Huwag Hayaang Sirain Ninuman ang Inyong Kapaki-pakinabang na mga Ugali
“Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 CORINTO 15:33.
1, 2. (a) Ano ba ang nadama ni apostol Pablo may kaugnayan sa mga Kristiyano sa Corinto, at bakit? (b) Anong natatanging payo ang ating isasaalang-alang?
ANONG pagkadakilang damdamin ang pag-ibig ng magulang! Pinakikilos nito ang mga magulang na magpakasakit para sa kanilang mga anak, turuan at payuhan sila. Ang apostol na si Pablo ay maaaring hindi naging isang likas na ama, subalit siya’y sumulat sa mga Kristiyano sa Corinto: “Bagaman magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Kristo, gayunman ay wala nga kayong maraming ama; sapagkat kay Kristo Jesus ako ang naging inyong ama sa pamamagitan ng mabuting balita.”—1 Corinto 4:15.
2 Maaga rito, si Pablo ay naglakbay patungo sa Corinto, na kung saan nangaral siya sa mga Judio at mga Griego. Siya’y tumulong upang maitatag ang kongregasyon sa Corinto. Sa isa pang liham ang kaniyang pangangalaga ay inihalintulad ni Pablo sa isang inang nagpapasuso, ngunit siya’y tulad ng isang ama sa mga taga-Corinto. (1 Tesalonica 2:7) Gaya ng isang maibiging likas na ama, ang kaniyang espirituwal na mga anak ay pinaalalahanan ni Pablo. Maaari kang makinabang mula sa kaniyang makaamang payo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Bakit ganiyan ang pagkasulat ni Pablo sa mga taga-Corinto? Papaano natin maikakapit ang payo?
Payo Para sa Kanila at Para sa Atin
3, 4. Ano ba ang alam natin tungkol sa Corinto noong unang siglo at sa populasyon nito?
3 Noong unang siglo, ang Griegong heograpo na si Strabo ay sumulat: “Ang Corinto ay tinataguriang ‘mayaman’ dahilan sa komersiyo nito, palibhasa ito ay naroroon sa Isthmus at may kontrol sa dalawang daungan, na ang isa ay diretsong patungo sa Asia, at ang isa naman ay sa Italya; at nagiging madali ang pagpapalitan ng mga kalakal buhat sa dalawang bansa.” Tuwing dalawang taon ang bantog na mga Palaro sa Isthmus ay dinagsaan ng napakaraming tao sa Corinto.
4 Kumusta naman ang mga tao sa lunsod na ito na isang sentro kapuwa ng namamahalang gobyerno at ng mahalay na pagsamba kay Aphrodite? Ganito ang paliwanag ni Propesor T. S. Evans: “Ang populasyon [ay] marahil mga 400,000. Ang lipunan [ay] may mataas na kultura, subalit sa moral ay may kaluwagan, lubhang mahalay. . . . Ang mga Griegong naninirahan sa Achaïa ay mahilig sa mga bagay na mapag-uubusan ng isip at sa walang-tigil na pagmimithi ng mga bagay na bago sa kanila. . . . Ang kanilang pagpapahalaga sa sarili ay dagling nakapagpapaningas ng hidwaan.”
5. Anong panganib ang napaharap sa mga kapatid sa Corinto?
5 Di-nagtagal maging ang kongregasyon ay nabahagi ng ilan na mahilig pa rin sa may-kahambugang haka-haka. (1 Corinto 1:10-31; 3:2-9) Ang isang pangunahing suliranin ay na sinasabi ng ilan: “Walang pagkabuhay-muli sa mga patay.” (1 Corinto 15:12; 2 Timoteo 2:16-18) Anuman ang kanilang eksaktong paniniwala (o maling paniniwala), kinailangang ituwid sila ni Pablo sa tulong ng malinaw na patotoo na si Kristo ay “binuhay na buhat sa mga patay.” Sa gayon, ang mga Kristiyano ay makapagtitiwala na sila’y bibigyan ng Diyos ng “tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Corinto 15:20, 51-57) Kung sakaling naroroon ka, ikaw kaya ay maimpluwensiyahan ng espiritu ng pagkakabaha-bahagi?
6. Kanino higit na kumakapit ang payo ni Pablo sa 1 Corinto 15:33?
6 Sa pagbibigay ng matibay na ebidensiya na ang mga patay ay bubuhaying muli, sinabi sa kanila ni Pablo: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Ang paksa ng payong ito ay tungkol sa mga kaugnay sa kongregasyon na hindi sumasang-ayon sa doktrina ng pagkabuhay-muli. Sila ba’y wala lamang katiyakan tungkol sa isang punto na hindi nila naunawaan? (Ihambing ang Lucas 24:38.) Hindi. Isinulat ni Pablo na “ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay-muli,” samakatuwid ang mga kasangkot ay nagpapahayag ng hindi pagsang-ayon, nakahilig sa apostasya. Alam na alam ni Pablo na maaaring masira nila ang mabubuting ugali at kaisipan ng iba.—Gawa 20:30; 2 Pedro 2:1.
7. Ano ang isang kaso na doon ay maikakapit natin ang 1 Corinto 15:33?
7 Papaano natin maikakapit ang babala ni Pablo tungkol sa mga kasama? Hindi niya ibig sabihin na dapat tayong tumanggi na tulungan ang sinuman sa kongregasyon na nahihirapang unawain ang isang talata o turo ng Bibliya. Oo, ang Judas 22, 23 ay nagpapayo sa atin na maawaing tulungan ang mga taong taimtim na may gayong mga pag-aalinlangan. (Santiago 5:19, 20) Gayunman, ang makaamang payo ni Pablo ay tiyak na kumakapit kung ang isa ay patuloy na sumasalungat sa alam natin na katotohanan ng Bibliya o patuloy na nagkokomento na may kahalong pag-aalinlangan o negatibo. Tayo’y dapat pakaingat laban sa pakikisama sa ganiyang uri ng tao. Mangyari pa, kung ang isa’y tiyak na naging isa na ngang apostata, ang espirituwal na mga pastol ay kailangang kumilos upang iligtas ang kawan.—2 Timoteo 2:16-18; Tito 3:10, 11.
8. Paano tayo kikilos na may pagkaunawa pagka ang isa ay hindi sumasang-ayon sa isang turo ng Bibliya?
8 Maikakapit din natin ang makaamang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 15:33 kung tungkol sa mga taong nasa labas ng kongregasyon na nagkakalat ng bulaang mga turo. Papaano kaya tayo maaakay na makisama sa kanila? Ito’y maaaring mangyari kung hindi natin nakikilala ang pagkakaiba ng mga taong maaaring matulungan upang makaalam ng katotohanan at ng mga taong nagbabangon lamang ng isang alitan upang maitaguyod ang isang bulaang turo. Halimbawa, sa ating gawaing pagpapatotoo, baka mapaharap tayo sa isang taong hindi sang-ayon sa isang punto ngunit payag naman na higit pang talakayin iyon. (Gawa 17:32-34) Kung iyan lamang ay hindi ito isang problema, sapagkat masaya naman tayong nagpapaliwanag ng katotohanan ng Bibliya sa kaninuman na talagang nagnanais na makaalam, bumabalik pa nga tayo upang magharap ng kapani-paniwalang ebidensiya. (1 Pedro 3:15) Subalit, ang ilan ay baka hindi talagang interesado na makasumpong ng katotohanan sa Bibliya.
9. Papaano tayo dapat tumugon kung hinahamon ang ating mga paniniwala?
9 Maraming tao ang makikipagdebate nang maraming oras, linggu-linggo, subalit hindi dahilan sa sila’y humahanap ng katotohanan. Ibig lamang nila na sirain ang pananampalataya ng iba samantalang ipinagpaparangalan ang kanilang sariling ipinagpapalagay na edukasyon sa Hebreo, Griego, o siyensiya ng ebolusyon. Pagka sila’y nákaharap, ang ilang Saksi ay nakadama ng hamon sa kanila at nagbunga ng matatagal na pagtatalo na nakasentro sa mga paniniwala ng huwad na relihiyon, sa pilosopiya, o huwad na siyensiya. Mapapansin na hindi pinayagan ni Jesus na mangyari iyan sa kaniya, bagaman maaaring siya’y manalo sa mga pakikipagdebate sa mga lider ng relihiyon na nag-aral ng Hebreo o Griego. Pagka hinamon, si Jesus ay tumugon nang maikli at pagkatapos ay ibinaling uli ang kaniyang pansin sa mga taong mapagpakumbaba, ang tunay na mga tupa.—Mateo 22:41-46; 1 Corinto 1:23–2:2.
10. Bakit ang pag-iingat ay nararapat para sa mga Kristiyano na may mga computer at gumagamit ng mga electronic bulletin board?
10 Ang modernong mga computer ay nagbukas ng ibang mga paraan sa masasamang kasama. Pinangyayari ng ilang kompanya sa pangangalakal na ang mga suskritor na gumagamit ng isang computer at isang telepono ay makapagpadala ng mensahe sa mga electronic bulletin board; sa ganoong paraan ang isang tao ay makapagpapaskil sa bulletin board ng isang mensahe na mababasa ng lahat ng suskritor. Humantong ito sa tinatawag na mga electronic debate tungkol sa relihiyon. Ang isang Kristiyano ay maaaring maakit sa gayong mga debate at baka gumugol ng maraming oras sa pakikipagtalo sa isang may apostatang kaisipan na maaaring itiniwalag na buhat sa kongregasyon. Ang ipinahahayag sa 2 Juan 9-11 ay nagdiriin sa makaamang payo ni Pablo tungkol sa pag-iwas sa masasamang kasama.a
Iwasan ang Pagkadaya
11. Ang kalagayan ng komersiyo sa Corinto ay nagbukas ng anong pagkakataon?
11 Gaya ng binanggit na, ang Corinto ay isang sentro ng komersiyo, na may napakaraming tindahan at mga negosyo. (1 Corinto 10:25) Marami na nagpunta roon para manood ng mga Palaro sa Isthmus ay tumitira sa mga tolda, at samantalang may palaro ay nagbebenta naman ang mga mangangalakal sa naililipat-lipat na mga kubol o mga puwestong may habong. (Ihambing ang Gawa 18:1-3.) Kaya nakahanap doon si Pablo ng trabaho na paggawa ng mga tolda. At maaari niyang gamitin ang dako ng trabaho sa pangangaral ng mabuting balita. Si Propesor J. Murphy-O’Connor ay sumulat: “Mula sa isang tindahan sa isang masiglang pamilihan . . . na nakaharap sa isang mataong kalye si Pablo ay nakapangaral, hindi lamang sa mga kamanggagawa at mga kliyente, kundi pati sa maraming tao sa labas. Kung panahon na walang gaanong namimilí, siya’y makatatayo sa may pinto at makapagtututok ng pansin sa mga inaakala niyang mangakikinig . . . Mahirap maguniguni na ang kaniyang masiglang personalidad at matatag na paniniwala ay hindi agad magbibigay sa kaniya ng isang ‘litaw na personalidad’ sa pamayanan, at ito ay makaaakit sa mga mausyoso, hindi lamang sa mga naglilimayon kundi pati na rin sa mga talagang humahanap ng kaalaman. . . . Mga ginang kasama ang kanilang mga utusan, na nakabalita tungkol sa kaniya, ang magdadahilan na sila’y nagpunta roon upang mamilí. Sa mga panahon ng kagipitan, pagka ang pag-uusig o kahit na lamang panggugulo ang nagbabanta, ang mga kapananampalataya ay lalapit sa kaniya na gaya ng mga kliyente. Ang lugar ng trabaho ay nagbigay din sa kaniya ng pagkakataon upang makausap ang mga pinunong-bayan.”
12, 13. Papaano angkop na kumakapit sa dako ng trabaho ang 1 Corinto 15:33?
12 Gayunman, makikilala ni Pablo ang maaaring magsilbing “masasamang kasama” sa dako ng trabaho. Tayo ay dapat ding makagawa ng gayon. May kaugnayan dito, sinipi ni Pablo ang isang saloobin na taglay ng ilan: “Tayo’y magsikain at magsiinom, yamang bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Agad na sinundan niya iyan ng kaniyang makaamang payo: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Papaano nga na ang dako ng trabaho at ang paghahangad ng kasiyahan ay maiuugnay sa paglikha ng isang bagay na magsisilbing panganib?
13 Ibig ng mga Kristiyano na maging palakaibigan sa kanilang mga kamanggagawa, at maraming karanasan ang nagpapatunay kung gaano kaepektibo ito sa pagbubukas ng daan para sa pagpapatotoo. Gayunman, maaaring may kamaliang ipakahulugan ng isang kamanggagawa ang pakikipagkaibigan bilang isang pag-aanyaya upang magsaya nang sama-sama. Maaaring siya’y mag-anyaya nang di-inaasahan para sa isang pananghalian, sa sandaling pagtigil pagkatapos ng trabaho para mag-inuman, o para sa kaunting paglilibang kung dulo ng sanlinggo. Ang taong ito ay marahil mukhang mabait at maayos, at ang paanyaya ay waring mabuti naman. Subalit, pinapayuhan tayo ni Pablo: “Huwag kayong padaya.”
14. Papaano nadaya ang ilang Kristiyano dahil sa mga kasama?
14 Ang ilang Kristiyano ay nadaya. Sila’y unti-unting naging maluwag sa pakikisama sa mga kamanggagawa. Baka iyon ay bunga ng magkaparehong pagkahilig sa isang isport o isang libangan. O ang isang di-Kristiyano sa dako ng trabaho ay pambihira ang kabaitan at maalalahanin, na humantong sa paggugol ng lumalaking panahon kasama ng isang iyon, anupat mas gusto niyang makasama ito kaysa ilan sa mga kakongregasyon. At ang pagsasamahan ay maaaring humantong sa pagliban ng pagdalo sa isa lamang pulong. Ito’y maaaring mangahulugan ng pag-uwi nang hatinggabi na at wala na sa kondisyon na makibahagi sa ministeryo sa larangan sa umaga. Ito’y maaaring magbunga ng panonood ng isang pelikula o uri ng video na karaniwang tatanggihan ng Kristiyano. ‘Ah, hindi mangyayari iyan sa akin,’ marahil ay iisipin natin. Subalit karamihan ng mga nadaya ay maaaring sa pasimula ganiyan ang itinugon. Kailangang tanungin natin ang ating sarili, ‘Gaano ba ako kadesidido na ikapit ang payo ni Pablo?’
15. Anong timbang na saloobin ang dapat na taglay natin tungkol sa mga kapitbahay?
15 Ang ating katatapos lamang na isinaalang-alang kung tungkol sa dako ng trabaho ay kumakapit din sa ating pakikisalamuha sa mga kapitbahay. Tiyak, ang mga Kristiyano sa sinaunang Corinto ay mayroong mga kapitbahay. Sa ilang mga pamayanan ay kaugalian nang maging palakaibigan at tumangkilik sa mga kapitbahay. Sa mga kabukiran ang mga kapitbahay ay marahil umaasa sa isa’t isa dahilan sa sila’y nabubukod. Ang mga ugnayang pampamilya ay lalong higit na matibay sa ilang kultura, kaya marami ang nag-aanyaya para magsalu-salo sa pagkain. Maliwanag nga, ang timbang na pangmalas ay mahalaga, gaya ng ipinakita ni Jesus. (Lucas 8:20, 21; Juan 2:12) Sa ating mga pakikitungo sa mga kapitbahay at mga kamag-anak, tayo ba ay may hilig na patuloy na kumilos na gaya ng dati bago tayo naging mga Kristiyano? Bagkus, hindi ba dapat nating repasuhin ngayon ang gayong mga pakikitungo at puspusang pag-aralan kung anong mga limitasyon ang kinakailangan?
16. Papaano dapat unawain ang mga salita ni Jesus sa Mateo 13:3, 4?
16 Minsan ang salita ng Kaharian ay inihalintulad ni Jesus sa mga binhi na “nalaglag sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.” (Mateo 13:3, 4, 19) Noon, ang lupa sa tabi ng isang daan ay nagiging matigas samantalang marami ang paroo’t parito roon. Ganiyan ang nangyayari sa maraming tao. Ang kanilang buhay ay abala sa pakikitungo sa mga kapitbahay, kamag-anak, at marami pang iba na paroo’t parito. Tinatapakan nito, wika nga, ang lupa ng kanilang mga puso, anupat nagiging mahirap para sa mga binhi ng katotohanan na magkaugat. Ang ganiyang di-pagtugon ay maaaring mangyari sa isa na Kristiyano na.
17. Papaano nakaaapekto sa atin ang pakikisama sa mga kapitbahay at mga iba pa?
17 Ang ilang makasanlibutang mga kapitbahay at mga kamag-anak ay baka nga palakaibigan at matulungin, bagaman sila’y hindi nagpapakita ng interes sa espirituwal na mga bagay ni ng pag-ibig man sa katuwiran. (Marcos 10:21, 22; 2 Corinto 6:14) Ang ating pagiging mga Kristiyano ay hindi dapat mangahulugan na tayo’y hindi na palakaibigan, walang konsiderasyon sa kapitbahay. Ipinayo sa atin ni Jesus na magpakita ng tunay na interes sa iba. (Lucas 10:29-37) Subalit kinasihan din naman at kinakailangan ang payo ni Pablo na pakaingat tungkol sa ating mga kasama. Samantalang ikinakapit natin ang unang payo, hindi natin dapat kalimutan ang huli. Kung hindi natin isinasaisip ang dalawang simulain, ang ating mga ugali ay maaaring maapektuhan. Papaano ba maihahambing ang iyong mga ugali sa mga ugali ng iyong mga kapitbahay o mga kamag-anak kung tungkol sa pagiging tapat sa pagsunod sa batas ni Cesar? Halimbawa, baka naniniwala sila na sa pagbabayad ng buwis, ang pag-uulat ng mababang kita o mga tubò sa negosyo ay makatuwiran, anupat kailangan pa nga upang makaraos sa buhay. Baka may panghihikayat na sabihin nila sa iyo ang kanilang mga pananaw samantalang sila’y nagkataong nagkakape o dumadalaw. Papaano maaapektuhan niyan ang iyong kaisipan at tapat na mga ugali? (Marcos 12:17; Roma 12:2) “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”
Pati Ugali ng mga Kabataan
18. Bakit ang 1 Corinto 15:33 ay kumakapit din sa mga kabataan?
18 Ang mga kabataan ay lalo nang apektado ng kanilang nakikita at naririnig. Hindi mo ba napansin ang mga bata na ang mga pagkilos at ugali ay lubhang katulad ng sa kanilang mga magulang o mga kapatid? Kung gayon, hindi tayo dapat magtaka na may malaking impluwensiya sa mga bata ang kanilang mga kalaro o mga kamag-aral. (Ihambing ang Mateo 11:16, 17.) Kung ang iyong anak na lalaki o babae ay kasa-kasama ng mga kabataang walang paggalang sa kanilang mga magulang, bakit mo ipagpapalagay na ito’y hindi makaaapekto sa iyong mga anak? Ano kung kadalasan ay naririnig nila na ang ibang mga kabataan ay gumagamit ng mahalay na pananalita? Ano kung ang kanilang mga kasamahan sa paaralan o sa komunidad ay haling na haling sa isang bagong istilo ng sapatos o kausuhan sa alahas? Dapat ba nating isipin na ang mga kabataang Kristiyano ay hindi tatablan ng gayong impluwensiya? Sinabi ba ni Pablo na ang 1 Corinto 15:33 ay nakaaapekto lamang sa isa na sumapit na sa isang takdang edad?
19. Anong pananaw ang dapat sikapin ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak?
19 Kung ikaw ay isang magulang, palaisip ka ba sa payong iyan samantalang nangangatuwiran ka at gumagawa ng mga pasiya tungkol sa iyong mga anak? Marahil ay makatutulong kung kikilalanin mo na hindi ito nangangahulugan na lahat ng iba pang kabataan na nakapaligid sa iyong mga anak sa komunidad o sa paaralan ay hindi mabubuting tao. Ang ilan sa kanila ay maaaring nakalulugod at disente, gaya ng ilan sa iyong mga kapitbahay, kamag-anak, at kamanggagawa. Sikaping matulungan ang iyong anak na makita ito at maintindihan na ikaw ay timbang sa pagkakapit ng matalino, makaamang payo ni Pablo sa mga taga-Corinto. Samantalang kanilang napag-uunawa ang paraan ng pagtitimbang-timbang mo ng mga bagay, iyon ay makatutulong sa kanila na tularan ka.—Lucas 6:40; 2 Timoteo 2:22.
20. Mga kabataan, anong hamon ang nakaharap sa inyo?
20 Kayong mga bata pa, sikaping maunawaan kung papaano ikakapit ang payo ni Pablo, sa pagkaalam na ito’y mahalaga para sa bawa’t Kristiyano, bata o matanda. Ito’y mangangailangan ng malaking pagsisikap at determinasyon, ngunit bakit hindi humanda ng pagharap sa hamon? Tantuin na hindi dahilan sa kilala na ninyo mula pa sa pagkabata ang ilan sa mga kabataang iyon ay hindi na nila maaapektuhan ang inyong mga ugali, hindi makasisira sa mga ugali na inyong pinauunlad bilang isang kabataang Kristiyano.—Kawikaan 2:1, 10-15.
Positibong mga Hakbang Upang Maingatan ang Ating mga Ugali
21. (a) Ano ang ating pangangailangan tungkol sa mga kasama? (b) Bakit matitiyak natin na ang ilang kasama ay mapanganib?
21 Lahat tayo ay nangangailangang makisama. Datapuwat, kailangang maging alisto tayo sa katotohanan na ang ating mga kasama ay makaaapekto sa atin, sa ikabubuti man o sa ikasasama. Iyan ay nagkatotoo kay Adan at sa lahat sa loob ng lumipas na daan-daang taon magbuhat noon. Halimbawa, si Jehosapat, isang mabuting hari ng Juda, ay nagtamasa ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova. Subalit pagkatapos na payagan niya ang kaniyang anak na lalaki na mag-asawa sa anak na babae ni Haring Ahab ng Israel, si Jehosapat ay nagsimulang makisama kay Ahab. Dahil sa masamang kasamang iyon ay halos ibuwis ni Jehosapat ang kaniyang buhay. (2 Hari 8:16-18; 2 Cronica 18:1-3, 29-31) Kung tayo’y gagawa ng di-tamang mga pasiya tungkol sa ating mga kasama, iyon ay kasimpanganib rin.
22. Ano ang dapat na isapuso natin, at bakit?
22 Kung gayon, ating isapuso ang maibiging payo na ibinibigay sa atin ni Pablo sa 1 Corinto 15:33. Iyon ay hindi lamang mga salita na maaaring malimit na nating marinig kung kaya saulado na natin. Dito masasalamin ang makaamang pagmamahal ni Pablo sa kaniyang mga kapatid sa Corinto, at, kung palalawakin pa, sa atin. At walang alinlangan na taglay nito ang payo na inilalaan ng ating Ama sa langit sapagkat nais niya na magtagumpay ang ating mga pagsisikap.—1 Corinto 15:58.
[Talababa]
a Ang isa pang panganib sa gayong mga bulletin board ay ang tukso na kopyahin sa kanilang sariling computer ang ikinuha ng karapatang ilathala na mga programa o mga publikasyon nang walang pahintulot ng orihinal na mga may-ari o mga awtor, na magiging labag sa internasyonal na mga batas sa karapatang maglathala.—Roma 13:1.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa anong natatanging dahilan isinulat ni Pablo ang 1 Corinto 15:33?
◻ Papaano natin maikakapit ang payo ni Pablo sa dako ng trabaho?
◻ Anong timbang na pangmalas sa mga kapitbahay ang dapat nating taglayin?
◻ Bakit ang 1 Corinto 15:33 ay lalo nang angkop na payo para sa mga kabataan?
[Larawan sa pahina 17]
Ginamit ni Pablo ang dako ng trabaho upang mapalaganap ang mabuting balita
[Larawan sa pahina 18]
Ang ibang mga kabataan ay maaaring makasira ng iyong mga ugaling Kristiyano