“Ang mga Patay ay Ibabangon”
“Sapagkat ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangong walang-kasiraan, at tayo ay babaguhin.”—1 CORINTO 15:52.
1, 2. (a) Anong nakaaaliw na pangako ang ibinigay sa pamamagitan ni propeta Oseas? (b) Paano natin nalalaman na ibig ng Diyos na buhaying-muli ang mga patay?
NAMATAYAN ka na ba ng isang mahal sa buhay? Kung gayo’y natatalos mo ang kirot na dulot ng kamatayan. Gayunpaman, naaaliw ang mga Kristiyano sa pangako ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Oseas: “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila; mula sa kamatayan ay panunumbalikin ko sila. Nasaan ang iyong mga tibo, O Kamatayan? Nasaan ang iyong pagkamapamuksa, O Sheol?”—Oseas 13:14.
2 Waring isang kabalighuan para sa mga mapag-alinlangan ang ideya ng pagkabuhay-muli ng mga patay. Ngunit ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay tiyak na may kakayahan na isagawa ang gayong himala! Ang talagang isyu ay kung ibig ni Jehova na buhaying-muli ang mga patay. Nagtanong ang matuwid na taong si Job: “Kung ang isang matipunong tao ay mamatay, mabubuhay pa kaya siya?” Pagkatapos, ibinigay niya ang ganitong nakapagpapalakas-ng-loob na kasagutan: “Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Iyong minimithi ang gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:14, 15) Ang salitang “minimithi” ay nagpapahiwatig ng masidhing pananabik o hangarin. (Ihambing ang Awit 84:2.) Oo, lubhang inaasam ni Jehova ang pagkabuhay-muli—minimithi niyang makitang muli ang yumaong mga tapat, na buháy pa rin sa kaniyang alaala.—Mateo 22:31, 32.
Niliwanag ni Jesus ang Tungkol sa Pagkabuhay-Muli
3, 4. (a) Ano ang niliwanag ni Jesus tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli? (b) Bakit ibinangon si Jesus bilang isang espiritu, hindi sa laman?
3 Ang mga taong may pananampalataya noon tulad ni Job ay kakaunti lamang ang nauunawaan hinggil sa pagkabuhay-muli. Si Jesu-Kristo ang lubusang nagpaliwanag tungkol sa kamangha-manghang pag-asa na ito. Ipinakita niya ang pangunahing papel na ginagampanan niya mismo nang sabihin niya: “Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:36) Saan ba tatamasahin ang buhay na iyan? Para sa karamihan ng nananampalataya, iyon ay sa lupa. (Awit 37:11) Gayunman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Makalangit ang Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, ang pangakong ito’y nangangahulugan na isang “munting kawan” ang makakasama ni Jesus sa langit bilang mga espiritung nilalang. (Juan 14:2, 3; 1 Pedro 1:3, 4) Tunay na isang maluwalhating pag-asa! Isiniwalat pa ni Jesus kay apostol Juan na ang “munting kawan” na ito ay may bilang na 144,000 lamang.—Apocalipsis 14:1.
4 Subalit paano magkakamit ng makalangit na kaluwalhatian ang 144,000? Si Jesus ay “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” Sa pamamagitan ng kaniyang dugo, pinasinayaan niya ang “isang bago at buháy na daan” tungo sa langit. (2 Timoteo 1:10; Hebreo 10:19, 20) Una, siya’y namatay, gaya ng inihula ng Bibliya na mangyayari sa kaniya. (Isaias 53:12) Pagkatapos, gaya ng ipinahayag ni apostol Pedro nang maglaon, “ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos.” (Gawa 2:32) Subalit hindi ibinangon si Jesus bilang isang tao. Sinabi niya: “Ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Juan 6:51) Ang pagbabalik sa kaniyang katawang laman ay magpapawalang-bisa sa haing iyon. Kaya si Jesus ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Kaya si Jesus ay “nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin,” na ang tinutukoy ay ang “munting kawan.” (Hebreo 9:12) Iniharap niya sa Diyos ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos para sa makasalanang sangkatauhan, at ang unang makikinabang dito ay yaong 144,000.
5. Anong pag-asa ang ipinaabot sa mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo?
5 Hindi lamang si Jesus ang tanging bubuhaying-muli tungo sa langit. Sinabi ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Roma na sila’y pinahiran ng banal na espiritu upang maging mga anak ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo kung kanilang pinatunayan ang kanilang pagiging pinahiran sa pamamagitan ng pagbabata hanggang sa wakas. (Roma 8:16, 17) Ipinaliwanag din ni Pablo: “Kung tayo ay naging kaisa niya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tiyak na tayo rin ay magiging kaisa niya sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli.”—Roma 6:5.
Bilang Pagtatanggol sa Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
6. Bakit tinuligsa sa Corinto ang paniniwala sa pagkabuhay-muli, at paano tumugon si apostol Pablo?
6 Ang pagkabuhay-muli ay bahagi ng “pang-unang doktrina” ng Kristiyanismo. (Hebreo 6:1, 2) Gayunpaman, ang doktrinang ito ay tinuligsa sa Corinto. Ang ilan sa kongregasyon, maliwanag na naimpluwensiyahan ng pilosopiyang Griego, ay nagsasabi: “Walang pagkabuhay-muli ng mga patay.” (1 Corinto 15:12) Nang makarating ang balitang ito kay apostol Pablo, ipinagtanggol niya ang pag-asa sa pagkabuhay-muli, lalo na ang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano. Suriin natin ang mga salita ni Pablo gaya ng nakaulat sa 1 Corinto kabanatang 15. Matutuklasan ninyo na makatutulong kung nabasa na ninyo ang buong kabanata, gaya ng inirekomenda sa naunang artikulo.
7. (a) Sa anong pangunahing isyu nagtuon ng pansin si Pablo? (b) Sino ang nakakita sa binuhay na muling si Jesus?
7 Sa unang dalawang talata ng 1 Corinto kabanatang 15, ipinakita ni Pablo ang tema ng kaniyang pagtalakay: “Ipinaaalam ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na ipinahayag ko sa inyo, na tinanggap din ninyo, na pinaninindigan din ninyo, na sa pamamagitan nito ay inililigtas din kayo, . . . maliban na nga lamang kung kayo ay naging mga mananampalataya nang walang layunin.” Kung ang mga taga-Corinto ay hindi nanindigan sa mabuting balita, nawalang-saysay ang pagtanggap nila ng katotohanan. Nagpatuloy si Pablo: “Ibinigay ko sa inyo, kasama ng mga unang bagay, yaong tinanggap ko rin, na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan alinsunod sa Kasulatan; at na siya ay inilibing, oo, na siya ay ibinangon nang ikatlong araw alinsunod sa Kasulatan; at na nagpakita siya kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkaraan niyaon ay nagpakita siya sa mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon, na ang karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natulog na sa kamatayan. Pagkaraan niyaon ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng apostol; ngunit huli sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.”—1 Corinto 15:3-8.
8, 9. (a) Gaano kahalaga ang paniniwala sa pagkabuhay-muli? (b) Malamang na sa anong okasyon nagpakita si Jesus sa “mahigit sa limang daang kapatid”?
8 Para sa mga tumanggap ng mabuting balita, kailangang paniwalaan ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Maraming nakasaksi na magpapatotoo na “si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan” at na siya’y binuhay na muli. Ang isa ay si Cefas, o Pedro, gaya ng higit na pagkakilala sa kaniya. Matapos na ikaila ni Pedro si Jesus noong gabi ng pagkakanulo at pagdakip kay Jesus, tiyak na siya’y lubhang naaliw sa pagpapakita ni Jesus sa kaniya. “Ang labindalawa,” ang mga apostol bilang isang grupo, ay dinalaw rin ng binuhay na muling si Jesus—isang karanasang tiyak na nakatulong sa kanila na mapagtagumpayan ang kanilang takot at maging matatapang na saksi tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.—Juan 20:19-23; Gawa 2:32.
9 Nagpakita rin si Kristo sa isang mas malaking grupo, “mahigit sa limang daang kapatid.” Yamang sa Galilea lamang siya nagkaroon ng gayong karaming tagasunod, maaaring ito ang okasyon na inilalarawan sa Mateo 28:16-20, nang ibigay ni Jesus ang utos na gumawa ng mga alagad. Tunay na isang mabisang patotoo ang maibibigay ng mga taong ito! Ang ilan ay buháy pa rin noong 55 C.E. nang isulat ni Pablo ang unang liham na ito sa mga taga-Corinto. Subalit pansinin na yaong mga namatay ay binanggit na “natulog na sa kamatayan.” Noon ay hindi pa sila binubuhay na muli upang tumanggap ng kanilang makalangit na gantimpala.
10. (a) Ano ang naging epekto ng huling pakikipagkita ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (b) Paano nagpakita si Jesus kay Pablo “na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan”?
10 Ang isa pang natatanging saksi sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay si Santiago, ang anak ni Jose at ni Maria, na ina ni Jesus. Bago ang pagkabuhay-muli, maliwanag na si Santiago ay hindi pa isang mananampalataya. (Juan 7:5) Ngunit matapos magpakita sa kaniya si Jesus, si Santiago ay naging isang mananampalataya at marahil ay gumanap ng isang bahagi sa pagkumberte sa iba pa niyang mga kapatid. (Gawa 1:13, 14) Sa kaniyang huling pakikipagkita sa kaniyang mga alagad, noong umakyat siya sa langit, sila’y inatasan ni Jesus na “maging mga saksi . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-11) Nang maglaon, nagpakita siya kay Saulo ng Tarso, isang mang-uusig ng mga Kristiyano. (Gawa 22:6-8) Nagpakita si Jesus kay Saulo “na para bang sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.” Para bang si Saulo ay binuhay nang muli tungo sa espiritung buhay at nakakita na sa niluwalhating Panginoon mga siglo bago pa nakatakdang maganap ang pagkabuhay-muli. Ang karanasang ito ay biglang pumigil kay Saulo sa kaniyang landasin ng nakamamatay na pagsalansang sa kongregasyong Kristiyano at lumikha ng isang pambihirang pagbabago. (Gawa 9:3-9, 17-19) Si Saulo ay naging si apostol Pablo, isa sa pangunahing tagapagtanggol ng pananampalatayang Kristiyano.—1 Corinto 15:9, 10.
Mahalaga ang Pananampalataya sa Pagkabuhay-Muli
11. Paano inilantad ni Pablo ang kamangmangan ng pagsasabing, “Walang pagkabuhay-muli”?
11 Ang pagkabuhay-muli ni Jesus kung gayon ay isang katotohanang napatunayan nang husto. “Ngayon kung si Kristo ay ipinangangaral na ibinangon mula sa mga patay,” katuwiran ni Pablo, “paano ngang ang ilan sa inyo ay nagsasabing walang pagkabuhay-muli ng mga patay?” (1 Corinto 15:12) Hindi lamang may sariling pag-aalinlangan o kaya’y nagtatanong ang mga taong iyon hinggil sa pagkabuhay-muli kundi hayagan nilang sinasabi na hindi sila naniniwala rito. Kaya inilantad ni Pablo ang kamangmangan ng kanilang pangangatuwiran. Sinabi niya na kung si Kristo ay hindi ibinangon, isang kasinungalingan ang mensaheng Kristiyano, at yaong nagpapatotoo sa pagkabuhay-muli ni Kristo ay “mga bulaang saksi tungkol sa Diyos.” Kung hindi ibinangon si Kristo, walang pantubos na ibinayad sa Diyos; ang mga Kristiyano ay ‘nasa kanilang mga kasalanan pa.’ (1 Corinto 15:13-19; Roma 3:23, 24; Hebreo 9:11-14) At ang mga Kristiyano na “natulog na sa kamatayan,” sa ilang kalagayan bilang mga martir, ay pumanaw nang walang tunay na pag-asa. Tunay ngang isang kahabag-habag na kalagayan ang kasasadlakan ng mga Kristiyano kung ang buhay na ito lamang ang kanilang maaasahan! Mawawalan ng saysay ang kanilang mga pagdurusa.
12. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pagtawag kay Kristo bilang “ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan”? (b) Paano pinapangyari ni Kristo na maging posible ang pagkabuhay-muli?
12 Subalit hindi ganiyan ang kalagayan. Nagpatuloy si Pablo: “Si Kristo ay ibinangon na mula sa mga patay.” Bukod dito, siya “ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (1 Corinto 15:20) Kapag masunuring inihahandog ng mga Israelita kay Jehova ang pangunang bunga ng kanilang ani, pinagpapala sila ni Jehova ng isang masaganang ani. (Exodo 22:29, 30; 23:19; Kawikaan 3:9, 10) Sa pagtawag kay Kristo na “ang pangunang bunga,” ipinahihiwatig ni Pablo na isa pang pag-aani ng mga indibiduwal ang ibabangon mula sa kamatayan tungo sa makalangit na buhay. “Yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao,” sabi ni Pablo, “ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:21, 22) Pinapangyari ni Jesus na maging posible ang pagkabuhay-muli sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang sakdal buhay-tao bilang isang pantubos, anupat nagbukas ng daan para makalaya ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.—Galacia 1:4; 1 Pedro 1:18, 19.a
13. (a) Kailan nagaganap ang makalangit na pagkabuhay-muli? (b) Paano mangyayari na ang ilang pinahiran ay hindi “matutulog sa kamatayan”?
13 Nagpatuloy si Pablo: “Ngunit bawat isa ay sa kaniyang sariling katayuan: si Kristo ang pangunang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” (1 Corinto 15:23) Si Kristo ay binuhay na muli noong 33 C.E. Gayunman, ang kaniyang pinahirang mga tagasunod—“yaong mga kay Kristo”—ay kakailanganing maghintay nang sandaling panahon matapos simulan ni Jesus ang kaniyang maharlikang pagkanaririto, na ipinakikita ng hula sa Bibliya na naganap noong 1914. (1 Tesalonica 4:14-16; Apocalipsis 11:18) Paano na yaong mga buháy sa panahon ng pagkanariritong iyon? Sabi ni Pablo: “Narito! Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat tayo ay matutulog sa kamatayan, kundi tayong lahat ay babaguhin, sa isang iglap, sa pagkisap ng mata, sa panahon ng huling trumpeta. Sapagkat ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangong walang-kasiraan, at tayo ay babaguhin.” (1 Corinto 15:51, 52) Maliwanag, hindi lahat ng pinahiran ay matutulog sa libingan habang naghihintay ng pagkabuhay-muli. Yaong mga namatay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo ay karaka-rakang babaguhin.—Apocalipsis 14:13.
14. Paanong ang mga pinahiran ay “binabautismuhan sa layunin na maging mga patay”?
14 “Kung di-gayon,” tanong ni Pablo, “ano ang gagawin nila na mga binabautismuhan sa layunin na maging mga patay? Kung ang mga patay ay hindi ibabangon sa paanuman, bakit sila rin ay binabautismuhan sa layunin na maging gayon? Bakit tayo ay nasa panganib din sa bawat oras?” (1 Corinto 15:29, 30) Hindi ibig sabihin ni Pablo na ang buháy na mga indibiduwal ay binabautismuhan alang-alang sa mga patay, gaya ng waring ipinakikita ng ilang salin ng Bibliya. Sa katunayan, ang bautismo ay may kaugnayan sa pagiging alagad na Kristiyano, at hindi maaaring maging mga alagad ang mga patay na kaluluwa. (Juan 4:1) Sa halip, ang tinatalakay ni Pablo ay buháy na mga Kristiyano, na marami sa kanila, tulad ni Pablo mismo, ay ‘nasa panganib sa bawat oras.’ Ang pinahirang mga Kristiyano ay ‘binautismuhan sa kamatayan ni Kristo.’ (Roma 6:3) Mula nang sila’y pahiran, sila’y “binautismuhan,” wika nga, sa isang landasin na aakay sa isang kamatayan na gaya niyaong kay Kristo. (Marcos 10:35-40) Mamamatay sila taglay ang pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay-muli sa langit.—1 Corinto 6:14; Filipos 3:10, 11.
15. Anong mga panganib ang maaaring naranasan ni Pablo, at paanong ang pananampalataya sa pagkabuhay-muli ay gumanap ng isang bahagi sa pagbata sa mga ito?
15 Ipinaliliwanag ngayon ni Pablo na gayon na lamang ang panganib na nakaharap niya mismo anupat nasabi niya: “Araw-araw ay napapaharap ako sa kamatayan.” Sakaling paratangan siya ng ilan ng pagmamalabis, idinagdag ni Pablo: “Ito ay tinitiyak ko sa pagmamataas dahil sa inyo, mga kapatid, na taglay ko kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” Ganito ang pagkasalin ng The Jerusalem Bible sa talatang ito: “Nakaharap ako sa kamatayan araw-araw, mga kapatid, at maisusumpa ko sa pamamagitan ng pagmamapuri ko sa inyo kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” Bilang halimbawa ng mga panganib na nakaharap niya, sa 1Co 15 talatang 32 ay bumanggit si Pablo ng ‘pakikipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso.’ Kadalasang pinapatay ng mga Romano ang mga kriminal sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa mababangis na hayop sa mga arena. Kung nagbata si Pablo ng isang pakikipaglaban sa literal na mababangis na hayop, maaaring nakaligtas lamang siya dahil sa tulong ni Jehova. Kung walang pag-asa sa pagkabuhay-muli, ang pagpili sa isang landasin ng buhay na naglantad sa kaniya sa gayong panganib ay talaga namang isang mangmang na pakikipagsapalaran. Kung walang pag-asa sa isang buhay sa hinaharap, walang kabuluhan ang pagbabata ng mga kahirapan at sakripisyo na kaakibat ng paglilingkod sa Diyos. “Kung ang mga patay ay hindi ibabangon,” sabi ni Pablo, “ ‘kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.’ ”—1 Corinto 15:31, 32; tingnan ang 2 Corinto 1:8, 9; 11:23-27.
16. (a) Saan maaaring nanggaling ang kasabihang “kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay”? (b) Ano ang mga naging panganib ng pagtanggap sa ganitong pangmalas?
16 Maaaring sinipi ni Pablo ang Isaias 22:13, na naglalarawan sa nakamamatay na saloobin ng masuwaying mga mamamayan ng Jerusalem. O maaaring nasa isip niya ang mga paniniwala ng mga Epicureo, na humahamak sa anumang pag-asa sa isang buhay pagkatapos ng kamatayan at naniniwalang ang kaluguran ng laman ang siyang pangunahing pakinabang sa buhay. Anuman ang kalagayan, di-makadiyos ang pilosopiyang ‘kumain at uminom.’ Kaya naman, nagbabala si Pablo: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Ang pakikihalubilo sa mga tumatanggi sa pagkabuhay-muli ay maaaring makalason. Ang gayong pakikisama ay maaaring isang sanhi ng mga suliranin na kinailangang harapin ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto, gaya ng seksuwal na imoralidad, pagkakabaha-bahagi, hablahan, at kawalang-galang sa Hapunan ng Panginoon.—1 Corinto 1:11; 5:1; 6:1; 11:20-22.
17. (a) Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga taga-Corinto? (b) Anong mga tanong ang sasagutin pa?
17 Kaya ibinigay ni Pablo sa mga taga-Corinto ang ganitong positibong payo: “Gumising kayong may katinuan sa isang matuwid na paraan at huwag mamihasa sa kasalanan, sapagkat ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Nagsasalita ako upang kilusin kayo sa kahihiyan.” (1 Corinto 15:34) Ang isang negatibong pangmalas sa pagkabuhay-muli ay umakay sa ilan tungo sa espirituwal na pagkalango, na para bang mga lasing. Kailangan nilang gumising, anupat manatiling may katinuan. Kailangan din naman ng mga pinahirang Kristiyano sa ngayon na maging gising sa espirituwal, na hindi naiimpluwensiyahan ng negatibong mga pananaw ng sanlibutan. Kailangan nilang mangunyapit nang mahigpit sa kanilang pag-asa sa isang makalangit na pagkabuhay-muli. Ngunit mayroon pa ring mga tanong—para sa mga taga-Corinto noon at para sa atin ngayon. Halimbawa, sa anong anyo ibabangon sa langit ang 144,000? At paano naman ang milyun-milyong iba pa na nasa libingan pa rin at hindi nagtataglay ng makalangit na pag-asa? Ano ang magiging kahulugan ng pagkabuhay-muli para sa kanila? Sa ating susunod na artikulo, susuriin natin ang nalalabing bahagi ng pagtalakay ni Pablo sa pagkabuhay-muli.
[Talababa]
a Tingnan ang Pebrero 15, 1991, isyu ng Ang Bantayan para sa pagtalakay sa pantubos.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang niliwanag ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli?
◻ Sino ang ilan sa mga nakasaksi sa pagkabuhay-muli ni Kristo?
◻ Bakit hinamon ang doktrina tungkol sa pagkabuhay-muli, at ano ang naging tugon ni Pablo?
◻ Bakit kailangan ng mga pinahirang Kristiyano ang pananampalataya sa pagkabuhay-muli?
[Larawan sa pahina 15]
Ang anak na babae ni Jairo ay naging patotoo na posible ang pagkabuhay-muli
[Larawan sa pahina 16, 17]
Kung walang pag-asang pagkabuhay-muli, mawawalan ng saysay ang pagiging martir ng tapat na mga Kristiyano