Ang Pangmalas ng Bibliya
Masasapatan Mo ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan
LAHAT ng tao ay nangangailangan ng espirituwal na pagkain, kung paanong nangangailangan din sila ng literal na pagkain. Pagdating sa tamang nutrisyon, napakarami nating mapagpipilian. Ganiyan din kaya sa espirituwal? Napakaraming gawain at paniniwala hinggil sa kultura at relihiyon ang sinasabing nakakasapat sa ating espirituwal na pangangailangan.
Naniniwala ang marami na hangga’t may ginagawa kang espirituwal na bagay, hindi na mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo o kung paano ka sumasamba. Pero para sa iyo, mahalaga pa ba kung paano mo sinasapatan ang iyong espirituwal na pangangailangan? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Kahulugan ng Tunay na Espirituwalidad
Ipinakikita ng Bibliya sa Genesis 1:27 kung bakit may kakayahan tayong maunawaan ang espirituwal na mga bagay: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Yamang isang espiritu ang Diyos na Jehova, tumutukoy ito, hindi sa anumang pagkakatulad sa pisikal, kundi sa pagkakatulad sa mga katangian. Gaya ng kaniyang Maylalang, maipapakita ng unang taong si Adan ang mga katangiang gaya ng awa, kabaitan, katarungan, pagpipigil sa sarili, at walang pag-iimbot na pag-ibig. Pinagkalooban din siya ng budhi—na siyang tumutulong sa kaniya na malaman kung ano ang tama at mali—upang ang kaniyang kalayaang magpasiya ay magamit niya kaayon ng kautusan ng Diyos. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa hayop, at ito ang tumutulong sa kaniya na gawin ang kalooban ng Maylalang.—Genesis 1:28; Roma 2:14.
Ipinakikita ng Bibliya ang isang bagay na mahalaga para makamit ang tunay na espirituwalidad. Inilalarawan ng 1 Corinto 2:12-15 ang isang taong espirituwal bilang isa na tumatanggap ng espiritu mula sa Diyos. Ang espiritung ito ang aktibong puwersa ng Diyos, at kailangan ang pagkilos nito para maunawaan natin ang espirituwal na mga bagay. Ito ang tumutulong sa isa na masuri at maunawaan ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang isang taong walang espiritu mula sa Diyos ay tinatawag na taong pisikal, isa na kamangmangan ang turing sa espirituwal na mga bagay. Limitado ang kaniyang kaunawaan, yamang nakasalig lang ito sa karunungan ng tao.
Kaya bagaman ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos at may kakayahang kumilos at mag-isip na gaya Niya, hindi pa rin makakamit ang tunay na espirituwalidad kahit kilalá natin ang ating sarili, matalino tayo, o matagumpay sa buhay. Kailangan natin ang impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos. Sa katunayan, ang mga tumatanggi sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos, anupat lumalakad ayon sa di-makadiyos na mga bagay at sa kanilang sariling mga pagnanasa, ay inilalarawan bilang taong walang espirituwalidad. Ang kanilang makalamang pagnanasa at hilig ang sinusunod nila.—1 Corinto 2:14; Judas 18, 19.
Sapatan ang Pangangailangan
Para magkaroon tayo ng tunay na espirituwalidad, kailangan nating kilalanin na si Jehova ang Maylalang at na utang natin sa kaniya ang ating pag-iral. (Apocalipsis 4:11) Kaya magkakaroon lamang ng layunin ang ating buhay kung gagawin natin ang kaniyang kalooban. (Awit 115:1) Para itong literal na pagkain na nagpapalakas sa atin. Si Jesus, na isang taong espirituwal, ay nagsabi: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 4:34) Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ang nagpalakas, nagpaginhawa, at nagbigay ng kasiyahan sa kaniya.
Yamang nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, magkakaroon tayo ng tunay na kasiyahan sa espirituwal kung tutularan natin ang kaniyang personalidad. (Colosas 3:10) Sa paggawa nito, naiiwasan natin ang paggawing makakasamâ sa atin o makakasira sa ating kaugnayan sa iba. (Efeso 4:24-32) Kapag namumuhay tayo ayon sa mga pamantayan ni Jehova, bumubuti ang ating buhay at nagkakaroon tayo ng tunay na kapayapaan ng isip dahil malinis ang ating budhi.—Roma 2:15.
Isiniwalat ni Jesus ang isa pang mahalagang katotohanan tungkol sa ating espirituwal na pangangailangan: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Kailangang lagi nating bigyang-pansin ang ating espirituwalidad. Sa pamamagitan ng Bibliya, inilalaan ni Jehova ang sagot sa mga katanungan natin sa buhay—mga katanungang pinag-iisipan ng lahat ng tao.—2 Timoteo 3:16, 17.
Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan
Puwedeng mabusog ang isa sa pagkain ng junk food. Sa katulad na paraan, puwede rin tayong “mabusog” sa mga gawain o pilosopiyang waring nakakasapat sa ating pagkagutom sa espirituwal. Pero kapag hindi tama ang kinakain natin, tiyak na mauuwi ito sa malnutrisyon, sakit, o mas malala pa. Ganiyan din sa espirituwal. Kapag hindi natin sinasapatan ang ating espirituwal na pangangailangan sa tamang paraan, tiyak na makakasamâ ito sa atin.
Pero kung magiging malapít tayo sa Diyos na Jehova, gagawin natin ang kaniyang kalooban, at susundin ang kaniyang patnubay, mapapatunayan nating totoo ang pananalita ng Bibliya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Bakit tayo may espirituwal na pangangailangan?—Genesis 1:27.
◼ Kaya ba nating sapatan sa ganang sarili natin ang ating espirituwal na pangangailangan?—1 Corinto 2:12-15.
◼ Ano ang kailangan nating gawin para masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan?—Mateo 4:4; Juan 4:34; Colosas 3:10.
[Blurb sa pahina 13]
Kapag hindi natin sinasapatan ang ating espirituwal na pangangailangan sa tamang paraan, tiyak na makakasamâ ito sa atin