Makasusumpong Ka ng Kaaliwan sa Panahon ng Pagkabagabag
PAPAANO natin dapat malasin ang pagkabagabag? Kung tayo’y nag-alay kay Jehova, dapat ba nating malasin ito bilang kakatuwa dahilan sa ating kahanga-hangang pag-asa at sa ating espirituwal na kayamanan? Ang ganiyan bang mga damdamin ay nangangahulugan na tayo ay hindi nababagay sa paglilingkod sa Diyos dahil sa ating espirituwalidad?
“Si Elias ay isang taong may damdamin na katulad ng sa atin,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 5:17) Kahit na ginamit ng Diyos si Elias sa isang pambihirang paraan, ang tapat na propetang iyan ay nakadama rin ng pagkabagabag. “Sapat na!” ang minsan ay naibulalas ni Elias. “Ngayon, Oh Jehova, kunin mo na ang aking kaluluwa, sapagkat ako’y hindi na hihigit pa kaysa aking ninuno.” (1 Hari 19:4) Ang tapat na taong si Job, ang tapat na babaing si Ana, at iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nakaranas ng pagkabagabag. Maging ang maka-Diyos na salmistang si David ay nanalangin: “Ang pagkabagabag ng aking puso ay lumaki; Oh hanguin mo ako sa aking mga kagipitan.”—Awit 25:17.
Hindi dahil sa ginagamit ni Jehova ang mga tao sa paglilingkod sa kaniya ay wala na silang dapat intindihin. Sila ay mayroon pa ring mga kahinaan at damdamin at makararanas ng pagkabagabag pagka nasa pagsubok. (Gawa 14:15) Gayumpaman, ang mga lingkod ng Diyos ay may lalong mainam na tulong kaysa iba sa pagharap sa kabagabagan. Ating isaalang-alang ang ilang mga halimbawa sa Kasulatan upang makita kung ano ang tumulong sa ilan upang madaig ang kanilang panlulumo at pagkabagabag.
Nakasumpong ng Kaaliwan ang Nababagabag na Apostol
Batid ni apostol Pablo kung ano ang damdamin ng isang nanlulumo. “Sa katunayan,” sabi niya, “nang kami’y dumating sa Macedonia, ang aming laman ay hindi nagkaroon ng katiwasayan . . . Sa labas ay may mga pagbabaka, sa loob ay mga pagkatakot. Gayunman ang Diyos, na umaaliw sa mga nanlulupaypay, ang umaliw sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito.” (2 Corinto 7:5, 6) Ang panlulumo ni Pablo ay dahil sa ilang nakababagabag na mga kalagayan na nagaganap nang magkakasabay. May ‘mga pagbabaka sa labas’—matitinding pag-uusig na nagsasapanganib ng mismong buhay. (Ihambing ang 2 Corinto 1:8.) Gayundin, may ‘mga pagkatakot sa loob’ na may kinalaman sa mga pagkabalisa tungkol sa mga kongregasyon, tulad halimbawa niyaong nasa Corinto.
Mga ilang buwan bago pa noon, isinulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Corinto. Doon ay kaniyang kinondena ang ilang masasamang kalagayan sa kongregasyon at waring nababahala siya tungkol sa kung papaano maaapektuhan ng kaniyang liham ang mga taga-Corinto. Subalit, naaliw si Pablo nang dumating si Tito galing sa Corinto taglay ang isang magandang ulat tungkol sa kanilang tugon. Sa katulad na paraan, maaaring gumamit si Jehova ng isa sa kaniyang kasalukuyang mga lingkod upang magdala ng magandang balita at makabawas iyon sa ating pagkabalisa.
Kung Papaano Mamalasin ang Bigay-Diyos na mga Atas
May mga Kristiyano na medyo nababagabag kung tungkol sa kanilang ministeryo. Oo, ang ilan sa mga lingkod ni Jehova ay may palagay na totoong maraming kahilingan para sa kanila ang bigay-Diyos na mga atas. Halimbawa, inisip ni Moises na hindi siya karapat-dapat maging kinatawan ng Diyos alang-alang sa mga Israelita sa Ehipto. Kabilang sa iba pang mga bagay, sinabi niya na hindi siya mahusay magsalita. (Exodo 3:11; 4:10) Subalit sa pagtitiwala sa Diyos at dahil sa si Aaron ang kaniyang ginawang tagapagsalita, si Moises ay nakapagsimula ng pagtupad sa iniatas sa kaniya.
Dumating ang panahon na hindi na umasa si Moises kay Aaron. Sa katulad na paraan, sa simula ay iniisip ng iba na mahirap ang ministeryong Kristiyano, subalit sila’y sinasanay at nagiging bihasang mga ebanghelisador. Halimbawa, maraming kabataang mga Saksi ni Jehova ang nagsilaki na upang maging buong-panahong mga mángangarál bilang mga payunir at mga misyonero. Nakaaaliw na malaman na laging maaasahan si Jehova upang tumulong para maging kuwalipikado ang mga ministrong Kristiyano at magampanan nila ang kanilang bigay-Diyos na mga atas.—Zacarias 4:6; 2 Corinto 2:14-17; Filipos 4:13.
Kaaliwan Pagka Binabagabag ng Panghihinayang
Baka tayo nasisiraan ng loob dahil sa pinanghihinayangan natin na hindi tayo nakagawa nang higit pa sa paglilingkuran sa Diyos. Isang kapatid na lalaking huminto ng paglilingkod nang kung ilang mga taon ang minsan pa’y nagsimulang makibahagi sa ministeryo sa larangan. Hindi nagtagal pagkatapos, siya’y nagkasakit nang malubha at hindi na gumaling. Ang pinanghinaan ng loob na kapatid ay nagsabi: “Noon, na dapat sana’y naglilingkod ako, nilayuan ko ang pananagutan. Ngayon, na ibig kong maglingkod, wala na akong kakayahang gawin iyan.”
Hindi ba pinakamatalino na gawin ang pinakamagaling na magagawa natin ngayon sa halip na gugulin pa ang ating emosyonal na lakas ng pagbabalik-tanaw sa nangyari noong nakalipas? Ang mga kapatid ni Jesus sa ina na sina Santiago at Judas ay hindi naging mga mananampalataya kundi pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Kung sakaling sila’y may panghihinayang tungkol dito, hindi iyon nakapigil sa kanila sa pagiging mga lingkod ng Diyos at maging sa pagiging mga manunulat ng Bibliya.
Huwag Kaliligtaan ang Pananalangin
Pagka nababagabag, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat manalangin nang buong ningas. Sa katunayan, sa Kasulatan ay maraming mga panalangin ang binigkas sa panahon ng pagkabagabag. (1 Samuel 1:4-20; Awit 42:8) Marahil ay iisipin ng ilan: ‘Ako’y totoong nanlulumo anupat hindi ako makapanalangin.’ Kung gayon ay bakit hindi isaalang-alang si Jonas? Nang siya’y nasa tiyan ng isda, sinabi niya: “Nang ang aking kaluluwa ay nanlulupaypay sa loob ko, si Jehova ang Isang naalaala ko. At ang aking dalangin ay umabot sa iyo, sa loob ng iyong banal na templo. . . . Sa tinig ng pasasalamat ay maghahain ako sa iyo. Yaong aking ipinanata, aking tutuparin. Ang kaligtasan ay nanggagaling kay Jehova.” (Jonas 2:4-9) Oo, si Jonas ay nanalangin, at siya ay inaliw at iniligtas ng Diyos.
At bagaman isang sister sa Sweden ang nagpayunir na nang maraming taon, siya’y biglang nawalan ng sigla at nanlupaypay bagaman mabunga ang kaniyang ministeryo. Sa panalangin kay Jehova ay binanggit niya ang panghihina ng kaniyang loob. Makalipas ang ilang araw, siya’y tinawagan sa telepono ng isang kapatid na lalaki sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society. Tinanong siya kung maaaring makatulong doon nang mga isang araw sa isang linggo sa pinalalakihang Bethel. Nang bandang huli ay ganito ang sabi ng sister na ito: “Ang kalagayan sa Bethel at ang pagkakataon na makita ang karagdagang konstruksiyon na iyon at pakikibahagi roon ang nagbigay sa akin ng karagdagang lakas na kailangan ko.”
Kung tayo ay nanlulumo, mabuting tandaan na ang pananalangin ay isa sa mga paraan ng pagbaka sa panlulumo. (Colosas 4:2) Bilang sagot sa ating mga panalangin, baka buksan ni Jehova ang isang pintuan patungo sa lalong higit na gawain pa sa paglilingkod sa kaniya, o maaaring gawin niyang lalong mabunga ang ating ministeryo. (1 Corinto 16:8, 9) Ano man iyon, “ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22) Ito ang tiyak na magpapasaya sa atin.
Binabagabag ba ng Pag-aalinlangan?
Manaka-naka, ang isa sa mga lingkod ni Jehova ay maaaring may mga pag-aalinlangan. Kung iyan ay mangyayari sa atin, hindi tayo dapat karaka-rakang manghihinuha na tayo’y nawala na sa pabor ng Diyos. Hindi tinanggihan ni Jesus ang apostol na si Tomas dahil sa pag-aalinlangan sa mga ibinalita ng mga saksi sa pagkabuhay-muli ng kaniyang Panginoon. Sa halip, maibiging tinulungan ni Jesus si Tomas na mapagtagumpayan ang kaniyang mga pag-aalinlangan. At anong laki ng katuwaan ni Tomas nang kaniyang matalos na buháy na nga si Jesus!—Juan 20:24-29.
Dahilan sa kanilang kasinungalingang turo, pagbubulung-bulungan, at iba pa, “ang mga taong masasama” na lihim na pumasok sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay humila sa iba na magkaroon ng mga nakababagabag na mga pag-aalinlangan. Kaya naman, sumulat ang alagad na si Judas: “Patuloy na magpakita ng awa sa ilan na may mga pag-aalinlangan; iligtas sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila sa apoy.” (Judas 3, 4, 16, 22, 23) Upang patuloy na tumanggap ng awa ng Diyos, ang mga kapananampalataya ni Judas—lalo na ang matatanda sa kongregasyon—ay kailangang magpakita ng awa sa nag-aalinlangan na nangangailangan niyaon. (Santiago 2:13) Nakataya ang kanilang buhay na walang-hanggan, sapagkat sila’y nanganganib sa “apoy” na walang-hanggang pagkapuksa. (Ihambing ang Mateo 18:8, 9; 25:31-33, 41-46.) At anong laking kagalakan pagka natulungan nang may kabaitan ang mga kapananampalataya na may mga pag-aalinlangan at sila’y tumibay sa espirituwal!
Kung dahil sa nakalulumbay na mga pagsubok ay nag-aalinlangan tayo na sumasaatin ang Diyos, kailangang tayo’y maging espesipiko sa ating mga panalangin. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, tayo’y magtiyaga ng paghingi kay Jehova ng karunungan. Siya’y masaganang nagbibigay nang hindi nanunumbat sa atin sa kakulangan ng karunungan at pananalangin na bigyan tayo niyaon. Tayo’y “patuloy na humingi na may pananampalataya, nang hindi nag-aalinlangan,” sapagkat ang nag-aalinlangan ay “mistulang alon sa dagat na sinisiklut-siklot ng hangin nang paroo’t parito” sa lahat ng direksiyon. Ang gayong mga tao ay walang natatamong anuman sa Diyos sapagkat sila’y nasa alanganin, “di-matatag” sa pananalangin at sa lahat ng kanilang mga lakad. (Santiago 1:5-8) Kaya sumampalataya tayo na tutulungan tayo ni Jehova upang malasin sa tamang paraan ang ating kinasusuungang mga pagsubok at pagtiisan ang mga iyan. Maaaring may mga teksto sa Kasulatan na itawag pansin sa atin ng mga kapananampalataya o sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mga pangyayaring minaniobra sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ay maaaring tumulong sa atin na makita kung ano ang dapat nating gawin. Maaaring may mga anghel na makisali sa pag-akay sa atin, o tayo’y maaaring tumanggap ng patnubay ng banal na espiritu. (Hebreo 1:14) Ang mahalagang bagay ay manalangin upang humingi ng kanlungan na taglay ang buong pagtitiwala sa ating mapagmahal na Diyos.—Kawikaan 3:5, 6.
Tandaan na si Jehova ay Nagbibigay ng Kaaliwan
Si Pablo ay nanalangin at umasa kay Jehova at batid niya na siya ang Pinagmumulan ng kaaliwan. Ang apostol ay sumulat: “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng malumanay na mga kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anumang kapighatian sa pamamagitan ng pag-aliw na iniaaliw din sa atin ng Diyos.”—2 Corinto 1:3, 4.
Ang Diyos ng buong kaaliwan ay nakababatid ng pagkabagabag na dinaranas ng kaniyang mga lingkod at nais niya na bigyan sila ng kaginhawahan. Kung tungkol sa pagkabahala ni Pablo sa mga taga-Corinto, ang tulong ay dumating sa pamamagitan ng kaniyang kasamang Kristiyano na si Tito. Isang paraan ito na tayo’y maaaring maaliw sa ngayon. Pagka tayo’y nababagabag, iwasan natin kung gayon na ibukod ang ating sarili. (Kawikaan 18:1) Ang pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano ay isa sa mga paraan ng pag-aliw sa atin ng Diyos. Baka isipin natin: ‘Ako’y totoong nasisiraan ng loob na anupat wala akong sapat na lakas upang makisama sa aking mga kaibigang Kristiyano.’ Subalit, labanan natin ang ganiyang mga damdamin at huwag nating ipagkait sa ating sarili ang kaaliwan na maibibigay ng ating mga kapananampalataya.
Huwag Susuko!
Ang iba sa atin ay maaaring hindi naman nakaranas ng pagsubok na mayroong ganiyang epekto na anupat tayo’y dumanas ng matinding panlulumo. Subalit ang malubhang pagkakasakit, ang pagkamatay ng isang kabiyak, o ng anumang napakahirap na kalagayan ay maaaring magdulot ng pagkabagabag ng damdamin. Kung sakaling mangyari iyan, huwag tayong manghinuha na tayo’y maysakit sa espirituwal. Ang isang taong nanlulumo ay maaaring lubhang kuwalipikado sa paglilingkod sa Diyos, anupat natutulungan pa niya ang iba kung tungkol sa espirituwalidad. Ipinayo ni Pablo sa mga kapatid na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo,” hindi naghihinalang sila’y gumawa ng isang bagay na mali at maysakit sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:14) Bagaman ang panlulumo ay kung minsan may kaugnayan sa maling gawain at pagkakasala, hindi totoo iyan kung tungkol sa mga naglilingkod sa Diyos na taglay ang malinis na puso. Ang kanilang pagsamba, marahil sa kabila ng sukdulang kahirapan, ay nakalulugod kay Jehova. Sila’y kaniyang iniibig at tinutulungan sa kanilang pangangailangan at inaaliw.—Awit 121:1-3.
Yaong bumubuo ng nalabi ng espirituwal na Israel ay lubhang binagabag ng mga pagsubok noong taóng 1918. (Ihambing ang Galacia 6:16.) Ang kanilang organisasyon sa pangangaral ay halos nawasak, ang ilan sa kanila ay ibinilanggo dahil sa maling paratang, at marami sa kanilang dating mga kasamahan ang nagsitalikod sa kanila, naging mga apostatang mananalansang. Isa pa, ang tapat na mga pinahiran ay hindi nagkaroon ng unawa kung bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. Sa sandaling panahon ‘sila’y naghasik ng binhi kasabay ng mga pagluha,’ subalit hindi sila sumuko. Sila’y nagpatuloy ng paglilingkod kay Jehova at sinuri rin naman nila ang kanilang sarili. Ang resulta? Sila ay ‘bumalik na may kagalakan, dala ang kanilang mga inaning tangkas.’ (Awit 126:5, 6) Ngayon ay batid ng nalabi na pinayagan ng Diyos ang gayong mga pagsubok upang dalisayin sila ukol sa kanilang napipintong gawaing pag-aani sa buong daigdig.
Kung tayo’y mababagabag dahilan sa napaliligiran tayo ng sarisaring pagsubok, maaari tayong makinabang sa karanasan ng pinahirang nalabi. Sa halip na sumuko, patuloy na gawin natin ang matuwid, kahit na kung kailangang gawin natin iyon nang umiiyak. Pagdating ng panahon, magkakaroon ng paraan upang tayo’y makalusot sa mga pagsubok, at tayo’y ‘babalik na may kagalakan.’ Oo, ang kagalakan—isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos—ay sasaatin dahil sa napagtiisan natin ang mga pagsubok. Sa ganang atin, tiyak na patutunayan ni Jehova na siya “ang Diyos ng buong kaaliwan.”