SISTEMA NG MGA BAGAY, MGA
Itinatawid ng pariralang “sistema ng mga bagay” ang diwa ng terminong Griego na ai·onʹ na lumilitaw nang mahigit 30 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Tungkol sa kahulugan ng ai·onʹ, ganito ang sabi ni R. C. Trench: “Gaya [ng koʹsmos, sanlibutan] ito [ang ai·onʹ] ay may isang pangunahin at pisikal, at gayundin, karagdagan dito, isang pangalawahin at etikal, na diwa. Sa pangunahin[g diwa], tumutukoy ito sa panahon, maikli o mahaba, sa walang-patid na lawig niyaon; . . . ngunit lalo na sa panahon bilang isang kalagayan na sa ilalim niyao’y umiiral ang lahat ng mga bagay na nilalang, at ang haba ng kanilang pag-iral . . . Palibhasa’y nagpapahiwatig ng panahon, sa kasalukuyan ay tumutukoy ito sa lahat ng bagay na umiiral sa sanlibutan sa ilalim ng mga kalagayan ng panahon; . . . at gayundin, sa mas etikal na pangmalas, sa landas at agos ng mga pangyayari sa sanlibutang ito.” Bilang suporta sa huling nabanggit na diwa, sinipi niya ang katuturang ibinigay ng Alemang iskolar na si C. L. W. Grimm: “Ang kabuuan niyaong malinaw na nahahayag sa paglipas ng panahon.”—Synonyms of the New Testament, London, 1961, p. 202, 203.
Samakatuwid, ang saligang diwa ng ai·onʹ ay “edad [age],” o “yugto ng pag-iral,” at sa Kasulatan, kadalasa’y tumutukoy ito sa isang mahabang yugto ng panahon (Gaw 3:21; 15:18), pati na sa isang walang-katapusang yugto ng panahon, samakatuwid nga, magpakailanman, walang hanggan. (Mar 3:29; 11:14; Heb 13:8) Para sa mga diwang ito, tingnan ang artikulong EDAD. Gayunman, sa artikulong ito ay isasaalang-alang natin ang diwa ng termino na tinalakay sa huling bahagi ng katuturang sinipi sa naunang parapo.
Bilang pantulong sa pag-unawa sa diwang ito, alalahanin natin ang ilang gamit ng mga terminong “age,” “era,” at “epoch” sa Ingles. Maaaring banggitin ang isang age, era, o epoch sa diwa na isang yugto ng panahon sa kasaysayan na ang pagkakakilanlan ay isang naiibang pagsulong o takbo ng mga pangyayari o makikilala dahil sa isang prominenteng tauhan o tipikong katangian o mga katangian. Halimbawa, nariyan ang “Age of Exploration,” na tumutukoy sa panahon nina Columbus, Magellan, Cook, at iba pang mga manggagalugad sa karagatan, o ang “Ice Age,” ang “Dark Ages,” ang “Victorian Era,” ang “Space Age,” o, kamakailan lamang, ang “Computer Age.” Sa bawat kaso, ang kapansin-pansin ay hindi ang mismong yugto ng panahon kundi ang pagkakakilanlang katangian o mga katangian ng yugtong iyon ng panahon. Ang mga katangiang ito ang nagsisilbing mahahalagang salik, o mga marka, na nagtatakda ng pasimula, lawig, at katapusan ng yugtong iyon. Kung wala ang mga katangiang ito, ang yugtong iyon ay basta panahong lumipas lamang, hindi isang partikular na epoch, era, o age.
Kaya naman, ganito ang isang katuturan ng ai·onʹ na itinala ng Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott: “yugto ng panahon na may malinaw na mga hangganan, ‘epoch,’ edad.” (Nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 45) At ganito ang sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 1, p. 41): “isang edad, era . . . [ito’y] tumutukoy sa isang yugto na may habang walang takda, o isang panahon kung mamalasin ayon sa mga pangyayaring nagaganap sa yugtong iyon.”
Kaya naman, kapag sa isang teksto ay mas prominente ang mga pagkakakilanlang katangian ng isang yugto kaysa sa mismong panahon, ang ai·onʹ ay maaaring isalin bilang “sistema ng mga bagay” o “kalakaran.” Makikita sa Galacia 1:4 na makatuwiran itong gawin, kung saan isinulat ng apostol: “Ibinigay niya ang kaniyang sarili para sa ating mga kasalanan upang mahango niya tayo mula sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay [isang anyo ng ai·onʹ] ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” Dito, isinalin ng maraming bersiyon ang ai·onʹ bilang “edad,” ngunit maliwanag na hindi hinango ng haing pantubos ni Kristo ang mga Kristiyano mula sa isang edad o yugto ng panahon, sapagkat patuloy silang namuhay sa edad na iyon gaya ng iba pa sa sangkatauhan. Subalit sila’y hinango mula sa kalakaran o sistema ng mga bagay na umiiral noong yugtong iyon ng panahon at nagsisilbing pagkakakilanlan niyaon.—Ihambing ang Tit 2:11-14.
Ganito ang isinulat ng apostol sa mga Kristiyanong nasa Roma: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” (Ro 12:2) Hindi ang mismong yugto ng panahon ang nagtatakda ng parisan, o modelo para sa mga tao ng panahong iyon, kundi ang mga pamantayan, mga kaugalian, mga asal, mga kostumbre, mga paraan, pangmalas, istilo, at iba pang mga katangiang pagkakakilanlan ng yugtong iyon ng panahon. Sa Efeso 2:1, 2, tinukoy ng apostol yaong mga sinulatan niya bilang “patay sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan, na siyang nilakaran ninyo noong una ayon sa sistema ng mga bagay [“bilang pagsunod sa daan,” JB; “bilang pagsunod sa landas,” RS] ng sanlibutang ito.” Bilang komento sa tekstong ito, ipinakikita ng The Expositor’s Greek Testament (Tomo III, p. 283) na hindi lamang panahon ang tangi o pangunahing salik na itinatawid dito ng ai·onʹ. Bilang suporta sa pagkakasalin ng ai·onʹ bilang “landas,” sinasabi nito: “Ipinahihiwatig ng salitang iyan ang tatlong ideya ng kalagayan, pagsulong, at pagkapanandalian. Ang landas na ito ng isang masamang sanlibutan ay kasamaan mismo, at ang mamuhay kasuwato nito ay pamumuhay sa pagkakamali at mga kasalanan.”—Inedit ni W. Nicoll, 1967.
Mga Edad, mga Kalakaran, mga Sistema ng mga Bagay. May iba’t ibang sistema ng mga bagay, o namamayaning mga kalakaran ng mga bagay-bagay, na umiral na o iiral pa lamang. Maliwanag na yaong mga paiiralin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak ay matuwid na mga sistema ng mga bagay.
Halimbawa, sa pamamagitan ng tipang Kautusan, pinasimulan ng Diyos ang tinaguriang Israelite Epoch o Jewish Epoch. Gayunman, dito muli, ang ipinagkaiba ng yugtong ito ng kasaysayan (kung tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan) ay ang kalakaran ng mga bagay-bagay at ang mga pagkakakilanlang katangiang dulot ng tipang Kautusan. Kabilang sa mga katangiang iyon ang isang pagkasaserdote; isang sistema ng paghahain at mga tagubilin sa pagkain at gayundin ang isang sistema ng pagsamba sa tabernakulo at sa templo na may kalakip na mga kapistahan at mga sabbath, na pawang nagsilbing makahulang mga sagisag at mga anino; at gayundin ang isang pambansang sistema na nang maglao’y pinamahalaan ng isang taong hari. Gayunman, nang ihula ng Diyos ang isang bagong tipan (Jer 31:31-34), sa diwa ay naging lipas na ang lumang tipan, bagaman pinahintulutan pa ito ng Diyos na umiral sa loob ng maraming siglo. (Heb 8:13) Pagkatapos, noong 33 C.E., winakasan ng Diyos ang tipang Kautusan sa pamamagitan ng makasagisag na pagpapako niya nito sa pahirapang tulos ng kaniyang Anak.—Col 2:13-17.
Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng Hebreo 9:26 na “inihayag [ni Kristo] ang kaniyang sarili nang minsanan sa katapusan ng mga sistema ng mga bagay upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili.” Gayunman, ang mga pagkakakilanlang katangian ng edad o epoch na iyon ay sumapit lamang sa kanilang lubos na kawakasan noong 70 C.E., nang mawasak ang Jerusalem at ang templo nito at mangalat ang bayang Judio. Bagaman tatlong taon pa ang lumipas bago bumagsak sa mga Romano ang huling moog ng Judea (sa Masada) noong 73 C.E., ang kapahamakan noong 70 C.E. ang siyang tuluyang tumapos sa Judiong pagkasaserdote, mga hain, at pagsamba sa templo na itinakda sa Kautusan. Winakasan din nito ang pambansang kaayusan ng mga Judio na itinatag ng Diyos. Walang alinlangang dahil dito kung kaya, maraming taon pagkamatay ni Kristo ngunit bago wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, nailahad ng apostol ang ilang nakalipas na kasaysayan ng Israel at nasabi niya: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—1Co 10:11; ihambing ang Mat 24:3; 1Pe 4:7.
Sa pamamagitan ng kaniyang haing pantubos at ng bagong tipan na binigyang-bisa nito, si Jesu-Kristo ay ginamit ng Diyos upang magpasinaya ng isang naiibang sistema ng mga bagay, kung saan pangunahing kasangkot ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Heb 8:7-13) Ito ang nagsilbing pasimula ng isang bagong epoch, na ang pagkakakilanlan ay ang katuparan ng mga bagay na patiunang inilarawan ng tipang Kautusan. Pinangyari nito ang isang ministeryo ng pakikipagkasundo, ang pinag-ibayong mga gawain, o pagkilos, ng banal na espiritu ng Diyos, ang pagsamba sa pamamagitan ng isang espirituwal na templo lakip ang espirituwal na mga hain (1Pe 2:5) sa halip na isang literal na templo at mga haing hayop; at pinangyari nito ang mga pagsisiwalat ng layunin ng Diyos at isang kaugnayan sa Diyos na nangangahulugan ng isang bagong paraan ng pamumuhay para sa mga kabilang sa bagong tipan. Ang lahat ng mga ito ay mga katangiang pagkakakilanlan ng sistemang iyon ng mga bagay na pinasimulan ni Kristo.
Likong Edad, o Sistema ng mga Bagay. Nang sumulat si Pablo kay Timoteo tungkol doon sa “mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay,” tiyak na hindi ang Judiong sistema ng mga bagay, o epoch, ang tinutukoy niya, sapagkat sa ministeryo ni Timoteo, siya’y nakikitungo hindi lamang sa mga Judiong Kristiyano kundi pati sa maraming Kristiyanong Gentil, at malayong mangyari na matatali sa Judiong sistema ng mga bagay ang kayamanan ng alinman sa mga Kristiyanong Gentil na ito. (1Ti 6:17) Sa katulad na paraan, nang sabihin ni Pablo na pinabayaan siya ni Demas “sa dahilang inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay,” maliwanag na hindi ibig sabihin ni Pablo na inibig ni Demas ang Judiong sistema ng mga bagay kundi sa halip, inibig niya ang namamayaning kalakaran ng mga bagay-bagay sa sanlibutan at ang makasanlibutang paraan ng pamumuhay.—2Ti 4:10; ihambing ang Mat 13:22.
Umiiral na ang makasanlibutang ai·onʹ, o sistema ng mga bagay, bago pa man ipinakilala ang tipang Kautusan. Nagpatuloy ito kasabay ng ai·onʹ ng tipang iyon, at namalagi ito kahit nagwakas na ang ai·onʹ, o kalakaran ng mga bagay-bagay, na pinasimulan ng tipang Kautusan. Maliwanag na ang makasanlibutang ai·onʹ ay nagsimula ilang panahon pagkatapos ng Baha, nang lumitaw ang isang likong paraan ng pamumuhay, na ang pagkakakilanlan ay pagkakasala at paghihimagsik sa Diyos at sa kaniyang kalooban. Kaya naman, masasabi ni Pablo na binulag ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, anupat maliwanag na tinutukoy niya si Satanas na Diyablo. (2Co 4:4; ihambing ang Ju 12:31.) Ang pamumuno at impluwensiya ni Satanas ang pangunahing humuhubog sa makasanlibutang ai·onʹ at nagbibigay rito ng naiibang mga katangian at espiritu nito. (Ihambing ang Efe 2:1, 2.) Bilang komento sa Roma 12:2, ganito ang sabi ng The Expositor’s Greek Testament (Tomo II, p. 688): “Kahit ang tila o pakunwaring pag-ayon sa isang sistemang kontrolado ng gayong espiritu, lalo na ang aktuwal na pagtanggap sa mga pamamaraan nito, ay nakamamatay sa buhay Kristiyano.” Ang makasanlibutang ai·onʹ na iyon ay magpapatuloy pa nang mahabang panahon pagkatapos ng mga araw ng apostol.
Halimbawa, sa Mateo 13:37-43, nang ipinaliliwanag niya ang isang talinghaga, sinabi ni Jesus na “ang bukid ay ang sanlibutan [koʹsmos]; . . . Ang pag-aani ay katapusan ng isang sistema ng mga bagay [isang anyo ng ai·onʹ] . . . Samakatuwid, kung paanong ang mga panirang-damo ay tinitipon at sinusunog sa apoy, gayon ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” May mga salin, gaya ng King James Version, na gumamit ng “sanlibutan” bilang salin kapuwa ng koʹsmos at ai·onʹ sa mga talatang ito. Gayunman, sa ilustrasyon, maliwanag na hindi naman ang “bukid,” na kumakatawan sa “sanlibutan,” ang sinusunog ng magsasaka, kundi ang mga panirang-damo lamang. Samakatuwid, ang nagwawakas, o ‘nagtatapos,’ ay hindi ang “sanlibutan” (koʹsmos) kundi ang “sistema ng mga bagay” (ai·onʹ). Ganito ang pagkakasalin ni George Campbell sa mga talatang ito: “Ang bukid ay ang sanlibutan . . . ang pag-aani ay ang katapusan ng kalakarang ito . . . magkakagayon sa katapusan ng kalakarang ito.”—The Four Gospels, London, 1834.
Ipinaliwanag ni Jesus na ang trigo ay kumakatawan sa tunay na mga pinahirang Kristiyano, ang tunay na mga alagad, samantalang ang mga panirang-damo ay kumakatawan sa mga imitasyong Kristiyano. Kaya naman, sa kasong ito, ang katapusan ng sistema ng mga bagay, na inilarawan bilang pag-aani, ay hindi tumutukoy sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay, ni sa katapusan ng “kalakaran” na doo’y tumubong magkakasama at di-nagagambala ang “trigo” at ang “panirang-damo.” Sa halip, tiyak na tumutukoy ito sa pagwawakas ng sistema ng mga bagay na nang maglao’y tinukoy ng apostol, samakatuwid nga, ang “kasalukuyang sistema ng mga bagay” na kakikitaan ng pamumuno ni Satanas. (1Ti 6:17) Gayundin naman ang kaso ng karagdagang ilustrasyong ibinigay ni Jesus may kinalaman sa lambat na pangubkob at sa pagbubukud-bukod ng mga isda, anupat ipinakikita nito kung ano “ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: lalabas ang mga anghel at ibubukod ang mga balakyot mula sa mga matuwid.” (Mat 13:47-50) Nang maglaon, walang alinlangang nasa isip ng mga alagad ang mga sinabing ito ni Jesus nang magtanong sila tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ (Mat 24:3) Tiyak na ang pangako ni Jesus na siya’y sasakaniyang mga alagad sa kanilang paggawa ng alagad hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay ay tumutukoy rin sa katapusan ng kalakaran ng mga bagay-bagay na resulta ng pamumuno ni Satanas.—Mat 28:19, 20.
Ang iba pang halimbawa ng mga teksto kung saan ang ai·onʹ ay tumutukoy sa gayong balakyot na sistema ng mga bagay ay ang Lucas 16:8; 1 Corinto 1:20; 2:6, 8; 3:18; Efeso 1:21.
Ang Darating na Sistema ng mga Bagay. Sa Mateo 12:32, sinabi ni Jesus na ang sinumang nagsasalita laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin sa “sistemang ito ng mga bagay ni doon sa darating.” Baka isiping ito’y tumutukoy sa Judiong sistema ng mga bagay at sa noo’y panghinaharap na sistema ng mga bagay na pasisinayaan ni Kristo sa pamamagitan ng bagong tipan. Gayunman, ipinahihiwatig ng katibayan na ang tinutukoy niya ay ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay at isang sistema ng mga bagay na magsisimula sa katapusan ng balakyot na sistemang iyon ng mga bagay. Tinukoy niya ang panghinaharap na kalakarang iyon nang mangako siya na yaong mga mag-iiwan ng tahanan at pamilya alang-alang sa Kaharian ng Diyos ay tatanggap ng “lalong marami pa sa yugtong ito ng panahon [isang anyo ng kai·rosʹ, nangangahulugang “itinakdang panahon”], at sa darating na sistema ng mga bagay [isang anyo ng ai·onʹ] ay ng buhay na walang hanggan.” (Luc 18:29, 30) Sa darating na sistemang iyon ng mga bagay, ang mga tao ay tatanggap ng pagkabuhay-muli at may pagkakataong mapabilang sa mga anak ng Diyos. (Luc 20:34, 35) Ginamit ang anyong pangmaramihan ng ai·onʹ sa Efeso 2:7 nang tukuyin ang “darating na mga sistema ng mga bagay” kung saan mararanasan ng mga pinahirang Kristiyano ang nakahihigit na saganang pagpapakita ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa kanila “kaisa ni Kristo Jesus.” (Ihambing ang Efe 1:18-23; Heb 6:4, 5.) Ipinahihiwatig nito na magkakaroon ng mga sistema ng mga bagay, o mga kalakaran, sa loob ng pangkalahatang “darating na sistema ng mga bagay” na iyon, kung paanong ang sistema ng mga bagay sa ilalim ng tipang Kautusan ay sumaklaw ng kaugnay at kasabay nitong mga sistema, gaya ng natalakay na.
‘Inaayos’ ng Diyos ang “mga Sistema ng mga Bagay.” Ganito ang sabi ng Hebreo 11:3: “Sa pananampalataya ay ating napag-uunawa na ang mga sistema ng mga bagay [anyong pangmaramihan ng ai·onʹ] ay iniayos sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupat ang nakikita ay umiral mula sa mga bagay na hindi nakikita.” Ipinapalagay ng marami na ito at ang teksto sa Hebreo 1:2 ay magkatulad sa paggamit ng anyong pangmaramihan ng ai·onʹ. Sinasabi roon na si Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, “na inatasan niyang tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ay kaniyang ginawa ang mga sistema ng mga bagay.” Iba’t iba ang naging pagkaunawa sa partikular na kahulugan ng salitang Griego na ai·onʹ sa dalawang talatang ito.
Ang isang paraan ng pag-intindi sa mga ito ay ang ituring na ang terminong Griego ay tumutukoy sa mga pagkakakilanlang katangian ng isang yugto ng panahon. Sa Hebreo kabanata 11, tinatalakay ng kinasihang manunulat kung paanong sa pamamagitan ng pananampalataya, “pinatotohanan ang mga tao ng sinaunang mga panahon.” (Tal 2) Pagkatapos, sa kaniyang sumunod na mga salita, binanggit niya ang mga halimbawa ng mga taong tapat noong panahon bago ang Baha, noong epoch ng mga patriyarka, at noong yugto ng pakikipagtipan ng Israel sa Diyos. Sa lahat ng magkakaibang mga yugtong ito, at sa pamamagitan ng mga pangyayaring naganap, nabuo, at naisagawa sa mga ito, isinasakatuparan ng Diyos ang kaniyang layunin na alisin ang paghihimagsik at maglaan ng daan para sa pakikipagkasundo sa kaniya ng karapat-dapat na mga tao sa pamamagitan ng sunud-sunod na “mga sistema ng mga bagay.” Kaya ang mga taong iyon noong sinauna ay kailangang manampalataya, at nanampalataya naman sila, na talagang pinapatnubayan ng di-nakikitang Diyos ang mga bagay-bagay sa maayos na paraan. Naniwala sila na siya ang di-nakikitang Maygawa ng iba’t ibang mga sistema ng mga bagay at na ang tunguhing inaabot nila, ang “katuparan ng pangako,” ay tiyak na matutupad sa takdang panahon ng Diyos. Sa pananampalataya, inasam nila ang higit pang katuparan ng layunin ng Diyos, na kinabibilangan ng sistema ng mga bagay na iniluwal ng bagong tipan na salig sa hain ni Jesus.—Heb 11:39, 40; 12:1, 18-28.
Ang isa pang paraan ng pag-intindi sa pagkakagamit sa ai·onʹ sa Hebreo 1:2 at 11:3 ay na katumbas ito ng Griegong termino na koʹsmos sa diwang sanlibutan o sansinukob, samakatuwid nga, ang kabuuan ng mga bagay na nilalang, lakip na ang araw, buwan, mga bituin, at ang lupa mismo. Ang pangmalas na ito ay maliwanag na sinusuportahan ng pananalitang nasa Hebreo 11:3 na “ang nakikita ay umiral mula sa mga bagay na hindi nakikita.” Maaari ring intindihin ang talatang ito bilang isang pagtukoy sa ulat ng paglalang sa Genesis, na makatuwiran lamang na mauna sa pagbanggit ni Pablo kina Abel (tal 4), Enoc (tal 5, 6), at Noe (tal 7). Kaya naman, maaaring pinalalawak ni Pablo ang ibinigay niyang katuturan ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagtukoy sa pag-iral ng sansinukob na binubuo ng araw, buwan, at mga bituin bilang malinaw na ebidensiya na mayroong Maylalang.—Ihambing ang Ro 1:20.
Sa Hebreong Kasulatan. Ang kahulugan ng terminong Hebreo na cheʹledh ay katulad ng sa ai·onʹ, at sa ilang teksto ay tumutukoy ito sa “lawig ng buhay.” (Job 11:17; Aw 39:5; 89:47) Gayunman, sa ibang teksto, lumilitaw na ang pangunahing tinutukoy nito ay ang mga katangian ng yugto ng panahon, anupat maaari itong isalin bilang “sistema ng mga bagay.” (Aw 17:13, 14; 49:1) May mga bersiyon na gumamit ng salitang “sanlibutan” bilang salin ng terminong ito sa huling nabanggit na mga teksto, ngunit waring hindi natutumbok ng pagkakasaling ito ang diwang ipinahihiwatig, samakatuwid nga, ang diwa ng panahon na nagpapatuloy.