Panatilihin ang Pagkakaisa sa mga Huling Araw na Ito
“Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita . . . , nakatayong matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa na nagpupunyaging magkaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita.”—FILIPOS 1:27.
1. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng sanlibutan?
ITO ang “mga huling araw.” Walang alinlangan, narito na ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Sa ‘panahong ito ng kawakasan,’ sa maligalig na lipunan ng tao, kitang-kita ang kaibahan ng mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang kapayapaan at pagkakaisa. (Daniel 12:4) Subalit ang bawat isa na kabilang sa pangglobong pamilya ng mga sumasamba kay Jehova ay kailangang magpagal upang mapanatili ang pagkakaisang ito.
2. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagpapanatili ng pagkakaisa, at anong tanong ang isasaalang-alang natin?
2 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano na panatilihin ang pagkakaisa. Sumulat siya: “Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo, upang, dumating man ako at makita kayo o maging wala riyan, ay marinig ko ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa inyo, na kayo ay nakatayong matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa na nagpupunyaging magkaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita, at hindi sa anumang paraan nagagawang takutin ng inyong mga kalaban. Ang mismong bagay na ito ay isang patotoo ng pagkapuksa para sa kanila, ngunit ng kaligtasan para sa inyo; at ang pagpapahiwatig na ito ay mula sa Diyos.” (Filipos 1:27, 28) Maliwanag na ipinakikita ng mga salita ni Pablo na dapat tayong gumawang sama-sama bilang mga Kristiyano. Kaya, ano, kung gayon, ang tutulong sa atin upang mapanatili ang ating Kristiyanong pagkakaisa sa mahirap na panahong ito?
Magpasakop sa Banal na Kalooban
3. Kailan at paano naging mga tagasunod ni Kristo ang mga unang di-tuling Gentil?
3 Ang isang paraan upang mapanatili ang ating pagkakaisa ay ang pagpapasakop sa banal na kalooban sa lahat ng panahon. Maaaring mangailangan ito ng pagbabago sa ating pag-iisip. Isaalang-alang ang mga naunang alagad ni Jesu-Kristo. Nang unang mangaral si apostol Pedro sa di-tuling mga Gentil noong 36 C.E., pinagkalooban ng Diyos ng banal na espiritu ang mga taong ito ng mga bansa, at sila’y nabautismuhan. (Gawa, kabanata 10) Bago nito, tanging ang mga Judio, mga proselita sa Judaismo, at mga Samaritano ang naging mga tagasunod ni Jesu-Kristo.—Gawa 8:4-8, 26-38.
4. Pagkatapos ipaliwanag kung ano ang nangyari hinggil kay Cornelio, ano ang sinabi ni Pedro, at anong pagsubok ang iniharap nito sa mga Judiong alagad ni Jesus?
4 Nang mabatid ng mga apostol at iba pang kapatid sa Jerusalem ang tungkol sa pagkumberte kay Cornelio at sa iba pang Gentil, naging interesado silang marinig ang ulat ni Pedro. Pagkatapos na ipaliwanag ang nangyari hinggil kay Cornelio at sa iba pang nananampalatayang Gentil, nagtapos ang apostol sa pamamagitan ng mga salitang: “Samakatuwid, kung ibinigay ng Diyos ang katulad na kaloob [ng banal na espiritu] na walang bayad sa kanila [yaong mga nananampalatayang Gentil] gaya ng ginawa rin niya sa atin [mga Judio] na naniwala sa Panginoong Jesu-Kristo, sino ako upang magawa kong hadlangan ang Diyos?” (Gawa 11:1-17) Ito’y nagharap ng pagsubok sa mga Judiong tagasunod ni Jesu-Kristo. Magpapasakop kaya sila sa kalooban ng Diyos at tatanggapin ang nananampalatayang mga Gentil bilang kanilang mga kapuwa mananamba? O manganganib kaya ang pagkakaisa ng makalupang mga lingkod ni Jehova?
5. Paano tumugon ang mga apostol at iba pang kapatid sa bagay na ipinagkaloob ng Diyos ang pagsisisi sa mga Gentil, at ano ang matututuhan natin mula sa saloobing ito?
5 Sinasabi ng ulat: “Ngayon nang marinig nila [ng mga apostol at ng iba pang mga kapatid] ang mga bagay na ito, sila ay sumang-ayon, at kanilang niluwalhati ang Diyos, na sinasabi: ‘Buweno, kung gayon, ang Diyos ay nagkaloob din ng pagsisisi ukol sa layunin ng buhay sa mga tao ng mga bansa.’ ” (Gawa 11:18) Ang saloobing ito ang nag-ingat at nagtaguyod ng pagkakaisa ng mga tagasunod ni Jesus. Sa loob lamang ng sandaling panahon, sumulong ang gawaing pangangaral sa gitna ng mga Gentil, o mga tao ng mga bansa, at pinagpala ni Jehova ang gayong gawain. Tayo rin naman ay dapat na sumang-ayon kapag hinihiling ang ating pakikipagtulungan may kinalaman sa pagbuo ng isang bagong kongregasyon o kapag gumagawa ng ilang teokratikong pagbabago sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. Ang ating buong-pusong pakikipagtulungan ay makalulugod kay Jehova at tutulong sa atin na mapanatili ang ating pagkakaisa sa mga huling araw na ito.
Kumapit Kayo sa Katotohanan
6. Ano ang epekto ng katotohanan sa pagkakaisa ng mga sumasamba kay Jehova?
6 Bilang bahagi ng pamilya ng mga sumasamba kay Jehova, napananatili natin ang pagkakaisa sapagkat tayong lahat ay “naturuan ni Jehova” at nanghahawakang matatag sa kaniyang isiniwalat na katotohanan. (Juan 6:45; Awit 43:3) Yamang nakasalig sa Salita ng Diyos ang ating mga turo, lahat tayo ay nagsasalita nang magkakasuwato. Malugod nating tinatanggap ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang gayong iisang turo ay tumutulong sa atin na mapanatili ang ating pagkakaisa sa buong daigdig.
7. Kung nahihirapan tayong maunawaan ang isang punto, ano ang dapat nating gawin, at ano ang hindi natin dapat na gawin?
7 Ano kung ang bawat isa sa atin ay nahihirapang makaunawa o tumanggap ng isang punto? Dapat tayong manalangin ukol sa karunungan at magsaliksik sa Kasulatan at mga publikasyong Kristiyano. (Kawikaan 2:4, 5; Santiago 1:5-8) Maaaring makatulong ang pakikipagtalakayan sa isang matanda. Kung hindi pa rin maunawaan ang isang punto, baka pinakamabuti na hayaan na lang muna ang bagay na iyon. Marahil ay higit pang impormasyon tungkol sa paksang iyon ang ilalathala, at sa gayo’y lalawak ang ating pagkaunawa. Gayunman, magiging isang kamalian na sikaping kumbinsihin ang iba sa kongregasyon na tanggapin ang ating sariling naiibang opinyon. Maghahasik ito ng pagkakasalungatan, hindi makatutulong sa pag-iingat ng pagkakaisa. Higit ngang mabuti ang ‘magpatuloy na lumakad sa katotohanan,’ at pasiglahin ang iba na gawin ang gayon!—3 Juan 4.
8. Anong saloobin hinggil sa katotohanan ang naaangkop?
8 Noong unang siglo, sinabi ni Pablo: “Sa kasalukuyan ay nakakakita tayo sa malabong balangkas sa pamamagitan ng salaming metal, ngunit pagkatapos ay magiging mukha sa mukha na. Sa kasalukuyan ay nakaaalam ako nang bahagya, ngunit pagkatapos ay malalaman ko nang may-katumpakan kung paanong ako ay may-katumpakang nakikilala.” (1 Corinto 13:12) Bagaman hindi naunawaan ng mga naunang Kristiyano ang lahat ng detalye, sila’y nanatiling nagkakaisa. Mas maliwanag ngayon ang pagkaunawa natin sa layunin ni Jehova at sa kaniyang Salita ng katotohanan. Kaya nga tumanaw tayo ng utang na loob dahil sa katotohanan na natanggap natin sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin.’ At sana’y magpasalamat tayo na inaakay tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Bagaman hindi laging pare-pareho ang antas ng ating kaalaman, hindi tayo nagugutom o nauuhaw sa espirituwal na paraan. Sa halip, pinagkakaisa tayo at inaalagaan tayong mabuti ng ating Pastol, si Jehova.—Awit 23:1-3.
Gamitin Nang Wasto ang Inyong Dila!
9. Paano maaaring gamitin ang dila upang itaguyod ang pagkakaisa?
9 Ang paggamit ng dila upang patibaying-loob ang iba ay isang mahalagang paraan upang itaguyod ang pagkakaisa at espiritu ng kapatiran. Ang liham na lumutas sa suliranin hinggil sa pagtutuli, na ipinadala ng unang-siglong lupong tagapamahala, ay pinagmulan ng pampatibay-loob. Pagkatapos mabasa iyon, ang mga alagad na Gentil sa Antioquia ay “nagsaya sa pampatibay-loob.” Sina Judas at Silas, na isinugo mula sa Jerusalem taglay ang liham, ay “nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.” Tiyak, ang pagkanaroroon nina Pablo at Bernabe ay nakapagpatibay-loob at nakapagpalakas din sa mga kapananampalataya sa Antioquia. (Gawa 15:1-3, 23-32) Malaki rin ang magagawa natin kapag nagtitipon tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong at ‘nagpapatibay-loob sa isa’t isa’ sa pamamagitan ng ating pagkanaroroon at nakapagpapatibay na mga komento.—Hebreo 10:24, 25.
10. Upang mapanatili ang pagkakaisa, ano ang maaaring kailangang gawin kapag may naganap na panlalait?
10 Subalit ang maling paggamit ng dila ay magsasapanganib sa ating pagkakaisa. “Ang dila ay isang maliit na sangkap gayunma’y gumagawa ng malalaking pagyayabang,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. “Narito! Kayliit ng apoy na kailangan upang paliyabin ang isang napakalaking kakahuyan!” (Santiago 3:5) Kinapopootan ni Jehova yaong lumilikha ng mga pagtatalo. (Kawikaan 6:16-19) Ang gayong usapan ay maaaring maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi. Kaya, ano kung may nanlalait, samakatuwid nga, nagbubunton ng pang-aabuso sa isa o nang-iinsulto sa kaniya? Sisikapin ng matatanda na tulungan ang gumagawa ng masama. Gayunman, ang di-nagsisising manlalait ay dapat na itiwalag upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at pagkakaisa ng kongregasyon. Sa katunayan, sumulat si Pablo: “Tumigil sa pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na . . . manlalait . . . , na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.”—1 Corinto 5:11.
11. Bakit mahalaga ang pagpapakumbaba kung may nasabi tayo na naging sanhi ng tensiyon sa pagitan natin at ng isang kapananampalataya?
11 Ang pagpigil sa dila ay tumutulong sa atin na mapanatili ang pagkakaisa. (Santiago 3:10-18) Ngunit ipagpalagay na may sinabi tayo na nagdulot ng tensiyon sa pagitan natin at ng isang kapuwa Kristiyano. Hindi ba nararapat na magkusang makipagpayapaan sa ating kapatid, anupat humingi ng tawad kung kinakailangan? (Mateo 5:23, 24) Totoo, ito’y nangangailangan ng pagpapakumbaba, o kababaan ng pag-iisip, ngunit sumulat si Pedro: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Ang pagpapakumbaba ay magpapakilos sa atin na ‘itaguyod ang kapayapaan’ kasama ng ating mga kapatid, anupat inaamin ang ating mga pagkakamali at may kawastuang humihingi ng tawad. Tumutulong ito na mapanatili ang pagkakaisa ng pamilya ni Jehova.—1 Pedro 3:10, 11.
12. Paano natin magagamit ang dila upang maitaguyod at mapanatili ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova?
12 Mapasusulong natin ang diwa ng pagiging isang pamilya sa gitna niyaong mga kabilang sa organisasyon ni Jehova kung gagamitin natin nang wasto ang ating dila. Yamang ganiyan ang ginawa ni Pablo, mapaaalalahanan niya ang mga taga-Tesalonica: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong, gaya ng ginagawa ng isang ama sa kaniyang mga anak, patuloy kaming masidhing nagpapayo sa bawat isa sa inyo, at nang-aaliw at nagpapatotoo sa inyo, upang kayo ay patuloy na lumakad nang karapat-dapat sa Diyos.” (1 Tesalonica 2:11, 12) Palibhasa’y naglaan ng isang mainam na halimbawa sa bagay na ito, maaaring himukin ni Pablo ang mga kapuwa Kristiyano na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Isipin ang malaking kabutihan na magagawa natin sa paggamit ng dila upang mang-aliw, magpatibay-loob, at magpasigla sa iba. Oo, “ang isang salita sa tamang panahon nito ay O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Isa pa, ang gayong pananalita ay tumutulong upang maitaguyod at mapanatili ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova.
Maging Mapagpatawad!
13. Bakit tayo dapat na maging mapagpatawad?
13 Ang pagpapatawad sa isang nagkasala na humihingi ng tawad ay kailangang-kailangan kung ibig nating mapanatili ang Kristiyanong pagkakaisa. At gaano tayo kadalas na magpapatawad? Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” (Mateo 18:22) Kung tayo ay hindi mapagpatawad, hindi tayo nakikinabang. Paano nagkagayon? Buweno, ang galit at pagkikimkim ng sama ng loob ay magnanakaw ng ating kapayapaan ng isip. At kapag naging kilalá tayo dahil sa malupit at di-mapagpatawad na mga paraan, maaaring maging sanhi iyon ng pagkabukod ng ating sarili. (Kawikaan 11:17) Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay di-nakalulugod sa Diyos at maaaring umakay sa malubhang kasalanan. (Levitico 19:18) Alalahanin na pinugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo sa isang pakanang binuo ng balakyot na si Herodias, na “nagkimkim ng sama ng loob” laban sa kaniya.—Marcos 6:19-28
14. (a) Ano ang itinuturo sa atin ng Mateo 6:14, 15 tungkol sa pagpapatawad? (b) Kailangan bang lagi nating hintayin ang paghingi ng tawad bago natin patawarin ang isang tao?
14 Kasali sa huwarang panalangin ni Jesus ang mga salitang ito: “Ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat kami rin mismo ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” (Lucas 11:4) Kung hindi tayo mapagpatawad, nariyan ang panganib na balang araw ay hindi na patatawarin ng Diyos na Jehova ang ating mga kasalanan, sapagkat sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, ang inyong makalangit na Ama ay magpapatawad din sa inyo; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” (Mateo 6:14, 15) Kaya kung talagang ibig nating gawin ang ating bahagi sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa pamilya ng mga sumasamba kay Jehova, magiging mapagpatawad tayo, marahil ay kinalilimutan na lamang ang pagkakasala na maaaring dahil sa pagiging padalus-dalos at hindi naman sinasadya. Sinabi ni Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Kapag tayo ay mapagpatawad, nakatutulong tayo upang mapanatili ang napakahalagang pagkakaisa sa organisasyon ni Jehova.
Pagkakaisa at Personal na mga Pasiya
15. Ano ang tumutulong sa bayan ni Jehova upang mapanatili ang pagkakaisa kapag gumagawa ng personal na mga pasiya?
15 Nilalang tayo ng Diyos taglay ang kalayaang pumili ng landasin lakip ang pribilehiyo at pananagutan na gumawa ng personal na mga pasiya. (Deuteronomio 30:19, 20; Galacia 6:5) Gayunpaman, napananatili natin ang ating pagkakaisa dahil sinusunod natin ang mga batas at simulain sa Bibliya. Isinasaalang-alang natin ang mga ito kapag gumagawa ng personal na pagpapasiya. (Gawa 5:29; 1 Juan 5:3) Ipagpalagay na bumangon ang suliranin tungkol sa pagiging neutral. Makagagawa tayo ng may-kabatiran at personal na pasiya sa pamamagitan ng pag-alaala na tayo ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at na ‘pinukpok natin ang ating mga tabak upang maging sudsod.’ (Juan 17:16; Isaias 2:2-4) Gayundin naman, kapag gumagawa tayo ng personal na pasiya may kinalaman sa ating kaugnayan sa Estado, isinasaalang-alang natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabayad “sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos,” samantalang ipinasasakop ang ating sarili sa “nakatataas na mga awtoridad” hinggil sa sekular na mga bagay. (Lucas 20:25; Roma 13:1-7; Tito 3:1, 2) Oo, nakatutulong sa pagpapanatili ng ating Kristiyanong pagkakaisa ang pagsasaalang-alang sa mga batas at simulain sa Bibliya kapag gumagawa ng personal na mga pasiya.
16. Paano tayo makatutulong sa pagpapanatili ng pagkakaisa kapag gumagawa ng mga pasiya na hindi naman tama o mali ayon sa Kasulatan? Ilarawan.
16 Makatutulong tayong mapanatili ang Kristiyanong pagkakaisa kahit na gumagawa ng pasiya na lubusang personal at hindi naman tama o mali ayon sa Kasulatan. Paano? Sa pamamagitan ng maibiging pagkabahala sa iba na maaaring maapektuhan ng ating pasiya. Upang ilarawan: Sa kongregasyon sa sinaunang Corinto, bumangon ang suliranin hinggil sa karneng inihain sa mga idolo. Sabihin pa, ang isang Kristiyano ay hindi makikibahagi sa idolatrosong seremonya. Gayunman, hindi kasalanan ang pagkain ng ganitong uri ng natirang karne na wasto namang pinatulo ang dugo at ipinagbili sa palengke. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 10:25) Gayunpaman, nabagabag ang budhi ng ilang Kristiyano hinggil sa pagkain ng karneng ito. Dahil dito ay hinimok ni Pablo ang ibang Kristiyano na iwasang makatisod sa kanila. Sa katunayan, sumulat siya: “Kung ang pagkain ay nagpapatisod sa aking kapatid, hindi na ako kailanman kakain pang muli ng laman, upang hindi ko matisod ang aking kapatid.” (1 Corinto 8:13) Kaya kahit na walang batas o simulain sa Bibliya na nasasangkot, tunay ngang pagiging maibigin na isaalang-alang ang iba kapag gumagawa ng personal na mga pasiya na maaaring makaapekto sa pagkakaisa ng pamilya ng Diyos!
17. Ano ang may katalinuhang gawin kapag kailangan tayong gumawa ng personal na mga pasiya?
17 Kung hindi natin natitiyak kung anong landasin ang dapat na tahakin, isang katalinuhan ang magpasiya sa paraan na mananatiling malinis ang ating budhi, at dapat na igalang ng iba ang ating pasiya. (Roma 14:10-12) Mangyari pa, kapag kailangan nating gumawa ng isang personal na pasiya, dapat nating hingin ang patnubay ni Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Tulad ng salmista, may pagtitiwalang makapananalangin tayo: “Ikiling mo sa akin ang iyong tainga. . . . Sapagkat ikaw ang aking malaking bato at ang aking moog; at alang-alang sa iyong pangalan ay aakayin mo ako at pangungunahan mo ako.”—Awit 31:2, 3.
Laging Panatilihin ang Kristiyanong Pagkakaisa
18. Paano inilarawan ni Pablo ang pagkakaisa sa Kristiyanong kongregasyon?
18 Sa 1 Corinto kabanata 12, ginamit ni Pablo ang katawan ng tao upang ilarawan ang pagkakaisa ng Kristiyanong kongregasyon. Idiniin niya ang impluwensiya sa isa’t isa at ang kahalagahan ng bawat miyembro. “Kung silang lahat ay iisang sangkap, saan naroroon ang katawan?” ang tanong ni Pablo. “Ngunit ngayon sila ay maraming sangkap, gayunma’y iisang katawan. Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay: ‘Hindi kita kailangan’; o, muli, ang ulo ay hindi makapagsasabi sa paa: ‘Hindi kita kailangan.’ ” (1 Corinto 12:19-21) Gayundin naman, hindi lahat sa atin na kabilang sa pamilya ng mga sumasamba kay Jehova ay nagsasagawa ng pare-parehong tungkulin. Subalit, tayo ay nagkakaisa, at kailangan natin ang isa’t isa.
19. Paano tayo makikinabang sa mga espirituwal na paglalaan ng Diyos, at ano ang sinabi ng isang nakatatandang kapatid hinggil sa bagay na ito?
19 Kung paanong kailangan ng katawan ang pagkain, pangangalaga, at patnubay, kailangan natin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, espiritu, at organisasyon. Upang makinabang sa mga paglalaang ito, kailangang maging bahagi tayo ng makalupang pamilya ni Jehova. Pagkaraan ng maraming taon ng paglilingkuran sa Diyos, sumulat ang isang kapatid: “Ako’y totoong nagpapasalamat na nabuhay ako alinsunod sa pagkaalam ng mga layunin ni Jehova sapol noong mga unang araw bago ang 1914 nang ang lahat ay hindi pa gaanong maliwanag . . . hanggang sa ngayon na ang katotohanan ay sumisikat na gaya ng araw sa katanghalian. Kung may isang bagay na pinakamahalaga sa akin, iyon ay ang pananatiling malapit sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Ang aking naunang karanasan ang nagturo sa akin kung gaano kabuway ang umasa sa pangangatuwiran ng tao. Nang maging maliwanag na sa aking isip ang puntong iyan, determinado na akong manatili sa tapat na organisasyon. Paano pa kaya makakamit ng isa ang pabor at pagpapala ni Jehova?”
20. Ano ang dapat na determinado nating gawin tungkol sa ating pagkakaisa bilang bayan ni Jehova?
20 Tinawag ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa makasanlibutang kadiliman at pagkakabaha-bahagi. (1 Pedro 2:9) Dinala niya tayo sa isang pinagpalang pakikipagkaisa sa kaniya at sa ating mga kapananampalataya. Iiral ang pagkakaisang ito sa bagong sistema ng mga bagay na ngayo’y kaylapit-lapit na. Kung gayon, sa mapanganib na mga huling araw na ito, sana’y patuloy nating ‘damtan ang ating sarili ng pag-ibig’ at gawin ang lahat ng ating makakaya upang maitaguyod at mapanatili ang ating napakahalagang pagkakaisa.—Colosas 3:14.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang paggawa ng kalooban ng Diyos at pagkapit sa katotohanan ay makatutulong sa atin na mapanatili ang pagkakaisa?
◻ Paano nauugnay ang pagkakaisa sa wastong paggamit ng dila?
◻ Ano ang nasasangkot sa pagiging mapagpatawad?
◻ Paano natin mapananatili ang pagkakaisa kapag gumagawa ng personal na mga pasiya?
◻ Bakit dapat na panatilihin ang Kristiyanong pagkakaisa?
[Larawan sa pahina 16]
Kung paanong pinananatili ng pastol na ito na sama-sama ang kaniyang kawan, gayon pinananatili ni Jehova ang pagkakaisa ng kaniyang bayan
[Mga larawan sa pahina 18]
Sa pamamagitan ng paghingi ng tawad kapag tayo’y nagkasala, tumutulong tayo sa pagtataguyod ng pagkakaisa