Isang Lihim na Hindi Dapat Itago ng mga Kristiyano!
“Ako ay nagsalita sa sanlibutan nang hayagan. . . . Wala akong sinalitang anuman sa lihim.”—JUAN 18:20.
1, 2. Ano ang kahulugan ng Griegong salita na my·steʹri·on ayon sa pagkagamit sa Kasulatan?
ANG Griegong salita na my·steʹri·on ay isinalin sa New World Translation of the Holy Scriptures nang 25 beses bilang “sagradong lihim” at 3 beses bilang “hiwaga.” Tiyak na napakahalaga ng isang lihim na tinaguriang sagrado! Ang sinumang may pribilehiyong makaalam ng gayong lihim ay dapat na makadama ng malaking karangalan, yamang ibinilang siya na karapat-dapat na makaalam ng isang lihim ng Kataas-taasang Diyos ng sansinukob.
2 Tinitiyak ng Expository Dictionary of Old and New Testament Words ni Vine na sa maraming pagkakataon ay isang angkop na pagkakasalin ang “sagradong lihim” kaysa sa “hiwaga.” Sinasabi nito tungkol sa my·steʹri·on: Sa [Kristiyanong Griegong Kasulatan] ay nagpapahiwatig ito, hindi ng pagiging mahiwaga (gaya nga sa salitang Ingles), kundi yaong salita na, palibhasa’y di-kayang arukin ng likas na pang-unawa ng tao, ay maipaaalam lamang sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng Diyos, at ipinaaalam sa paraan at sa panahong itinakda ng Diyos, at doon lamang sa mga naliwanagan sa pamamagitan ng Kaniyang Espiritu. Ang hiwaga sa karaniwang pakahulugan ay nagpapahiwatig ng kaalamang ipinagkakait; sa Kasulatan naman ang kahulugan nito ay katotohanang isinisiwalat. Kaya naman ang mga terminong partikular na may kaugnayan sa paksa ay ‘ipinakilala,’ ‘ipinahayag,’ ‘isiniwalat,’ ‘ipinangaral,’ ‘maunawaan,’ at ‘pamamahagi.’ ”
3. Paano naiiba ang kongregasyong Kristiyano ng unang siglo mula sa ilang mahiwagang grupong relihiyoso?
3 Idiniriin ng paliwanag na ito ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mahiwagang relihiyosong mga grupo na nauso noong unang siglo at ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Samantalang ang mga bagong miyembro ng mga lihim na kulto ay malimit na sakop ng panata ng katahimikan upang ingatan ang mga relihiyosong turo, ang mga Kristiyano naman ay hindi kailanman sumailalim sa gayong restriksiyon. Totoo na bumanggit si apostol Pablo tungkol sa “karunungan ng Diyos sa isang sagradong lihim,” anupat tinawag iyon na “natatagong karunungan,” samakatuwid nga, natatago mula sa “mga tagapamahala ng sistemang ito ng mga bagay.” Hindi ito natatago sa mga Kristiyano na sa kanila’y isiniwalat ito sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos upang ito ay kanilang ihayag.—1 Corinto 2:7-12; ihambing ang Kawikaan 1:20.
Ipinakilala ang “Sagradong Lihim”
4. Kanino nakasentro ang “sagradong lihim,” at paano?
4 Nakasentro kay Jesu-Kristo ang “sagradong lihim” ni Jehova. Sumulat si Pablo: “Ipinaalam [ni Jehova] sa atin ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban. Ito ay ayon sa kaniyang mabuting kaluguran na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng itinakdang mga panahon, alalaong baga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa mga langit at ang mga bagay na nasa lupa. Oo, sa kaniya.” (Efeso 1:9, 10) Mas espesipiko pa nga si Pablo tungkol sa uri ng “sagradong lihim” nang sabihin niya ang pangangailangan para sa “tumpak na kaalaman sa sagradong lihim ng Diyos, alalaong baga, si Kristo.”—Colosas 2:2.
5. Ano ang nasasangkot sa “sagradong lihim”?
5 Subalit higit pa ang nasasangkot, sapagkat ang “sagradong lihim” ay isang lihim na may maraming pitak. Hindi ito basta pagkakakilanlan ni Jesus bilang ang ipinangakong Binhi o Mesiyas; kasali rito ang papel na nakatakda niyang gampanan sa layunin ng Diyos. May kinalaman ito sa isang makalangit na pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, gaya ng lubusang ipinaliwanag ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng mga langit, ngunit sa mga taong iyon ito ay hindi ipinagkaloob.”—Mateo 13:11.
6. (a) Bakit wastong sabihin na ang “sagradong lihim” ay “pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang-mahabang panahon”? (b) Paano ito pasulong na isiniwalat?
6 Kailangang lumipas pa ang isang mahabang yugto ng panahon sa pagitan ng unang pagbanggit ng layunin ng Diyos na maglaan ng saligan para sa Mesiyanikong Kaharian at ng pagpapasapit ng “sagradong lihim . . . sa katapusan.” (Apocalipsis 10:7; Genesis 3:15) Ang pagpapasapit nito sa katapusan ay magaganap sa pagkatatag ng Kaharian, gaya ng pinatutunayan ng paghahambing sa Apocalipsis 10:7 at 11:15. Sa katunayan, mga 4,000 taon ang lumipas mula nang unang ibigay sa Eden ang pangako tungkol sa Kaharian hanggang sa paglitaw ng Haring-Hinirang noong 29 C.E. Lumipas pa ang 1,885 taon bago naitatag ang Kaharian sa mga langit noong 1914. Kaya pasulong na isiniwalat ang “sagradong lihim” sa loob ng halos 6,000 taon. (Tingnan ang pahina 16.) Talaga namang tama si Pablo sa pagsasalita tungkol “sa pagsisiwalat ng sagradong lihim na pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang-mahabang panahon ngunit ngayon ay inihayag na at ipinaalam na.”—Roma 16:25-27; Efeso 3:4-11.
7. Bakit maaari tayong magtiwala nang husto sa uring tapat at maingat na alipin?
7 Kabaligtaran naman sa mga tao, na limitado lamang ang buhay, hindi kailanman nagigipit si Jehova dahil sa panahon upang isiwalat ang kaniyang mga lihim nang mas maaga. Ang bagay na ito ay dapat na humadlang sa atin sa pagiging mainipin kapag hindi maipaliwanag nang husto sa atin ngayon ang ilang katanungan sa Bibliya. Ang kababaang-loob sa bahagi ng uring tapat at maingat na alipin, na inatasang maglaan sa Kristiyanong sambahayan ng pagkain sa tamang panahon, ang siyang humahadlang dito mula sa may-kapangahasang pangunguna at padalus-dalos na pagkukuru-kuro tungkol sa mga bagay na hindi pa maliwanag. Sinisikap ng uring alipin na huwag maging dogmatiko. Mapagpakumbaba nitong inaamin na sa ngayon ay hindi nito masasagot ang bawat tanong, anupat malinaw na isinasaisip ang Kawikaan 4:18. Ngunit nakatutuwang malaman na si Jehova, sa kaniyang takdang panahon at sariling paraan, ay magpapatuloy na magsiwalat ng kaniyang mga lihim tungkol sa kaniyang mga layunin! Hindi tayo kailanman dapat na mainip sa kaayusan ni Jehova, anupat walang-ingat na inuunahan ang Tagapagsiwalat ng mga lihim. Isang kapanatagan ng loob na malamang hindi gayon ang ginagawa ng alulod na ginagamit ngayon ni Jehova! Ito ay kapuwa tapat at maingat.—Mateo 24:45; 1 Corinto 4:6.
Dapat Sabihin ang Naisiwalat Nang Lihim!
8. Paano natin nalalaman na dapat ihayag ang “sagradong lihim”?
8 Hindi isiniwalat ni Jehova ang kaniyang “sagradong lihim” sa mga Kristiyano para itago lamang nila ito. Ito ay dapat ihayag, kasuwato ng simulain na itinatag ni Jesus para sa lahat ng kaniyang tagasunod—hindi lamang para sa ilang klerigo: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok. Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng panukat na basket, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara, at ito ay nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay. Sa gayunding paraan pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.”—Mateo 5:14-16; 28:19, 20.
9. Ano ang nagpapatunay na si Jesus ay hindi isang rebolusyonaryo, gaya ng inaangkin ng ilan?
9 Si Jesus ay walang rebolusyonaryong intensiyon na bumuo ng isang lihim na organisasyon ng mga tagasunod upang magtaguyod ng lihim na mga layunin. Sa aklat na Early Christianity and Society, sumulat si Robert M. Grant tungkol sa pagtatanggol ng ikalawang-siglong apolohista na si Justin Martyr sa mga unang Kristiyano: “Kung ang mga Kristiyano ay rebolusyonista nanatili sana silang nakatago upang maabot ang kanilang tunguhin.” Ngunit paano ‘makapananatiling nakatago’ ang mga Kristiyano at kasabay nito ay maging “isang lunsod . . . [na] nakatayo sa ibabaw ng isang bundok”? Hindi nila dapat itago ang kanilang liwanag sa ilalim ng isang panukat na basket! Samakatuwid, walang dapat ikatakot ang pamahalaan sa kanilang gawain. Inilarawan pa sila ng manunulat na ito bilang “ang pinakamahuhusay na katulong ng emperador sa kapakanan ng kapayapaan at mabuting kaayusan.”
10. Bakit hindi dapat ilihim ng mga Kristiyano ang pagkakakilanlan sa kanila?
10 Hindi ibig ni Jesus na ilihim ng kaniyang mga alagad ang pagkakakilanlan sa kanila bilang mga miyembro ng isang tinaguriang relihiyosong sekta. (Gawa 24:14; 28:22) Ang hindi pagpapasikat ng ating liwanag sa ngayon ay di-makalulugod kapuwa kay Kristo at sa kaniyang Ama, ang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at hindi rin naman tayo magiging maligaya.
11, 12. (a) Bakit nais ni Jehova na mahayag ang Kristiyanismo? (b) Paano nagpakita si Jesus ng wastong halimbawa?
11 “Hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9; Ezekiel 18:23; 33:11; Gawa 17:30) Ang saligan para sa pagpapatawad ng mga kasalanan ng nagsisising mga tao ay ang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, na naghandog ng kaniyang sarili bilang pantubos sa lahat—hindi lamang sa iilan—upang “ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Mahalaga na matulungan ang mga tao na kumuha ng kinakailangang hakbang upang maging kuwalipikado silang mahatulan bilang mga tupa, hindi mga kambing, sa dumarating na paghuhukom.—Mateo 25:31-46.
12 Hindi dapat itago ang tunay na Kristiyanismo; ito ay dapat ipakilala sa lahat ng posibleng angkop na paraan. Si Jesus mismo ang nagpakita ng wastong halimbawa. Nang tanungin ng punong saserdote tungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo, sinabi niya: “Ako ay nagsalita sa sanlibutan nang hayagan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo, kung saan ang lahat ng Judio ay nagtitipon; at wala akong sinalitang anuman sa lihim.” (Juan 18:19, 20) Dahil sa huwarang ito, sinong may-takot sa Diyos na tao ang magtatangkang ilihim ang bagay na sinabi ng Diyos na dapat ihayag? Sino ang mangangahas na itago “ang susi ng kaalaman” na umaakay sa buhay na walang-hanggan? Sa paggawa nito, siya ay magiging kagaya ng mga relihiyosong mapagpaimbabaw noong unang siglo.—Lucas 11:52; Juan 17:3.
13. Bakit dapat tayong mangaral sa bawat pagkakataon?
13 Sana’y walang sinuman ang makapagsabi kailanman na inilihim nating mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Kaharian ng Diyos! Tanggapin man o tanggihan ang mensahe, dapat malaman ng mga tao na ito ay naipangaral na. (Ihambing ang Ezekiel 2:5; 33:33.) Kaya samantalahin natin ang bawat pagkakataon na sabihin ang mensahe ng katotohanan sa lahat, saanman natin sila matagpuan.
Paglalagay ng Pangawit sa Panga ni Satanas
14. Bakit hindi tayo dapat mag-atubili na maging hayag sa ating pagsamba?
14 Sa maraming lugar ang mga Saksi ni Jehova ay nagiging lalong sentro ng atensiyon ng media. Katulad ng nangyari sa mga unang Kristiyano, madalas na mali ang pagkakilala sa kanila at inilalagay sila sa kategorya na katulad sa kahina-hinalang relihiyosong mga kulto at lihim na organisasyon. (Gawa 28:22) Magiging mas madali ba tayong batikusin dahil sa ating hayagang pangangaral? Tiyak na hindi isang katalinuhan, at hindi kasuwato ng payo ni Jesus, na ilagay ang ating sarili sa gitna ng di-kinakailangang kontrobersiya. (Kawikaan 26:17; Mateo 10:16) Gayunpaman, ang kapaki-pakinabang na gawaing pangangaral ng Kaharian at pagtulong sa mga tao na pabutihin ang kanilang buhay ay hindi dapat na itago. Ito ay lumuluwalhati kay Jehova, nagtataas sa kaniya, umaakay ng pansin sa kaniya at sa kaniyang natatag na Kaharian. Ang kamakailang nakalulugod na pagtugon sa katotohanan ng Bibliya sa Silangang Europa at mga bahagi ng Aprika ay sa isang banda dahil sa pagiging lalong hayagan ng pangangaral doon ng katotohanan.
15, 16. (a) Anong mga layunin ang tinutupad ng ating pagiging hayagan at ng espirituwal na kasaganaan, ngunit dapat ba itong ikabahala? (b) Bakit nilalagyan ni Jehova ng pangawit ang panga ni Satanas?
15 Totoo na ang pagiging hayagan ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, ang espirituwal na paraiso na kanilang tinatamasa, at ang kanilang kasaganaan—kapuwa sa mga manggagawa at sa materyal na pag-aari—ay lubhang napapansin. Samantalang nakaaakit sa mga taong tapat-puso, ang mga salik na ito ay maaaring kayamutan naman ng mga mananalansang. (2 Corinto 2:14-17) Sa katunayan, sa dakong huli ay maaaring magsilbing pain ito sa mga puwersa ni Satanas upang salakayin ang bayan ng Diyos.
16 Dapat ba itong ikabahala? Hindi kung ibabatay sa hula ni Jehova na masusumpungan sa Ezekiel kabanata 38. Inihula nito na si Gog ng Magog, na lumalarawan kay Satanas na Diyablo mula nang ihagis siya sa kapaligiran ng lupa matapos itatag ang Kaharian noong 1914, ay mangunguna sa pagsalakay sa bayan ng Diyos. (Apocalipsis 12:7-9) Ganito ang sabi ni Jehova kay Gog: “Sasabihin mo: ‘Sasampa ako laban sa hantad na kabukirang lalawigan. Sasalakayin ko yaong walang kaguluhan, na tumatahan sa katiwasayan, lahat sila na naninirahan nang walang anumang pader, at ni wala silang halang at mga pintuan.’ Iyon ay upang kumuha ng maraming samsam at gumawa ng malaking pandarambong, upang ibalik ang iyong kamay sa mga gibang dako na muling tinatahanan at sa bayan na napisan mula sa mga bansa, na nagtitipon ng kayamanan at pag-aari, yaong nananahan sa gitna ng lupa.” (Ezekiel 38:11, 12) Gayunman, ipinakikita ng talata 4 na hindi dapat ikatakot ng bayan ng Diyos ang pagsalakay na ito, dahil gawa iyon ni Jehova. Ngunit bakit pahihintulutan ng Diyos—oo, pupukawin pa nga—ang isang lubus-lubusang pagsalakay sa kaniyang bayan? Mababasa natin sa talata 23 ang sagot ni Jehova: “Tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pababanalin ang aking sarili at ipakikilala ang aking sarili sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.”
17. Paano natin dapat malasin ang napipintong pagsalakay ni Gog?
17 Kaya naman, sa halip na mamuhay na nanghihilakbot sa pagsalakay ni Gog, buong-kasabikang hinihintay ng bayan ni Jehova ang higit pang katuparang ito ng hula sa Bibliya. Tunay na nakapananabik malaman na sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pagpapala sa kaniyang nakikitang organisasyon, nagkakabit si Jehova ng mga pangawit sa panga ni Satanas at inaakay siya at ang kaniyang puwersang militar tungo sa kanilang pagkalupig!—Ezekiel 38:4.
Ngayon Higit Kailanman!
18. (a) Ano ang natatanto ngayon ng maraming tao, at bakit? (b) Paano nagsisilbing malakas na pangganyak ang pagtugon sa pangangaral ng Kaharian?
18 Sa modernong panahon ay naging napakaprangka ng mga Saksi ni Jehova sa pagpapahayag ng kanilang salig-sa-Bibliyang pangmalas, bagaman hindi ito naging popular. Sa loob ng maraming dekada ay nagbabala sila tungkol sa panganib ng paninigarilyo at pag-abuso sa droga, sa kamangmangan ng pagiging maluwag sa pagsasanay ng anak, sa masasamang epekto ng paglilibang na babad sa bawal na sekso at karahasan, at sa mga panganib sa pagpapasalin ng dugo. Ipinakita rin nila ang mga pagkakasalungatan sa teoriya ng ebolusyon. Parami nang paraming tao ang nagsasabi ngayon, “Tama nga ang mga Saksi ni Jehova.” Kung hindi tayo naging malaya sa paghahayag ng ating mga pangmalas, baka hindi sila tumugon sa ganitong paraan. At huwag kalimutan ang bagay na sa pagsasabi ng gayon, kumukuha sila ng hakbang patungo sa pagsasabing, “Satanas, sinungaling ka; tama pala si Jehova.” Anong lakas na pangganyak sa atin na magpatuloy sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus, na inihahayag sa madla ang salita ng katotohanan!—Kawikaan 27:11.
19, 20. (a) Anong determinasyon ang ipinahayag ng bayan ni Jehova noong 1922, at kumakapit pa rin ba ang mga salitang ito? (b) Paano natin dapat malasin ang “sagradong lihim” ni Jehova?
19 Matagal nang naunawaan ng bayan ni Jehova ang kanilang obligasyon hinggil dito. Sa isang mahalagang kombensiyon noong 1922, pinukaw ni J. F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower, ang kaniyang mga tagapakinig sa pagsasabing: “Maging taimtim, maging mapagbantay, maging masipag, maging matapang. Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Sulong sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”
20 Kung paanong mahalaga ang mga salitang ito noong 1922, lalo pa sa ngayon pagkaraan ng 75 taon, na ang pagsisiwalat kay Kristo bilang Hukom at Tagapaghiganti ay totoong napakalapit na! Ang mensahe tungkol sa natatag nang Kaharian ni Jehova at sa espirituwal na paraisong tinatamasa ng bayan ng Diyos ay isang “sagradong lihim” na totoong napakahalaga upang itago. Gaya ng malinaw na sinabi ni Jesus mismo, sa tulong ng banal na espiritu, ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na maging mga saksi “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa” tungkol sa kaniyang pangunahing dako sa walang-hanggang layunin ni Jehova. (Gawa 1:8; Efeso 3:8-12) Sa katunayan, bilang mga lingkod ni Jehova, ang Diyos na nagsisiwalat ng mga lihim, hindi natin dapat sarilinin ang lihim na ito!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang “sagradong lihim”?
◻ Paano natin nalalaman na ito ay dapat na ihayag?
◻ Ano ang magpapangyari sa pagsalakay ni Gog sa bayan ni Jehova, at paano natin dapat malasin ito?
◻ Ano ang dapat na determinadong gawin ng bawat isa sa atin?
[Kahon sa pahina 16]
Isang “Sagradong Lihim” na Pasulong na Isiniwalat
◻ Pagkaraan ng 4026 B.C.E.: Nangako ang Diyos na magbabangon ng isang Binhi na pupuksa kay Satanas.—Genesis 3:15
◻ 1943 B.C.E.: Nagkabisa ang Abrahamikong tipan, anupat ipinangako na darating ang Binhi sa pamamagitan ni Abraham.—Genesis 12:1-7
◻ 1918 B.C.E.: Kapanganakan ni Isaac bilang tagapagmana ng tipan.—Genesis 17:19; 21:1-5
◻ c. 1761 B.C.E.: Tiniyak ni Jehova na ang Binhi ay darating sa pamamagitan ng anak ni Isaac na si Jacob.—Genesis 28:10-15
◻ 1711 B.C.E.: Ipinahiwatig ni Jacob na ang Binhi ay darating sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Juda.—Genesis 49:10
◻ 1070-1038 B.C.E.: Nalaman ni Haring David na ang Binhi ay magiging kaniyang inapo at mamamahala magpakailanman bilang Hari.—2 Samuel 7:13-16; Awit 89:35, 36
◻ 29-33 C.E.: Ipinakilala si Jesus bilang ang Binhi, ang Mesiyas, ang hukom sa hinaharap, at ang Haring-Hinirang.—Juan 1:17; 4:25, 26; Gawa 10:42, 43; 2 Corinto 1:20; 1 Timoteo 3:16
◻ Isiniwalat ni Jesus na magkakaroon siya ng mga kasamang tagapamahala at hukom, na magkakaroon ng makalupang mga sakop ang makalangit na Kaharian, at na magiging mangangaral ng Kaharian ang lahat ng kaniyang mga tagasunod.—Mateo 5:3-5; 6:10; 28:19, 20; Lucas 10:1-9; 12:32; 22:29, 30; Juan 10:16; 14:2, 3
◻ Isiniwalat ni Jesus na ang Kaharian ay itatatag sa isang tiyak na panahon, na patutunayan ng mga pangyayari sa daigdig.—Mateo 24:3-22; Lucas 21:24
◻ 36 C.E.: Nalaman ni Pedro na magiging kasama ring tagapagmana ng Kaharian ang mga di-Judio.—Gawa 10:30-48
◻ 55 C.E.: Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga kasamang tagapagmana ng Kaharian ay bubuhaying-muli sa imortalidad at kawalang-kasiraan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo.—1 Corinto 15:51-54
◻ 96 C.E.: Si Jesus, na namamahala na sa kaniyang mga pinahirang tagasunod, ay nagsiwalat na ang kanilang magiging kabuuang bilang ay 144,000.—Efeso 5:32; Colosas 1:13-20; Apocalipsis 1:1; 14:1-3
◻ 1879 C.E.: Itinuro ng Zion’s Watch Tower ang 1914 bilang isang taon na lubhang makabuluhan sa pagsasakatuparan ng “sagradong lihim” ng Diyos
◻ 1925 C.E.: Ipinaliwanag ng The Watch Tower na ang Kaharian ay isinilang noong 1914; kailangang ipahayag ang “sagradong lihim” tungkol sa Kaharian.—Apocalipsis 12:1-5, 10, 17
[Mga larawan sa pahina 15]
Tulad ng kanilang Lider, si Jesus, inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang tungkol sa Kaharian ni Jehova