Kabanata 40
Pagdurog sa Ulo ng Serpiyente
Pangitain 14—Apocalipsis 20:1-10
Paksa: Pagbubulid kay Satanas sa kalaliman, ang Milenyong Paghahari, pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan, at ang pagpuksa kay Satanas
Panahon ng katuparan: Mula sa katapusan ng malaking kapighatian hanggang sa pagpuksa kay Satanas
1. Paano patuloy na natutupad ang unang hula sa Bibliya?
NATATANDAAN mo ba ang unang hula sa Bibliya? Binigkas ito ng Diyos na Jehova nang sabihin niya sa Serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Dumarating na ngayon sa kasukdulan ang katuparan ng hulang iyon! Natalunton na natin ang kasaysayan ng pakikipagbaka ni Satanas laban sa tulad-babaing organisasyon ni Jehova sa langit. (Apocalipsis 12:1, 9) Ang makalupang binhi ng Serpiyente, na binubuo ng relihiyon, pulitika, at dambuhalang komersiyo, ay nagbunton ng malupit na pag-uusig sa binhi ng babae, si Jesu-Kristo at ang kaniyang 144,000 pinahirang mga tagasunod, dito sa lupa. (Juan 8:37, 44; Galacia 3:16, 29) Napakasakit na kamatayan ang ipinaranas ni Satanas kay Jesus. Subalit gaya lamang ito ng sugat sa sakong, sapagkat binuhay muli ng Diyos ang kaniyang tapat na Anak sa ikatlong araw.—Gawa 10:38-40.
2. Paano susugatan ang Serpiyente, at ano ang mangyayari sa makalupang binhi ng Serpiyente?
2 Ano naman ang mangyayari sa Serpiyente at sa kaniyang binhi? Noong mga 56 C.E., sumulat si apostol Pablo ng isang mahabang liham sa mga Kristiyano sa Roma. Sa kaniyang konklusyon, pinatibay-loob niya sila sa pagsasabi: “Sa ganang kaniya, ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan.” (Roma 16:20) Hindi ito mababaw na sugat lamang. Dudurugin si Satanas! Ginamit dito ni Pablo ang salitang syn·triʹbo, na sa orihinal na Griego ay literal na nangangahulugang lamugin sa bugbog, yurakan, lubusang puksain sa pamamagitan ng pagdurog. Kung tungkol sa mga taong bumubuo sa binhi ng Serpiyente, tatanggap sila ng matitinding salot sa araw ng Panginoon, na aabot sa kasukdulan sa malaking kapighatian kapag ganap nang nawasak ang Babilonyang Dakila at ang pulitikal na mga sistema ng sanlibutan, kasama na ang kanilang mga pinansiyal at militar na mga tagasuporta. (Apocalipsis, kabanata 18 at 19) Sa gayo’y pasasapitin ni Jehova sa kasukdulan ang alitan ng dalawang binhi. Ang Binhi ng babae ng Diyos ay magtatagumpay laban sa makalupang binhi ng Serpiyente, at ang binhing iyon ay mawawala na magpakailanman!
Ibinulid sa Kalaliman si Satanas
3. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan na mangyayari kay Satanas?
3 Kung gayon, ano ang naghihintay kay Satanas mismo at sa kaniyang mga demonyo? Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kailangan siyang pakawalan nang kaunting panahon.”—Apocalipsis 20:1-3.
4. Sino ang anghel na may susi ng kalaliman, at paano natin nalaman?
4 Sino ang anghel na ito? Tiyak na may pambihirang kapangyarihan siya upang mailigpit ang pangunahing kaaway ni Jehova. Nasa kaniya “ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala.” Hindi ba ipinaaalaala nito sa atin ang isang naunang pangitain? Aba, oo, ang hari ng mga balang ay tinatawag na “anghel ng kalaliman”! (Apocalipsis 9:11) Kaya muli nating nasasaksihan dito ang pagkilos ng Pangunahing Tagapagbangong-Puri ni Jehova, ang niluwalhating si Jesu-Kristo. Yamang ang arkanghel na ito ang nagpalayas kay Satanas mula sa langit, humatol sa Babilonyang Dakila, at lumipol sa ‘mga hari sa lupa at sa kanilang mga hukbo’ sa Armagedon, tiyak na hindi niya ipauubaya sa isang mas nakabababang anghel ang ultimong hakbang ng pagbubulid kay Satanas sa kalaliman!—Apocalipsis 12:7-9; 18:1, 2; 19:11-21.
5. Ano ang gagawin ng anghel ng kalaliman kay Satanas na Diyablo, at bakit?
5 Nang ihagis mula sa langit ang malaking dragon na kulay-apoy, tinukoy siya bilang “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:3, 9) Ngayong susunggaban na siya at ibubulid sa kalaliman, kumpleto na naman ang paglalarawan sa kaniya bilang “dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” Ang pusakal na maninila, manlilinlang, maninirang-puri, at mananalansang na ito ay tinatanikalaan at ibinubulid “sa kalaliman,” na sinasarhan at tinatatakang mabuti, “upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.” Ang pagbubulid na ito kay Satanas sa kalaliman ay tatagal nang isang libong taon, at sa panahong iyon, gaya ng isang bilanggo na nakakulong sa malalim na bartolina, hindi niya maiimpluwensiyahan ang sangkatauhan. Si Satanas ay lubusang ihihiwalay ng anghel ng kalaliman at hindi na magkakaroon ng anumang kaugnayan sa Kaharian ng katuwiran. Kaylaking ginhawa nito para sa sangkatauhan!
6. (a) Ano ang katibayan na ibubulid din sa kalaliman ang mga demonyo? (b) Ano ngayon ang maaari nang magsimula, at bakit?
6 Ano ang mangyayari sa mga demonyo? Sila rin ay ‘itinaan sa paghuhukom.’ (2 Pedro 2:4) Si Satanas ay tinatawag na “Beelzebub na tagapamahala ng mga demonyo.” (Lucas 11:15, 18; Mateo 10:25) Dahil sa kanilang matagal nang pakikipagsabuwatan kay Satanas, hindi ba dapat lamang na igawad sa kanila ang gayunding hatol? Matagal nang kinatatakutan ng mga demonyong iyon ang kalaliman; sa isang pagkakataon, nang makaharap sila ni Jesus, ‘patuloy silang namanhik sa kaniya na huwag silang utusang pumaroon sa kalaliman.’ (Lucas 8:31) Subalit kapag ibinulid na sa kalaliman si Satanas, tiyak na ibubulid ding kasama niya ang kaniyang mga anghel. (Ihambing ang Isaias 24:21, 22.) Pagkatapos maibulid sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, maaari nang magsimula ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.
7. (a) Ano ang magiging kalagayan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo samantalang nasa kalaliman, at paano natin nalaman? (b) Iisa ba ang Hades at ang kalaliman? (Tingnan ang talababa.)
7 Magiging aktibo ba si Satanas at ang kaniyang mga demonyo samantalang nasa kalaliman sila? Buweno, alalahanin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na may pitong ulo na “naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman.” (Apocalipsis 17:8) Samantalang nasa kalaliman, ito’y “wala na.” Ito’y hindi gumagana, hindi kumikilos, patay kung tutuusin. Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo hinggil kay Jesus: “‘Sino ang bababa sa kalaliman?’ samakatuwid nga, upang iahon si Kristo mula sa mga patay.” (Roma 10:7) Samantalang nasa kalalimang iyon, patay si Jesus.a Kung gayon, makatuwirang sabihin na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay waring patay na walang anumang magagawa sa loob ng isang libong taon ng pagkakabulid sa kanila sa kalaliman. Kay-inam na balita ito para sa mga umiibig sa katuwiran!
Mga Hukom sa Loob ng Isang Libong Taon
8, 9. Ano ngayon ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa mga nakaupo sa mga trono, at sinu-sino ang mga ito?
8 Pagkatapos ng isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kalaliman nang sandaling panahon. Bakit? Bago siya sumagot, inaakay uli ni Juan ang pansin natin sa pasimula ng yugtong iyan ng panahon. Mababasa natin: “At nakakita ako ng mga trono, at may mga nakaupo sa mga iyon, at binigyan sila ng kapangyarihang humatol.” (Apocalipsis 20:4a) Sinu-sino ang mga ito na nakaupo sa mga trono at namamahala sa langit na kasama ng niluwalhating si Jesus?
9 Sila ang “mga banal” na inilalarawan ni Daniel na namamahala sa Kaharian kasama ng Isa na “gaya ng anak ng tao.” (Daniel 7:13, 14, 18) Sila rin ang 24 na matatanda na nakaupo sa makalangit na mga trono sa mismong presensiya ni Jehova. (Apocalipsis 4:4) Kabilang sa mga ito ang 12 apostol, na pinangakuan ni Jesus: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Mateo 19:28) Kabilang din si Pablo sa kanila, pati na ang mga Kristiyano sa Corinto na nanatiling tapat. (1 Corinto 4:8; 6:2, 3) Makakabilang din dito ang mga miyembro ng kongregasyon ng Laodicea na nanaig.—Apocalipsis 3:21.
10. (a) Paano inilalarawan ngayon ni Juan ang 144,000 hari? (b) Mula sa naunang sinabi sa atin ni Juan, sino ang kabilang sa 144,000 hari?
10 May inihandang mga trono—144,000 ang mga ito—para sa mga pinahirang mananaig na “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:1, 4) “Oo,” patuloy pa ni Juan, “nakita ko ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay sa pamamagitan ng palakol dahil sa patotoo na kanilang ibinigay tungkol kay Jesus at dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos, at yaong mga hindi sumamba sa mabangis na hayop ni sa larawan man nito at hindi tumanggap ng marka sa kanilang noo at sa kanilang kamay.” (Apocalipsis 20:4b) Kaya kabilang sa mga haring iyon ang mga pinahirang Kristiyanong martir na bago pa nito, sa pagbubukas ng ikalimang tatak, ay nagtanong kay Jehova kung gaano pa katagal siya maghihintay bago ipaghiganti ang kanilang dugo. Nang panahong iyon, binigyan sila ng isang mahabang damit na puti at sinabihang maghintay pa nang kaunting panahon. Subalit naipaghiganti na sila ngayon sa pamamagitan ng pagwasak sa Babilonyang Dakila, pagpuksa sa mga bansa sa kamay ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, at pagbubulid kay Satanas sa kalaliman.—Apocalipsis 6:9-11; 17:16; 19:15, 16.
11. (a) Paano natin uunawain ang pananalitang “pinatay sa pamamagitan ng palakol”? (b) Bakit masasabing sakripisyo ang kamatayan ng lahat ng 144,000?
11 Lahat ba ng 144,000 maharlikang mga hukom na ito ay literal na “pinatay sa pamamagitan ng palakol”? Malamang, ilan lamang sa kanila ang literal na dumanas nito. Gayunman, ang pangungusap na ito ay walang-pagsalang nilayon na tumukoy sa lahat ng pinahirang Kristiyano na pinatay bilang mga martir sa iba’t ibang paraan.b (Mateo 10:22, 28) Tiyak na gusto sana ni Satanas na patayin silang lahat sa pamamagitan ng palakol, subalit ang totoo, hindi lahat ng pinahirang mga kapatid ni Jesus ay namamatay bilang mga martir. Marami sa kanila ang namamatay dahil sa sakit o katandaan. Gayunman, kabilang din ang mga ito sa grupo na nakikita ngayon ni Juan. Ang kamatayan nilang lahat ay maituturing na sakripisyo. (Roma 6:3-5) Bukod dito, walang isa man sa kanila ang naging bahagi ng sanlibutan. Kaya silang lahat ay kinapootan ng sanlibutan, at para na ring patay sa paningin nito. (Juan 15:19; 1 Corinto 4:13) Walang isa man sa kanila ang sumamba sa mabangis na hayop o sa larawan nito, at nang mamatay sila, walang isa man sa kanila ang may marka ng hayop. Silang lahat ay namatay bilang mga mananaig.—1 Juan 5:4; Apocalipsis 2:7; 3:12; 12:11.
12. Ano ang iniuulat ni Juan hinggil sa 144,000 hari, at kailan magaganap ang kanilang pagkabuhay-muli?
12 Nabuhay nang muli ngayon ang mga mananaig na ito! Nag-uulat si Juan: “At sila ay nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:4c) Nangangahulugan ba ito na bubuhayin lamang ang mga hukom na ito pagkaraang mawasak ang mga bansa at maibulid sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo? Hindi. Karamihan sa kanila ay buháy na sa panahong iyon, yamang nakasakay silang kasama ni Jesus laban sa mga bansa sa Armagedon. (Apocalipsis 2:26, 27; 19:14) Ang totoo, ipinahiwatig ni Pablo na nagsimula ang kanilang pagkabuhay-muli di-nagtagal nang magsimula ang pagkanaririto ni Jesus noong 1914 at na ang ilan ay unang bubuhaying muli kaysa sa iba. (1 Corinto 15:51-54; 1 Tesalonica 4:15-17) Kaya ang kanilang pagkabuhay-muli ay nagaganap sa loob ng mahabang panahon habang isa-isa silang tumatanggap ng kaloob na imortal na buhay sa langit.—2 Tesalonica 1:7; 2 Pedro 3:11-14.
13. (a) Paano natin dapat malasin ang isang libong taon ng pamamahala ng 144,000, at bakit? (b) Ano ang paniniwala ni Papias ng Hierapolis hinggil sa isang libong taon? (Tingnan ang talababa.)
13 Maghahari at maghuhukom sila sa loob ng isang libong taon. Literal na isang libong taon ba ito, o isang makasagisag, di-tiyak, at mahabang yugto ng panahon? Ang “libu-libo” ay maaaring mangahulugan ng isang malaki at di-tiyak na bilang, gaya ng pagkagamit sa 1 Samuel 21:11. Subalit dito, literal ang “isang libo,” yamang sa orihinal na wika, lumilitaw ito nang tatlong ulit sa Apocalipsis 20:5-7 bilang “ang isang libong taon.” Tinawag ni Pablo ang panahong ito ng paghuhukom bilang “isang araw” nang sabihin niya: “Nagtakda siya [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran.” (Gawa 17:31) Yamang sinasabi sa atin ni Pedro na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon, angkop lamang na literal na isang libong taon ang Araw na ito ng Paghuhukom.c—2 Pedro 3:8.
Ang Iba Pa sa mga Patay
14. (a) Anong pananalita ang isinusog ni Juan tungkol sa “iba pa sa mga patay”? (b) Paano nagbibigay-liwanag ang mga pangungusap ni apostol Pablo hinggil sa terminong “nabuhay”?
14 Gayunman, sino ang huhukuman ng mga haring ito kung, ayon sa isinusog dito ni apostol Juan, “(ang iba pa sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang isang libong taon)”? (Apocalipsis 20:5a) Muli, ang salitang “nabuhay” ay dapat unawain ayon sa konteksto nito. Ang salitang ito ay maaaring may iba’t ibang kahulugan ayon sa iba’t ibang kalagayan. Halimbawa, sinabi ni Pablo hinggil sa kaniyang kapuwa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo ang binuhay ng Diyos bagaman kayo ay patay sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan.” (Efeso 2:1) Oo, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay “binuhay,” kahit na noon pa mang unang siglo, sa pamamagitan ng paghahayag sa kanila na matuwid salig sa pananampalataya nila sa hain ni Jesus.—Roma 3:23, 24.
15. (a) Ano ang katayuan sa harap ng Diyos ng mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano? (b) Paano ‘mabubuhay’ ang ibang tupa, at kailan nila lubusang aariin ang lupa?
15 Sa katulad na paraan, ang mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano ay ipinahayag ding matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos; at sina Abraham, Isaac, at Jacob ay sinasabing “buháy” bagaman patay na sila sa pisikal na paraan. (Mateo 22:31, 32; Santiago 2:21, 23) Gayunman, sila at ang iba pa na bubuhaying muli, pati na ang malaking pulutong ng tapat na ibang tupa na makaliligtas sa Armagedon at sinumang isisilang ng mga ito sa bagong sanlibutan, ay kailangan pa ring pasakdalin bilang tao. Isasagawa ito ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang hari at saserdote sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, salig sa haing pantubos ni Jesus. Sa katapusan ng Araw na iyon, “ang iba pa sa mga patay” ay ‘mabubuhay’ sa diwa na magiging sakdal na mga tao sila. Gaya ng makikita natin, kailangan pa silang makapasa sa isang pangwakas na pagsubok, subalit haharapin nila ang pagsubok na iyon bilang sakdal na mga tao. Kapag nakapasa sila sa pagsubok, ipahahayag ng Diyos na karapat-dapat silang mabuhay magpakailanman, matuwid sa ganap na kahulugan nito. Mararanasan nila ang lubusang katuparan ng pangako: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Anong kasiya-siyang kinabukasan ang naghihintay sa masunuring sangkatauhan!
Ang Unang Pagkabuhay-Muli
16. Paano inilalarawan ni Juan ang pagkabuhay-muli ng mga maghaharing kasama ni Kristo, at bakit?
16 Bumaling muli si Juan sa mga “nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ni Kristo,” at isinulat niya: “Ito ang unang pagkabuhay-muli.” (Apocalipsis 20:5b) Sa anong diwa ito una? Ito ang “unang pagkabuhay-muli” ayon sa panahon, sapagkat ang mga dumaranas nito ay “mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:4) Una rin ito sa kahalagahan, yamang ang mga nakikibahagi rito ay makakasama ni Jesus bilang tagapamahala sa kaniyang makalangit na Kaharian at huhukuman nila ang iba pa sa sangkatauhan. At bilang panghuli, una ito sa kaurian. Bukod kay Jesu-Kristo mismo, ang mga ibinabangon sa unang pagkabuhay-muli ang tanging mga nilikha na binabanggit sa Bibliya na tumatanggap ng imortalidad.—1 Corinto 15:53; 1 Timoteo 6:16.
17. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang pinagpalang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Ano ang “ikalawang kamatayan,” at bakit ito “walang awtoridad” sa 144,000 mananaig?
17 Talagang pinagpalang pag-asa ito para sa mga pinahiran! Gaya ng ipinapahayag ni Juan: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 20:6a) Gaya ng ipinangako ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna, ang mga mananaig na ito na makakasama sa “unang pagkabuhay-muli” ay hindi manganganib na mapinsala ng “ikalawang kamatayan,” na nangangahulugan ng pagkalipol at pagkapuksa na wala nang pag-asang buhaying muli. (Apocalipsis 2:11; 20:14) Ang ikalawang kamatayan ay “walang awtoridad” sa mga mananaig na ito, sapagkat nakapagbihis na sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad.—1 Corinto 15:53.
18. Ano ngayon ang sinasabi ni Juan hinggil sa bagong mga tagapamahala ng lupa, at ano ang isasagawa nila?
18 Kaylaking pagkakaiba nito sa mga hari sa lupa sa panahon ng pamamahala ni Satanas! Pinakamatagal na ang mga 50 o 60 taon ng pamamahala ng mga ito, at ang karamihan naman ay sa loob lamang ng iilang taon. Siniil ng marami sa kanila ang sangkatauhan. Sa paanuman, paano permanenteng makikinabang ang mga bansa sa ilalim ng papalit-palit na mga tagapamahala na may pabagu-bagong mga patakaran? Sa kabaligtaran, ganito ang sinasabi ni Juan hinggil sa bagong mga tagapamahala ng lupa: “Kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6b) Kasama sila ni Jesus na bubuo sa nag-iisang pamahalaan na iiral sa loob ng isang libong taon. Maglilingkod sila bilang mga saserdote anupat gagamitin ang halaga ng sakdal na hain ni Jesus bilang tao upang pasakdalin ang masunuring sangkatauhan sa espirituwal, moral, at pisikal na paraan. Dahil sa paglilingkod nila bilang mga hari, maitatatag ang isang pangglobong lipunan ng tao na nagpapaaninaw ng katuwiran at kabanalan ni Jehova. Bilang mga hukom na kasama ni Jesus sa loob ng isang libong taon, maibigin nilang aakayin ang masunuring mga tao sa tunguhing buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
Ang Pangwakas na Pagsubok
19. Ano ang magiging kalagayan ng lupa at ng sangkatauhan sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, at ano ngayon ang gagawin ni Jesus?
19 Sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, ang buong lupa ay makakatulad na ng orihinal na Eden. Ito ay magiging tunay na paraiso. Hindi na kakailanganin ng sakdal na sangkatauhan ang isang mataas na saserdote upang mamagitan para sa kanila sa harap ng Diyos, yamang naalis na ang lahat ng bakas ng Adanikong kasalanan at ang huling kaaway, ang kamatayan, ay napawi na. Naisakatuparan na ng Kaharian ni Kristo ang layunin ng Diyos na lumikha ng isang sanlibutan na may iisang pamahalaan. Sa panahong ito, ‘ibibigay ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’—1 Corinto 15:22-26; Roma 15:12.
20. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan na mangyayari kapag dumating na ang panahon ukol sa pangwakas na pagsubok?
20 Panahon na ukol sa pangwakas na pagsubok. Di-tulad ng unang mga tao sa Eden, makapaninindigan kayang matatag sa katapatan ang pinasakdal na daigdig na ito ng sangkatauhan? Sinasabi sa atin ni Juan kung ano ang mangyayari: “Sa sandaling matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan mula sa kaniyang bilangguan, at lalabas siya upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa digmaan. Ang bilang ng mga ito ay gaya ng buhangin sa dagat. At sila ay humayo sa kalaparan ng lupa at pinalibutan ang kampo ng mga banal at ang lunsod na minamahal.”—Apocalipsis 20:7-9a.
21. Anong huling pagsisikap ang gagawin ni Satanas, at bakit hindi tayo dapat magtaka na may ilang susunod kay Satanas kahit pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari?
21 Ano ang kahihinatnan ng huling pagsisikap ni Satanas? Dadayain niya ang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog,” at aakayin sila sa “digmaan.” May papanig nga kaya kay Satanas pagkatapos ng isang libong taon ng maligaya at nakapagpapatibay na teokratikong pamamahala? Buweno, huwag kalilimutan na nailigaw ni Satanas ang sakdal na sina Adan at Eva samantalang masaya silang namumuhay sa Paraiso ng Eden. At nailigaw rin niya ang makalangit na mga anghel na nakasaksi sa masasamang resulta ng unang paghihimagsik. (2 Pedro 2:4; Judas 6) Kaya hindi tayo dapat magtaka kung may ilang sakdal na tao na matutuksong sumunod kay Satanas kahit na pagkatapos pa ng kalugud-lugod na isang libong taóng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.
22. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa”? (b) Bakit tinatawag na “Gog at Magog” ang mga rebelde?
22 Tinutukoy ng Bibliya ang mga rebeldeng ito bilang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa.” Hindi ito nangangahulugang muli na namang magkakabaha-bahagi ang sangkatauhan anupat magkakaroon ng kani-kaniyang pambansang kaayusan. Ipinahihiwatig lamang nito na hihiwalay ang mga ito mula sa mga matuwid at matapat kay Jehova at magpapamalas sila ng masamang saloobin na ipinakikita ng mga bansa sa ngayon. Sila ay ‘mag-iisip ng isang mapaminsalang pakana,’ gaya ng ginawa ni Gog ng Magog sa hula ni Ezekiel, sa layuning wasakin ang teokratikong pamahalaan sa lupa. (Ezekiel 38:3, 10-12) Kaya “Gog at Magog” ang tawag sa kanila.
23. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na magiging “gaya ng buhangin sa dagat” ang bilang ng mga rebelde?
23 Ang bilang niyaong mga makikisama sa paghihimagsik ni Satanas ay magiging “gaya ng buhangin sa dagat.” Gaano karami ito? Walang patiunang itinalagang bilang. (Ihambing ang Josue 11:4; Hukom 7:12.) Ang pangwakas na kabuuang bilang ng mga rebelde ay depende sa magiging pagtugon ng bawat indibiduwal sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Gayunman, tiyak na malaki-laki ring bilang ito, yamang aakalain nilang sapat ang kanilang lakas upang daigin “ang kampo ng mga banal at ang lunsod na minamahal.”
24. (a) Ano “ang lunsod na minamahal,” at paano ito maaaring palibutan? (b) Sa ano kumakatawan ang “kampo ng mga banal”?
24 “Ang lunsod na minamahal” ay malamang na yaong lunsod na binanggit ng niluwalhating si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod sa Apocalipsis 3:12 at na tinatawag niyang “lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit mula sa aking Diyos.” Yamang makalangit na organisasyon ito, paano ito ‘mapalilibutan’ ng makalupang mga hukbo? Ang “kampo ng mga banal” ang palilibutan nila. Ang kampo ay nasa labas ng lunsod; kaya ang “kampo ng mga banal” ay tiyak na kumakatawan sa mga nasa lupa sa labas ng makalangit na dako ng Bagong Jerusalem na matapat na sumusuporta sa kaayusan ng pamamahala ni Jehova. Kapag ang mga tapat na ito ay sinalakay ng mga rebelde sa ilalim ni Satanas, ituturing ito ng Panginoong Jesus bilang pagsalakay sa kaniya. (Mateo 25:40, 45) Ang lahat ng nagawa ng makalangit na Bagong Jerusalem upang maging paraiso ang lupang ito ay sisikaping sirain ng ‘mga bansang’ iyon. Kaya sa pagsalakay sa “kampo ng mga banal,” sinasalakay rin naman nila “ang lunsod na minamahal.”
Ang Lawa ng Apoy at Asupre
25. Paano inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan ng pagsalakay ng mga rebelde sa “kampo ng mga banal,” at ano ang magiging kahulugan nito para kay Satanas?
25 Magtatagumpay ba ang pangwakas na pagsisikap na ito ni Satanas? Tiyak na hindi—kung paanong hindi rin magtatagumpay ang pagsalakay na gagawin ni Gog ng Magog sa espirituwal na Israel sa ating panahon! (Ezekiel 38:18-23) Buong-linaw na inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan: “Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon sila. At ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan na kapuwa ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta.” (Apocalipsis 20:9b-10a) Sa pagkakataong ito, hindi lamang ibubulid sa kalaliman si Satanas, ang orihinal na serpiyente, kundi aktuwal siyang dudurugin hanggang sa malipol, pupulbusin, at lubusang pupuksain na parang tinupok ng apoy.
26. Bakit hindi maaaring maging isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre”?
26 Natalakay na natin na hindi maaaring tumukoy sa isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 19:20) Kung ipadaranas kay Satanas ang napakatinding pahirap doon magpakailan-kailanman, kailangan siyang panatilihing buháy ni Jehova. Subalit ang buhay ay isang kaloob, hindi parusa. Kamatayan ang parusa sa kasalanan, at ayon sa Bibliya, walang nadaramang kirot ang mga patay. (Roma 6:23; Eclesiastes 9:5, 10) Karagdagan pa, mababasa natin sa dakong huli na ibubulid din sa lawa ng apoy at asupre na ito ang kamatayan mismo, kasama na ang Hades. Tiyak na hindi makadarama ng kirot ang kamatayan at ang Hades!—Apocalipsis 20:14.
27. Paano makatutulong sa atin ang nangyari sa Sodoma at Gomorra upang maunawaan ang kahulugan ng terminong lawa ng apoy at asupre?
27 Ang lahat ng ito ay higit pang nagpapatunay na tama ang pagkaunawa na makasagisag ang lawa ng apoy at asupre. Karagdagan pa, ang pagbanggit sa apoy at asupre ay nagpapaalaala sa sinapit ng sinaunang Sodoma at Gomorra, na pinuksa ng Diyos dahil sa kanilang talamak na kabalakyutan. Nang sumapit na ang panahon upang parusahan sila, “nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova, mula sa langit, sa Sodoma at sa Gomorra.” (Genesis 19:24) Ang nangyari sa dalawang lunsod na ito ay tinatawag na “parusang hatol na walang-hanggang apoy.” (Judas 7) Gayunman, hindi dumanas ng walang-hanggang pagpapahirap ang dalawang lunsod na ito. Sa halip, ang mga ito ay napawi, nalipol magpakailanman, kasama ng ubod-samang mga mamamayan nito. Ang mga lunsod na iyon ay hindi na umiiral ngayon, at walang sinuman ang makatitiyak sa lokasyon ng mga ito.
28. Ano ang lawa ng apoy at asupre, at paano ito naiiba sa kamatayan, Hades, at kalaliman?
28 Kasuwato nito, ipinaliliwanag mismo ng Bibliya ang kahulugan ng lawa ng apoy at asupre: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa apoy.” (Apocalipsis 20:14) Maliwanag na ito rin ang Gehenna na binanggit ni Jesus, isang dako kung saan nililipol ang mga balakyot, hindi pinahihirapan magpakailanman. (Mateo 10:28) Tumutukoy ito sa ganap na pagkalipol na walang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Kaya bagaman may mga susi para sa kamatayan, Hades, at kalaliman, walang binabanggit na susi para buksan ang lawa ng apoy at asupre. (Apocalipsis 1:18; 20:1) Hindi nito kailanman pakakawalan ang mga bihag nito.—Ihambing ang Marcos 9:43-47.
Pahihirapan Araw at Gabi Magpakailanman
29, 30. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa Diyablo pati na rin sa mabangis na hayop at sa bulaang propeta, at paano ito dapat unawain?
29 Hinggil sa Diyablo pati na sa mabangis na hayop at bulaang propeta, sinasabi ngayon sa atin ni Juan: “At pahihirapan sila araw at gabi magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 20:10b) Ano ang ibig sabihin nito? Gaya ng nabanggit na, hindi lohikal na sabihing daranas ng literal na pahirap ang mga sagisag, gaya ng mabangis na hayop at bulaang propeta, pati na ang kamatayan at ang Hades. Kaya walang dahilan para isiping pahihirapan si Satanas magpakailan-kailanman. Pupuksain siya.
30 Ang salitang Griego na ginamit dito para sa terminong “pahirapan,” ba·sa·niʹzo, ay may pangunahing kahulugan na “subukin (ang mga metal) sa pamamagitan ng isang batong urian.” “Pagtatanungin sa pamamagitan ng pagpapahirap” ang ikalawang kahulugan. (The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament) Sa konteksto nito, ipinahihiwatig ng paggamit sa salitang Griegong ito na ang mangyayari kay Satanas ay magsisilbing permanenteng batong urian, o batayan, hinggil sa isyu ng pagiging nararapat at pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Ang isyung ito hinggil sa pamamahala bilang soberano ay malulutas minsan at magpakailanman. Anumang hamon sa pagkasoberano ni Jehova ay hindi na kailanman kakailanganin pang subukin sa loob ng mahabang yugto ng panahon upang patunayan na mali ito.—Ihambing ang Awit 92:1, 15.
31. Paano tumutulong ang dalawang salitang Griego, na nauugnay sa salitang nangangahulugang “pahirapan,” upang maunawaan natin kung anong parusa ang sasapitin ni Satanas na Diyablo?
31 Bukod dito, ginagamit sa Bibliya ang kaugnay na salitang ba·sa·ni·stesʹ, “tagapagpahirap,” upang tumukoy sa “tagapagbilanggo.” (Mateo 18:34, Kingdom Interlinear) Kasuwato nito, si Satanas ay ibibilanggo sa lawa ng apoy magpakailanman; hindi na siya kailanman palalayain. At bilang panghuli, sa Griegong Septuagint, na pamilyar kay Juan, ang kaugnay na salitang baʹsa·nos ay ginagamit upang tumukoy sa kahihiyang humahantong sa kamatayan. (Ezekiel 32:24, 30) Tumutulong ito sa atin upang maunawaan na ang parusang sasapitin ni Satanas ay isang kahiya-hiya at walang-hanggang kamatayan sa lawa ng apoy at asupre. Ang kaniyang mga gawa ay papanaw na kasama niya.—1 Juan 3:8.
32. Anong parusa ang sasapitin ng mga demonyo, at paano natin nalaman?
32 Hindi na naman binabanggit sa talatang ito ang mga demonyo. Palalayain ba silang kasama ni Satanas sa katapusan ng isang libong taon at mapapailalim sa parusang walang-hanggang kamatayan kasama niya? Ang katibayan ay sumasagot ng oo. Sa talinghaga hinggil sa mga tupa at kambing, sinabi ni Jesus na ang mga kambing ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mateo 25:41) Ang mga salitang “walang-hanggang apoy” ay tiyak na tumutukoy sa lawa ng apoy at asupre kung saan ihahagis si Satanas. Ang mga anghel ng Diyablo ay pinalayas mula sa langit na kasama niya. Maliwanag na ibubulid sila sa kalaliman kasama niya sa pasimula ng Sanlibong Taóng Paghahari. Kasuwato nito, pupuksain din silang kasama niya sa lawa ng apoy at asupre.—Mateo 8:29.
33. Anong pangwakas na detalye ng Genesis 3:15 ang matutupad, at ano ang itinatawag-pansin ngayon kay Juan ng espiritu ni Jehova?
33 Sa ganitong paraan matutupad ang huling detalye ng unang hulang nakaulat sa Genesis 3:15. Kapag inihagis si Satanas sa lawa ng apoy, mamamatay siyang gaya ng isang ahas na ang ulo ay tinapakan ng isang sakong na bakal hanggang sa madurog. Siya at ang kaniyang mga demonyo ay mawawala na magpakailanman. Hindi na sila binabanggit pang muli sa aklat ng Apocalipsis. Pagkatapos ng hulang ito, itinatawag-pansin naman ngayon ng espiritu ni Jehova ang isang bagay na lubhang kawili-wili sa mga may makalupang pag-asa: Ano ang idudulot sa sangkatauhan ng makalangit na pamamahala ng “Hari ng mga hari” at niyaong “mga tinawag at pinili at mga tapat na kasama niya”? (Apocalipsis 17:14) Bilang sagot, muli tayong ibinabalik ni Juan sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari.
[Mga talababa]
a Sinasabi sa ibang teksto na nasa Hades si Jesus noong patay siya. (Gawa 2:31) Gayunman, hindi natin dapat isipin na ang Hades at ang kalaliman ay laging tumutukoy sa iisang dako. Magtutungo sa kalaliman ang mabangis na hayop at si Satanas, subalit mga tao lamang ang sinasabing nagtutungo sa Hades, kung saan sila natutulog sa kamatayan hanggang sa buhayin silang muli.—Job 14:13; Apocalipsis 20:13.
b Palakol (Griego, peʹle·kus) ang waring tradisyonal na instrumento sa paglalapat ng parusang kamatayan sa Roma, bagaman noong panahon ni Juan, tabak ang karaniwang ginagamit. (Gawa 12:2) Kaya ang salitang Griego na ginamit dito, pe·pe·le·kis·meʹnon (“pinatay sa pamamagitan ng palakol”), ay nangangahulugan lamang na “pinatay.”
c Kapansin-pansin, ang istoryador noong ikaapat na siglo na si Eusebius ay nag-ulat na si Papias ng Hierapolis, sinasabing nagkaroon ng ilang kaalaman sa Bibliya sa tulong ng mga estudyante ng manunulat ng Apocalipsis na si Juan, ay naniniwala sa isang literal na Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo (bagaman tutol na tutol sa kaniya si Eusebius).—The History of the Church, Eusebius, III, 39.
[Larawan sa pahina 293]
Ang Dagat na Patay. Ang posibleng lokasyon ng Sodoma at Gomorra
[Mga larawan sa pahina 294]
“Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong”