LARAWAN
[sa Ingles, image].
Anumang representasyon o wangis ng isang persona o bagay.—Mat 22:20.
Bago lalangin ng Diyos ang tao, sinabi niya, “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan [o, anino, anyo], ayon sa ating wangis.” (Gen 1:26, 27, tlb sa Rbi8) Yamang sinabi ng Anak ng Diyos na ang kaniyang Ama ay “Espiritu,” hindi posibleng maging magkawangis sa pisikal ang Diyos at ang tao. (Ju 4:24) Sa halip, ang tao ay may mga katangiang nagpapaaninag, o nagpapamalas, niyaong taglay ng kaniyang makalangit na Maylikha, mga katangiang malinaw na nagpapakita ng kaibahan ng tao sa mga hayop. (Tingnan ang ADAN Blg. 1.) Bagaman siya’y larawan ng kaniyang Maylalang, ang tao ay hindi ginawa upang pag-ukulan ng pagsamba.
Kung paanong ang sariling anak ni Adan na si Set (bagaman ipinanganak sa kaniya noong hindi na siya sakdal) ay ‘ayon sa wangis ni Adan, ayon sa kaniyang larawan’ (Gen 5:3), ang pagkakatulad ng wangis ni Adan sa Diyos ay nagpakilala sa kaniya noong pasimula bilang ang makalupang anak ng Diyos. (Luc 3:38) Sa kabila ng pagkahulog ng tao sa di-kasakdalan, ang bagay na ginawa ang tao noong pasimula ayon sa larawan ng Diyos ay binanggit pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe bilang saligan ng batas ng Diyos na nagpapahintulot sa mga tao na magsilbing mga tagapaglapat ng kamatayan sa mga mamamaslang. (Gen 9:5, 6; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.) Sa mga tagubilin sa mga Kristiyano may kinalaman sa talukbong sa ulo ng mga babae, sinabihan ang mga lalaking Kristiyano na hindi sila dapat maglagay ng gayong talukbong, yamang ang lalaki “ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos,” samantalang ang babae naman ay kaluwalhatian ng lalaki.—1Co 11:7.
Ang antas ba ng pagpapaaninag ni Jesus ng wangis ng kaniyang Ama ay hindi nagbago?
Ang panganay na Anak ng Diyos, na nang maglaon ay naging ang taong si Jesus, ay larawan ng kaniyang Ama. (2Co 4:4) Yamang maliwanag na ang Anak na iyon ang kausap ng Diyos nang sabihin Niya, “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan,” ang Anak ay kawangis na ng kaniyang Ama, ang Maylalang, mula pa noong siya’y lalangin. (Gen 1:26; Ju 1:1-3; Col 1:15, 16) Noong narito siya sa lupa bilang isang taong sakdal, ipinaaninag niya ang mga katangian at personalidad ng kaniyang Ama sa sukdulang antas na posibleng maabot ng tao, anupat masasabi niya na “siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9; 5:17, 19, 30, 36; 8:28, 38, 42) Gayunman, tiyak na naging higit pa ang pagkakawangis na ito noong buhaying-muli si Jesus ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, tungo sa buhay bilang espiritu at nang ipagkaloob Niya sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (1Pe 3:18; Mat 28:18) Yamang dinakila noon ng Diyos si Jesus sa “isang nakatataas na posisyon,” naipaaninag ng Anak ng Diyos ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama sa antas na mas nakahihigit kaysa noong bago niya lisanin ang langit upang pumarito sa lupa. (Fil 2:9; Heb 2:9) Mula noon, siya ‘ang eksaktong larawan ng mismong sarili ng Diyos.’—Heb 1:2-4.
Ang lahat ng pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay patiunang itinatalaga ng Diyos na “maitulad sa larawan ng kaniyang Anak.” (Ro 8:29) Si Kristo Jesus ang kanilang huwaran hindi lamang sa paraan ng kanilang pamumuhay, habang sinusundan nila ang kaniyang mga yapak at tinutularan ang kaniyang landasin at mga daan, kundi pati sa kanilang kamatayan at pagkabuhay-muli. (1Pe 2:21-24; 1Co 11:1; Ro 6:5) Matapos taglayin ang makalupang “larawan niyaong isa na gawa sa alabok [si Adan],” tataglayin naman nila bilang mga espiritung nilalang “ang larawan niyaong isa na makalangit [ang huling Adan, si Kristo Jesus].” (1Co 15:45, 49) Samantalang nabubuhay sila sa lupa, may pribilehiyo sila na ‘ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin,’ kaluwalhatiang sumisikat sa kanila mula sa Anak ng Diyos anupat unti-unti silang binabagong-anyo tungo sa larawang inihahatid ng Anak na iyon na nagpapaaninag ng kaluwalhatian ng kaniyang Ama. (2Co 3:18; 4:6) Sa gayon ay nilalalang ng Diyos sa kanila ang isang bagong personalidad, isa na nagpapaaninag, o larawan, ng kaniya mismong banal na mga katangian.—Efe 4:24; Col 3:10.
Ang Larawan ng Mabangis na Hayop. Pagkatapos ng pangitain tungkol sa isang mabangis na hayop na may pitong ulo na umahon mula sa dagat, nakita ng apostol na si Juan ang pangitain tungkol sa isang hayop na may dalawang sungay na umaahon mula sa lupa, anupat nagsasalitang gaya ng isang dragon at nagsasabi sa mga tumatahan sa lupa na “gumawa ng isang larawan ng mabangis na hayop [na may pitong ulo].” (Apo 13:1, 2, 11-14) Ang mga hayop ay palaging ginagamit sa Bibliya bilang mga sagisag ng pulitikal na mga pamahalaan. Samakatuwid, ang larawan ng mabangis na hayop na may pitong ulo ay tiyak na isang ahensiya na nagpapaaninag ng mga katangian at kalooban ng pulitikal na sistema na nagpupuno sa daigdig at kinakatawanan ng mabangis na hayop na may pitong ulo. Makatuwiran lamang na mayroon din itong pitong ulo at sampung sungay tulad ng kinakatawanan nitong mabangis na hayop na mula sa dagat. Kaya naman kapansin-pansin na isa pang hayop na may pitong ulo, na iba pa sa mabangis na hayop na mula sa dagat, ang inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 17. Ang kahulugan nito, pati ng mabangis na hayop na may pitong ulo at ng hayop na may dalawang sungay, ay tinatalakay sa HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Pagkatapos ng unang pagkabanggit dito sa Apocalipsis kabanata 13, ang larawan ng hayop ay palagi nang tinutukoy kasama ng mabangis na hayop, partikular na may kaugnayan sa pagsamba sa mabangis na hayop na iyon at sa pagtanggap sa marka niyaon. May bahagi rin sa mga bagay na ito ang larawan ng hayop.—Apo 14:9-11; 15:2; 16:2; 19:20; 20:4; tingnan ang MARKA.
Paggamit ng mga Larawan. May ilang bagay na inanyuan ayon sa wangis ng mga halaman, mga bulaklak, mga hayop, at maging mga kerubin na ginawa ayon sa utos ni Jehova. Ang mga ito ay nagsilbing makasagisag na mga paglalarawan may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos ngunit hindi pinag-ukulan ng pagpapakundangan, o pagsamba, gaya halimbawa sa pananalangin o paghahain. Gayunman, kung minsan ay ginagamit ang mga larawan may kaugnayan sa idolatriya. Para sa pagtalakay sa di-wastong paggamit ng mga larawan, tingnan ang IDOLO, IDOLATRIYA; IMAHEN.