Ang Pananaw Mo ba sa mga Kahinaan ng Tao ay Gaya ng kay Jehova?
“Kailangan ang mga sangkap ng katawan na waring mas mahihina.”—1 COR. 12:22.
1, 2. Bakit nauunawaan ni Pablo ang pinagdaraanan ng mahihina?
LAHAT tayo ay nakadarama ng panghihina paminsan-minsan. Halimbawa, maaaring manghina tayo kapag tinatrangkaso tayo o sinusumpong ng allergy at hindi natin magawa ang mga kailangang gawin sa araw-araw. Pero paano kung hindi lang isa o dalawang linggo kang nanghihina kundi maraming buwan na? Tiyak na ipagpapasalamat mo kung uunawain ng iba ang pinagdaraanan mo.
2 Naranasan ni apostol Pablo ang manghina dahil sa mga problema sa loob at labas ng kongregasyon. Ilang beses din niyang nadama na hindi na niya kaya ang mga iyon. (2 Cor. 1:8; 7:5) Dahil sa mga pinagdaanan niya bilang isang tapat na Kristiyano, sinabi ni Pablo: “Sino ang mahina, at hindi ako mahina?” (2 Cor. 11:29) At tungkol sa bawat miyembro ng kongregasyong Kristiyano, na ikinumpara sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao, sinabi niya na ‘ang mga waring mas mahihina ay kailangan.’ (1 Cor. 12:22) Ano ang ibig niyang sabihin? Bakit dapat nating tularan ang pananaw ni Jehova sa mga waring mas mahihina? At paano tayo makikinabang sa paggawa nito?
ANG PANANAW NI JEHOVA SA MGA KAHINAAN NG TAO
3. Ano ang puwedeng makaimpluwensiya sa pananaw natin sa mga nangangailangan ng tulong sa kongregasyon?
3 Punong-puno ng kompetisyon ang daigdig natin ngayon at kadalasan, ang malalakas at mga bata pa ang nagtatagumpay. Ginagawa ng marami ang lahat para makuha ang gusto nila, kahit matapakan nila ang mas mahihina. Hindi natin kinukunsinti ang gayong pag-uugali, pero baka hindi natin namamalayan na unti-unti na pala tayong nagkakaroon ng negatibong saloobin sa mga laging nangangailangan ng tulong, kahit sa loob ng kongregasyon. Puwede ba tayong magkaroon ng mas timbang na pananaw, gaya ng sa Diyos?
4, 5. (a) Paano tayo tinutulungan ng ilustrasyon sa 1 Corinto 12:21-23 na maunawaan ang pananaw ni Jehova sa mga kahinaan ng tao? (b) Paano tayo nakikinabang sa pagtulong sa mahihina?
4 Sa isang ilustrasyon sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, may matututuhan tayo tungkol sa pananaw ni Jehova sa mga kahinaan ng tao. Sa kabanata 12, ipinaalala ni Pablo na kahit ang di-kaayaaya o pinakamahinang bahagi ng katawan ng tao ay mahalaga. (Basahin ang 1 Corinto 12:12, 18, 21-23.) May mga aspekto ng ideyang ito tungkol sa katawan ng tao na hindi matanggap ng ilang ebolusyonista. Pero ipinakikita ng mga natuklasan sa anatomy na ang mga bahagi ng katawan na dating itinuturing na walang silbi ay may ginagampanang mahalagang papel.a Halimbawa, duda ang ilan kung may silbi ang hinliliit sa paa; pero natuklasan na nakakatulong pala ito para maging balanse tayo habang nakatayo.
5 Ipinakikita ng ilustrasyon ni Pablo na mahalaga ang lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Inaalisan ni Satanas ng dignidad ang mga tao at pinapapaniwala niya tayo na hindi nagmamalasakit si Jehova sa atin. (Job 4:18, 19) Pero para kay Jehova, ang lahat ng kaniyang lingkod, pati na ang mga waring mas mahina, ay “kailangan,” o mahalaga. Kaya bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan sa ating kongregasyon at sa bayan ng Diyos sa buong daigdig. Halimbawa, isipin nang minsang alalayan mo sa paglalakad ang isang may-edad na. Baka kinailangan mong bagalan ang lakad mo para masabayan siya. Hindi ba’t ang sarap ng pakiramdam na nakatulong ka? Oo, masaya kapag nakakatulong tayo sa iba, at nagiging mas matiisin tayo, maibigin, at maygulang. (Efe. 4:15, 16) Alam ng ating maibiging Ama na ang isang kongregasyong maibigin at timbang ay magpapahalaga sa lahat ng miyembro nito, anuman ang limitasyon nila.
6. Paano ginamit ni Pablo ang mga salitang ‘mahihina’ at “malalakas”?
6 Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto, ginamit niya ang mga salitang ‘mahihina’ at “kahinaan” dahil ganiyan ang tingin ng mga di-sumasampalataya tungkol sa unang-siglong mga Kristiyano. Kung minsan, inilalarawan din ni Pablo ang kaniyang sarili na mahina. (1 Cor. 1:26, 27; 2:3) Nang banggitin ni Pablo ang tungkol sa “malalakas,” hindi niya intensiyong ipadama sa ilang Kristiyano na nakahihigit sila sa iba. (Roma 15:1) Ibig lang niyang sabihin, ang mas makaranasang mga Kristiyano ay dapat na maging matiisin sa mga hindi pa gaanong matatag sa katotohanan.
KAILANGAN BA NATING BAGUHIN ANG ATING PANANAW?
7. Ano ang maaaring makapigil sa atin sa pagtulong sa iba?
7 Kapag tinutulungan natin ang “maralita,” o mahina, tinutularan natin si Jehova at napapasaya natin siya. (Awit 41:1; Efe. 5:1) Pero ang negatibong pananaw sa mga nangangailangan ay puwedeng makapigil sa atin sa pagtulong sa kanila. Kapag hindi rin natin alam kung ano ang dapat sabihin, baka mahiya tayo at umiwas sa mga may mabibigat na problema. Sinabi ni Cynthia,b isang sister na inabandona ng asawa: “Masakit kapag iniiwasan ka ng mga kapatid o hindi nila ginagawa ang inaasahan mong gagawin ng malalapít na kaibigan. Kapag may pinagdaraanan ka, kailangan mo ng mga taong aalalay sa ‘yo.” Alam ni David kung gaano kasakit na iwasan ka ng iba.—Awit 31:12.
8. Ano ang makakatulong para maging mas maunawain tayo?
8 Ano ang makakatulong para maging mas maunawain tayo sa ating mga kapatid? Tandaan na ang ilan sa kanila ay nanghihina dahil sa mahihirap na kalagayan—pagkakasakit, depresyon, o pagsalansang ng pamilya. Posibleng mangyari din iyan sa atin. Bago pumasok sa Lupang Pangako, ang mga Israelita, na naging mahirap at mahina sa lupain ng Ehipto, ay pinaalalahanang huwag ‘patigasin ang kanilang puso’ sa mga kapatid nilang napipighati. Inaasahan ni Jehova na tutulungan nila ang mahihirap at mahihina.—Deut. 15:7, 11; Lev. 25:35-38.
9. Ano ang priyoridad natin kapag tumutulong sa mga napapaharap sa mabibigat na problema? Ilarawan.
9 Sa halip na husgahan o pagsuspetsahan ang mga nasa mahihirap na kalagayan, dapat natin silang tulungan sa espirituwal. (Job 33:6, 7; Mat. 7:1) Pag-isipan ito: Kapag naaksidente ang isang nagmomotorsiklo at isinugod sa ospital, nag-uusisa ba muna ang mga doktor at nars kung sino ang may kasalanan sa aksidente? Hindi, inaasikaso nila siya agad. Sa katulad na paraan, kapag nanghihina ang isang kapatid dahil sa personal na mga problema, ang priyoridad natin ay tulungan siya sa espirituwal.—Basahin ang 1 Tesalonica 5:14.
10. Bakit masasabing ang ilan na waring mas mahihina ay “mayaman sa pananampalataya”?
10 Kung pag-iisipan nating mabuti ang kalagayan ng mga kapatid na sa tingin natin ay mahihina, baka magbago ang pananaw natin sa kanila. Isipin ang mga sister na maraming taon nang nagtitiis sa pagsalansang ng kanilang pamilya. Ang ilan sa kanila ay baka simple lang at mukhang mahina, pero hindi ba’t kahanga-hanga ang kanilang pananampalataya at katatagan? Kapag nakikita natin ang isang nagsosolong ina na regular na dumadalo sa mga pulong kasama ang kaniyang mga anak, hindi ka ba humahanga sa pananampalataya niya at determinasyon? Isipin din ang mga tin-edyer na naninindigan sa katotohanan kahit maraming masasamang impluwensiya sa paaralan. Masasabi nga natin na ang gayong mga kapatid na parang mas mahihina ay maaaring ‘mayaman din sa pananampalataya’ gaya ng ibang kapatid na mas maganda ang kalagayan.—Sant. 2:5.
IAYON ANG PANANAW MO SA PANANAW NI JEHOVA
11, 12. (a) Ano ang makakatulong para mabago natin ang ating pananaw sa mga kahinaan ng tao? (b) Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jehova kay Aaron?
11 Para maiayon sa pananaw ni Jehova ang pananaw natin sa mga kahinaan ng tao, makakatulong kung susuriin natin ang pakikitungo ni Jehova sa ilang lingkod niya. (Basahin ang Awit 130:3.) Halimbawa, kung kasama ka ni Moises noong nagdadahilan si Aaron kung bakit siya gumawa ng gintong guya, ano kaya ang iisipin mo? (Ex. 32:21-24) O ano ang magiging tingin mo kay Aaron nang makinig siya kay Miriam at magsalita laban kay Moises dahil nag-asawa ito ng banyaga? (Bil. 12:1, 2) Ano kaya ang magiging reaksiyon mo nang hindi ibigay nina Aaron at Moises ang karangalan kay Jehova noong makahimala siyang naglaan ng tubig sa Meriba?—Bil. 20:10-13.
12 Puwede sanang parusahan agad ni Jehova si Aaron noong mga pagkakataong iyon. Pero alam Niya na hindi naman masamang tao si Aaron. Lumilitaw na nagkamali si Aaron dahil nalagay siya sa alanganing sitwasyon at nagpaimpluwensiya sa iba. Pero inamin niya ang mga pagkakamali niya at tinanggap ang hatol ni Jehova. (Ex. 32:26; Bil. 12:11; 20:23-27) Nagpokus si Jehova sa pananampalataya at pagsisisi ni Aaron. Pagkaraan ng maraming siglo, kinikilala pa rin si Aaron at ang mga inapo niya bilang mga taong may takot kay Jehova.—Awit 115:10-12; 135:19, 20.
13. Paano natin masusuri ang pananaw natin sa mga kahinaan ng tao?
13 Para matularan ang kaisipan ni Jehova, dapat nating suriin ang pananaw natin sa mga waring mahihina. (1 Sam. 16:7) Halimbawa, ano ang iniisip natin sa isang tin-edyer na hindi maingat sa pagpili ng libangan o parang iresponsable? Sa halip na husgahan siya agad, bakit hindi pag-isipan kung paano natin siya matutulungang sumulong sa pagkamaygulang? Maaari tayong magkusang umalalay sa mga nangangailangan ng tulong. Sa paggawa nito, tayo mismo ay nagiging higit na maunawain at maibigin.
14, 15. (a) Ano ang nadama ni Jehova nang pansamantalang masiraan ng loob si Elias? (b) Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Elias?
14 Lalawak din ang pananaw natin sa iba kung ihahambing natin ang ating kaisipan sa reaksiyon ni Jehova sa mga lingkod niya na nanlumo. Isa sa kanila si Elias. Buong-tapang niyang hinamon ang 450 propeta ni Baal, pero tumakas siya nang malaman niyang ipinapapatay siya ni Reyna Jezebel. Matapos maglakad nang mga 150 kilometro hanggang Beer-sheba, naglakbay pa siya patungo sa ilang. Dahil sa matinding init at pagod, umupo ang propeta sa ilalim ng isang puno at ‘hiniling na mamatay na sana siya.’—1 Hari 18:19; 19:1-4.
15 Ano kaya ang nadama ni Jehova nang makita niya ang kaniyang tapat na propeta na nawawalan na ng ganang mabuhay? Itinakwil ba niya ito dahil pansamantala itong nanlumo at nasiraan ng loob? Hindi! Isinaalang-alang ni Jehova ang limitasyon ni Elias at nagsugo siya ng isang anghel. Dalawang beses na hinimok ng anghel si Elias na kumain para hindi siya masyadong mahirapan sa kaniyang paglalakbay. (Basahin ang 1 Hari 19:5-8.) Oo, bago magbigay ng mga tagubilin, pinakinggan muna ni Jehova ang kaniyang propeta at binigyan ng kailangan nito para lumakas.
16, 17. Paano natin matutularan ang pagmamalasakit ni Jehova kay Elias?
16 Paano natin matutularan ang ating mapagmalasakit na Diyos? Hindi tayo dapat magpadalos-dalos sa pagpapayo. (Kaw. 18:13) Kapag iniisip ng isa na “nakabababa [siya] sa karangalan” dahil sa kaniyang kalagayan, mas mabuti kung pakikinggan muna natin siya at ipakikitang nagmamalasakit tayo. (1 Cor. 12:23) Sa gayon, malalaman natin kung paano talaga natin siya matutulungan.
17 Balikan natin si Cynthia. Nang siya at ang kaniyang dalawang anak na babae ay iwan ng kaniyang asawa, lumong-lumo sila. Paano sila tinulungan ng ilang kakongregasyon nila? Ikinuwento niya: “Pagkatapos namin silang tawagan para sabihin ang nangyari, 45 minutos pa lang, nasa bahay na sila. Umiiyak sila. Noong unang dalawa o tatlong araw, hindi nila kami iniwan. Dahil hindi kami nakakakain nang maayos at masyado kaming emosyonal, kinupkop muna nila kami.” Malamang na maiisip mo ang isinulat ni Santiago: “Kung ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw, gayunman ay sinasabi sa kanila ng isa sa inyo: ‘Yumaon kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,’ ngunit hindi ninyo sila binibigyan ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan, ano nga ang pakinabang dito? Gayundin naman, ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” (Sant. 2:15-17) Dahil sa maagap na pagtulong ng mga kapatid kay Cynthia at sa mga anak niya, napatibay sila at nakapag-auxiliary pioneer pagkaraan lang ng anim na buwan.—2 Cor. 12:10.
MARAMI ANG NAKIKINABANG
18, 19. (a) Paano natin matutulungan ang mga pansamantalang nanghihina? (b) Sino ang mga nakikinabang kapag tinutulungan natin ang mga nanghihina?
18 Kailangan ang sapat na panahon bago maka-recover ang isa mula sa pagkakasakit. Ang isang Kristiyano na nanghina dahil sa personal na mga problema o mabibigat na pagsubok ay baka nangangailangan din ng panahon para muling lumakas sa espirituwal. Totoo, kailangan niyang mag-aral ng Bibliya, manalangin, at makibahagi sa iba pang espirituwal na gawain para mapalakas niya ang kaniyang pananampalataya. Pero magiging matiisin ba tayo at patuloy na magpapakita ng pag-ibig hanggang sa muli siyang lumakas? Sisikapin ba nating tulungan ang mga pansamantalang nanghihina para madamang mahalaga sila at nagmamalasakit tayo sa kanila?—2 Cor. 8:8.
19 Tandaan, habang inaalalayan natin ang ating mga kapatid, madarama natin ang natatanging kagalakang nagmumula sa pagbibigay. Nasasanay rin tayong magpakita ng empatiya at maging matiisin. Pero hindi lang iyan. Nagiging mas mainit at maganda ang samahan ng buong kongregasyon. Ang pinakaimportante, natutularan natin si Jehova, na nagpapahalaga sa bawat indibiduwal. Oo, may magagandang dahilan para sundin natin ang tagubiling “tulungan yaong mahihina.”—Gawa 20:35.
a Sa kaniyang aklat na The Descent of Man, inilarawan ni Charles Darwin ang ilang bahagi ng katawan bilang “walang silbi.” Sinabi ng isa pang ebolusyonista na napakaraming “vestigial organ,” o walang-silbing sangkap, sa katawan ng tao, gaya ng appendix at thymus.
b Binago ang pangalan.