Kilalaning Mabuti ang Inyong mga Kapatid
1 Ang ating kaugnayan sa ating mga kapananampalataya ay higit pa kaysa sa pagdalo lamang kasama nila sa mga pulong sa Kingdom Hall. Tayo’y tagatupad sa kalooban ng Diyos, at ito’y nagdadala sa atin sa isang espirituwal na kaugnayan kay Jesus. (Mar. 3:34, 35) Ito naman ay nagiging sanhi upang tayo’y maging kaisa sa espirituwal na pamilya ng ating mga kapatid sa Kristiyanong kongregasyon, na iniutos na ibigin natin. (Juan 13:35) Kaya, bilang “mga miyembro ng sambahayan ng Diyos,” dapat nating pagsikapang makilalang mabuti ang isa’t isa.—Efe. 2:19.
2 Kilalanin ang Inyong mga Kapatid sa Pangalan: Alam ba ninyo ang mga pangalan ng lahat sa inyong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Ang grupo ay karaniwang maliit, anupat madaling matutuhan ang mga pangalan ng karamihan sa mga nagsisidalo. Kung hindi ninyo nalalaman kahit ang kanilang mga pangalan, masasabi ba ninyo na nakikilala ninyo silang mabuti?
3 Kumusta naman ang pagkakilala sa iba, lakip na ang mga bata, na dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall? Marahil tayo ay nakikisama sa iilang mga kaibigan lamang. Bagaman hindi masamang pakisamahan ang ilan, hindi natin nanaising limitahan sa iilan lamang ang masiglang pagbati at pakikipag-usap. Dapat tayong “magpalawak,” na nagsisikap na makilala din ang lahat ng ating mga kapatid na lalaki at babae.—2 Cor. 6:11-13.
4 Ang mga kapatid na nangangasiwa sa mga pulong ay dapat na magsikap na matutuhan ang mga pangalan ng lahat ng mga nagsisidalo. Ang pagtawag sa bawat isa sa pangalan mula sa plataporma ay nagpapakita na ang kanilang mga komento ay pinahahalagahan, at ito ay nakatutulong din sa iba na malaman ang kanilang mga pangalan. Sabihin pa, laging may mga baguhan o mga bisita sa tagapakinig, anupat mahirap na malaman ang bawat pangalan. Gayunman, ang patuloy na taimtim na pagsisikap ay nakapagpapatibay sa iba.—Roma 1:11, 12.
5 Manguna Upang Magkakilalang Mabuti: Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay kadalasang nakakakilalang mabuti sa napakaraming mga kapatid. Papaano nila ginagawa iyon? Sa tatlong paraan: (1) Palagi silang gumagawang kasama nila sa paglilingkod sa larangan; (2) tinatanggap nila ang mga paanyayang dumalaw sa kanilang tahanan; at (3) binabati nila ang kapuwa matatanda at mga bata sa mga pulong.
6 Nakikita ba ninyo ang mga paraan upang magpalawak at makilala pa nang higit ang inyong mga kapatid? Maaari nating anyayahan ang iba na sumama sa atin sa paglilingkod sa larangan. Ang pagbabahay-bahay, paggawa ng mga pagdalaw muli, at pagtungo sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o pagsasagawa ng pagpapatotoo sa lansangan ay napakainam na paraan upang higit na magkakilala. Makabubuti ring anyayahan ang iba sa inyong tahanan. Ang paglapit sa mga baguhan o sa mga mahiyain ay nagpapatibay sa kanila at sa inyo.—Gawa 20:35; 1 Tes. 5:11.
7 Nakilalang mabuti ni Pablo ang kaniyang mga kapatid. Ang personal niyang pagbanggit sa pangalan ng marami sa kanila sa kaniyang mga liham ay katunayan ng kaniyang interes sa kanila at ng kaniyang tunay na pag-ibig sa kanila. (1 Tes. 2:17; 2 Tim. 4:19, 20) Ang ating pagsisikap na makilalang mabuti ang ating mga kapatid ay mangangahulugan ng mga pagpapala para sa ating lahat.