MALAYANG BABAE
Isang babae na hindi alipin. Ginagamit ang terminong ito bilang paglalarawan sa asawa ni Abraham na si Sara at sa “Jerusalem sa itaas.” Mula nang palayain ng Diyos na Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at ibigay niya sa kanila ang Kautusan sa Bundok Sinai hanggang sa wakasan ang tipang Kautusan noong 33 C.E., pinakitunguhan ni Jehova ang bansang Israel bilang isang pangalawahing asawa. (Jer 3:14; 31:31, 32) Gayunman, ang Kautusan ay hindi nagbigay sa bansang Israel ng katayuan ng isang malayang babae, sapagkat isiniwalat nito na ang mga Israelita ay nasa ilalim ng kasalanan, samakatuwid ay mga alipin. Kung gayon, angkop na angkop na itinulad ni Pablo ang Jerusalem ng kaniyang panahon, na nasa pagkaalipin, sa alilang babae na si Hagar, ang babaing kinakasama ni Abraham, at ang “mga anak,” o mga mamamayan, ng Jerusalem, sa anak naman ni Hagar na si Ismael. Sa kabaligtaran, ang orihinal na asawa ng Diyos, ang Jerusalem sa itaas, tulad ni Sara, ay isang malayang babae mula’t sapol, at ang kaniyang mga anak ay malalaya rin naman. Upang maging isang malayang anak ng Jerusalem sa itaas, anupat nagtataglay ng “kaniyang kalayaan,” ang isa ay kailangang palayain ng Anak ng Diyos mula sa pagkaalipin sa kasalanan.—Gal 4:22–5:1 at tlb sa 5:1 sa Rbi8; Ju 8:34-36.