MANANAKBO, MGA
Matulin-tumakbong mga sugo o mga lingkod ng isang prominenteng tao na nagpapauna sa karo nito. Ang salitang ito ay isinalin mula sa pandiwaring anyo ng salitang Hebreo na ruts, nangangahulugang “tumakbo.” Isinasalin naman ito ng ilang salin bilang “mga tagatakbo,” “bantay,” at “tanod.” Ngunit may isa pang salita para sa “mga tagatakbo” o “mga lalaking tumatakbo,” samakatuwid nga ay ragh·liʹ, o, kung mas kumpleto, ʼish ragh·liʹ.
Ang “mga mananakbo” ay maaaring tumukoy sa mabibilis na mensahero o sa matulin-tumakbong mga tao, gaya ni Asahel na kapatid ni Joab, at ni Ahimaas na anak ni Zadok. (2Sa 2:18; 18:19, 23, 27) Noong isang pagkakataon, tumakbo si Elias nang marahil ay di-kukulangin sa 30 km (19 na mi), anupat nakarating siya sa Jezreel mula sa Carmel at nauna pa sa karo ni Haring Ahab. Ito ay dahil “ang mismong kamay ni Jehova ay suma kay Elias.”—1Ha 18:46.
Sa opisyal na diwa, ang mga mananakbo ay matulin-tumakbong mga lalaki na pinili upang magpauna sa karo ng hari. Nang makipagsabuwatan si Absalom upang agawin ang pagkahari, gumamit siya ng 50 mananakbo sa unahan ng kaniyang karo upang magdagdag ng karangalan at dignidad sa kaniyang pakana; gayon din ang ginawa ni Adonias nang maglaon. (2Sa 15:1; 1Ha 1:5) Naglingkod ang mga mananakbo bilang personal na hukbo ng hari, marahil ay gaya ng sariling mga guwardiya ng isang tao sa makabagong panahon. (1Sa 22:17; 2Ha 10:25) Naglingkod sila bilang mga bantay sa pasukan ng bahay ng hari at sinasamahan nila ang hari mula sa kaniyang bahay hanggang sa templo. (1Ha 14:27, 28; 2Ha 11:6-8, 11; 2Cr 12:10) Naghatid sila ng mga mensahe para sa hari. (2Cr 30:6) Noong mga araw ng Persianong si Haring Ahasuero, lumilitaw na inihalili sa mga mananakbong sugo ang mga lalaking nakasakay sa mabibilis na kabayong panghatid-sulat.—Es 3:13, 15; 8:10, 14.
Makatalinghagang Paggamit. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may ilang pagbanggit sa simpleng pagtakbo dahil sa pagmamadali. (Mat 28:8; Mar 9:15, 25; 10:17; Ju 20:2) Gayunman, ginamit ng apostol na si Pablo ang pagtakbo sa makasagisag na paraan. Isinulat niya sa kongregasyon sa Corinto: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito. Bukod diyan, ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay. Ngayon sila, sabihin pa, ay gumagawa nito upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang kasiraan. Kaya nga, ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan; ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin; kundi binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.”—1Co 9:24-27.
Puspusang sinasanay ang mga kalahok sa mga palarong Griego, at napakahigpit ng disiplina sa kanila; maingat na binabantayan ang kanilang pagkain at paggawi. Ang mga alituntunin sa takbuhan ay mahigpit na ipinatutupad ng mga hurado. Kahit nauna ang isang mananakbo, ngunit nilabag naman niya ang mga alituntunin, walang kabuluhan ang kaniyang pagtakbo; gaya nga ng sinabi ng apostol: “Isa pa, kung ang sinuman ay nakikipaglaban maging sa mga palaro, hindi siya pinuputungan malibang nakipaglaban siya ayon sa mga alituntunin.” (2Ti 2:5) Itinututok ng mga mananakbo ang kanilang mga mata sa gantimpala na nasa dulo ng takbuhan. “Tumakbo” si Pablo sa ganitong paraan nang buong-pag-iisip at buong-puso. (Gal 2:2; Fil 2:16; 3:14) Nang malapit na siyang mamatay ay nasabi niya: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.”—2Ti 4:7, 8.
Nang tinatalakay ang mga pakikitungo ng Diyos may kaugnayan sa pagpili Niya ng mga bubuo sa espirituwal na Israel, ipinaliwanag ni Pablo na ang Israel ayon sa laman ay umasa sa kanilang kaugnayan kay Abraham sa laman. (Ro 9:6, 7, 30-32) Inakala nilang sila ang mga pinili at “tumakbo” sila, o nagtaguyod sila ng katuwiran, ngunit sa maling paraan. Sa pagsisikap nilang itatag ang kanilang katuwiran sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa, hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos. (Ro 10:1-3) Itinatawag-pansin ni Pablo ang katarungan ng Diyos nang Kaniyang itakwil ang Israel sa laman bilang isang bansa at buuin ang isang espirituwal na Israel. May kaugnayan sa pagtalakay na iyon, sinabi niya na “nakasalalay ito, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos, na siyang may awa.”—Ro 9:15, 16.