Mga Kapatid na Lalaki—Maghasik sa Espiritu at Umabot ng mga Pribilehiyo!
“Siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.”—GAL. 6:8.
1, 2. Paano natutupad ang Mateo 9:37, 38? Ano kung gayon ang kailangan ng mga kongregasyon?
NASASAKSIHAN mo ngayon ang mga pangyayaring hindi malilimot kailanman! Nasa kasagsagan na ang gawaing binanggit ni Jesu-Kristo. “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti,” ang sabi ni Jesus. “Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Ang gayong mga panalangin ay sinasagot ng Diyos na Jehova sa walang katulad na paraan. Noong 2009 taon ng paglilingkod, ang bilang ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nadagdagan ng 2,031, at umabot na ngayon ng 105,298. Mga 757 ang nababautismuhan araw-araw!
2 Dahil sa pagsulong na ito, nagkaroon ng pangangailangan para sa mga kuwalipikadong lalaki na mangunguna sa pagtuturo at pagpapastol sa mga kongregasyon. (Efe. 4:11) Sa nakalipas na mga dekada, nag-atas si Jehova ng mga kuwalipikadong lalaki na mag-aasikaso sa pangangailangan ng kaniyang mga tupa, at nakatitiyak tayo na patuloy niya itong gagawin. Tinitiyak sa atin ng hula sa Mikas 5:5 na sa mga huling araw, ang bayan ni Jehova ay magkakaroon ng “pitong pastol” at “walong duke,” na kumakatawan sa maraming kuwalipikadong lalaki na mangunguna sa kanila.
3. Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng ‘paghahasik may kinalaman sa espiritu.’
3 Kung isa kang lalaking Kristiyano, ano ang makatutulong sa iyo para magkaroon ng hangaring umabot ng mga pribilehiyo sa paglilingkod? Mahalagang tulong ang ‘paghahasik may kinalaman sa espiritu.’ (Gal. 6:8) Nangangahulugan ito ng pagpapaakay sa banal na espiritu ng Diyos. Maging determinado na huwag ‘maghasik may kinalaman sa laman.’ Huwag hayaang pahinain ng maalwang buhay at libangan ang hangarin mong maglingkod sa Diyos. Dapat ‘maghasik may kinalaman sa espiritu’ ang lahat ng Kristiyano. Sa kalaunan, ang mga lalaking gumagawa nito ay maaari na ring maging kuwalipikado sa mga pribilehiyo sa kongregasyon. Dahil kailangang-kailangan ngayon ang mga ministeryal na lingkod at elder, ang artikulong ito ay pangunahin nang para sa mga lalaking Kristiyano. Kaya naman mga kapatid na lalaki, hinihimok namin kayong pag-isipang mabuti ang artikulong ito sa tulong ng panalangin.
Umabot ng Isang Mainam na Gawa
4, 5. (a) Anong mga pribilehiyo sa kongregasyon ang dapat abutin ng mga bautisadong lalaki? (b) Paano maaabot ng isa ang mga pribilehiyo?
4 Hindi basta-basta nagiging tagapangasiwa ang isang brother. Kailangan niyang abutin ang ‘mainam na gawang’ ito. (1 Tim. 3:1) Kasama na rito ang paglilingkod sa kaniyang mga kapananampalataya sa pamamagitan ng taos-pusong pag-aasikaso sa kanilang mga pangangailangan. (Basahin ang Isaias 32:1, 2.) Ang isang lalaking umaabot sa mga pribilehiyo nang may tamang motibo ay hindi ambisyoso. Gustung-gusto lang niyang makatulong sa iba nang walang hinihintay na kapalit.
5 Para maging kuwalipikado bilang ministeryal na lingkod at tagapangasiwa, sinisikap ng isa na abutin ang mga kuwalipikasyong nakasaad sa Kasulatan. (1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Kung isa kang brother, tanungin ang sarili: ‘Lubos ba akong nakikibahagi sa pangangaral, at tinutulungan ko ba ang iba na gawin din ito? Nagpapakita ba ako ng taimtim na interes sa aking mga kapananampalataya para mapatibay sila? Kilala ba ako sa pagiging mabuting estudyante ng Salita ng Diyos? Pinasusulong ko ba ang aking mga komento? Inaasikaso ko bang mabuti ang mga atas na ipinagkakatiwala sa akin ng mga elder?’ (2 Tim. 4:5) Dapat na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito.
6. Ano pa ang kailangan para maging kuwalipikado sa mga responsibilidad sa kongregasyon?
6 Ang isa pang paraan para maging kuwalipikado sa mga responsibilidad sa kongregasyon ay ang ‘palakasin ang pagkatao ninyo sa loob na may kapangyarihan sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.’ (Efe. 3:16) Ang mga nagiging ministeryal na lingkod o elder sa kongregasyon ay hindi inihahalal sa katungkulan. Maaabot lang ang pribilehiyong ito kapag sumulong na ang isa sa espirituwal. Paano kaya ito magagawa? Ang isang paraan ay ang ‘patuloy na paglakad ayon sa espiritu’ at paglilinang ng mga bunga nito. (Gal. 5:16, 22, 23) Kapag nagpapakita ka ng espirituwal na mga katangiang kailangan para sa karagdagang pribilehiyo at nagkakapit ng mga payo, ang iyong ‘pagsulong ay mahahayag sa lahat ng tao.’—1 Tim. 4:15.
Kailangan ang Pagsasakripisyo
7. Ano ang kailangan sa paglilingkod sa iba?
7 Sa paglilingkod sa iba, kailangan ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Espirituwal na pastol ang mga tagapangasiwang Kristiyano, kaya naman iniintindi nila ang mga problema ng kawan. Pansinin kung paano naapektuhan si apostol Pablo ng mga responsibilidad niya bilang pastol. Sinabi niya sa kaniyang mga kapananampalataya sa Corinto: “Mula sa labis na kapighatian at panggigipuspos ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha, hindi upang mapalungkot kayo, kundi upang malaman ninyo ang pag-ibig na taglay ko lalung-lalo na para sa inyo.” (2 Cor. 2:4) Oo, dinibdib ni Pablo ang kaniyang gawain.
8, 9. Magbigay ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga lalaking nag-asikaso sa pangangailangan ng iba.
8 Kilalang mapagsakripisyo ang mga lalaking nagpapagal para sa mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, siguradong hindi mo iisiping sinabi ni Noe sa kaniyang pamilya: ‘Sabihin n’yo sa ’kin kung tapos na ang daong, sasama ’ko.’ Hindi sinabi ni Moises sa mga Israelita sa Ehipto: ‘Magkita-kita na lang tayo sa Dagat na Pula. Bahala na kayo kung saan n’yo gustong dumaan.’ Hindi sinabi ni Josue: ‘Sabihin n’yo na lang sa ’kin kung gumuho na ang mga pader ng Jerico.’ At hindi nagturô ng iba si Isaias sabay sabing: ‘Ayun siya! Isugo mo siya.’—Isa. 6:8.
9 Ang pinakamagandang halimbawa ng isang lalaking nagpaakay sa espiritu ng Diyos ay si Jesu-Kristo. Malugod niyang tinanggap ang atas na maging Manunubos ng sangkatauhan. (Juan 3:16) Hindi ba’t dapat lang nating tularan ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Jesus? Ganito ang sinabi ng isang matagal nang elder tungkol sa nadarama niya para sa kawan: “Naantig ako nang husto sa mga sinabi ni Jesus kay Pedro—pastulan mo ang aking maliliit na tupa. Sa paglipas ng mga taon, nakita ko kung gaano kalaking pampatibay ang nagagawa ng simpleng kabaitan o ng kaunting salitang punung-puno ng pagmamahal. Gustung-gusto ko ang pagpapastol.”—Juan 21:16.
10. Ano ang puwedeng mag-udyok sa mga brother na tularan ang halimbawa ni Jesus sa paglilingkod sa iba?
10 Sa pakikitungo sa kawan ng Diyos, tiyak na gustong tularan ng mga brother sa kongregasyon ang saloobin ni Jesus, na nagsabi: “Pagiginhawahin ko kayo.” (Mat. 11:28) Pananampalataya sa Diyos at pag-ibig sa kongregasyon ang nag-uudyok sa mga brother na umabot sa mainam na gawang ito, anupat hindi iniisip na ito’y isang napakalaking sakripisyo o pabigat. Pero paano kung hindi tunguhin ng isa na umabot ng mga pribilehiyo? Maaari kaya niyang malinang ang hangaring maglingkod sa kongregasyon?
Linangin ang Hangaring Maglingkod
11. Paano ka magkakaroon ng hangaring maglingkod sa iba?
11 Kung hindi ka umaabot sa pribilehiyo dahil iniisip mong hindi ka kuwalipikado, angkop lang na manalangin ukol sa banal na espiritu. (Luc. 11:13) Tutulungan ka ng espiritu ni Jehova na madaig ang anumang ikinababahala mo tungkol sa bagay na ito. Ang mismong hangaring maglingkod ay mula sa Diyos, yamang ang espiritu ni Jehova ang nag-uudyok sa isang brother na umabot ng mga pribilehiyo at nagbibigay ng lakas para makapag-ukol siya ng sagradong paglilingkod. (Fil. 2:13; 4:13) Kaya naman tama lang na hilingin kay Jehova na tulungan kang magkaroon ng hangaring tumanggap ng mga pribilehiyo.—Basahin ang Awit 25:4, 5.
12. Paano magkakaroon ng sapat na karunungan ang isa para magampanan ang mga responsibilidad na ipinagkatiwala sa kaniya?
12 Baka ayaw umabot sa pribilehiyo ang isang Kristiyano dahil sa tingin niya’y komplikado at nakakapagod ang pag-aasikaso sa pangangailangan ng kawan. O baka iniisip niyang wala siyang sapat na karunungan para humawak ng mga responsibilidad. Kung gayon, marahil ay magkakaroon siya ng higit na karunungan kung magiging mas masikap siya sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng salig-Bibliyang mga publikasyon. Makabubuting tanungin niya ang kaniyang sarili, ‘Naglalaan ba ako ng panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, at nananalangin ukol sa karunungan?’ Sumulat ang alagad na si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Sant. 1:5) Naniniwala ka ba sa tekstong ito? Bilang sagot sa panalangin ni Solomon, binigyan siya ng Diyos ng “isang marunong at may-unawang puso” na tumulong sa kaniya na makita ang kaibahan ng mabuti at masama kapag humahatol. (1 Hari 3:7-14) Oo nga’t hindi pangkaraniwan ang karanasan ni Solomon. Pero makatitiyak tayo na ang Diyos ay magbibigay rin ng karunungan sa mga lalaking pinagkatiwalaan ng mga responsibilidad sa kongregasyon para mapangalagaan nila nang wasto ang kaniyang mga tupa.—Kaw. 2:6.
13, 14. (a) Paano nakaapekto kay Pablo ang “pag-ibig na taglay ng Kristo”? (b) Paano dapat makaapekto sa atin ang “pag-ibig na taglay ng Kristo”?
13 Ang isa pang paraan para malinang ang hangaring maglingkod sa iba ay ang pagbubulay-bulay sa lahat ng ginawa ni Jehova at ng kaniyang Anak para sa atin. Halimbawa, pag-isipan ang 2 Corinto 5:14, 15. (Basahin.) Paano masasabing “ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa [atin]”? Ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo sa pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa atin ayon sa kalooban ng Diyos ay napakadakila anupat habang sumisidhi ang ating pagpapahalaga rito, lalo namang naaantig ang ating puso. Pag-ibig ni Kristo ang nakaimpluwensiya kay Pablo. Ito ang tumulong sa kaniya para hindi maging makasarili, kundi sa halip ay magtuon ng pansin sa paglilingkod sa Diyos at sa kaniyang kapuwa sa loob at labas ng kongregasyon.
14 Kapag binubulay-bulay natin ang pag-ibig ni Kristo sa mga tao, nag-uumapaw ang ating puso sa pasasalamat. Bilang resulta, napag-iisip-isip nating hindi tamang patuloy na ‘maghasik may kinalaman sa laman’ anupat itinataguyod ang makasariling mga tunguhin at inuuna ang pagpapalugod sa sarili. Sa halip, gumagawa tayo ng mga pagbabago sa ating buhay para unahin ang gawaing ibinigay sa atin ng Diyos. Nauudyukan tayo ng pag-ibig na “magpaalipin” sa ating mga kapatid. (Basahin ang Galacia 5:13.) Kung ituturing natin ang ating sarili na mga alipin anupat mapagpakumbabang naglilingkod sa nakaalay na mga mananamba ni Jehova, pakikitunguhan natin sila nang may dignidad at paggalang. Tiyak na hindi natin tutularan ang mapamuna at mapanghatol na saloobing itinataguyod ni Satanas.—Apoc. 12:10.
Pakikipagtulungan ng Pamilya
15, 16. Ano ang papel ng mga miyembro ng pamilya para maging kuwalipikado ang isang lalaki bilang ministeryal na lingkod o elder?
15 Kung ang isang brother ay may asawa’t mga anak, tinitingnan ang kalagayan ng kaniyang pamilya para makita kung kuwalipikado nga siyang maging ministeryal na lingkod o elder. Oo, ang espirituwalidad at reputasyon ng kaniyang pamilya ay isang mahalagang kuwalipikasyon. Idiniriin nito na mahalaga ang papel ng pamilya sa pagsuporta sa asawa at ama habang sinisikap niyang maglingkod sa kongregasyon bilang ministeryal na lingkod o elder.—Basahin ang 1 Timoteo 3:4, 5, 12.
16 Natutuwa si Jehova kapag nagtutulungan ang pamilya. (Efe. 3:14, 15) Kailangang maging timbang ang ulo ng pamilya para maasikaso ang mga responsibilidad sa kongregasyon at makapamuno sa kaniyang sambahayan “sa mahusay na paraan.” Kaya naman napakahalaga na ang isang elder o ministeryal na lingkod ay mag-aral ng Bibliya kasama ang kaniyang asawa at mga anak sa panahon ng lingguhang Pampamilyang Pagsamba para makinabang silang lahat. Dapat din siyang regular na makibahagi sa ministeryo sa larangan kasama nila. Siyempre pa, dapat din namang makipagtulungan ang buong pamilya sa pagsisikap ng ulo ng sambahayan.
Makapaglilingkod Ka Bang Muli?
17, 18. (a) Ano ang maaaring gawin ng isa kung hindi na siya kuwalipikadong humawak ng pribilehiyo? (b) Ano ang dapat na maging pananaw ng isang dating elder o ministeryal na lingkod?
17 Marahil ay dati kang elder o ministeryal na lingkod. Mahal mo si Jehova at alam mong nagmamalasakit pa rin siya sa iyo. (1 Ped. 5:6, 7) Sinabihan ka bang gumawa ng ilang pagbabago? Tanggapin ang iyong pagkakamali at ituwid ito sa tulong ng Diyos. Huwag maghinanakit. Maging marunong at positibo. Ganito ang sabi ng isang matagal nang elder na naalis sa pribilehiyo: “Determinado akong maging regular pa rin sa pagdalo, pangangaral, at pagbabasa ng Bibliya gaya noong elder pa ako—at nagawa ko naman ito. Natuto akong magtiyaga. Akala ko kasi, sa loob lang ng isa o dalawang taon ay maibabalik na sa akin ang mga pribilehiyo ko, pero umabot pa nang halos pitong taon bago ako ulit naging elder. Sa panahong iyon, malaki ang naitulong sa akin ng pampatibay-loob na huwag manghimagod kundi patuloy na umabot sa pribilehiyo.”
18 Kung kagaya ka ng brother na ito, huwag masiraan ng loob. Pag-isipan kung paano pinagpapala ni Jehova ang iyong ministeryo at pamilya. Patibayin sa espirituwal ang iyong pamilya, dalawin ang mga maysakit, at patibayin ang mga nanghihina. Higit sa lahat, pahalagahan ang iyong pribilehiyong purihin ang Diyos at ihayag ang mabuting balita ng Kaharian bilang isang Saksi ni Jehova.a—Awit 145:1, 2; Isa. 43:10-12.
Suriing Muli ang Iyong Kalagayan
19, 20. (a) Ano ang dapat gawin ng lahat ng bautisadong lalaki? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Higit kailanman, mas kailangan ngayon ang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. Kaya pinasisigla namin ang lahat ng bautisadong lalaki na suriing muli ang kanilang kalagayan at tanungin ang sarili, ‘Kung hindi pa ako naglilingkod bilang elder o ministeryal na lingkod, hindi kaya dapat ko nang suriin kung bakit?’ Hayaang tulungan ka ng espiritu ng Diyos na magkaroon ng tamang pangmalas sa napakahalagang bagay na ito.
20 Ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay makikinabang sa pagsasakripisyo ng kanilang mga kapananampalataya. Kapag gumagawa tayo ng mabuti nang walang hinihintay na kapalit, inaani natin ang kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa iba at sa paghahasik may kinalaman sa espiritu. Gayunman, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, hindi natin dapat pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos. Paano ito maiiwasan?
[Talababa]
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang tinitiyak sa atin ng hula sa Mikas 5:5?
• Ipaliwanag kung ano ang nasasangkot sa pagiging mapagsakripisyo.
• Paano malilinang ng isa ang hangaring maglingkod sa iba?
• Gaano kahalaga ang pakikipagtulungan ng pamilya para maging kuwalipikado ang isang lalaki bilang ministeryal na lingkod o elder?
[Mga larawan sa pahina 25]
Paano ka maaaring umabot ng mga pribilehiyo?