-
Tumingin sa Kabila Pa Roon ng mga Bagay na Iyong Nakikita!Ang Bantayan—1996 | Pebrero 15
-
-
Sa kabila ng gayong mga kalagayan, nanatiling matatag ang tapat na mga alagad. Taglay ang matibay na pananampalataya sa Diyos, masasabi nga nila ang gaya ng nasabi ni Pablo: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit na ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.” Subalit ano ang nagpangyari ng ganitong pagbabago sa araw-araw? Nagpatuloy pa si Pablo sa pagsasabi: “Sapagkat bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, nagsasagawa ito sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo at lalo pang nakahihigit na bigat at walang-hanggan; habang itinutuon namin ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.”—2 Corinto 4:16-18.
-
-
Tumingin sa Kabila Pa Roon ng mga Bagay na Iyong Nakikita!Ang Bantayan—1996 | Pebrero 15
-
-
Malasin na Panandalian Lamang ang Kasalukuyang mga Kapighatian!
Gusto man natin o hindi, araw-araw nating nakikita ang mga bagay na hindi natin nanaising makita. Ang isang sulyap sa salamin ay magpapakita ng di-kanais-nais na mga depekto at pilat sa katawan, na nagpapahiwatig ng di-kasakdalan sa pisikal. Kapag nagmamasid tayo sa salamin ng Salita ng Diyos, nakikita natin ang espirituwal na mga depekto at pilat, kapuwa ng ating sarili at ng iba. (Santiago 1:22-25) At kapag tinitingnan natin ang pang-araw-araw na pahayagan o ang palabas sa telebisyon, nanlulumo tayo sa kawalang-katarungan, kalupitan, at trahedya na nakikita natin.
Ibig ni Satanas na masiraan tayo ng loob dahil sa mga bagay na nakikita natin o mailihis tayo at magsimulang matinag ang ating pananampalataya. Papaano natin maiiwasang mangyari ito? Kailangang sundin natin ang halimbawang iniwan ni Jesu-Kristo, gaya ng inirekomenda ni apostol Pedro nang sabihin niya: “Sa katunayan, sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Sa bawat pitak ng Kristiyanong pamumuhay, si Jesus ang sakdal na halimbawa.
Sa pagtukoy kay Jesus bilang ating huwaran, partikular na binanggit ni Pedro na si Jesus ay nagdusa. Tunay, si Jesus ay nagdusa nang labis nang siya’y nasa lupa. Bilang “dalubhasang manggagawa” ni Jehova na naroon nang lalangin ang sangkatauhan, alam na alam niya kung ano ang nilayon ng Diyos para sa mga tao. (Kawikaan 8:30, 31) Subalit ngayon ay tuwirang nakita niya kung ano ang idinulot sa kanila ng kasalanan at di-kasakdalan. Sa araw-araw ay nakita niya at kinailangan niyang harapin ang di-kasakdalan at kahinaan ng mga tao. Tiyak na iyan ay naging napakahirap para sa kaniya.—Mateo 9:36; Marcos 6:34.
Bukod pa sa kapighatian ng iba, dumanas din si Jesus ng sariling kapighatian. (Hebreo 5:7, 8) Ngunit taglay ang sakdal na espirituwal na paningin, tumingin siya sa kabila pa ng mga ito upang makita ang gantimpala ng pagiging itinaas sa imortal na buhay dahil sa kaniyang landasin ng katapatan. Sa panahong iyon bilang Mesianikong Hari, magkakaroon siya ng pribilehiyo na hanguin ang namimighating sangkatauhan buhat sa abang kalagayan nito tungo sa kasakdalan na unang nilayon ni Jehova. Ang pagpapako ng kaniyang paningin sa di-nakikitang pag-asang ito sa hinaharap ang siyang nakatulong sa kaniya na panatilihin ang kagalakan sa maka-Diyos na paglilingkuran sa kabila ng mga kapighatiang nakikita niya sa araw-araw. Isinulat ni Pablo nang bandang huli: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.”—Hebreo 12:2.
Hindi kailanman pinahintulutan ni Jesus na ang mga kahirapan at maiigting na kalagayan ay magpahina ng kaniyang loob, maglihis sa kaniya, o tuminag ng kaniyang pananampalataya. Bilang kaniyang mga alagad, dapat nating maingat na tularan ang kaniyang napakahusay na halimbawa.—Mateo 16:24.
-