Ipinaaaninag ng mga Kristiyano ang Kaluwalhatian ni Jehova
“Maligaya ang inyong mga mata sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig.”—MATEO 13:16.
1. Anong tanong ang bumabangon sa isipan hinggil sa reaksiyon ng mga Israelita kay Moises sa Bundok Sinai?
ANG mga Israelitang nagkatipon sa Bundok Sinai ay may mabuting dahilan upang maging malapít kay Jehova. Tutal, iniligtas niya sila mula sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay. Ipinagkaloob niya ang kanilang mga pangangailangan, anupat naglaan ng pagkain at tubig sa ilang. Pagkatapos, pinapagtagumpay niya sila laban sa sumasalakay na hukbong Amalekita. (Exodo 14:26-31; 16:2–17:13) Habang nagkakampo sila sa ilang ng Bundok Sinai, labis na natakot ang bayan sa mga kulog at kidlat anupat sila’y nanginig. Nang maglaon, nakita nilang bumababa si Moises mula sa Bundok Sinai habang nanganganinag sa kaniyang mukha ang kaluwalhatian ni Jehova. Gayunman, sa halip na tumugon nang may pagkamangha at pagpapahalaga, lumayo sila. “Natakot silang lumapit [kay Moises].” (Exodo 19:10-19; 34:30) Bakit sila takót na makita ang sinag ng kaluwalhatian ni Jehova, ang isa na gumawa ng napakaraming bagay para sa kanila?
2. Bakit malamang na natakot ang mga Israelita nang makita ang kaluwalhatian ng Diyos na ipinaaninag ni Moises?
2 Malamang, ang pangunahing dahilan ng pagkatakot ng mga Israelita nang pagkakataong iyon ay may kaugnayan sa naunang pangyayari. Nang sadyain nilang suwayin si Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng ginintuang guya, dinisiplina niya sila. (Exodo 32:4, 35) Natuto ba sila sa disiplina ni Jehova at pinahalagahan ito? Hindi, ang karamihan sa kanila ay hindi nagpahalaga. Nang malapit nang magwakas ang buhay niya, ginunita ni Moises ang pangyayari may kaugnayan sa ginintuang guya lakip na ang iba pang mga pagkakataon na sumuway ang mga Israelita. Sinabi niya sa bayan: “Kayo ay gumawi nang mapaghimagsik laban sa utos ni Jehova na inyong Diyos, at hindi kayo nanampalataya sa kaniya at hindi kayo nakinig sa kaniyang tinig. Kayo ay naging mapaghimagsik sa inyong paggawi kay Jehova mula nang araw na makilala ko kayo.”—Deuteronomio 9:15-24.
3. Ano ang ginawa ni Moises may kaugnayan sa pagtatalukbong sa kaniyang mukha?
3 Isaalang-alang ang reaksiyon ni Moises sa pagkatakot na ipinamalas ng mga Israelita. Ang ulat ay kababasahan: “Kapag si Moises ay nakatapos nang magsalita sa kanila ay naglalagay siya ng talukbong sa kaniyang mukha. Ngunit kapag pumaparoon si Moises [sa tabernakulo] sa harap ni Jehova upang makipag-usap sa kaniya ay inaalis niya ang talukbong hanggang sa paglabas niya. At lumalabas siya at sinasalita sa mga anak ni Israel kung ano ang iniutos sa kaniya. At nakita ng mga anak ni Israel ang mukha ni Moises, na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag; at ibinalik ni Moises ang talukbong sa kaniyang mukha hanggang sa pumasok siya upang makipag-usap [kay Jehova].” (Exodo 34:33-35) Bakit tinatalukbungan ni Moises ang kaniyang mukha kung minsan? Ano ang matututuhan natin mula rito? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay makatutulong sa atin na masuri ang ating sariling kaugnayan kay Jehova.
Sinayang na mga Pagkakataon
4. Ano ang isiniwalat ni apostol Pablo na kahulugan ng pagtatalukbong ni Moises?
4 Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang paglalagay ni Moises ng talukbong ay may kinalaman sa kalagayan ng isip at puso mismo ng mga Israelita. Sumulat si Pablo: “Ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha . . . Ang kanilang mga kakayahang pangkaisipan ay pumurol.” (2 Corinto 3:7, 14) Kaylungkot na situwasyon! Ang mga Israelita ay piniling bayan ni Jehova, at nais niyang maging malapít sila sa kaniya. (Exodo 19:4-6) Gayunman, nag-atubili silang tumitig sa sinag ng kaluwalhatian ng Diyos. Sa halip na ibaling ang kanilang puso at isip kay Jehova nang may maibiging debosyon, sa diwa ay lumayo sila sa kaniya.
5, 6. (a) Ano ang pagkakatulad ng mga Judio noong unang siglo at ng mga Israelita noong panahon ni Moises? (b) Ano ang pagkakaiba ng mga nakinig kay Jesus at ng mga hindi nakinig sa kaniya?
5 Hinggil dito, makasusumpong tayo ng pagkakatulad noong unang siglo C.E. Nang makumberte si Pablo sa Kristiyanismo, hinalinhan na ng tipang Kautusan ang bagong tipan, na ang tagapamagitan ay si Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Moises. Kapuwa sa salita at gawa, may-kasakdalang ipinaaninag ni Jesus ang kaluwalhatian ni Jehova. Sumulat si Pablo hinggil sa binuhay-muling si Jesus: ‘Siya ang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’ (Hebreo 1:3) Kahanga-hanga ngang pagkakataon ang tinaglay ng mga Judio! Maaari nilang pakinggan ang mga pananalita ng buhay na walang hanggan mula sa mismong Anak ng Diyos! Nakalulungkot, ang karamihan sa mga pinangaralan ni Jesus ay hindi nakinig. Hinggil sa kanila, sinipi ni Jesus ang hula ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay narinig nila nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ng kanilang mga puso ang diwa nito at manumbalik, at mapagaling ko sila.”—Mateo 13:15; Isaias 6:9, 10.
6 Kitang-kita ang pagkakaiba ng mga Judio at ng mga alagad ni Jesus, na tungkol sa kanila ay sinabi ni Jesus: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig.” (Mateo 13:16) Minimithi ng tunay na mga Kristiyano na makilala at mapaglingkuran si Jehova. Nalulugod silang isagawa ang kaniyang kalooban, gaya ng isinisiwalat ng mga pahina ng Bibliya. Bilang resulta, ipinaaaninag ng mga pinahirang Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova sa kanilang ministeryo ng bagong tipan, at gayundin ang ginagawa ng kabilang sa ibang mga tupa.—2 Corinto 3:6, 18.
Kung Bakit Natatalukbungan ang Mabuting Balita
7. Bakit hindi nakapagtataka na tumatanggi sa mabuting balita ang karamihan?
7 Gaya ng nakita na natin, kapuwa noong panahon ni Jesus at noong panahon ni Moises, tinanggihan ng karamihan sa mga Israelita ang pambihirang pagkakataong bukás sa kanila. Gayundin naman sa ating panahon. Ang karamihan sa mga tao ay tumatanggi sa mabuting balita na ipinangangaral natin. Hindi natin ito dapat pagtakhan. Sumulat si Pablo: “Ngayon, kung sa katunayan ay natatalukbungan ang mabuting balita na aming ipinahahayag, ito ay natatalukbungan doon sa mga nalilipol, na sa gitna nila ay binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 4:3, 4) Bukod sa mga pagsisikap ni Satanas na ikubli ang mabuting balita, maraming tao ang nagtatalukbong ng kanilang sariling mukha dahil ayaw nilang makakita.
8. Sa anong paraan nabubulagan ang marami dahil sa kawalang-alam, at paano natin maiiwasang mangyari rin iyon sa atin?
8 Ang makasagisag na mga mata ng marami ay binubulag ng kawalang-alam. Binabanggit ng Bibliya na ang mga bansa ay ‘nasa kadiliman ng isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na sumasakanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso.’ (Efeso 4:18) Bago siya naging Kristiyano, si Pablo, isang lalaking bihasa sa Kautusan, ay labis na binulag ng kawalang-alam anupat pinag-usig niya ang kongregasyon ng Diyos. (1 Corinto 15:9) Gayunman, isiniwalat ni Jehova ang katotohanan sa kaniya. Ipinaliwanag ni Pablo: “Ang dahilan kung bakit ako pinagpakitaan ng awa ay upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.” (1 Timoteo 1:16) Tulad ni Pablo, marami sa mga dating sumasalansang sa katotohanan ng Diyos ang naglilingkod na ngayon sa Kaniya. Isa itong mabuting dahilan para magpatuloy sa pagpapatotoo maging sa mga sumasalansang sa atin. Samantala, sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagkuha sa diwa nito, ipinagsasanggalang tayo mula sa pagkilos batay sa kawalang-alam na nagiging sanhi ng di-pagsang-ayon ni Jehova.
9, 10. (a) Paano ipinakita ng mga Judio noong unang siglo na ayaw nilang magpaturo at mahigpit silang nanghahawakan sa kanilang mga pangmalas? (b) Mayroon ba itong pagkakatulad sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon? Ipaliwanag.
9 Para sa marami, nahahadlangan ang kanilang espirituwal na pananaw dahil ayaw nilang magpaturo at mahigpit silang nanghahawakan sa kanilang mga pangmalas. Maraming Judio ang tumanggi kay Jesus at sa kaniyang mga turo dahil labis silang nangunyapit sa Kautusang Mosaiko. Siyempre pa, hindi lahat ay ganito. Halimbawa, matapos buhaying-muli si Jesus, “isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Gayunpaman, tungkol sa karamihan ng mga Judio, sumulat si Pablo: “Magpahanggang sa ngayon kailanma’t binabasa si Moises, isang talukbong ang nakatakip sa kanilang mga puso.” (2 Corinto 3:15) Malamang na alam ni Pablo ang sinabi noon ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan; at ang mga ito mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” (Juan 5:39) Dapat sana’y nakatulong sa kanila ang mga Kasulatan na maingat nilang sinaliksik para maunawaan na si Jesus ang Mesiyas. Gayunman, may sariling mga ideya ang mga Judio, at hindi sila magpapahikayat na baguhin ito maging sa Anak ng Diyos na gumagawa ng mga himala.
10 Totoo rin ito sa maraming kabilang sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Tulad ng unang-siglong mga Judio, “may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Bagaman ang ilan ay nag-aaral ng Bibliya, ayaw nilang maniwala sa sinasabi nito. Tumatanggi silang tanggapin na tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin na mga pinahirang Kristiyano. (Mateo 24:45) Gayunman, nauunawaan natin na tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan at na laging pasulong ang pagkaunawa sa katotohanang mula sa Diyos. (Kawikaan 4:18) Sa pamamagitan ng pagpapahintulot na maturuan tayo ni Jehova, pinagpapala tayo ng kaalaman hinggil sa kaniyang kalooban at layunin.
11. Sa pagkukubli sa katotohanan, anong papel ang ginagampanan ng nais paniwalaan ng isang tao?
11 Ang iba naman ay binubulag ng kanilang nais paniwalaan. Inihula na tutuyain ng ilan ang bayan ng Diyos at ang mensahe na kanilang inihahayag may kaugnayan sa pagkanaririto ni Jesus. Sumulat si apostol Pedro: “Ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin,” samakatuwid nga, na ang Diyos ay nagpasapit ng delubyo sa sanlibutan noong panahon ni Noe. (2 Pedro 3:3-6) Gayundin naman, maraming nag-aangking Kristiyano ang agad kumikilala na si Jehova ay nagpapakita ng awa, kabaitan, at pagpapatawad; gayunman, ipinagwawalang-bahala nila o tinatanggihan ang katotohanan na wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan. (Exodo 34:6, 7) Taimtim na nagsisikap ang tunay na mga Kristiyano na maunawaan ang talagang itinuturo ng Bibliya.
12. Paano nabulag ng tradisyon ang mga tao?
12 Maraming nagsisimba ang binubulag ng tradisyon. Sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya, sinabi ni Jesus: “Pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.” (Mateo 15:6) Masigasig na isinauli ng mga Judio ang dalisay na pagsamba matapos silang bumalik mula sa pagkakatapon sa Babilonya, gayunman ang mga saserdote mismo ay naging mapagmapuri at mapagmatuwid-sa-sarili. Naging pormalidad na lamang ang mga relihiyosong kapistahan, anupat wala na itong tunay na pagpipitagan sa Diyos. (Malakias 1:6-8) Pagsapit ng panahon ni Jesus, napakarami nang idinagdag na mga tradisyon sa Kautusang Mosaiko ang mga eskriba at mga Pariseo. Ibinunyag ni Jesus ang mga taong iyon bilang mga mapagpaimbabaw dahil hindi na nila nakikita ang matuwid na mga simulain kung saan nakasalig ang Kautusan. (Mateo 23:23, 24) Dapat mag-ingat ang tunay na mga Kristiyano na huwag nilang hayaang mailihis sila ng gawang-taong mga relihiyosong tradisyon mula sa dalisay na pagsamba.
“Nakikita ang Isa na Di-nakikita”
13. Sa anong dalawang paraan nakita nang bahagya ni Moises ang kaluwalhatian ng Diyos?
13 Hiniling ni Moises na makita ang kaluwalhatian ng Diyos sa bundok, at nakita nga niya ang naiwang sinag ng kaluwalhatian ni Jehova. Nang pumasok siya sa tabernakulo, hindi siya nagtalukbong. Si Moises ay isang lalaking may malaking pananampalataya at nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos. Bagaman pinagpala siyang makita nang bahagya sa pangitain ang kaluwalhatian ni Jehova, sa diwa ay nakita na niya ang Diyos sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya. Sinasabi ng Bibliya na “nagpatuloy [si Moises na] matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27; Exodo 34:5-7) At ipinaaninag niya ang kaluwalhatian ng Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng mga sinag na nagmumula sa kaniyang mukha sa loob ng ilang panahon kundi sa pamamagitan din naman ng kaniyang mga pagsisikap na tulungan ang mga Israelita na makilala at mapaglingkuran si Jehova.
14. Paano nakita ni Jesus ang kaluwalhatian ng Diyos, at sa ano siya nalugod?
14 Sa langit, tuwirang nakita ni Jesus ang kaluwalhatian ng Diyos sa loob ng pagkatagal-tagal na panahon, kahit bago pa man lalangin ang uniberso. (Kawikaan 8:22, 30) Sa loob ng buong panahong iyon, nabuo ang isang ugnayan na kakikitaan ng masidhing pag-ibig at pagmamahal. Ipinahayag ng Diyos na Jehova ang pinakamagiliw na pag-ibig at pagmamahal para sa panganay na ito ng lahat ng mga nilalang. Ginantihan naman ito ni Jesus sa pagpapahayag ng masidhing pag-ibig at pagmamahal para sa kaniyang banal na Tagapagbigay-Buhay. (Juan 14:31; 17:24) Ang kanilang pag-ibig ay isang sakdal na pag-iibigan ng Ama at Anak. Si Jesus, gaya ni Moises, ay nalugod na magpaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova sa mga bagay na itinuturo niya.
15. Sa anong paraan binubulay-bulay ng mga Kristiyano ang kaluwalhatian ng Diyos?
15 Tulad ni Moises at ni Jesus, sabik na binubulay-bulay ng makabagong-panahong mga Saksi ng Diyos sa lupa ang kaluwalhatian ni Jehova. Hindi sila lumalayo sa maluwalhating mabuting balita. Sumulat si apostol Pablo: “Kapag may pagbaling kay Jehova [upang gawin ang kaniyang kalooban], ang talukbong ay naaalis.” (2 Corinto 3:16) Pinag-aaralan natin ang Kasulatan dahil nais nating gawin ang kalooban ng Diyos. Hinahangaan natin ang kaluwalhatiang naaaninag sa mukha ni Jesu-Kristo, ang Anak at Hari na pinahiran ni Jehova, at tinutularan natin ang kaniyang halimbawa. Tulad ni Moises at ni Jesus, inatasan tayo ng isang ministeryo, na tinuturuan ang mga tao tungkol sa maluwalhating Diyos na ating sinasamba.
16. Bakit tayo pinagpapala dahil sa pagkaalam sa katotohanan?
16 Nanalangin si Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, . . . sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Ibinibigay ni Jehova sa mga taimtim at may mapagpakumbabang puso ang kaunawaan hinggil sa kaniyang mga layunin at personalidad. (1 Corinto 1:26-28) Nagpasakop tayo sa kaniyang mapagsanggalang na pangangalaga, at tinuturuan niya tayo upang makinabang ang ating sarili—upang lubusan tayong makinabang sa ating buhay. Samantalahin nawa natin ang lahat ng pagkakataon upang maging malapít kay Jehova, anupat pinahahalagahan ang kaniyang maraming paglalaan upang lalo natin siyang makilala.
17. Paano natin lubusang makikilala ang mga katangian ni Jehova?
17 Sumulat si Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Tayo na may mga mukhang di-natatalukbungan ay nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin [at] binabagong-anyo tungo sa gayunding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian.” (2 Corinto 3:18) Ang pag-asa man natin ay sa langit o sa lupa, habang higit nating nakikilala si Jehova—ang kaniyang mga katangian at personalidad gaya ng isinisiwalat sa Bibliya—lalo tayong nagiging kagaya niya. Kung may pagpapahalaga nating binubulay-bulay ang buhay, ang ministeryo, at ang mga turo ni Jesu-Kristo, lubusan nating maipaaaninag ang mga katangian ni Jehova. Kaylaki ngang kagalakan na malamang nagdudulot tayo ng papuri sa ating Diyos, na ang kaluwalhatian ay sinisikap nating ipaaninag!
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit takót ang mga Israelita na makita ang kaluwalhatian ng Diyos na ipinaaaninag ni Moises?
• Sa anu-anong paraan “natatalukbungan” ang mabuting balita noong unang siglo? sa ating panahon?
• Paano natin ipinaaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos?
[Larawan sa pahina 19]
Hindi makatitig ang mga Israelita sa mukha ni Moises
[Mga larawan sa pahina 21]
Tulad ni Pablo, marami sa mga dating sumasalansang sa katotohanan ng Diyos ang naglilingkod na ngayon sa Kaniya
[Mga larawan sa pahina 23]
Nalulugod ang mga lingkod ni Jehova na ipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos