Kabanata 27
Isinilang ang Kaharian ng Diyos!
Pangitain 7—Apocalipsis 12:1-17
Paksa: Nagsilang ang makalangit na babae, nakipagbaka si Miguel kay Satanas at inihagis ito sa lupa
Panahon ng katuparan: Mula nang iluklok si Kristo Jesus noong 1914 hanggang sa malaking kapighatian
1. Paano makatutulong sa atin ang kaunawaan hinggil sa mga tanda na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 12 hanggang 14?
NAHAYAG na ang sagradong lihim ng Diyos. (Apocalipsis 10:7) Ang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas ay isa na ngayong napakahalagang realidad. Namamahala na ito! Ang pag-iral nito ay nangangahulugan ng kapahamakan para kay Satanas at sa kaniyang binhi at maluwalhating tagumpay naman para sa Binhi ng makalangit na organisasyon ng Diyos. Gayunman, hindi pa tapos ang ikapitong anghel sa paghihip sa kaniyang trumpeta, sapagkat napakarami pa niyang ihahayag sa atin hinggil sa ikatlong kaabahan. (Apocalipsis 11:14) Tutulong sa atin ang mga tanda na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 12 hanggang 14 upang mapalawak ang ating pagpapahalaga sa lahat ng bagay na nasasangkot sa kaabahang iyon at sa pagpapasapit ng sagradong lihim ng Diyos sa katapusan nito.
2. (a) Anong dakilang tanda ang nakikita ni Juan? (b) Kailan nahayag ang kahulugan ng dakilang tanda?
2 May nakikita ngayong dakilang tanda si Juan—isa na may namumukod-tanging interes para sa bayan ng Diyos. Naghaharap ito ng isang kapana-panabik na makahulang pangitain, na ang kahulugan ay unang inilathala sa Marso 1, 1925, isyu ng The Watch Tower sa artikulo na pinamagatang “Pagsilang ng Bansa” at muli na naman noong 1926 sa aklat na Deliverance. Ang maliwanag na kislap na ito ng kaunawaan sa Bibliya ay naging makasaysayang kabanata sa pagsulong ng gawain ni Jehova. Kaya hayaan nating ilarawan ni Juan ang eksena habang nahahayag ito: “At isang dakilang tanda ang nakita sa langit, isang babaing nagagayakan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang koronang labindalawang bituin, at siya ay nagdadalang-tao. At sumisigaw siya dahil sa kaniyang mga kirot at sa kaniyang matinding paghihirap na magsilang.”—Apocalipsis 12:1, 2.
3. Sino ang babae na nakita sa langit?
3 Sa kauna-unahang pagkakataon, may babaing nakikita si Juan sa langit. Sabihin pa, hindi siya literal na babae. Sa halip, isa siyang tanda, o simbolo. (Apocalipsis 1:1) Ano ang isinasagisag niya? Sa kinasihang mga hula, may mga pagkakataon na kumakatawan ang mga babae sa mga organisasyon na “asawa” ng pangunahing mga personalidad. Sa Hebreong Kasulatan, ang Israel ay tinutukoy bilang asawang babae ng Diyos na Jehova. (Jeremias 3:14) Sa Griegong Kasulatan, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay tinutukoy bilang kasintahang babae ni Kristo. (Apocalipsis 21:9-14) Ang babae na nakikita ni Juan ay may asawa rin, at malapit na siyang manganak. Sino ang kaniyang asawa? Buweno, nang maglaon ang kaniyang anak ay “inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” (Apocalipsis 12:5) Sa gayo’y inaangkin ni Jehova ang bata bilang kaniyang anak. Kaya ang babae na nakikita ni Juan ay maliwanag na siyang makasagisag na asawa ni Jehova.
4. Sino ang mga anak ng makasagisag na asawa ng Diyos, at ano ang itinawag ni apostol Pablo sa babae na nakita ni Juan?
4 Mga walong siglo bago nito, sinabi ni Jehova sa makasagisag na asawang ito: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:5, 13) Sinipi ni Jesus ang hulang ito at ipinakita na ang mga anak na ito ay ang kaniyang tapat na mga tagasunod, na nang maglaon ay bumuo sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Juan 6:44, 45) Kaya ang mga miyembro ng kongregasyong ito, na tinutukoy bilang mga anak ng Diyos, ay mga anak din ng makasagisag na asawa ng Diyos. (Roma 8:14) Idinaragdag ni apostol Pablo ang panghuling impormasyon nang sabihin niya: “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Kung gayon, ang “babae” na nakita ni Juan ay “ang Jerusalem sa itaas.”
5. Yamang ang makasagisag na asawa ni Jehova ay nakokoronahan ng 12 bituin, ano sa katunayan ang Jerusalem sa itaas?
5 Subalit ano ba talaga ang Jerusalem sa itaas? Yamang sinasabi ni Pablo na nasa “itaas” siya, at nakikita siya ni Juan sa langit, maliwanag na hindi siya isang lunsod sa lupa; at hindi rin naman siya ang “Bagong Jerusalem,” yamang ang organisasyong iyon ay kasintahan ni Kristo, hindi asawa ni Jehova. (Apocalipsis 21:2) Pansinin na nakokoronahan siya ng 12 bituin. Ang bilang na 12 ay iniuugnay sa pagiging kumpleto sa organisasyonal na paraan.a Kaya ang 12 bituin na ito ay waring nagpapahiwatig na isa siyang organisasyonal na kaayusan sa langit, gaya rin ng sinaunang Jerusalem noon sa lupa. Ang Jerusalem sa itaas ay ang pansansinukob na organisasyon ni Jehova na binubuo ng espiritung mga nilalang na gumaganap bilang kaniyang asawa, kapuwa sa paglilingkod sa kaniya at sa pagluluwal ng mga supling.
6. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang babae na nakita ni Juan ay nagagayakan ng araw, na nasa ilalim ng kaniyang mga paa ang buwan, at nakokoronahan ng mga bituin? (b) Ano ang isinasagisag ng kirot ng pagdaramdam ng babaing nagdadalang-tao?
6 Nakikita ni Juan ang babae na nagagayakan ng araw at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. Yamang nakokoronahan din siya ng mga bituin, lubusan siyang napaliligiran ng makalangit na mga tanglaw. Ang lingap ng Diyos ay sumisinag sa kaniya araw at gabi. Napakaangkop ngang sagisag ng maringal at makalangit na organisasyon ni Jehova! Siya rin ay nagdadalang-tao at nagtitiis ng kirot ng pagdaramdam. Ipinahihiwatig ng kaniyang pagsigaw upang humingi ng tulong sa Diyos na oras na para magsilang siya. Sa Bibliya, ang kirot ng pagdaramdam ay madalas na sumasagisag sa pagpapagal na kinakailangan upang makamit ang isang mahalagang resulta. (Ihambing ang Awit 90:2; Kawikaan 25:23; Isaias 66:7, 8.) Walang-alinlangang naranasan ang ganitong kirot ng pagdaramdam habang naghahanda ang makalangit na organisasyon ni Jehova sa makasaysayang pagsilang na ito.
Isang Malaking Dragon na Kulay-Apoy
7. Ano pang tanda ang nakikita ni Juan sa langit?
7 Ano ang sumunod na nakita ni Juan? “At isa pang tanda ang nakita sa langit, at, narito! isang malaking dragon na kulay-apoy, na may pitong ulo at sampung sungay at sa mga ulo nito ay may pitong diadema; at kinakaladkad ng buntot nito ang isang katlo ng mga bituin sa langit, at inihagis sila nito sa lupa. At ang dragon ay nanatiling nakatayo sa harap ng babae na malapit nang magsilang, upang kapag nakapagsilang na siya ay malamon nito ang kaniyang anak.”—Apocalipsis 12:3, 4.
8. (a) Sino ang malaking dragon na kulay-apoy? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagkakaroon ng dragon ng pitong ulo, sampung sungay, at isang diadema sa bawat ulo?
8 Si Satanas ang dragon na ito, “ang orihinal na serpiyente.” (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:15) Isa siyang mabangis na mamumuksa—isang dragon, o maninila, na may pitong ulo at makalululon nang buo sa kaniyang nasila. Talagang kakatwa ang kaniyang hitsura! Ipinahihiwatig ng pitong ulo at sampung sungay na siya ang nagdisenyo sa pulitikal na mabangis na hayop na ilalarawan sa Apocalipsis kabanata 13. Ang hayop na ito ay mayroon ding pitong ulo at sampung sungay. Yamang si Satanas ay may isang diadema sa bawat ulo—pitong lahat—matitiyak natin na ang mga kapangyarihang pandaigdig na kumakatawan sa mabangis na hayop ay pawang nasa ilalim ng kaniyang pamamahala. (Juan 16:11) Ang sampung sungay ay angkop na sagisag ng pagiging ganap ng kaniyang kapangyarihan sa sanlibutang ito.
9. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang buntot ng dragon ay ‘kumakaladkad sa isang katlo ng mga bituin sa langit’ pababa rito sa lupa?
9 May awtoridad din ang dragon sa dako ng mga espiritu. ‘Kinakaladkad niya ang isang katlo ng mga bituin sa langit’ sa pamamagitan ng kaniyang buntot. Ang mga bituin ay maaaring kumatawan sa mga anghel. (Job 38:7) Idiniriin ng salitang “isang katlo” na malaki-laki ring bilang ng mga anghel ang nailigaw ni Satanas. Minsang mapailalim sila sa kaniyang kontrol, wala na silang kawala. Hindi na sila makababalik sa banal na organisasyon ng Diyos. Naging mga demonyo sila, na kinaladkad, wika nga, ni Satanas na kanilang hari, o tagapamahala. (Mateo 12:24) Inihagis din naman sila ni Satanas sa lupa. Walang pagsalang tumutukoy ito sa panahon ni Noe bago ang Baha, nang hikayatin ni Satanas ang masuwaying mga anak ng Diyos na bumaba sa lupa at sumiping sa mga anak na babae ng tao. Bilang parusa, ang “mga anghel na nagkasala” ay inihagis ng Diyos sa isang tulad-bilangguang kalagayan na tinatawag na Tartaro.—Genesis 6:4; 2 Pedro 2:4; Judas 6.
10. Anong magkalabang organisasyon ang lumilitaw ngayon, at bakit nais lamunin ng dragon ang sanggol na isisilang ng babae?
10 Kaya maliwanag na lumilitaw ngayon ang dalawang magkalabang organisasyon—ang makalangit na organisasyon ni Jehova na inilalarawan ng babae at ang makademonyong organisasyon ni Satanas na humahamon sa pagkasoberano ng Diyos. Dapat malutas ang napakahalagang isyu hinggil sa pagkasoberano. Subalit paano? Si Satanas, na kumakaladkad pa rin sa mga demonyo, ay gaya ng mabalasik na hayop na maninila na nag-aabang ng kaniyang magiging biktima. Hinihintay niyang manganak ang babae. Gusto niyang lamunin ang isisilang na sanggol sapagkat alam niyang banta ito sa kaniyang patuloy na pag-iral at sa sanlibutang pinamamahalaan niya.—Juan 14:30.
Isang Anak na Lalaki, Isang Lalaki
11. Paano inilalarawan ni Juan ang pagsilang ng anak ng babae, at bakit ang bata ay tinatawag na “isang anak na lalaki, isang lalaki”?
11 Ang itinakdang panahon ukol sa pamamahala ng mga bansa nang walang pakikialam ng Diyos ay nagwakas noong 1914. (Lucas 21:24) Kasunod nito, isinilang ng babae ang kaniyang sanggol sa tamang panahon: “At nagsilang siya ng isang anak na lalaki, isang lalaki, na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal. At ang kaniyang anak ay inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono. At ang babae ay tumakas patungo sa ilang, kung saan may dako siya na inihanda ng Diyos, upang doon ay pakainin nila siya nang isang libo dalawang daan at animnapung araw.” (Apocalipsis 12:5, 6) Ang anak ay “isang anak na lalaki, isang lalaki.” Bakit kaya ginamit ni Juan ang dobleng pananalitang ito? Ito’y upang ipakita ang pagiging karapat-dapat ng anak, ang kaniyang kakayahang mamahala sa mga bansa taglay ang sapat na kapangyarihan. Idiniriin din nito kung gaano kahalaga at kaligaya ang pagsilang na ito! Napakahalaga ng papel nito upang sumapit sa katapusan ang sagradong lihim ng Diyos. Aba, ang anak na lalaking ito rin ay “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal”!
12. (a) Sa Mga Awit, ano ang makahulang ipinangako ni Jehova tungkol kay Jesus? (b) Ano ang isinasagisag ng pagsisilang ng babae sa isang anak na lalaki na “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal”?
12 Hindi ba pamilyar ang mga pananalitang ito? Oo, nangako si Jehova sa makahulang paraan tungkol kay Jesus: “Babaliin mo sila sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.” (Awit 2:9) Inihula rin naman tungkol sa kaniya: “Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’” (Awit 110:2) Kaya ang pagsilang na nakita ni Juan ay may malapit na kaugnayan kay Jesu-Kristo. Hindi, hindi ito ang pagkasilang kay Jesus sa pamamagitan ng isang birhen bago pa ang unang siglo ng ating Karaniwang Panahon; ni tumutukoy man ito sa pagbuhay-muli kay Jesus tungo sa buhay bilang espiritu noong 33 C.E. Karagdagan pa, hindi ito paglipat sa ibang katawan. Sa halip, ito ang pagsilang ng Kaharian ng Diyos na naganap noong 1914, at si Jesus—na nasa langit na ngayon sa loob ng halos 20 siglo—ay nakaluklok na bilang Hari.—Apocalipsis 12:10.
13. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang anak na lalaki ay “inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono”?
13 Hindi kailanman papayagan ni Jehova na lamunin ni Satanas ang Kaniyang asawa ni ang Kaniyang kasisilang na anak na lalaki! Pagkasilang, ang anak na lalaki ay “inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” Sa gayon, lubusan siyang napoprotektahan ni Jehova, na maglalaan ng ganap na pangangalaga sa kasisilang na Kahariang ito, ang Kaniyang instrumento upang pabanalin ang Kaniyang banal na pangalan. Kasabay nito, ang babae ay tumatakas tungo sa isang dako sa ilang na inihanda para sa kaniya ng Diyos. Saka na ang higit pang detalye tungkol dito! Kung tungkol naman kay Satanas, malapit nang maganap ang isang mahalagang pangyayari na lubusang hahadlang sa kaniya na muling pagbantaan ang Kaharian sa langit. Anong pangyayari ito?
Digmaan sa Langit!
14. (a) Gaya ng salaysay ni Juan, anong pangyayari ang humadlang kay Satanas upang hindi na niya muling mapagbantaan ang Kaharian? (b) Sa anong dako nilimitahan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo?
14 Sinasabi sa atin ni Juan: “At sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” (Apocalipsis 12:7-9) Kaya sa pagtatapos ng sagradong lihim ng Diyos, isang dramatikong pangyayari ang naganap, anupat si Satanas ay pinalayas, inihagis mula sa langit, at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis sa lupa na kasama niya. Sa wakas, ang isa na nagliligaw sa buong tinatahanang lupa at naging diyos nito ay nilimitahan upang hindi na makaalis sa planetang ito, kung saan nagsimula ang kaniyang paghihimagsik.—2 Corinto 4:3, 4.
15, 16. (a) Sino si Miguel, at paano natin ito nalaman? (b) Bakit angkop na si Miguel ang maghagis kay Satanas mula sa langit?
15 Sino ang nagsagawa ng dakilang tagumpay na ito sa pangalan ni Jehova? Sinasabi ng Bibliya na ito ay si Miguel at ang kaniyang mga anghel. Ngunit sino ba si Miguel? Ang pangalang “Miguel” ay nangangahulugang “Sino ang Tulad ng Diyos?” Kaya tiyak na sabik si Miguel na ipagbangong-puri ang pagkasoberano ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapatunay na walang sinuman ang maitutulad sa Kaniya. Sa Judas talata 9, tinatawag siyang “Miguel na arkanghel.” Kapansin-pansin, ginamit ang titulong “arkanghel” sa ibang bahagi ng Bibliya upang tumukoy sa iisa lamang persona: si Jesu-Kristo.b Sinasabi ni Pablo hinggil sa kaniya: “Ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos.” (1 Tesalonica 4:16) Ang titulong “arkanghel” ay nangangahulugang “pinuno ng mga anghel.” Kaya hindi kataka-takang bumanggit ang Apocalipsis hinggil kay ‘Miguel at sa kaniyang mga anghel.’ Ang iba pang teksto sa Bibliya na bumabanggit hinggil sa mga anghel na napasasakop sa isang matuwid na lingkod ng Diyos ay tumutukoy kay Jesus. Kaya bumabanggit si Pablo tungkol sa “pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel.”—2 Tesalonica 1:7; tingnan din ang Mateo 24:30, 31; 25:31.
16 Ang mga ito at iba pang teksto ay umaakay sa atin sa di-matututulang konklusyon na si Miguel ay walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Kristo sa kaniyang makalangit na tungkulin. Ngayon, sa araw ng Panginoon, hindi lamang niya basta sasabihin kay Satanas: “Sawayin ka nawa ni Jehova.” Yamang panahon ito ng paghatol, ihahagis ni Jesus, bilang si Miguel, ang balakyot na si Satanas at ang kaniyang mga demonyong anghel mula sa langit. (Judas 9; Apocalipsis 1:10) Angkop lamang na Siya mismo ang gumawa nito, yamang Siya ang bagong itinalagang Hari. Si Jesus din ang Binhi, na ipinangako sa Eden, na sa wakas ay dudurog sa ulo ng Serpiyente, at lilipol sa kaniya magpakailanman. (Genesis 3:15) Sa pamamagitan ng pagpapatalsik kay Satanas mula sa langit, kumilos na si Jesus tungo sa pangwakas na pagdurog na ito.
“Matuwa Kayo, Kayong mga Langit”
17, 18. (a) Anong makalangit na pagtugon ang iniuulat ni Juan nang ihagis si Satanas mula sa langit? (b) Saan malamang nagbuhat ang malakas na tinig na naririnig ni Juan?
17 Iniuulat ni Juan ang nakagagalak na pagtugon ng langit sa matinding pagbagsak na ito ni Satanas: “At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsabi: ‘Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos! At kanilang dinaig siya dahil sa dugo ng Kordero at dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo, at hindi nila inibig ang kanilang mga kaluluwa maging sa harap ng kamatayan. Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan!’”—Apocalipsis 12:10-12a.
18 Kanino ang malakas na tinig na naririnig ni Juan? Hindi sinasabi ng Bibliya. Subalit isang nakakatulad na sigaw na iniulat sa Apocalipsis 11:17 ang nanggaling sa binuhay-muling 24 na matatanda sa kanilang makalangit na mga tungkulin, kung saan maaari na nilang katawanin ngayon ang 144,000 banal. (Apocalipsis 11:18) At yamang ang pinag-uusig na mga pinahirang lingkod ng Diyos na naririto pa sa lupa ay tinutukoy bilang “ating mga kapatid,” malamang na iisa lamang ang pinagmulan ng pananalitang ito. Tiyak na maidaragdag ng mga tapat na ito ang kanilang tinig sapagkat bubuhayin silang muli karaka-raka matapos palayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang kampon ng mga demonyo.
19. (a) Ang katapusan ng sagradong lihim ng Diyos ay nagbukas ng daan para kay Jesus na gawin ang ano? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagtukoy kay Satanas bilang “tagapag-akusa sa ating mga kapatid”?
19 Sa katapusan ng sagradong lihim ng Diyos, tatanggapin ni Jesus ang awtoridad sa Kaharian ni Jehova. Sa gayon, nabuksan ang daan upang isakatuparan ng Diyos ang kaniyang dakilang layunin na iligtas ang tapat na sangkatauhan. Inililigtas ni Jesus hindi lamang ang kaniyang may-takot-sa-Diyos na mga alagad sa lupa sa ngayon kundi ang milyun-milyong patay na nasa alaala ng Diyos. (Lucas 21:27, 28) Ang pagtukoy kay Satanas bilang “tagapag-akusa sa ating mga kapatid” ay nagpapakita na bagaman napabulaanan na ang kaniyang paratang laban kay Job, patuloy pa rin niyang hinahamon ang katapatan ng makalupang mga lingkod ng Diyos. Maliwanag, maraming ulit siyang nagparatang na ibibigay ng tao ang lahat ng kaniyang pag-aari kapalit ng kaniyang kaluluwa. Kaysaklap ng pagkabigo ni Satanas!—Job 1:9-11; 2:4, 5.
20. Paano dinaraig ng mga tapat na Kristiyano si Satanas?
20 Ang mga pinahirang Kristiyano, na ibinibilang na matuwid “dahil sa dugo ng Kordero,” ay patuloy na nagpapatotoo sa Diyos at kay Jesu-Kristo sa kabila ng mga pag-uusig. Sa loob ng mahigit 120 taon, itinatawag-pansin ng uring Juan ang dakilang mga isyu na nasasangkot sa pagtatapos ng Panahong Gentil noong 1914. (Lucas 21:24, King James Version) At matapat na naglilingkod ngayon kasama nila ang malaking pulutong. Isa man sa mga ito ay ‘hindi natatakot sa pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa,’ gaya ng paulit-ulit na pinatunayan ng totoong-buhay na mga karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa ating panahon. Sa salita man at wastong paggawing Kristiyano, dinaig nila si Satanas, at pinatutunayan sa bawat pagkakataon na sinungaling siya. (Mateo 10:28; Kawikaan 27:11; Apocalipsis 7:9) Tiyak na napakalaki ng kagalakan ng mga pinahirang Kristiyano sa pagbuhay-muli sa kanila tungo sa langit, yamang wala na roon si Satanas upang akusahan ang kanilang mga kapatid! Kaya tunay ngang panahon na para sa lahat ng hukbo ng mga anghel na tumugon nang may kagalakan sa panawagang: “Matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan!”
Kaabahan Mula sa Kalaban!
21. Paano dinulutan ni Satanas ng kaabahan ang lupa at ang dagat?
21 Galit na galit dahil sa ikatlong kaabahan, desidido ngayon si Satanas na pahirapan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng sarili niyang uri ng kaabahan. Kaya: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12b) Ang pagpapalayas kay Satanas mula sa langit ay talaga namang nagdulot ng kaabahan sa literal na lupa, na ipinapahamak ngayon ng sakim na mga taong kontrolado niya. (Deuteronomio 32:5) Higit pa rito, ang patakaran ni Satanas na ‘mamahala o magpahamak’ ay nagdudulot ng kaabahan sa makasagisag na lupa, ang kaayusan ng lipunan ng tao, at pati na sa makasagisag na dagat, ang maligalig na sangkatauhan mismo. Sa nakalipas na dalawang digmaang pandaigdig, nakita ang poot ni Satanas sa poot ng mga bansang kontrolado niya, at nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang ganitong mga bugso ng makademonyong pagngangalit—ngunit hindi na ito magtatagal! (Marcos 13:7, 8) Gaano man kakila-kilabot ang mga pakana ng Diyablo, wala pa ito sa kalingkingan ng kalunus-lunos na epekto ng ikatlong kaabahan—ang pagkilos mismo ng Kaharian ng Diyos—kapag ito ay humampas na sa nakikitang organisasyon ni Satanas!
22, 23. (a) Ano ang sinasabi ni Juan na nangyayari matapos ibulid sa lupa ang dragon? (b) Paano maaaring usigin ng dragon ang “babae na nagsilang sa batang lalaki”?
22 Mula noong kapaha-pahamak na pagpapalayas kay Satanas, ang mga kapatid ni Kristo na narito pa sa lupa ang naging pangunahing tudlaan ng kaniyang poot. Nag-uulat si Juan: “At nang makita ng dragon na siya ay inihagis sa lupa, pinag-usig niya ang babae na nagsilang sa batang lalaki. Ngunit ang dalawang pakpak ng malaking agila ay ibinigay sa babae, upang makalipad siya patungo sa ilang sa kaniyang dako; doon siya pinakakain sa loob ng isang panahon at mga panahon at kalahating panahon na malayo sa mukha ng serpiyente.”—Apocalipsis 12:13, 14.
23 Ipinagpapatuloy ng pangitain ang pangyayari na binabanggit sa talata 6, na nagsasabing matapos isilang ang kaniyang anak, ang babae ay tumatakas tungo sa ilang, palayo sa dragon. Baka ipagtaka natin kung paano maaaring usigin ng dragon ang babae, yamang nasa langit ang babae at naibulid na rito sa lupa ang dragon. Buweno, tandaan na ang babae ay may mga anak pa rito sa lupa, ang kaniyang binhi. Sa dakong huli ng pangitaing ito, sinasabi sa atin na ipinakikita ni Satanas ang kaniyang pagngangalit sa babae sa pamamagitan ng pag-usig sa kaniyang binhi. (Apocalipsis 12:17) Ang nararanasan ng binhi ng babae na nasa lupa ay masasabing nararanasan din ng babae mismo. (Ihambing ang Mateo 25:40.) At daranas din ng ganitong mga pag-uusig ang lumalaking bilang ng mga kasamahan ng binhi na naririto sa lupa.
Isang Bagong Bansa
24. Anong karanasan ng mga Estudyante ng Bibliya ang katulad niyaong pagliligtas sa mga Israelita mula sa Ehipto?
24 Samantalang nagaganap ang unang digmaang pandaigdig, tapat na nagpatuloy ang mga kapatid ni Jesus sa kanilang pagpapatotoo hangga’t magagawa nila. Nagpatotoo sila sa kabila ng matinding pagsalansang ni Satanas at ng kaniyang mabalasik na mga kampon. Sa kalaunan, halos mapahinto ang pangmadlang pagpapatotoo ng mga Estudyante ng Bibliya. (Apocalipsis 11:7-10) Ito’y nang maranasan nila ang katulad ng sinapit ng mga Israelita sa Ehipto na nagbata rin sa ilalim ng matinding paniniil. Mabilis silang iniligtas ni Jehova nang pagkakataong iyon, na waring sa mga pakpak ng mga agila, tungo sa disyerto ng Sinai. (Exodo 19:1-4) Sa katulad na paraan, pagkatapos ng matinding pag-uusig noong 1918-19, iniligtas ni Jehova ang kaniyang mga saksi, na kumakatawan sa kaniyang babae, tungo sa isang espirituwal na kalagayan na nagsilbing kanlungan nila kung paanong ang disyerto ay naging kanlungan para sa mga Israelita. Sagot ito sa kanilang mga panalangin.—Ihambing ang Awit 55:6-9.
25. (a) Ano ang isinilang ni Jehova noong 1919, na katulad ng pagsilang niya sa mga Israelita bilang isang bansa sa ilang? (b) Sinu-sino ang bumubuo sa bansang ito, at saan sila dinala?
25 Sa ilang, isinilang ni Jehova ang mga Israelita bilang isang bansa, na naglalaan sa kanila sa espirituwal at pisikal na paraan. Gayundin naman, simula noong 1919, isinilang ni Jehova ang binhi ng babae bilang isang espirituwal na bansa. Hindi ito dapat ipagkamali sa Mesiyanikong Kaharian na namamahala na mula sa langit buhat noong 1914. Sa halip, ang bagong bansang ito ay binubuo ng mga nalabi ng pinahirang mga saksi sa lupa, na dinala sa isang maluwalhating espirituwal na lupain noong 1919. Yamang pinaglalaanan na ngayon ng “kanilang takdang pagkain sa tamang panahon,” napalakas sila ukol sa gawaing gagampanan nila.—Lucas 12:42; Isaias 66:8.
26. (a) Gaano kahaba ang yugto ng panahon na binabanggit sa Apocalipsis 12:6, 14? (b) Ano ang layunin ng yugtong ito na tatlo at kalahating panahon, kailan ito nagsimula, at kailan ito natapos?
26 Gaano katagal ang pansamantalang ginhawang ito para sa binhi ng babae ng Diyos? Sinasabi ng Apocalipsis 12:6 na ito’y 1,260 araw. Tinutukoy ito ng Apocalipsis 12:14 bilang isang panahon at mga panahon at kalahati ng isang panahon; sa ibang salita, tatlo at kalahating panahon. Ang totoo, kapuwa sumasagisag ang mga pananalitang ito sa tatlo at kalahating taon, na sa Hilagang Hemisperyo ay sumasaklaw mula sa tagsibol ng 1919 hanggang sa taglagas ng 1922. Naging panahon ito ng nakagiginhawang pagpapagaling at muling pag-oorganisa para sa pinasiglang uring Juan.
27. (a) Ayon sa ulat ni Juan, ano ang ginawa ng dragon pagkaraan ng 1922? (b) Ano ang layunin ni Satanas sa pagpapabugso ng isang baha ng pag-uusig laban sa mga Saksi?
27 Hindi sumuko ang dragon! “At ang serpiyente ay nagbuga sa likuran ng babae ng tubig na parang ilog mula sa kaniyang bibig, upang pangyarihin siyang malunod sa ilog.” (Apocalipsis 12:15) Ano ang kahulugan ng “tubig na parang ilog,” o “isang baha ng tubig”? (The New English Bible) Tinukoy ni Haring David noong sinauna ang masasamang tao na sumalansang sa kaniya bilang “mga dumaragsang baha ng walang-kabuluhang mga tao” [“mga agos ng mga walang pakinabang,” Young]. (Awit 18:4, 5, 16, 17) Ang pinakakawalan ngayon ni Satanas ay isa rin namang pag-uusig mula sa mga walang pakinabang o “walang-kabuluhang mga tao.” Pagkaraan ng 1922, nagpabugso si Satanas ng isang baha ng pag-uusig laban sa mga Saksi. (Mateo 24:9-13) Kasali rito ang pisikal na karahasan, ‘pagpapanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas,’ pagbibilanggo, at pati na pagpatay sa pamamagitan ng pagbigti, pagbaril, at pagpugot ng ulo. (Awit 94:20) Palibhasa’y hindi na tuwirang makalalapit sa makalangit na babae ng Diyos, may-pagkapoot na sumalakay ang ibinabang si Satanas sa nalalabi ng binhi ng babae sa lupa upang lipulin sila, sa tuwirang paraan man o kaya’y sa pamamagitan ng pagsira sa kanilang katapatan upang maiwala ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos. Subalit ang kanilang kapasiyahan ay katulad niyaong kay Job: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—Job 27:5.
28. Paano umabot sa sukdulan ang baha ng pag-uusig noong Digmaang Pandaigdig II?
28 Umabot sa sukdulan ang mabalasik na bahang ito ng pag-uusig noong Digmaang Pandaigdig II. Sa Europa, mga 12,000 Saksi ang nakulong sa mga kampong piitan at bilangguan ng mga Nazi, at mga 2,000 ang namatay. Dumanas din ng katulad na malupit na pagtrato ang tapat na mga Saksi mula sa mga kumandante ng militar na namahala sa Italya, Hapon, Korea, at Taiwan. Maging sa tinatawag na mga demokratikong lupain, ang mga Saksi ay sinalakay ng mga grupo ng Catholic Action, binuhusan ng alkitran at mga balahibo, saka ipinagtabuyan mula sa kanilang bayan. Ginulo ang mga asambleang Kristiyano at pinatalsik sa paaralan ang mga anak ng mga Saksi.
29. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang ginhawa mula sa isang di-inaasahang pinagmumulan? (b) Paano masasabi na “ang lupa ay sumaklolo sa babae”? (c) Ano ang patuloy na ginagawa ng dragon?
29 Dumating ang ginhawa mula sa isang di-inaasahang pinagmumulan: “Ngunit ang lupa ay sumaklolo sa babae, at ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilulon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kaniyang bibig. At ang dragon ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi, na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:16, 17) “Ang lupa”—mga elemento sa loob ng sariling sistema ng mga bagay ni Satanas—ay lumulon sa “ilog,” o “baha.” Noong dekada ng 1940, nagwagi ng sunud-sunod na paborableng desisyon ang mga Saksi mula sa Korte Suprema ng Estados Unidos, at sa mga namamahalang kapangyarihan sa iba pang lupain, na nagtataguyod ng kalayaan sa pagsamba. Sa wakas, nilulon ng mga bansang Alyado ang malakas na puwersa ng Nazi-Pasista, sa ikagiginhawa ng mga Saksi na nagdusa sa ilalim ng malulupit na diktadurang ito. Hindi natapos doon ang mga pag-uusig, sapagkat ang poot ng dragon ay nagpapatuloy hanggang ngayon, at nakikipagdigma pa rin siya sa mga “may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Sa maraming lupain, nakabilanggo pa rin ang tapat na mga Saksi, at may ilan pa ring namamatay dahil sa kanilang katapatan. Subalit sa ilan sa mga lupaing ito, nagiging maluwag paminsan-minsan ang mga awtoridad, anupat nagiging mas malaya ang mga Saksi.c Kaya bilang katuparan ng hula, patuloy na nilululon ng lupa ang ilog ng pag-uusig.
30. (a) Ang lupa ay naglaan ng sapat na ginhawa upang maganap ang ano? (b) Ano ang ibinubunga ng katapatan ng bayan ng Diyos?
30 Sa ganitong paraan, ang lupa ay nakapaglaan ng sapat na ginhawa upang pahintulutan ang gawain ng Diyos na lumaganap sa mga 235 lupain at magbunga ng mahigit na anim na milyong tapat na mga mangangaral ng mabuting balita. Kasama ng mga nalalabi sa binhi ng babae, isang malaking internasyonal na pulutong ng mga bagong mananampalataya ang sumusunod sa mga utos ng Diyos may kinalaman sa pagiging hiwalay sa sanlibutan, kalinisan sa moral, at pag-ibig sa mga kapatid, at nagpapatotoo sila ukol sa Mesiyanikong Kaharian. Ang katapatan nila ay nagsisilbing sagot sa mapandustang hamon ni Satanas anupat naririnig na ang hudyat ng kamatayan para kay Satanas at sa kaniyang sistema ng mga bagay.—Kawikaan 27:11.
[Mga talababa]
a Ihambing ang 12 tribo ng Israel sa laman, ang 12 apostol, ang 12 tribo ng espirituwal na Israel, at ang 12 pintuang-daan, 12 anghel, at 12 batong pundasyon ng Bagong Jerusalem.—Apocalipsis 21:12-14.
b Gayunman, pansinin na bumabanggit ang Apocalipsis 12:9 tungkol sa ‘malaking dragon at kaniyang mga anghel.’ Kaya hindi lamang ginagawa ng Diyablo ang kaniyang sarili na isang huwad na diyos kundi sinisikap din niyang maging arkanghel, bagaman hindi kailanman ipinagkaloob sa kaniya ng Bibliya ang titulong iyon.
c Ang matataas na hukuman sa maraming lupain ay nagbigay ng ginhawa sa mga Saksi ni Jehova; binabanggit ang ilan sa mga desisyong ito sa kahon sa pahina 92.
[Kahon sa pahina 185]
“Ibinuka ng Lupa ang Bibig Nito”
Ang dumaragsang baha ng pag-uusig ni Satanas ay pinakawalan laban sa mga pinahirang Kristiyano at sa kanilang mga kasamahan sa maraming lupain. Gayunman, ang bahang ito ay malimit na nilululon ng mga pagbabago sa loob mismo ng sistema ng mga bagay ni Satanas.
Ang baha ng mga pang-uumog at pagbibilanggo sa Estados Unidos ay nilulon sa kalakhang bahagi ng paborableng mga desisyon ng Korte Suprema noong dekada ng 1940.
1945: Ang mabalasik na pag-uusig sa mga lupaing kontrolado ng Alemanya at Hapon ay napahinto nang magtagumpay ang mga Alyado noong Digmaang Pandaigdig II.
Nang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic, ang mga Saksi ay ibinilanggo, pinaghahagupit, at pinagpapalo ng mga puluhan ng baril. Noong 1960, ang hidwaan sa pagitan ng diktador na si Rafael Trujillo at ng Simbahang Romano Katoliko ay humantong sa pag-aalis ng pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova.
Ang pamamaril, panununog, panggagahasa, pambubugbog, pagpapahirap, at pagpatay sa mga Saksi nang magkaroon ng gera sibil sa Nigeria ay napahinto noong 1970 nang masakop ng mga hukbo ng pamahalaan ang kumakalas na lalawigan kung saan nagaganap ang mga pangyayaring ito.
Sa Espanya, pinasok ang mga tahanan at ang mga Kristiyano ay pinagmulta at ibinilanggo dahil sa “krimen” ng pagsasalita tungkol sa Diyos at pagdaraos ng mga Kristiyanong pagpupulong. Sa wakas, ang pag-uusig na ito ay nahinto noong 1970, nang magbago ang patakaran ng gobyerno sa mga relihiyong di-Katoliko at pahintulutang legal na mairehistro ang mga Saksi ni Jehova.
Sa Portugal, daan-daang tahanan ang hinalughog nang walang legal na pahintulot. Ang mga Saksi ay sinaktan at ibinilanggo, at kinumpiska ang kanilang mga Bibliya. Noong 1974, ‘nilulon’ ang terorismong ito nang magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan dahil sa isang himagsikang militar at mapagtibay ang batas na nagbibigay ng kalayaang magtipon.
Sa Argentina, sa ilalim ng pamahalaang militar, pinatalsik sa paaralan ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova, at inaresto ang mga Saksi sa buong bansa dahil sa pangangaral ng mabuting balita. Sa wakas, napahinto ang pag-uusig na ito noong 1984 nang legal na kilalanin ng namamahalang gobyerno nang panahong iyon ang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova.
[Chart sa pahina 183]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1914 Pagsilang ng Kaharian
1919 Pagsilang ng bagong bansa
1919-1922 Panahon ng pagpapagaling
1922- Baha ng pag-uusig
[Mga larawan sa pahina 182]
Sa aba ng lupa