Si Jehova, Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
“Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—AWIT 86:5.
1. Anong mabigat na pasanin ang dinala ni Haring David, at paano siya nakasumpong ng kaaliwan para sa kaniyang bagbag na puso?
BATID ni Haring David ng sinaunang Israel kung gaano kabigat ang nadarama ng isa na binabagabag ng budhi dahil sa pagkakasala. Sumulat siya: “Ang aking mga pagkakamali ay dumaan sa ibabaw ng aking ulo; tulad ng isang mabigat na pasan ay napakabigat ng mga ito para sa akin. Ako’y nanlata at lubhang nabagbag; umungol ako dahil sa pagdaing ng aking puso.” (Awit 38:4, 8) Gayunman, nakasumpong si David ng kaaliwan para sa kaniyang bagbag na puso. Batid niya na bagaman napopoot si Jehova sa pagkakasala, hindi naman siya napopoot sa nagkasala—kung ang isang iyon ay totoong nagsisisi at tumatalikod sa kaniyang makasalanang landasin. (Awit 32:5; 103:3) Palibhasa’y buo ang pananampalataya sa pagiging handa ni Jehova na magpaabot ng awa sa mga nagsisisi, sinabi ni David: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.
2, 3. (a) Kapag nagkasala tayo, anong pasanin ang maaaring dalhin natin bunga nito, at bakit ito kapaki-pakinabang? (b) Ano ang panganib sa pagiging ‘nalulon’ ng pagkadama ng pagkakasala? (c) Anong katiyakan ang ibinibigay ng Bibliya sa atin tungkol sa pagiging handang magpatawad ni Jehova?
2 Kapag tayo’y nagkasala, bunga nito ay maaaring dalhin din natin ang nakapanlulumong pasanin ng isang nasasaktang budhi. Ang ganitong pagkadama ng pagsisisi ay normal, kapaki-pakinabang pa nga. Tayo’y maaaring pakilusin nito na gumawa ng positibong mga hakbang upang ituwid ang ating mga pagkakamali. Subalit ang ilang Kristiyano ay lubhang nadaig ng pagkadama ng kasalanan. Baka igiit ng kanilang nang-uusig na puso na sila’y hindi lubusang patatawarin ng Diyos, kahit gayon na lamang ang kanilang pagsisisi. “Napakabigat sa kalooban kapag iniisip mong baka hindi ka na mahalin ni Jehova,” sabi ng isang kapatid na babae, na nakagunita sa isang pagkakamaling nagawa niya. Kahit matapos na siya’y magsisi at tumanggap ng nakatutulong na payo mula sa matatanda sa kongregasyon, patuloy pa rin niyang nadama na hindi siya karapat-dapat sa pagpapatawad ng Diyos. Ganito ang paliwanag niya: “Walang araw na lumilipas na hindi ako humihiling ng kapatawaran kay Jehova.” Kung tayo’y “malulon” ng pagkadama ng kasalanan, baka udyukan tayo ni Satanas na sumuko na, anupat madamang hindi na tayo karapat-dapat maglingkod kay Jehova.—2 Corinto 2:5-7, 11.
3 Ngunit malayung-malayo rito ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay! Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita na kapag nagpapamalas tayo ng taimtim at taos-pusong pagsisisi, si Jehova ay nagnanais, handa pa nga, na magpatawad. (Kawikaan 28:13) Kaya kung sa pakiwari mo ay hindi mo na makakamit kailanman ang kapatawaran ng Diyos, marahil ay kailangan ang higit na pagkaunawa kung bakit at kung paano siya nagpapatawad.
Bakit “Handang Magpatawad” si Jehova?
4. Ano ang naaalaala ni Jehova tungkol sa kalikasan natin, at paano ito nakaaapekto sa paraan ng pakikitungo niya sa atin?
4 Mababasa natin: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilayo sa atin ang ating mga pagkakasala. Kung paanong ang isang ama ay nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpakita ng awa sa mga may-takot sa kaniya.” Bakit nakahilig si Jehova na magpakita ng awa? Sumasagot ang kasunod na talata: “Sapagkat nalalaman niyang lubos ang pagkakaanyo sa atin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:12-14) Oo, hindi nililimot ni Jehova na tayo ay mga nilalang mula sa alabok, na may mga pagkukulang, o kahinaan, bunga ng di-kasakdalan. Ang pananalitang alam niya “ang pagkakaanyo sa atin” ay nagpapaalaala sa atin na inihahalintulad ng Bibliya si Jehova sa isang magpapalayok at tayo sa mga sisidlan na kaniyang hinuhubog.a (Jeremias 18:2-6) Matatag ngunit maingat na hinahawakan ng isang magpapalayok ang kaniyang mga sisidlang putik, anupat laging isinasaalang-alang ang katangian ng mga ito. Gayundin naman ibinabagay ni Jehova, ang Dakilang Magpapalayok, ang kaniyang pakikitungo sa atin ayon sa kahinaan ng ating likas na pagkamakasalanan.—Ihambing ang 2 Corinto 4:7.
5. Paano inilalarawan ng aklat ng Roma ang malakas na pagsupil ng kasalanan sa ating makasalanang laman?
5 Nauunawaan ni Jehova kung gaano kalakas ang impluwensiya ng kasalanan. Inilalarawan ng Kasulatan ang kasalanan bilang isang makapangyarihang puwersang buong-kamandag na sumusupil sa tao. Gaano nga ba kalakas ang pagsupil ng kasalanan? Sa aklat ng Roma, ito ay inilarawan ng kinasihang apostol na si Pablo sa buháy na mga pananalita: Tayo ay ‘nasa ilalim ng kasalanan,’ gaya ng mga sundalo sa ilalim ng kanilang komander (Roma 3:9); ito ay “namahala” sa sangkatauhan gaya ng isang hari (Roma 5:21); ito’y “tumatahan” sa atin (Roma 7:17, 20); ang “batas” nito ay patuloy na gumagana sa atin, sa katunayan ay nagsusumikap na supilin ang ating landasin. (Roma 7:23, 25) Tunay ngang mahirap ang ating pakikipagbaka upang paglabanan ang mahigpit na pagkakahawak ng kasalanan sa ating makasalanang laman!—Roma 7:21, 24.
6. Paano minamalas ni Jehova yaong buong-pagsisising humihiling ng kaniyang awa?
6 Kung gayon, batid ng ating maawaing Diyos na hindi posible para sa atin ang ganap na pagsunod, gaano man kasidhi ang pagnanais nating iukol iyon sa kaniya. (1 Hari 8:46) Maibiging tinitiyak niya sa atin na kapag buong-pagsisising hinihiling natin ang kaniyang kaawaan tulad niyaong sa isang ama, siya ay magpapatawad. Sinabi ng salmistang si David: “Ang mga hain sa Diyos ay isang bagbag na kalooban; ang isang bagbag at wasak na puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) Hindi kailanman itatakwil, o itataboy, ni Jehova ang isang pusong bagbag at wasak dahil sa bigat ng pagkadama ng pagkakasala. Anong gandang paglalarawan nito sa pagiging handang magpatawad ni Jehova!
7. Bakit hindi tayo maaaring magbaka-sakali sa awa ng Diyos?
7 Subalit nangangahulugan ba ito na maaari tayong magbaka-sakali sa awa ng Diyos, anupat ginagamit ang ating likas na pagkamakasalanan upang ipagdahilan ang kasalanan? Hinding-hindi! Si Jehova ay hindi kumikilos ayon lamang sa emosyon. May hangganan ang kaniyang awa. Tiyak na hindi niya patatawarin yaong mga matigas-pusong nagsasagawa ng mapaminsala at sinasadyang kasalanan nang walang pagsisisi. (Hebreo 10:26-31) Sa kabilang banda, kapag nakakakita siya ng isang pusong “bagbag at wasak,” siya ay “handang magpatawad.” (Kawikaan 17:3) Isaalang-alang natin ang ilang madamdaming pananalita na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang pagiging lubusan ng pagpapatawad ng Diyos.
Gaano Kalubos ang Pagpapatawad ni Jehova?
8. Ano, sa diwa, ang ginagawa ni Jehova kapag pinatatawad niya ang ating mga kasalanan, at ano ang dapat na maging epekto nito sa atin?
8 Ganito ang sabi ng nagsising si Haring David: “Ang aking kasalanan sa wakas ay ipinahayag ko sa iyo, at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan. Sinabi ko: ‘Ipahahayag ko kay Jehova ang aking mga paglabag.’ At pinatawad mo ang kasamaan ng aking mga kasalanan.” (Awit 32:5) Ang salitang “pinatawad” ang siyang pagkasalin sa isang Hebreong salita na ang saligang kahulugan ay “buhatin,” “dalhin, tangayin.” Dito ang pagkagamit nito ay nangangahulugang ‘alisin ang pagkakasala, kaimbihan, paglabag.’ Kaya binuhat ni Jehova ang mga kasalanan ni David at tinangay ang mga iyon, wika nga. (Ihambing ang Levitico 16:20-22.) Tiyak na pinagaan nito ang bigat ng nadaramang pagkakasala ni David. (Ihambing ang Awit 32:3.) Tayo rin naman ay lubusang makapagtitiwala sa Diyos na nagpapatawad ng mga kasalanan niyaong humihingi ng kaniyang kapatawaran salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Mateo 20:28; ihambing ang Isaias 53:12.) Kaya yaong ang mga kasalanan ay binubuhat at tinatangay ni Jehova ay hindi na kailangang patuloy na magdala ng bigat ng kalooban dahil sa nakaraang mga kasalanan.
9. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus na: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang”?
9 Ginamit ni Jesus ang kaugnayan ng mga nagpapautang at umuutang upang ilarawan kung paano nagpapatawad si Jehova. Halimbawa, hinimok tayo ni Jesus na manalangin: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang.” (Mateo 6:12) Kaya inihalintulad ni Jesus ang “mga kasalanan” sa “mga pagkakautang.” (Lucas 11:4) Kapag tayo’y nagkasala, tayo’y “may-utang” kay Jehova. Ang Griegong pandiwa na isinaling “patawarin” ay maaaring mangahulugan ng “kalimutan, hayaan, ang isang utang, sa pamamagitan ng hindi pagsingil dito.” Sa diwa, kapag nagpapatawad si Jehova, kinakansela niya ang utang na kung hindi gayon ay sisingilin sana sa atin. Kaya naman magkakaroon ng kaaliwan ang mga nagsisising makasalanan. Hindi kailanman sisingilin ni Jehova ang isang utang na kinansela na niya!—Awit 32:1, 2; ihambing ang Mateo 18:23-35.
10, 11. (a) Ano ang ideyang ipinahihiwatig ng salitang “mapawi,” na nasa Gawa 3:19? (b) Paano inilalarawan ang pagiging lubusan ng pagpapatawad ni Jehova?
10 Sa Gawa 3:19, ginamit ng Bibliya ang isa pang matingkad na salitang patalinghaga upang ilarawan ang pagpapatawad ng Diyos: “Magsisi kayo, samakatuwid, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan.” Ang salitang “mapawi” ang siyang pagkasalin sa isang Griegong pandiwa na, kapag ginamit sa makasagisag na paraan, ay maaaring mangahulugan ng “palisin, burahin, kanselahin o wasakin.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinahahayag ay yaong pagbura ng sulat-kamay. Paano maaaring mangyari ito? Ang tintang karaniwang ginagamit noong unang panahon ay yari sa pinaghalong karbon, kola, at tubig. Di-nagtatagal pagkatapos gamitin sa pagsulat ang gayong tinta, ang isang tao ay maaaring gumamit ng isang basang espongha at burahin ang sulat.
11 Hayan ang isang magandang larawan ng pagiging lubusan ng pagpapatawad ni Jehova. Kapag pinatatawad niya ang ating mga kasalanan, para bang gumagamit siya ng espongha at binubura ang mga ito. Hindi tayo kailangang matakot na sisingilin niya sa atin sa hinaharap ang gayong mga kasalanan, sapagkat isang bagay pa ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa awa ni Jehova na totoong pambihira: Kapag nagpapatawad siya, kinalilimutan niya iyon!
“Ang Kanilang Kasalanan ay Hindi Ko Na Aalalahanin Pa”
12. Kapag sinasabi ng Bibliya na kinalilimutan ni Jehova ang ating mga kasalanan, nangangahulugan ba ito na hindi niya natatandaan ang mga ito, at bakit gayon ang sagot mo?
12 Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, nangako si Jehova hinggil sa mga kabilang sa bagong tipan: “Patatawarin ko ang kanilang pagkakamali, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jeremias 31:34) Nangangahulugan ba ito na kapag nagpatawad si Jehova ay hindi na niya matatandaan pa ang mga kasalanan? Hindi ganiyan ang kalagayan. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa mga kasalanan ng maraming tao na pinatawad ni Jehova, kasali na si David. (2 Samuel 11:1-17; 12:1-13) Maliwanag na alam pa rin ni Jehova ang mga pagkakamaling nagawa nila, at dapat na gayundin tayo. Ang ulat ng kanilang mga kasalanan, pati na ang kanilang pagsisisi at pagpapatawad ng Diyos, ay iningatan para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng Bibliya kapag binabanggit nito na hindi ‘inaalaala’ ni Jehova ang mga kasalanan niyaong mga pinatatawad niya?
13. (a) Ano ang kalakip sa kahulugan ng pandiwang Hebreo na isinaling ‘aalalahanin ko’? (b) Kapag sinabi ni Jehova, “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” ano ang tinitiyak niya sa atin?
13 Higit pa kaysa paggunita lamang sa nakalipas ang ipinahihiwatig ng pandiwang Hebreo na isinaling ‘aalalahanin ko.’ Ayon sa Theological Wordbook of the Old Testament, kalakip dito “ang karagdagang pahiwatig ng paggawa ng angkop na hakbang.” Kaya sa ganitong diwa, ang ‘pag-alaala’ ng kasalanan ay nagsasangkot ng pagkilos laban sa mga nagkasala. Nang sabihin ni propeta Oseas hinggil sa suwail na mga Israelita, “Aalalahanin niya [ni Jehova] ang kanilang pagkakamali,” ang ibig sabihin ng propeta ay na kikilos si Jehova laban sa kanila dahil sa kanilang kawalan ng pagsisisi. Kaya naman, sinabi sa nalalabing bahagi ng talata: “Bibigyang-pansin niya ang kanilang mga kasalanan.” (Oseas 9:9) Sa kabilang dako, kapag sinabi ni Jehova, “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” tinitiyak niya sa atin na minsang patawarin niya ang nagsisising nagkasala, sa hinaharap ay hindi siya kikilos laban sa kaniya dahil sa mga kasalanang iyon. (Ezekiel 18:21, 22) Kaya lumilimot siya sa diwa na hindi niya muli’t muling babanggitin ang ating mga kasalanan upang akusahan o parusahan tayo nang paulit-ulit. Sa gayo’y naglalaan si Jehova ng isang napakainam na halimbawa upang tularan natin sa pakikitungo natin sa iba. Kapag bumangon ang mga di-pagkakasundo, makabubuti na huwag ungkatin ang nakaraang mga pagkakasala na dati mo nang pinatawad.
Paano Naman ang Magiging Bunga?
14. Bakit ang kapatawaran ay hindi nangangahulugan na ang isang nagsisising makasalanan ay libre na mula sa lahat ng bunga ng kaniyang maling landasin?
14 Nangangahulugan ba na ang pagiging handa ni Jehova na magpatawad ay naglilibre sa nagsising nagkasala mula sa lahat ng ibubunga ng kaniyang maling landasin? Talagang hindi. Hindi tayo maaaring magkasala nang libre sa kaparusahan. Sumulat si Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Maaaring mapaharap tayo sa ilang bunga ng ating pagkilos o suliranin, ngunit matapos magpatawad, hindi pinangyayari ni Jehova na sumapit sa atin ang paghihirap. Kapag bumangon ang kabagabagan, hindi dapat madama ng isang Kristiyano, ‘Marahil ay pinarurusahan ako ni Jehova dahil sa mga kasalanan ko noon.’ (Ihambing ang Santiago 1:13.) Sa kabilang panig, hindi tayo inililigtas ni Jehova mula sa lahat ng epekto ng ating maling pagkilos. Ang diborsiyo, di-ninanais na pagdadalang-tao, sakit na naililipat sa pagsisiping, kawalan ng tiwala o paggalang—ang lahat ng ito ay maaaring ang nakalulungkot na bunga ng kasalanan, at hindi tayo ipagsasanggalang ni Jehova mula sa mga ito. Tandaan na bagaman pinatawad niya si David sa kasalanan nito may kinalaman kina Bat-sheba at Uria, hindi ipinagsanggalang ni Jehova si David mula sa kapaha-pahamak na mga ibinunga.—2 Samuel 12:9-14.
15, 16. Paanong kapuwa ang biktima at ang nagkasala ay nakikinabang sa batas na nakasaad sa Levitico 6:1-7?
15 Ang ating mga kasalanan ay maaaring may iba pa ring ibubunga. Halimbawa, tingnan ang salaysay sa Levitico kabanata 6. Tinatalakay rito ng Batas Mosaiko ang situwasyon kung saan nakagawa ng malubhang pagkakasala ang isang tao sa pag-agaw sa ari-arian ng kapuwa Israelita sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangingikil, o pandaraya. Pagkatapos ay nagkaila ang nagkasala, anupat buong-kapangahasan pa ngang sumumpa ng kabulaanan. Ito ay isang kaso na iba ang sinasabi ng magkabilang panig. Subalit pagkaraan, ang nagkasala ay binagabag ng budhi at nagtapat ng kaniyang kasalanan. Upang makamit ang pagpapatawad ng Diyos, tatlo pang bagay ang kailangan niyang gawin: ibalik ang kinuha niya, bayaran ang biktima ng 20 porsiyento, at maghandog ng barakong tupa bilang handog ukol sa pagkakasala. Pagkatapos, ganito ang nakasaad sa batas: “Ang saserdote ay gagawa ng pagbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova, at sa gayo’y ipatatawad ito sa kaniya.”—Levitico 6:1-7; ihambing ang Mateo 5:23, 24.
16 Ang batas na ito ay isang maawaing paglalaan ng Diyos. Nakinabang dito ang biktima, na ang pag-aari ay naibalik sa kaniya at tiyak na nakadama ng malaking ginhawa nang sa dakong huli ay umamin ang nagkasala. Kasabay nito, nakinabang sa batas ang isa na sa wakas ay pinakilos ng kaniyang budhi na aminin ang kaniyang pagkakasala at ituwid ang kaniyang pagkakamali. Sa katunayan, kung tumanggi siyang gawin ito, hindi siya patatawarin ng Diyos.
17. Kapag nasaktan ang iba dahil sa ating mga kasalanan, ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin?
17 Bagaman wala tayo sa ilalim ng Batas Mosaiko, nagbibigay ito sa atin ng malalim na unawa tungkol sa kaisipan ni Jehova, pati na ang kaniyang pangmalas sa pagpapatawad. (Colosas 2:13, 14) Kapag ang iba ay nasaktan o nabiktima dahil sa ating mga kasalanan, nalulugod si Jehova kapag ginawa natin ang ating makakaya upang ‘itama ang mali.’ (2 Corinto 7:11) Kasali rito ang pagkilala sa ating kasalanan, pag-amin sa ating pagkakamali, at maging ang paghingi ng tawad sa biktima. Kung magkagayo’y maaari tayong mamanhik kay Jehova salig sa hain ni Jesus at maranasan ang ginhawa ng isang malinis na budhi at ang katiyakan na napatawad tayo ng Diyos.—Hebreo 10:21, 22.
18. Anong disiplina ang maaaring kaakibat ng pagpapatawad ni Jehova?
18 Tulad ng sinumang maibiging magulang, maaaring magpatawad si Jehova kaakibat ang isang antas ng disiplina. (Kawikaan 3:11, 12) Baka kailanganing bitiwan ng isang nagsisising Kristiyano ang kaniyang pribilehiyo bilang isang matanda, ministeryal na lingkod, o isang payunir. Maaaring masakit para sa kaniya na mawalan sa isang yugto ng panahon ng mga pribilehiyo na lubhang mahalaga sa kaniya. Subalit ang gayong disiplina ay hindi nangangahulugan na naiwala niya ang pabor ni Jehova o na hindi nagpatawad si Jehova. Karagdagan pa, dapat nating tandaan na ang disiplina mula kay Jehova ay katunayan ng kaniyang pag-ibig sa atin. Ang pagtanggap at pagkakapit nito ay sa ating ikabubuti at maaaring umakay sa buhay na walang hanggan.—Hebreo 12:5-11.
19, 20. (a) Kung nakagawa ka ng mga pagkakamali, bakit hindi mo dapat madamang hindi ka na maaaring kaawaan ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Anong laking ginhawang malaman na naglilingkod tayo sa isang Diyos na “handang magpatawad”! Nakikita ni Jehova hindi lamang ang ating mga kasalanan at pagkakamali. (Awit 130:3, 4) Alam niya kung ano ang nasa ating puso. Kung ang iyong puso ay bagbag at wasak dahil sa nakaraang mga pagkakamali, huwag isiping hindi ka na maaaring kaawaan ni Jehova. Sa kabila ng mga pagkakamaling maaaring nagawa mo, kung talagang nagsisi ka, gumawa ng mga hakbang upang itama ang mali, at marubdob na nanalangin para sa pagpapatawad ni Jehova salig sa itinigis na dugo ni Jesus, lubusan kang makapagtitiwala na kumakapit sa iyo ang mga salita sa 1 Juan 1:9: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.”
20 Pinasisigla tayo ng Bibliya na tularan ang pagpapatawad ni Jehova sa ating pakikitungo sa isa’t isa. Subalit hanggang saan tayo inaasahang magpapatawad at lilimot kapag ang iba ay nagkasala sa atin? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Kapansin-pansin, ang salitang Hebreo na isinaling “ang pagkakaanyo sa atin” ang ginagamit may kinalaman sa sisidlang putik na hinuhubog ng isang magpapalayok.—Isaias 29:16.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit “handang magpatawad” si Jehova?
◻ Paano inilalarawan sa Bibliya ang pagiging lubusan ng pagpapatawad ni Jehova?
◻ Kapag nagpapatawad si Jehova, sa anong diwa siya lumilimot?
◻ Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin kapag nasaktan ang iba dahil sa ating mga kasalanan?
[Larawan sa pahina 12]
Kapag nasaktan ang iba dahil sa ating mga kasalanan, inaasahan ni Jehova na tayo’y hihingi ng tawad