KABANATA 6
Kung Paano Pipili ng Kaayaayang Libangan
“Gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 CORINTO 10:31.
1, 2. Anong pagpili ang kailangan nating gawin may kaugnayan sa libangan?
IPAGPALAGAY na kakain ka ng masarap na prutas. Pero napansin mong bulok pala ang isang bahagi nito. Ano ang gagawin mo? Buweno, puwede mong kainin ang buong prutas, pati na ang bulok na bahagi; o maaari mong itapon ang buong prutas, kasama ang bulok na bahagi nito; o puwede mo rin namang alisin ang bulok at kainin ang magandang bahagi ng prutas.
2 Sa diwa, ang libangan ay katulad ng prutas na iyon. Paminsan-minsan, gusto mong maglibang, pero alam mo na marami sa mga libangan sa ngayon ay imoral, at maituturing pa nga na bulok. Kaya ano ang gagawin mo? Para sa ilang tao, baka katanggap-tanggap ang anumang libangang iniaalok ng sanlibutan, mabuti man ito o masama. Baka iwasan naman ng iba ang lahat ng libangan para matiyak na hindi sila mahahantad sa anumang pinsala na maaaring maidulot nito. Ang iba naman ay maingat sa pagpili—umiiwas sa masamang libangan pero paminsan-minsan ay nasisiyahan sa maituturing na kaayaayang libangan. Ano ba ang dapat mong gawin para manatili sa pag-ibig ng Diyos?
3. Ano ang ating isasaalang-alang?
3 Malamang na ang gagawin ng karamihan sa atin ay ang huling nabanggit. Alam natin na kailangan nating maglibang ngunit gusto natin na ang ating libangan ay malinis sa moral. Kung gayon, paano natin malalaman kung anong libangan ang kaayaaya at kung ano ang hindi? Iyan ang isasaalang-alang natin. Pero talakayin muna natin kung paano nakaaapekto sa ating pagsamba kay Jehova ang pinipili nating libangan.
“GAWIN NINYO ANG LAHAT NG BAGAY SA IKALULUWALHATI NG DIYOS”
4. Paano dapat makaapekto ang ating pag-aalay sa pagpili natin ng libangan?
4 Minsan ay sinabi ng isang may-edad nang Saksi na binautismuhan noong 1946: “Tinitiyak ko na lagi kong nadadaluhan at napapakinggang mabuti ang mga pahayag sa bautismo, na para bang ako mismo ang babautismuhan.” Bakit? Ipinaliwanag niya, “Ang laging pagsasaisip ng aking pag-aalay ay malaking tulong sa akin para manatiling tapat.” Tiyak na sasang-ayon ka sa sinabi niya. Kapag lagi mong inaalaala ang iyong pangako kay Jehova na gagamitin mo ang iyong buong buhay sa paglilingkod sa kaniya, mauudyukan ka nito na magbata. (Eclesiastes 5:4) Sa katunayan, ang pagbubulay-bulay sa iyong pag-aalay ay makaaapekto hindi lamang sa iyong pananaw sa ministeryong Kristiyano kundi maging sa ibang aspekto ng buhay—kasama na ang pagpili ng libangan. Idiniin ni apostol Pablo ang bagay na ito nang sulatan niya ang mga Kristiyano noong kaniyang panahon: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 10:31.
5. Paano tayo tinutulungan ng Levitico 22:18-20 na maunawaan ang ipinahihiwatig na babala sa Roma 12:1?
5 Lahat ng ginagawa natin sa buhay ay may kaugnayan sa ating pagsamba kay Jehova. Upang maidiin ang katotohanang ito sa kaniyang mga kapananampalataya, gumamit si Pablo ng mapuwersang pananalita sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Hinimok niya sila: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Kasama sa ating katawan ang ating isip, puso, at pisikal na lakas. Lahat ng ito ay ginagamit natin sa paglilingkod sa Diyos. (Marcos 12:30) Sinasabi ni Pablo na ang gayong buong-kaluluwang paglilingkod ay isang hain. Ang salitang ‘hain’ ay may ipinahihiwatig na babala. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang isang haing may kapintasan. (Levitico 22:18-20) Sa gayunding paraan, kung ang espirituwal na hain ng isang Kristiyano ay may kapintasan o nadungisan sa paanuman, hindi ito magiging katanggap-tanggap sa Diyos. Pero paano maaaring mangyari iyon?
6, 7. Paano maaaring madungisan ng isang Kristiyano ang kaniyang katawan, at ano ang maaaring maging resulta nito?
6 Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: ‘Huwag ninyong patuloy na iharap sa kasalanan ang inyong mga sangkap [“bahagi ng inyong katawan,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino].’ Sinabi rin ni Pablo na dapat nilang ‘patayin ang mga gawa ng katawan.’ (Roma 6:12-14; 8:13) Sa unang bahagi ng kaniyang liham, nagbigay siya ng ilang halimbawa ng gayong “mga gawa ng katawan.” Ganito ang mababasa natin may kinalaman sa makasalanang sangkatauhan: “Ang kanilang bibig ay punô ng pagsumpa.” “Ang kanilang mga paa ay mabilis sa pagbububo ng dugo.” “Walang pagkatakot sa Diyos sa harap ng kanilang mga mata.” (Roma 3:13-18) Madudungisan ng isang Kristiyano ang kaniyang katawan kung gagamitin niya ang kaniyang “mga sangkap,” o mga bahagi ng katawan, sa gayong makasalanang mga gawain. Halimbawa, kung sadyang titingin ang isang Kristiyano sa ngayon sa maruruming materyal gaya ng pornograpya, o manonood ng sadistiko at marahas na mga panoorin, ‘inihaharap niya sa kasalanan ang kaniyang mga mata’ at sa gayo’y dinurungisan ang kaniyang buong katawan. Dahil dito, anumang pagsamba na gagawin niya ay hindi na maituturing na haing banal ni katanggap-tanggap man sa Diyos. (Deuteronomio 15:21; 1 Pedro 1:14-16; 2 Pedro 3:11) Kapaha-pahamak nga ang resulta kapag pinili natin ang masamang libangan!
7 Maliwanag na para sa isang Kristiyano, ang pagpili ng libangan ay isang seryosong bagay. Kung gayon, nais nating matiyak na ang libangang pipiliin natin ay hindi magpaparumi sa ating hain sa Diyos. Talakayin natin ngayon kung anong libangan ang kaayaaya at kung ano ang hindi.
“KAMUHIAN NINYO ANG BALAKYOT”
8, 9. (a) Sa anong dalawang kategorya maaaring hatiin ang mga libangan? (b) Anu-anong anyo ng libangan ang dapat nating iwasan, at bakit?
8 Sa pangkalahatan, ang mga libangan ay maaaring hatiin sa dalawang kategorya. Ang una ay ang mga libangan na maliwanag na dapat iwasan ng mga Kristiyano; ang ikalawa naman ay ang mga libangan na maaaring tanggapin o tanggihan ng isang Kristiyano batay sa kaniyang personal na pagpapasiya. Isaalang-alang muna natin ang unang kategorya—ang mga libangan na dapat iwasan ng mga Kristiyano.
9 Gaya ng binanggit sa Kabanata 1, may mga anyo ng libangan na nagtatampok ng mga gawaing tahasang hinahatulan ng Bibliya. Halimbawa, may mga Web site, pelikula, programa sa telebisyon, at musika na nagtataguyod ng pornograpya, o ng mga gawaing sadistiko, makademonyo, kasuklam-suklam, at imoral. Yamang pinagmumukhang katanggap-tanggap ng ganitong maruruming anyo ng libangan ang mga gawaing labag sa simulain o batas ng Bibliya, dapat itong iwasan ng mga Kristiyano. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) Kapag tinatanggihan mo ang gayong di-kaayaayang mga libangan, pinatutunayan mo kay Jehova na talagang ‘kinamumuhian mo ang balakyot’ at matatag mong ‘tinatalikuran ang kasamaan.’ Sa gayong paraan, maipapakita mo ang iyong “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—Roma 12:9; Awit 34:14; 1 Timoteo 1:5.
10. Anong pangangatuwiran hinggil sa paglilibang ang mapanganib, at bakit?
10 Gayunman, baka iniisip ng ilan na wala namang masama sa panonood ng mga palabas na lantarang nagpapakita ng imoral na paggawi. Sinasabi nila, ‘Nanonood ako ng gayong mga programa sa TV o mga pelikula, pero hindi ko naman iyon gagayahin.’ Mapanlinlang at mapanganib ang gayong pangangatuwiran. (Jeremias 17:9) Kung sa tingin natin ay nakalilibang ang mga panooring hinahatulan ni Jehova, talaga nga kayang ‘kinamumuhian natin ang balakyot’? Kapag patuloy nating inihahantad ang ating sarili sa gayong balakyot na paggawi, magiging manhid ang ating budhi. (Awit 119:70; 1 Timoteo 4:1, 2) Maaaring maapektuhan ng gayong mga libangan ang ating pagkilos o ang ating pananaw hinggil sa makasalanang paggawi ng mga taong imoral.
11. Paano napatunayang totoo ang sinasabi ng Galacia 6:7 pagdating sa paglilibang?
11 Ito mismo ang nangyari sa ilang Kristiyano. Nakagawa sila ng imoral na mga gawain dahil naimpluwensiyahan sila ng mga palabas na lagi nilang pinanonood. Sa masaklap na paraan nila natutuhan na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Pero maaaring maiwasan ang gayong kahihinatnan. Kung ang ihahasik o ipapasok mo sa iyong isip ay mga bagay na malinis, magiging maligaya ka at aanihin mo ang kaayaayang resulta nito.—Tingnan ang kahong “Anong Libangan ang Dapat Kong Piliin?”
PERSONAL NA MGA PAGPAPASIYA SALIG SA MGA SIMULAIN NG BIBLIYA
12. Ano ang kaugnayan ng Galacia 6:5 sa paglilibang, at anong patnubay ang makatutulong sa atin kapag gumagawa ng personal na pasiya hinggil dito?
12 Talakayin naman natin ngayon ang ikalawang kategorya—ang mga libangang hindi tahasang hinahatulan ni hindi rin naman espesipikong sinasang-ayunan ng Salita ng Diyos. Kapag pumipili ng libangan ang isang Kristiyano mula sa kategoryang ito, siya ang magpapasiya kung ang isang libangan ay kaayaaya. (Galacia 6:5) Gayunman, kapag nagpapasiya hinggil sa bagay na ito, mayroon tayong patnubay na makukuha mula sa Bibliya. Naglalaman ito ng mga simulain, o mga saligang katotohanan, na makatutulong sa atin na maunawaan ang kaisipan ni Jehova. Sa pagbibigay-pansin sa gayong mga simulain, mauunawaan natin “kung ano ang kalooban ni Jehova” sa lahat ng bagay, pati na sa pagpili ng libangan.—Efeso 5:17.
13. Ano ang mag-uudyok sa atin na iwasan ang mga libangan na maaaring hindi makalugod kay Jehova?
13 Totoo, hindi pare-pareho ang antas ng pagkaunawa ng mga Kristiyano sa mga pamantayang moral. (Filipos 1:9) Karagdagan pa, alam ng mga Kristiyano na pagdating sa paglilibang, magkakaiba ang gusto ng bawat isa. Kaya naman, hindi natin maaasahan na magkakatulad ang magiging pasiya ng lahat ng Kristiyano. Magkagayunman, habang hinahayaan natin ang mga simulain sa Bibliya na makaimpluwensiya sa ating isip at puso, lalo tayong magiging determinadong iwasan ang anumang anyo ng libangan na maaaring hindi makalugod kay Jehova.—Awit 119:11, 129; 1 Pedro 2:16.
14. (a) Anong salik ang dapat nating isaalang-alang sa pagpili ng libangan? (b) Paano natin mapananatiling una sa ating buhay ang espirituwal na mga bagay?
14 Dapat din nating isaalang-alang ang isa pang mahalagang salik kapag pumipili ng libangan: ang panahon. Nakikita sa uri ng libangan mo kung ano ang katanggap-tanggap sa iyo, samantalang nakikita naman sa panahon na ginugugol mo sa paglilibang kung ano ang priyoridad mo. Siyempre pa, ang espirituwal na mga bagay ang pinakamahalaga para sa mga Kristiyano. (Mateo 6:33) Kaya ano ang maaari mong gawin para matiyak na nananatiling pangunahin sa iyong buhay ang espirituwal na mga bagay? Sinabi ni apostol Pablo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.” (Efeso 5:15, 16) Malinaw na kung magtatakda ka ng tiyak na limitasyon sa panahong ginugugol mo sa paglilibang, makapaglalaan ka ng kinakailangang panahon para sa “mga bagay na higit na mahalaga”—mga gawain na kapaki-pakinabang sa iyong espirituwalidad.—Filipos 1:10.
15. Kapag pumipili ng libangan, bakit isang katalinuhan na iwasan ang mga libangang kaduda-duda?
15 Makabubuti rin kung iiwasan natin ang mga libangang kaduda-duda. Bakit? Isiping muli ang ilustrasyon hinggil sa prutas na binanggit kanina. Upang hindi mo makain nang di-sinasadya ang bulok na bahagi nito, aalisin mo hindi lamang ang bulok na bahagi kundi pati na rin ang bahaging malapit dito. Isang katalinuhan na gayon din ang gawin natin kapag pumipili ng libangan. Iniiwasan ng isang matalinong Kristiyano hindi lamang ang mga libangang malinaw na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya kundi pati na rin ang libangan na kuwestiyunable o waring may mga bahagi na posibleng makapinsala sa kaniyang espirituwalidad. (Kawikaan 4:25-27) Magagawa mo ito kung maingat mong susundin ang payo ng Salita ng Diyos.
“ANUMANG BAGAY NA MALINIS”
16. (a) Paano natin maipapakita na ikinakapit natin sa ating buhay ang pananaw ni Jehova hinggil sa moral? (b) Paano ka masasanay na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa iyong buhay?
16 Kapag pumipili ng libangan ang mga tunay na Kristiyano, isinasaalang-alang muna nila ang pananaw ni Jehova. Ipinakikita sa atin ng Bibliya ang nadarama ni Jehova at ang mga pamantayan niya hinggil dito. Halimbawa, itinala ni Haring Solomon ang ilang bagay na kinapopootan ni Jehova, gaya ng “bulaang dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan.” (Kawikaan 6:16-19) Paano ito dapat makaapekto sa atin? “O kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan,” ang payo ng salmista. (Awit 97:10) Dapat na makita sa iyong libangan na talagang kinapopootan mo ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova. (Galacia 5:19-21) Tandaan din na makikita kung anong uri ka ng tao sa ginagawa mo lalo na kapag nag-iisa ka. (Awit 11:4; 16:8) Kaya kung talagang nais mong tularan ang pananaw ni Jehova hinggil sa moral, titiyakin mo na ang lahat ng iyong pasiya ay kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Sa gayon, masasanay kang ikapit ang mga simulaing ito sa iyong buhay.—2 Corinto 3:18.
17. Bago pumili ng libangan, anu-ano ang makabubuting itanong sa iyong sarili?
17 Paano mo pa matitiyak na kasuwato ng kaisipan ni Jehova ang iyong pasiya kapag pumipili ng libangan? Pag-isipan ang tanong na ito, ‘Ano kaya ang magiging epekto nito sa akin at sa aking kaugnayan sa Diyos?’ Halimbawa, bago panoorin ang isang pelikula, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang magiging epekto ng pelikulang ito sa aking budhi?’ Isaalang-alang natin ang mga simulaing maaaring ikapit sa bagay na ito.
18, 19. (a) Paano tayo matutulungan ng simulain sa Filipos 4:8 na malaman kung kaayaaya ba o hindi ang isang libangan? (b) Ano pa ang ibang simulain na makatutulong sa iyo sa pagpili ng kapaki-pakinabang na libangan? (Tingnan ang talababa.)
18 Ang isang mahalagang simulain ay ang nakaulat sa Filipos 4:8, na nagsasabi: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” Totoo, ang tinatalakay rito ni Pablo ay hindi tungkol sa paglilibang, kundi sa pagbubulay-bulay ng puso na dapat nakasentro sa mga bagay na kinalulugdan ng Diyos. (Awit 19:14) Subalit maaari ding ikapit sa pagpili ng libangan ang sinabi ni Pablo. Paano?
19 Tanungin ang sarili, ‘Nakatutulong ba sa akin ang pinipili kong mga pelikula, video game, musika, o iba pang libangan para maisip ko ang “anumang bagay na malinis”?’ Halimbawa, pagkatapos mong mapanood ang isang pelikula, anong mga larawan ang naiiwan sa isip mo? Ang mga ito ba ay malinis, nakalulugod, at nakagiginhawa? Kung oo, malamang na kaayaaya ang pelikulang napanood mo. Pero kung ang naiisip mo ay ang maruruming bagay, ang iyong libangan ay di-kaayaaya at makapipinsala pa nga sa iyo. (Mateo 12:33; Marcos 7:20-23) Bakit? Sapagkat ang pag-iisip sa mga bagay na nakapagpaparumi sa moral ay nakapag-aalis ng iyong kapayapaan ng isip, nakapagpapamanhid ng iyong budhing sinanay sa Bibliya, at nakasisira ng iyong kaugnayan sa Diyos. (Efeso 5:5; 1 Timoteo 1:5, 19) Yamang ang gayong libangan ay may masamang epekto sa iyo, maging determinado kang iwasan ito.a (Roma 12:2) Tularan ang salmista na nanalangin kay Jehova: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”—Awit 119:37.
ISIPIN ANG KAPAKINABANGAN NG IBA
20, 21. Ano ang kaugnayan ng 1 Corinto 10:23, 24 sa pagpili ng kaayaayang libangan?
20 Binanggit ni Pablo ang isang mahalagang simulain ng Bibliya na kailangang isaalang-alang kapag nagpapasiya hinggil sa personal na mga bagay. Sinabi niya: “Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay. Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:23, 24) Paano nauugnay ang simulaing ito sa pagpili ng kaayaayang libangan? Makabubuting tanungin ang iyong sarili, ‘Paano kaya makaaapekto sa iba ang aking libangan?’
21 Maaaring pahintulutan ka ng iyong budhi na masiyahan sa isang uri ng libangan na sa palagay mo ay “matuwid,” o katanggap-tanggap. Gayunman, kung mapansin mo na hindi ito katanggap-tanggap para sa ibang kapananampalataya mo na may mas sensitibong budhi, baka ipasiya mo na iwasan na lamang ang libangang iyon. Bakit? Kasi ayaw mong ‘magkasala laban sa iyong mga kapatid’—o ‘magkasala pa nga laban kay Kristo,’ gaya ng sinabi ni Pablo—sa diwa na ginagawa mong mas mahirap sa iyong mga kapananampalataya na manatiling tapat sa Diyos. Huwag mong kalilimutan ang babala: ‘Iwasan mong maging sanhi ng ikatitisod.’ (1 Corinto 8:12; 10:32) Sinusunod ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ang makonsiderasyon at matalinong payo ni Pablo kapag umiiwas sila sa mga libangan na maaaring “matuwid” ngunit hindi naman “nakapagpapatibay.”—Roma 14:1; 15:1.
22. Bakit iginagalang ng isang Kristiyano ang pananaw ng kaniyang kapananampalataya pagdating sa personal na mga bagay?
22 Gayunman, may isang bagay na dapat din namang isaalang-alang kapag iniisip ang kapakanan ng iba. Hindi dapat igiit ng isang Kristiyanong may mas sensitibong budhi kung anong libangan ang sa tingin niya ay katanggap-tanggap. Kung gagawin niya ito, wala siyang ipinagkaiba sa isang drayber sa lansangan na pumipilit sa ibang drayber na magpatakbo sa bilis na gusto niya. Hindi iyon makatuwiran. Bilang pagpapakita ng pag-ibig Kristiyano, kailangang igalang ng isa na may mas sensitibong budhi ang kaniyang mga kapananampalataya na may ibang pananaw hinggil sa libangan na hindi naman lumalabag sa mga simulaing Kristiyano. Sa gayong paraan, naipapakita niya sa ‘lahat ng tao ang kaniyang pagkamakatuwiran.’—Filipos 4:5; Eclesiastes 7:16.
23. Paano mo matitiyak na kaayaaya ang libangang mapipili mo?
23 Kaya paano mo matitiyak na kaayaaya ang libangang mapipili mo? Iwasan ang anumang libangan na lantarang nagpapakita ng mahalay o imoral na mga gawain na tahasang hinahatulan ng Salita ng Diyos. Sundin ang mga simulain ng Bibliya na kapit sa mga libangang hindi tuwirang hinahatulan ni hindi rin naman espesipikong sinasang-ayunan ng Bibliya. At iwasan ang mga anyo ng libangan na maaaring magpamanhid sa iyong budhi, pati na ang libangang maaaring makatisod sa iba, lalo na sa mga kapananampalataya. Maging determinado ka nawa na gawin ang mga bagay na ito upang maluwalhati mo ang Diyos at manatili ka kasama ng iyong pamilya sa pag-ibig ng Diyos.
a Ang ilan pang simulain na kapit sa pagpili ng libangan ay matatagpuan sa Kawikaan 3:31; 13:20; Efeso 5:3, 4; at Colosas 3:5, 8, 20.