BUDHI
Ang salitang ito ay isinalin mula sa Griegong sy·neiʹde·sis, na hinango mula sa syn (kasama) at eiʹde·sis (kaalaman) at sa gayon ay nangangahulugang kasamang-kaalaman, o kaalaman sa sarili. Ang budhi ay isang kakayahan na tingnan ang sarili at humatol tungkol sa sarili, anupat magpatotoo sa sarili. Ganito ipinahahayag ng apostol na si Pablo ang pagkilos ng kaniyang budhi: “Ang aking budhi ang nagpapatotoong kasama ko sa banal na espiritu.”—Ro 9:1.
Ang budhi ay likas sa tao, yamang isinangkap ito ng Diyos sa kaniya. Isa itong panloob na pagkatanto o pagkadama ng tama at mali na nagdadahilan o nag-aakusa sa isa. Samakatuwid, ang budhi ay humahatol. Maaari rin itong sanayin ng mga kaisipan at mga pagkilos, mga pananalig at mga alituntunin na naitatanim sa isip ng tao sa pamamagitan ng pag-aaral at karanasan. Inihahambing ng budhi sa mga bagay na ito ang landasin ng pagkilos na isinasagawa o pinag-iisipan ng isa. Pagkatapos, kapag ang mga alituntunin at ang landasin ay magkasalungat, nagbababala ito, malibang ang budhi ay “manhid” na anupat nawalan na ng pakiramdam dahil sa paulit-ulit na pagwawalang-bahala sa mga babala nito. Ang budhi ay maaaring maging isang kasangkapang nagsasanggalang sa moral, sapagkat nagdudulot ito ng kaluguran o ng kirot kapag ang isa ay gumagawi nang mabuti o nang masama.
Sa pasimula pa lamang ay mayroon nang budhi ang tao. Namalas ito kina Adan at Eva nang labagin nila ang kautusan ng Diyos at magtago sila. (Gen 3:8) Sa Roma 2:14, 15 ay mababasa natin: “Sapagkat kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” Kaya, makikita na kahit mga di-Kristiyano ay mayroon ding mga budhi. Ito’y dahil nagmula ang buong sangkatauhan kina Adan at Eva, na likas na may mga budhi. Maraming batas ng mga bansa ang kasuwato ng budhi ng isang Kristiyano, bagaman maaaring hindi man lamang naimpluwensiyahan ng Kristiyanismo ang mga bansa at mga mambabatas na ito. Ang pag-akay ng kanilang sariling mga budhi ang naging saligan ng mga batas na iyon. Ang lahat ng tao ay nasasangkapan ng budhi, at ito ang sinisikap na antigin ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng kanilang landasin sa buhay at pangangaral.—2Co 4:2.
Ang budhi ay dapat na naturuan; kung hindi, maaari nitong mailigaw ang isa. Hindi ito magsisilbing isang maaasahang gabay kung hindi ito sinanay sa wastong mga pamantayan, ayon sa katotohanan. Ang pagsulong nito ay maaaring may-kamaliang maimpluwensiyahan ng kapaligiran, mga kaugalian, pagsamba, at mga kinagawian sa isang lugar. Maaari nitong hatulan ang mga bagay-bagay bilang tama o mali batay sa di-wastong mga pamantayan o mga simulain na ito. Ang isang halimbawa nito ay ipinakikita sa Juan 16:2, kung saan inihula ni Jesus na papatayin pa nga ng mga tao ang mga lingkod ng Diyos, sa pag-aakalang naglilingkod sila sa Kaniya. Aktuwal na humayo si Saul (nang maglaon ay naging si Pablo na apostol) taglay ang layuning paslangin ang mga alagad ni Kristo, anupat naniniwalang masigasig niyang pinaglilingkuran ang Diyos. (Gaw 9:1; Gal 1:13-16) Ang mga Judio ay lubhang nailigaw tungo sa paglaban sa Diyos dahil sa kawalan nila ng pagpapahalaga sa Salita ng Diyos. (Ro 10:2, 3; Os 4:1-3; Gaw 5:39, 40) Tanging ang isang budhi na wastong sinanay sa Salita ng Diyos ang may-katumpakang makasusuri at lubos na makapagtutuwid ng mga bagay-bagay sa buhay. (2Ti 3:16; Heb 4:12) Ang isang Kristiyano ay dapat magkaroon ng isang matatag at wastong pamantayan—pamantayan ng Diyos.
Mabuting Budhi. Kapag lumalapit kay Jehova, ang isa ay dapat na may isang nilinis na budhi. (Heb 10:22) Sa lahat ng bagay, dapat na laging sikapin ng isang Kristiyano na magkaroon ng matapat na budhi. (Heb 13:18) Nang sabihin ni Pablo: “Patuluyan kong sinasanay ang aking sarili na magkaroon ng kamalayan na huwag makagawa ng anumang kasalanan laban sa Diyos at sa mga tao” (Gaw 24:16), ang ibig niyang sabihin ay na patuluyan niyang iginigiya at itinutuwid ang kaniyang landasin sa buhay ayon sa Salita ng Diyos at sa mga turo ni Kristo, sapagkat alam niya na sa dakong huli, ang Diyos, at hindi ang kaniyang sariling budhi, ang magiging pangwakas na hukom niya. (1Co 4:4) Ang pagsunod sa isang budhing sinanay sa Bibliya ay maaaring magbunga ng pag-uusig, ngunit buong-kaaliwang nagpapayo si Pedro: “Sapagkat kung ang sinuman, dahil sa budhi ukol sa Diyos, ay nagtitiis sa ilalim ng mga bagay na nakapipighati at nagdurusa nang di-makatarungan, ito ay kaayaayang bagay.” (1Pe 2:19) Ang isang Kristiyano ay dapat na ‘magtaglay ng isang mabuting budhi’ sa harap ng pagsalansang.—1Pe 3:16.
Hindi mapasasakdal ng Kautusan at ng kalakip nitong mga paghahain ng hayop ang isang tao may kinalaman sa kaniyang budhi sa punto na maituturing niyang malaya na siya sa pagkakasala; gayunman, sa pamamagitan ng pagkakapit ng pantubos ni Kristo doon sa mga may pananampalataya, maaaring luminis ang budhi ng isang tao. (Heb 9:9, 14) Ipinahihiwatig ni Pedro na yaong mga tumatanggap ng pagliligtas ay kailangang magtaglay ng mabuti, malinis at matuwid na budhing ito.—1Pe 3:21.
Konsiderasyon sa Budhi ng Iba. Yamang ang isang budhi ay kailangang lubos at may-katumpakang sinanay sa Salita ng Diyos upang makagawa ito ng wastong mga pagsusuri, ang isang budhi na hindi sinanay ay maaaring maging mahina. Samakatuwid nga, maaaring madali at may-kamangmangan itong nasusupil, o maaaring masaktan ang isang tao sa ikinikilos o sinasabi ng iba, kahit sa mga pagkakataong wala namang masamang ginagawa ang mga iyon. Nagbigay si Pablo ng mga halimbawa nito may kaugnayan sa pagkain, pag-inom, at sa paghatol sa ilang araw bilang nakahihigit sa iba. (Ro 14:1-23; 1Co 8:1-13) Ang isang Kristiyano na may kaalaman at may budhing sinanay ay inuutusan na maging makonsiderasyon at mapagparaya sa isa na may mahinang budhi, anupat hindi ginagamit ang kaniyang buong kalayaan o iginigiit ang lahat ng kaniyang personal na “mga karapatan” o laging ginagawa ang kaniyang kinalulugdan. (Ro 15:1) Ang isa na sumusugat sa mahinang budhi ng kapuwa Kristiyano ay ‘nagkakasala laban kay Kristo.’ (1Co 8:12) Sa kabilang dako, ipinahihiwatig ni Pablo na samantalang hindi niya nanaising gumawa ng bagay na makasasakit sa mahinang kapatid, anupat dahil dito ay hahatulan nito si Pablo, dapat din namang isaalang-alang ng mahina ang kaniyang kapatid at magsikap na maging may-gulang sa pamamagitan ng pagkuha ng higit na kaalaman at pagsasanay upang hindi madaling masaktan ang kaniyang budhi, anupat magiging masama ang tingin niya sa iba.—1Co 10:29, 30; Ro 14:10.
Masamang Budhi. Kapag ang budhi ay labis na inabuso, hindi na ito nananatiling malinis at sensitibo. Kapag nangyari iyon, hindi na ito makapagbababala o makapagbibigay ng mabuting patnubay. (Tit 1:15) Dahil dito, ang paggawi ng tao ay pananaigan na ng takot na mahantad at maparusahan at hindi dahil sa isang mabuting budhi. (Ro 13:5) Ipinahihiwatig ng pagtukoy ni Pablo sa budhing natatakan na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal na magiging gaya ito ng nasunog na laman na nabalot ng pilat at wala nang mga dulo ng nerbiyo at dahil dito ay wala nang pakiramdam. (1Ti 4:2) Ang mga taong may gayong budhi ay hindi nakadarama ng tama o mali. Hindi nila pinahahalagahan ang kalayaan na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos at, palibhasa’y mapaghimagsik, nagiging mga alipin sila ng masamang budhi. Madaling madungisan ang budhi ng isa. Ang dapat na tunguhin ng isang Kristiyano ay gaya ng ipinakikita sa Gawa 23:1: “Mga kapatid, ako ay gumawi sa harap ng Diyos taglay ang budhing ganap na malinis hanggang sa araw na ito.”