Ang Iyong Salita—‘Oo Pero Hindi’?
Pag-isipan ang sitwasyong ito: Isang elder na miyembro ng Hospital Liaison Committee ang nakipag-usap sa isang kabataang brother na magkasama silang gagawa sa larangan sa Linggo ng umaga. Pero pagdating ng araw na iyon, isang tawag ang natanggap ng elder mula sa isang brother na ang asawa ay isinugod sa ospital dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Nagpapatulong ito para makahanap ng doktor na makikipagtulungan at hindi magsasalin ng dugo. Kaya kinansela ng elder ang usapan nila ng kabataang brother para maalalayan ang pamilyang napapaharap sa emergency.
Narito ang isa pang sitwasyon: Isang nagsosolong ina na may dalawang anak ang inimbitahan ng isang mag-asawang kakongregasyon nila sa isang hapunan. Nang sabihin niya ito sa kaniyang mga anak, tuwang-tuwa sila at sabik na hinintay ang gabing iyon. Pero isang araw bago ang hapunan, kinansela ng mag-asawa ang imbitasyon dahil daw sa isang di-inaasahang pangyayari. Nang maglaon, nalaman ng ina na ang mag-asawa ay naimbitahan pala ng ilang kaibigan sa gabi ring iyon, at tinanggap nila ang imbitasyon.
Bilang mga Kristiyano, dapat lang na tuparin natin ang ating sinabi. Ang ating salita ay hindi dapat na maging ‘oo pero hindi.’ (2 Cor. 1:18) Gayunman, gaya ng ipinakikita ng dalawang halimbawa, iba-iba ang mga sitwasyon. May mga pagkakataon na baka kailangan talaga nating kanselahin ang isang usapan. Ganiyan ang nangyari kay apostol Pablo noong minsan.
SI PABLO AY INAKUSAHANG PABAGU-BAGO
Noong 55 C.E., nang si Pablo ay nasa Efeso sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, binalak niyang tumawid ng Dagat Aegeano papuntang Corinto at mula roon ay maglakbay patungong Macedonia. Bago bumalik sa Jerusalem, pinlano niyang bumisita ulit sa kongregasyon sa Corinto, maliwanag na para kolektahin ang kanilang maibiging kaloob para sa mga kapatid sa Jerusalem. (1 Cor. 16:3) Mababasa ito sa 2 Corinto 1:15, 16: “Taglay ang pagtitiwalang ito, binabalak ko noon na pumariyan sa inyo, upang magkaroon kayo ng ikalawang pagkakataon ukol sa kagalakan, at pagkatapos ng sandaling pagtigil sa inyo ay pumaroon sa Macedonia, at bumalik sa inyo mula sa Macedonia at maihatid ninyo nang bahagya patungong Judea.”
Lumilitaw na sa isang naunang liham ni Pablo, ipinaalam niya sa mga kapatid sa Corinto ang kaniyang plano. (1 Cor. 5:9) Pero di-nagtagal matapos isulat ang liham na iyon, nabalitaan ni Pablo mula sa sambahayan ni Cloe na may matinding di-pagkakasundo sa kongregasyon. (1 Cor. 1:10, 11) Kaya binago ni Pablo ang kaniyang orihinal na plano, at isinulat niya ang liham na kilala natin ngayon bilang 1 Corinto. Sa liham na ito, maibigin siyang nagbigay ng payo at pagtutuwid. Binanggit din niya na nagbago siya ng plano at sinabing pupunta muna siya sa Macedonia at pagkatapos ay sa Corinto.—1 Cor. 16:5, 6.a
Lumilitaw na noong matanggap ng mga kapatid sa Corinto ang liham ni Pablo, may “ubod-galing na mga apostol” sa kongregasyon na nag-akusang pabagu-bago siya at hindi tumutupad sa pangako. Bilang pagtatanggol sa sarili, itinanong niya: “Buweno, noong may binabalak akong gayon, hindi ko iyon itinuring na isang bagay na magaan, hindi ba? O ang mga bagay na nilalayon ko, nilalayon ko ba ang mga iyon ayon sa laman, upang sa akin ay maging ‘Oo, Oo’ at ‘Hindi, Hindi’?”—2 Cor. 1:17; 11:5.
Baka maitanong natin, Itinuring nga ba ni Pablo na “magaan” o hindi seryoso ang kaniyang sinabi? Hindi! Ang salita na isinaling “magaan” ay nagpapahiwatig ng pagiging pabagu-bago, na para bang ang isa ay hindi mapagkakatiwalaan, o hindi tumutupad sa pangako. Sa tanong ni Pablo na “nilalayon ko ba ang mga iyon ayon sa laman?” dapat sana’y naging malinaw sa mga Kristiyano sa Corinto na ang pagbabago ni Pablo ng plano ay hindi nangangahulugang hindi siya mapagkakatiwalaan.
Mariing sinagot ni Pablo ang akusasyong iyon nang isulat niya: “Ngunit mapananaligan ang Diyos na ang aming pananalita na sinasalita sa inyo ay hindi Oo at gayunma’y Hindi.” (2 Cor. 1:18) Tiyak na ang kapakanan ng mga kapatid sa Corinto ang iniisip ni Pablo nang magbago siya ng plano at hindi tumuloy sa pagpunta roon. Sa 2 Corinto 1:23, mababasa natin na ginawa niya iyon ‘upang paligtasin sila.’ Oo, binigyan niya sila ng pagkakataon na ayusin ang mga bagay-bagay bago siya dumalaw. At gaya ng gustong mangyari ni Pablo, habang nasa Macedonia siya, nabalitaan niya kay Tito na napakilos sila ng liham niya na magsisi, at labis na ikinatuwa iyon ni Pablo.—2 Cor. 6:11; 7:5-7.
SINASABI SA DIYOS ANG “AMEN” SA PAMAMAGITAN NIYA
Dahil sa akusasyong pabagu-bago si Pablo at hindi tumutupad sa kaniyang mga pangako, lilitaw na hindi rin siya mapagkakatiwalaan sa kaniyang pangangaral. Gayunman, ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Corinto na ipinangaral niya sa kanila si Jesu-Kristo. “Ang Anak ng Diyos, si Kristo Jesus, na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan namin, samakatuwid nga, sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi naging Oo at gayunma’y Hindi, kundi ang Oo ay naging Oo sa kaniyang kalagayan.” (2 Cor. 1:19) Ang huwaran ba ni Pablo, si Jesu-Kristo, ay masasabing hindi mapagkakatiwalaan? Hindi! Sa buong buhay at ministeryo ni Jesus, lagi siyang nagsasabi ng katotohanan. (Juan 14:6; 18:37) Kung ang ipinangaral ni Jesus ay totoo at mapagkakatiwalaan, at iyon din ang mensaheng ipinangaral ni Pablo, ang pangangaral ng apostol kung gayon ay mapagkakatiwalaan.
Siyempre pa, si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Makikita natin ito sa sumunod na isinulat ni Pablo: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya,” ibig sabihin, sa pamamagitan ni Kristo. Dahil sa katapatan ni Jesus noong narito siya sa lupa, ipinakita niyang hindi mapag-aalinlanganan ang mga pangako ni Jehova. Sinabi pa ni Pablo: “Kaya nga sa pamamagitan din niya [ni Jesus] ay sinasabi sa Diyos ang ‘Amen’ ukol sa kaluwalhatian sa pamamagitan natin.” (2 Cor. 1:20) Si Jesus mismo ang garantiya, o ang “Amen,” na ang lahat ng pangako ng Diyos na Jehova ay matutupad!
Gaya ni Jehova at ni Jesus na palaging nagsasabi ng totoo, lagi ring mapanghahawakan ang mga sinasabi ni Pablo. (2 Cor. 1:19) Hindi siya pabagu-bago, o nangangako “ayon sa laman.” (2 Cor. 1:17) Sa halip, ‘lumalakad siya ayon sa espiritu.’ (Gal. 5:16) Sa pakikitungo sa iba, ang kapakanan nila ang iniisip niya. Ang kaniyang Oo ay Oo!
ANG OO MO BA AY OO?
Sa ngayon, marami ang hindi namumuhay ayon sa simulain ng Bibliya at hindi tumutupad sa pangako kapag nagkaroon ng kaunting problema o may mas magandang alok na dumating. Sa larangan ng negosyo, ang “oo” ay hindi laging “oo,” kahit pa nga may ginawang kasulatan. Marami sa ngayon ang nag-iisip na ang pag-aasawa ay hindi na isang panghabambuhay na pagsasama. Ipinakikita ng mabilis na pagtaas ng bilang ng diborsiyo na para sa marami, ang pag-aasawa ay hindi seryoso at puwedeng basta na lang talikuran.—2 Tim. 3:1, 2.
Kumusta ka naman? Ang Oo mo ba ay Oo? Totoo, gaya ng binanggit sa simula ng artikulong ito, baka kailanganin mong kanselahin ang isang usapan, hindi dahil pabagu-bago ka, kundi dahil sa isang pangyayaring hindi mo kontrolado. Pero kung isa kang Kristiyano, dapat mong gawin ang lahat para tuparin ang ipinangako mo o ang isang kasunduan. (Awit 15:4; Mat. 5:37) Kung gagawin mo iyan, makikilala ka bilang isang taong mapagkakatiwalaan, may isang salita, at laging nagsasabi ng totoo. (Efe. 4:15, 25; Sant. 5:12) Kapag nakita ng mga tao na mapagkakatiwalaan ka, mas magiging handa silang makinig sa ipinangangaral mong katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kaya tiyakin natin na ang ating Oo ay talagang Oo!
a Di-nagtagal matapos isulat ang 1 Corinto, si Pablo ay naglakbay nga patungong Macedonia, kung saan niya isinulat ang 2 Corinto, pero sa Troas siya dumaan. (2 Cor. 2:12; 7:5) Nang maglaon, bumisita siya sa Corinto.