Kabanata 13
Ang Pamahalaan ng Diyos Ukol sa Kapayapaan
1. Ano ang nabigong gawin ng mga pamahalaan ng tao?
NAPANSIN ba ninyo na ang mga pamahalaan ng tao, maging yaong mga taimtim na nagsisikap, ay nabigo sa pagbibigay-kasiyahan sa tunay na mga pangangailangan ng tao? Wala isa man ang nakalutas sa suliranin ng krimen at pagkapoot sa lahi ni napaglaanan kaya nila ng sapat na pagkain at pabahay ang lahat ng kanilang mamamayan. Hindi nila lubusang napalaya ang kanilang mamamayan sa sakit. At walang isa mang pamahalaan ang nakapigil sa pagtanda o kamatayan o nakabuhay-muli sa mga patay. Walang isa man ang nakapaglaan ng walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan sa taong-bayan. Talagang ang mga gobiyerno ng tao ay walang kakayahan na lumutas sa dambuhalang mga suliranin na hinaharap ng tao.
2. Ano ang pangunahing mensahe ng Bibliya?
2 Alam-na-alam ng ating Maylikha na kailangang-kailangan natin ang isang matuwid na pamahalaan na magdudulot sa tao ng isang ganap at maligayang buhay. Kaya binabanggit ng Bibliya ang hinggil sa isang pamahalaan sa ilalim ng patnubay ng Diyos. Sa katunayan, ang ipinangakong gobiyernong ito sa pamamagitan ng Diyos ay siyang pangunahing mensahe ng Bibliya.
3. Ano ang sinasabi ng Isaias 9:6, 7 tungkol sa pamahalaan ng Diyos?
3 Baka itatanong ninyo: ‘Saan sa Bibliya binabanggit ang tungkol sa pamahalaan ng Diyos?’ Binabanggit ito, halimbawa, sa Isaias 9:6, 7. Ayon sa King James Version, ang mga talatang ito’y nagsasabi: “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki: at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”
4. Sino ang anak na siyang nagiging hari sa pamahalaan ng Diyos?
4 Binabanggit dito ng Bibliya ang pagsilang ng isang bata, isang prinsipe. Sa takdang panahon ang ‘anak na ito ng hari’ ay magiging isang dakilang tagapamahala, “Ang Prinsipe ng Kapayapaan.” Pangangasiwaan niya ang isang tunay na kamanghamanghang pamahalaan. Ang gobiyernong ito ay magdadala ng kapayapaan sa buong lupa, at ang kapayapaan ay mamamalagi magpakailanman. Ang batang isisilang ayon sa hula sa Isaias 9:6, 7 ay si Jesus. Nang ibinabalita ang pagsilang nito sa birheng si Maria, sinabi ni anghel Gabriel tungkol kay Jesus: “Magpupuno siya bilang hari . . . at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”—Lucas 1:30-33.
PAGDIDIIN SA HALAGA NG KAHARIAN
5. (a) Papaano idinidiin sa Bibliya ang halaga ng Kaharian? (b) Ano ang kaharian ng Diyos, at ano ang gagawin nito?
5 Samantalang nasa lupa, ang pangunahing gawain ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga tagasunod ay ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa darating na kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43; 8:1) Binanggit nila ang kahariang iyon nang may 140 beses sa Bibliya. Tinuruan pa man din ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” (Mateo 6:10, King James Version) Talaga bang isang gobiyerno ang kahariang ito na ipinapanalangin ng mga Kristiyano? Maaaring hindi ninyo ito itinuturing na ganoon, subali’t gayon nga. Ang Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo ang Hari ng Kaharian. At ang buong lupa ang magiging teritoryo na kaniyang paghaharian. Napakainam kapag ang mga tao ay hindi na nababahagi sa nagkakasalungatang mga bansa, kundi lahat ng tao ay magkakaisa sa kapayapaan sa ilalim ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos!
6. Nang nasa lupa si Jesus, bakit masasabi na ang Kaharian ay “malapit na” at “nasa gitna ninyo”?
6 Si Juan Bautista ang nagpasimulang mangaral tungkol sa pamahalaang ito, na sinasabi sa mga tao: “Magsisi kayo, sapagka’t malapit na ang kaharian ng mga langit.” (Mateo 3:1, 2) Bakit masasabi ito ni Juan? Sapagka’t si Jesus, ang Isa na magiging tagapamahala sa makalangit na pamahalaan ng Diyos, ay malapit na niyang bautismuhan at mapapahiran ng banal na espiritu ng Diyos. Kaya makikita ninyo kung bakit sinabi ni Jesus nang maglaon sa mga Fariseo: “Narito! Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Lucas 17:21) Yao’y sapagka’t si Jesus, na hinirang ng Diyos bilang hari, ay naroong kasama nila. Sa loob ng kaniyang tatlo at kalahating taon ng pangangaral at pagtuturo, pinatunayan ni Jesus ang karapatan niya na maging hari sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Diyos hanggang kamatayan.
7. Ano ang nagpapakita na ang Kaharian ay isang mahalagang isyu nang nasa lupa si Jesus?
7 Upang ipakita na ang kaharian ng Diyos ang mahalagang usapin nang panahon ng ministeryo ni Kristo, isaalang-alang natin kung ano ang nangyari nang huling araw bago siya mamatay. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesus ay pinaratangan ng bayan, na nagsasabi: “Nasumpungan namin na pinasasamâ ng taong ito ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar at sinasabing siya mismo ang Kristong hari.” Nang marinig ito, si Jesus ay tinanong ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Ikaw ba ang hari ng mga Hudiyo?”—Lucas 23:1-3.
8. (a) Papaano sumagot si Jesus nang tanungin kung baga siya ay isang hari? (b) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya na ang kaharian niya ay “hindi mula rito”?
8 Hindi tuwirang sinagot ni Jesus ang tanong ni Pilato, manapa’y nagsabi: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, nakipaglaban na sana ang aking mga lingkod upang huwag akong mapasa-kamay ng mga Hudiyo. Subali’t, ang kaharian ko ay hindi mula rito.” Ganito ang paraan ng pagsagot ni Jesus sapagka’t ang kaniyang kaharian ay hindi magiging makalupa. Siya ay maghahari mula sa langit, hindi bilang tao mula sa isang trono sa lupa. Palibhasa ang suliranin ay hinggil sa kung may karapatan si Jesus o wala na magpuno bilang hari, muling tinanong ni Pilato si Jesus: “Buweno, ikaw ba ay isang hari?”
9. (a) Anong kamanghamanghang katotohanan ang ipinaalam ni Jesus? (b) Ano ang mahahalagang tanong sa ngayon?
9 Maliwanag, kaya nakataya ang buhay ni Jesus sa gayong paglilitis ay dahil sa kaniyang pangangaral at pagtuturo hinggil sa isang bagong pamahalaan. Kaya sumagot si Jesus kay Pilato: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari. Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako naparito sa sanlibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan.” (Juan 18:36, 37) Oo, ginugol ni Jesus ang kaniyang buhay sa lupa sa pagbabalita sa mga tao ng kamanghamanghang katotohanan hinggil sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Ito ang kaniyang pinakatampok na mensahe. At ang Kaharian ang siya pa ring pinakamahalagang isyu ngayon. Gayunma’y nananatili pa rin ang mga tanong na ito: Aling pamahalaan ang pinakamahalaga sa buhay ng isang tao? Ito ba’y isang pamahalaan ng tao, o ito ba’y ang kaharian ng Diyos na si Kristo ang hari?
PAGSASAAYOS NG BAGONG PAMAHALAAN NG LUPA
10. (a) Kailan nakita ng Diyos ang pangangailangan ukol sa isang bagong pamahalaan? (b) Saan sa Bibliya ang unang pagtukoy sa pamahalaang ito? (c) Sino ang isinasagisag ng ahas?
10 Nakita ni Jehova ang pangangailangan ukol sa isang bagong pamahalaan para sa sangkatauhan nang akitin ni Satanas sina Adan at Eba na sumama sa kaniyang paghihimagsik. Kaya noon din ay sinabi ng Diyos ang kaniyang layunin na magtatag ng gayong uri ng pamahalaan. Tinukoy niya ang pamahalaang ito nang sentensiyahan niya ang ahas, na sa aktuwal ay si Satanas na Diyablo ang kinakausap: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at iyong binhi at ang kaniyang binhi. Susugatan ka niya sa ulo at susugatan mo naman siya sa sakong.”—Genesis 3:14, 15.
11. Sa pagitan nino iiral ang pagkakapootan?
11 Baka itatanong ninyo: ‘Mayroon ba ditong binabanggit na pamahalaan?’ Suriin nating mabuti ang pangungusap na ito at makikita natin. Sinasabi ng kasulatan na magkakaroon ng alitan, o pagkapoot, sa pagitan ni Satanas at “ang babae.” Bukod dito, magkakapootan ang “binhi” o supling ni Satanas at ang “binhi” o supling ng babae. Una sa lahat, dapat nating alamin kung sino “ang babae.”
12. Ano ang sinasabi tungkol sa “babae” sa Apocalipsis kabanata 12?
12 Siya ay hindi makalupang babae. Si Satanas ay hindi nagkaroon ng pantanging pagkapoot sa kaninomang babaeng tao. Sa halip, ito’y isang simbolikong babae. Alalaong baga’y, mayroon siyang ibang isinasagisag. Ipinakikita ito sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, na doo’y higit pang impormasyon ang inilalaan tungkol sa kaniya. Doon “ang babae” ay inilalarawan na “nagagayakan ng araw, nakatuntong sa buwan, at ang labindalawang bituin ay nasa kaniyang ulo.” Upang matulungan tayo sa pagkilala kung sino ang kinakatawanan ng “babaeng” ito, pansinin ang patuloy na sinasabi ng Apocalipsis tungkol sa kaniyang supling: “Isinilang ng babae ang isang anak na lalaki sa daigdig, ang anak na maghahari sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng setrong bakal, at ang bata ay dinalang tuwiran sa Diyos at sa kaniyang luklukan.”—Apocalipsis 12:1-5, The Jerusalem Bible.
13. Ano o sino ang isinasagisag ng “anak na lalaki” at ng “babae”?
13 Ang pagkilala kung sino o ano ang “anak na lalaki” ay tutulong sa atin na malaman kung sino o ano ang isinasagisag ng “babae.” Ang anak na ito ay hindi isang literal na persona, kung papaanong ang babae ay hindi isang tunay na babaeng tao. Ipinakikita ng kasulatan na ang “anak na lalaki” ay “maghahari sa lahat ng mga bansa.” Kaya ang “anak” ay kumakatawan sa pamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang Hari. “Ang babae,” kung gayon, ay kumakatawan sa organisasyon ng Diyos na binubuo ng tapat na makalangit na mga nilalang. Kung papaanong ang “anak na lalaki” ay nagmula sa “babae” gayon din ang Hari, si Jesu-Kristo, ay nagmula sa makalangit na organisasyon, ang kalipunan ng tapat na mga espiritung nilalang sa langit na gumagawang sama-sama sa pagtupad ng layunin ng Diyos. Tinutukoy ng Galacia 4:26 ang organisasyong ito na “ang Jerusalem sa itaas.” Kaya, nang sina Adan at Eba ay maghimagsik laban sa pamamahala ng Diyos, isinaayos ni Jehova ang isang Kahariang pamahalaan na magsisilbing pag-asa ukol sa mga umiibig sa katuwiran.
NATATANDAAN NI JEHOVA ANG PANGAKO NIYA
14. (a) Papaano ipinakita ni Jehova na natatandaan niya ang kaniyang pangako tungkol sa isang “binhi” na susugat kay Satanas? (b) Sino ang ipinangakong “binhi”?
14 Hindi nakaligtaan ni Jehova ang kaniyang pangako na magsugo ng isang “binhi” na magiging tagapamahala sa gobiyerno ng Diyos. Ang tagapamahalang ito ay lilipol kay Satanas sa pamamagitan ng pagdurog sa kaniyang ulo. (Roma 16:20; Hebreo 2:14) Nang maglaon, sinabi ni Jehova na ang ipinangakong binhi ay darating sa pamamagitan ng tapat na lalaking si Abraham. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Sino ang “binhi” na ipinangakong magmumula sa hanay ni Abraham? Nang dakong huli ay ibinigay ng Bibliya ang sagot, sa pagsasabing: “Ngayon ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Sinasabi nito, hindi ‘At sa mga binhi,’ gaya baga ng marami, kundi gaya lamang sa iisa: ‘At sa iyong binhi,’ na siyang Kristo.” (Galacia 3:16) Sinabi din ni Jehova sa anak ni Abraham na si Isaac at sa kaniyang apo na si Jacob na ang “binhi” ng “babae” ng Diyos ay manggagaling sa kanilang angkan.—Genesis 26:1-5; 28:10-14.
15, 16. Ano ang nagpapatotoo na ang “binhi” ay magiging isang nagpupunong hari?
15 Upang linawin na ang “binhi” ay isang haring magpupuno, ganito ang sinabi ni Jacob sa kaniyang anak na si Juda: “Ang setro [o, karapatang mamahala] ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagpupuno sa pagitan ng kaniyang paa, hanggang ang Silo ay dumating; at sa kaniya tatalima ang mga bayan.” (Genesis 49:10) Si Jesu-Kristo ay mula sa tribo ng Juda. Siya nga ang “Silo” na “sa kaniya tatalima ang mga bayan.”—Hebreo 7:14.
16 Halos 700 taon pagkaraan ng pangungusap na ito kay Juda, sinabi ni Jehova tungkol kay David na nagmula sa tribo ng Juda: “Nasumpungan ko ang aking lingkod na si David . . . At tiyak na aking itatayo ang kaniyang binhi magpakailanman at ang kaniyang luklukan gaya ng mga kaarawan ng langit.” (Awit 89:20, 29) Nang sinabi ng Diyos na ang “binhi” ni David ay matatayo “magpakailanman” at na ang “kaniyang luklukan” ay iiral na kasingtagal “ng mga kaarawan ng langit,” ano ang ibig niyang sabihin? Tinutukoy ng Diyos na Jehova na ang Kahariang pamahalaan sa kamay ng kaniyang hinirang na hari, si Jesu-Kristo, ay mamamalagi magpakailanman. Papaano natin nalalaman?
17. Papaano natin nalalaman na ang ipinangakong hari ay si Jesu-Kristo?
17 Buweno, alalahanin ang sinabi kay Maria ng anghel ni Jehova na si Gabriel tungkol sa anak na isisilang sa kaniya. Sinabi niya: “Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na Jesus.” Subali’t si Jesus ay hindi mananatiling bata, o isang tao, sa lupa. Nagpatuloy ang anghel Gabriel: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataastaasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at magpupuno siya bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:31-33) Hindi ba talagang kamanghamangha na nagsasaayos si Jehova ng isang matuwid na pamahalaan para sa walang-hanggang kapakanan niyaong mga umiibig at nagtitiwala sa kaniya?
18. (a) Papaano inilalarawan ng Bibliya ang wakas ng mga pamahalaan sa lupa? (b) Ano ang gagawin ng pamahalaan ng Diyos ukol sa mga tao?
18 Malapit nang kumilos ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos upang lipulin ang lahat ng pamahalaan ng daigdig. Lalaban si Jesu-Kristo bilang matagumpay na Hari. Sa paglalarawan sa digmaang ito, ganito ang sabi ng Bibliya: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi kailanman mawawasak. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang yaon, at ito’y mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44; Apocalipsis 19:11-16) Kapag naalis na ang ibang mga pamahalaan, sasapatan ng pamahalaan ng Diyos ang tunay na mga pangangailangan ng tao. Titiyakin ng Hari, si Jesu-Kristo, na wala isa mang tapat na sakop niya ang magkakasakit, tatanda o mamamatay. Ang krimen, kakapusan ng tirahan, gutom at iba pang suliraning tulad nito ay lulutasin. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3-5) Gayumpaman, may dapat pa nating matutuhan hinggil sa mga magiging pinuno sa Kahariang pamahalaan na ito ng Diyos.
[Larawan sa pahina 112, 113]
Sinugo ni Jesus ang mga alagad niya upang gawin ang mahalagang pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos
[Larawan sa pahina 114]
Nang nakataya ang buhay niya sa paglilitis, patuloy na ipinangaral ni Jesus ang kaharian ng Diyos
[Larawan sa pahina 119]
Paano ninyo minamalas si Jesus—bilang matagumpay na hari o bilang walang malay na sanggol?