oo, praktikal pa rin na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” Kung susundin mo ito, mapararangalan mo si Jehova at makadarama ka ng tunay na kasiyahan. Sinasabi ng Bibliya: “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na sa kaniyang mga utos ay lubha siyang nalulugod. Mahahalagang pag-aari at kayamanan ay nasa kaniyang bahay; at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.” (Awit 112:1, 3) Kaya maging determinadong sundin ang utos ng Diyos na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”
a Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ang pananaw ng mga sister, pero kapit din sa mga brother ang mga simulaing tatalakayin.
b Binago ang ilang pangalan.