Gamitin sa Ikabubuti ang Kapangyarihan ng Dila
“Ang mga pananalita ng aking bibig . . . ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova.”—AWIT 19:14.
1, 2. Bakit inihahambing ng Bibliya sa apoy ang kapangyarihan ng dila?
NOONG Oktubre 1871, tinupok ng napakalaking sunog ang hilagang-silangang Wisconsin. Ito ang pinakagrabeng sunog sa kagubatan sa kasaysayan ng Estados Unidos, kung saan mahigit 1,200 katao ang namatay, at mga dalawang bilyong puno ang naabo. Posibleng nag-umpisa lang ang sunog sa mga tilamsik ng apoy mula sa nagdaraang mga tren. Talagang totoo ang sinasabi sa Santiago 3:5: “Kay liit na apoy ang kailangan upang silaban ang isang napakalaking kakahuyan!” Bakit ito sinabi ng manunulat na iyon ng Bibliya?
2 Nilinaw ito ni Santiago sa talata 6. “Ang dila ay isang apoy.” Ang dila ay kumakatawan sa kakayahan nating magsalita. Gaya ng apoy, ang pananalita natin ay puwedeng magdulot ng malaking pinsala. Sinasabi pa nga ng Bibliya na “ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kaw. 18:21) Ibig bang sabihin, hindi na tayo magsasalita dahil baka may masabi tayong hindi tama? Siyempre hindi. Hindi tayo tumitigil sa paggamit ng apoy dahil lang sa natatakot tayong masunog. Mahalaga na may kontrol tayo. Kung kokontrolin natin ang apoy, magagamit natin ito para magluto ng pagkain, mapainit ang katawan natin, at magkaroon ng liwanag. Sa katulad na paraan, kung kokontrolin natin ang ating dila, magagamit natin ang kapangyarihan nito sa pagpaparangal sa Diyos at sa kabutihan ng iba.—Awit 19:14.
3. Anong tatlong bagay tungkol sa pagsasalita ang tatalakayin natin?
3 Ang kakayahang sabihin ang iniisip at nadarama natin ay isang kamangha-manghang kaloob mula sa Diyos, nakikipag-usap man tayo gamit ang kamay o ang bibig. Paano natin magagamit ang kaloob na ito para makapagpatibay at hindi makasira ng loob? (Basahin ang Santiago 3:9, 10.) Tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang bagay tungkol sa pagsasalita: kung kailan magsasalita, kung ano ang sasabihin, at kung paano magsasalita.
KUNG KAILAN MAGSASALITA
4. Magbigay ng mga halimbawa ng “panahon ng pagtahimik.”
4 Ang pagsasalita ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, pero hindi naman natin kailangang magsalita nang magsalita. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik.” (Ecles. 3:7) Kapag tahimik tayo habang nagsasalita ang iba, ipinakikita natin na iginagalang natin sila. (Job 6:24) Kapag kinokontrol natin ang ating dila pagdating sa kompidensiyal na mga bagay, ipinakikita nating maingat tayo at may unawa. (Kaw. 20:19) Kung pipigilin natin ang ating dila kapag galít tayo, isa itong karunungan.—Awit 4:4.
5. Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang kaloob ng Diyos na kakayahang magsalita?
5 Pero sinasabi rin ng Bibliya na may “panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Kung bibigyan ka ng kaibigan mo ng isang magandang regalo, hindi mo siguro ito basta itatago na lang. Sa halip, pahahalagahan mo ito at gagamitin sa maayos na paraan. Ipinakikita nating pinahahalagahan natin ang kaloob ni Jehova na kakayahang magsalita kapag ginagamit natin ito sa matalinong paraan. Kasama rito ang pagsasabi ng ating nadarama at pangangailangan, pagpapatibay sa iba, at pagpuri sa Diyos. (Awit 51:15) Paano natin malalaman kung kailan ang pinakamainam na “panahon ng pagsasalita”?
6. Paano inilalarawan ng Bibliya ang kahalagahan ng pagpili ng tamang panahon ng pagsasalita?
6 Inilalarawan ng Kawikaan 25:11 ang kahalagahan ng pagpili ng tamang panahon ng pagsasalita: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” Maganda ang mga mansanas na ginto. Pero kung ilalagay ito sa inukit na pilak, lalo pa itong gaganda. Sa katulad na paraan, kung pipili tayo ng tamang panahon kung kailan magsasalita, magiging mas kaakit-akit at epektibo ang ating pananalita. Paano natin ito magagawa?
7, 8. Paano tinularan ng mga kapatid natin sa Japan ang halimbawa ni Jesus?
7 Kahit kailangan pa ng kausap natin ang ating sasabihin, kung mali ang tiyempo natin, baka mawalan iyon ng saysay. (Basahin ang Kawikaan 15:23.) Halimbawa, noong Marso 2011, sinalanta ng lindol at tsunami ang silangang bahagi ng Japan, at winasak ang maraming lunsod. Mahigit 15,000 ang namatay. Kahit maraming Saksi ni Jehova ang namatayan din ng mga kapamilya at kaibigan, ginamit nila ang bawat pagkakataon para aliwin ang mga nagdadalamhati gamit ang Bibliya. Pero maraming tagaroon ang Budista at kaunti lang o wala pa ngang alam tungkol sa turo ng Bibliya. Nakita ng mga kapatid natin na hindi iyon ang tamang panahon para ipakipag-usap sa mga biktima ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Sa halip, ginamit nila ang kakayahang magsalita para magbigay ng emosyonal na suporta at magpaliwanag mula sa Bibliya kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa inosenteng mga tao.
8 Alam ni Jesus ang tamang panahon kung kailan dapat o hindi dapat magsalita. (Juan 18:33-37; 19:8-11) Sinabi niya minsan sa kaniyang mga alagad: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Tinularan ng mga Saksi sa Japan ang halimbawa ni Jesus. Dalawa’t kalahating taon pagkatapos ng tsunami, nakibahagi sila sa pandaigdig na kampanya ng pamamahagi ng Kingdom News Blg. 38 na pinamagatang “Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay?” Sa panahong iyon, mas marami nang tao ang handang tumanggap ng kaaliwan tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, at maraming may-bahay ang tumanggap ng tract. Siyempre pa, iba-iba ang kultura at relihiyosong paniniwala ng mga tao, kaya kailangan nating isiping mabuti kung kailan ang tamang panahon para magsalita.
9. Sa anong mga sitwasyon magiging epektibo ang pagsasalita sa tamang panahon?
9 Tiyak na may mga pagkakataon na kailangan nating maunawaan kung kailan ang tamang panahon para magsalita. Halimbawa, baka nasaktan tayo sa sinabi ng iba kahit maganda naman ang intensiyon niya. Makabubuting pag-isipan muna kung talagang ganoon kaseryoso ang nasabi niya para pag-usapan pa. Kung kailangan mo talaga siyang kausapin, isang katalinuhang maghintay muna kapag kalmado ka na para hindi ka makapagsalita nang padalos-dalos. (Basahin ang Kawikaan 15:28.) Gayundin, kailangan nating gumamit ng kaunawaan kapag nagpapatotoo sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak. Gusto nating makilala nila si Jehova, pero dapat tayong maging matiyaga at maunawain. Kung sasabihin natin ang tamang mga salita sa tamang panahon, baka mabuksan ang kanilang puso.
KUNG ANO ANG SASABIHIN
10. (a) Bakit dapat tayong maging maingat sa pagpili ng mga salita? (b) Magbigay ng halimbawa ng nakasasakit na pananalita.
10 Ang salita ay may kapangyarihang makasakit o makapagpagaling. (Basahin ang Kawikaan 12:18.) Palasak sa sanlibutan ni Satanas ang paggamit ng salita para manakit. Dahil sa telebisyon at mga pelikula, marami ang “nagpatalas ng kanilang dila na gaya ng tabak” at “nag-asinta ng kanilang palaso, ang mapait na pananalita.” (Awit 64:3) Dapat itong iwasan ng mga Kristiyano. Ang isang halimbawa ng “mapait na pananalita” ay ang pang-uuyam—sarkastikong mga salita na ginagamit para hamakin o pintasan ang iba. Kadalasan itong ginagawa para magpatawa, pero puwede itong mauwi sa walang-galang at mapang-insultong pananalita. Kasama ang pang-uuyam sa mapang-abusong pananalita na dapat “alisin” ng mga Kristiyano. Masarap magpatawa, pero iwasan natin ang masakit at sarkastikong biro na puwedeng ikapahiya ng iba. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.”—Efe. 4:29, 31.
11. Paano nasasangkot ang ating puso sa pagpili ng tamang mga salita?
11 Itinuro ni Jesus na “mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Kaya naman ang pagpili ng angkop na mga salita ay nagsisimula sa puso. Ipinakikita ng pananalita natin kung ano talaga ang nadarama natin para sa iba. Kung nag-uumapaw sa pag-ibig at habag ang puso natin, malamang na magiging positibo at nakapagpapatibay ang ating pananalita.
12. Paano natin mapasusulong ang kakayahan nating pumili ng tamang mga salita?
12 Para makapili ng tamang mga salita, kailangan din ang pagsisikap at mabuting pagpapasiya. Maging ang matalinong hari na si Solomon ay “nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik” para “makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.” (Ecles. 12:9, 10) Nahihirapan ka bang pumili ng “nakalulugod na mga salita”? Kung oo, baka kailangan mong palawakin ang iyong bokabularyo. Puwede mong tingnan kung paano gumagamit ng salita ang Bibliya at ang ating salig-Bibliyang publikasyon. Alamin ang kahulugan ng mga salitang hindi pamilyar sa iyo at kung paano mo magagamit ang mga iyon para sa kapakinabangan ng iba. Tungkol sa ugnayan ni Jehova at ng kaniyang panganay na Anak, mababasa natin: “Binigyan ako [si Jesus] ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód.” (Isa. 50:4) Kung pag-iisipan natin kung ano ang ating sasabihin, makapipili tayo ng tamang mga salita. (Sant. 1:19) Tanungin ang sarili, ‘Maitatawid kaya ng mga salitang ito ang gusto kong sabihin? Ano kaya ang magiging epekto nito sa kausap ko?’
13. Bakit mahalaga na maging malinaw ang pananalita natin?
13 Ang mga trumpeta ay ginagamit noon sa Israel para tipunin at payaunin ang bayan, at para magbigay rin ng hudyat sa hukbo para sa digmaan. Angkop lang na gamitin ng Bibliya ang tunog ng trumpeta para ipakita na kailangang maging malinaw ang ating pananalita. Kapag hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, puwedeng mapahamak ang sumasalakay na hukbo. Sa katulad na paraan, kung malabo o paligoy-ligoy ang pananalita natin, maaaring malito o maligaw ang nakikinig sa atin. Siyempre pa, bagaman sinisikap nating maging malinaw at maliwanag ang mga salita natin, ayaw naman nating maging masyadong prangka o di-mataktika.—Basahin ang 1 Corinto 14:8, 9.
14. Magbigay ng halimbawa kung paano gumamit si Jesus ng pananalitang madaling maintindihan.
14 Nag-iwan si Jesus ng napakagandang huwaran sa pagpili ng mga salita. Pansinin ang kaniyang maikli pero mapuwersang pahayag na nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7. Hindi gumamit si Jesus ng mabulaklak o malabong pananalita; hindi rin siya gumamit ng magaspang o masakit na mga salita. Sa halip, pumili siya ng malinaw at simpleng mga termino na makaaabot sa puso ng mga tagapakinig niya. Halimbawa, para tulungan ang mga tao na huwag mabalisa tungkol sa kanilang kakainin sa araw-araw, ipinaliwanag niya kung paano naglalaan si Jehova ng pagkain sa mga ibon. Pagkatapos, inihambing niya ang kaniyang mga tagapakinig sa mga ibon, at nagtanong: “Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mat. 6:26) Tiyak na tumagos sa puso ng mga tagapakinig niya ang simpleng pananalitang iyon! Talakayin naman natin ang ikatlong mahalagang bagay tungkol sa ating pananalita.
KUNG PAANO MAGSASALITA
15. Bakit dapat tayong maging mabait sa pagsasalita?
15 Mahalaga rin ang paraan ng pagsasalita natin. Nang magsalita si Jesus sa sinagoga sa Nazaret, ang mga tao ay “[namangha] sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.” (Luc. 4:22) Ang kaakit-akit na pananalita ay nakaaantig sa puso, at hindi ito nakababawas sa kapangyarihan ng dila. Sa katunayan, mas nakakukumbinsi ang pananalita kapag may kabaitan ito. (Kaw. 25:15) Matutularan natin si Jesus kung magiging mabait tayo, magalang, at makonsiderasyon sa damdamin ng iba. Ganiyan ang ginawa ni Jesus nang makita niya ang pagsisikap ng pulutong na marinig siya. Napakilos siya ng habag at “nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Mar. 6:34) Noong nilalait naman siya, hindi siya gumanti ng masasakit na salita.—1 Ped. 2:23.
16, 17. (a) Kapag nakikipag-usap sa mga kapamilya at malalapít na kaibigan sa kongregasyon, paano natin matutularan si Jesus? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Magbigay ng halimbawa ng magandang resulta kapag nagsasalita tayo nang may kabaitan.
16 Nagiging hamon ang pagsasalita nang mahinahon at mataktika kapag ang kausap natin ay malalapít sa atin, gaya ng mga kapamilya o kaibigan sa kongregasyon. Dahil pamilyar na tayo sa kanila, baka isipin nating hindi na tayo kailangang mag-ingat sa pagsasalita. Pero inisip ba ni Jesus na puwede na siyang magsalita nang may kagaspangan sa mga alagad niya dahil magkakaibigan naman sila? Hindi. Nang muling magtalo-talo ang pinakamalalapít na tagasunod niya kung sino ang mas dakila, itinuwid sila ni Jesus sa pamamagitan ng mabait na mga salita at ginamit niya ang halimbawa ng isang bata. (Mar. 9:33-37) Matutularan ng mga elder si Jesus sa pamamagitan ng pagpapayo taglay ang “espiritu ng kahinahunan.”—Gal. 6:1.
17 Kahit mapagsalitaan tayo ng masakit, puwedeng magkaroon ng magandang resulta kung sasagot tayo nang may kabaitan. (Kaw. 15:1) Halimbawa, ang tin-edyer na anak ng isang nagsosolong ina ay may dobleng pamumuhay. Isang nagmamalasakit na sister ang nagsabi sa ina: “Kawawa ka naman, bigo ka sa pagpapalaki ng anak mo.” Nag-isip muna ang ina, at saka sumagot: “Totoong hindi ayos ang mga bagay-bagay ngayon, pero hindi pa naman tapós ang pagsasanay ko sa kaniya. Tingnan natin pagkatapos ng Armagedon.” Nakatulong ang mahinahong sagot na iyon para manatiling magkaibigan ang dalawang sister. Napatibay rin ang anak dahil narinig pala niya ang sagot ng nanay niya. Napag-isip-isip niyang hindi pa rin nawawalan ng pag-asa sa kaniya ang nanay niya. Dahil dito, iniwan niya ang kaniyang masasamang kasama. Nagpabautismo siya at naglingkod sa Bethel nang maglaon. Kaya sinuman ang ating kausap—kapatid sa kongregasyon, kapamilya, o ibang tao—mahalaga na ang pananalita natin ay “laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”—Col. 4:6.
18. Kung tutularan natin si Jesus, paano natin magagamit sa ikabubuti ang kapangyarihan ng ating dila?
18 Talagang kahanga-hanga ang kakayahang sabihin ang iniisip at nadarama natin. Tularan nawa natin ang halimbawa ni Jesus sa pagsasalita sa tamang panahon, paggamit ng angkop na mga salita, at pagsisikap na maging mabait. Sa gayon, ang kapangyarihan ng ating dila ay makapagpapatibay sa ating mga tagapakinig at makalulugod kay Jehova, ang Tagapagbigay ng kaloob na pagsasalita.