Kristiyanong mga Saksi na May Makalangit na Pagkamamamayan
“Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay umiiral sa mga langit.”—FILIPOS 3:20.
1. Anong kamangha-manghang layunin mayroon si Jehova para sa ilang tao?
ANG mga taong ipinanganak sa lupa ay mamamahala bilang mga hari at mga saserdote sa langit, maging sa mga anghel. (1 Corinto 6:2, 3; Apocalipsis 20:6) Anong kamangha-manghang katotohanan iyan! Ngunit, nilayon iyan ni Jehova, at tinutupad niya ito sa pamamagitan ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. Bakit gumagawa ng gayong bagay ang ating Maylalang? At papaano dapat makaapekto sa isang Kristiyano sa ngayon ang kaalaman tungkol dito? Tingnan natin kung papaano sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito?
2. Anong bagay na bago na gagawin ni Jesus ang ipinatalastas ni Juan na Tagapagbautismo, at itong bagay na bago ay may kinalaman sa ano?
2 Nang inihahanda ni Juan na Tagapagbautismo ang daan para kay Jesus, kaniyang ipinatalastas na si Jesus ay gagawa ng isang bagay na bago. Ganito ang nakaulat: “[Si Juan] ay nangangaral, na nagsasabi: ‘Isang mas malakas kaysa sa akin ay dumarating na kasunod ko; hindi ako naaangkop na yumuko at magkalag ng mga sintas ng kaniyang mga sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo ng banal na espiritu.’ ” (Marcos 1:7, 8) Bago nito, wala pang sinuman ang nabautismuhan ng banal na espiritu. Ito ay isang bagong kaayusan na nasasangkot ang banal na espiritu, at ito’y may kinalaman sa malapit nang isiwalat na layunin ni Jehova na ihanda ang mga tao sa makalangit na pamamahala.
“Maipanganak Muli”
3. Anong mga bagong bagay hinggil sa Kaharian ng langit ang ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemo?
3 Sa isang lihim na pakikipagpulong sa isang prominenteng Fariseo, isiniwalat ni Jesus ang higit pa tungkol sa layuning ito ng Diyos. Ang Fariseo, na si Nicodemo, ay naparoon kay Jesus sa gabi, at sinabi sa kaniya ni Jesus: “Malibang ang sinuman ay maipanganak muli, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Yamang isang Fariseo, tiyak na napag-aralan ni Nicodemo ang Hebreong Kasulatan, anupat may nalalaman tungkol sa dakilang katotohanan ng Kaharian ng Diyos. Inihula ng aklat ni Daniel na ang Kaharian ay ibibigay sa “isang gaya ng anak ng tao” at sa “bayan ng mga banal ng Kataas-taasang Isa.” (Daniel 7:13, 14, 27) “Dudurugin at wawakasan” ng Kaharian ang lahat ng iba pang kaharian at ito ay tatayo magpakailanman. (Daniel 2:44) Malamang, naisip ni Nicodemo na ang mga hulang ito ay matutupad sa bansang Judio; ngunit sinabi ni Jesus na upang makita ang Kaharian, kailangang maipanganak muli ang isa. Hindi naunawaan ni Nicodemo, kaya nagpatuloy si Jesus sa pagsasabi: “Malibang ang sinuman ay maipanganak mula sa tubig at espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.”—Juan 3:5.
4. Para doon sa ipinanganak mula sa banal na espiritu, papaano magbabago ang kanilang kaugnayan kay Jehova?
4 Bumanggit si Juan na Tagapagbautismo hinggil sa bautismo ng banal na espiritu. Ngayon, idinaragdag ni Jesus na ang isa ay kailangang maipanganak mula sa banal na espiritu upang siya ay makapasok sa Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng kakaibang pagsilang na ito, ang di-sakdal na mga lalaki at babae ay pumapasok sa isang lubhang natatanging kaugnayan sa Diyos na Jehova. Sila’y nagiging kaniyang mga anak na inampon. Mababasa natin: “Ang lahat ng tumanggap [kay Jesus], sa kanila ay ibinigay niya ang awtoridad na maging mga anak ng Diyos, sapagkat sila ay nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniyang pangalan; at sila ay naipanganak, hindi mula sa dugo o mula sa kalooban ng laman o mula sa kalooban ng tao, kundi mula sa Diyos.”—Juan 1:12, 13; Roma 8:15.
Mga Anak ng Diyos
5. Kailan binautismuhan ng banal na espiritu ang tapat na mga alagad, at anong kaugnay na pagkilos ng banal na espiritu ang naganap kasabay nito?
5 Nang makausap ni Jesus si Nicodemo, bumaba na kay Jesus ang banal na espiritu, anupat pinahiran siya para sa kaniyang paghahari sa hinaharap sa Kaharian ng Diyos, at hayagang ipinakilala ng Diyos si Jesus bilang Kaniyang Anak. (Mateo 3:16, 17) Nagluwal si Jehova ng marami pang espirituwal na mga anak noong Pentecostes 33 C.E. Ang tapat na mga alagad na nagkakatipon noon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem ay binautismuhan ng banal na espiritu. Kasabay nito, sila’y ipinanganak muli mula sa banal na espiritu upang maging espirituwal na mga anak ng Diyos. (Gawa 2:2-4, 38; Roma 8:15) Isa pa, sila’y pinahiran ng banal na espiritu sa layuning tumanggap ng makalangit na mana sa hinaharap, at sa pasimula sila’y tinatakan ng banal na espiritu bilang tanda ng katiyakan ng makalangit na pag-asang iyan.—2 Corinto 1:21, 22.
6. Ano ang layunin ni Jehova hinggil sa makalangit na Kaharian, at bakit angkop lamang para sa mga tao na magkaroon ng bahagi rito?
6 Ito ang unang mga taong di-sakdal na pinili ng Diyos upang pumasok sa Kaharian. Samakatuwid nga, pagkatapos na sila’y mamatay at buhaying muli, sila’y magiging bahagi ng kaayusan ukol sa makalangit na Kaharian na mamamahala sa mga tao at sa mga anghel. Layunin ni Jehova na sa pamamagitan ng Kahariang ito, pakababanalin ang kaniyang dakilang pangalan at ipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya sa harap ng lahat ng nilalang. (Mateo 6:9, 10; Juan 12:28) Angkop lamang na ang mga tao ay magkaroon ng bahagi sa Kahariang iyan! Ginamit ni Satanas ang mga tao nang ibangon ang kaniyang unang hamon laban sa soberanya ni Jehova doon sa halamanan ng Eden, at ngayon ay nilayon ni Jehova na isangkot ang mga tao sa pagsagot sa hamong iyan. (Genesis 3:1-6; Juan 8:44) Sumulat si apostol Pedro sa mga taong pinili na mamahala sa Kahariang iyan: “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat alinsunod sa kaniyang dakilang awa ay nagbigay siya sa atin ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang dungis at walang kupas na mana. Ito ay nakataan sa mga langit para sa inyo.”—1 Pedro 1:3, 4.
7. Anong natatanging kaugnayan kay Jesus ang tinatamasa niyaong binautismuhan ng banal ng espiritu?
7 Bilang mga anak na inampon ng Diyos, ang piniling mga Kristiyanong ito ay naging mga kapatid ni Jesu-Kristo. (Roma 8:16, 17; 9:4, 26; Hebreo 2:11) Yamang si Jesus ay napatunayang siyang Binhi na ipinangako kay Abraham, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyanong ito ay kasamahan, o katulong, na bahagi ng Binhing iyan, na magdudulot ng pagpapala sa nananampalatayang sangkatauhan. (Genesis 22:17, 18; Galacia 3:16, 26, 29) Anong pagpapala? Ang pagkakataon na matubos mula sa kasalanan at makipagkasundo sa Diyos at maglingkod sa kaniya ngayon at magpakailanman. (Mateo 4:23; 20:28; Juan 3:16, 36; 1 Juan 2:1, 2) Inaakay ng pinahirang mga Kristiyano sa lupa ang matuwid-pusong mga tao tungo sa pagpapalang ito sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa kanilang espirituwal na kapatid na si Jesu-Kristo at sa kanilang Ama na umampon sa kanila, ang Diyos na Jehova.—Gawa 1:8; Hebreo 13:15.
8. Ano ang “pagsisiwalat” sa mga inianak ng Diyos sa espiritu?
8 Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa “pagsisiwalat” sa mga inianak ng Diyos sa espiritu. (Roma 8:19) Sa pagpasok sa Kaharian bilang mga haring kasama ni Jesus, may bahagi sila sa pagpuksa sa makasanlibutang sistema ng mga bagay ni Satanas. Pagkatapos, sa loob ng isang libong taon, tutulong sila na akayin ang sangkatauhan sa mga pakinabang ng haing pantubos at sa gayo’y itaas ang sangkatauhan tungo sa kasakdalan na naiwala ni Adan. (2 Tesalonica 1:8-10; Apocalipsis 2:26, 27; 20:6; 22:1, 2) Ang lahat ng ito ay kasali sa pagsisiwalat sa kanila. Ito’y isang bagay na may pananabik na hinihintay ng nananampalatayang sangkatauhan.
9. Papaano tinutukoy sa Bibliya ang pambuong-daigdig na lupon ng pinahirang mga Kristiyano?
9 Ang pambuong-daigdig na lupon ng pinahirang mga Kristiyano ay “ang kongregasyon ng panganay na nakatala na sa mga langit.” (Hebreo 12:23) Sila ang unang makikinabang sa haing pantubos ni Jesus. Sila rin ang “katawan ni Kristo,” na nagpapakita ng kanilang matalik na kaugnayan sa isa’t isa at kay Jesus. (1 Corinto 12:27) Sumulat si Pablo: “Kung paanong ang katawan ay iisa ngunit maraming sangkap, at ang lahat ng sangkap ng katawang iyon, bagaman marami, ay iisang katawan, gayundin ang Kristo. Sapagkat katotohanang sa pamamagitan ng iisang espiritu tayong lahat ay binautismuhan sa iisang katawan, maging mga Judio man o mga Griego, maging mga alipin man o malalaya, at iisang espiritu ang ipinainom sa ating lahat.”—1 Corinto 12:12, 13; Roma 12:5; Efeso 1:22, 23; 3:6.
Ang “Israel ng Diyos”
10, 11. Noong unang siglo, bakit kinailangan ang isang bagong Israel, at sino ang mga bumubuo ng bagong bansang ito?
10 Sa loob ng mahigit na 1,500 taon bago naparito si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas, ang likas na bansang Israel ang pantanging bayan ni Jehova. Sa kabila ng patuloy na mga paalaala, ang bansa sa kabuuan ay napatunayang di-tapat. Nang dumating si Jesus, tinanggihan siya ng bansa. (Juan 1:11) Sa gayon, sinabi ni Jesus sa mga relihiyosong lider na Judio: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:43) Ang pagkilala sa “bansang [iyan na] nagluluwal ng mga bunga [ng Kaharian]” ay kailangan para sa kaligtasan.
11 Ang bagong bansa ay ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na isinilang noong Pentecostes 33 C.E. Ang unang mga miyembro nito ay mga Judiong alagad ni Jesus na tumanggap sa kaniya bilang kanilang makalangit na Hari. (Gawa 2:5, 32-36) Gayunman, miyembro sila ng bagong bansa ng Diyos, hindi salig sa kanilang Judiong pinagmulan, kundi salig sa pananampalataya kay Jesus. Kaya naman, itong bagong Israel ng Diyos ay natatangi—isang espirituwal na bansa. Nang tanggihan si Jesus ng karamihan sa mga Judio, ang paanyaya na maging bahagi ng bagong bansa ay ipinaabot sa mga Samaritano at pagkatapos ay sa mga Gentil. Ang bagong bansang ito ay tinawag na ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
12, 13. Papaano naging maliwanag na ang bagong Israel ay hindi isang sekta lamang ng Judaismo?
12 Sa sinaunang Israel, kapag naging proselita ang mga di-Judio, sila’y kailangang sumunod sa Batas Mosaiko, at kailangang sagisagan ito ng mga lalaki sa pamamagitan ng pagtutuli. (Exodo 12:48, 49) Inakala ng ilang Judiong Kristiyano na dapat ding kumapit ito sa mga di-Judio sa Israel ng Diyos. Subalit, iba ang nasa isip ni Jehova. Inakay ng banal na espiritu si apostol Pedro sa tahanan ng Gentil na si Cornelio. Nang tumugon si Cornelio at ang kaniyang sambahayan sa pangangaral ni Pedro, sila’y tumanggap ng banal na espiritu—bago pa man sila nabautismuhan sa tubig. Malinaw na ipinakita nito na tinanggap ni Jehova ang mga Gentil na ito bilang mga miyembro ng Israel ng Diyos nang hindi na iginigiit na sila’y sumunod sa Batas Mosaiko.—Gawa 10:21-48.
13 Nahirapan ang ilang mananampalataya na tanggapin ito, at di-nagtagal ang bagay na ito ay kinailangang talakayin ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem. Ang may-awtoridad na lupong iyon ay nakinig sa inilahad na patotoo kung papaano kumilos ang banal na espiritu sa mga di-Judiong mananampalataya. Ipinakita ng pagsasaliksik sa Bibliya na ito ay katuparan ng kinasihang hula. (Isaias 55:5; Amos 9:11, 12) Naabot ang isang wastong desisyon: Ang di-Judiong mga Kristiyano ay hindi na kailangang sumunod sa Batas Mosaiko. (Gawa 15:1, 6-29) Samakatuwid, ang espirituwal na Israel ay tunay na isang bagong bansa at hindi isang sekta lamang ng Judaismo.
14. Ano ang ipinahihiwatig ng pagtukoy ni Santiago sa Kristiyanong kongregasyon bilang ang “labindalawang tribo na nakapangalat”?
14 Kasuwato nito, nang sumusulat sa pinahirang mga Kristiyano ng unang siglo, ipinadala ng alagad na si Santiago ang kaniyang liham sa “labindalawang tribo na nakapangalat.” (Santiago 1:1; Apocalipsis 7:3-8) Mangyari pa, ang mga mamamayan ng bagong Israel ay hindi iniatas sa partikular na mga tribo. Walang paghahati tungo sa 12 magkakaibang tribo sa espirituwal na Israel di-gaya sa likas na Israel. Gayunpaman, ipinahihiwatig ng kinasihang kapahayagan ni Santiago na sa pangmalas ni Jehova ang Israel ng Diyos ay lubusang humalili sa 12 tribo ng likas na Israel. Kung ang isang likas na Israelita ay naging bahagi ng bagong bansa, ang kaniyang likas na pinagmulan—kahit na siya ay kabilang sa tribo ni Juda o ni Levi—ay walang kabuluhan.—Galacia 3:28; Filipos 3:5, 6.
Isang Bagong Tipan
15, 16. (a) Papaano minamalas ni Jehova ang di-Judiong mga miyembro ng Israel ng Diyos? (b) Ano ang legal na saligan ng pagkatatag sa bagong Israel?
15 Sa pangmalas ni Jehova, ang di-Israelitang mga miyembro ng bagong bansang ito ay ganap na espirituwal na mga Judio! Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli ay yaong sa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nasusulat na kodigo. Ang papuri ng isang iyon ay nanggagaling, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” (Roma 2:28, 29) Maraming Gentil ang tumugon sa paanyaya na maging bahagi ng Israel ng Diyos, at ang pangyayaring ito ang tumupad sa hula ng Bibliya. Halimbawa, isinulat ni propeta Oseas: “Ako’y magpapakita ng awa sa kaniya na hindi pinakitaan ng awa, at sasabihin ko sa kanila na hindi ko bayan: ‘Kayo’y aking bayan’; at sila, sa ganang kanila, ay magsasabi: ‘Ikaw ang aking Diyos.’ ”—Oseas 2:23; Roma 11:25, 26.
16 Kung ang espirituwal na mga Israelita ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko, ano ang saligan ng kanilang pagiging bahagi ng bagong bansa? Gumawa si Jehova ng isang bagong tipan sa espirituwal na bansang ito sa pamamagitan ni Jesus. (Hebreo 9:15) Nang pasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, noong Nisan 14, 33 C.E., nagpasa siya ng tinapay at alak sa 11 tapat na mga apostol at sinabi na ang alak ay sumasagisag sa “dugo ng tipan.” (Mateo 26:28; Jeremias 31:31-34) Gaya ng nasa salaysay ni Lucas, sinabi ni Jesus na ang kopa ng alak ay sumasagisag sa “bagong tipan.” (Lucas 22:20) Bilang katuparan ng mga salita ni Jesus, nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes at isinilang ang Israel ng Diyos, ang Kaharian ay binawi mula sa likas na Israel at ibinigay sa bago, espirituwal na bansa. Kahalili ng likas na Israel, ang bagong bansang ito ngayon ang lingkod ni Jehova, na binubuo ng kaniyang mga saksi.—Isaias 43:10, 11.
“Bagong Jerusalem”
17, 18. Anong paglalarawan ang ibinibigay ng aklat na Apocalipsis sa kaluwalhatian na naghihintay sa pinahirang mga Kristiyano?
17 Anong dakilang kaluwalhatian ang naghihintay doon sa mga may pribilehiyong makibahagi sa makalangit na pagtawag! At anong laking kaluguran na malaman ang mga himalang naghihintay sa kanila! Ang aklat ng Apocalipsis ay nagbibigay sa atin ng kapana-panabik na mga tanawin ng kanilang mana sa langit. Halimbawa, sa Apocalipsis 4:4, mababasa natin: “Sa palibot ng trono [ni Jehova] ay may dalawampu’t apat na trono, at sa mga tronong ito ay aking nakita na nakaupo ang dalawampu’t apat na matatanda na nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan, at sa kanilang mga ulo ay may mga ginintuang korona.” Ang 24 na matatandang ito ay pinahirang mga Kristiyano, na binuhay-muli at ngayo’y nagtataglay ng makalangit na posisyon na ipinangako ni Jehova sa kanila. Ang kanilang mga korona at trono ay nagpapagunita sa atin ng kanilang pagiging maharlika. Isip-isipin din ang kanilang totoong kahanga-hangang pribilehiyo ng paglilingkod sa palibot ng trono ni Jehova!
18 Sa Apocalipsis 14:1, ganito ang masusulyapan natin sa kanila: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” Dito ay nakikita natin ang limitadong bilang nitong mga pinahiran—144,000. Ang kanilang maharlikang kalagayan ay ipinahihiwatig ng bagay na sila’y nakatayo kasama ng Haring iniluklok ni Jehova, “ang Kordero,” si Jesus. At sila’y nasa makalangit na Bundok ng Sion. Ang makalupang Bundok ng Sion ang siyang kinaroroonan ng Jerusalem, ang maharlikang lunsod ng Israel. Ang makalangit na Bundok ng Sion ay kumakatawan sa itinaas na posisyon ni Jesus at ng kaniyang mga kasamang tagapagmana, na bumubuo ng makalangit na Jerusalem.—2 Cronica 5:2; Awit 2:6.
19, 20. (a) Sa anong makalangit na kaayusan magiging bahagi ang pinahirang mga Kristiyano? (b) Sa loob ng anong yugto ng panahon pinili ni Jehova yaong ang pagkamamamayan ay sa langit?
19 Kasuwato nito, ang mga pinahiran sa kanilang makalangit na kaluwalhatian ay binabanggit din bilang ang “Bagong Jerusalem.” (Apocalipsis 21:2) Ang makalupang Jerusalem “ang lunsod ng dakilang Hari” at kinaroroonan din ng templo. (Mateo 5:35) Ang makalangit na Bagong Jerusalem ang siyang kaayusan ng maharlikang Kaharian na sa pamamagitan nito ang dakilang Soberano, si Jehova, at ang kaniyang hinirang na Hari, si Jesus, ay namamahala ngayon at doon ginaganap ang paglilingkod bilang saserdote habang umaagos buhat sa trono ni Jehova ang saganang mga pagpapala ukol sa ikagagaling ng sangkatauhan. (Apocalipsis 21:10, 11; 22:1-5) Sa isa pang pangitain ay naririnig ni Juan ang tapat, binuhay-muli, pinahirang mga Kristiyano na tinutukoy bilang ‘ang asawa ng Kordero.’ Tunay ngang nakaaantig-pusong larawan ng matalik na kaugnayan na tatamasahin nila kasama ni Jesus at ng kanilang kusang pagpapasakop sa kaniya! Gunigunihin ang kagalakan sa langit kapag ang kahuli-hulihan sa kanila sa wakas ay tumatanggap ng kaniyang makalangit na gantimpala. Ngayon, sa wakas, “ang kasal ng Kordero” ay magaganap na! Sa gayon ay magiging kumpleto na yaong maharlikang kaayusan sa langit.—Apocalipsis 19:6-8.
20 Oo, kamangha-manghang mga pagpapala ang naghihintay sa kanila na binabagayan ng mga salita ni apostol Pablo: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay umiiral sa mga langit.” (Filipos 3:20) Sa loob ng halos dalawang libong taon, pumipili si Jehova ng kaniyang espirituwal na mga anak at inihahanda sila para sa isang makalangit na mana. Ayon sa lahat ng ebidensiya, ang gawaing ito ng pagpili at paghahanda ay halos tapos na. Ngunit marami pang susunod, gaya ng isiniwalat kay Juan sa kaniyang pangitain na nakaulat sa Apocalipsis kabanata 7. Kaya ngayon, isa pang grupo ng mga Kristiyano ang tumatawag ng ating pansin, at isasaalang-alang natin ang grupong ito sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang iba’t ibang pagkilos ng espiritu kaugnay niyaong may makalangit na mana?
◻ Anong matalik na kaugnayan ang tinatamasa ng mga pinahiran kay Jehova? kay Jesus?
◻ Papaano inilalarawan sa Bibliya ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano?
◻ Ano ang legal na saligan ng pagkatatag sa Israel ng Diyos?
◻ Anong mga pribilehiyo sa langit ang naghihintay sa pinahirang mga Kristiyano?
[Mga larawan sa pahina 10]
Sa loob halos ng dalawang libong taon, pumipili si Jehova niyaong mamamahala sa makalangit na Kaharian