Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Tutol ang mga Magulang Ko sa Aking Pag-aasawa?
Si Lakesha at ang kaniyang nobyo ay nagbabalak nang magpakasal, subalit ayaw ng kaniyang ina. “Magiging 19 na ako sa taóng ito,” ang sabi ni Lakesha, “pero iginiit ng nanay ko na maghintay kami hanggang sa ako’y maging 21.”
KUNG ikaw ay nagbabalak na pakasal, natural lamang na hangarin mong ikatuwa rin ito ng iyong mga magulang. Talagang masakit kung ayaw ng iyong mga magulang sa iyong mapapangasawa. Ano ang gagawin mo? Ipagwalang-bahala ang kagustuhan nila, at ipagpatuloy ang iyong mga plano ng kasal?a
Maaaring nakatutukso ito kung ikaw ay nasa edad na at maaari nang magpakasal kahit walang pahintulot ng magulang. Gayunman, ang Bibliya’y hindi nagtatakda ng edad sa pagpapakita ng karangalan at paggalang sa mga magulang ng isa. (Kawikaan 1:8) At kung ipagwawalang-bahala mo ang kanilang damdamin, maaaring masira mo ang iyong relasyon sa kanila sa mahabang panahon. Isa pa, maaaring posible rin—marahil ay malamang pa nga—na may makatuwirang dahilan ang iyong mga magulang sa pagtutol sa iyong pag-aasawa.
Gaano Kabata ang Napakabata?
Halimbawa, sinasabi ba ng iyong mga magulang na napakabata mo pa para mag-asawa? Buweno, walang itinatakdang pinakamababang edad ang Bibliya para sa pag-aasawa. Ngunit tunay na inirerekomenda nito na bago mag-asawa, ang isa’y dapat na “lampas na sa kasibulan ng kabataan”—ang mga taon pagkatapos ng pagbibinata’t pagdadalaga kung saan ang seksuwal na pagnanasa ay nasa karurukan nito. (1 Corinto 7:36) Bakit? Sapagkat ang gayong mga kabataan ay nasa maagang yugto pa ng pagsulong sa emosyonal na pagkamaygulang, pagpipigil sa sarili, at espirituwal na mga katangiang kailangan sa pagharap sa buhay may-asawa.—Ihambing ang 1 Corinto 13:11; Galacia 5:22, 23.
Nang magpasiyang mag-asawa ang 20-taóng-gulang na si Dale, nabalisa siya sa pagtutol ng kaniyang mga magulang. “Napakabata ko pa raw at walang karanasan,” sabi niya. “Para sa akin ay handa na kami at matututo pa kami sa paglipas ng panahon, pero ibig matiyak ng mga magulang ko na hindi ako napadadala lamang sa emosyon. Marami silang tanong. Handa ko na bang harapin ang pang-araw-araw na desisyon, ang mga gastusin, ang katotohanan ng paglalaan sa pamilya sa materyal, emosyonal, at espirituwal na paraan? Handa na ba akong maging magulang? Talaga bang marunong na akong makipagtalastasan? Nauunawaan ko na bang talaga ang mga pangangailangan ng isang asawa? Sa pakiramdam nila’y kailangan ko pang makilala nang higit ang aking sarili bilang isang adulto bago ko pasimulang alagaan ang isa pang adulto.
“Bagaman ayaw na sana naming maghintay pa, ipinagpaliban na rin namin ang aming kasal upang mabigyan namin ng panahon ang aming sarili na gumulang pa. Nang sa wakas ay magpakasal kami, pinasok namin ang isang relasyong may mas matatag na pundasyon at higit na suporta sa isa’t isa.”
Kapag ang Pagkakaiba ng Relihiyon ang Nasasangkot
Nang makadama si Terri ng pagmamahal sa isang lalaki na iba ang relihiyosong pananampalataya kaysa sa kaniya, lihim siyang nakipag-date sa kaniya. Nang sabihin nila ang kanilang plano ng pag-aasawa, nabalisa si Terri nang matuklasan niyang tutol ang kaniyang ina sa kanilang pagpapakasal. “Ayokong magalit sa akin ang aking ina,” hinagpis ni Terri. “Nais ko pa ring mapanatili ang aming relasyon bilang mag-ina.”
Ngunit sino nga ba talaga ang humahadlang sa relasyong iyan? Nagiging malupit ba o di-makatuwiran ang ina ni Terri? Hindi, nanghahawakan lamang siya sa payo ng Bibliya sa mga Kristiyano na mag-asawa “lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Sa katunayan, ganito ang utos ng Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 6:14, 15) Bakit naman?
Una, ang pagkakaisa sa relihiyon ay isang napakahalagang salik sa maligaya at matagumpay na pag-aasawa. Sinasabi ng mga eksperto na ang igting at tensiyon na karaniwan na sa mga nag-aasawa na magkaiba ang relihiyon ay madalas na humahantong sa diborsiyo. Gayunman, ang mas nakababahala ay ang posibilidad na gipitin upang ikompromiso ang relihiyosong pananampalataya ng isa—o kaya’y talikuran na lamang ang mga ito. Kung hindi man humadlang ang di-sumasampalatayang asawa sa iyong pagsamba, mapipighati ka pa rin sapagkat hindi mo maibabahagi sa kaniya ang iyong matinding pananalig. Ito ba ang pormula ng isang maligayang pag-aasawa?
Kaya nga napakahirap ang gagawing desisyon ni Terri. “Mahal ko ang Diyos na Jehova,” sabi ni Terri, “pero ayokong mawala ang aking nobyo.” Hindi mo maaaring makuha ang dalawang ito. Hindi mo maaaring ikompromiso ang mga pamantayan ng Diyos at matamasa pa rin ang kaniyang pabor at pagpapala.
Gayunman, baka tutol ang iyong mga magulang sa iyong pagpapakasal sa isang kapuwa Kristiyano. Posible kayang makipamatok nang kabilan sa isang mananampalataya? Oo, kung ang isang iyon ay hindi nakikiisa sa iyong espirituwal na mga tunguhin o debosyon sa Diyos. Kung ganiyan ang kaso o kung ang taong iyon ay walang “mabuting ulat” mula sa mga kapatid sa kaniyang kongregasyon, nararapat lamang na mabahala ang iyong mga magulang sa pagpapakasal mo sa taong iyon.—Gawa 16:2.
Kumusta Naman ang Pagkakaiba sa Lahi at Kultura?
Iba naman ang dahilan ng pagtutol ng mga magulang ni Lynn: Nais niyang pakasalan ang isang lalaking may ibang lahi. Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa bagay na ito? Sinasabi nito sa atin na “ang Diyos ay hindi nagtatangi” at na “ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 10:34, 35; 17:26) Ang mga tao’y may iisang pinagmulan at may magkakapantay na halaga sa paningin ng Diyos.
Gayunpaman, samantalang lahat ng mag-asawa ay dumaranas ng “kapighatian sa kanilang laman,” ang mga mag-asawang magkaiba ang lahi ay maaaring makaranas ng dagdag na mga hamon. (1 Corinto 7:28) Bakit? Sapagkat hindi tinatanggap ng maraming tao sa puno-ng-poot na daigdig sa ngayon ang pangmalas ng Diyos hinggil sa lahi. Bagaman nagiging palasak na ang pag-aasawa ng magkaibang lahi sa ilang lupain sa Kanluran, may mga lugar pa rin na doo’y napapaharap sa malubhang pagtatangi ang mga mag-asawang magkaiba ang lahi. Kung gayon ay baka nangangamba ang iyong mga magulang na hindi ka pa nakahanda sa pagharap sa ganitong panggigipit.
“Inisip ng aking mga magulang na labis kaming mahihirapan,” inamin ni Lynn. Taglay ang katalinuhan, nagpakita si Lynn ng paggalang sa damdamin ng mga ito at hindi siya nagmadali sa pag-aasawa. Habang minamatyagan ng mga magulang ni Lynn ang kaniyang pagsulong at higit pa nilang nakikilala ang lalaking kaniyang iniibig, unti-unti silang nakadama ng makatuwirang pagtitiwala na mahaharap na niya ang mga panggigipit sa pag-aasawang ito. Sabi ni Lynn: “Nang madama nilang kami’y maaaring tunay na lumigayang magkasama, sila man ay natuwa para sa amin.”
Subalit kung minsan, ang isyu ay hindi tungkol sa lahi kundi sa kultura. Maaaring mabahala ang iyong mga magulang na, sa dakong huli, mahihirapan kang makisama sa isa na ang istilo ng buhay, mga inaasahan, at mga gustong pagkain, musika, at libangan ay ibang-iba sa gusto mo. Sa anu’t ano man, ang pagpapakasal sa isa na mula sa ibang lahi o may ibang kultura ay maaaring magharap ng malalaking hamon. Talaga bang handa mong harapin ang mga ito?
Kapag ang Pagtutol ng mga Magulang ay Waring Di-Makatuwiran
Subalit paano kung sa palagay mo’y ganap na walang katuwiran ang pagtutol ng iyong mga magulang? Ganito ang sabi ng isang dalagang nagngangalang Faith tungkol sa kaniyang ina: “Maraming ulit nang nakipagdiborsiyo si Inay. Sinabi niyang hindi mo kailanman makikilala ang taong pinakasalan mo kundi kapag huli na ang lahat. Kumbinsido siyang hindi ako liligaya kapag ako’y nag-asawa.” Kadalasan na, ang mga magulang na nagkaroon ng bigong pag-aasawa mismo ay hindi nagiging positibo sa pag-aasawa ng kanilang anak. Sa ilang pangyayari, nakapag-aalinlangan ang mga motibo ng mga magulang sa pagtutol sa pag-aasawa ng kanilang anak, gaya ng paghahangad na patuloy na makontrol ang buhay ng bata.
Kung ayaw makinig sa katuwiran ang iyong mga magulang, ano ang maaari mong gawin? Sa mga Saksi ni Jehova, maaaring hingan ng tulong ang matatanda sa kongregasyon sa paglutas sa mga suliranin ng pamilya. Sa paraang walang pinapanigan, makatutulong sila sa mga miyembro ng pamilya na pag-usapan ang mga bagay-bagay sa isang kalmado, payapa, at kapaki-pakinabang na paraan.—Santiago 3:18.
Paghanap ng Kapayapaan
Mangyari pa, marami pang ibang dahilan upang tumutol ang iyong mga magulang sa iyong pag-aasawa, gaya ng pagkabahala sa pinansiyal o sa personalidad ng iyong mapapangasawa. At sa panahong ito ng AIDS at iba pang sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagsisiping, makatuwiran lamang na ang iyong mga magulang ay mabahala sa iyong kalusugan kung ang iyong pakakasalan ay nagkaroon ng maruming pamumuhay bago naging Kristiyano.b
Habang ikaw ay nakatira sa tahanan ng iyong mga magulang, pananagutan mong kilalanin ang kanilang awtoridad sa iyo. (Colosas 3:20) Datapwat kung ikaw man ay nagsasarili na at may sapat na gulang na upang gumawa ng sariling desisyon, huwag kang magpadalus-dalos sa pagwawalang-bahala sa mga pagmamalasakit ng iyong mga magulang. Pakinggan mo sila. (Kawikaan 23:22) Maingat na timbangin ang maaaring ibunga ng pag-aasawa.—Ihambing ang Lucas 14:28.
Matapos na magawa ito, maaaring ipasiya mong ituloy pa rin ang pag-aasawa. Mangyari pa, kailangang isabalikat mo ang buong pananagutan ng gayong pagpapasiya. (Galacia 6:5) Kung nagawa mo nang lahat ang pagsisikap na isaalang-alang ang iyong mga magulang, marahil ay mapahihinuhod silang suportahan ang iyong desisyon, bagaman nag-aatubili. Ngunit kung patuloy silang tumututol, sikaping huwag magdamdam o magalit. Alalahanin mo: Mahal ka ng iyong mga magulang at nagmamalasakit sila sa iyong maligayang kinabukasan. Huwag magsawang makipagpayapaan sa kanila. Habang nagtatagumpay ang iyong pag-aasawa, marahil ay maglulubag din ang kanilang loob.
Sa kabilang banda, kung talagang isasaalang-alang mo ang lahat ng sinasabi ng iyong mga magulang at titingnan mong mabuti ang iyong sarili at ang taong ibig na ibig mong pakasalan, huwag kang mabibigla kung humantong ka sa nakagigitlang konklusyon na maaaring tama naman pala ang iyong mga magulang.
[Mga talababa]
a Ang impormasyon sa artikulong ito ay para sa mga kabataang nasa mga lupain na may kaugaliang siya ang pumipili ng kaniyang mapapangasawa.
b Tingnan ang artikulong “Pagtulong sa mga May AIDS,” sa Marso 22, 1994, isyu ng Gumising!
[Larawan sa pahina 21]
Baka iniisip ng iyong mga magulang na napakabata mo pa para mag-asawa