Ikalabimpitong Kabanata
Magsagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Tahanan
1. Paanong ang pagkakapit sa patnubay ng Salita ng Diyos ay nakaapekto sa mga pag-aasawa?
SI Jehova ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, at inilalaan ng kaniyang Salita ang pinakamahusay na patnubay para sa mga pamilya. Bilang resulta ng pagkakapit sa patnubay na iyan, maraming tao ang nakabuo ng matagumpay na pag-aasawa. Kapuri-puri naman, ang ilan na basta nagsama na lamang nang di-kasal ay napakilos na magparehistro ng kanilang pag-aasawa sa legal na paraan. Ang iba ay huminto na sa pakikipagrelasyon sa hindi nila asawa. Ang mararahas na lalaking nang-aabuso ng asawa at mga anak ay natutong maging mabait at magiliw.
2. Ano ang nasasangkot sa Kristiyanong buhay pampamilya?
2 Maraming bagay ang nasasangkot sa Kristiyanong buhay-pampamilya, tulad ng kung paano natin minamalas ang habambuhay na pagsasama, kung ano ang ginagawa natin upang matupad ang mga pananagutan natin sa pamilya, at kung paano tayo nakikitungo sa mga miyembro ng pamilya. (Efeso 5:33–6:4) Bagaman maaaring alam natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa buhay pampamilya, tiyak na ibang bagay naman ang pagkakapit sa payo ng Bibliya. Hindi nais ng sinuman sa atin na maging katulad niyaong mga hinatulan ni Jesus dahil sa pagwawalang-bahala sa mga utos ng Diyos. May-kamalian silang nangatuwiran na ang basta pagiging deboto sa relihiyon ay sapat na. (Mateo 15:4-9) Hindi natin nais na magkaroon ng isang anyo ng makadiyos na debosyon ngunit hindi naman ito isinasagawa sa ating sariling sambahayan. Sa halip, nais nating ipamalas ang tunay na makadiyos na debosyon, na “isang paraan ng malaking pakinabang.”—1 Timoteo 5:4; 6:6; 2 Timoteo 3:5.
Gaano Katagal ang Pagsasama ng Mag-asawa?
3. (a) Ano ang nangyayari sa maraming pag-aasawa, ngunit ano ang dapat na maging determinasyon natin? (b) Sa pamamagitan ng paggamit ng iyong Bibliya, sagutin ang mga tanong na nakatala sa ibaba ng parapong ito.
3 Parupok nang parupok ang buklod ng pag-aasawa. Ang ilang mag-asawa na maraming taon nang nagsasama ay nagpapasiyang magdiborsiyo at mag-asawa ng iba. Karaniwan na ring mabalitaan na naghiwalay ang mga kabataang mag-asawa pagkaraan lamang ng maikling panahon matapos silang ikasal. Anuman ang ginagawa ng iba, dapat nating hangarin na palugdan si Jehova. Kaya isaalang-alang natin ang sumusunod na mga tanong at mga kasulatan upang makita kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa pagiging habambuhay ng pag-aasawa.
Kapag nagpakasal ang isang lalaki at isang babae, gaano katagal ang dapat nilang asahan na pagsasama? (Marcos 10:6-9; Roma 7:2, 3)
Ano ang tanging saligan para sa diborsiyo na may posibilidad na makapag-asawang-muli ang may bisa sa harap ng Diyos? (Mateo 5:31, 32; 19:3-9)
Ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa mga diborsiyo na hindi ipinahihintulot ng kaniyang Salita? (Malakias 2:13-16)
Iminumungkahi ba ng Bibliya ang paghihiwalay bilang paraan ng paglutas sa mga problemang pangmag-asawa? (1 Corinto 7:10-13)
Sa ilalim ng anong mga kalagayan maaaring ipahintulot ang paghihiwalay? (Awit 11:5; Lucas 4:8; 1 Timoteo 5:8)
4. Bakit nagtatagal ang ilang pag-aasawa?
4 Ang ilang pag-aasawa ay matagumpay at nagtatagal. Bakit? Isang mahalagang salik ang pagpapaliban sa pag-aasawa hanggang sa maging may-gulang ang dalawa, subalit mahalaga rin na makasumpong ng mapapangasawa na may interes na katulad ng sa iyo at malayang makakausap hinggil sa mga bagay-bagay. Subalit higit na mahalaga na makasumpong ng isang mapapangasawa na umiibig kay Jehova at gumagalang sa kaniyang Salita bilang saligan sa paglutas ng mga problema. (Awit 119:97, 104; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang gayong tao ay hindi magkakaroon ng saloobin na kung hindi magtagumpay ang mga bagay-bagay, madali naman siyang makahihiwalay o makakakuha ng diborsiyo. Hindi niya gagamitin ang mga pagkukulang ng kaniyang asawa bilang dahilan upang makaiwas sa kaniyang sariling mga pananagutan. Sa halip, haharapin niya ang mga problema at hahanap ng mabibisang solusyon.
5. (a) Paano nasasangkot sa pag-aasawa ang pagiging matapat kay Jehova? (b) Kahit na mapaharap sa pagsalansang, anong mga pakinabang ang maidudulot ng panghahawakan sa mga pamantayan ni Jehova?
5 Iginigiit ni Satanas na kapag nagdusa tayo, tatalikuran natin ang mga daan ni Jehova. (Job 2:4, 5; Kawikaan 27:11) Ngunit ang napakaraming Saksi ni Jehova na nagdusa dahil sa mayroon silang asawang sumasalansang ay hindi tumalikod sa kanilang mga panata sa pag-aasawa. Nanatili silang matapat kay Jehova at sa kaniyang mga utos. (Mateo 5:37) Ang ilan na nagtiyaga ay nagalak na makasama ang kanilang asawa sa paglilingkod kay Jehova—kahit na pagkaraan ng maraming taóng pagsalansang! (1 Pedro 3:1, 2) Kung tungkol naman sa mga Kristiyano na ang asawa ay hindi nagpapakita ng anumang palatandaan ng pagbabago o na iniwan ng kanilang asawa dahil sa naglilingkod sila kay Jehova, alam din ng mga ito na sila ay pagpapalain dahil sa kanilang ipinakikitang makadiyos na debosyon sa tahanan.—Awit 55:22; 145:16.
Bawat Isa ay Gumaganap ng Kaniyang Bahagi
6. Upang magkaroon ng matagumpay na pag-aasawa, anong kaayusan ang dapat na igalang?
6 Sabihin pa, ang pagkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa ay humihiling nang higit pa kaysa sa basta pananatiling magkasama. Pangunahing kailangan kapuwa sa mag-asawa ang paggalang sa kaayusan ni Jehova hinggil sa pagkaulo. Umaakay ito sa mabuting kaayusan at pagkadama ng katiwasayan sa tahanan. Sa 1 Corinto 11:3, mababasa natin: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”
7. Paano dapat gampanan ang pagkaulo sa pamilya?
7 Napansin mo ba kung ano ang unang binanggit ng talatang iyan? Oo, ang bawat lalaki ay may Ulo, si Kristo, na sa kaniya ay dapat na magpasakop siya. Nangangahulugan ito na dapat gampanan ng asawang lalaki ang pagkaulo sa paraang nagpapamalas ng mga katangian ni Jesus. Si Kristo ay nagpapasakop kay Jehova, masidhing umiibig sa kongregasyon, at naglalaan para rito. (1 Timoteo 3:15) “Ibinigay [pa nga niya] ang kaniyang sarili ukol dito.” Si Jesus ay hindi mapagmapuri at hindi rin naman walang konsiderasyon, kundi siya ay “mahinahong-loob at mababa ang puso.” Yaong mga nagpapasakop sa kaniyang pagkaulo ay ‘nakasusumpong ng kaginhawahan sa kanilang mga kaluluwa.’ Kapag ang asawang lalaki ay nakikitungo sa kaniyang pamilya sa ganitong paraan, ipinakikita niya na nagpapasakop siya kay Kristo. Kung gayon, dapat na masumpungan ng isang Kristiyanong asawang babae na kapaki-pakinabang at nakagiginhawa na makipagtulungan sa kaniyang asawa at magpasakop sa pagkaulo nito.—Efeso 5:25-33; Mateo 11:28, 29; Kawikaan 31:10, 28.
8. (a) Bakit waring walang bisa sa ilang tahanan ang mga pamamaraang Kristiyano? (b) Ano ang dapat nating gawin kapag napaharap sa gayong situwasyon?
8 Gayunman, babangon pa rin ang mga problema. Maaaring malalim na ang pagkakaugat ng bahagyang paghihinanakit sa pangunguna ng iba bago pa man magsimulang magkapit ng mga simulain sa Bibliya ang sinuman sa pamilya. Baka tila walang bisa ang mababait na pakiusap at maibiging paggawi. Alam natin na sinasabi ng Bibliya na iwaksi ang “galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31) Ngunit kung ganito na ang waring nakasanayan ng ilan, ano ang dapat gawin? Buweno, hindi tinularan ni Jesus ang mga nagbabanta at nanlalait noon, kundi umasa siya sa kaniyang Ama. (1 Pedro 2:22, 23) Kaya kapag bumangon ang maiigting na mga situwasyon sa tahanan, magpakita ng makadiyos na debosyon sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova ukol sa kaniyang tulong sa halip na tularan ang mga paraan ng sanlibutan.—Kawikaan 3:5-7.
9. Sa halip na mamintas, ano ang natutuhang gawin ng maraming Kristiyanong asawang lalaki?
9 Hindi laging nangyayari kaagad ang mga pagbabago, subalit talagang mabisa ang payo ng Bibliya kapag matiyaga at masikap itong ikinakapit. Nasumpungan ng maraming asawang lalaki na bumubuti ang pagsasama kapag naunawaan nila kung paano nakikitungo si Kristo sa kongregasyon. Ang kongregasyong iyon ay hindi binubuo ng sakdal na mga tao. Gayunman, si Jesus ay umiibig dito, nagpapakita ng tamang halimbawa para rito, at gumagamit ng Kasulatan upang tulungan itong sumulong. Ibinigay niya ang kaniyang buhay alang-alang sa kongregasyon. (1 Pedro 2:21) Pinasigla ng kaniyang halimbawa ang maraming Kristiyanong asawang lalaki na maging mabubuting ulo ng pamilya at magbigay ng maibiging tulong ukol sa pagsulong. Nagbubunga ito ng maraming mas mabubuting resulta kaysa sa pamimintas o pagtangging makipag-usap.
10. (a) Sa anong mga paraan maaaring gawing mahirap ng isang asawang lalaki o isang asawang babae—maging ng isa na nag-aangking Kristiyano—ang buhay para sa ibang kasama sa tahanan? (b) Ano ang maaaring gawin upang mapabuti ang situwasyon?
10 Paano kung hindi matalas ang pakiramdam ng asawang lalaki sa emosyonal na pangangailangan ng kaniyang pamilya o hindi nagkukusang magsaayos ng talakayan sa Bibliya para sa pamilya at ng iba pang mga gawain? O paano kung ang asawang babae ay hindi nakikipagtulungan at hindi nagpapakita ng makadiyos na pagpapasakop? Ang ilan ay nagtatamo ng mabubuting resulta sa pamamagitan ng magalang na pag-uusap ng pamilya hinggil sa mga problema. (Genesis 21:10-12; Kawikaan 15:22) Ngunit kahit na hindi matamo ang lahat ng inaasahang mga resulta, bawat isa sa atin ay makatutulong sa ikabubuti ng kapaligiran sa tahanan sa pamamagitan ng pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa ating buhay, anupat nagpapakita ng maibiging konsiderasyon sa iba pang miyembro ng pamilya. (Galacia 5:22, 23) Darating ang pagsulong, hindi sa pamamagitan ng paghihintay na kumilos ang iba, kundi sa pamamagitan ng paggawa ng ating sariling bahagi, sa gayon ay ipinakikita na isinasagawa natin ang makadiyos na debosyon.—Colosas 3:18-21.
Kung Saan Makakakuha ng mga Sagot
11, 12. Ano ang inilaan ni Jehova upang tulungan tayong magtagumpay sa buhay pampamilya?
11 Maraming pinagkukunan ng payo ang mga tao tungkol sa mga kapakanan ng kanilang pamilya. Ngunit alam natin na taglay ng Salita ng Diyos ang pinakamainam na payo, at nagpapasalamat tayo na sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon, tinutulungan tayo ng Diyos na ikapit ito. Lubusan ka bang nakikinabang mula sa tulong na iyan?—Awit 119:129, 130; Mikas 4:2.
12 Bukod sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, nagsaayos ba kayo ng regular na panahon para sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya? Ang mga pamilyang gumagawa nito ay patuloy na makapagsisikap na magkaisa sa kanilang pagsamba. Bumubuti ang kanilang buhay pampamilya habang ikinakapit nila ang Salita ng Diyos sa kanilang sariling mga kalagayan.—Deuteronomio 11:18-21.
13. (a) Kung may mga tanong tayo tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya, saan tayo kadalasang makasusumpong ng kinakailangang tulong? (b) Ano ang dapat na masalamin sa lahat ng mga pasiya natin?
13 Baka may mga tanong ka tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya. Halimbawa, kumusta ang tungkol sa pagkontrol sa pag-aanak? Mabibigyang-katuwiran ba ang aborsiyon? Kung ang bata ay nagpapakita ng kaunting interes sa espirituwal na mga bagay, hanggang saan siya dapat hilingang makibahagi sa pagsamba ng pamilya? Marami sa gayong mga tanong ay natalakay na sa mga literatura na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Pag-aralang gamitin ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, pati na ang mga indise, upang makita ang mga sagot. Kung wala kang mga publikasyon na tinutukoy sa isang indise, tingnan ang aklatan sa Kingdom Hall. O baka mabasa mo ang mga publikasyong ito sa iyong computer. Maaari mo ring ipakipag-usap ang iyong mga tanong sa may-gulang na mga Kristiyanong lalaki at babae. Ngunit huwag kang laging umasa ng sagot na oo o hindi sa bawat tanong. Kadalasan ay ikaw ang dapat magpasiya o kayong mag-asawa. Pagkatapos ay gumawa ng mga pasiya na nagpapakitang isinasagawa ninyo ang makadiyos na debosyon hindi lamang sa publiko kundi gayundin sa tahanan.—Roma 14:19; Efeso 5:10.
Talakayin Bilang Repaso
• Paano nasasangkot ang pagiging matapat kay Jehova sa katapatan sa iyong asawa?
• Kapag nagigipit dahil sa mga problema sa pamilya, ano ang tutulong sa atin upang magawa ang nakalulugod sa Diyos?
• Kahit na nagkukulang ang iba sa pamilya, ano ang magagawa natin upang mapabuti ang situwasyon?
[Larawan sa pahina 155]
Dapat na masalamin sa pagkaulo ng asawang lalaki ang mga katangian ni Jesus
[Larawan sa pahina 157]
Ang pagkakaroon ng regular na pag-aaral ng Bibliya sa pamilya ay tumutulong upang magkaisa ito