GALACIA, LIHAM SA MGA TAGA-
Ang kinasihang liham na isinulat sa Griego, ni Pablo na isang apostol, “sa mga kongregasyon ng Galacia.”—Gal 1:1, 2.
Manunulat. Binabanggit sa pambungad na pangungusap na si Pablo ang manunulat ng aklat na ito. (Gal 1:1) Gayundin, ang kaniyang pangalan ay muling ginamit sa mismong teksto, anupat tinutukoy niya ang kaniyang sarili sa unang panauhan. (5:2) Isinasalaysay ng isang bahagi ng liham, sa istilong naglalahad ng sariling talambuhay, ang pagkakumberte ni Pablo at ang ilan sa iba pa niyang mga karanasan. Ang mga pagtukoy sa kaniyang kapighatian sa laman (4:13, 15) ay kasuwato ng mga pananalita sa iba pang mga aklat ng Bibliya na waring nauugnay sa kapighatiang iyon. (2Co 12:7; Gaw 23:1-5) Ang iba pang mga liham ni Pablo ay kadalasan nang isinusulat ng isang kalihim, ngunit sinabi niya na ang isang ito ay isinulat ng kaniyang “sariling kamay.” (Gal 6:11) Sa halos lahat ng iba pa niyang mga isinulat, ipinadadala niya ang mga pagbati niya at ng kaniyang mga kasama, ngunit hindi niya iyon ginawa sa liham na ito. Kung isang impostor ang sumulat ng liham sa mga taga-Galacia, malamang na babanggit siya ng isang kalihim at magpapadala siya ng ilang pagbati, gaya ng kadalasang ginagawa ni Pablo. Kaya naman ang paraan ng pakikipag-usap ng manunulat at ang kaniyang tapat at tuwirang istilo ang nagpapatotoo sa autentisidad ng liham. Kung inimbento lamang ito, hindi makatuwirang isipin na isusulat ito sa gayong paraan.
Kadalasan nang walang kumukuwestiyon sa liham na ito bilang liham ni Pablo maliban doon sa mga nagsisikap na ipakitang hindi si Pablo ang manunulat ng lahat ng liham na karaniwang kinikilala na isinulat niya. Kabilang sa mga katibayan mula sa labas ng Bibliya na sumusuporta na si Pablo ang sumulat nito ang isang pagsipi ni Irenaeus (mga 180 C.E.) mula sa aklat ng Galacia anupat binanggit niyang isinulat iyon ni Pablo.
Kung Sino ang Sinulatan. Matagal nang pinagtatalunan kung aling mga kongregasyon ang pinatutungkulan ng pananalitang “mga kongregasyon ng Galacia.” (Gal 1:2) Bilang suporta sa pangangatuwiran na ang mga ito ay mga kongregasyon sa hilagaang bahagi ng probinsiya ng Galacia na di-binanggit ang mga pangalan, sinasabing ang mga taong nakatira sa lugar na ito ay mga etnikong taga-Galacia, samantalang ang mga nasa T naman ay hindi. Gayunman, sa kaniyang mga isinulat, kadalasang ibinibigay ni Pablo ang opisyal na pangalang Romano ng mga probinsiya, at noong panahon niya, bahagi ng probinsiya ng Galacia ang mga lunsod ng timugang Licaonia na Iconio, Listra, at Derbe at maging ang lunsod ng Antioquia sa Pisidia. Sa lahat ng mga lunsod na ito, nag-organisa si Pablo ng mga kongregasyong Kristiyano sa kaniyang unang paglalakbay ukol sa pag-eebanghelyo noong kasama niya si Bernabe. Ipinakikita ng paraan ng pagkakabanggit kay Bernabe sa liham, bilang isa na maliwanag na kilala niyaong mga sinusulatan ni Pablo, na ang pinatutungkulan nito ay ang mga kongregasyon sa mga lunsod ng Iconio, Listra, Derbe, at Antioquia ng Pisidia. (2:1, 9, 13) Walang pahiwatig sa ibang bahagi ng Kasulatan na kilala si Bernabe ng mga Kristiyano sa hilagaang bahagi ng Galacia o na naglakbay man lamang si Pablo sa teritoryong iyon.
Ang bulalas ni Pablo na, “O mga hangal na taga-Galacia,” ay hindi katibayan na ang nasa isip lamang niya ay isang etnikong grupo ng mga tao na pantanging nagmula sa angkang Galiko sa hilagaang bahagi ng Galacia. (Gal 3:1) Sa halip, sinasaway ni Pablo ang ilan na kabilang sa mga kongregasyon doon dahil sa pagpapahintulot na maimpluwensiyahan sila ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo sa gitna nila, mga Judio na nagsisikap magtatag ng sarili nilang katuwiran sa pamamagitan ng kaayusang Mosaiko kahalili ng ‘katuwiran dahil sa pananampalataya’ na inilalaan ng bagong tipan. (2:15–3:14; 4:9, 10) Kung lahi ang pag-uusapan, “ang mga kongregasyon ng Galacia” (1:2) na sinulatan ni Pablo ay binubuo ng mga Judio at mga di-Judio, anupat ang huling nabanggit ay binubuo naman kapuwa ng mga tinuling proselita at mga di-tuling Gentil, at walang alinlangang ang ilan ay nagmula sa angkang Celtic. (Gaw 13:14, 43; 16:1; Gal 5:2) Sa kabuuan, tinukoy sila bilang mga Kristiyanong taga-Galacia sapagkat ang lugar na kanilang tinitirahan ay tinatawag na Galacia. Mababanaag sa buong liham na ang sinusulatan ni Pablo ay yaong mga kilalang-kilala niya sa timugang bahagi ng Romanong probinsiyang ito, hindi yaong ganap na mga estranghero sa hilagaang bahagi, na lumilitaw na hindi niya kailanman dinalaw.
Panahon ng Pagsulat. Hindi matiyak ang haba ng yugtong saklaw ng aklat, ngunit ang panahon ng pagsulat ay itinakda sa pagitan ng mga 50 at 52 C.E. Ipinahihiwatig sa Galacia 4:13 na nakadalaw si Pablo sa mga taga-Galacia nang di-kukulangin sa dalawang beses bago niya isinulat ang liham. Sa mga kabanata 13 at 14 ng Mga Gawa ng mga Apostol, inilalahad ang isang pagdalaw nina Pablo at Bernabe sa mga lunsod sa timugang Galacia noong mga 47 hanggang 48 C.E. Sumunod, pagkatapos ng komperensiya sa Jerusalem may kinalaman sa pagtutuli, noong mga 49 C.E., si Pablo, kasama si Silas, ay bumalik sa Derbe at Listra sa Galacia at sa iba pang mga lunsod kung saan “ipinahayag [nina Pablo at Bernabe] ang salita ni Jehova” (Gaw 15:36–16:1) noong unang paglalakbay. Maliwanag na pagkatapos nito, samantalang si Pablo ay nasa ibang dako sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, o nakabalik na sa kaniyang pinakatahanan, ang Antioquia ng Sirya, tumanggap siya ng balita na nag-udyok sa kaniya na sumulat sa “mga kongregasyon ng Galacia.”
Kung isinulat ni Pablo ang liham na ito sa panahon ng pamamalagi niya sa Corinto nang isa at kalahating taon (Gaw 18:1, 11), malamang na ang panahon ng pagsulat ay sa pagitan ng taglagas ng 50 at tagsibol ng 52 C.E., ang pangkalahatang yugto kung kailan isinulat din niya ang kaniyang kanonikal na mga liham sa mga taga-Tesalonica.
Kung isinagawa naman niya ang pagsulat noong sumandali siyang tumigil sa Efeso o pagkatapos niyang bumalik sa Antioquia sa Sirya at ‘magpalipas doon ng ilang panahon’ (Gaw 18:22, 23), ang panahon ng pagsulat ay mga 52 C.E. Gayunman, malayong mangyari na sa Efeso naganap ang pagsulat, dahil maikli lamang ang pamamalagi niya roon at dahil kung napakalapit na ni Pablo nang mabalitaan niya ang pagsinsay ng ilan sa Galacia, aasahan na personal siyang dadalaw sa mga kapatid o ipaliliwanag niya sa kaniyang liham kung bakit hindi siya posibleng dumalaw sa panahong iyon.
Ang sinabi sa kaniyang liham tungkol sa bagay na ang mga taga-Galacia ay ‘kay daling nailalayo mula sa Isa na tumawag sa kanila’ (Gal 1:6) ay maaaring nagpapahiwatig na isinulat ang liham di-katagalan pagkatapos ng isang pagdalaw ni Pablo sa mga taga-Galacia. Ngunit kahit na kung noon lamang 52 C.E. naganap ang pagsulat sa Antioquia ng Sirya, masasabing maaga pa rin ito para mangyari ang gayong pagsinsay.
Pagiging Kanonikal. Ang maagang katibayan ng pagiging kanonikal ng aklat ay matatagpuan sa Muratorian Fragment at sa mga akda nina Irenaeus, Clemente ng Alejandria, Tertullian, at Origen. Tinukoy iyon ng mga lalaking ito sa pangalan kasama ng karamihan o lahat ng iba pang 26 na aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Binanggit ang pangalan niyaon sa pinaikling kanon ni Marcion at tinukoy pa nga iyon ni Celsus, na isang kaaway ng Kristiyanismo. Kalakip ang aklat ng Galacia sa lahat ng natatanging talaan ng mga aklat sa kanon ng kinasihang Kasulatan, hanggang sa panahon ng Ikatlong Konsilyo ng Cartago, noong 397 C.E. Taglay natin ito sa ngayon, kasama ng walo pang kinasihang liham ni Pablo, sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), isang manuskrito na tinakdaan ng petsa na mga 200 C.E. Pinatutunayan nito na tinanggap ng unang mga Kristiyano ang aklat ng Galacia bilang isa sa mga liham ni Pablo. Kabilang din ang aklat ng Galacia sa iba pang sinaunang mga manuskrito, gaya ng Sinaitic, Alexandrine, Vatican No. 1209, Codex Ephraemi rescriptus, at Codex Claromontanus, gayundin sa Syriac na Peshitta. Bukod diyan, lubusan itong kasuwato ng ibang mga isinulat ni Pablo at ng iba pang bahagi ng Kasulatan kung saan malimit itong sumipi.
Mga Kalagayang Nauugnay sa Liham. Ipinababanaag ng liham ang maraming ugali ng mga tao sa Galacia noong panahon ni Pablo. Ang rehiyon ay nilupig ng Galikong mga Celt mula sa H noong ikatlong siglo B.C.E., kaya naman malakas ang impluwensiyang Celtic sa lupain. Ang mga Celt, o mga Gaul, ay itinuturing na mga taong mababangis at di-sibilisado, anupat sinasabing inihahandog nila ang mga bilanggong nahuhuli nila sa digmaan bilang mga haing tao. Inilalarawan din sila sa panitikang Romano bilang mga tao na masyadong emosyonal at mapamahiin, na mahilig sa maraming ritwal, at malamang na ang relihiyosong ugaling ito ay makaiimpluwensiya sa kanila upang hindi tumanggap ng anyo ng pagsamba na walang anumang ritwal gaya ng Kristiyanismo.
Magkagayunman, posibleng kaanib sa mga kongregasyon sa Galacia ang marami na dating ganito bilang mga pagano, gayundin ang maraming kumberte mula sa Judaismo na hindi pa lubusang nakapagwaksi sa ubod-ingat na pagtupad sa mga seremonya at iba pang mga obligasyon sa Kautusang Mosaiko. Maaaring ang ipinapalagay na salawahan at pabagu-bagong ugali ng mga taga-Galacia na nagmula sa angkang Celtic ang siyang dahilan kung bakit sa pasimula ang ilang kaanib sa mga kongregasyon sa Galacia ay masigasig sa katotohanan ng Diyos at pagkatapos ng maikling panahon ay madaling nasila ng mga kalaban ng katotohanan na metikuloso sa pagtupad ng Kautusan at naggigiit na kailangan sa kaligtasan ang pagtutuli at ang iba pang mga kahilingan ng Kautusan.
Lumilitaw na pinanatiling buháy ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, gaya ng maitatawag sa gayong mga kaaway ng katotohanan, ang usapin ng pagtutuli kahit noong mapagpasiyahan na ng mga apostol at ibang matatanda sa Jerusalem ang bagay na ito. Gayundin, marahil ay nadaraig ng mabababang pamantayang moral ng mga taong-bayan ang ilan sa mga Kristiyanong taga-Galacia, gaya ng mahihinuha sa mensahe ng liham mula sa kabanata 5, talata 13, hanggang sa katapusan. Anuman ang naging kalagayan, nang makarating sa apostol ang balita tungkol sa kanilang pagsinsay, naudyukan siyang isulat ang liham na ito na naglalaman ng deretsahang payo at masidhing pampatibay-loob. Maliwanag na ang pangunahin niyang layunin sa pagsulat ay ang pagtibayin ang kaniyang pagka-apostol, kontrahin ang mga bulaang turo ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, at palakasin ang mga kapatid sa mga kongregasyon sa Galacia.
Ang mga tagapagtaguyod ng Judaismo ay tuso at di-taimtim. (Gaw 15:1; Gal 2:4) Samantalang nag-aangking kumakatawan sa kongregasyon sa Jerusalem, sinasalansang ng mga bulaang gurong ito si Pablo at sinisiraan nila ang kaniyang posisyon bilang isang apostol. Nais nilang magpatuli ang mga Kristiyano, anupat hindi ang pinakamabuti para sa mga taga-Galacia ang hangad nila, kundi sa halip ay nais nilang magtinging katanggap-tanggap ang mga bagay para sa mga Judio at sa gayo’y hindi maging napakatindi ng pagsalansang ng mga ito. Ayaw ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo na dumanas ng pag-uusig para kay Kristo.—Gal 6:12, 13.
Upang maisagawa ang kanilang layunin, inangkin nila na ang atas ni Pablo ay hindi niya tinanggap nang tuwiran, na nagmula lamang ito sa ilang lalaki na prominente sa kongregasyong Kristiyano—hindi kay Kristo Jesus mismo. (Gal 1:11, 12, 15-20) Nais nilang pasunurin sa kanila ang mga taga-Galacia (4:17), at upang pahinain ang impluwensiya ni Pablo, kinailangan muna nilang ipakita na hindi siya apostol. Lumilitaw na inangkin nila na kapag iniisip ni Pablo na iyon ay sa kaniyang kapakinabangan, ipinangangaral niya ang pagtutuli. (1:10; 5:11) Sinikap nilang gumawa ng isang waring pinaghalong relihiyon ng Kristiyanismo at Judaismo, na hindi tahasang nagkakaila kay Kristo ngunit nangangatuwiran na makikinabang ang mga taga-Galacia sa pagtutuli, na susulong sila sa Kristiyanismo dahil dito, at, bukod pa riyan, na sa pamamagitan nito ay magiging mga anak sila ni Abraham, kung kanino orihinal na ibinigay ang tipan ng pagtutuli.—3:7.
Lubusang pinasinungalingan ni Pablo ang mga pangangatuwiran ng mga bulaang Kristiyanong ito at pinatibay niya ang mga kapatid na taga-Galacia upang makatayo silang matatag kay Kristo. Nakapagpapatibay-loob malaman na ang mga kongregasyon sa Galacia ay nanatiling tapat kay Kristo at nagsilbing mga haligi ng katotohanan. Dinalaw sila ng apostol na si Pablo noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero (Gaw 18:23), at ang unang liham ng apostol na si Pedro ay ipinatungkol niya sa mga taga-Galacia, bukod sa iba pa.—1Pe 1:1.
[Kahon sa pahina 787]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG GALACIA
Isang liham na nagdiriin na dapat pahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang kalayaang taglay nila sa pamamagitan ni Jesu-Kristo
Isinulat isang taon, o marahil ilang taon, pagkatapos na maipabatid sa mga taga-Galacia ang tungkol sa pasiya ng lupong tagapamahala na ang pagtutuli ay hindi kahilingan sa mga Kristiyano
Ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang pagka-apostol
Ang pagka-apostol ni Pablo ay hindi nagmula sa tao kundi atas mula kay Jesu-Kristo at sa Ama; hindi siya sumangguni sa mga apostol sa Jerusalem bago siya nagsimulang magpahayag ng mabuting balita; tatlong taon pa ang lumipas bago ang kaniyang maikling pagdalaw kina Cefas at Santiago (1:1, 13-24)
Ang mabuting balita na kaniyang inihayag ay tinanggap niya, hindi mula sa mga tao, kundi sa pamamagitan ng pagsisiwalat mula kay Jesu-Kristo (1:10-12)
Dahil sa isang pagsisiwalat, si Pablo, kasama sina Bernabe at Tito, ay pumaroon sa Jerusalem may kinalaman sa usapin ng pagtutuli; wala siyang anumang bago na natutuhan mula kina Santiago, Pedro, at Juan, ngunit nakilala ng mga ito na binigyang-kapangyarihan siya ukol sa isang pagka-apostol sa mga bansa (2:1-10)
Sa Antioquia, nang may-kamaliang humiwalay si Pedro sa mga mananampalatayang di-Judio dahil sa takot sa ilang kapatid na dumadalaw mula sa Jerusalem, sinaway siya ni Pablo (2:11-14)
Ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo, hindi ng mga gawa ng kautusan
Kung maipahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, hindi na sana kinailangang mamatay si Kristo (2:15-21)
Ang mga taga-Galacia ay tumanggap ng espiritu ng Diyos dahil sa pagtugon nila sa mabuting balita taglay ang pananampalataya, hindi dahil sa mga gawa ng kautusan (3:1-5)
Ang tunay na mga anak ni Abraham ay yaong mga may pananampalatayang tulad ng sa kaniya (3:6-9, 26-29)
Palibhasa’y walang kakayahang tuparin nang lubusan ang Kautusan, yaong mga nagsisikap na mapatunayang matuwid sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan ay nasa ilalim ng sumpa (3:10-14)
Hindi pinawalang-bisa ng Kautusan ang pangakong kaugnay ng tipang Abrahamiko, kundi naging paraan ito upang mahayag ang mga pagsalansang at nagsilbing isang tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo (3:15-25)
Tumayong matatag sa kalayaang Kristiyano
Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, pinalaya ni Jesu-Kristo yaong mga nasa ilalim ng kautusan, anupat naging posible para sa kanila na maging mga anak ng Diyos (4:1-7)
Ang pagbalik sa kaayusan ng pangingilin ng mga araw, mga buwan, mga kapanahunan, at mga taon ay mangangahulugan ng pagbalik sa pagkaalipin at ng pagiging nasa katayuang katulad niyaong kay Ismael, anak ng alilang babae na si Hagar; pinaalis si Ismael, kasama ng kaniyang ina, mula sa sambahayan ni Abraham (4:8-31)
Yamang sila’y pinalaya na mula sa kasalanan at hindi na obligadong sumunod sa Kautusan, dapat nilang tutulan ang sinumang gaganyak sa kanila na tumanggap ng isang pamatok ng pagkaalipin (1:6-9; 5:1-12; 6:12-16)
Huwag abusuhin ang inyong kalayaan kundi magbigay-daan sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos, na ipinakikita ang mga bunga nito sa inyong buhay at iniiwasan ang mga gawa ng laman (5:13-26)
Ibalik sa ayos, sa espiritu ng kahinahunan, ang sinumang nakagawa ng maling hakbang; ngunit ang lahat ay may obligasyong dalhin ang kani-kanilang pasan ng pananagutan (6:1-5)