Sinong Diyos ang Sasambahin Mo?
DI-TULAD ng mga hayop, tayong mga tao ay may kakayahan na sumamba. Ito ay bahagi ng ating mga sangkap mula sa kapanganakan. Tayo rin ay may sintidong moral, isang budhi na papatnubay sa atin tungkol sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Sa sari-saring paraan lahat tayo ay sumusunod sa budhing iyan, at sa paggawa ng gayon, marami ang nakatingin sa isang diyos o mga diyos para sa patnubay.
Noong nakaraang isa o dalawang siglo, may ilang makasanlibutang marurunong na nagtatwa sa pag-iral ng isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at Manlilikha. Noong 1844, ipinahayag ni Karl Marx na ang relihiyon “ang opyo ng bayan.” Nang malaunan, pinauso naman ni Charles Darwin ang teoriya ng ebolusyon. Nang magkagayo’y dumating ang rebolusyong Bolshevik. Sa Silanganing Europa ang ateismo ang naging opisyal na patakaran ng estado, at sinabing ang relihiyon ay tuluyang lilipas kasama ng salinlahi ng 1917. Subalit ang mga ateistang ito ay walang nagawa upang baguhin ang kaayusan ng pagkalalang sa mga tao. Ito’y pinatutunayan ng muling pagbangon ng relihiyon sa Silanganing Europa sa panahong ito.
Subalit, gaya ng sinasabi ng Bibliya, maraming “tinatawag na ‘mga diyos,’ sa langit man o sa lupa, kung papaanong maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon.’ ” (1 Corinto 8:5) Sa lumipas na mga panahon ang sangkatauhan ay sumamba sa napakaraming diyos. Nariyan ang mga diyos ng pag-aanak, ng pag-ibig, ng digmaan, at ng alak at kalayawan. Sa relihiyong Hindu lamang, milyun-milyon ang bilang ng mga diyos.
Mga trinidad na mga diyos ang umunlad sa Babilonya, Asirya, at Ehipto, pati na rin sa mga lupaing Buddhista. Ang Sangkakristiyanuhan man ay mayroong kaniyang “banal” na Trinidad. Ang Islam, palibhasa’y tumatanggi sa Trinidad, ay “walang diyos kundi si Allah.” Isa pa, maging yaon mang mga taong kumukutya sa ideya ng isang di-nakikita, pinakamakapangyarihang Diyos ay mayroong kanilang sariling mga diyos. Halimbawa, sa Filipos 3:19, sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga taong nasilo ng materyalistikong mga bagay: “Ang kanilang diyos ay ang kanilang tiyan.”
Karamihan ng mga tao ay sumasamba sa diyos o mga diyos ng lupain o lipunan na kung saan sila nagkataon na ipinanganak. Ito’y nagbabangon ng mga tanong. Lahat ba ng anyo ng pagsamba ay patungo sa iisang lugar—tulad ng mga daan na patungo sa itaas ng bundok? O marami ba sa mahiwagang mga daan ng relihiyon ay patungo sa kapahamakan—tulad ng mga landas na patungo sa isang bangin? Mayroon bang maraming tamang paraan ng pagsamba o may iisa lamang? Mayroon bang maraming kapuri-puring mga diyos o iisa lamang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na karapat-dapat sa ating natatanging debosyon at pagsamba?
Ang Pagbangon ng mga Diyus-Diyusan
Ang binanggit na mga katanungan ay karapat-dapat na pakasuriin natin. Bakit? Sapagkat ang pinakamatandang nasusulat na autoridad sa relihiyon, ang Bibliya, ay naglalahad kung papaanong ang isang diyus-diyusan, na gumamit ng isang ahas bilang tagapagsalita, ang humikayat sa ating unang mga ninuno upang mahulog sa kapahamakan. Dinaranas natin ang nakalulungkot na mga resulta ng kaniyang ginamit na pamamaraan hanggang sa araw na ito. (Genesis 3:1-13, 16-19; Awit 51:5) Tinukoy ni Jesus, “na Anak ng Diyos,” ang rebeldeng diyos na iyon bilang “ang pinunò ng sanlibutang ito.” Siya’y tinawag ng isa sa mga apostol ni Jesus bilang “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 1:34; 12:31; 16:11; 2 Corinto 4:4) Sa Apocalipsis kabanata 12, talatang 9, siya’y tinutukoy bilang “ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa.” Isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.
Si Satanas ang pinakapusakal na manlilinlang. (1 Timoteo 2:14) Kaniyang kinakasangkapan ang likas na paghahangad ng tao ng pagsamba sa pamamagitan ng pagtataguyod ng maraming uring diyus-diyusan—espiritu ng mga ninuno, mga idolo, imahen, mga Madonna. Siya pa rin ang pasimuno sa pagsamba sa mga diyus-diyusang tao, tulad halimbawa ng makapangyarihang mga pinunò, mga heneral na mapagtagumpay, at mga bituin sa pelikula at sa isports. (Gawa 12:21-23) Makabubuting tayo’y laging mapagbantay, desidido sa pasiya na hanapin at sambahin ang tanging tunay na Diyos, na talaga namang “hindi malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:27.
Sino, kung gayon, ang natatanging Diyos na ito na dapat nating sambahin? Mga 3,000 taon na ngayon ang lumipas, siya’y tinukoy ng salmista sa Bibliya bilang “ang Kataas-taasan . . . , ang Makapangyarihan-sa-lahat . . . , ang aking Diyos, na aking pagtitiwalaan,” at siya’y tinukoy sa kaniyang maningning na pangalan—“Jehova.” (Awit 91:1, 2) Una pa riyan, tungkol sa kaniya ay sinabi ni Moises: “Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) At ang sinabi ng Diyos mismo ay sinipi ni propeta Isaias sa pagsasabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at hindi ko ibibigay sa kaninuman ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga larawang inanyuan.”—Isaias 42:8.
Nilayon ng Diyos na Jehova na ipagbangong-puri ang kaniyang pangalan laban sa lahat ng upasala na idinungis dito ng diyus-diyusan na si Satanas. Kaniyang ipinaghalimbawa kung papaano niya gagawin ito noong taóng 1513 B.C.E., nang kaniyang gamitin ang kaniyang propetang si Moises upang palayain ang bayang Israel buhat sa paniniil ng mga Ehipsiyo. Noon, ang kaniyang pangalang Jehova ay iniugnay ng Diyos sa mga salitang: “Aking patutunayan kung ano ang aking patutunayan.” (Exodo 3:14, 15) Kaniyang ipagbabangong-puri ang kaniyang sarili laban sa Faraon ng Ehipto, ngunit una muna ay sinabi niya sa balakyot na pinunong iyon: “Dahil dito ay pinamalagi pa kitang buháy, upang maipakilala sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.”—Exodo 9:16.
Nahahawig diyan ang kalagayan sa ngayon. Tulad ng sinaunang Faraon, ang diyos ng sanlibutang ito, si Satanas, ay lumalaban sa Diyos na Jehova at buong-katusuhang gumagawa ng espirituwal na pakikipagbaka sa mga taong umiibig sa katuwiran at katotohanan. (Efeso 6:11, 12, 18) Minsan pa, nilayon ng Diyos na dakilain ang kaniyang pangalan sa harap ng pananalansang ni Satanas. Gayunman, bago ipakita ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpuksa kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mga gawa, ang kaniyang mga mananamba ay sinusugo ni Jehova upang ipakilala sa buong lupa ang Kaniyang pangalan. Ang pagpapatotoong ito sa kaniyang pangalan ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.
Angkop naman, ang Diyos mismo ang nagsabi na ang mga mananambang ito ay magiging kaniyang mga saksi, mga Saksi ni Jehova, “ang bayan na aking binuo para sa aking sarili, upang kanilang ipahayag ang kapurihan ko.” (Isaias 43:10-12, 21) Papaano nila ipinahahayag ang kapurihan ni Jehova? Sila’y nangangaral at nagtuturo sa madla at sa bahay-bahay, inihahayag ang mabuting balita na ang Kaharian ni Jehova, na pinaghaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay magdadala ng walang-hanggang mga kapakanan sa masunuring mga tao sa lupang ito. Sa gayon, kanilang sinasamba ang Diyos nang “walang-lubay,” tulad din ng ginawa ng mga tunay na Kristiyano noong unang siglo. (Gawa 5:42; 20:20, 21) Tinamasa ba nila ang makalangit na pagpapala sa bagay na ito? Ang sumusunod na mga pahina ang sasagot.