Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
“Ang lahat ng inyong mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.”—1 CORINTO 16:14.
1. Ano ang nararamdaman ng mga magulang kapag isinilang ang kanilang anak?
HALOS lahat ng magulang ay sasang-ayon na ang pagsisilang ng anak ang isa sa pinakamaligayang sandali sa buhay ng isang tao. “Nang una kong makita ang aking bagong-silang na anak, tuwang-tuwa ako,” ang sabi ng inang si Aleah. “Para sa akin, siya na ang pinakamagandang batang nakita ko.” Pero ang masayang sandaling ito ay maaari ding ikabalisa ng mga magulang. “Ang inaalala ko lamang,” ang sabi naman ng asawa ni Aleah, “ay kung mapalalaki ko siya nang tama para makayanan ang mga pagsubok sa buhay.” Maraming magulang ang may ganito ring mga álalahanín at alam nila na talagang dapat sanayin ang kanilang mga anak sa maibiging paraan. Pero ang mga Kristiyanong magulang na gustong magbigay ng gayong maibiging pagsasanay ay napapaharap sa mga hamon. Ano ang ilan sa mga ito?
2. Anu-anong hamon ang napapaharap sa mga magulang?
2 Nabubuhay na tayo ngayon sa dulo ng mga huling araw ng sistemang ito. Gaya ng inihula, nawawala na ang pag-ibig ng karamihan sa mga tao. Kahit sa loob ng pamilya, sila’y ‘wala nang likas na pagmamahal’ at “mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, . . . mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis.” (2 Timoteo 3:1-5) Kung ganitong uri ng mga tao ang makakasama araw-araw, maaapektuhan nito ang pagsasamahan ng pamilyang Kristiyano. Bukod dito, ang mga magulang ay nakikipaglaban din sa kanilang sariling minanang tendensiya na mawalan ng pagpipigil sa sarili, mabigla sa pagsasalita, at magkamali sa pagpapasiya sa ilang bagay.—Roma 3:23; Santiago 3:2, 8, 9.
3. Paano makapagpapalaki ng masasayang anak ang mga magulang?
3 Sa kabila ng mga hamong ito, makapagpapalaki pa rin ang mga magulang ng mga anak na masasaya at malulusog sa espirituwal. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya: “Ang lahat ng inyong mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.” (1 Corinto 16:14) Oo, ang pag-ibig ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Suriin natin ang tatlong pitak ng pag-ibig na sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto at pag-usapan natin ang ilang partikular na paraan kung saan maikakapit ng mga magulang ang katangiang ito habang sinasanay nila ang kanilang mga anak.—1 Corinto 13:4-8.
Kailangan ang Mahabang Pagtitiis
4. Bakit kailangang magkaroon ng mahabang pagtitiis ang mga magulang?
4 Sumulat si Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.” (1 Corinto 13:4) Ang salitang Griego na isinaling “mahabang pagtitiis” ay nagpapahiwatig ng pagiging mapagpasensiya at mabagal sa pagkagalit. Bakit kailangang magkaroon ang mga magulang ng mahabang pagtitiis? Tiyak na maraming maiisip na dahilan ang mga magulang. Tingnan natin ang ilan dito. Ang mga bata ay karaniwan nang nangungulit para makuha ang gusto nila. Kahit mariin nang sinabi ng magulang na hindi puwede, paulit-ulit pa ring nangungulit ang mga bata, na umaasang pagbibigyan din sila sa dakong huli. Ang mga tin-edyer naman ay maaaring mangulit na dapat silang payagang gawin ang isang bagay na alam ng mga magulang na isang kamangmangan. (Kawikaan 22:15) At gaya nating lahat, may tendensiya ang mga bata na ulitin ang ilan sa kanilang mga pagkakamali.—Awit 130:3.
5. Ano ang makatutulong sa mga magulang upang magkaroon ng mahabang pagtitiis?
5 Ano ang makatutulong sa mga magulang upang magkaroon ng mahabang pagtitiis at maging mapagpasensiya sa kanilang mga anak? Sumulat si Haring Solomon: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” (Kawikaan 19:11) Mauunawaan ng mga magulang ang ugali ng kanilang mga anak kung gugunitain nilang noon din naman ay “nagsasalita [silang] gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol.” (1 Corinto 13:11) Mga magulang, natatandaan ba ninyo noong nangungulit kayo sa inyong nanay at tatay para makuha ang gusto ninyo? Noong tin-edyer kayo, inakala ba ninyo na hindi naiintindihan ng inyong mga magulang ang inyong damdamin at mga problema? Kung gayon, malamang na maunawaan ninyo kung bakit ganito ang inyong mga anak at kung bakit kailangan silang laging paalalahanan at pagpasensiyahan. (Colosas 4:6) Mahalagang pansinin na sinabihan ni Jehova ang mga magulang na Israelita na ‘ikintal’ ang Kaniyang mga batas sa kanilang mga anak. (Deuteronomio 6:6, 7) Ang salitang Hebreo na “ikintal” ay nangangahulugang “ulit-ulitin,” “paulit-ulit na sabihin,” “idiin.” Ipinahihiwatig nito na baka kailangang maraming beses na magpaulit-ulit ang mga magulang bago matutuhang ikapit ng isang bata ang mga batas ng Diyos. Madalas na kailangan din ang ganitong pag-uulit para ituro ang iba pang leksiyon sa buhay.
6. Bakit masasabing hindi naman kunsintidor ang isang magulang na may mahabang pagtitiis?
6 Pero ang isang magulang na may mahabang pagtitiis ay hindi naman kunsintidor. Nagbabala ang Salita ng Diyos: “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” Upang hindi ito mangyari, sinabi rin ng kawikaang ito: “Ang pamalo at ang saway ang siyang nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 29:15) Kung minsan, baka kuwestiyunin ng mga bata ang karapatan ng mga magulang na ituwid sila. Subalit ang mga pamilyang Kristiyano ay hindi dapat na maging parang pamahalaang demokrasya na ang mga bata ang nagpapasiya kung anong tuntunin ang dapat ipasunod ng mga magulang. Sa halip, dahil si Jehova ang pinakamataas na Ulo ng pamilya, Siya ang nagbibigay sa mga magulang ng awtoridad na sanayin at disiplinahin ang kanilang mga anak sa maibiging paraan. (1 Corinto 11:3; Efeso 3:15; 6:1-4) Sa katunayan, ang disiplina ay lubhang nauugnay sa susunod na pitak ng pag-ibig na binanggit ni Pablo.
Kung Paano Magdidisiplina sa Maibiging Paraan
7. Bakit didisiplinahin ng mababait na magulang ang kanilang mga anak, at ano ang kalakip sa gayong disiplina?
7 Isinulat ni Pablo na “ang pag-ibig ay . . . mabait.” (1 Corinto 13:4) Kung talagang mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak, didisiplinahin nila ang mga ito sa mabait at di-pabagu-bagong paraan. Kung gagawin nila ito, tinutularan nila si Jehova. “Ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya,” ang isinulat ni Pablo. Pakisuyong pansinin na ang uri ng disiplinang tinutukoy sa Bibliya ay hindi lamang basta nangangahulugang pagpaparusa. May ideya ito ng pagsasanay at pagtuturo. Ano ba ang layunin ng gayong disiplina? “Doon sa mga sinanay nito,” ang sabi ni Pablo, “nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:6, 11) Kapag tinuturuan ng mga magulang sa mabait na paraan ang kanilang mga anak ayon sa kalooban ng Diyos, sila ay natutulungan na lumaking mapagpayapa at matuwid. Kapag tinanggap ng mga anak “ang disiplina ni Jehova,” nagkakaroon sila ng karunungan, kaalaman, at kaunawaan—mga katangiang mas mahalaga kaysa sa pilak o ginto.—Kawikaan 3:11-18.
8. Ano ang madalas na nagiging resulta kapag hindi dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak?
8 Sa kabilang dako naman, hindi talaga isang pagpapakita ng pag-ibig kung hindi didisiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Kinasihan ni Jehova si Solomon na isulat: “Ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.” (Kawikaan 13:24) Ang mga batang lumaking walang disiplina ay malamang na maging makasarili at malungkutin. Sa kabaligtaran, ang mga anak na may mga magulang na maunawain pero nagtatakda ng tiyak na mga limitasyon ay nagiging mahusay sa klase, marunong makisama, at karaniwan nang masayahin. Kung gayon, ang mga magulang na may-kabaitang dumidisiplina sa kanilang mga anak ay masasabing talagang umiibig sa kanila.
9. Ano ang itinuturo ng mga magulang na Kristiyano sa kanilang mga anak, at ano ang dapat na maging pananaw sa mga kahilingang ito?
9 Ano ang kailangan sa pagdisiplina sa mga bata sa mabait at maibiging paraan? Kailangang liwanagin ninyong mga magulang sa inyong mga anak kung ano talaga ang hinihiling ninyo sa kanila. Halimbawa, mula pagkabata, tinuturuan na ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak tungkol sa mga saligang simulain sa Bibliya at sa kahalagahan ng pakikibahagi sa iba’t ibang pitak ng tunay na pagsamba. (Exodo 20:12-17; Mateo 22:37-40; 28:19; Hebreo 10:24, 25) Kailangang ipaalam sa mga bata na ang mga kahilingang ito ay hindi puwedeng baguhin.
10, 11. Bakit puwedeng isaalang-alang ng mga magulang ang mga kahilingan ng kanilang mga anak kapag gumagawa ng mga tuntunin sa tahanan?
10 Pero kung minsan, baka gusto rin naman ng mga magulang na pag-usapan ng buong pamilya ang mga tuntunin sa bahay na ipasusunod sa mga bata. Kung kasama ang mga bata sa paggawa ng mga tuntuning ito, baka sakaling mas madali para sa kanila na sundin ito. Halimbawa, kung magtatakda ang mga magulang ng oras ng pag-uwi, makapipili sila ng tiyak na oras na gusto nila. O, puwede rin namang tanungin nila ang mga bata kung anong oras ang gusto nila at kung bakit. Pagkatapos, sasabihin naman ng mga magulang ang gusto nilang oras at kung bakit makatuwiran ito. Kung magkakaroon ng magkaibang opinyon, na malamang na mangyari, paano na? Sa ilang kaso, baka puwedeng pagbigyan na ng mga magulang ang gusto ng mga bata kung wala namang malalabag na simulain sa Bibliya. Ibig bang sabihin nito na ipinauubaya na ng mga magulang sa kanilang mga anak ang awtoridad nila?
11 Bilang sagot sa tanong na ito, tingnan natin kung paano ginamit ni Jehova sa maibiging paraan ang kaniyang awtoridad noong nakikipag-usap siya kay Lot at sa pamilya nito. Matapos akayin si Lot, ang kaniyang asawa, at ang kaniyang mga anak palabas ng Sodoma, sinabi ng mga anghel sa kanila: “Tumakas ka patungo sa bulubunduking pook dahil baka malipol ka!” Pero sumagot si Lot: “Pakisuyo, huwag ganiyan, Jehova!” Saka iminungkahi ni Lot: “Pakisuyo ngayon, ang lunsod na ito ay malapit upang doon tumanan at iyon ay maliit na bagay lamang. Pakisuyo, maaari bang doon ako tumakas?” Ano ang tugon ni Jehova? “Narito, ako ay nagpapakita sa iyo ng konsiderasyon maging sa bagay na ito,” ang sabi niya. (Genesis 19:17-22) Isinuko ba ni Jehova ang kaniyang awtoridad? Hindi naman! Isinaalang-alang lamang niya ang pakiusap ni Lot at pinagbigyan siya. Kung isa kang magulang, may mga pagkakataon bang isinasaalang-alang mo ang mga kahilingan ng iyong mga anak kapag gumagawa ka ng mga tuntunin sa tahanan?
12. Ano ang tutulong sa mga bata na maging panatag?
12 Mangyari pa, dapat malaman ng mga anak hindi lamang ang mga tuntunin kundi pati na rin ang mga parusa kapag nilabag ang mga ito. Kapag napag-usapan na at naunawaan na ang mga parusa, dapat nang ipatupad ang mga tuntunin. Hindi masasabing mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak kung palagi nilang ipaaalaala ang tungkol sa parusa at pagkatapos ay hindi naman nila ito gagawin. “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 8:11) Totoo, maaaring hindi parusahan ng isang magulang ang bata sa harap ng mga tao o mga kasamahan nito, para hindi naman ito mapahiya. Pero mas magiging panatag ang mga anak at mas igagalang at mamahalin nila ang kanilang mga magulang kapag alam nilang ang “Oo” ng kanilang mga magulang ay oo at ang “Hindi” ay hindi—kahit na ang kasunod nito ay parusa.—Mateo 5:37.
13, 14. Paano matutularan ng mga magulang si Jehova sa pagsasanay sa kanilang mga anak?
13 Upang masabing maibigin ang disiplina, dapat na iangkop ito sa bata. “Magkaiba ang paraan ng pagdisiplina namin sa aming dalawang anak,” nagugunita pa ni Pam. “Ang mabisa sa isa ay hindi mabisa sa isa.” Ganito naman ang paliwanag ng kaniyang asawang si Larry: “Matigas ang loob ng aming panganay at sumusunod lamang siya kapag matindi na ang disiplina. Pero ang aming bunso ay sumusunod agad sa isang salita lamang at nakukuha siya sa tingin.” Oo, inaalam na mabuti ng maibiging mga magulang kung anong disiplina ang pinakamabisa sa bawat isa sa kanilang mga anak.
14 Isang parisan si Jehova sa mga magulang dahil alam niya ang kalakasan at kahinaan ng bawat lingkod niya. (Hebreo 4:13) Bukod dito, kapag nagpaparusa si Jehova, hindi siya masyadong mahigpit at hindi rin naman masyadong maluwag. Sa halip, palagi niyang dinidisiplina ang kaniyang bayan “sa wastong antas.” (Jeremias 30:11) Mga magulang, alam ba ninyo ang kalakasan at kahinaan ng inyong mga anak? Ginagamit ba ninyo ang kaalamang iyan sa positibo at maibiging paraan sa pagsasanay sa kanila? Kung oo, mahal nga ninyo ang inyong mga anak.
Himukin Silang Magsabi ng Tunay Nilang Niloloob
15, 16. Paano mahihimok ng mga magulang ang kanilang mga anak na sabihin ang tunay nilang niloloob, at anong paraan ang mabisa ayon sa mga magulang na Kristiyano?
15 Ang isa pang pitak ng pag-ibig ay na “hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan.” (1 Corinto 13:6) Paano sasanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na ibigin ang tama at totoo? Ang isang mahalagang hakbang ay ang himukin ang kanilang mga anak na sabihin ang tunay nilang niloloob, kahit mahirap itong tanggapin ng mga magulang. Mangyari pa, natutuwa ang mga magulang kapag ang iniisip at nararamdaman ng mga bata ay kasuwato ng matuwid na mga pamantayan. Pero kung minsan, nahahalata sa sinasabi ng isang bata na may tendensiya itong gumawa ng masama. (Genesis 8:21) Ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga magulang? Baka naman pagalitan na agad nila ang kanilang mga anak dahil sa sinabi ng mga ito. Kung ganito ang magiging reaksiyon ng mga magulang, matututo ang mga bata na sabihin lamang ang mga bagay na iniisip nilang gustong marinig ng mga magulang. Mangyari pa, dapat ituwid agad ang walang-galang na pagsasalita, pero magkaiba ang pagtuturo sa mga bata kung paano makipag-usap nang magalang at ang pagdidikta kung ano ang dapat nilang sabihin.
16 Paano mahihimok ng mga magulang ang mga bata na magsabi ng tunay nilang niloloob? Si Aleah na binanggit kanina ay nagsabi, “Para mapanatili ang tapatang pag-uusap, sinisikap naming huwag magalit kapag ang aming mga anak ay may sinasabing hindi namin gusto.” Isang ama na nagngangalang Tom ang nagsabi: “Hinimok namin ang aming anak na babae na sabihin ang kaniyang niloloob, kahit na magkaiba ang aming opinyon. Inisip namin na kung palagi na lamang namin siyang kokontrahin agad at basta igigiit ang gusto namin, matatakot siya at matututo nang maglihim. Samantala, mas nakikinig siya sa amin kapag nakikinig kami sa kaniya.” Mangyari pa, dapat sumunod ang mga anak sa kanilang mga magulang. (Kawikaan 6:20) Ngunit ang tapatang pag-uusap ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na matutong magpaliwanag. Sinabi ni Vincent na may apat na anak: “Madalas naming pinag-uusapan ang bentaha at disbentaha ng isang situwasyon para makita mismo ng aming mga anak ang pinakamagandang desisyon. Dahil dito, nalilinang ang kanilang kakayahang mag-isip.”—Kawikaan 1:1-4.
17. Sa ano makatitiyak ang mga magulang?
17 Mangyari pa, walang magulang ang lubos na makapagkakapit ng payo ng Bibliya tungkol sa pagpapalaki ng anak. Magkagayunman, makatitiyak kayong pahahalagahan nang husto ng inyong mga anak ang pagsisikap ninyong sanayin sila sa mapagpasensiya, mabait, at maibiging paraan. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap. (Kawikaan 3:33) Hangarin ng lahat ng Kristiyanong mga magulang na matuto ang kanilang mga anak na ibigin si Jehova gaya ng pag-ibig nila sa Kaniya. Paano kaya maaabot ng mga magulang ang napakagandang tunguhing ito? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang espesipikong paraan.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano nakatutulong ang kaunawaan para magkaroon ng mahabang pagtitiis ang isang magulang?
• Paano nauugnay ang kabaitan sa disiplina?
• Bakit mahalaga ang tapatang pag-uusap ng mga magulang at ng mga anak?
[Mga larawan sa pahina 23]
Mga magulang, natatandaan ba ninyo noong mga bata pa kayo?
[Larawan sa pahina 24]
Sinisikap ba ninyong magkaroon ng tapatang pakikipag-usap sa inyong mga anak?