KABANATA 10
Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
“Ang panaling gawa sa tatlong hibla ay hindi madaling mapatid.”—ECLESIASTES 4:12.
1, 2. (a) Ano ang inaasam-asam ng mga bagong kasal? (b) Anong mga tanong ang pag-uusapan natin sa kabanatang ito?
ISIPIN ang isang magkasintahan na masayang-masaya sa araw ng kasal nila. Nananabik sila sa magiging buhay nila at punong-puno sila ng pag-asa at pangarap. Umaasa silang magtatagal at magiging masaya ang pagsasama nila.
2 Pero maraming pag-aasawa ang masaya lang sa simula. Para tumagal at manatiling masaya ang pagsasama, kailangan ng mag-asawa ang patnubay ng Diyos. Kaya pag-usapan natin ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito: Ano ang mga pakinabang ng pag-aasawa? Kung mag-aasawa ka, paano ka makakapiling mabuti ng mapapangasawa? Paano ka magiging mabuting asawa? At ano ang makakatulong para tumagal ang pagsasama ninyo?—Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.
DAPAT BA AKONG MAG-ASAWA?
3. Sa tingin mo, kailangan ba ng isang tao na mag-asawa para maging masaya? Ipaliwanag.
3 Naniniwala ang ilan na magiging masaya lang ang isang tao kung mag-aasawa siya. Pero hindi totoo iyan. Sinabi ni Jesus na ang pagiging walang asawa ay puwedeng maging regalo. (Mateo 19:11, 12) Sinabi rin ni apostol Pablo na may mga bentaha ang pagiging walang asawa. (1 Corinto 7:32-38) Pero nasa sa iyo kung mag-aasawa ka. Hindi ka dapat mag-asawa dahil lang sa kultura o sa panggigipit ng mga kaibigan at kapamilya.
4. Ano ang ilang pakinabang ng isang magandang pagsasama?
4 Sinasabi ng Bibliya na ang pag-aasawa ay regalo rin ng Diyos at may mga pakinabang din ito. Sinabi ni Jehova tungkol sa unang lalaki, si Adan: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako para sa kaniya ng isang katulong na makakatuwang niya.” (Genesis 2:18) Nilalang ni Jehova si Eva para maging asawa ni Adan, at sila ang naging unang pamilya ng tao. Kung ang mag-asawa ay may mga anak, dapat na matatag ang pagsasama nila para mapalaki nila nang maayos ang mga anak nila. Pero hindi lang pagkakaroon ng anak ang layunin ng pag-aasawa.—Awit 127:3; Efeso 6:1-4.
5, 6. Paano magiging gaya ng “panaling gawa sa tatlong hibla” ang pag-aasawa?
5 Sumulat si Haring Solomon: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa dahil may mabuting gantimpala ang pagsisikap nila. Dahil kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon siya ng kasama niya. Pero ano ang mangyayari sa isang nabuwal kung walang tutulong sa kaniya na bumangon? . . . At ang panaling gawa sa tatlong hibla ay hindi madaling mapatid.”—Eclesiastes 4:9-12.
6 Kapag mahusay ang pagsasama, ang mag-asawa ay nagiging malapít na magkaibigan na nagtutulungan, nagmamalasakit, at nag-aalaga sa isa’t isa. Mapapatibay ng pag-ibig ang pag-aasawa, pero mas titibay ito kung sinasamba ng mag-asawa si Jehova. Ang kanilang pagsasama ay magiging gaya ng “panaling gawa sa tatlong hibla,” isang lubid na may tatlong hibla na matibay ang pagkakatali sa isa’t isa. Ang ganiyang lubid ay mas matibay kaysa sa lubid na dalawa lang ang hibla. Magiging matibay ang pagsasama kapag kasama si Jehova.
7, 8. Ano ang payo ni Pablo tungkol sa pag-aasawa?
7 Pagkatapos magpakasal ng magkasintahan, puwede na nilang masapatan ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa. (Kawikaan 5:18) Pero kung mag-aasawa lang ang isa dahil dito, baka hindi siya makapiling mabuti ng mapapangasawa. Kaya naman sinasabi ng Bibliya na dapat mag-asawa ang isa kapag lampas na sa “kasibulan ng kabataan,” ang panahon kung kailan napakatindi ng seksuwal na pagnanasa. (1 Corinto 7:36) Mas magandang mag-asawa kapag lumipas na ang panahong iyon, kasi mas makapag-iisip siyang mabuti at makakapili nang tama.—1 Corinto 7:9; Santiago 1:15.
8 Kung nag-iisip kang mag-asawa, maging realistiko at asahang magkakaroon ng mga problema. Sinabi ni Pablo na ang mga nag-aasawa ay “magkakaroon ng karagdagang mga problema sa buhay.” (1 Corinto 7:28) Kahit ang may pinakamasayang pagsasama ay nagkakaproblema rin. Kaya kung gusto mong mag-asawa, maging matalino sa pagpili ng mapapangasawa.
SINO ANG PIPILIIN KONG MAPANGASAWA?
9, 10. Ano ang mangyayari kung mag-aasawa tayo ng hindi sumasamba kay Jehova?
9 Heto pa ang isang mahalagang prinsipyo na dapat tandaan kapag pumipili ng mapapangasawa: “Huwag kayong makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 6:14) Ang ilustrasyong ito ay ibinatay sa isang gawain sa pagsasaka. Kung magkaiba ang laki o lakas ng dalawang hayop, hindi sila pinagtutuwang at pinagtatrabahong magkasama sa bukid. Pareho lang kasing mahihirapan ang dalawang hayop. Ganiyan din kapag nagpakasal ang isang Saksi sa hindi Saksi. Malamang na marami silang magiging problema. Kaya mahusay ang payo ng Bibliya na kung mag-aasawa tayo, “dapat na tagasunod ito ng Panginoon.”—1 Corinto 7:39.
10 Kung minsan, iniisip ng ilang Kristiyano na mas magandang mag-asawa na lang ng hindi lingkod ni Jehova kaysa manatiling nag-iisa. Pero kung babale-walain natin ang payo ng Bibliya, masasaktan lang tayo at malulungkot. Bilang mga mananamba ni Jehova, ang paglilingkod sa kaniya ang pinakamahalaga sa buhay natin. Ano ang mararamdaman mo kung hindi mo kasama ang asawa mo sa pinakamahalagang bahagi ng buhay mo? Marami ang hindi na lang nag-asawa kaysa naman makasama ang isa na hindi nagmamahal at naglilingkod kay Jehova.—Basahin ang Awit 32:8.
11. Paano ka makakapiling mabuti ng mapapangasawa?
11 Pero hindi ibig sabihin na basta lingkod ni Jehova ay magiging mabuting asawa na. Kung gusto mong mag-asawa, humanap ka ng talagang gusto mo at kasundo mo. Maghintay hanggang sa makita mo ang isa na kapareho mo ng mga gustong gawin sa buhay at inuuna ang paglilingkod sa Diyos. Basahin at bulay-bulayin ang mga payo tungkol sa pag-aasawa na nasa mga publikasyong inilaan ng tapat na alipin.—Basahin ang Awit 119:105.
12. Ano ang matututuhan natin mula sa mga ipinagkasundong pag-aasawa sa Bibliya?
12 Sa ilang kultura, mga magulang ang pumipili ng mapapangasawa ng anak nila. Iniisip kasi nilang alam ng mga magulang kung sino ang pinakamabuti para sa anak nila. Karaniwan din ang kaugaliang iyan noong panahon ng Bibliya. Kaya kung gustong sundin ng pamilya mo ang kaugaliang iyan, matutulungan ng Bibliya ang mga magulang na malaman ang mga katangiang dapat nilang hanapin. Halimbawa, nang pumili si Abraham ng mapapangasawa ng anak niyang si Isaac, hindi siya tumingin sa pera o katayuan sa buhay, kundi kung mahal nito si Jehova.—Genesis 24:3, 67; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 25.
PAANO AKO MAKAPAGHAHANDA SA PAG-AASAWA?
13-15. (a) Paano makapaghahanda ang isang lalaki para maging mabuting asawa? (b) Paano makapaghahanda ang isang babae para maging mabuting asawa?
13 Kung nagpaplano kang mag-asawa, tiyakin mong handa ka. Baka sa tingin mo, handa ka na, pero pag-usapan natin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging handa. Baka magulat ka sa sagot.
14 Ipinapakita ng Bibliya na magkaiba ang papel ng asawang lalaki at asawang babae sa pamilya. Kaya dapat na handa ang lalaki at babae sa kani-kanilang papel kapag nag-asawa na sila. Kung gustong mag-asawa ng isang lalaki, kailangan niyang tanungin ang sarili niya kung handa ba siyang maging ulo ng pamilya. Inaasahan ni Jehova na ibibigay niya ang materyal at emosyonal na pangangailangan ng kaniyang asawa at mga anak. Mas mahalaga, ang asawang lalaki ang mangunguna sa pamilya sa pagsamba sa Diyos. Ayon sa Bibliya, ang isang lalaki na hindi naglalaan sa pamilya niya ay “mas masahol pa sa walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Kaya kung isa kang lalaki na nagpaplanong mag-asawa, pag-isipan kung paano makakatulong ang prinsipyong ito sa Bibliya: “Planuhin mo ang gagawin mo sa labas at ihanda mo ang iyong bukid; at saka ka magtayo ng iyong bahay.” Sa ibang salita, bago ka mag-asawa, tiyakin mong handa ka nang gawin ang hinihiling ni Jehova para sa mga asawang lalaki.—Kawikaan 24:27.
15 Kung isa ka namang babae na nagpaplanong mag-asawa, tanungin ang sarili mo kung handa ka na sa mga responsibilidad ng pagiging asawa at ina. Binabanggit ng Bibliya ang ilan sa maraming paraan kung paano inaasikaso ng mahusay na asawang babae ang kaniyang asawa at mga anak. (Kawikaan 31:10-31) Sa ngayon, iniisip lang ng maraming lalaki at babae kung ano ang magagawa sa kanila ng asawa nila. Pero gusto ni Jehova na isipin natin kung ano ang magagawa natin sa ating asawa.
16, 17. Kung gusto mong mag-asawa, ano ang dapat mong pag-isipan?
16 Bago ka mag-asawa, pag-isipan ang sinasabi ni Jehova tungkol sa mga asawang lalaki at asawang babae. Ang pagiging ulo ng pamilya ay hindi nangangahulugang puwede nang manakit ang lalaki sa pisikal o emosyonal na paraan. Tinutularan ng isang mabuting ulo si Jesus, na laging mapagmahal at mabait sa mga nasa pangangalaga niya. (Efeso 5:23) Kailangan namang isipin ng babae kung ano ang ibig sabihin ng pagsuporta sa mga desisyon ng asawa niya at pakikipagtulungan dito. (Roma 7:2) Kailangan niyang tanungin ang sarili niya kung kaya ba niyang magpasakop sa isang di-perpektong lalaki. Kung sa tingin niya ay hindi niya kaya, baka magdesisyon siyang huwag na lang munang mag-asawa.
17 Mas dapat isipin ng mag-asawa ang kaligayahan ng asawa nila kaysa sa sarili nila. (Basahin ang Filipos 2:4.) Isinulat ni Pablo: “Mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:21-33) Parehong kailangang maramdaman ng mag-asawa na mahal at iginagalang sila ng isa’t isa. Pero para maging masaya ang pagsasama, mas mahalaga sa lalaki na maramdamang iginagalang siya ng asawa niya, at mas mahalaga naman sa babae na maramdamang mahal siya ng kaniyang asawa.
18. Bakit kailangang mag-ingat ang magkasintahan sa panahon ng pagliligawan?
18 Ang pagliligawan ay dapat na maging kasiya-siyang panahon para sa magkasintahan habang mas nakikilala nila ang isa’t isa. Panahon din ito na maging realistiko at tapat sila para makapagdesisyon kung gusto talaga nilang makasama ang isa’t isa habambuhay. Sa panahon ng pagliligawan, natututuhan ng lalaki at babae na makipag-usap sa isa’t isa at malaman kung ano talaga ang nasa puso nila. Habang lumalalim ang relasyon nila, natural lang na maakit sila sa isa’t isa. Pero kailangan nilang kontrolin ang pagpapakita ng pagmamahal bago sila ikasal para hindi sila makagawa ng imoralidad. Tutulungan sila ng tunay na pag-ibig na magpigil sa sarili at hindi makagawa ng isang bagay na sisira sa kaugnayan nila sa isa’t isa at kay Jehova.—1 Tesalonica 4:6.
ANO ANG GAGAWIN KO PARA MAGTAGAL ANG PAGSASAMA NAMIN?
19, 20. Ano ang tingin ng mga Kristiyano sa pag-aasawa?
19 Maraming aklat at pelikula ang nagtatapos sa masaya at engrandeng kasalan. Sa totoong buhay, ang kasal ay pasimula pa lang. Dinisenyo ni Jehova ang pag-aasawa para maging permanenteng pagsasama.—Genesis 2:24.
20 Sa ngayon, pansamantala lang para sa marami ang pag-aasawa. Madali lang mag-asawa at madali lang ding maghiwalay. Iniisip ng ilan na kapag nagkakaproblema na, panahon na iyon para iwan ang asawa at tapusin ang pagsasama nila. Pero alalahanin ang ilustrasyon ng Bibliya tungkol sa lubid na may tatlong hibla na matibay ang pagkakatali sa isa’t isa. Ang ganoong lubid ay hindi basta-basta napapatid kahit sa mahihirap na sitwasyon. Kapag umaasa ang mag-asawa sa tulong ni Jehova, magtatagal ang pagsasama nila. Sinabi ni Jesus: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.
21. Ano ang tutulong sa mag-asawa na mahalin ang isa’t isa?
21 Lahat tayo ay may magagandang katangian at mga kahinaan. Napakadaling magpokus sa kahinaan ng iba, lalo na sa kahinaan ng asawa natin. Pero kung gagawin natin iyan, hindi tayo magiging masaya. Kung magpopokus naman tayo sa magagandang katangian ng ating asawa, magiging masaya ang pag-aasawa. Kaya ba nating gawin iyan sa isang di-perpektong asawa? Oo! Alam ni Jehova na hindi tayo perpekto, pero nakapokus pa rin siya sa magaganda nating katangian. Paano na lang kung hindi? Sinabi ng salmista: “Kung mga pagkakamali ang binabantayan mo, O Jah, sino, O Jehova, ang makatatayo?” (Awit 130:3) Matutularan ng mga mag-asawa si Jehova kung titingnan nila ang magagandang katangian ng asawa nila at kung handa silang magpatawad.—Basahin ang Colosas 3:13.
22, 23. Bakit mabuting halimbawa sina Abraham at Sara para sa mga mag-asawa?
22 Sa paglipas ng panahon, lalong tumitibay ang pagsasama ng mag-asawa. Naging mahaba at masaya ang pagsasama nina Abraham at Sara. Nang sabihin ni Jehova kay Abraham na iwan ang tahanan nila sa lunsod ng Ur, posibleng mahigit 60 anyos na si Sara. Isipin kung gaano kahirap para sa kaniya na iwan ang komportableng tahanan nila at tumira sa mga tolda. Pero mabuting kaibigan at asawa si Sara, at talagang iginagalang niya si Abraham. Kaya sinuportahan niya ang desisyon ni Abraham at nakipagtulungan para maging matagumpay ito.—Genesis 18:12; 1 Pedro 3:6.
23 Siyempre, ang matagumpay na pag-aasawa ay hindi nangangahulugang laging magkakasundo ang mag-asawa sa lahat ng bagay. Minsan, nang hindi sumang-ayon si Abraham kay Sara, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Pakinggan mo siya.” Ginawa iyon ni Abraham, at maganda ang naging resulta. (Genesis 21:9-13) Kung hindi kayo nagkakasundo ng asawa mo paminsan-minsan, huwag masiraan ng loob. Ang mahalaga, kahit hindi kayo magkasundo kung minsan, mahal pa rin ninyo at iginagalang ang isa’t isa.
24. Paano makapagbibigay ng kapurihan kay Jehova ang pag-aasawa?
24 Libo-libong mag-asawa sa kongregasyong Kristiyano ang masayang nagsasama. Kung gusto mong mag-asawa, tandaan na ang pagpili ng mapapangasawa ang isa sa pinakamahalagang desisyong gagawin mo. May epekto ito sa iyo habambuhay, kaya hingin ang patnubay ni Jehova. Kapag ginawa mo iyan, makakapili ka ng isang mabuting asawa, makapaghahanda kang mabuti sa pag-aasawa, at makakabuo ka ng isang matibay na bigkis ng pagmamahalan na magbibigay ng kapurihan kay Jehova.