Gawin ang Lahat ng Bagay Alang-alang sa Mabuting Balita
“Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maipamahagi ko naman ito sa iba.”—1 CORINTO 9:23.
1. Anong kalagayan ang dinaranas nating lahat, ngunit para sa ano naglaan ang Diyos ng saligan?
BAGAMAN tayo’y nagkakaiba-iba sa isa’t isa sa sarisaring paraan, lahat tayo ay dumaranas ng iisang kalagayan. Dahilan sa minana kay Adan, lahat tayo ay ipinanganak na mga makasalanan na hiwalay sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova. (Roma 5:12; Colosas 1:21) Gaya ng isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Samakatuwid, para sa kaligtasan ang mga tao ng bawat lahi at bansa ay kailangang makipagkasundo sa Diyos. At anong laki ng ating pasasalamat na, dahil sa walang-kapantay na pag-ibig at awa, si Jehova ay naglaan ng saligan para sa pakikipagkasundo sa kaniya!
2. (a) Anong ministeryo ang ipinagkatiwala sa pinahirang mga Kristiyano? (b) Sa kaninong halimbawa tayo may matututuhan, at bakit? (1 Corinto 11:1)
2 Labinsiyam na siglo na ngayon ang lumipas, ang pinahirang mga Saksi ni Jehova ay pinagkatiwalaan ng “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Sinabi ni Pablo: “Bilang mga kumakatawan kay Kristo ay nakikiusap kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2 Corinto 5:18-20) Ano ba ang saloobin ng apostol sa pagganap sa kaniyang ministeryo? “Bagaman ako ay malaya sa lahat ng tao,” sinabi niya, “ako’y napaalipin sa lahat, upang makahikayat ako ng pinakamaraming tao.” (1 Corinto 9:19) Di-mapag-aalinlanganan, si Pablo ay gumawa ng taimtim na pagsisikap na iharap ang kaniyang mensahe sa epektibong paraan, sapagkat sinabi rin niya: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maipamahagi ko naman ito sa iba.” (1 Corinto 9:23) Kung gayon, ano ang maaari nating matutuhan sa halimbawa ni Pablo?
Pagtulong sa Mapagpakumbabang mga Judio
3. Papaano ipinakita ang pagsang-ayon ni Pablo na gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita may kaugnayan kay Timoteo at sa mga Judio?
3 Dahil sa si Pablo’y isang Judio at handa siyang gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita kung kaya siya’y nasangkapan na tumulong sa mapagpakumbabang mga Judio upang tanggapin si Jesus bilang ang Mesiyas. Halimbawa, isaalang-alang ang ginawa ng apostol nang kaniyang piliin si Timoteo bilang kaniyang kasama sa kaniyang paglalakbay. Si Timoteo, na ang ama’y isang Griego, ay hindi natuli na gaya ng mga batang lalaking Judio. (Levitico 12:2, 3) Batid ni Pablo na baka matisod ang mga Judio kung isang di-tuling binata ang tutulong sa kanila upang sila’y maipagkasundo sa Diyos. Kung gayon, upang ang tapat-pusong mga Judio ay huwag mahadlangan sa pagtanggap kay Jesus, ano ba ang ginawa ni Pablo? Kaniyang “dinala [si Timoteo] at tinuli siya nang dahil sa mga Judio.” Ito’y ginawa bagaman ang pagtutuli ay hindi isang kahilingang Kristiyano.—Gawa 16:1-3.
4. Sang-ayon sa 1 Corinto 9:20, ano ang layunin ni Pablo?
4 Kaya naman noon ay ginagawa ni Pablo ang mga bagay-bagay alang-alang sa mabuting balita nang siya’y magpahayag ng maibiging pagkabahala ukol sa kaniyang mga kapuwa Judio. Siya’y sumulat: “Sa mga Judio ako’y naging tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.” (1 Corinto 9:20) Oo, tulad ng ipinaghalimbawa sa kaso ni Timoteo, ginawa ni Pablo ang kaniyang magagawa upang mahikayat ang mga Judio, na tinulungan sila na maging mga Kristiyano. Subalit ganoon din kaya ang pakikitungo niya sa mga Gentil?
Pagsisikap na Mahikayat ang mga Gentil
5. Kanino nangaral si Pablo sa Corinto, at ano ang resulta?
5 Pagkatapos na dumating si Pablo sa lunsod ng Corinto noong mga bandang taglagas ng 50 C.E., siya’y nagbigay ng mga lingguhang pahayag sa sinagoga sa mga tagapakinig na mga Judio at mga Griegong nakumberte sa pananampalatayang Judio. Subalit ang kaniyang masigasig na pangangaral ay nagbangon ng malaking pananalansang kung kaya’t sinabi niya sa kaniyang mga kalaban: “Ang inyong dugo’y sumainyong sariling mga ulo. Ako’y malinis. Buhat ngayo’y paroroon ako sa mga tao ng mga bansa.” Ang ganitong pagkilos ay pinagpala ni Jehova, sapagkat “marami sa mga taga-Corinto na nakapakinig ay nagsimulang manampalataya at napabautismo” bilang mga Kristiyano. Totoo naman, sa isang pangitain, ipinayo ng Panginoon kay Pablo na magpatuloy sa gayong atas, at ang sabi sa kaniya: “Makapal ang mga tauhan ko sa lunsod na ito.”—Gawa 18:1-10.
6. Ano ang nag-udyok kay Pablo na maging interesado sa mga tao na ang lahi at mga karanasan ay naiiba sa kaniya?
6 Ang tunay na hangarin ni Pablo na makahikayat ng mga makukumberteng Gentil sa pagka-Kristiyano ang nag-udyok sa kaniya na maging interesado rin sa mga tao na ibang-iba sa kaniya ang lahi at mga karanasan. “Sa mga walang kautusan [ang mga Gentil] ako ay tulad sa walang kautusan, bagaman hindi ako walang kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Kristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.” (1 Corinto 9:21) Papaano sinikap ng apostol na makahikayat ng mga Gentil?
7. Tungkol sa pagtutuli, bakit ang katayuan ni Tito ay naiiba kaysa kay Timoteo?
7 Nang si Pablo’y pumaroon sa Jerusalem mga 49 C.E. upang dumalo sa mahalagang pulong ng lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano, kasama niya ang alagad na Griegong si Tito. Sa nagkakatipong mga kapatid, si Pablo ay nag-ulat tungkol sa kaniyang gawaing pangangaral sa gitna ng mga tao ng mga bansa, at nang malauna’y isinulat niya: “Maging si Tito man, na kasama ko, bagaman Griego, ay hindi napilit na patuli.” (Galacia 2:1-3) Hindi tulad ni Timoteo, ang ministeryo ni Tito ay ginanap niya lalung-lalo na sa gitna ng di-tuling mga tao ng mga bansa. Kung gayon, ang isyu ng pagtutuli ay hindi naging suliranin sa kaniya.—2 Corinto 8:6, 16-18, 23; 12:18; Tito 1:4, 5.
8. Papaano nagpatotoo si Pablo sa Atenas?
8 Sa pagpapatotoo sa Atenas, muling ipinakilala ni Pablo na ginawa niya ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita. Kaniyang isinaalang-alang ang kaisipan ng mga tao sa kabiserang iyon ng Gresya, kaya kaniyang sinabi sa kanila ang tungkol sa Diyos na hindi nila kilala at kaniyang sinipi ang kanilang mga makatang sina Aratus at Cleanthes, na nagsabi: “Sapagkat tayo man ay kaniyang lahi.” Sinikap ng apostol na tulungan ang kaniyang mga tagapakinig upang maunawaan na “hindi marapat na isipin natin na ang Banal na Diyos ay . . . katulad ng isang bagay na nililok ng sining at pakana ng tao.” At, si Pablo’y nangatuwiran: “Pinalipas na nga ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam, gayunman ngayon ay sinasabihan niya ang sangkatauhan na magsisi silang lahat sa lahat ng dako.” Kaniyang epektibong inakay ang pansin tungo sa “Panginoon ng langit at lupa,” si Jehova. At ano ang resulta? “May ilang mga tao na nagsisama sa kaniya at nagsisampalataya.” (Gawa 17:22-34) Oo, nagtagumpay ang mga pamamaraan ni Pablo!
9. Papaanong si Pablo’y naging ‘mahina sa mahihina,’ at bakit?
9 “Sa mahihina ako’y naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina,” ang sabi ni Pablo. (1 Corinto 9:22a) Bagaman ang kaniyang pangungusap ay matindi, isinaalang-alang ng apostol ang mahihinang budhi ng ilang mga Judio at Gentil sa kongregasyon. Kaniyang ipinayo sa mga Kristiyanong Romano: “Ang taong may mga kahinaan sa kaniyang pananampalataya ay tanggapin ninyo, ngunit hindi upang pagtalunan ang kaniyang pag-aalinlangan.” Sa halip na humatol, sinabi ni Pablo: “Sundin natin ang mga bagay na nagdadala ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:1, 13, 19) Siya’y nagpayo: “Tayo ngang malalakas ay dapat na magbata ng kahinaan ng mahihina, at hindi ang ating sarili ang palugdan natin.” (Roma 15:1) Siya’y palaisip sa kaniyang obligasyon na ibagay ang kaniyang paraan ng pagsasalita at pagkilos upang tulungan ang iba, kaya’t sumulat siya: “Nakibagay ako sa lahat ng uring mga tao.”—1 Corinto 9:22b; Galacia 3:28.
Pabutihin Pa ang Iyong Pagkadalubhasang Mangaral
10. Papaano matutularan natin sa ngayon si Pablo?
10 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay kailangang tumulad kay Pablo gaya ng kaniyang pagtulad kay Kristo. (1 Corinto 11:1) Ang apostol ay isang dalubhasang mangangaral na may espiritu ng pagmimisyonero. Tayo’y maaari ring tumulad sa kaniya, bagaman ang ating mga kalagayan ay baka hindi nagpapahintulot na tayo’y maglingkod sa ibang bansa. Katulad ni Pablo, kailangang ‘gawin natin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita upang maipamahagi natin ito sa iba.’ (1 Corinto 9:23) Subalit ano ba ang makapagpapabuti pa sa ating pagkadalubhasa bilang mga mangangaral ng Kaharian at mga manggagawa ng alagad?—Mateo 28:19, 20.
11. Bilang isang ministro, bakit kailangang pasulungin ang iyong kakayahang magmasid?
11 Magsikap na mapasulong ang iyong kakayahang magmasid. Sa pagiging mapagmasid, malaki ang matututuhan mo na tutulong sa iyo na maibagay ang iyong paghaharap ng mabuting balita sa bawat maybahay. Halimbawa, kung dito ka sa lunsod nagpapatotoo, magmasid ka sa mga kandado sa pinto, sa mga dekorasyong relihiyoso, at sa mga salawikain na nakapaskil sa mga bintana. Ang mga bagay na ito ay makatutulong sa iyo sa pagpapatotoo na maaaring makaantig sa puso ng mga taong naninirahan sa gayong mga tahanan. Tiyak na si Pablo ay mapagmasid. Sa Atenas ay ginamit niya ang isang dambana “Sa Isang Di-Kilalang Diyos” bilang isang sangkap ng kaniyang mahusay na pagpapatotoo tungkol sa “Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng bagay na narito.” (Gawa 17:22-25) Ikaw man ay makagagawa rin ng katulad na mga bagay sa iyong ministeryo.
12. Sa ating ministeryo, anong bahagi ang ginagampanan ng pagkamaunawain?
12 Maging maunawain sa ministeryo. Huwag masisiraan ng loob kung ang isang tao’y medyo nag-aatubiling magbukás ng pinto at makipag-usap sa iyo. Sa halip na ikaw ay umalis agad dahil sa ang kaharap mo’y isang taong mabalasik ang mukha, magpakita ka ng kabaitan at pagkamaunawain. Sikaping ibagay ang iyong patotoo sa mga kalagayang kaharap mo. Kalakip ng maikling panalangin, baka makapagsalita ka ng isang bagay na makababagbag ng puso ng taong iyon.—Ihambing ang Nehemias 2:4-6.
13. Sa ating pagpapatotoo, papaano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon?
13 Maging makonsiderasyon. Sa bagay na ito, sarisari ang magagawa alang-alang sa mabuting balita. Halimbawa, dahil sa pagiging makonsiderasyon ay hindi mo papayagang ang mga matatanda na o mga maysakit ay tumayo roon sa pintuan nang napakatagal. Maaaring imungkahi mo na puwede mo namang kausapin sila sa loob ng bahay, na kung saan medyo magiginhawahan sila. O dili kaya makapagpapasiya ka na sa ilalim ng gayong kalagayan ay makabubuting paikliin ang iyong pagdalaw. Ano man iyon, maging makonsiderasyon ka. Ipakita na ikaw ay nagmamalasakit!—Mateo 9:35, 36.
14. Sa pagpapatotoo, papaano natin magiging kapalagayang-loob ang ating mga tagapakinig?
14 Magsalita ka sa paraan na magiging kapalagayang-loob mo ang iyong mga tagapakinig. Simulan mo ang iyong pagpapatotoo sa pamamagitan ng isang palakaibigang pagbati na ginagamit sa lugar na iyon. (Mateo 10:12) Isaalang-alang ang posibleng maging mga pangamba at mga maling akala. Maging magalang ka at isang tunay na kaibigan sa iyong pagsasalita. Ito’y tutulong upang mapanatag ang mga maybahay sa kaisipan na naroroon ka upang tumulong at wala kang masasamang motibo.
15. Bakit kailangang magbigay ng sapat na impormasyon tungkol sa iyong sarili at sa dahilan ng iyong pagdalaw sa tahanan?
15 Kailangang malaman ng mga maybahay kung sino ang dumadalaw sa kanila at kung bakit. Kung gayon, kailangang magbigay ng sapat na impormasyon tungkol sa iyong sarili. Sa mga ilang lugar, lalo na sa Aprika at Asia, ang mga tao ay totoong interesado sa mga bisita kung kaya sila’y sabik na makakuha ng kasagutan sa mga tanong na gaya ng: Sino ka? Saan ka nakatira? Ikaw ba’y may-asawa? Ikaw ba’y may pamilya? Upang makaragdag ng kaluguran sa okasyong iyon, hinihiling ng kaugalian na sagutin mo ang mga katanungang ito bago ipaliwanag ang layunin ng iyong pagdalaw. Huwag mong ituring na ang gayong mga pagbati ay di-kinakailangan, kundi gamitin mo ang panahon upang magmasid sa taong iyon at makapagtatag ng magalang na pakikipag-ugnayan sa kaniya.
16. Papaanong ang mabubuting tanong ay makatutulong upang manatiling may pakikipagtalastasan ka sa maybahay?
16 Gumamit ng mabubuting tanong upang manatiling may pakikipagtalastasan ka sa maybahay. Bagaman ang mukha ng isang tao’y maaaring nagbabadya ng isang bagay, ang kaniyang mga kaisipan at damdamin ay kailangang maunawaan. Sa bagay na iyan, maaari kang may kasanayang gumamit ng mga tanong upang mag-udyok sa maybahay na ipahayag ang kaniyang mga kuru-kuro at damdamin. Bilang halimbawa: Isang ginang na walang anak na nagbigay ng malaking panahon sa mga hayop ang nagsabi ng ganito tungkol sa pagdalaw ng isang Saksi: “Ang natatandaan ko tungkol sa kaniyang nakangiting mukha ay ang kapayapaan. Napukaw ang aking pananabik. Tinanong sa akin ng babaing ito kung ano ang lubhang nakababahala sa akin tungkol sa mga kalagayan sa lupa. Sinabi kong ako’y nababalisa tungkol sa paraan ng pakikitungo ng tao sa mga hayop, at kaniyang ipinakita sa akin ang Isaias 11:6-9 tungkol sa mga hayop na mamumuhay sa tunay na kapayapaan. Ibig kong makaalam nang higit pa.”
17. Bakit dapat maging alisto ka sa mga komento na ibibigay ng maybahay tungkol sa kaniyang kalagayan?
17 Maging alisto sa mga komento na ibibigay ng maybahay tungkol sa kaniyang kalagayan, lalo na sa teritoryo na malimit magawa. Sa ganitong paraan, kahit na sa maikliang pakikipag-usap, marahil ay may malalaman kang mga bagay-bagay na mabuting tandaan tungkol sa taong iyon. Pagkatapos na umalis ka na sa bahay na iyon, maikliang itala mo ang gayong impormasyon sa house-to-house record o talaan sa pagbabahay-bahay. Ngunit ano kaya kung ang maybahay ay magbangon ng isang tanong na hindi mo kayang sagutin? Kung magkagayo’y magsaliksik ka sa mga publikasyon ng Watch Tower Society upang matiyak kung ano ang pinakamagaling na paraan upang maibahagi mo ang mabuting balita sa taong iyon sa susunod na pagdalaw mo.
Isang Halimbawa Para sa mga Misyonero
18. Ano ang maaaring matutuhan kay Pablo ng mga misyonero at ng mga iba pa?
18 Kabilang sa mga gumagawa ng lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita ay ang mga misyonerong sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead. Sila’y maaaring matuto kay Pablo, na may isang mainam na espiritu ng pagmimisyonero. Halimbawa, hindi niya ibig na siya ang maging dahilan ng mga bagay na makahahadlang sa mga Judio at mga Gentil sa pagtanggap ng katotohanan. Kaya naman, ang apostol ay nagpakaingat tungkol sa kaniyang kinakain at pinayuhan niya ang mga Kristiyano sa Corinto na sa paggamit ng kanilang karapatan na kumain ng mga ilang pagkain ay huwag nilang tisurin ang iba. (1 Corinto 8:8, 9) Sa New Century Bible, sinabi ni Propesor F. F. Bruce: “Sa lahat ng iba’t ibang mga bagay (tulad baga ng pagkain na pinag-uusapan sa [1 Corinto] kabanata 8), [si Pablo] ay umaayon sa mga kaugalian ng mga taong kasama niya sa panahong iyon, upang huwag maglagay ng hadlang para ‘mahikayat’ sila sa ebanghelyo.” (Roma 14:21) Sa katulad na paraan, ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nagsisikap na baguhin ang kaugalian ng mga tao sa mga lugar na pinagdestinuhan sa kanila, bagaman ang mga baguhan ay binibigyan ng espirituwal na tulong upang gumawa ng mga pagbabagong kailangan para makalugod sa Diyos.—Roma 12:1, 2.
19. Sa paggawa ng mga alagad, anong mga pagbabago ang maaaring kailanganin para sa (a) mga misyonero? (b) lahat ng mga mamamahayag ng Kaharian?
19 Yaong mga nagsisimula sa kanilang atas-misyonero ay kailangang matuto tungkol sa pamumuhay at kaugalian ng mga tao. Ito’y isang karanasan na nagdudulot-kayamanan at makatutulong sa mga misyonero upang maging lalong epektibo sa kanilang gawaing pangangaral. Sa katunayan, upang huwag makatisod sa iba, marahil ay kakailanganin na sila’y gumawa ng mga pagbabago sa kanilang paraan ng pananamit at pag-aayos ng katawan. Halimbawa, nang ang isang sister na misyonera ay unang dumating sa West Africa, kaniyang natuklasan na ang paraan ng paggamit niya ng kosmetik ay dagling nagpapahiwatig na siya’y kabilang sa mga babaing imoral sa lugar na iyon. Kaya nga, upang ang iba’y huwag mag-alinlangan sa kaniyang mga motibo, agad binago niya ang kaniyang paraan ng pagme-make-up. Mangyari pa, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay dapat gumamit ng mabuting pagpapasiya sa pananamit at pag-aayos ng katawan upang makatulong sa iba sa espirituwal na paraan. Ang mga Kristiyano, na pinapayuhang ‘huwag maglagay ng ikatitisod sa harap ng isang kapatid’ at itaguyod ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa, ay tiyak na ayaw makatisod sa kaninuman.—Roma 14:13, 19.
20. (a) Bilang sumaryo, ano ang tutulong sa atin na ‘gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita’? (b) Anong mga tanong ang natitira upang sagutin?
20 Ang tagumpay bilang mga tagapagbalita ng Kaharian ay depende lalung-lalo na sa pagpapala ni Jehova. (1 Corinto 3:6, 7) Gayunman, kailangan din na tayo’y gumamit ng pagsisikap. Kaya’t maging mapagmasid, gaya ni Pablo sa kaniyang ministeryo. Maging maunawain, makonsiderasyon, sikaping maging kapalagayang-loob ang mga maybahay, at gumamit ng mabubuting tanong upang mapanatili ang pakikipagtalastasan sa kanila. Bumagay sa mga kaugalian na maaaring tila kakatuwa ngunit hindi naman labag sa Kasulatan. Oo, ating ‘gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang ating maipamahagi ito sa iba.’ (1 Corinto 9:23) Subalit ano ang nangyayari pagka ang iba ay bahagi na ng ating kapatirang Kristiyano? Papaano natin sila pinakikitunguhan?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ginawa ni Pablo upang tulungan ang mga Judio na maging mga Kristiyano?
◻ Papaano sinikap ni Pablo na makaakit ng mga Gentil?
◻ Ano ang ilang mga paraan upang mapabuti pa ang ating pagkadalubhasang mangaral?
◻ Si Pablo ay nagpakita ng anong halimbawa para sa mga misyonero at iba pang tagapagbalita ng Kaharian?