Kabanata 15
Pagbuo ng Kaayusang Pang-organisasyon
MALAKI ang ipinagbago sa mga kaayusang pang-organisasyon ng mga Saksi ni Jehova mula nang unang magsimulang mag-aral ng Bibliya si Charles Taze Russell at ang kaniyang mga kasamahan noong 1870. Noong iilan pa lamang ang unang mga Estudyante ng Bibliya, bahagya lamang ang taglay nilang kaayusang pang-organisasyon ayon sa pangmalas ng mga tagalabas. Subalit, ngayon, habang minamasdan ng mga tao ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang mga kombensiyon, at ang kanilang pangangaral ng mabuting balita sa mahigit na 200 lupain, sila’y humahanga sa maayos na takbo ng organisasyon. Papaano ito nabuo?
Ang mga Estudyante ng Bibliya ay may masidhing interes sa pagkaunawa hindi lamang sa doktrina ng Bibliya kundi maging sa paraan ng pagganap ng paglilingkuran sa Diyos, ayon sa ipinakikita sa mga Kasulatan. Napagtanto nila na walang saligan sa Bibliya para sa tituladong mga klerigo, na may legong pinangangaralan. Determinado si Brother Russell na hindi magkakaroon sa kanila ng isang uring klero.a Sa mga tudling ng Watch Tower, malimit na pinaalalahanan ang mga mambabasa nito na si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga tagasunod: “Iisa ang inyong Lider, ang Kristo,” ngunit, “Kayong lahat ay magkakapatid.”—Mat. 23:8, 10.
Unang Samahan ng mga Estudyante ng Bibliya
Di-nagtagal at nakita ng mga mambabasa ng Watch Tower at kaugnay na mga publikasyon na upang makalugod sa Diyos, kailangang putulin ang ugnayan nila sa anumang simbahan na hindi naging tapat sa Diyos palibhasa’y inuuna ang mga kredo at tradisyon ng mga tao kaysa sa nasusulat niyang Salita. (2 Cor. 6:14-18) Subalit, matapos lisanin ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, saan sila pumunta?
Sa isang artikulong pinamagatang “The Ekklesia,”b ipinaliwanag ni Brother Russell na ang tunay na iglesya, ang Kristiyanong kongregasyon, ay hindi isang organisasyon na may mga miyembrong sumasang-ayon sa isang gawang-taong kredo at ipinasusulat ang pangalan nila sa talaan ng isang simbahan. Sa halip, paliwanag niya, ito’y binubuo ng mga tao na “itinalaga” (o, inialay) ang kanilang panahon, kakayahan, at buhay sa Diyos, at na may pag-asang makibahagi sa makalangit na Kaharian kasama ni Kristo. Ang mga ito, aniya, ay mga Kristiyanong pinagkakaisa sa buklod ng Kristiyanong pag-ibig at pagkakaisa ng layunin, na tumutugon sa patnubay ng espiritu ng Diyos, at na nagpapasakop sa pagkaulo ni Kristo. Hindi interesado si Brother Russell na magtatag ng iba namang kaayusan, at mahigpit niyang tinanggihan ang anumang bagay na maaaring umakay sa sektariyanismo na umiiral sa gitna ng mga nagpapanggap na Kristiyano.
Magkaganito man, lubusan niyang natalos ang pangangailangang magtipun-tipon ang mga lingkod ng Panginoon kaayon ng payo sa Hebreo 10:23-25. Siya’y naglakbay upang personal na dalawin at patibayin ang mga mambabasa ng Watch Tower at upang tipunin sila kasama ng iba sa kanilang lugar na may gayunding kaisipan. Maaga noong 1881 ay pinakiusapan niya ang mga nagdaraos ng regular na mga pagpupulong na ipaalam sa tanggapan ng Watch Tower kung saan idinaraos ang mga ito. Nakita niya ang kahalagahan na sila’y papag-ugnayin sa isa’t isa.
Gayunman, idiniin ni Brother Russell na hindi sila nagsisikap na magtatag ng isang “makalupang organisasyon.” Sa halip, aniya, “tayo’y mga kaanib lamang sa makalangit na organisasyong yaon—‘na ang mga pangalan ay nasusulat sa kalangitan.’ (Heb. 12:23; Luc. 10:20.)” Dahil sa nakaririmarim na kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan, kapag binanggit ang “organisasyon ng simbahan,” ang papasok sa isip ng tao ay ang sektariyanismo, pangingibabaw ng mga klerigo, at pag-anib salig sa pagsunod sa isang kredong ipinanukala ng isang relihiyosong konseho. Kaya, nang ipakilala nila ang kanilang sarili, naisip ni Brother Russell na ang terminong “pagsasamahan” ay mas angkop.
Alam na alam niya na ang mga apostol ni Kristo ay nagtatag ng mga kongregasyon at humirang ng matatanda sa bawat isa. Subalit siya’y naniwala na si Kristo ay muling naririto, bagaman di-nakikita, at personal na nangangasiwa sa pangwakas na pag-aani niyaong mga magiging tagapagmanang kasama niya. Dahil dito, sa pasimula’y nadama ni Brother Russell na sa panahon ng pag-aani ang kaayusan ng matatanda na umiral sa unang-siglong Kristiyanong mga kongregasyon ay hindi kailangan.
Gayunman, habang dumarami ang mga Estudyante ng Bibliya, napagtanto ni Brother Russell na ang mga bagay-bagay ay minamaniobra ng Panginoon sa ibang paraan kaysa personal na inaasahan niya. Kailangang baguhin ang pangmalas. Subalit batay sa anong saligan?
Pagtugon sa Unang mga Pangangailangan ng Lumalaking Samahan
Halos ang buong Watch Tower ng Nobyembre 15, 1895 ay tumalakay sa paksang “Angkop at May Kaayusan.” Doon ay prangkahang inamin ni Brother Russell: “Marami ang sinabi ng mga apostol sa unang Iglesya tungkol sa kaayusan sa mga pagtitipon ng mga banal; at lumilitaw na tayo’y naging pabayâ sa pagkakapit ng matalinong payong ito, sa pagkadamang hindi ito gaanong mahalaga, sapagkat ang Iglesya ay totoong malapit na ngayon sa katapusan ng kaniyang kurso at ang pag-aani ay panahon ng pagbubukud-bukod.” Ano ang nag-udyok sa kanila na muling suriin ang payong iyon?
Itinala ng artikulong iyon ang apat na kalalagayan: (1) Maliwanag na ang espirituwal na pagsulong ng mga indibiduwal ay hindi pare-pareho. May mga tukso, pagsubok, suliranin, at panganib na hindi kayang harapin ng lahat nang pare-pareho. Kaya, kailangang magkaroon ng matalino at maingat na mga tagapangasiwa, mga lalaking may karanasan at kakayahan, na may masidhing interes na pangalagaan ang espirituwal na kapakanan ng lahat at may kakayahang turuan sila sa katotohanan. (2) Natalos na ang kawan ay kailangang ipagsanggalang laban sa ‘mga lobong nakadamit tupa.’ (Mat. 7:15, KJ) Kailangang patibayin sila sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang magtamo ng lubus-lubusang kaalaman sa katotohanan. (3) Ipinakikita ng karanasan na kung walang kaayusan ng paghirang sa matatanda upang pag-ingatan ang kawan, may ilan na aagaw sa posisyong iyon at mamalasin nilang sila ang may-ari ng kawan. (4) Kung walang sistematikong kaayusan, baka darating ang panahon na ang mga indibiduwal na tapat sa katotohanan ay hindi na makapaglilingkod sa tungkulin dahil sa impluwensiya ng ilan na sumasalungat sa kanila.
Sa liwanag nito, sinabi ng Watch Tower: “Wala kaming alinlangan na mairekomenda sa mga Iglesyac sa lahat ng dako, marami man sila o kakaunti, ang Apostolikong payo, na sa bawat kompanya, pumili sila mula sa kanilang grupo ng matatanda upang ‘magpakain’ at ‘mangasiwa’ sa kawan.” (Gawa 14:21-23; 20:17, 28) Ang lokal na mga kongregasyon ay sumunod sa timbang na payong ito mula sa mga Kasulatan. Ito’y mahalagang hakbang sa pagtatatag ng pang-kongregasyong kaayusan katulad ng umiral noong kaarawan ng mga apostol.
Gayunman, batay sa kanilang pagkaunawa noon, ang pagpili ng matatanda, at ng mga diakono bilang katulong nila, ay ginawa sa pamamagitan ng pagboto ng buong kongregasyon. Bawat taon, o mas madalas kung kinakailangan, ang mga kuwalipikasyon niyaong mga maaaring maglingkod ay isinasaalang-alang, at saka ibinoboto ang mga ito. Ang totoo ito’y demokratikong kaayusan, bagaman may mga pumipigil na limitasyon na inilagay bilang pananggalang. Ang lahat sa kongregasyon ay hinimok na repasuhing maingat ang mga kuwalipikasyon sa Bibliya at saka ipahayag sa pamamagitan ng boto, hindi ang kanilang sariling palagay, kundi ang sa paniwala nila’y siyang kalooban ng Panginoon. Yamang yaon lamang mga “lubusang itinalaga” ang maaaring bumoto, ang sama-sama nilang boto, kapag pinatnubayan ng Salita at espiritu ng Panginoon, ay itinuturing na nagsisiwalat ng kalooban ng Panginoon sa bagay na iyon. Bagaman hindi marahil lubusang napagtanto ni Brother Russell noon, ang kaniyang rekomendasyon na gamitin ang kaayusang ito ay posibleng naimpluwensiyahan hindi lamang ng kaniyang determinasyon na iwasan ang anumang pagkakahawig sa isang tinitingalang uring klero kundi rin naman ng kaniyang sariling karanasan noong siya’y tin-edyer sa Congregational Church.
Nang ang tomo ng Millennial Dawn na pinamagatang The New Creation (inilathala noong 1904) ay muling detalyadong tumalakay sa papel ng matatanda at sa paraan ng paghirang sa kanila, pangunahing pinag-ukulan ng pansin ang Gawa 14:23. Ang mga konkordansiyang tinipon nina James Strong at Robert Young ay binanggit bilang mga awtoridad sa pangmalas na ang pananalitang “sila’y hinirang nila bilang matatanda” (KJ) ay dapat isalin na “sila’y inihalal nilang matatanda sa pamamagitan ng pagtataas ng mga kamay.”d May mga salin pa ng Bibliya na nagsasabing ang matatanda ay ‘hinirang sa pamamagitan ng pagboto.’ (Ang Literal Translation of the Holy Bible ni Young; ang Emphasised Bible ni Rotherham) Ngunit sino ang boboto?
Ang pagsunod sa pangmalas na ang pagboto ay dapat gawin ng buong kongregasyon ay hindi laging nagdulot ng inaasahang resulta. Inaasahan na ang mga bumoboto ay yaong mga taong “lubusang itinalaga,” at ang ilan sa mga inihalal ay talagang umabot sa maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon at may kababaang naglingkod sa kanilang mga kapatid. Ngunit madalas na ang pagboto ay nagpapaaninag ng personal na kagustuhan sa halip na Salita at espiritu ng Diyos. Kaya, sa Halle, Alemanya, nang ang ilan na nag-iisip na sila’y dapat gawing matanda ay hindi inilagay sa tungkuling ibig nila, sila’y lumikha ng malaking pagkakagulo. Sa Barmen, Alemanya, kabilang sa mga kandidato noong 1927 ay mga lalaking sumasalansang sa gawain ng Samahan, at malakas ang naging pagsisigawan habang nagtataasan ng mga kamay sa panahon ng eleksiyon. Kaya napilitan silang magkaroon na lamang ng lihim na balota.
Noon pang 1916, ilang taon bago naganap ang mga pangyayaring ito, si Brother Russell, dala ng kaniyang taimtim na pagkabahala, ay sumulat: “May nakababahalang kalagayan na umiiral sa ilang mga Klase kapag malapit nang maganap ang eleksiyon. Ang mga lingkod ng Iglesya ay nagtatangkang maging mga pinunò, mga diktador—kung minsan ay nanghahawakan sa tungkulin bilang chairman ng pulong na wari’y sa layuning tiyakin na sila at ang kanilang pantanging mga kaibigan ay ihahalal bilang mga Elder at Diakono. . . . Ang ilan ay palihim na nagsasamantala sa Klase sa pamamagitan ng pagtatakda ng eleksiyon sa isang angkop na panahon para sa kanila at sa kanilang mga kaibigan. Ang mga iba ay nagsisikap na padaluhin sa pulong ang marami sa kanilang kaibigan, na nagpapasok pa ng halos mga estranghero, na hindi man lamang nagbabalak na maging regular sa pagdalo sa Klase, subalit dumadalo bilang pakikisama upang iboto ang isa sa kanilang mga kaibigan.”
Ang kailangan ba lamang sa kanila’y higit na karanasan sa pagsasaayos ng demokratikong mga eleksiyon, o may isang bagay sa Salita ng Diyos na hindi pa nila nauunawaan noon?
Pag-oorganisa Upang Maipangaral ang Mabuting Balita
Sa pasimula pa lamang, natalos ni Brother Russell na isa sa pinakamahalagang pananagutan ng bawat miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay ang gawaing pag-eebangelyo. (1 Ped. 2:9) Ipinaliwanag ng Watch Tower na hindi lamang kay Jesus kundi sa lahat ng kaniyang pinahiran-ng-espiritung tagasunod kumakapit ang makahulang mga salita sa Isaias 61:1, alalaong baga’y: “Pinahiran ako ni Jehova upang ipahayag ang mabuting balita,” o, gaya ng pagkakasalin ng King James Version sa pagsipi ni Jesus sa bersikulong ito, “Pinahiran niya ako upang ipangaral ang ebanghelyo.”—Luc. 4:18.
Sing-aga ng 1881, ang Watch Tower ay naglathala ng artikulong “Kailangan ang 1,000 Mángangarál.” Ito’y panawagan sa bawat miyembro ng kongregasyon na gamitin ang anumang panahong mayroon siya (kalahating oras, isang oras, o dalawa, o tatlo) upang makibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya. Ang mga lalaki at babae na walang sinusuportahang pamilya at makapaglalaan ng kalahati o higit pa ng kanilang panahon nang bukod-tangi sa gawa ng Panginoon ay pinasiglang magpatala bilang mga colporteur na ebanghelisador. Pabagu-bago ang bilang taun-taon, ngunit noong 1885 mayroon nang mga 300 na nakikibahagi sa gawaing ito bilang mga colporteur. Mayroon pang iba na nakikibahagi rin ngunit sa mas limitadong antas. Ang mga colporteur ay binigyan ng mga mungkahi kung papaano isasagawa ang kanilang gawain. Subalit totoong malawak ang larangan, at noong pasimula ay pumili sila ng kanilang sariling teritoryo at nagpalipat-lipat sa iba’t ibang dako kadalasa’y batay sa kung ano ang mabuti para sa kanila. Saka nang magkita-kita sila sa mga kombensiyon, gumawa sila ng kinakailangang mga pag-aayos upang pagtugmain ang kanilang mga pagsisikap.
Noong taon ding nagsimula ang paglilingkuran ng mga colporteur, nagpalimbag si Brother Russell ng ilang mga pulyeto (o mga buklet) upang ipamahagi nang walang bayad. Katangi-tangi sa mga ito ay ang Food for Thinking Christians, na umabot sa bilang na 1,200,000 na naipamahagi sa loob ng unang apat na buwan. Ang gawaing nasangkot sa pagsasaayos ng paglilimbag at pamamahaging ito ang siyang dahilan ng pagkatatag ng Zion’s Watch Tower Tract Society upang asikasuhin ang kinakailangang mga detalye. Upang hindi maputol ang gawain kung sakaling siya’y mamatay, at upang organisahin ang pangangasiwa ng mga donasyong gagamitin sa gawaing ito, si Brother Russell ay umaplay ng legal na pagrerehistro ng Samahan, at ito’y opisyal na narehistro noong Disyembre 15, 1884. Sa gayo’y nagsimulang umiral ang isang kinakailangang legal na kasangkapan.
Depende sa pangangailangan, ang mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay itinatag sa ibang mga lupain. Ang una ay sa London, Inglatera, noong Abril 23, 1900. Ang isa pa ay sa Elberfeld, Alemanya, noong 1902. Pagkaraan ng dalawang taon, sa kabilang dulo ng lupa, may sangay na itinatag sa Melbourne, Australia. Sa panahon ng pagkasulat nito, mayroon nang 99 na sangay sa buong daigdig.
Bagaman ang mga kaayusang pang-organisasyon na kailangan upang mamahagi ng maraming literatura sa Bibliya ay unti-unting binubuo, noong pasimula ang anumang lokal na kaayusan para sa pamamahagi ng materyal na iyan sa madla ay ipinauubaya sa mga kongregasyon. Sa isang liham na may petsang Marso 16, 1900, sinabi ni Brother Russell ang kaniyang pangmalas sa bagay na ito. Ang liham, na ipinatungkol kay “Alexander M. Graham, at ang Iglesya sa Boston, Mass.,” ay nagsabi: “Gaya ng nalalaman ninyong lahat, ang aking pinagpasiyahang intensiyon ay ang ipaubaya sa bawat kompanya ng bayan ng Panginoon ang pangangasiwa sa kanilang sariling kaayusan, ayon sa kanilang sariling kapasiyahan, na nagbibigay ng mga mungkahi, hindi upang makialam, kundi bilang pagpapayo lamang.” Kasali na rito hindi lamang ang kanilang mga pagpupulong kundi maging ang paraan ng pagganap nila ng ministeryo sa larangan. Kaya, matapos bigyan ang mga kapatid ng ilang praktikal na payo, siya’y nagwakas sa komento na: “Ito’y mungkahi lamang.”
May ilang gawain na nangailangan ng mas espesipikong patnubay mula sa Samahan. May kaugnayan sa pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” ipinaubaya sa bawat kongregasyon kung sila’y handa at may kakayahan na umarkila ng isang teatro o ibang bulwagan para sa lokal na palabas. Ngunit, kailangang ilipat ang mga kagamitan mula sa isang lunsod tungo sa kabila, at may mga eskedyul na dapat masunod; kaya sa mga situwasyong ito ang Samahan ay nagbigay ng direksiyon mula sa punong-tanggapan. Pinasigla ang bawat kongregasyon na magkaroon ng Komite ng Drama upang mangasiwa sa lokal na kaayusan. Ngunit ang isang superintendente na isinugo ng Samahan ay tumitinging mabuti sa mga detalye upang tiyakin na maayos ang lahat.
Nang lumipas ang taóng 1914 at pagkatapos ang 1915, sabik na hinintay ng mga pinahiran-ng-espiritung Kristiyanong iyon ang katuparan ng kanilang makalangit na pag-asa. Magkaganito man, sila’y pinasigla na laging maging abala sa paglilingkod sa Panginoon. Bagaman sa palagay nila ay maigsi na lamang ang nalalabing panahon nila sa laman, naging maliwanag na upang isagawa ang pangangaral ng mabuting balita sa isang maayos na paraan, higit na direksiyon ang kinakailangan kaysa noong sila’y may bilang lamang na iilang daan. Di-nagtagal matapos maging ikalawang presidente ng Samahang Watch Tower si J. F. Rutherford, ang direksiyong iyon ay nagkaroon ng mga pagbabago. Ang Marso 1, 1917, labas ng The Watch Tower ay nagpatalastas na, simula ngayon, ang lahat ng teritoryo na gagawin ng mga colporteur at mga manggagawang pastorale sa mga kongregasyon ay iaatas ng tanggapan ng Samahan. Kapag kapuwa lokal na mga manggagawa at mga colporteur ang sama-samang gumagawa ng paglilingkod sa larangan sa isang lunsod o county, ang teritoryo ay ibinabahagi sa kanila ng isang lokal na inatasang district committee. Ang kaayusang ito ay nagpangyaring magkaroon ng tunay na kahanga-hangang pamamahagi ng The Finished Mystery sa loob lamang ng ilang buwan noong 1917-18. Ito’y nagpangyari rin sa isang tulad-kidlat na pamamahagi ng 10,000,000 sipi ng isang matapang na paglalantad sa Sangkakristiyanuhan sa isang pulyetong nagpapatingkad sa paksang “The Fall of Babylon.”
Di-nagtagal matapos nito, ang mga miyembro ng pangasiwaan ng Samahan ay inaresto, at noong Hunyo 21, 1918, sila’y hinatulan ng 20 taon sa bilangguan. Ang pangangaral ng mabuting balita ay halos huminto na. Ito ba ang panahon upang sa wakas sila’y makikiisa sa Panginoon sa makalangit na kaluwalhatian?
Pagkaraan ng ilang buwan, natapos ang digmaan. Nang sumunod na taon ang mga opisyal ng Samahan ay pinalaya. Sila’y nasa laman pa rin. Hindi ito ang inaasahan nila, ngunit nahinuha nila na marahil ang Diyos ay mayroon pang ipagagawa sa kanila rito sa lupa.
Katatapos pa lamang ng mabibigat na pagsubok sa kanilang pananampalataya. Gayunman, noong 1919, ang The Watch Tower ay nagpatibay sa kanila sa pamamagitan ng nakapupukaw na mga pag-aaral sa Kasulatan sa temang “Pinagpala ang mga Walang-Takot.” Ang mga ito ay sinundan ng artikulong “Mga Pagkakataon Ukol sa Paglilingkod.” Ngunit hindi akalain ng mga kapatid na magaganap ang malawakang pang-organisasyong pagsulong sa susunod na mga dekada.
Wastong Halimbawa Para sa Kawan
Naunawaan ni Brother Rutherford na upang patuloy na umunlad ang gawain sa isang maayos at nagkakaisang paraan, gaano mang kaigsi ang nalalabing panahon, ang wastong halimbawa para sa kawan ay napakahalaga. Inilarawan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod bilang mga tupa, at ang mga tupa ay sumusunod sa kanilang pastol. Kung sa bagay, si Jesus mismo ang Mabuting Pastol, ngunit ginagamit din niya ang matatanda, o mga elder, bilang katulong na pastol sa bayan niya. (1 Ped. 5:1-3) Ang matatandang iyon ay kailangang maging mga lalaki na nakikibahagi mismo sa gawaing iniatas ni Jesus at siyang nagpapasigla sa iba na gawin ito. Dapat na taglay nila ang tunay na espiritu ng pag-eebanghelyo. Gayunman, noong panahong ipinamamahagi ang The Finished Mystery, ang ilan sa mga matatanda ay hindi nakibahagi; ang ilan ay tahasan pang nagpahina ng loob sa iba na makibahagi.
Ang isang kapansin-pansing hakbang upang ituwid ang situwasyong ito ay ginawa noong 1919 nang ang magasing The Golden Age ay sinimulang ilathala. Ito’y nakatakdang maging isang makapangyarihang kasangkapan sa paglalathala ng Kaharian ng Diyos bilang ang kaisa-isa at namamalaging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Ang bawat kongregasyon na nagnanais makibahagi sa gawaing ito ay inanyayahan ng Samahan na magpatala bilang isang “service organization.” Pagkatapos ang isang direktor, o service director gaya ng naging tawag sa kaniya, na hindi kailangang ihalal taun-taon, ay inatasan ng Samahan.f Bilang lokal na kinatawan ng Samahan, siya’y mag-oorganisa sa gawain, mag-aatas ng teritoryo, at magpapasigla sa kongregasyon na makibahagi sa paglilingkod sa larangan. Kaya, kasabay ng matatanda at diakono na inihalal sa demokratikong paraan, nagsimulang kumilos ang isa pang uri ng pang-organisasyong kaayusan, isa na kumikilala sa isang awtoridad sa labas ng lokal na kongregasyon na may karapatang gumawa ng paghirang at na nagbibigay ng higit na pagdiriin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.g
Sa mga sumunod na taon, ang gawain ng paghahayag ng Kaharian ay nagkaroon ng pambihira at mabilis na pagsulong, na parang may di-mapigilang puwersa na nasa likuran nito. Ang mga pangyayari noong 1914 at pagkatapos nito ay nagpakita na ang dakilang hula na roon ang Panginoong Jesu-Kristo ay naglarawan ng katapusan ng matandang sistema ay nagkakaroon na ng katuparan. Sa liwanag nito, noong 1920, ang The Watch Tower ay nagpaliwanag na katulad ng inihula sa Mateo 24:14, ito na ang panahon upang ihayag ang mabuting balita tungkol sa “katapusan ng matandang sistema ng mga bagay at sa pagtatatag ng kaharian ng Mesiyas.”h (Mat. 24:3-14) Pagkatapos dumalo sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, ang mga delegado ay nagsiuwi na ang umaalingawngaw sa kanilang mga tainga ay ang salawikaing: “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Ang pananagutan ng tunay na mga Kristiyano ay higit na natalos at lalong pinatingkad noong 1931 nang tanggapin ang pangalang Mga Saksi ni Jehova.
Maliwanag na si Jehova ay nag-atas sa kaniyang mga lingkod ng isang gawaing maaaring bahaginan nilang lahat. Masigla ang naging tugon. Marami ang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang mga buhay upang gamitin ang buong panahon nila sa gawaing ito. Maging sa mga gumagamit ng bahagi lamang ng kanilang panahon, marami ang gumugugol ng buong mga araw sa paglilingkod sa larangan sa mga dulo ng sanlinggo. Bilang pagtugon sa pampasiglang nilalaman ng Ang Bantayan at ng Informant noong 1938 at 1939, marami sa mga Saksi ni Jehova noong panahong iyon ang buong-pusong nagsikap na gumugol ng 60 oras bawat buwan sa paglilingkod sa larangan.
Kabilang sa masigasig na mga Saksing yaon ay ang maraming may-kababaang-loob, debotadong mga lingkod ni Jehova na naglilingkod bilang matatanda sa mga kongregasyon. Gayunman, sa ilang dako, sa dekada ng 1920 at unang bahagi ng dekada ng 1930, marami ang tumutol sa idea na lahat ay dapat makibahagi sa paglilingkod sa larangan. Ang matatanda na inihalal sa demokratikong paraan ay madalas na hayagang sumasalungat sa sinabi ng The Watch Tower tungkol sa pananagutan natin na mangaral sa mga nasa labas ng kongregasyon. Ang pagtangging makinig sa sinasabi sa kongregasyon ng espiritu ng Diyos, sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, tungkol sa bagay na ito ay nakapigil sa daloy ng espiritu ng Diyos sa mga grupong yaon.—Apoc. 2:5, 7.
May mga hakbangin na isinagawa noong 1932 upang ituwid ang situwasyong ito. Ang pangunahing isinaalang-alang ay hindi kung ang ilang prominenteng matatanda ay masasaktan o kung ang ilan na nakikisama sa mga kongregasyon ay maaaring humiwalay. Sa halip, ang hangarin ng mga kapatid ay ang paluguran si Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. Sa layuning ito, ang Agosto 15 at Setyembre 1 na labas ng Ang Bantayan (sa Ingles) nang taóng iyon ay nagpatingkad sa paksang “Ang Organisasyon ni Jehova.”
Tuwirang ipinakita ng mga artikulong iyon na lahat ng tunay na bahagi ng organisasyon ni Jehova ay magsasagawa ng gawaing sinabi ng kaniyang Salita na dapat gawin sa panahong ito. Iniharap ng mga artikulo ang pangmalas na ang pagiging Kristiyanong matanda ay hindi isang posisyon na doo’y maaaring ihalal ang isa kundi isang kalagayang maaaring maabot sa pamamagitan ng espirituwal na pagsulong. Binigyan ng pantanging pagdiriin ang panalangin ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod na “silang lahat ay maging iisa”—nakikiisa sa Diyos at kay Kristo, at sa gayo’y nagkakaisa-isa sa pagganap ng kalooban ng Diyos. (Juan 17:21) At ano ang resulta nito? Ang pangalawang artikulo ay sumagot na “bawat isa sa nalabi ay dapat maging isang saksi sa pangalan at kaharian ng Diyos na Jehova.” Hindi dapat na pagkatiwalaan ng pangangasiwa ang sinumang nagkukulang o tumatangging gawin ang makatuwirang makakaya niya upang makibahagi sa pangmadlang pagpapatotoo.
Matapos pag-aralan ang mga artikulong ito, ang mga kongregasyon ay inanyayahang magpatibay ng isang resolusyon na nagpapahiwatig ng kanilang pagsang-ayon. Kaya ang taunang pangkongregasyong eleksiyon ng mga lalaki upang maging matatanda at diakono ay lubusang inalis. Sa Belfast, Hilagang Irlandya, tulad sa ibang dako, ang ilan sa mga dating “inihalal na matatanda” ay umalis sa kongregasyon; ang ibang mga indibiduwal na sumasang-ayon sa kanila ay umalis na kasabay nila. Ito’y nagpabawas sa bilang subalit nagbunga ng pagpapahusay sa buong organisasyon. Yaong mga nanatili ay mga taong handang bumalikat ng Kristiyanong pananagutan na magpatotoo. Sa halip na iboto ang matatanda, ang mga kongregasyon—na ginagamit pa rin ang demokratikong paraan—ay pumili ng isang komite sa paglilingkodi na binubuo ng mga lalaking maygulang sa espirituwal na aktibong nakikibahagi sa pangmadlang pagpapatotoo. Ibinoto rin ng mga miyembro ng kongregasyon ang isang chairman upang mangasiwa sa kanilang mga pulong at gayundin ang isang sekretaryo at ingat-yaman. Lahat ng mga ito ay mga lalaking aktibong mga saksi ni Jehova.
Ngayong ang pangangasiwa sa kongregasyon ay ipinagkatiwala sa mga lalaki na hindi interesado sa personal na posisyon kundi sa pagganap ng gawain ng Diyos—ang pagpapatotoo sa kaniyang pangalan at Kaharian—at na nagbibigay ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng sarili nilang pakikibahagi rito, naging mas maayos ang takbo ng gawain. Bagaman hindi nila nabatid noon, malaki pa ang dapat gawin, isang lalong malawak na pagpapatotoo kaysa anumang nagawa noong nakaraan, isang pag-aaning hindi naman nila sukat akalain. (Isa. 55:5) Maliwanaag na sila’y inihahanda ni Jehova para rito.
Ang ilan na may pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa lupa ay nagsisimulang makisama sa kanila.j Subalit, inihula ng Bibliya ang pagtitipon ng isang lubhang karamihan (o, malaking pulutong) upang sila’y mailigtas sa dumarating na malaking kapighatian. (Apoc. 7:9-14) Noong 1935 naging maliwanag kung sino ang lubhang karamihang ito. Ang mga pagbabago sa paraan ng pagpili ng mga tagapangasiwa noong dekada ng 1930 ay higit na nagpahusay sa kaayusan ng organisasyon upang asikasuhin ang pagtitipon, pagtuturo, at pagsasanay sa mga ito.
Para sa karamihan ng mga Saksi ni Jehova, ang pinalawak na gawaing ito ay isang kasiya-siyang pangyayari. Ang kanilang ministeryo sa larangan ay naging higit na makahulugan. Ngunit ang iba ay walang hilig na mangaral. Sila’y hindi nakisama sa gawain, at sinikap nilang ariing matuwid ang kanilang pagiging di-aktibo sa pangangatuwiran na walang lubhang karamihan ang titipunin kundi pagkaraan lamang ng Armagedon. Subalit natalos ng karamihan na ito’y isang karagdagang pagkakataon upang ipakita ang kanilang katapatan kay Jehova at ang pag-ibig nila sa kanilang kapuwa-tao.
Ano ang naging dako ng malaking pulutong sa kaayusang pang-organisasyon? Ipinakita sa kanila ang tungkulin na iniatas ng Salita ng Diyos sa “munting kawan” ng mga pinahiran-ng-espiritu, at sila’y malugod na nakipagtulungan sa kaayusang yaon. (Luc. 12:32-44) Nalaman din nila na, katulad ng mga pinahiran-ng-espiritu, sila ay may pananagutang ibahagi ang mabuting balita sa iba. (Apoc. 22:17) Yamang nais nilang maging makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos, ang Kahariang iyon ang dapat unahin sa kanilang buhay, at dapat silang maging masigasig sa pagbabalita nito sa iba. Upang tumugon sa paglalarawan sa Bibliya tungkol sa mga maliligtas sa malaking kapighatian tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos, kailangan silang maging mga taong “patuloy na sumisigaw na may malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.’” (Apoc. 7:10, 14) Noong 1937, habang lumalaki ang kanilang bilang at ang kanilang sigasig sa Panginoon ay nakikita, sila’y inanyayahan ding tumulong sa pagbalikat sa pananagutan ng pangangasiwa sa mga kongregasyon.
Gayunman, ipinaalaala sa kanila na ang organisasyon ay kay Jehova, hindi sa sinumang tao. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng nalabi ng mga pinahiran-ng-espiritu at ng malaking pulutong ng ibang mga tupa. Sila’y gagawang magkakasama bilang magkakapatid sa paglilingkuran kay Jehova. Gaya ng sinabi ni Jesus, “Mayroon akong ibang mga tupa, na wala sa kulungang ito; sila rin ay dadalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16) Nagiging maliwanag na ang katuparan nito.
Kamangha-manghang pagsulong ang naganap na sa organisasyon sa loob ng isang maikling yugto ng panahon. Subalit may higit pa bang kailangang gawin upang ang kaayusan sa mga kongregasyon ay maging lubusang kaayon sa mga pamamaraan ni Jehova gaya ng inilalahad sa kaniyang kinasihang Salita?
Teokratikong Organisasyon
Ang kahulugan ng “Teokrasya” ay “pamamahala ng Diyos.” Iyon ba ang uring pamamahala na umiiral sa mga kongregasyon? Sila ba’y hindi lamang sumasamba kay Jehova kundi tumitingin din sa kaniya ukol sa patnubay sa kanilang pang-kongregasyong mga kaayusan? Sila ba’y umaayon nang lubusan sa kaniyang sinabi hinggil sa mga bagay na ito sa kaniyang kinasihang Salita? Ang dalawang-bahaging artikulong “Organisasyon” na lumabas sa Ang Bantayan ng Hunyo 1 at 15, 1938 (sa Ingles), ay tuwirang nagpahayag: “Ang organisasyon ni Jehova sa anumang paraan ay hindi demokratiko. Si Jehova ang kataas-taasan, at ang kaniyang pamahalaan o organisasyon ay lubusang teokratiko.” Ngunit, sa mga lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova noong panahong iyon, ang mga demokratikong pamamaraan ay ginagamit pa rin sa pagpili sa karamihan ng mga binibigyan ng pangangasiwa sa mga pulong at paglilingkod sa larangan. Maliwanag na kailangan ang karagdagan pang mga pagbabago.
Ngunit hindi ba ipinakikita ng Gawa 14:23 na ang matatanda sa mga kongregasyon ay ilalagay sa tungkulin sa pamamagitan ng ‘pag-uunat ng kamay,’ tulad sa pagboto? Ang una sa mga artikulong yaon ng Bantayan na pinamagatang “Organisasyon” ay umamin na ang tekstong ito ay hindi wastong naunawaan noong nakaraan. Hindi sa ‘pag-uunat ng kamay’ ng lahat ng mga miyembro ng kongregasyon ginawa ang mga pag-aatas sa gitna ng unang-siglong mga Kristiyano. Sa halip, ipinakita na ang mga apostol at ang mga binigyan nila ng karapatan ang siyang ‘nag-unat ng kanilang mga kamay.’ Ito’y ginawa hindi sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagboto ng kongregasyon kundi sa pagpapatong ng kanilang kamay sa kuwalipikadong mga indibiduwal. Ito’y isang sagisag ng pagpapatibay, pagsang-ayon, o paghirang.k Ang sinaunang mga kongregasyong Kristiyano noon kung minsan ay gumagawa ng rekomendasyon ng mga kuwalipikadong lalaki, ngunit ang pangwakas na pagpili o pagsang-ayon ay ibinibigay ng mga apostol, na tuwirang inatasan ni Kristo, o ng mga binigyan ng karapatan ng mga apostol. (Gawa 6:1-6) Idiniin ng Ang Bantayan ang bagay na tanging sa mga sulat lamang sa responsableng mga tagapangasiwa (kina Timoteo at Tito) na si apostol Pablo, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ay nagbigay ng tagubilin na humirang ng mga tagapangasiwa. (1 Tim. 3:1-13; 5:22; Tito 1:5) Wala sa kinasihang mga sulat na pinatutungkol sa mga kongregasyon ang naglaman ng gayong mga tagubilin.
Kung gayon, papaano dapat gawin ang mga kasalukuyang pag-aatas ng paglilingkod sa mga kongregasyon? Ang pagsusuri ng Ang Bantayan sa teokratikong organisasyon ay nagpakita mula sa Kasulatan na hinirang ni Jehova si Jesu-Kristo bilang “ulo ng . . . kongregasyon”; na kapag bumalik na si Kristo bilang Panginoon, kaniyang ipagkakatiwala sa kaniyang “tapat at maingat na alipin” ang pananagutan “sa lahat niyang pag-aari”; na ang tapat at maingat na aliping ito ay binubuo ng lahat ng mga nasa lupa na pinahiran ng banal na espiritu upang maging kasamang tagapagmana ni Kristo at na may pagkakaisang naglilingkod sa ilalim ng kaniyang patnubay; at na gagamitin ni Kristo ang uring aliping ito bilang kaniyang ahensiya sa paglalaan ng kinakailangang pangangasiwa para sa mga kongregasyon. (Col. 1:18; Mat. 24:45-47; 28:18) Magiging tungkulin ng uring alipin na may-panalanging ikapit ang mga tagubilin na malinaw na inilalahad sa kinasihang Salita ng Diyos, at gamitin ito upang tiyakin kung sino ang karapat-dapat sa mga atas ng paglilingkod.
Yamang ang nakikitang ahensiya na gagamitin ni Kristo ay ang tapat at maingat na alipin (at ang mga pangyayari sa modernong kasaysayan na atin nang naisaalang-alang ay nagpapakita na ginagamit ng “aliping” ito ang Samahang Watch Tower bilang legal na kasangkapan), ipinaliwanag ng Ang Bantayan na ayon sa kaayusang teokratiko ang mga paghirang sa paglilingkod ay dapat gawin sa pamamagitan ng ahensiyang ito. Kung papaano kinilala ng mga kongregasyon noong unang siglo ang lupong tagapamahala sa Jerusalem, gayundin sa ngayon ang mga kongregasyon ay hindi susulong sa espirituwal kung walang panlahatang pangangasiwa.—Gawa 15:2-30; 16:4, 5.
Subalit, upang wastong malasin ang bagay na ito, ipinaliwanag na kapag binabanggit ng Ang Bantayan “Ang Samahan,” ito’y tumutukoy, hindi sa isa lamang legal na kasangkapan, kundi sa lupon ng pinahirang mga Kristiyano na nagtatag ng legal na kasangkapang iyon at gumamit niyaon. Kaya ang termino ay tumutukoy sa tapat at maingat na alipin kasama na rin ang Lupong Tagapamahala nito.
Kahit bago pa inilabas sa Bantayan ang mga artikulong pinamagatang “Organisasyon” noong 1938, nang ang mga kongregasyon sa London, New York, Chicago, at Los Angeles ay lumaki anupat kailangang hatiin ang mga ito sa mas maliliit na grupo, sila’y humiling na ang Samahan ang siyang mag-atas ng lahat ng kanilang mga lingkod. Ngayon ang Hunyo 15, 1938, labas ng Ang Bantayan (sa Ingles) ay nag-anyaya sa lahat ng ibang mga kongregasyon na gumawa rin ng gayon. Sa layuning ito, iminungkahing magharap ng sumusunod na resolusyon:
“Kami, ang kompanya ng bayan ng Diyos na kinuha ukol sa kaniyang pangalan, at ngayo’y nasa . . . . . . . . . . . . , ay kumikilala na ang pamahalaan ng Diyos ay isang tunay na teokrasya at na si Kristo Jesus ay nasa templo at lubusang namamahala at namamatnugot sa nakikitang organisasyon ni Jehova, gayundin sa di-nakikita, at na ‘ANG SAMAHAN’ ang siyang nakikitang kinatawan ng Panginoon sa lupa, at samakatuwid ay hinihilingan namin ‘Ang Samahan’ na organisahin ang kompanyang ito para sa paglilingkod at hirangin ang iba’t ibang mga lingkod nito, upang tayong lahat ay sama-samang makapaglingkod sa kapayapaan, katuwiran, pagkakasuwato at lubos na pagkakaisa. Kalakip dito ang talaan ng pangalan ng mga tao sa kompanyang ito na sa wari namin ay lubusang maygulang at dahil dito ay ang pinaka-angkop upang ilagay sa iba’t ibang itinakdang mga tungkulin ukol sa paglilingkod.”l
Halos lahat ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay buong-lugod na sumang-ayon dito. Yaong iilan na ayaw sumunod ay di-nagtagal at huminto nang lubusan sa paghahayag ng Kaharian anupat hindi na sila matatawag na mga Saksi ni Jehova.
Mga Pakinabang ng Teokratikong Pangangasiwa
Maliwanag na kung ang mga turo, mga pamantayan ng paggawi, at mga kaayusang pang-organisasyon o pagpapatotoo ay maaaring pagpasiyahan sa lokal, di-magtatagal at ang organisasyon ay mawawalan ng pagkakakilanlan at pagkakaisa. Ang mga kapatid ay madaling mahahati dahil sa pansosyal, pangkultura, at pambansang mga kaibahan. Sa kabilang dako, ang teokratikong pangangasiwa ay titiyak na ang mga pakinabang ng espirituwal na pagsulong ay maaaring paabutin sa lahat ng mga kongregasyon sa buong daigdig nang walang hadlang. Kung magkagayon ay maaari nang umiral ang tunay na pagkakaisa na idinalangin ni Jesus na mamayani sa kaniyang tunay na mga tagasunod, at ang gawaing pag-eebanghelyo na ipinag-utos niya ay lubusang maisasagawa.—Juan 17:20-22.
Subalit, inaangkin ng ilan na sa pagbabagong ito sa organisasyon, sinisikap lamang ni J. F. Rutherford na higit na masupil ang mga Saksi at na ginagamit niya ang pamamaraang ito upang ipilit ang kaniyang sariling awtoridad. Totoo ba iyon? Walang alinlangan na si Brother Rutherford ay isang lalaking may matinding kombiksiyon. Siya’y nagsalitang may katapangan at walang kompromiso upang ipagtanggol ang pinaniniwalaan niyang katotohanan. Kung minsan siya’y matalas mangusap sa pakikitungo sa mga situwasyon kapag kaniyang nadama na ang mga tao ay higit na nababahala sa sarili kaysa sa gawa ng Panginoon. Ngunit si Brother Rutherford ay tunay na mapagpakumbaba sa harap ng Diyos. Gaya ng isinulat nang maglaon ni Karl Klein, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala noong 1974: “Dahil sa mga panalangin ni Brother Rutherford sa pang-umagang pagsamba . . . siya’y napamahal sa akin. Bagaman siya’y may makapangyarihang tinig, kapag nakikipag-usap sa Diyos siya’y tulad ng isang munting bata na nakikipag-usap sa kaniyang ama. Anong inam na ugnayan kay Jehova ang isiniwalat nito!” Lubusang kumbinsido si Brother Rutherford hinggil sa pagkakakilanlan ng nakikitang organisasyon ni Jehova, at sinikap niyang tiyakin na walang tao o grupo ng mga tao ang makahahadlang sa lokal na mga kapatid sa pagtanggap ng lubos na pakinabang mula sa espirituwal na pagkain at direksiyon na inilalaan ni Jehova para sa Kaniyang mga lingkod.
Bagaman si Brother Rutherford ay naglingkod ng 25 taon bilang presidente ng Samahang Watch Tower at ginamit ang buong lakas niya sa pagpapaunlad ng gawain ng organisasyon, hindi siya ang lider ng mga Saksi ni Jehova, at ayaw niyang maging gayon. Sa isang kombensiyon sa St. Louis, Missouri, noong 1941, di-nagtagal bago siya namatay, nagsalita siya tungkol sa pagiging lider, na nagsasabi: “Ibig kong ipaalam sa sinumang estranghero rito kung ano ang damdamin ninyo hinggil sa kung ang isang tao ay inyong lider, upang huwag nilang makalimutan. Sa tuwing may sumisibol at umuusbong na bagong bagay, sinasabi nilang ito’y dahil sa isang tao na lider na hinahangaan ng marami. Kung may sinuman sa mga tagapakinig na nag-aakala na ako, ang lalaking nakatayo rito, ang siyang lider ng mga Saksi ni Jehova, sabihin ninyong Oo.” Ang tugon ay isang nakabibinging katahimikan, na sinira lamang ng isang mariing “Hindi” mula sa ilan sa tagapakinig. Nagpatuloy ang tagapagsalita: “Kung kayong naririto ay naniniwala na ako’y isa lamang sa mga lingkod ng Panginoon, at na tayo’y gumagawa nang balikatan sa pagkakaisa, naglilingkod sa Diyos at naglilingkod kay Kristo, sabihin ninyong Oo.” Sabay-sabay na nagsigawan ang asamblea ng isang positibong “Oo!” Nang sumunod na buwan ang mga tagapakinig sa Inglatera ay gayundin ang itinugon.
Sa ilang mga lugar ang mga kapakinabangan ng teokratikong organisasyon ay nadama kaagad. Sa ibang lugar, ito’y medyo nagtagal; yaong napatunayang walang pagkamaygulang, hindi mapagpakumbabang mga lingkod ay inalis nang maglaon, at sila’y pinalitan ng iba.
Sa kabila nito, habang lubusang natatatag ang mga kaayusang teokratiko, ang mga Saksi ni Jehova ay nagalak sa pagtatamasa ng inihula sa Isaias 60:17. Ginagamit ang makasagisag na pangungusap upang ilarawan ang pinasulong na kalagayan na iiral sa gitna ng mga lingkod ng Diyos, sinabi ni Jehova roon: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at gagawin kong kapayapaan ang inyong mga tagapangasiwa at katuwiran ang inyong mga tagapag-utos.” Ang inilalarawan dito ay hindi kung ano ang gagawin ng mga tao kundi, sa halip, kung ano ang gagawin mismo ng Diyos at ang mga pakinabang na makakamit ng kaniyang mga lingkod samantalang nagpapasakop sila roon. Kapayapaan ang dapat mamayani sa gitna nila. Ang pag-ibig sa katuwiran ang dapat na siyang puwersang magtutulak sa kanila na maglingkod.
Mula sa Brazil, si Maud Yuille, asawa ng tagapangasiwa ng sangay, ay sumulat kay Brother Rutherford: “Ang artikulong ‘Organisasyon’ sa Hunyo 1 at 15 [1938] ng Towers ay nag-udyok sa akin na ipahayag sa iyo, na siyang ginagamit ni Jehova sa tapat na paglilingkod, ang aking pasasalamat kay Jehova sa kamangha-manghang kaayusang ginawa niya para sa kaniyang nakikitang organisasyon, gaya ng ibinabalangkas sa dalawang Bantayan na ito. . . . kaylaking ginhawa na makita ang katapusan ng ‘Sariling Pamamahala sa Lokal na mga Kongregasyon’, pati na ng ‘karapatan ng mga babae’ at iba pang di-maka-kasulatang mga kaayusan na nagpumilit sa ilang kaluluwa na sumunod sa lokal na mga pala-palagay at pansariling pasiya, sa halip na sa [Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo], sa gayo’y nilalapastangan ang pangalan ni Jehova. Totoo na ‘nitong kamakailan lamang tinawag ng Samahan ang lahat sa organisasyon bilang “mga lingkod”’, ngunit napansin ko na sa loob ng maraming taon kahit bago nito sa iyong mga sulat sa mga kapatid ay kinilala mo ang iyong sarili bilang ‘ang iyong kapatid at lingkod, sa biyaya Niya’.”
Tungkol sa pagbabagong ito sa organisasyon, nag-ulat ang sangay sa British Isles: “Talagang kamangha-mangha ang magandang epekto nito. Ang matula at makahulang paglalarawan nito sa Isaias kabanata sesenta ay lipos ng kagandahan bagaman hindi naman labis. Naging usap-usapan ito ng bawat isa na nasa katotohanan. Ito ang pangunahing paksang pinag-uusapan. Ang pangkalahatang damdamin ng kasiglahan ang namayani—nakahanda silang magmasigasig sa pakikipagbaka. Samantalang tumitindi ang kaigtingan sa sanlibutan, nag-uumapaw naman ang kagalakan sa teokratikong pamamahala.”
Ang Naglalakbay na mga Tagapangasiwa ay Nagpatibay sa mga Kongregasyon
Higit na pinagtibay ang pang-organisasyong ugnayan dahil sa paglilingkod ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Noong unang siglo, si apostol Pablo ang lalo nang nakibahagi sa gawaing yaon. Sa pana-panahon, nakibahagi rin ang mga lalaking tulad nina Bernabe, Timoteo, at Tito. (Gawa 15:36; Fil. 2:19, 20; Tito 1:4, 5) Lahat sila ay masisigasig na ebanghelisador. Bukod dito, pinasigla nila ang mga kongregasyon sa pamamagitan ng kanilang mga pahayag. Nang bumangon ang mga suliranin na maaaring makaapekto sa pagkakaisa ng mga kongregasyon, ang mga ito’y isinangguni sa panlahatang lupong tagapamahala. Nang magkagayon, “sa kanilang pagtahak sa mga lunsod,” yaong mga pinagkatiwalaan ng responsibilidad “ay nagbigay sa mga naroroon ng mga utos na pinagpasiyahan ng mga apostol at ng matatandang lalaki sa Jerusalem, upang kanilang tuparin.” Ang bunga? “Ang mga kongregasyon ay patuloy na pinatibay sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.”—Gawa 15:1–16:5; 2 Cor. 11:28.
Noon pang dekada ng 1870, si Brother Russell ay dumalaw na sa mga grupo ng mga Estudyante ng Bibliya—sa dalawahan o tatluhan at sa mas malalaking grupo rin—upang patibayin sila sa espirituwal. May iba pang mga kapatid na lalaki na nakibahagi noong dekada ng 1880. Saka, noong 1894, may kaayusang ginawa na regular na paglakbayin ng Samahan ang kuwalipikadong mga tagapagsalita upang tulungan ang mga Estudyante ng Bibliya na lumago sa kaalaman at sa pagpapahalaga sa katotohanan at upang higit na pagbuklurin sila sa isa’t isa.
Kung maaari, ang tagapagsalita ay gumugugol ng isang araw o kaya’y ilang araw sa isang grupo, na nagbibigay ng isa o dalawang pahayag pangmadla at pagkatapos ay dumadalaw sa mas maliliit na grupo at mga indibiduwal upang talakayin ang ilan sa higit na malalalim na bagay sa Salita ng Diyos. Pinagsikapan na ang bawat grupo sa Estados Unidos at Canada ay madalaw nang dalawang beses isang taon, bagaman karaniwa’y ibang kapatid naman ang pumupunta sa ikalawang dalaw. Sa pagpili sa naglalakbay na mga tagapagsalitang ito, binigyang-pansin ang kaamuan, kababaang-loob, at isang maliwanag na pagkaunawa ng katotohanan kasali na ang tapat na panghahawakan dito at ang kakayahang ituro ito nang maliwanag. Ito sa anumang paraan ay hindi isang bayarang ministeryo. Sila’y pinaglalaanan lamang ng pagkain at tuluyan ng lokal na mga kapatid, at kung kinakailangan, tumutulong ang Samahan sa mga gastusin nila sa paglalakbay. Sila nang maglaon ay tinawag na mga pilgrim.
Mahal na mahal ng mga pinaglingkuran nila ang marami sa naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan. Si A. H. Macmillan, isang taga-Canada, ay naaalaala bilang isang kapatid na ang turing sa Salita ng Diyos ay “katulad ng isang nagniningas na apoy.” (Jer. 20:9) Hindi niya maatim na hindi magsalita tungkol dito, at ginawa nga niya ito, na nagsasalita sa mga tagapakinig hindi lamang sa Canada kundi maging sa maraming bahagi ng Estados Unidos at sa ibang mga lupain. Si William Hersee, isa pang pilgrim, ay buong-giliw na naaalaala dahil sa pantanging atensiyong ibinigay niya sa ibang mga kabataan. Ang kaniyang mga panalangin ay hindi rin malilimutan sapagkat nagpapaaninag ang mga ito ng malalim na espirituwalidad na umantig sa mga puso ng kapuwa bata at matanda.
Ang paglalakbay noon ay hindi madali para sa mga pilgrim. Upang paglingkuran ang grupo na malapit sa Klamath Falls, Oregon, halimbawa, si Edward Brenisen ay naglakbay muna sa tren, saka magdamag sa stagecoach, at sa wakas ay sa isang makabaling-butong bagon na tinatawag na buckboard patungo sa mga bundok hanggang sa bukid kung saan sila magtitipon. Maagang-maaga kinabukasan, pagkatapos ng pulong, pinaglaanan siya ng isang kapatid ng kabayo na sasakyan niya nang mga 100 kilometro patungo sa pinakamalapit na istasyon ng tren upang makapaglakbay sa susunod na atas niya. Ito’y isang buhay na talagang may kahirapan, ngunit maganda ang naging bunga ng mga pagsisikap ng mga pilgrim. Ang bayan ni Jehova ay pinalakas, pinagkaisa sa kanilang pagkaunawa sa Salita ng Diyos, at higit na pinagbuklod sa isa’t isa bagaman sila’y nakakalat sa magkakalayong mga dako.
Noong 1926, sinimulang ipatupad ni Brother Rutherford ang mga kaayusan na nagpabago ng gawain ng mga pilgrim anupat sa halip na maging naglalakbay na mga tagapagsalita lamang sila’y naging naglalakbay na mga tagapangasiwa at tagapagtaguyod ng paglilingkod sa larangan sa mga kongregasyon. Bilang pagdiriin sa bago nilang mga responsibilidad, noong 1928 sila’y tinawag na mga regional service director. Sila’y gumawang kasama mismo ng mga kapatid, na nagbibigay ng personal na pagsasanay sa paglilingkod sa larangan. Noong panahong iyon nadadalaw nila ang bawat kongregasyon sa Estados Unidos at sa ibang mga lupain nang minsan isang taon, bukod pa sa pagdalaw rin sa mga indibiduwal at maliliit na grupo na hindi pa inoorganisa para sa paglilingkod.
Sa sumunod na mga taon, ang gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagkaroon ng iba’t ibang mga pagbabago.a Higit na pinaghusay ito noong 1938 nang ang lahat ng mga lingkod sa mga kongregasyon ay inatasan sa teokratikong paraan. Ang mga pagdalaw sa mga kongregasyon nang regular nang sumunod na ilang taon ay nagbigay ng pagkakataon upang maglaan ng personal na pagsasanay sa bawat hinirang na lingkod at karagdagang tulong sa paglilingkod sa larangan para sa lahat. Noong 1942, bago suguing muli ang naglalakbay na mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon, binigyan sila ng masinsinang kurso ng pagsasanay; bunga nito, ang gawain nila ay nagampanan nang may higit na pagkakasuwato. Ang kanilang mga pagdalaw ay maigsi lamang (isa hanggang tatlong araw, depende sa laki ng kongregasyon). Sa panahong iyon sinusuri nila ang mga rekord ng kongregasyon, nakikipagpulong sa lahat ng mga lingkod upang magbigay ng anumang kinakailangang payo, nagbibigay ng isa o dalawang pahayag sa kongregasyon, at nangunguna sa paglilingkod sa larangan. Noong 1946 ang mga pagdalaw ay pinahaba hanggang sa isang linggo sa bawat kongregasyon.
Ang kaayusang ito ukol sa mga pagdalaw sa mga kongregasyon ay pinalawak noong 1938 nang bigyan ng bagong atas ng paglilingkod ang regional director. Siya’y sumaklaw sa lalong malawak na teritoryo, na sa tuwi-tuwina ay gumugugol ng isang linggo kasama ng bawat isa sa mga kapatid na naglalakbay sa isang sona (sirkito) sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Sa panahon ng kaniyang dalaw siya’y nagsasalita sa programa ng isang asamblea na dinadaluhan ng lahat ng mga kongregasyon sa sonang iyon.b Ang kaayusang ito ay malaking pampasigla sa mga kapatid at nagbigay ng regular na pagkakataon upang mabautismuhan ang bagong mga alagad.
“Isa na Umiibig sa Gawaing Paglilingkod”
Kabilang sa mga nakibahagi sa paglilingkurang ito simula noong 1936 ay si John Booth, na noong 1974, ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nang siya’y kapanayamin bilang isa na maaaring maging isang naglalakbay na tagapangasiwa, sinabi sa kaniya: “Ang kinakailangan ay hindi magaling na tagapagpahayag, kundi isa na umiibig sa gawaing paglilingkod at na mangunguna roon at gagawing paksang pag-uusapan ang paglilingkod sa mga pulong.” Taglay ni Brother Booth ang gayong pag-ibig para sa paglilingkuran kay Jehova, gaya ng pinatunayan ng kaniyang masigasig na paglilingkuran bilang payunir mula noong 1928, at kaniyang pinukaw ang sigasig ng pag-eebanghelyo sa iba kapuwa sa kaniyang halimbawa at sa mga salitang pampatibay.
Ang unang kongregasyon na kaniyang dinalaw, noong Marso 1936, ay sa Easton, Pennsylvania. Nang maglaon ay sumulat siya: “Kadalasan ay dumarating ako sa isang lugar na tamang-tama para sa paglilingkod sa larangan sa umaga, nakikipagpulong ako sa mga company servant maaga sa gabi at pagkatapos ay sa buong company naman. Kadalasan ay gumugugol ako ng dalawang araw lamang sa isang company at isang araw lamang kung mas maliit ang grupo, kaya may panahon na ako’y dumadalaw sa anim na gayong mga grupo sa loob ng isang linggo. Walang tigil ang aking mga paglalakbay.”
Pagkaraan ng dalawang taon, noong 1938, siya’y inatasan, bilang isang regional servant, na paglingkuran ang isang asambleang pansona (ngayo’y tinatawag na pansirkitong asamblea) bawat linggo. Tumulong ang mga ito upang patibayin ang mga kapatid noong panahong iyon na tumitindi ang pag-uusig sa ilang mga lugar. Bilang paggunita sa mga araw na iyon at sa iba’t ibang mga pananagutan niya, sinabi ni Brother Booth: “Noong mismong linggong iyon [na doon ako’y testigo sa isang kaso sa hukuman na ang kasangkot ay 60 mga Saksi sa Indianapolis, Indiana] ako’y nagtanggol sa ibang kaso sa Joliet, Illinois, naging manananggol ng isang kapatid sa iba na namang kaso sa Madison, Indiana, at, bukod dito, ay nangasiwa pa ako sa isang asambleang pansona bawat dulo ng sanlinggo.”
Dalawang taon matapos simulan muli ang mga pansonang asambleang ito noong 1946 (ngayo’y pansirkitong asamblea), si Carey Barber ay kabilang sa naatasan bilang mga lingkod ng distrito. Siya’y nakapaglingkod na noon ng 25 taon bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York. Ang kaniyang unang distrito ay sumaklaw sa buong kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Nang pasimula, ang distansiyang nilalakbay sa pagitan ng mga asamblea ay mga 1,600 kilometro bawat linggo. Habang dumarami at lumalaki ang mga kongregasyon, lumiliit naman ang mga distansiyang yaon, at malimit na maraming pansirkitong asamblea ang idinaraos sa iisang malaking lunsod. Pagkatapos ng 29 na taóng karanasan bilang naglalakbay na tagapangasiwa, si Brother Barber ay inanyayahang bumalik sa pandaigdig na tanggapan noong 1977 bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Sa panahon ng digmaan o ng matinding pag-uusig, madalas na isinapanganib ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kanilang kalayaan at ang kanilang buhay upang pangalagaan ang espirituwal na kapakanan ng kanilang mga kapatid. Noong panahon ng pananakop ng mga Nazi sa Belgium, si André Wozniak ay patuloy na dumalaw sa mga kongregasyon at tumulong upang suplayan sila ng literatura. Madalas na nagmumuntikan siyang madakip ng mga Gestapo subalit hindi nila siya talagang nahuli.
Sa Rhodesia (ngayo’y tinatawag na Zimbabwe) noong huling bahagi ng dekada ng 1970, ang mga tao ay namuhay sa takot, at nilagyan ng mga restriksiyon ang paglalakbay noong panahon ng digmaang sibil doon. Subalit ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, bilang maibiging mga pastol at tagapangasiwa, ay napatunayang gaya ng “kublihang dako sa hangin” sa kanilang mga kapatid. (Isa. 32:2) Ang ilan ay naglalakad nang ilang araw sa bukid, na akyat-panaog sa mga bundok, tumatawid sa mapanganib na mga ilog, natutulog sa labas kung gabi—lahat-lahat upang abutin ang malalayong kongregasyon at mamamahayag, upang patibayin sila na manatiling matatag sa pananampalataya. Isa sa mga ito ay si Isaiah Makore, na kamuntik nang matamaan nang magliparan ang mga bala sa itaas ng ulo niya sa isang labanan sa pagitan ng mga sundalo ng pamahalaan at ng mga “freedom fighters.”
Sa loob ng maraming taon ang ibang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nakapaglingkod sa organisasyon kahit sa ibayong dagat. Ang mga presidente ng Samahang Watch Tower ay madalas na naglakbay sa ibang mga lupain upang pag-ukulan ng pansin ang mga pangangailangang pang-organisasyon at upang magpahayag sa mga kombensiyon. Malaki ang nagawa ng ganitong mga pagdalaw upang laging madama ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng dako na sila’y bahagi ng isang pambuong-daigdig na kapatiran. Si Brother Knorr lalo na ang regular na nagtaguyod sa gawaing ito, na dumadalaw sa bawat sangay at tahanang misyonero. Habang lumalaki ang organisasyon, binahagi ang daigdig sa sampung internasyonal na sona, at simula noong Enero 1, 1956, ang kuwalipikadong mga kapatid, sa ilalim ng pangangasiwa ng presidente, ay tumulong sa paglilingkurang ito upang ito’y mabigyan ng regular na atensiyon. Ang mga pagdalaw sa sonang iyon, na ngayo’y ginagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Service Committee ng Lupong Tagapamahala, ay patuloy na nagpapatibay sa pandaigdig na pagkakaisa at pagsulong ng buong organisasyon.
May iba pang mahahalagang pangyayari na nakatulong upang mabuo ang kasalukuyang kayariang pang-organisasyon.
Karagdagang Teokratikong Pagbabago
Noong kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, si Joseph F. Rutherford ay namatay, noong Enero 8, 1942, at si Nathan H. Knorr ang naging ikatlong presidente ng Samahang Watch Tower. Gayon na lamang ang panggigipit sa organisasyon noon dahil sa mga pagbabawal sa gawain nito sa maraming lupain, sa mararahas na pang-uumog na ginagawa sa ngalan ng pagiging makabayan, at sa pag-aresto sa mga Saksi samantalang namamahagi ng literatura sa kanilang pangmadlang ministeryo. Ang pagbabago ba ng administrasyon ay magiging sanhi ng panghihina sa gawain sa gayong mapanganib na panahon? Ang mga kapatid na nag-aalaga noon sa pangasiwaan ay umasa kay Jehova para sa kaniyang patnubay at pagpapala. Kasuwato ng kanilang paghahangad ng banal na patnubay, sinuri nilang muli ang kayarian ng organisasyon upang tingnan kung may anumang bagay roon na maaaring higit na iayon sa mga pamamaraan ni Jehova.
Saka, noong 1944, isang asamblea ukol sa paglilingkod ang idinaos sa Pittsburgh, Pennsylvania, may kaugnayan sa taunang miting ng Samahang Watch Tower. Noong Setyembre 30, bago ang taunang miting na iyan, isang serye ng napakahalagang mga pahayag ang ibinigay may kinalaman sa sinasabi ng mga Kasulatan tungkol sa organisasyon ng mga lingkod ni Jehova.c Itinuon ang pansin lalo na sa Lupong Tagapamahala. Noong okasyong iyon ay idiniin na ang teokratikong mga simulain ay dapat kumapit sa lahat ng mga ahensiyang ginagamit ng uring tapat at maingat na alipin. Ipinaliwanag na ang legal na korporasyon ay hindi binubuo ng lahat ng “nakatalagang” bayan ng Diyos. Ito’y kumatawan lamang sa kanila, na kumikilos bilang legal na kasangkapan sa kanilang kapakanan. Gayunman, yamang ang Samahan ang ahenteng tagapaglathala na ginagamit upang paglaanan ang mga Saksi ni Jehova ng literatura na naglalaman ng espirituwal na liwanag, makatuwiran lamang at talagang kailangan na ang Lupong Tagapamahala ay matalik na mapaugnay sa mga opisyal at mga direktor ng legal na Samahang yaon. Lubusan bang ikinapit ang teokratikong mga simulain sa mga kaayusan nito?
Ang karta ng Samahan noon ay may kaayusang parang kasosyo na doon ang bawat abuloy na $10 (E.U.) ay nagbigay-karapatan sa nag-abuloy para sa isang boto may kaugnayan sa pagpili ng mga miyembro ng lupon ng mga direktor at ng mga opisyal ng Samahan. Waring ang iniisip ay na ang gayong mga abuloy ay katibayan ng tunay na pagmamalasakit sa gawain ng organisasyon. Subalit, ang kaayusang ito ay nagharap ng mga problema. Si Brother Knorr, ang presidente ng Samahan, ay nagpaliwanag: “Ayon sa mga probisyon ng karta ng Samahan, lumilitaw na para bang ang pagiging bahagi ng lupong tagapamahala ay depende sa mga abuloy sa legal na Samahan. Subalit ayon sa kalooban ng Diyos ay hindi dapat magkagayon sa gitna ng tunay na piniling bayan niya.”
Sa katunayan si Charles Taze Russell, na sa loob ng unang 32 taon ng Samahan ay pangunahin sa lupong tagapamahala, ang siyang pinakapangunahing tagatangkilik ng Samahan sa pinansiyal, pisikal, at mental na paraan. Subalit hindi dahil sa pag-aabuloy ng salapi kung kaya siya ginamit ng Panginoon. Ang kaniyang walang pasubaling pag-aalay ng sarili, ang kaniyang walang-sawang sigasig, ang kaniyang walang-kompromisong paninindigan sa Kaharian ng Diyos, at ang kaniyang di-mababaling katapatan at pagkamaaasahan ang siyang mga dahilan kung bakit siya itinuring na karapat-dapat sa paglilingkod sa paningin ng Diyos. May kinalaman sa teokratikong organisasyon, kumakapit ang tuntunin: “Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan, bawat isa, ayon sa kaniyang minagaling.” (1 Cor. 12:18) “Subalit,” paliwanag ni Brother Knorr, “yamang ang karta ng Samahan ay nagsaayos na ang pribilehiyong bumoto ay ibigay sa mga nag-aabuloy ng salapi sa gawain ng Samahan, parang hinamak o nilabag nito ang Teokratikong prinsipyo may kaugnayan sa lupong tagapamahala; at para ring isinapanganib at hinadlangan ang prinsipyong ito.”
Kaya, sa legal na miting ng lahat ng botanteng kasapi ng Samahan noong Oktubre 2, 1944, pinagtibay ng lahat ng naroroon na rebisahin ang karta ng Samahan at higit na iayon sa teokratikong mga simulain. Magkakaroon ng limitadong bilang ng mga miyembro na magiging mula 300 hanggang 500 lamang, na lahat ng mga ito ay mga lalaking pinili ng lupon ng mga direktor, hindi salig sa kanilang pag-aabuloy ng salapi, kundi dahil sa sila’y maygulang, aktibo, tapat na mga Saksi ni Jehova na naglilingkod nang buong panahon sa gawain ng organisasyon o bilang aktibong mga ministro ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga miyembrong ito ang boboto para sa lupon ng mga direktor, at ang lupon ng mga direktor naman ang pipili ng magiging mga opisyal nito. Ang bagong mga kaayusang ito ay nagkabisa nang sumunod na taon, noong Oktubre 1, 1945. Kaylaking proteksiyon ito sa panahong ang sumasalungat na mga pangkat sa mga korporasyon ay madalas na nagmamaniobra sa mga kaayusan ng mga ito upang agawin ang pamamahala sa mga korporasyon at saka baguhin ang kayariang ito upang ibagay sa kanilang sariling mga kagustuhan!
Ang pagpapala ni Jehova sa mga pasulong na hakbang na ito upang maging kaayon ng teokratikong mga simulain ay nakikita na. Sa kabila ng labis ng panggigipit sa organisasyon noong Digmaang Pandaigdig II, ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay patuloy na dumami. Walang humpay, sila’y buong-sigasig na nagpatuloy sa pagpapatotoo hinggil sa Kaharian ng Diyos. Mula 1939 hanggang 1946, nagkaroon ng nakagigitlang pagsulong na 157 porsiyento sa bilang ng mga Saksi ni Jehova, at sila’y nakaabot sa anim pang mga lupain taglay ang mabuting balita. Sa loob ng sumunod na 25 taon, ang bilang ng aktibong mga Saksi ay lumago nang halos 800 porsiyento pa, at sila’y nag-ulat ng regular na gawain sa 86 na karagdagang lupain.
Pantanging Pagsasanay Para sa mga Tagapangasiwa
Sa palagay ng ilang mga tagalabas na nagmamasid, hindi raw maiiwasan na kapag lumaki na ang organisasyon, magiging mas maluwag ang mga pamantayan nito. Subalit, kabaligtaran nito, inihula ng Bibliya na mamamayani ang katuwiran at kapayapaan sa gitna ng mga lingkod ni Jehova. (Isa. 60:17) Kakailanganin nito ang masusi at patuluyang edukasyon sa Salita ng Diyos para sa responsableng mga tagapangasiwa, isang malinaw na pagkaunawa tungkol sa kaniyang panghukumang mga pamantayan, at ang walang-pagbabagong pagkakapit ng mga pamantayang iyon. Inilaan ang gayong uri ng edukasyon. Ang isang masusing pag-aaral ng matuwid na mga kahilingan ng Diyos ay patuluyang inilalaan sa Ang Bantayan, at ang materyal na ito ay sistematikong pinag-aaralan na ng bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Subalit, bukod dito, ang mga tagapangasiwa ng kawan ay binigyan ng maraming karagdagang instruksiyon.
Ang pangunahing mga tagapangasiwa sa mga sangay ng Samahan ay tinipon ukol sa pantanging pagsasanay sa panahon ng mga internasyonal na kombensiyon. Mula 1961 hanggang 1965, isang pantanging dinisenyong kurso ng paaralan, na walo hanggang sampung buwan ang haba, ang isinaayos para sa kanila sa New York. Mula 1977 hanggang 1980, nagkaroon ng isa pang serye ng pantanging limang-linggong kurso para sa kanila. Kalakip sa kanilang pagsasanay ay ang bersikulo-por-bersikulong pag-aaral ng lahat ng mga aklat ng Bibliya gayundin ang pagtalakay sa mga kaayusang pang-organisasyon at mga pamamaraan upang higit na mapalaganap ang pangangaral ng mabuting balita. Walang nasyonalistikong pagkakabaha-bahagi sa mga Saksi ni Jehova. Saanman sila naninirahan, nanghahawakan sila sa gayunding mataas na mga pamantayan ng Bibliya at naniniwala at nagtuturo ng gayunding mga bagay.
Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito ay binigyan din ng pantanging atensiyon. Marami sa kanila ang dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead o isa sa mga Extension School nito. Sa pana-panahon, sila’y tinitipon sa mga tanggapang pansangay ng Samahan, o sa ibang kombinyenteng mga dako, para sa mga seminar na may habang ilang mga araw o isang linggo.
Noong 1959 pinasimulan ang isa pang katangi-tanging paglalaan. Ito ay ang Kingdom Ministry School, na dinaluhan ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito at gayundin ng mga tagapangasiwa ng kongregasyon. Noong pasimula ito’y isang buong-buwan na kurso. Pagkatapos na magamit nang isang taon sa Estados Unidos, ang materyal para sa kurso ay isinalin sa ibang mga wika at unti-unting ginamit sa palibot ng globo. Yamang hindi maisaayos ng lahat ng mga tagapangasiwa na magbakasyon sa kanilang sekular na trabaho nang buong isang buwan, isang dalawang-linggong bersiyon ng kurso ang pinasimulan noong 1966.
Ang paaralang ito ay hindi isang seminaryo na doon ang mga lalaki ay sinasanay bilang paghahanda sa ordinasyon. Yaong mga dumalo ay dati nang mga ordinadong ministro. Marami sa kanila ay nakapaglingkod na bilang mga tagapangasiwa at pastol ng kawan sa loob ng ilang dekada. Ang kanilang kurso ng pag-aaral ay isang pagkakataon upang talakayin nang mas detalyado ang mga tagubilin sa Salita ng Diyos hinggil sa kanilang gawain. Binigyan ng pantanging pansin ang kahalagahan ng ministeryo sa larangan at kung papaano ito mabisang gagawin. Dahil sa nagbabagong moral na mga pamantayan ng sanlibutan, malaking panahon ang ginugol sa pagtalakay ng pagtataguyod ng mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad. Ang kursong ito’y sinundan kamakailan ng mga seminar bawat dalawa o tatlong taon, gayundin ng nakatutulong na mga pulong na idinaraos ng naglalakbay na mga tagapangasiwa kasama ng lokal na matatanda ilang beses sa loob ng isang taon. Ang mga ito’y naglalaan ng pagkakataong mabigyan ng pantanging pansin ang kasalukuyang mga pangangailangan. Ang mga ito’y pananggalang upang huwag unti-unting mapahiwalay sa mga pamantayan ng Bibliya, at tumutulong upang tiyakin na pare-pareho ang pagharap sa mga situwasyon sa lahat ng mga kongregasyon.
Isinasapuso ng mga Saksi ni Jehova ang payo sa 1 Corinto 1:10: “Hinihimok ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita ng isa lamang bagay, at huwag magkaroon sa inyo ng pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y lubos na magkaisa sa isa lamang pag-iisip at isa lamang takbo ng kaisipan.” Hindi ito isang sapilitang pagkakaisa; ito’y bunga ng pagtuturo sa mga daan ng Diyos na napaulat sa Bibliya. Kinalulugdan ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamamaraan at layunin ng Diyos. Kung may sinumang hindi na nalulugod na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, malaya silang makaaalis sa organisasyon. Subalit kung ang sinuman ay nagsisimulang magturo ng ibang paniniwala o nagwawalang-bahala sa moralidad ng Bibliya, ang mga tagapangasiwa ay kumikilos upang ipagsanggalang ang kawan. Ikinakapit ng organisasyon ang payo ng Bibliya: “Tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabaha-bahagi at mga katitisuran laban sa turo na inyong natutuhan, at layuan ang mga ito.”—Roma 16:17; 1 Cor. 5:9-13.
Inihula ng Bibliya na paiiralin ng Diyos ang gayong uri ng kalagayan sa gitna ng kaniyang mga lingkod, isa na rito’y mamamayani ang katuwiran at magdudulot ng mapayapang bunga. (Isa. 32:1, 2, 17, 18) Ang mga kalagayang ito ay tunay na nakaaakit sa mga tao na may pag-ibig sa katuwiran.
Ilan kaya sa mga umiibig sa katuwirang ito ang matitipon bago ang katapusan ng matandang sistema? Hindi alam ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit alam ni Jehova kung ano ang nasasangkot sa kaniyang gawain, at sa kaniyang sariling takdang panahon at paraan ay titiyakin niya na ang kaniyang organisasyon ay masangkapan upang ito’y ganapin.
Naghahanda Para sa Mabilisang Paglago
Nang isagawa ang pagsusuri sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala bilang paghahanda para sa reperensiyang Aid to Bible Understanding, muling pinag-ukulan ng pansin ang paraan ng pag-oorganisa ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Isang masusing pag-aaral ang ginawa sa mga termino sa Bibliyang tulad ng “nakatatandang lalaki,” “tagapangasiwa,” at “ministro.” Maaari ba na ang modernong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay maging higit na kaayon ng huwaran na napaulat sa mga Kasulatan bilang patnubay?
Ang mga lingkod ni Jehova ay determinadong patuloy na magpasakop sa banal na patnubay. Sa isang serye ng mga kombensiyon na idinaos noong 1971, itinuon ang pansin sa mga kaayusan ng pamamahala sa sinaunang Kristiyanong kongregasyon. Ipinaliwanag na ang salitang pre·sbyʹte·ros (nakatatandang lalaki, elder), gaya ng paggamit sa Bibliya, ay hindi limitado sa mga taong may edad, ni kumakapit man ito sa lahat ng nasa kongregasyon na maygulang sa espirituwal. Ito’y ginamit lalo na sa opisyal na diwa may kaugnayan sa mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon. (Gawa 11:30; 1 Tim. 5:17; 1 Ped. 5:1-3) Ang mga ito’y tumanggap ng kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng paghirang, kasuwato ng mga kahilingan na naging bahagi ng kinasihang mga Kasulatan. (Gawa 14:23; 1 Tim. 3:1-7; Tito 1:5-9) Kapag may sapat na kuwalipikadong mga lalaki, may higit sa isang matanda sa kongregasyon. (Gawa 20:17; Fil. 1:1) Ang mga ito ay bumubuo ng “lupon ng matatanda,” na lahat ng mga ito ay may pantay-pantay na katungkulan, at wala sa kanila ang nagiging pinakaprominente o pinakamalakas na miyembro sa kongregasyon. (1 Tim. 4:14) Upang tulungan ang matatanda, ipinaliwang pa, may hinirang ding “mga ministeryal na lingkod,” ayon sa mga kahilingang inilahad ni apostol Pablo.—1 Tim. 3:8-10, 12, 13.
Kaagad ay may isinagawang kaayusan upang ang organisasyon ay higit na iayon sa huwarang ito na nakalagay sa Bibliya. Ito’y nagsimula sa Lupong Tagapamahala mismo. Pinarami ang mga miyembrong ito nang higit sa pito na, bilang miyembro ng lupon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ay dati nang naglilingkod bilang lupong tagapamahala para sa mga Saksi ni Jehova. Walang takdang bilang ang inilagay para sa Lupong Tagapamahala. Noong 1971, may 11; sa loob ng ilang taon, umabot ito sa 18; noong 1992, may 12. Lahat ng mga ito ay mga lalaking pinahiran ng Diyos bilang kasamang tagapagmana ni Jesu-Kristo. Ang 12 na naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala noong 1992 ay may kabuuang rekord noong panahong iyon na mahigit na 728 taon ng buong-panahong paglilingkod bilang mga ministro ng Diyos na Jehova.
Napagpasiyahan noong Setyembre 6, 1971, na ang katungkulan ng chairman sa mga pulong ng Lupong Tagapamahala ay dapat na maghali-halili taun-taon ayon sa abakada batay sa apelyido ng mga miyembro nito. Ito’y aktuwal na nagsimula noong Oktubre 1. Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay naghali-halili rin, nang lingguhan, sa pangangasiwa sa pang-umagang pagsamba at sa Pag-aaral ng Bantayan para sa mga tauhan ng punong tanggapan.d Ang kaayusang ito ay nagsimula noong Setyembre 13, 1971, nang si Frederick W. Franz ay manguna sa programa ng pang-umagang pagsamba sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York.
Nang sumunod na taon, ang paghahanda ay ginawa ukol sa mga pagbabago sa pangangasiwa ng mga kongregasyon. Hindi na magkakaroon ng isa lamang lingkod ng kongregasyon na tinutulungan ng isang takdang bilang ng ibang mga lingkod. Ang mga lalaking kuwalipikado ayon sa Kasulatan ay hihiranging maglingkod bilang matatanda. Ang iba, na umabot sa mga kahilingan ng Bibliya, ay hihirangin bilang mga ministeryal na lingkod. Ito’y nagbukas ng daan upang lalong marami ang maaaring makibahagi sa pangkongregasyong mga pananagutan at sa gayo’y magtamo ng mahalagang karanasan. Noong panahong iyon, hindi sukat akalain ng sinuman sa mga Saksi ni Jehova na ang bilang ng mga kongregasyon ay darami nang 156 na porsiyento sa susunod na 21 taon, na umabot sa bilang na 69,558 noong 1992. Ngunit maliwanag na ang Ulo ng kongregasyon, ang Panginoong Jesu-Kristo, ay gumagawa ng paghahanda para sa magaganap sa hinaharap.
Noong unang bahagi ng dekada ng 1970, binigyan ng maingat na pagsasaalang-alang ang karagdagan pang mga pagbabago sa organisasyon ng Lupong Tagapamahala. Sapol nang gawing korporasyon ang Samahang Watch Tower noong 1884, ang paglilimbag ng literatura, pangangasiwa sa pambuong-daigdig na gawaing pag-eebanghelyo, at mga kaayusan para sa mga paaralan at mga kombensiyon ay ginawa sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapan ng presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ngunit pagkatapos ng maingat na pagsusuri at pagtalakay sa mga detalye sa loob ng ilang buwan, isang bagong kaayusan ang pinagtibay ng lahat noong Disyembre 4, 1975. Anim na komite ng Lupong Tagapamahala ang inorganisa.
Ang Chairman’s Committee (na binubuo ng kasalukuyang chairman ng Lupong Tagapamahala, ang sinundang chairman, at ang susunod na magiging chairman) ay tumatanggap ng mga report ng malulubhang biglaang kagipitan, kasakunaan, at kampanya ng pag-uusig, at ito’y tumitiyak na ang mga ito’y dagling naaasikaso ng Lupong Tagapamahala. Ang Writing Committee ay nangangasiwa sa paglalathala ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng pagsulat, tape recordings, at video para sa mga Saksi ni Jehova at para ipamahagi sa madla, at nangangasiwa rin ito sa gawaing pagsasalin sa daan-daang wika. Ang pananagutan ng Teaching Committee ay ang pangasiwaan ang mga paaralan at mga asamblea, gayundin ang mga pandistrito at pang-internasyonal na kombensiyon, para sa bayan ni Jehova, bukod pa sa mga instruksiyon sa pamilyang Bethel at pagbalangkas ng materyal na ginagamit sa layuning ito. Ang Service Committee ay nangangasiwa sa lahat ng mga pitak ng gawaing pag-eebanghelyo, lakip na ang gawain ng mga kongregasyon at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ang paglilimbag, paglalathala, at pagpapadala ng literatura gayundin ang pagpapatakbo ng mga palimbagan at pag-aasikaso ng legal at pinansiyal na mga bagay ay pawang pinangangasiwaan ng Publishing Committee. At ang Personnel Committee ay nangangasiwa sa mga kaayusan ukol sa personal at espirituwal na tulong sa mga miyembro ng mga pamilyang Bethel at may pananagutan sa pag-aanyaya ng bagong mga miyembro na maglilingkod sa mga pamilyang Bethel sa palibot ng daigdig.
May karagdagang katulong na mga komite na inatasang mangasiwa sa mga palimbagan, mga tahanang Bethel, at mga farm na kaugnay ng pandaigdig na punong-tanggapan. Sa mga komiteng ito ginagamit na mabuti ng Lupong Tagapamahala ang mga kakayahan ng mga miyembro ng “malaking pulutong.”—Apoc. 7:9, 15.
May mga pagbabago ring ginawa sa pangangasiwa sa mga sangay ng Samahan. Simula noong Pebrero 1, 1976, ang bawat sangay ay pinangangasiwaan ng isang komite ng tatlo o higit pang miyembro, depende sa pangangailangan at sa laki ng sangay. Ang mga ito’y gumagawa sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala upang pangasiwaan ang gawaing pang-Kaharian sa kanilang lugar.
Noong 1992, karagdagang pag-alalay ang inilaan para sa Lupong Tagapamahala nang ang ilang mga katulong, ang karamiha’y mula sa malaking pulutong, ay inatasang makibahagi sa mga pulong at gawain ng Writing, Teaching, Service, Publishing, at Personnel committees.e
Ang pagbabahaging ito ng mga pananagutan ay tunay na napatunayang kapaki-pakinabang. Bilang karagdagan sa mga pagbabagong nagawa na sa mga kongregasyon, ito’y nakakatulong upang alisin ang anumang bagay na maaaring humadlang sa mga indibiduwal na pahalagahan na si Kristo ang Ulo ng kongregasyon. Napatunayang totoong kapaki-pakinabang na ang ilang mga kapatid ay sama-samang magsanggunian hinggil sa mga bagay na nakaaapekto sa gawaing pang-Kaharian. Karagdagan pa, ang mga pagbabagong ito ay nagpangyaring mabigyan ng karampatang pangangasiwa ang maraming larangan ng gawain na lubhang nangailangan ng atensiyon noong panahong gayon na lamang kabilis ang paglago ng organisasyon. Noon, inihula ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ay papangyarihin kong mabilis sa takdang panahon.” (Isa. 60:22) Hindi lamang niya pinabilis ito kundi kaniya ring pinaglaanan ito ng kinakailangang pangangasiwa upang ito’y mapangalaan ng kaniyang nakikitang organisasyon.
Ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga Saksi ni Jehova ay ang gawaing ipinagawa sa kanila ng Diyos sa huling mga araw ng matandang sanlibutan, at sila’y organisadong mabuti upang gampanan ito. Nakikita ng mga Saksi ni Jehova ang di-maipagkakailang katibayan na ang organisasyong ito ay hindi sa tao kundi sa Diyos at na ang sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang nangunguna rito. Bilang nagpupuno nang Hari, ililigtas ni Jesus ang kaniyang tapat na mga sakop sa darating na malaking kapighatian at titiyakin na sila’y organisadong mabuti upang isakatuparan ang kalooban ng Diyos sa panahon ng Milenyong darating.
[Mga talababa]
a Noong 1894, isinaayos ni Brother Russell na suguin ng Zion’s Watch Tower Tract Society ang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki bilang mga tagapagsalita. Sila’y binigyan ng nilagdaang mga sertipiko upang gamitin sa pagpapakilala ng sarili sa mga lokal na grupo. Ang mga sertipikong ito ay hindi nagkakaloob ng awtoridad na mangaral ni nangangahulugan man na ang lahat ng sinasabi ng may hawak nito ay tatanggapin nang walang pagsusuri sa liwanag ng Salita ng Diyos. Gayunpaman, yamang ang layunin nito ay binigyan ng ilan ng maling pangangahulugan, bago lumipas ang isang taon ay binawi ni Brother Russell ang mga sertipikong ito. Buong-ingat na sinikap niyang iwasan ang anumang bagay na maaaring ituring ng mga nagmamasid bilang kahawig man lamang ng isang uring klero.
b Zion’s Watch Tower, Oktubre-Nobyembre 1881, p. 8-9.
c May panahong ang lokal na mga grupo ay tinukoy bilang “mga iglesya,” kaayon ng salitang ginagamit sa King James Version. Ang mga ito’y tinawag ding mga ecclesia, kasuwato ng terminong ginagamit sa Griegong teksto ng Bibliya. Ang pananalitang “mga klase” ay ginamit din, sapagkat ang totoo sila’y mga kalipunan ng mga estudyante na regular na nagtitipon upang mag-aral. Nang dakong huli, nang tinawag na mga kompanya, ito’y nagpaaninag ng kanilang paniniwala na sila’y nakikilahok sa espirituwal na pagbabaka. (Tingnan ang Awit 68:11, KJ, mardyin.) Matapos ilathala ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures noong 1950, ang modernong-wikang terminong “kongregasyon” ang sinimulang gamitin sa karamihan ng mga lupain.
d Ang literal na kahulugan ng salitang ginamit sa teksto ng Bibliyang Griego (khei·ro·to·neʹo) ay “iabot, iunat, o itaas ang kamay,” at, bilang karagdagan, ito’y maaaring mangahulugan din na “ihalal o piliin para sa tungkulin sa pamamagitan ng pagtataas ng mga kamay.”—A Greek and English Lexicon to the New Testament, ni John Parkhurst, 1845, p. 673.
e Para sa mga detalye, tingnan ang Kabanata 25, “Pangangaral sa Madla at sa Bahay-Bahay.”
f Sa pamamagitan ng service director, ang paglilingkod sa larangan ng mga kabilang sa kongregasyon, o klase, ay iuulat sa Samahan linggu-linggo, simula 1919.
g Gaya ng binalangkas sa pulyetong Organization Method, ang bawat kongregasyon ay kailangang maghalal ng isang katulong na direktor at isang tagapag-ingat ng literatura. Ang mga ito, kasama na rin ng hinirang-ng-Samahan na service director, ang bumubuo ng lokal na komite sa paglilingkod.
h The Watch Tower, Hulyo 1, 1920, p. 195-200.
i Ang komite sa paglilingkod noong panahong iyon ay binubuo ng hindi lalampas sa sampung miyembro. Ang isa rito ay ang service director, na hindi inihalal sa lokal kundi hinirang ng Samahan. Ang iba ay gumawang kasama niya upang isaayos at ganapin ang gawaing pagpapatotoo.
j Sa loob ng ilang taon, mula 1932 patuloy, ang mga ito ay tinukoy bilang mga Jonadab.
k Kapag ang Griegong pandiwang khei·ro·to·neʹo ay binigyan lamang ng kahulugan na ‘ihalal sa pag-uunat ng kamay,’ hindi nito binibigyan ng pansin ang kahulugan ng salita noong dakong huli. Kaya, ang A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott, pinatnugutan nina Jones at McKenzie at muling nilimbag noong 1968, ay nagbibigay ng kahulugang “mag-unat ng kamay, sa layuning ang isa’y magbigay ng boto sa kapulungan . . . II. c. acc. pers. [accusative of person], ihalal, nang was[to] sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay . . . b. nang dakong huli, karaniwang, humirang, . . . mag-atas sa tungkulin sa Iglesya, [pre·sby·teʹrous] Gaw. Ap. [Gawa ng mga Apostol] 14.23.” Ang huling paggamit na yaon ay pangkaraniwan sa kaarawan ng mga apostol; ang termino ay ginamit sa gayong kahulugan ng unang-siglong Judiong historyador na si Josephus sa Jewish Antiquities, Aklat 6, kabanata 4, parapo 2, at kabanata 13, parapo 9. Ang mismong pambalarilang kayarian ng Gawa 14:23 sa orihinal na Griego ay nagpapakita na sina Pablo at Bernabe ang siyang gumawa ng paghirang na inilarawan doon.
l Noong bandang huli ng taon ding yaon, 1938, ang Organization Instructions, na inilathala bilang isang apat-na-pahinang polder, ay nagbigay ng karagdagang detalye. Ipinaliwanag nito na ang lokal na kongregasyon ay mag-aatas ng isang komite na kakatawan sa kongregasyon. Isasaalang-alang ng komiteng iyon ang mga lalaki sa liwanag ng mga kuwalipikasyong nakalahad sa Kasulatan at gagawa ng mga rekomendasyon sa Samahan. Nang dalawin ng naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan ang mga kongregasyon, nirepaso nila ang kuwalipikasyon ng lokal na mga lalaki at ang katapatan nila sa pag-aasikaso sa kanilang mga tungkulin. Ang kanilang mga rekomendasyon ay isinasaalang-alang din ng Samahan kapag gumagawa ng mga paghirang.
a Mula 1894 hanggang 1927, ang naglalakbay na mga tagapagsalitang isinugo ng Samahan ay unang tinawag na mga kinatawan ng Tower Tract Society, pagkatapos ay mga pilgrim. Mula 1928 hanggang 1936, palibhasa’y higit na idiniriin ang paglilingkod sa larangan, sila’y tinawag na mga regional service director. Pasimula noong Hulyo 1936, upang patingkarin ang wastong pakikipag-ugnayan sa lokal na mga kapatid, sila’y nakilala bilang regional servants. Mula 1938 hanggang 1941, ang mga lingkod ng sona ay inatasang maglingkod sa isang limitadong bilang ng mga kongregasyon na iikutin nila, anupat dinadalaw nila ang mga grupo ring iyon nang hali-halili sa loob ng isang takdang panahon. Pagkaraang mapahinto ng mga isang taon, ang paglilingkurang ito ay pinasimulang muli noong 1942 na ang tawag sa kanila ay mga servants to the brethren. Noong 1948 ang terminong lingkod ng sirkito ang ginamit; ngayon ay tagapangasiwa ng sirkito.
Mula 1938 hanggang 1941, ang mga regional servant, bilang bagong gawain, ay naglingkod sa lokal na mga asamblea, kung saan ang mga Saksi mula sa isang limitadong pook (isang sona) ay nagtipon para sa isang pantanging programa. Nang ang gawaing ito ay pinasimulang muli noong 1946, ang naglalakbay na mga tagapangasiwang ito ay tinawag na mga lingkod ng distrito; ngayon ay tagapangasiwa ng distrito.
b Ang kaayusang ito ay nagpasimula noong Oktubre 1, 1938. Naging higit at higit na mahirap ang pagsasaayos ng mga asamblea noong mga taon ng digmaan, kaya ang mga asambleang pansona ay pansamantalang inihinto noong dakong huli ng 1941. Gayunman, noong 1946, ang kaayusan ay muling pinasimulan, at ang mga okasyon para sa pagtitipon ng ilang mga kongregasyon ukol sa pantanging instruksiyon ay tinawag na mga pansirkitong asamblea.
c Ang buod ng mga pahayag na ito ay masusumpungan sa Oktubre 15 at Nobyembre 1, 1944, na labas ng Ang Bantayan (sa Ingles).
d Nang malaunan, pinili nila ang ibang mga miyembro ng pamilyang Bethel upang makibahagi sa pagganap ng mga atas na iyon.
[Blurb sa pahina 204]
Ang isang uring klero ay walang dako sa gitna nila
[Blurb sa pahina 205]
Hindi nagsisikap na magtatag ng isang “makalupang organisasyon”
[Blurb sa pahina 206]
Papaano pinipili ang matatanda?
[Blurb sa pahina 212]
Isang direktor na hinirang ng Samahan
[Blurb sa pahina 213]
Ang ilang matanda ay ayaw mangaral sa labas ng kongregasyon
[Blurb sa pahina 214]
Pagbabawas sa bilang subalit pagpapahusay sa organisasyon
[Blurb sa pahina 218]
Papaano ginawa ang mga paghirang?
[Blurb sa pahina 220]
Si Rutherford ba’y nagsisikap lamang na higit na masupil ang iba?
[Blurb sa pahina 222]
Pagdalaw sa mga grupong dalawahan o tatluhan at sa mas malalaking grupo rin
[Blurb sa pahina 223]
Bagong mga responsibilidad para sa naglalakbay na mga tagapangasiwa
[Blurb sa pahina 234]
Pinalaking Lupong Tagapamahala na may naghahali-haliling chairman
[Blurb sa pahina 235]
Kinakailangang pangangasiwa sa panahong gayon na lamang kabilis ang paglago
[Kahon sa pahina 207]
Bakit Nagbago?
Nang tanungin hinggil sa kaniyang pagbabago ng pangmalas tungkol sa pagpili ng matatanda sa iba’t ibang grupo ng bayan ng Panginoon, si C. T. Russell ay sumagot:
“Una sa lahat ay nais kong sabihin sa inyo na kailanma’y hindi ko inangkin na ako’y hindi maaaring magkamali. . . . Hindi namin ikinakaila na sumusulong kami sa kaalaman, at na iba ngayon ang nauunawaan namin na kalooban ng Panginoon may kaugnayan sa Matatanda o mga nangunguna sa maliliit na grupo ng kaniyang bayan. Ang aming pagkakamali sa pagpapasiya ay sapagkat labis ang inasahan namin mula sa mahal na mga kapatid na, yamang sila ang una sa Katotohanan, ay natural na maging tagapanguna sa maliliit na kompanyang ito. Ang aming kawili-wiling pag-asa tungkol sa kanila ay, na ang pagkaalam ng Katotohanan ay magdudulot sa kanila ng kapakumbabaan, na magpapangyaring madama nila ang kanilang sariling kaliitan, at na anumang nalalaman nila at maaaring ibahagi sa iba ay bilang mga tagapagsalita lamang ng Diyos na kumakasangkapan sa kanila. Ang aming matayog na pag-asa ay na ang mga ito sa lahat ng paraan ay magiging mga halimbawa sa kawan; at na kung dahil sa pagpapala ng Panginoon ay may papasok sa maliit na kompanya na isa o dalawa pa na may katulad na kakayahan, o kaya’y may higit na kakayahan, na ipaliwanag ang Katotohanan, na ang espiritu ng pag-ibig ang aakay sa kanila na parangalan ang isa’t isa, at sa gayo’y tutulong at magpapasigla sa isa’t isa na makibahagi sa paglilingkod sa Iglesya, ang katawan ni Kristo.
“Palibhasa’y ganito ang nasa isipan ang naging konklusyon namin ay na ang saganang biyaya at katotohanan na itinakda at pinagyaman ng nakatalagang bayan ng Panginoon ngayon ay magpapangyaring hindi na nila kakailanganing sundin ang kaayusang binalangkas ng mga apostol sa unang Iglesya. Ang pagkakamali namin ay ang pagkabigong unawain na ang mga kaayusang binalangkas ng mga apostol sa ilalim ng banal na patnubay ay lalong mahusay kaysa maipapanukala ng iba, at na ang Iglesya bilang kabuuan ay kailangang sumunod sa mga tagubilin ng mga apostol hanggang sa panahong, dahil sa ating pagbabago sa pagkabuhay-muli, tayong lahat ay maging ganap at sakdal at tuwirang makisama sa Panginoon.
“Ang aming pagkakamali ay unti-unti naming napagtanto nang makita namin sa gitna ng mahal na mga kapatid ang espiritu ng pagpapaligsahan, at sa marami ang pagnanasang maging tagapanguna sa mga pulong bilang isang posisyon sa halip na isang paglilingkod, at ipuwera at hadlangan ang ibang kapatid na maging tagapanguna bagaman may katulad na likas na kakayahan at kapantay na kaalaman sa Katotohanan at kahusayan sa paggamit ng tabak ng Espiritu.”—“Zion’s Watch Tower,” Marso 15, 1906, p. 90.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 208, 209]
Mga Pasilidad na Ginamit ng Samahan Isang Siglong Nakalipas sa Palibot ng Pittsburgh
Ang Bible House, na makikita rito, ay nagsilbing punong-tanggapan sa loob ng 19 na taon, mula 1890 hanggang 1909f
Si Brother Russell ay may silid-aralan dito
Mga miyembro ng pamilya sa Bible House na naglingkod dito noong 1902
Naroon sa gusali ang typesetting and composition department (itaas sa kanan), isang shipping department (ibaba sa kanan), bodega ng literatura, tirahan para sa mga manggagawa, at isang kapilya (bulwagang pang-asamblea) na may mga 300 ang makauupo
[Talababa]
f Noong 1879, ang punong-tanggapan ay nasa 101 Fifth Avenue, Pittsburgh, Pennsylvania. Ang mga opisina ay inilipat sa 44 Federal Street, Allegheny (sa North Side ng Pittsburgh), noong 1884; at sa bandang huli ng taon ding iyon, ay sa 40 Federal Street. (Noong 1887, ito’y tinawag na 151 Robinson Street.) Nang kailangan ang higit na espasyo, noong 1889, nagpatayo si Brother Russell ng Bible House, na makikita sa kaliwa, sa 56-60 Arch Street, Allegheny. (Noong dakong huli ang numero ay pinalitan ng 610-614 Arch Street.) Sa isang maikling yugto noong 1918-19, muling ibinalik ang punong-tanggapan sa Pittsburgh, sa ikatlong palapag sa 119 Federal Street.
[Kahon sa pahina 211]
Kaninong Gawain Ito?
Nang malapit nang matapos ang kaniyang makalupang buhay, sumulat si Charles Taze Russell: “Kadalasa’y nakakalimutan ng bayan ng Diyos na ang Panginoon Mismo ang siyang nangunguna sa Kaniyang gawain. Kadalasan ang iniisip ay, Tayo ang gagawa ng isang bagay at hihilingin natin sa Diyos na maging kamanggagawa natin sa ating gawain. Kunin natin ang wastong pangmalas sa bagay na ito, at unawain na ang Diyos ang siyang naglalayon at nagsasakatuparan ng isang dakilang gawain; at na ito’y magtatagumpay, kahit walang anumang tulong o pagsisikap sa bahagi natin; at na isang dakilang pribilehiyong ipinagkaloob sa bayan ng Diyos ang maging kamanggagawa ng kanilang Maylikha sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mga plano, ng Kaniyang mga panukala, ng Kaniyang mga kaayusan, sa Kaniyang paraan. Palibhasa’y ganito ang ating pangmalas, ang ating pananalangin at ang ating pagmamasid ay may layuning alamin at ganapin ang kalooban ng Panginoon, na nasisiyahan anuman ang tungkuling ibinibigay sa atin, sapagkat ang ating Diyos ang siyang nangunguna sa atin. Ito ang patakarang sinisikap na sundin ng Watch Tower Bible and Tract Society.”—“The Watch Tower,” Mayo 1, 1915.
[Kahon/Larawan sa pahina 215]
Mga Tanong na V.D.M.
Ang mga letrang V.D.M. ay hango sa mga salitang Latin na “Verbi Dei Minister,” o Ministro ng Banal na Salita.
Noong 1916 isang talaan ng mga tanong sa maka-Kasulatang mga paksa ay inihanda ng Samahan. Yaong mga gustong kumatawan sa Samahan bilang tagapagsalita ay hinilingang magbigay ng nasusulat na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito. Ito’y tumulong sa Samahan na malaman ang kaisipan, mga damdamin, at kaunawaan ng mga kapatid na ito may kaugnayan sa saligang mga katotohanan ng Bibliya. Ang nasusulat na mga sagot ay sinuring mabuti ng isang lupong surian sa mga tanggapan ng Samahan. Ang mga kinilalang kuwalipikadong maging tagapagsalita ay yaong mga umaabot sa markang 85 porsiyento o higit pa.
Nang maglaon, marami sa matatanda, diakono, at ibang Estudyante ng Bibliya ang humingi ng listahan ng mga tanong na ito. Noong bandang huli, binanggit na magiging mabuti kung ang pipiliin ng mga klase bilang kanilang mga kinatawan ay mga tao lamang na kuwalipikado bilang V.D.M.
Nang ibigay ng Samahan ang katagang Ministro ng Banal na Salita, hindi ito nangangahulugan na inoordina ang indibiduwal. Ito’y nagpapahiwatig lamang na sinuri ng lupong surian sa mga tanggapan ng Samahan ang pagsulong sa doktrina ng taong iyon, at ang kaniyang pagkatao sa makatuwirang antas, at nagpasiya na siya’y karapat-dapat tawaging Ministro ng Banal na Salita.
Ang mga tanong na V.D.M. ay gaya ng sumusunod:
(1) Ano ang unang gawa ng paglalang ng Diyos?
(2) Ano ang kahulugan ng salitang “Logos,” kapag may kaugnayan sa Anak ng Diyos? at ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang Ama at Anak?
(3) Kailan at papaano pumasok ang kasalanan sa sanlibutan?
(4) Ano ang Banal na kabayaran ng kasalanan para sa mga makasalanan? at sino ang mga makasalanan?
(5) Bakit kailangang maging laman ang “Logos”? at Siya ba’y “nagkatawang-tao”?
(6) Ano ang kaurian ng Taong si Kristo Jesus mula sa pagkasanggol hanggang sa kaniyang kamatayan?
(7) Ano ang kaurian ni Jesus mula nang siya’y buhaying-muli; at ano ang Kaniyang opisyal na kaugnayan kay Jehova?
(8) Ano ang gawain ni Jesus sa Panahon ng Ebanghelyong ito—mula sa panahon ng Pentecostes hanggang sa ngayon?
(9) Ano ang nagawa na ng Diyos na Jehova para sa daigdig ng sangkatauhan? at ano naman ang nagawa na ni Jesus?
(10) Ano ang Banal na layunin para sa Iglesya kapag ito’y nabuo na?
(11) Ano ang Banal na layunin para sa daigdig ng sangkatauhan?
(12) Ano ang kahihinatnan ng masasamang ayaw nang magbago?
(13) Anong mga gantimpala o pagpapala ang sasapit sa daigdig ng sangkatauhan dahil sa pagtalima sa Kaharian ng Mesiyas?
(14) Anong mga hakbangin ang dapat kunin ng isang makasalanan upang makapasok sa kinakailangang pakikipag-ugnayan kay Kristo at sa Makalangit na Ama?
(15) Matapos ianak ng Banal na Espiritu ang isang Kristiyano, anong landasin ang dapat niyang sundin, kaayon ng ipinag-uutos ng Salita ng Diyos?
(16) Tinalikuran mo na ba ang kasalanan upang maglingkod sa buháy na Diyos?
(17) Nakagawa ka na ba ng lubusang pagtatalaga ng iyong buhay at lahat ng iyong kapangyarihan at kakayahan sa Panginoon at sa Kaniyang paglilingkod?
(18) Sinagisagan mo na ba ang pagtatalagang ito sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig?
(19) Gumawa ka na ba ng I. B. S. A. [International Bible Students Association] na Panata ng kabanalan sa buhay?
(20) Lubusan at maingat mo na bang binasa ang anim na tomo ng STUDIES IN THE SCRIPTURES?
(21) Nakakuha ka na ba ng malaking kaliwanagan at kapakinabangan mula rito?
(22) Naniniwala ka ba na taglay mo ang ganap at namamalaging kaalaman sa Bibliya na tutulong sa iyong maging higit na mabisa bilang isang lingkod ng Panginoon sa lahat ng kaarawan ng iyong buhay?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 216, 217]
Mga Gusaling Ginamit Noong Unang mga Araw sa Brooklyn
Tahanang Bethel
122-124 Columbia Heights
Silid-kainan sa Tahanang Bethel
Tabernakulo
Mga opisina, bodega ng literatura, mailing department, mga kagamitan sa typesetting, at awditoryum na may 800 upuan ang naririto, sa 17 Hicks Street (ginamit mula 1909 hanggang 1918)
Ang awditoryum
Unang mga Palimbagan
Mga miyembro ng pamilyang Bethel na nagtrabaho sa palimbagan sa Myrtle Avenue noong 1920 (kanan)
35 Myrtle Avenue (1920-22)
18 Concord Street (1922-27)
117 Adams Street (1927- )
[Kahon/Mga larawan sa pahina 224, 225]
Naglalakbay na mga Tagapangasiwa Ilan Lamang sa Libu-libong Nakapaglingkod
Canada, 1905-33
Inglatera, 1920-32
Pinlandya, 1921-26, 1947-70
Estados Unidos, 1907-15
Naglalakbay patungo sa mga kongregasyon—
Greenland
Venezuela
Lesotho
Mexico
Peru
Sierra Leone
Naililipat na tuluyan sa Namibia
Nakikisama sa lokal na mga Saksi sa paglilingkod sa larangan sa Hapón
Nakikipagpulong sa lokal na matatanda sa Alemanya
Nagbibigay ng praktikal na payo sa mga payunir sa Hawaii
Nagtuturo sa isang kongregasyon sa Pransya
[Kahon/Larawan sa pahina 229]
Unang Legal na mga Korporasyon
Zion’s Watch Tower Tract Society. Unang itinatag noong 1881 at legal na inkorporada sa estado ng Pennsylvania noong Disyembre 15, 1884. Noong 1896 ang pangalan nito ay pinalitan ng Watch Tower Bible and Tract Society. Mula noong 1955 tinawag na itong Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania.
Peoples Pulpit Association. Itinatag noong 1909 dahil sa inilipat ang pangunahing mga tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York. Noong 1939 pinalitan ang pangalan bilang Watchtower Bible and Tract Society, Inc. Mula noong 1956 tinawag na itong Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
International Bible Students Association. Inkorporada sa London, Inglatera, noong Hunyo 30, 1914.
Upang tugunin ang legal na mga kahilingan, iba pang mga korporasyon ang itinatag ng mga Saksi ni Jehova sa maraming mga komunidad at lupain. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nababahagi sa pambansa o pampook na mga organisasyon. Sila ay isang nagkakaisang pambuong-daigdig na pagkakapatiran.
[Kahon sa pahina 234]
‘Katulad ng Sinaunang Kristiyanong Komunidad’
Ang relihiyosong publikasyong “Interpretation” ay nagsabi noong Hulyo 1956: “Sa kanilang organisasyon at gawaing pagpapatotoo, sila [mga Saksi ni Jehova] ang pinakamalapit sa alinmang grupo sa pagtulad sa sinaunang Kristiyanong komunidad. . . . Bihira sa ibang mga grupo ang gumagamit ng mga Kasulatan nang gayong kadalas sa kanilang mga mensahe, kapuwa bibigan at nasusulat, tulad ng ginagawa nila.”
[Larawan sa pahina 210]
Upang maglaan ng lalong mabisang pangangasiwa, ang mga tanggapang pansangay ay itinatag. Ang una ay sa London, Inglatera, sa gusaling ito
[Larawan sa pahina 221]
Si J. F. Rutherford noong 1941. Alam ng mga Saksi na siya’y hindi nila lider
[Larawan sa pahina 226]
Si John Booth, naglalakbay na tagapangasiwa sa E.U.A. mula 1936 hanggang 1941
[Larawan sa pahina 227]
Si Carey Barber, na ang distrito niya’y sumaklaw sa malaking bahagi ng Estados Unidos
[Larawan sa pahina 228]
Si Brother Knorr ay regular na dumalaw sa bawat sangay at tahanang misyonero
[Larawan sa pahina 230]
Ang pangunahing mga tagapangasiwa sa mga sangay ng Samahan ay tinipon ukol sa pantanging pagsasanay (New York, 1958)
[Mga larawan sa pahina 231]
Ang Kingdom Ministry School ay nakapaglaan ng mahalagang instruksiyon para sa mga tagapangasiwa sa palibot ng globo Ang Kingdom Ministry School sa isang kampo ng mga refugee sa Thailand, 1978; sa Pilipinas, 1966 (sa itaas sa kaliwa)
[Mga larawan sa pahina 232]
Ang pang-organisasyong mga tagubilin ay sunud-sunod na inilathala (una sa Ingles, pagkatapos sa ibang mga wika) upang pagtugmain ang gawain ng mga Saksi at upang ipabatid sa lahat ang mga paglalaang ginawa upang tulungan sila sa kanilang ministeryo