TAMPOK NA PAKSA: PAGKABUHAY-MULI NI JESUS—ANG KAHULUGAN NITO SA IYO
Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Talaga Bang Nangyari Ito?
SI Herodotus, isang Griegong istoryador na nabuhay 2,500 taon na ang nakalilipas, ay nagkuwento tungkol sa mga Ehipsiyo noong panahon niya. “Sa mga salu-salo ng mayayaman,” isinulat niya, “pagkakain, inililibot ng isang lalaki ang inukit at pinintahang kahoy na korteng bangkay na nasa kabaong at may habang mga kalahati hanggang isang metro. Habang ipinakikita niya ito sa lahat ng naroroon, sinasabi niyang ‘Uminom at magsaya dahil kapag namatay kayo, magiging ganito kayo.’”
Hindi lang mga Ehipsiyo ang may ganiyang saloobin. Sa ngayon, ang pananalitang “Kumain, uminom, at magsaya” ay naging bukambibig na. Kung mamamatay din lang, bakit hindi mag-enjoy hangga’t buháy pa? Bakit pa magpapakahirap gumawa ng tama? Kung ang lahat ay natatapos sa kamatayan, magpakasasa na ngayon pa lang. May ganiyan ding sinabi si apostol Pablo. Inilarawan niya ang saloobin ng mga taong hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli: “Kung ang mga patay ay hindi ibabangon, ‘kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.’”—1 Corinto 15:32.
Siyempre pa, hindi naman naniniwala si Pablo na tuluyan nang kalilimutan ang mga patay. Kumbinsido siyang mabubuhay ulit ang mga patay, at may pag-asa silang hindi na muling mamatay. Ang pananalig na iyan ay batay sa isang napakahalagang pangyayari, isang katotohanan na ayon kay Pablo ay di-mapabubulaanan—ang pagkabuhay-mulia ni Kristo Jesus. Sa katunayan, ito ang nagpatibay sa pananampalataya ng mga alagad noon.
Kung gayon, ano ang kahulugan para sa atin ng pagkabuhay-muli ni Jesus? Paano tayo makatitiyak na nangyari nga iyon? Tingnan natin ang pangangatuwiran ni Pablo tungkol sa mga bagay na ito nang sulatan niya ang mga Kristiyano sa Corinto.
PAANO KUNG HINDI BINUHAY-MULI SI KRISTO?
Ang ilang Kristiyano noon sa Corinto ay naguguluhan tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, at ang iba naman ay hindi talaga naniniwala sa literal na pagkabuhay-muli. Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyano roon, inisa-isa niya ang magiging resulta kung hindi totoo ang pagkabuhay-muli. Isinulat niya: “Kung wala ngang pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi rin naman ibinangon si Kristo. Ngunit kung hindi ibinangon si Kristo, ang aming pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan. Bukod diyan, nasusumpungan din kami bilang mga bulaang saksi tungkol sa Diyos . . . Ang inyong pananampalataya ay walang silbi; kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. . . . Gayundin, yaong mga natulog na sa kamatayan kaisa ni Kristo ay nalipol.”—1 Corinto 15:13-18.
“Nagpakita siya sa mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon . . . Pagkatapos nito ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol; ngunit kahuli-hulihan sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin.”—1 Corinto 15:6-8
Nagsimula si Pablo sa isang di-matututulang pangungusap: Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, kung gayon, si Kristo, na namatay, ay hindi binuhay-muli. Kung hindi binuhay-muli si Kristo, ano ang magiging resulta? Ang pangangaral ng mabuting balita ay mawawalan ng kabuluhan, at magiging isang napakalaking kasinungalingan. Ang totoo, ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay isang mahalagang aspekto ng doktrinang Kristiyano. Kaugnay ito ng ilang pangunahing turo sa Bibliya tungkol sa soberanya ng Diyos, sa kaniyang pangalan, Kaharian, at sa ating kaligtasan. Kung hindi binuhay-muli si Jesus, mawawalan nang saysay ang mensahe ni Pablo at ng ibang mga apostol.
Kung hindi binuhay-muli si Kristo, ang mga paniniwala ng mga Kristiyano ay mawawalan din ng saysay, anupat nakasalig sa kasinungalingan. Isa pa, lalabas na si Pablo at ang iba pa ay nagsisinungaling hindi lang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, kundi tungkol din sa sinasabi nilang bumuhay-muli kay Jesus, ang Diyos na Jehova. Bukod diyan, ang pagsasabing si Kristo ay “namatay para sa ating mga kasalanan” ay lilitaw na di-totoo—dahil kung ang Tagapagligtas ay hindi nailigtas sa kamatayan, paano niya maililigtas ang iba? (1 Corinto 15:3) Mangangahulugan iyan na ang mga Kristiyanong namatay, sa ilang kalagayan bilang mga martir, ay namatay nang wala naman palang maaasahang pagkabuhay-muli.
Ganito ang konklusyon ni Pablo: “Kung sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Kristo, tayo sa lahat ng mga tao ang pinakakahabag-habag.” (1 Corinto 15:19) Si Pablo, gaya ng ibang mga Kristiyano, ay dumanas ng kalugihan sa buhay, pag-uusig, paghihirap, at napasabingit ng kamatayan dahil sa paniniwala sa pagkabuhay-muli at sa lahat ng maidudulot nito. Sayang na sayang nga kung hindi naman pala totoo ang pagkabuhay-muli!
KUNG BAKIT DAPAT KANG MANIWALA
Hindi inisip ni Pablo na isang kasinungalingan ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano. Alam niyang binuhay-muli si Jesus, at inisa-isa niya sa mga taga-Corinto ang mga katibayan, “na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan; at na inilibing siya, oo, na ibinangon siya nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan; at na nagpakita siya kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa.”b Idinagdag pa ni Pablo: “Pagkatapos nito ay nagpakita siya sa mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon, na ang karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natulog na sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol; ngunit kahuli-hulihan sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin.”—1 Corinto 15:3-8.
May pagtitiwalang sinabi ni Pablo na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, inilibing, at binuhay-muli. Bakit gayon na lang siya katiyak? Ang isang dahilan ay ang patotoo ng maraming nakasaksi. Ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa mga indibiduwal (pati na kay Pablo mismo), sa maliliit na grupo, at maging sa isang grupo ng 500 katao. Marami sa mga ito ay hindi naniwala noong mabalitaan nilang si Jesus ay binuhay-muli! (Lucas 24:1-11) Karamihan sa mga nakasaksi ay buháy pa noong panahon ni Pablo at puwedeng tanungin kung nakita nga nila si Jesus. (1 Corinto 15:6) Madaling bale-walain ang patotoo ng isa o dalawang saksi, pero mahirap itong gawin kapag 500 o higit pa ang saksi.
Pansinin din na dalawang ulit binanggit ni Pablo na ang kamatayan, libing, at pagkabuhay-muli ni Jesus ay “ayon sa Kasulatan.” Ang mga pangyayaring iyon ay nagpapatotoo na ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas ay natupad, anupat nagpapatunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.
Sa kabila ng patotoo ng mga nakasaksi at ng Kasulatan, mayroon pa ring nag-aalinlangan na binuhay-muli si Jesus. May nagsasabing ninakaw ng kaniyang mga alagad ang katawan niya at pagkatapos ay inangking nasaksihan nila ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Pero ano naman ang laban ng mga alagad ni Jesus sa mga Romanong bantay sa libingan? Sinasabi naman ng iba na ang mga pagpapakita ni Jesus ay guniguni lang. Pero marami ang nakakita sa kaniya sa iba’t ibang pagkakataon. Isa pa, ang isa bang guniguni ay makapagluluto at makapaghahain ng isda, gaya ng ginawa ng binuhay-muling si Jesus sa Galilea? (Juan 21:9-14) Sasabihin ba ng isang guniguni na hipuin siya?—Lucas 24:36-39.
May nagsasabi pa na ang pagkabuhay-muli raw ay gawa-gawa lang ng mga alagad. Pero ano naman ang mapapala nila roon? Nang magpatotoo tungkol sa pagkabuhay-muli, ang mga alagad ay napaharap sa pagtuya, pagdurusa, at kamatayan. Bakit naman nila ito susuungin para lang sa isang kasinungalingan? Isa pa, sa Jerusalem sila unang nagpatotoo, kung saan naroroon ang mga sumasalansang sa kanila na wala nang inatupag kundi ang maghanap ng akusasyon laban sa kanila.
Ang pagkabuhay-muli ang nagbigay sa mga alagad ng lakas ng loob na magpatotoo tungkol sa kanilang Panginoon kahit sa harap ng pinakamarahas na pag-uusig. Ito ay naging mahalagang bahagi ng pananampalatayang Kristiyano. Hindi isinapanganib ng sinaunang mga Kristiyano ang kanilang buhay para lang magpatotoo tungkol sa isang matalinong guro na pinatay. Ginawa nila iyon para ipahayag ang pagkabuhay-muli ni Jesus dahil patotoo ito na siya ang Kristo, ang Anak ng Diyos, isang makapangyarihan at buháy na personang sumusuporta at pumapatnubay sa kanila. Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay nangangahulugang ibabangon din sila mula sa mga patay. Oo, kung si Jesus ay hindi binuhay-muli, walang Kristiyanismo, at posibleng wala tayong anumang narinig tungkol sa kaniya.
Kung gayon, ano ang kahulugan ng pagkabuhay-muli ni Kristo para sa atin ngayon?
a Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinaling “pagkabuhay-muli” ay literal na nangangahulugang “muling pagtayo.” Nagpapahiwatig ito na ang isang tao ay bubuhaying muli taglay ang kaniyang pagkakakilanlan, personalidad, at mga alaala.
b Ang pagsasabing sa “labindalawa” ay gaya rin ng pagsasabing sa “mga apostol,” bagaman may pagkakataong naging 11 lang sila pagkamatay ni Hudas Iscariote. Sa isang pagpapakita ni Jesus, malamang na 10 lang sa kanila ang kumatawan sa 12, dahil wala noon si Tomas.—Juan 20:24.