Ito na ang Araw ng Kaligtasan!
“Narito! Ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”—2 CORINTO 6:2.
1. Ano ang kailangan upang magkaroon ng sinang-ayunang katayuan sa Diyos at kay Kristo?
NAGTAKDA si Jehova ng isang araw ng paghatol sa sangkatauhan. (Gawa 17:31) Kung iyon ay magiging isang araw ng kaligtasan para sa atin, kailangan natin ng isang sinang-ayunang katayuan sa kaniya at sa kaniyang inatasang Hukom, si Jesu-Kristo. (Juan 5:22) Ang gayong katayuan ay nangangailangan ng paggawi na kasuwato ng Salita ng Diyos at pananampalataya na nag-uudyok sa atin na tulungan ang iba upang maging tunay na mga alagad ni Jesus.
2. Bakit hiwalay sa Diyos ang sanlibutan ng sangkatauhan?
2 Dahil sa minanang kasalanan, ang sanlibutan ng sangkatauhan ay hiwalay sa Diyos. (Roma 5:12; Efeso 4:17, 18) Samakatuwid, magtatamo lamang ng kaligtasan yaong ating mga pinangangaralan kung sila’y makikipagkasundo sa kaniya. Niliwanag ito ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Corinto. Suriin natin ang 2 Corinto 5:10–6:10 upang makita kung ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa paghatol, pakikipagkasundo sa Diyos, at sa kaligtasan.
“Kami ay Patuloy na Nanghihikayat sa mga Tao”
3. Paano ‘patuloy na nanghikayat sa mga tao’ si Pablo, at bakit dapat nating gawin ito ngayon?
3 Iniugnay ni Pablo ang paghatol sa pangangaral nang sumulat siya: “Tayong lahat ay dapat na mahayag sa harap ng luklukan ng paghatol ng Kristo, upang makuha ng bawat isa ang kaniyang gantimpala para sa mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa mga bagay na isinagawa niya, ito man ay mabuti o buktot. Kaya nga, yamang nalalaman ang pagkatakot sa Panginoon, kami ay patuloy na nanghihikayat sa mga tao.” (2 Corinto 5:10, 11) Ang apostol ay ‘patuloy na nanghikayat sa mga tao’ sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita. Kumusta naman tayo? Yamang malapit na ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, dapat nating gawin ang ating buong makakaya upang mahikayat ang iba na gumawa ng kinakailangang mga hakbang upang matamo ang mabuting hatol ni Jesus at ang pagsang-ayon ng Pinagmumulan ng kaligtasan, ang Diyos na Jehova.
4, 5. (a) Bakit hindi tayo dapat maghambog tungkol sa ating mga nagawa sa paglilingkuran kay Jehova? (b) Paanong si Pablo ay naghambog “para sa Diyos”?
4 Gayunman, kung pinagpapala man ng Diyos ang ating ministeryo, hindi tayo dapat maghambog. Sa Corinto, ipinagmamapuri ng ilan ang kanilang sarili o ang ibang tao, sa gayo’y lumilikha ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (1 Corinto 1:10-13; 3:3, 4) Nagpapahiwatig ng ganitong situwasyon, sumulat si Pablo: “Hindi namin inirerekomendang muli ang aming mga sarili sa inyo, kundi nagbibigay sa inyo ng pangganyak na maghambog may kaugnayan sa amin, upang magkaroon kayo ng maisasagot doon sa mga naghahambog dahil sa panlabas na kaanyuan ngunit hindi dahil sa puso. Sapagkat kung wala kami sa aming pag-iisip, ito ay para sa Diyos; kung matino kami sa pag-iisip, ito ay para sa inyo.” (2 Corinto 5:12, 13) Ang mga palalo ay hindi interesado sa pagkakaisa at espirituwal na kapakanan ng kongregasyon. Ibig nilang ipaghambog ang panlabas na kaanyuan sa halip na tulungan ang mga kapananampalataya na magkaroon ng mabuting puso sa harap ng Diyos. Kaya naman, sinaway ni Pablo ang kongregasyon at sinabi niya sa dakong huli: “Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.”—2 Corinto 10:17.
5 Hindi ba naghambog mismo si Pablo? Maaaring gayon ang inisip ng ilan dahil sa sinabi niya tungkol sa pagiging isang apostol. Ngunit kinailangan niyang maghambog “para sa Diyos.” Naghambog siya tungkol sa kaniyang mga kredensiyal bilang isang apostol, upang hindi talikuran ng mga taga-Corinto si Jehova. Ginawa ito ni Pablo upang ipanumbalik sila sa Diyos dahil ibinabaling sila ng bulaang mga apostol sa maling direksiyon. (2 Corinto 11:16-21; 12:11, 12, 19-21; 13:10) Gayunman, hindi palaging sinisikap ni Pablo na pahangain ang lahat sa kaniyang mga nagawa.—Kawikaan 21:4.
Itinutulak Ka ba ng Pag-ibig ni Kristo?
6. Paano tayo dapat maapektuhan ng pag-ibig ni Kristo?
6 Bilang isang tunay na apostol, nagturo si Pablo sa iba tungkol sa haing pantubos ni Jesus. Nagkaroon ito ng epekto sa buhay ni Pablo, sapagkat sumulat siya: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin, sapagkat ito ang aming inihatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat; kung gayon nga, ang lahat ay namatay; at namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Anong laking pag-ibig ang ipinakita ni Jesus sa pagbibigay ng kaniyang buhay para sa atin! Tiyak, iyan ay dapat na maging isang nagpapakilos na puwersa sa ating buhay. Ang pagtanaw ng utang na loob kay Jesus dahil sa pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa atin ay dapat magpakilos sa atin na maging masigasig sa paghahayag ng mabuting balita ng kaligtasan na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak. (Juan 3:16; ihambing ang Awit 96:2.) Itinutulak ka ba ng “pag-ibig na taglay ni Kristo” upang masigasig na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad?—Mateo 28:19, 20.
7. Ano ang ibig sabihin ng ‘walang taong kilala ayon sa laman’?
7 Sa paggamit ng kanilang buhay sa paraan na magpapakita ng pagtanaw ng utang na loob sa ginawa ni Kristo alang-alang sa kanila, ang mga pinahiran ay ‘hindi na nabubuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya.’ “Dahil dito,” sabi ni Pablo, “mula ngayon ay wala na kaming taong kilala ayon sa laman. Kung nakilala man namin si Kristo ayon sa laman, tiyak ngang hindi na namin siya kilala ngayon nang gayon.” (2 Corinto 5:16) Hindi dapat malasin ng mga Kristiyano ang mga tao ayon sa laman, marahil pinapaboran ang mga Judio kaysa sa mga Gentil o ang mayayaman kaysa sa mahihirap. Ang mga pinahiran ay ‘walang taong kilala ayon sa laman,’ sapagkat ang kanilang espirituwal na kaugnayan sa mga kapananampalataya ang siyang mahalaga. Yaong mga ‘nakakilala kay Kristo ayon sa laman’ ay hindi lamang ang mga taong nakakita kay Jesus samantalang siya’y nasa lupa. Kahit na bilang isang tao lamang ang dating pangmalas kay Kristo ng ilan na umaasa sa Mesiyas, hindi na gayon ang pangmalas nila. Ibinigay niya ang kaniyang katawan bilang pantubos at siya ay binuhay-muli bilang isang espiritung nagbibigay-buhay. Ang iba na ibinabangon tungo sa makalangit na buhay ay mag-iiwan ng kanilang katawang-laman nang hindi kailanman nakita si Jesu-Kristo sa laman.—1 Corinto 15:45, 50; 2 Corinto 5:1-5.
8. Paano nagiging “kaisa ni Kristo” ang mga indibiduwal?
8 Tinutukoy pa rin ang mga pinahiran, idinagdag ni Pablo: “Kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya ay isang bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, narito! ang mga bagong bagay ay umiral.” (2 Corinto 5:17) Ang pagiging “kaisa ni Kristo” ay nangangahulugan ng pagtatamasa ng matalik na kaugnayan sa kaniya. (Juan 17:21) Ang kaugnayang ito ay nagsimula sa isang tao nang akayin siya ni Jehova sa kaniyang Anak at ianak ang taong iyon sa pamamagitan ng banal na espiritu. Bilang isang inianak-sa-espiritung anak ng Diyos, siya ay “isang bagong nilalang” na may pag-asang makibahagi kay Kristo sa makalangit na Kaharian. (Juan 3:3-8; 6:44; Galacia 4:6, 7) Ang gayong pinahirang mga Kristiyano ay pinagkalooban ng isang dakilang pribilehiyo ng paglilingkuran.
“Makipagkasundo Kayo sa Diyos”
9. Ano ang ginawa ng Diyos upang maging posible ang pakikipagkasundo sa kaniya?
9 Gayon na lamang ang pabor ni Jehova sa “bagong nilalang”! Sabi ni Pablo: “Ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos, na ipinagkasundo tayo sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Kristo at nagbigay sa atin ng ministeryo ng pakikipagkasundo, alalaong baga, na ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay ipinagkasundo ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali, at ipinagkatiwala niya ang salita ng pakikipagkasundo sa amin.” (2 Corinto 5:18, 19) Ang sangkatauhan ay humiwalay sa Diyos mula nang magkasala si Adan. Ngunit maibiging nagkusa si Jehova na buksan ang daan tungo sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ng hain ni Jesus.—Roma 5:6-12.
10. Kanino ipinagkatiwala ni Jehova ang ministeryo ng pakikipagkasundo, at ano ang ginagawa nila upang maisakatuparan ito?
10 Ipinagkatiwala ni Jehova ang ministeryo ng pakikipagkasundo sa mga pinahiran, kaya maaaring sabihin ni Pablo: “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay gumagawa ng pamamanhik sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’ ” (2 Corinto 5:20) Noong unang panahon, ang mga embahador ay isinusugo lalo na sa mga panahon ng alitan upang tingnan kung maiiwasan ang pagdidigmaan. (Lucas 14:31, 32) Yamang ang makasalanang sanlibutan ng sangkatauhan ay hiwalay sa Diyos, isinusugo niya ang kaniyang pinahirang mga embahador upang ipabatid sa mga tao ang kaniyang mga kondisyon para sa pakikipagkasundo. Bilang mga kahalili para kay Kristo, nagsusumamo ang mga pinahiran: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” Ang pamamanhik na ito ay isang maawaing paghimok na makipagpayapaan sa Diyos at kamtin ang kaligtasan na ginagawa niyang posible sa pamamagitan ni Kristo.
11. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa pantubos, sino sa wakas ang magtatamo ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?
11 Lahat ng taong nananampalataya sa pantubos ay maaaring makipagkasundo sa Diyos. (Juan 3:36) Sinabi ni Pablo: “Ang isa [si Jesus] na hindi nakakilala ng kasalanan ay ginawa niyang [ni Jehova] kasalanan para sa atin, upang tayo ay maging ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan niya.” (2 Corinto 5:21) Ang sakdal na taong si Jesus ang siyang handog ukol sa kasalanan para sa lahat ng supling ni Adan na inililigtas mula sa minanang pagkamakasalanan. Sila’y nagiging “katuwiran ng Diyos” sa pamamagitan ni Jesus. Ang katuwirang ito, o matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, ay unang tatamasahin ng 144,000 kasamang tagapagmana ni Kristo. Sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taong Paghahari, ang matuwid na katayuan bilang sakdal na mga tao ay tatamasahin ng makalupang mga anak ng Walang-Hanggang Ama, si Jesu-Kristo. Kaniyang dadalhin sila sa isang matuwid na katayuan sa kasakdalan upang sila’y mapatunayang tapat sa Diyos at tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan.—Isaias 9:6; Apocalipsis 14:1; 20:4-6, 11-15.
“Ang Lalo Nang Kaayaayang Panahon”
12. Anong mahalagang ministeryo ang isinasagawa ng mga embahador at sugo ni Jehova?
12 Para makaligtas, dapat tayong kumilos kasuwato ng mga salita ni Pablo: “Yamang gumagawang kasama niya [ni Jehova], namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito. Sapagkat sinasabi niya: ‘Sa isang kaayaayang panahon ay dininig kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.’ Narito! Ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (2 Corinto 6:1, 2) Hindi tinatanggap ng pinahirang mga embahador ni Jehova at ng kaniyang mga sugo, ang “ibang mga tupa,” ang di-sana-nararapat na kabaitan ng kanilang makalangit na Ama upang sumala lamang sa layunin nito. (Juan 10:16) Sa pamamagitan ng kanilang matuwid na paggawi at masigasig na ministeryo sa ganitong “kaayaayang panahon,” hinahangad nila ang pabor ng Diyos at ipinababatid sa mga naninirahan sa lupa na ito “ang araw ng kaligtasan.”
13. Ano ang diwa ng Isaias 49:8, at paano ito unang natupad?
13 Sinipi ni Pablo ang Isaias 49:8, na kababasahan ng ganito: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sa panahon ng kabutihang-loob ay sinagot kita, at sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita; at patuloy kong iningatan ka upang maibigay kita bilang isang tipan para sa bayan, upang ibalik sa dati ang lupain, upang pangyarihing ang nakatiwangwang na mga minanang pag-aari ay muling ariin.’ ” Unang natupad ang hulang ito nang palayain ang bayan ng Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya at pagkaraan ay naibalik sa kanilang tiwangwang na lupang tinubuan.—Isaias 49:3, 9.
14. Paano natupad ang Isaias 49:8 sa kalagayan ni Jesus?
14 Bilang katuparan ng hula ni Isaias, ibinigay ni Jehova ang kaniyang “lingkod” na si Jesus bilang “liwanag ng mga bansa, upang ang pagliligtas [ng Diyos] ay maging hanggang sa dulo ng lupa.” (Isaias 49:6, 8; ihambing ang Isaias 42:1-4, 6, 7; Mateo 12:18-21.) Ang “panahon ng kabutihang-loob,” o “kaayaayang panahon,” ay maliwanag na kumakapit kay Jesus nang siya’y nasa lupa. Nanalangin siya, at “sinagot” siya ng Diyos. Iyon ay napatunayang “araw ng kaligtasan” para kay Jesus sapagkat nag-ingat siya ng sakdal na katapatan at sa gayo’y “nagkaroon ng pananagutan ukol sa walang-hanggang kaligtasan niyaong lahat ng mga sumusunod sa kaniya.”—Hebreo 5:7, 9; Juan 12:27, 28.
15. Mula kailan nagsikap ang espirituwal na mga Israelita na mapatunayang karapat-dapat sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, at sa anong layunin?
15 Ikinapit ni Pablo ang Isaias 49:8 sa mga pinahirang Kristiyano, anupat namanhik sa kanila na ‘huwag sumala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos’ sa pamamagitan ng hindi paghanap sa kaniyang kabutihang-loob sa “kaayaayang panahon” at sa “araw ng kaligtasan” na inilalaan niya. Sinabi pa ni Pablo: “Narito! Ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (2 Corinto 6:2) Mula noong Pentecostes 33 C.E., ang espirituwal na mga Israelita ay nagsikap na mapatunayang karapat-dapat sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos upang ang “kaayaayang panahon” ay maging “araw ng kaligtasan” para sa kanila.
“Inirerekomenda ang Aming mga Sarili Bilang mga Ministro ng Diyos”
16. Sa anong mahihirap na kalagayan inirekomenda ni Pablo ang kaniyang sarili bilang ministro ng Diyos?
16 Napatunayang hindi karapat-dapat sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ang ilang taong nakaugnay sa kongregasyon sa Corinto. Siniraang-puri nila si Pablo sa pagtatangkang sirain ang kaniyang awtoridad bilang apostol, bagaman iniwasan niyang ‘magbigay ng anumang dahilan na ikatitisod.’ Tiyak na inirekomenda niya ang kaniyang sarili bilang ministro ng Diyos “sa pagbabata ng marami, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan, sa mga pambubugbog, sa mga bilangguan, sa mga kaguluhan, sa mga pagpapagal, sa mga gabing walang tulog, sa mga panahon na walang pagkain.” (2 Corinto 6:3-5) Nang maglaon, ikinatuwiran ni Pablo na kung mga ministro ang kaniyang mga kaaway, siya ay “higit na namumukod-tanging gayon” dahil sa dumanas siya ng mas maraming pagkabilanggo, pambubugbog, panganib, at mga kakulangan.—2 Corinto 11:23-27.
17. (a) Sa pagpapamalas ng anong mga katangian mairerekomenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos? (b) Ano ang “mga sandata ng katuwiran”?
17 Tulad ni Pablo at ng kaniyang mga kasama, mairerekomenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos. Paano? “Sa kadalisayan,” o kalinisan, at sa pagkilos na kasuwato ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. Mairerekomenda natin ang ating sarili “sa mahabang-pagtitiis,” anupat matiyagang nagbabata ng pinsala o pagpukaw sa ating galit, at “sa kabaitan” yamang tumutulong tayo sa iba. Isa pa, mairerekomenda natin ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa patnubay ng kaniyang espiritu, anupat nagpapamalas ng “pag-ibig na malaya mula sa pagpapaimbabaw,” nagsasalita nang may katotohanan, at umaasa sa kaniya ukol sa lakas na maisagawa ang ministeryo. Kapansin-pansin, pinatunayan din ni Pablo ang kaniyang katayuan bilang isang ministro “sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa.” Sa sinaunang pagdidigmaan, ang kanang kamay ang karaniwang humahawak ng tabak samantalang hawak naman ng kaliwa ang kalasag. Sa espirituwal na pakikipagbaka laban sa mga bulaang guro, hindi gumamit si Pablo ng mga sandata ng makasalanang laman—katusuhan, pandaraya, panlilinlang. (2 Corinto 6:6, 7; 11:12-14; Kawikaan 3:32) Gumamit siya ng matuwid na “mga sandata,” o paraan, upang itaguyod ang tunay na pagsamba. Gayundin ang dapat nating gawin.
18. Kung tayo ay mga ministro ng Diyos, paano tayo gagawi?
18 Kung tayo ay mga ministro ng Diyos, gagawi tayo na gaya ni Pablo at ng kaniyang mga kamanggagawa. Kikilos tayo gaya ng mga Kristiyano, igalang man tayo o hindi. Ang masasamang ulat tungkol sa atin ay hindi makapagpapahinto sa ating gawaing pangangaral, ni magmamataas man tayo kung maganda ang ulat tungkol sa atin. Magsasalita tayo ng katotohanan at maaaring umani ng pagkilala dahil sa makadiyos na mga gawa. Kapag lubhang nanganganib dahil sa pagsalakay ng kaaway, magtitiwala tayo kay Jehova. At buong-pasasalamat tayong tatanggap ng disiplina.—2 Corinto 6:8, 9.
19. Paano nagiging posible na ‘payamanin ang marami’ sa espirituwal na paraan?
19 Sa pagtatapos ng kaniyang pagtalakay tungkol sa ministeryo ng pakikipagkasundo, sinabi ni Pablo na siya at ang kaniyang mga kasamahan ay “gaya ng mga nalulumbay ngunit lagi nang nagsasaya, gaya ng mga dukha ngunit nagpapayaman sa marami, gaya ng mga walang anumang taglay, gayunma’y nagmamay-ari ng lahat ng bagay.” (2 Corinto 6:10) Bagaman may dahilang malumbay ang mga ministrong iyon dahil sa kanilang mga kapighatian, nakadarama sila ng kagalakan. Sila’y dukha sa materyal, ngunit ‘nagpayaman sa marami’ sa espirituwal na paraan. Sa katunayan, sila’y ‘nagmay-ari ng lahat ng bagay’ sapagkat ang kanilang pananampalataya ay nagdulot sa kanila ng espirituwal na mga kayamanan—lakip na ang pag-asa na maging makalangit na mga anak ng Diyos. At sila’y may isang mayaman at maligayang buhay bilang mga ministrong Kristiyano. (Gawa 20:35) Tulad nila, ‘mapayayaman natin ang marami’ sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo ng pakikipagkasundo ngayon mismo—sa araw na ito ng kaligtasan!
Magtiwala sa Pagliligtas ni Jehova
20. (a) Ano ang marubdob na hangarin ni Pablo, at bakit walang panahon na dapat sayangin? (b) Ano ang palatandaan ng araw ng kaligtasan na ngayo’y kinabubuhayan natin?
20 Nang isulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto noong bandang 55 C.E., 15 taon na lamang ang nalalabi sa Judiong sistema ng mga bagay. Gayon na lamang ang pagnanais ng apostol na makipagkasundo sa Diyos ang mga Judio at mga Gentil sa pamamagitan ni Kristo. Iyon ay isang araw ng kaligtasan, at walang panahon na dapat sayangin. Buweno, nabubuhay tayo sa isang katulad na katapusan ng isang sistema ng mga bagay sapol noong 1914. Ang pangglobong gawain ng pangangaral ng Kaharian na nagaganap ngayon ay palatandaan na ito ang araw ng kaligtasan.
21. (a) Anong teksto ang pinili para sa taóng 1999? (b) Ano ang dapat na ginagawa natin sa araw na ito ng kaligtasan?
21 Kailangang marinig ng mga tao sa lahat ng bansa ang tungkol sa paglalaan ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Hindi ito dapat maantala. Sumulat si Pablo: “Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” Ang mga salitang ito sa 2 Corinto 6:2 ang magiging teksto ng mga Saksi ni Jehova sa taóng 1999. Angkop naman, sapagkat nakaharap tayo sa isang bagay na masahol pa sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito! Sasapit na ang katapusan ng buong sistemang ito ng mga bagay, na kasasangkutan ng lahat ng nasa lupa. Ngayon—hindi bukas—ang panahon para kumilos. Kung naniniwala tayo na ang pagliligtas ay nauukol kay Jehova, kung iniibig natin siya, at kung mahalaga sa atin ang buhay na walang hanggan, hindi tayo sasala sa layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Taglay ang taos-pusong hangarin na parangalan si Jehova, patutunayan natin sa pamamagitan ng salita at gawa na talagang seryoso tayo kapag ibinulalas natin: “Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit lubhang mahalaga ang pakikipagkasundo sa Diyos?
◻ Sino ang mga embahador at sugo na nakikibahagi sa ministeryo ng pakikipagkasundo?
◻ Paano natin mairerekomenda ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos?
◻ Ano ang kahulugan sa iyo ng teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa taóng 1999?
[Mga larawan sa pahina 17]
Tulad ni Pablo, masigasig ka ba sa pangangaral at pagtulong sa iba na makipagkasundo sa Diyos?
Estados Unidos
Pransiya
Cote d’Ivoire
[Larawan sa pahina 18]
Sa araw na ito ng kaligtasan, kabilang ka ba sa pulu-pulutong na nakikipagkasundo sa Diyos na Jehova?