KAAYAAYANG PANAHON
Sa 2 Corinto 6:2, sumipi ang apostol na si Pablo mula sa hula ng Isaias 49:8, na nagsasabi: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Sa isang panahon ng kabutihang-loob ay sinagot kita, at sa isang araw ng kaligtasan ay tinulungan kita; at patuloy kitang iningatan upang maibigay kita bilang isang tipan para sa bayan, upang ipanauli ang lupain, upang pangyarihin na muling ariin ang nakatiwangwang na mga minanang pag-aari.’” Noong unang bigkasin ang pananalitang ito, lumilitaw na ipinatungkol ito kay Isaias bilang kumakatawan sa bansang Israel. (Isa 49:3) Maliwanag na isa itong hula ng pagsasauli at sa gayon ay unang natupad noong palayain ang Israel mula sa Babilonya, nang sabihin sa mga bilanggong Israelita, “Lumabas kayo!” Pagkatapos nito, bumalik sila sa kanilang sariling lupain at pinanauli ang nakatiwangwang na lupain.—Isa 49:9.
Gayunman, pansinin ang mga salitang “upang maibigay kita bilang isang tipan para sa bayan” sa talata 8 ng kabanatang ito at ang naunang pananalita sa talata 6 na ibibigay ang “lingkod” na ito ni Jehova bilang ‘liwanag ng mga bansa, upang ang pagliligtas ng Diyos ay maging hanggang sa dulo ng lupa.’ Malinaw na ipinakikita ng mga ito na ang hula ay nauugnay sa Mesiyas at samakatuwid ay kumakapit kay Kristo Jesus bilang “lingkod” ng Diyos. (Ihambing ang Isa 42:1-4, 6, 7 sa Mat 12:18-21.) Yamang ang “panahon ng kabutihang-loob” ay isang panahon kung kailan ‘sasagutin’ at ‘tutulungan’ ni Jehova ang kaniyang lingkod, tiyak na kumakapit ito sa buhay ni Jesus sa lupa nang ‘maghandog siya ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.’ (Heb 5:7-9; ihambing ang Ju 12:27, 28; 17:1-5; Luc 22:41-44; 23:46.) Samakatuwid, ito ay “isang araw ng kaligtasan” para sa mismong Anak ng Diyos. Sa panahong iyon, nagkaroon siya ng pagkakataong magpakita ng sakdal na katapatan at, bilang resulta, “siya ang nagkaroon ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.”—Heb 5:9.
Bukod diyan, ipinakikita ng pagsipi ni Pablo mula sa hulang ito na kumakapit din ito sa mga Kristiyano na hinimok niyang ‘huwag tumanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito,’ at na sinabihan niya (matapos sipiin ang Isa 49:8): “Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (2Co 6:1, 2) Ang mga Kristiyanong iyon ay naging espirituwal na “Israel ng Diyos” mula noong Pentecostes ng 33 C.E. (Gal 6:16), ngunit kinailangan nilang patunayan na karapat-dapat sila sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, upang ang “kaayaayang panahon” ay tunay na maging “isang araw ng kaligtasan” para sa kanila.
Yamang ang orihinal na pagkakapit ng hula ay nauugnay sa pagsasauli, ipinahihiwatig nito na kumakapit din ang hula sa isang panahon ng paglaya mula sa espirituwal na pagkabihag at ng pagsasauli tungo sa lubos na pagsang-ayon ng Diyos.—Ihambing ang Aw 69:13-18.
Sa likas na mga Judio na hindi nagpahalaga sa kaayaayang panahon at sa kanilang pagkakataon na mapabilang sa ‘espirituwal na Israel,’ ipinahayag ni Pablo na babaling siya sa mga bansang di-Judio, at sinipi niya ang Isaias 49:6 upang suhayan ito nang sabihin niya: “Sa katunayan, si Jehova ay nag-utos sa amin sa mga salitang ito, ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, upang ikaw ay maging kaligtasan hanggang sa dulo ng lupa.’” (Gaw 13:47) Yamang ang mga terminong “panahon” at “araw” ay tumutukoy sa limitadong yugto, ipinahihiwatig ng mga ito ang pagkaapurahan at ang pangangailangang gamitin nang may katalinuhan ang naaangkop na panahon o ang kapanahunan ng kagandahang-loob, bago ito magwakas at alisin ng Diyos ang kaniyang awa at ang iniaalok niyang kaligtasan.—Ro 13:11-13; 1Te 5:6-11; Efe 5:15-20.