PAGKAULO
Ang pangunahing simulain ng pagkaulo ay nakaulat sa 1 Corinto 11:3: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”
Ang Dako ng Lalaki. Ang unang bahagi ng payong ito tungkol sa pagkaulo ay para sa lalaki; hindi siya independiyente at mayroon siyang “ulo” na dapat kilalanin. Kailangan niyang sundin ang mga tagubilin at parisan na inilaan ng kaniyang ulo, si Kristo. (1Ju 2:6) Hindi lamang ito kapit sa kaniyang mga relihiyosong gawain (Mat 28:19, 20) kundi pati sa kaniyang personal na mga gawain. Halimbawa, kung siya ay isang taong may pamilya, bilang paggalang sa sarili niyang ulo, si Kristo, dapat siyang sumunod sa payo na manahanang kasama ng kaniyang asawa ayon sa kaalaman, anupat ‘pinag-uukulan ito ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan,’ at dapat siyang marubdob na magsikap na sanayin ang kaniyang mga anak sa wastong paraan. (1Pe 3:7; Efe 6:4) Inilaan sa Bibliya ang payong ito para sa lahat ng nasa kongregasyon ni Kristo, kaya ang pagsunod ng lalaki sa payong ito ay pagpapakita ng paggalang sa pagkaulo.—Efe 5:23.
Yamang ang lalaki ang unang nilalang, binigyan siya ng mas mataas na posisyon kaysa sa babae. (1Ti 2:12, 13) Ang babae ay ginawa mula sa tadyang na kinuha mula sa lalaki at sa gayon ay buto ng kaniyang mga buto at laman ng kaniyang laman. (Gen 2:22, 23) Nilalang ang babae alang-alang sa lalaki, hindi ang lalaki alang-alang sa babae. (1Co 11:9) Kaya naman sa kaayusan ng Diyos para sa pamilya, dapat na lagi siyang magpasakop sa kaniyang asawang lalaki at hindi niya dapat agawin ang awtoridad nito. (Efe 5:22, 23; 1Pe 3:1) Gayundin, sa kongregasyong Kristiyano, ang babae ay hindi dapat magturo sa ibang naaalay na lalaki ni magkaroon man ng awtoridad sa kanila.—1Ti 2:12.
Kinilala ng mga Hebreo noong sinaunang mga panahon ang nakatataas na posisyon ng lalaki sa pamilya at sa kaayusan ng mga tribo. Si Sara ay naging mapagpasakop, anupat tinawag niyang “panginoon” si Abraham, at pinapurihan siya dahil sa pagkilala niya sa pagkaulo nito. (Gen 18:12; 1Pe 3:5, 6) Sa ilalim ng tipang Kautusan, idiniin ang nakatataas na posisyon ng lalaki. Ang mga kalalakihan lamang ang inutusang magtipon para sa tatlong kapistahan ni Jehova sa dakong pinili niya, bagaman dumadalo rin noon ang mga babae. (Deu 16:16) Ang ‘karumihan’ ng babae sa seremonyal na paraan pagkasilang niya ng isang sanggol na babae ay makalawang ulit na mas matagal kaysa kung sanggol na lalaki ang isinilang niya.—Lev 12:2, 5.
Ang Dako ng Babae. Noong sinaunang mga panahon, may mga kalagayan na nagtatalukbong sa ulo ang babae upang magpakita ng pagpapasakop. (Gen 24:65) Nang talakayin ng apostol na si Pablo ang kaayusan sa pagkaulo sa loob ng kongregasyong Kristiyano, ipinaliwanag niya na kung ang babae ay mananalangin o manghuhula sa kongregasyon, anupat gaganap ng isang posisyon na iniatas ng Diyos sa lalaki, dapat siyang maglagay ng talukbong sa ulo. Sa pansamantalang pagganap niya sa mga bagay na ito dahil sa walang naaalay na lalaking Kristiyano na gagawa ng mga ito, hindi dapat ipangatuwiran ng babae na sapat na ang pagkakaroon niya ng mahabang buhok upang ipakita ang kaniyang pagpapasakop. Sa halip, dapat na ang sarili niyang mga pagkilos ang magpamalas ng kaniyang pagpapasakop at ng kaniyang pagkilala sa pagkaulo ng lalaki. Ginagawa ito ng babaing Kristiyano sa pamamagitan ng paglalagay ng talukbong sa ulo bilang “tanda ng awtoridad.” Dapat itong gawin “dahil sa mga anghel,” na nagmamasid sa mga pagkilos ng isang Kristiyano at nababahala sa kongregasyong Kristiyano bilang mga naglilingkod para rito. Sa pamamagitan ng paglalagay ng talukbong sa ulo kapag kinakailangan dahil sa espirituwal na mga kadahilanan, kinikilala ng babaing Kristiyano ang kaayusan ng Diyos sa pagkaulo.—1Co 11:5-16; Heb 1:14.
Ang wastong teokratikong kaayusang ito sa kongregasyon at sa loob ng pamilya ay hindi nakahahadlang sa babae sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, ni sagabal man ito sa kaniyang mga pagsisikap na tuparin ang kaniyang mga gawain at mga pananagutan sa pamilya. Binibigyan siya nito ng lubos at maka-Kasulatang kalayaan na maglingkod sa kaniyang dako, samantalang nananatiling kalugud-lugod sa Diyos kasuwato ng simulaing, “Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan, bawat isa sa kanila, ayon sa kaniyang kinalugdan.” (1Co 12:18) Maraming babae noong sinaunang mga panahon ang nagkaroon ng maiinam na pribilehiyo samantalang kinikilala nila ang pagkaulo ng lalaki at nagtamasa sila ng maligaya at kasiya-siyang buhay. Kabilang sa mga ito sina Sara, Rebeka, Abigail, at ang mga babaing Kristiyanong gaya nina Priscila at Febe.
Pananagutan. Ang pagkaulo ay nagbibigay ng ilang karapatan sa isa, ngunit may kaakibat din itong mga tungkulin o obligasyon. ‘Si Kristo ang ulo ng kongregasyon’ kung kaya may karapatan siyang gumawa ng mga pasiya may kinalaman dito at isailalim ito sa kaniyang awtoridad. (Efe 5:23) Ngunit dahil sa kaniyang pagkaulo, may pananagutan din siyang pangalagaan ang kongregasyon at managot para sa kaniyang mga pasiya. Sa katulad na paraan, sa pagganap ng asawang lalaki sa kaniyang pagkaulo, mayroon siyang karapatan sa paggawa ng huling mga pagpapasiya at sa pangangasiwa. Gayunman, bukod pa rito, may tungkulin siyang dapat gampanan para sa kaniyang pamilya. Siya ang may pangunahing obligasyon na maglaan para sa kaniyang sambahayan sa materyal at espirituwal na paraan.—1Ti 5:8.
Dapat gampanan ng lalaking Kristiyano ang kaniyang pagkaulo nang may karunungan, anupat iniibig ang kaniyang asawa gaya ng kaniyang sarili. (Efe 5:33) Sa ganitong paraan ginagampanan ni Jesu-Kristo ang kaniyang pagkaulo sa kongregasyong Kristiyano. (Efe 5:28, 29) Bilang ulo ng kaniyang mga anak, hindi dapat inisin ng ama ang mga ito kundi dapat niya silang palakihin “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe 6:4) At bilang mga pastol ng kawan ng Diyos, ang “matatandang lalaki” sa kongregasyong Kristiyano ay hindi dapat mamanginoon sa “mga tupa” ng Diyos kundi dapat nilang alalahanin na sakop sila ni Jesu-Kristo at ng Diyos na Jehova. (1Pe 5:1-4) Laging kumikilos si Jesu-Kristo alinsunod sa simulain ng pagkaulo, anupat ipinamamalas na lubusan niyang kinikilala ang pagkaulo ng kaniyang Ama sa salita at sa gawa. Kahit pagkatapos niyang pamahalaan ang lupa sa loob ng isang libong taon, kikilalanin niya ang pansansinukob na pagkaulo ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kaharian kay Jehova, anupat siya ay ‘magpapasakop din mismo sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.’ (1Co 15:24-28; Ju 5:19, 30; 8:28; 14:28; Fil 2:5-8) Yamang ang mga Kristiyano ay mga tagasunod ni Jesu-Kristo, kinikilala rin nila ang kataas-taasang pagkaulo ni Jehova, anupat ipinatutungkol nila ang kanilang mga panalangin sa kaniya at kinikilala siya bilang Ama at Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Mat 6:9; Apo 1:8; 11:16, 17; tingnan ang ASAWANG LALAKI; PAMILYA.