Ang Pasko—Ito ba ang Paraan ng Pagtanggap kay Jesus?
ANG kapanganakan ng Tagapagligtas, ang matagal nang hinihintay na Mesiyas, ay tunay na isang panahon ng kagalakan. “Narito!” ang pagbabalita ng isang anghel sa mga pastol sa karatig na mga lugar ng Bethlehem, “Aking inihahayag sa inyo ang mabuting balita na isang malaking kagalakan sa lahat ng mga tao, sapagkat may ipinanganak sa inyo sa ngayon na isang Tagapagligtas, na Kristong Panginoon.” Isang karamihan ng mga anghel ang nakisali, na pumupuri sa Diyos: “Kaluwalhatian sa kataas-taasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabuting loob.” (Lucas 2:10-14) Marahil ay sasabihin ng iba na dapat tularan ng mga Kristiyano ang mga anghel sa pagpapahayag ng kagalakan sa pagparito noon ni Kristo sa lupa.
Hindi ito ang unang pag-uulat ng Bibliya tungkol sa mga anghel na bumubulalas ng pag-awit ng papuri. Nang ilatag ang pundasyon ng lupa, “ang mga tala sa umaga ay may kagalakang nagsiawit na magkakasama, at lahat ng mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:4-7) Ang eksaktong petsa ng pangyayaring ito ay hindi iniuulat ng Bibliya. (Genesis 1:1, 14-18) Gaano man kasaya ang okasyong iyon, ang mga Kristiyano ay hindi nangangatuwiran na dahilan sa kagalakan ng mga anghel, sila’y dapat magdiwang sa taun-taon ng anibersaryo ng pagkalalang sa lupa at marahil ay magtatag ng isang paganong kapistahan upang alalahanin ang okasyon.
Subalit iyang-iyan ang ginagawa sa kapanganakan ni Jesu-Kristo ng mga taong nagdiriwang ng Pasko. Kung tutunghayan ang anumang pinakamapanghahawakang ensayklopedia sa ilalim ng pamagat na “Pasko” ay makikita na ang petsa ng kapanganakan ni Jesus ay hindi nasasabi. Ang Bibliya ay walang sinasabi kung tungkol sa petsang iyan.
“Kung ang Trumpeta ay Tumutunog Nang Walang Katiyakan”
“Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan,” isinulat ni apostol Pablo, sa pagtutuwid ng kaguluhan ng kongregasyon sa sinaunang Corinto. Sa konteksto ring iyan, nagtanong siya: “Kung ang trumpeta ay tumutunog nang walang katiyakan, sino ang hahanda para sa pakikibaka?” (1 Corinto 14:8, 33) Ngayon, kung ang hangarin ng isang Diyos na may kaayusan ay ipagdiwang ng mga Kristiyano ang kapanganakan sa lupa ng kaniyang Anak, sa di-sakdal na mga tao ba ipababahala Niya ang pagpili ng isang petsa buhat sa paganong mga kapistahan at susundin ang mga likong gawain?
Ang pagsusuri sa ilang mga halimbawa sa Bibliya ang nagbibigay-linaw sa bagay na hindi ganiyan ang pakikitungo ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan. Nang kaniyang iutos sa mga Israelita na gumanap ng taunang mga pagdiriwang na hinihiling ng Kautusang Mosaiko, ang Diyos ay nagtakda ng espesipikong mga petsa at sinabihan sila kung paano gaganapin ang mga kapistahang iyon. (Exodo 23:14-17; Levitico 23:34-43) Si Jesu-Kristo, bagama’t hindi iniutos na alalahanin ang kaniyang kapanganakan, ay nag-utos sa kaniyang mga tagasunod na ganapin ang isang pagdiriwang sa isang espesipikong petsa. “Nang gabi na siya ay ipagkakanulo,” Nisan 14, 33 C.E., itinatag ni Jesus ang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, na ginagamit ang tinapay na walang lebadura at ang alak. Kaniyang iniutos: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” (1 Corinto 11:23, 24) Ang tunog ng trumpeta na nagsasabi kung kailan at kung papaano gaganapin ang Hapunan ng Panginoon ay malinaw at di-magpakakamalan. Kung gayon ay kumusta naman ang Pasko? Saanman sa Bibliya ay hindi tayo makakakita ng anumang utos na ipagdiwang ang kapanganakan ni Kristo, ni sinasabi man nito sa atin kung kailan o papaano.
‘Upang Maakit ang mga Tao’
“Oh, siempre alam ko na ang Pasko ay nagmula sa mga pagano,” ang sabi ng isang klerigo sa isang Zion Church sa Tokyo, “ngunit habang ang karaniwang mga tao ay interesado sa pagka-Kristiyano kung Disyembre 25 at naparirito upang matutuhan ang mga turo ng Kagalang-galang na si Jesus, ang Pasko ay may kaniyang dako sa pagka-Kristiyano.” Marami ang sumasang-ayon sa kaniyang pangangatuwiran. Ikaw ba’y naniniwala na ang paggawa ng gayong mga pagkompromiso ay tama?
Ang iba’y nangangatuwiran na maging si Pablo raw ay nakipagkompromiso upang makaakit ng mga mananampalataya. “Ang aking sarili ay ginagawa kong alipin ng lahat,” ang kaniyang isinulat, “upang makaakit ng maraming mga tao hangga’t maaari . . . Kapag gumagawa sa gitna ng mga Gentil, ako’y namumuhay na gaya ng isang Gentil, sa labas ng Kautusang Judio, upang makaakit ng mga Gentil. . . . Lahat na ito ay ginagawa ko alang-alang sa ebanghelyo, upang makabahagi sa mga pagpapala nito.” (1 Corinto 9:19-23, Today’s English Version) Ang mga salita bang ito ay nagbibigay-matuwid sa pagdiriwang ng isang kapistahang pagano upang makaakit ng mga Gentil sa pagka-Kristiyano?
Maingat na isaalang-alang ang konteksto ng pangungusap ni Pablo. Sa 1Cor 9 talatang 21, sinabi niya: “Ito’y hindi nangangahulugan na hindi ako sumusunod sa kautusan ng Diyos; ako’y tunay na nasa ilalim ng kautusan ni Kristo.” (TEV) Kaya hindi siya kumompromiso sa mga bagay na labag sa kautusan ni Kristo, kundi siya’y ‘namuhay na tulad ng isang Gentil’ sa pamamagitan ng paggalang sa lokal na mga kaugalian at mga nakasanayan na habang ang mga ito ay hindi naman laban sa mga kautusang Kristiyano.a
Samantalang isinasaisip ito, pag-isipan kung papaanong ang paglalakip ng paganong mga kapistahan sa “pagka-Kristiyano” sa ilalim ng pangalang Pasko ay mamalasin sa liwanag ng sumusunod na utos ng Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuwan? . . . O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya? . . . ‘Kaya nga magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay’; ‘at kayo’y aking tatanggapin.’ ” (2 Corinto 6:14-17) Anuman ang iharap na mga pagdadahilan, ang paghahalo ng pagka-Kristiyano at ng paganong mga kapistahan ay hindi isang paraan ng pagtanggap kay Jesus bilang isang Tagapagligtas. Ito’y hindi angkop noong unang siglo na pumarito si Jesus bilang isang tao, at hindi rin naman angkop ngayon o sa hinaharap, sa pagparito ni Kristo bilang Hari na magsasakatuparan ng mga hatol ng Diyos. (Apocalipsis 19:11-16) Ang totoo, ang mga taong nagdiriwang ng paganong mga kapistahan sa likod ng maskarang “Kristiyano” ay nagtatatwa kay Jesu-Kristo.
Ang “Nagtagong mga Kristiyano” ay Hindi Napabalik
Magkaroon ng aral sa nangyari sa mga Katoliko sa Hapón noong panahon ng mga shogun. Nang simulan ang pagsupil sa Katolisismo noong 1614, mga 300,000 Katolikong Hapones ang may tatlong pagpipilian: maging mga martir, itakwil ang kanilang pananampalataya, o gumawang palihim. Ang mga gumawang palihim ay tinawag na nagtagong mga Kristiyano. Upang mailihim ang kanilang pananampalataya, sila’y umayon sa sarisaring mga kaugaliang Buddhista at Shintoista. Sa kanilang liturhiya, kanilang ginamit si Maria Kannon, na ito’y si Maria na nag-anyong isang Buddhistang bodhisattva sa anyo ng isang inang may kalong na sanggol. Sa kanilang mga kapistahan ay pinaghalu-halo ang Buddhismo, Katolisismo, at mga kaugalian ng relihiyong katutubo. Subalit, nang puwersahin na dumalo sa mga libing na Buddhista, sila’y kumanta ng mga dasal na Kristiyano at gumanap ng mga modoshi, isang seremonya na nagpapawalang-bisa sa serbisyong Buddhista. Ano ba ang nangyari sa mga “Kristiyanong” iyon?
“Kung para sa karamihan ng mga Kirishitans [Kristiyano],” paliwanag ng aklat na The Hidden Christians, “sila’y tinubuan ng relihiyosong kaugnayan sa mga ito na anupa’t mahirap na iwanan ang pagsamba sa mga diyos ng Shinto at Buddhismo.” Nang iurong na ang pagbabawal at ang mga misyonerong Katoliko ay bumalik sa Hapón, karamihan ng “nagtagong mga Kristiyano” na iyon ay kumapit nang mahigpit sa kanilang uri ng pinaghalong relihiyon.
Subalit, may katuwiran bang pintasan ng Iglesiya Katolika ang “nagtagong mga Kristiyano” na tumangging mapabalik sa Romanong Katolisismo? Ang Iglesiya Katolika ay sumunod din sa maraming mga turo at mga kapistahang pagano, kasali na ang Pasko. Kung ang mga Katoliko at mga Prostestante, bagaman nag-aangkin na mga Kristiyano, ay hinaluan ng paganong kapistahan ang kanilang “pagka-Kristiyano,” hindi baga itinatakwil din nila si Jesu-Kristo?
Napabalik sa Tunay na Pagka-Kristiyano
Sa wakas ay ganiyan nga ang natanto ni Setsuko, isang saradong Katoliko sa loob ng 36 na taon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sinikap niyang mapasauli ang kaniyang espirituwalidad sa pamamagitan ng pakikiugnay sa simbahang Katoliko. ‘Tunay na kasiya-siya!’ ang sumilid sa kaniyang isip sa kaniyang pakikinig ng Misa sa Pasko at pagmamasid sa mararangyang mga Christmas tree sa loob at labas ng kaniyang simbahan. “Naipagmalaki ko ang aming magagandang dekorasyon, na nakauulos sa taglay ng karatig na mga simbahan,” aniya. Datapuwat, sa totoo ay walang unawa si Setsuko sa mga turong Katoliko, bagaman sandaling nagturo pa siya ng Sunday school. Kaya nang ibig niyang siya’y lalong maging aktibo sa gawain ng simbahan, ang kaniyang pari ay tinanong niya ng ilang katanungan. Imbes na sagutin ang kaniyang mga tanong, siya’y hinamak ng pari. Palibhasa’y nasiraan ng loob, kaniyang ipinasiya na siya na mismo ang mag-aral ng Bibliya. Makalipas ang dalawang linggo, dinalaw siya ng mga Saksi ni Jehova, at pumayag naman siya na aralan ng Bibliya sa tahanan.
Ganito ang paliwanag niya: “Masaklap na mapaharap ka sa mga katotohanan ng Bibliya na nagbubuwal sa aking dating mga paniniwala. Nagkasakit pa nga ako ng alopecia neurotica, ang pagkalugas ng buhok dahil sa aking pagkabalisa. Subalit, unti-unti na ang liwanag ng katotohanan ay sumikat sa aking puso. Ako’y takang-taka na malaman na imposibleng ipanganak si Jesus sa isang maginaw, maulang Disyembre, na ang mga pastol ay hindi maaaring mag-alaga ng kanilang mga tupa sa labas kung gabi. (Lucas 2:8-12) Winasak nito ang aking pagkakilala sa kapanganakan ni Jesus, sapagkat ang ginagamit namin noon ay bola na may halong balahibo ng tupa upang magsilbing niyebe sa dekorasyon ng tanawin ng mga tupa at mga pastol.”
Pagkatapos na kumbinsihin ang kaniyang sarili kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya, ipinasiya ni Setsuko na huminto na ng pagdiriwang ng Pasko. Wala na sa kaniya ang “espiritu ng Pasko” minsan isang taon kundi ang nakikita sa kaniya ay ang espiritu ng masayang pagbibigay araw-araw bilang isang Kristiyano.
Kung taimtim na naniniwala ka kay Kristo, huwag kang mayayamot pagka nakita mong ang Pasko ay dinurungisan ng mga pagano. Kanilang inuulit lamang ang sa mula’t sapol ay—isang kapistahang pagano. Ang Pasko ay hindi umaakay sa kaninuman na tanggapin si Jesu-Kristo, na nagbalik na nang di-nakikita bilang isang makalangit na Hari. (Mateo, kabanata 24 at 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Bagkus, ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapakita ng isang tulad-Kristong espiritu sa buong santaon, at kanilang inihahayag ang mabuting balita ng Kaharian, na dito naging Hari na si Jesus. Ganiyan ang ibig ng Diyos na paraan nang pagtangggap natin kay Jesu-Kristo bilang ating Tagapagligtas at Hari ng Kaharian.—Awit 2:6-12.
[Talababa]
a Paghambingin ang dalawang paraan tungkol sa pagtugon ni Pablo sa isyu ng pagtutuli. Bagaman batid niya na “ang pagtutuli ay walang anuman,” kaniyang tinuli ang kaniyang kasama sa paglalakbay na si Timoteo, na isang Judio dahil sa kaniyang ina. (1 Corinto 7:19; Gawa 16:3) Tungkol naman kay Tito, iniwasan ni apostol Pablo ang pagpapatuli sa kaniya bilang mapanghahawakang simulain sa pagbaka sa mga tagapagtaguyod ng Judaismo. (Galacia 2:3) Si Tito ay isang Griego kaya, di-gaya ni Timoteo, wala siyang lehitimong dahilan na patuli. Kung siya, na isang Gentil, ay patutuli, ‘magiging walang kabuluhan sa kaniya si Kristo.’—Galacia 5:2-4.
[Larawan sa pahina 7]
Ang tunay na mga Kristiyano ay nagpaparangal kay Jesus sa buong santaon