Sa Kabila ng Pagiging Alabok, Kayo ay Sumulong!
“Nalalaman niya ang ating anyo, na naaalaala na tayo’y alabok.” —AWIT 103:14.
1. Ang Bibliya ba ay kasuwato ng siyensiya sa pagsasabing ang mga tao ay buhat sa alabok? Ipaliwanag.
SA ISANG pisikal na paraan, tayo’y alabok. “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Ang simpleng paglalarawang ito tungkol sa pagkalalang sa tao ay kasuwato ng katotohanan ng siyensiya. Lahat ng mahigit sa 90 elemento na bumubuo sa katawan ng tao ay matatagpuan sa “alabok ng lupa.” Isang kimiko ang minsa’y nagsabi na ang katawan ng isang taong adulto ay 65 porsiyentong oksiheno, 18 porsiyentong karbon, 10 porsiyentong hidroheno, 3 porsiyentong nitroheno, 1.5 porsiyentong kalsyum, at 1 porsiyentong posporus, anupat ang natitira ay binubuo ng iba pang elemento. Hindi mahalaga kung talaga ngang wasto ang mga pagtayang ito. Nananatili pa rin ang katotohanang: “Tayo ay alabok”!
2. Ano ang epekto sa iyo ng paraan ng pagkalalang ng Diyos sa mga tao, at bakit?
2 Sino, maliban kay Jehova, ang makalilikha ng ganiyang kasalimuot na mga nilalang buhat sa alabok lamang? Ang mga gawa ng Diyos ay sakdal at walang kapintasan, kaya ang kaniyang pagpapasiyang likhain ang tao sa ganitong paraan ay tunay na hindi dahilan upang magreklamo. Oo, ang Dakilang Manlalalang ay nakalikha ng isang tao buhat sa alabok ng lupa sa isang nakasisindak at kamangha-manghang paraan na nagpapalawak ng ating pagpapahalaga sa Kaniyang walang-hanggang kapangyarihan, kadalubhasaan, at praktikal na karunungan.—Deuteronomio 32:4, talababa; Awit 139:14.
Isang Pagbabago ng mga Kalagayan
3, 4. (a) Sa pagkalalang sa tao buhat sa alabok, ano ang hindi nilayon ng Diyos? (b) Ano ang tinutukoy ni David sa Awit 103:14, at papaano tayo tinutulungan ng konteksto upang marating ang ganitong konklusyon?
3 Ang mga nilalang na alabok ay may mga limitasyon. Gayunman, hindi nilayon ng Diyos na ang mga ito ay maging pabigat o labis na mahigpit. Ang mga ito ay hindi nilayon na makapagpahina ng loob o mag-alis ng kaligayahan. Gayunpaman, gaya ng ipinakikita ng konteksto ng mga salita ni David sa Awit 103:14, ang mga limitasyon na dinaranas ng tao ay maaring sanhi ng panghihina ng loob at mag-alis ng kaligayahan. Bakit? Nang sumuway sa Diyos sina Adan at Eva, sila’y nagdulot ng isang nagbagong kalagayan para sa kanilang pamilya sa hinaharap. Ang pagiging alabok noon ay nagkaroon ng bagong kahulugan.a
4 Ang tinutukoy ni David ay, hindi ang tungkol sa likas na mga limitasyon na taglay maging ng sakdal na mga taong alabok, kundi yaong mga kahinaan ng tao bunga ng minanang di-kasakdalan. Sapagkat kung hindi ay hindi niya sana sinabi tungkol kay Jehova: “Siyang nagpapatawad ng lahat ng iyong pagkakamali, na siyang nagpapagaling ng lahat ng iyong sakit, na siyang tumutubos sa iyong buhay buhat sa mismong hukay, [na] hindi gumawa sa atin nang ayon sa ating mga kasalanan; ni gumanti man sa atin nang ayon sa karapat-dapat sa atin.” (Awit 103:2-4, 10) Sa kabila ng pagiging alabok, kung ang sakdal na mga tao’y nanatiling tapat lamang, sana’y hindi sila nagkamali, nagkasala, anupat kailangang patawarin; ni nagkaroon man sila ng mga sakit na nangangailangang pagalingin. Higit sa lahat, hindi sana sila dapat bumaba sa hukay ng kamatayan na mula roon ay maaari lamang silang tubusin sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli.
5. Bakit hindi mahirap para sa atin na unawain ang mga salita ni David?
5 Yamang di-sakdal, lahat tayo ay nakararanas ng mga bagay na binanggit ni David. Palaging nasa isip natin ang tungkol sa ating mga limitasyon bunga ng di-kasakdalan. Tayo’y nalulungkot pagka ang mga ito kung minsan ay waring sumisira ng ating kaugnayan kay Jehova o sa ating mga kapatid na Kristiyano. Ikinalulungkot natin na ang ating mga di-kasakdalan at ang mga panggigipit ng sanlibutan ni Satanas ay manaka-nakang nagtutulak sa atin sa kawalang-pag-asa. Yamang mabilis na patapos na ang pamamahala ni Satanas, ang kaniyang sanlibutan ay lalong gumigipit sa mga tao sa pangkalahatan at lalo na sa mga Kristiyano.—Apocalipsis 12:12.
6. Bakit nakadarama ng panghihina ng loob ang ilang Kristiyano, at papaano maaaring samantalahin ni Satanas ang ganitong uri ng damdamin?
6 Nadarama mo ba na patuloy na nagiging mahirap ang pamumuhay bilang isang Kristiyano? Ang ilang Kristiyano ay narinig na nagsasabing habang tumatagal sila sa katotohanan sila’y waring nagiging lalong di-sakdal. Gayunman, malamang na iyon ay dahil sa lalo nilang nadarama ang kanilang sariling mga di-kasakdalan at ang kawalang-kakayahang abutin ang sakdal na mga pamantayan ni Jehova sa paraang nais nila. Subalit sa aktuwal, ito ay malamang na resulta ng patuloy na paglago sa kaalaman at pagpapahalaga sa matutuwid na kahilingan ni Jehova. Mahalaga na huwag nating pahintulutang pahinain ang ating loob ng gayong kamalayan hanggang sa punto na ginagawa na natin ang ibig ng Diyablo. Sa loob ng daan-daang taon paulit-ulit na sinikap niyang samantalahin ang panghihina ng loob upang italikod ang mga lingkod ni Jehova sa tunay na pagsamba. Gayunpaman, ang tunay na pag-ibig sa Diyos, gayundin ang “lubusang pagkapoot” sa Diyablo, ang nakahadlang sa karamihan sa kanila sa paggawa ng gayon.—Awit 139:21, 22; Kawikaan 27:11.
7. Sa anong paraan maaaring kung minsan ay makatulad tayo ni Job?
7 Gayunman, ang mga lingkod ni Jehova ay maaaring sa papaano man ay makadama ng panghihina ng loob. Ang pagkadama ng kawalang-kasiyahan sa ating sariling mga nagawa ang maaaring isa ring dahilan. Ang pisikal na mga salik o maiigting na relasyon sa mga miyembro ng pamilya, mga kaibigan, o mga kasamahan sa trabaho ang maaaring nasasangkot. Lubhang pinanghinaan ng loob ang tapat na si Job anupat siya’y nagmakaawa sa Diyos: “Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol, na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako!” Ngayon, kung ang mahihirap na kalagayan ay nakapagtulak kay Job, “isang taong walang kapintasan at matuwid, natatakot sa Diyos at tumatalikod sa masama,” na makipagpunyagi sa panghihina ng loob, hindi nakapagtatakang gayundin ang mangyari sa atin.—Job 1:8, 13-19; 2:7-9, 11-13; 14:13.
8. Bakit isang positibong tanda ang manaka-nakang panghihina ng loob?
8 Anong laking kaaliwang malaman na sa puso tumitingin si Jehova at hindi niya kinaliligtaan ang mabubuting motibo! Hindi niya itatakwil yaong mga nagsisikap nang buong kataimtiman na makalugod sa kaniya. Sa katunayan, ang manaka-nakang panghihina ng loob ay maaaring maging isang positibong tanda, nagpapakitang hindi natin ipinagwawalang-bahala ang ating paglilingkod kay Jehova. Kung mamalasin buhat sa ganitong punto de vista, ang isa na hindi kailanman nakikipagpunyagi sa panghihina ng loob ay maaaring hindi espirituwal na nakababatid sa kaniyang mga kahinaan di-tulad ng iba sa kanilang sariling mga kahinaan. Tandaan: “Siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.”—1 Corinto 10:12; 1 Samuel 16:7; 1 Hari 8:39; 1 Cronica 28:9.
Sila Man Ay Alabok Din
9, 10. (a) Kaninong pananampalataya ang dapat na tularan ng mga Kristiyano? (b) Papaano tumugon si Moises sa atas sa kaniya?
9 Nakatala sa Hebreo kabanata 11 ang maraming saksi ni Jehova bago ng panahong Kristiyano na nagsagawa ng matibay na pananampalataya. Gumawa rin ng gayon ang mga Kristiyano noong unang siglo at sa modernong panahon. Napakahalaga ng mga aral na matututuhan buhat sa kanila. (Ihambing ang Hebreo 13:7.) Halimbawa, kaninong pananampalataya ang mas mainam na matutularan ng mga Kristiyano kaysa kay Moises? Siya’y tinawag upang ipahayag ang mga mensahe ng kahatulan sa pinakamakapangyarihang tagapamahala ng sanlibutan noong panahon niya, ang Faraon ng Ehipto. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang magpahayag ng nakakatulad na mga mensahe ng kahatulan laban sa huwad na relihiyon at iba pang mga organisasyon na salungat sa natatag nang Kaharian ni Kristo.—Apocalipsis 16:1-15.
10 Ang pagtupad sa utos na ito ay hindi isang madaling atas, gaya ng ipinakita ni Moises. “Sino ba ako anupat ako’y dapat na pumaroon kay Faraon at kailangang ilabas ko mula sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” ang tanong niya. Mauunawaan natin ang pagkadama niya ng kakulangan ng kakayahan. Ikinabahala rin niya kung papaano tutugon ang kaniyang kapuwa mga Israelita: “Halimbawang sila ay hindi maniwala sa akin at hindi makinig sa aking tinig?” Nang magkagayo’y ipinaliwanag ni Jehova sa kaniya kung papaano patutunayan ang kaniyang pagkasugo, subalit may isa pang suliranin si Moises. Sinabi niya: “Ipagpaumanhin mo, Jehova, ngunit ako’y hindi isang matatas na tagapagsalita, maging noong nakaraan ni bago pa nito ni sapol nang kausapin mo ang iyong lingkod, sapagkat ako’y mabagal sa pagsasalita.”—Exodo 3:11; 4:1, 10.
11. Tulad ni Moises, papaano tayo maaring tumugon sa teokratikong mga tungkulin, ngunit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya, sa ano tayo makapagtitiwala?
11 Manaka-naka, baka makadama tayo ng gaya ng nadama ni Moises. Bagaman kinikilala ang ating mga obligasyong teokratiko, maaaring naiisip natin kung papaano natin magagampanan ang mga iyon. ‘Sino ba ako na makalalapit sa mga tao, na ang ilan ay nasa mataas na antas sa lipunan, sa kabuhayan, o sa pinag-aralan, at mangangahas na turuan sila sa mga daan ng Diyos? Papaano tutugon ang aking espirituwal na mga kapatid kapag ako’y nagkomento sa mga pulong Kristiyano o nagkaroon ng mga bahagi sa plataporma sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Hindi kaya nila makita ang aking mga pagkukulang?’ Subalit tandaan, si Jehova ay kasama ni Moises at sinangkapan siya para sa kaniyang atas sapagkat si Moises ay nagsagawa ng pananampalataya. (Exodo 3:12; 4:2-5, 11, 12) Kung tutularan natin ang pananampalataya ni Moises, si Jehova ay sasaatin at sasangkapan din naman tayo para sa ating gawain.
12. Papaano tayo mapalalakas ng pananampalataya ni David sa harap ng panghihina ng loob dahilan sa mga kasalanan o mga kahinaan?
12 Sinumang nakadarama ng pagkabigo o panghihina ng loob dahilan sa mga kasalanan o mga kahinaan ay tunay na makakatulad ni David nang kaniyang sabihin: “Ang aking mga paglabag ay alam na alam ko, at ang aking kasalanan ay palaging nasa harap ko.” Sa pagmamakaawa kay Jehova, sinabi rin ni David: “Ikubli mo ang iyong mukha buhat sa aking mga kasalanan, at pawiin mo maging ang lahat ng aking kamalian.” Subalit, kailanman ay hindi niya pinahintulutang mawala ang hangarin niyang maglingkod kay Jehova dahil sa panghihina ng loob. “Huwag mo akong ilayo sa harap ng iyong mukha; at ang iyong banal na espiritu Oh huwag mong alisin sa akin.” Si David ay maliwanag na “alabok,” subalit si Jehova ay hindi lumayo sa kaniya, sapagkat si David ay nagsagawa ng pananampalataya sa pangako ni Jehova na huwag hamakin ang “isang pusong wasak at luray-luray.”—Awit 38:1-9; 51:3, 9, 11, 17.
13, 14. (a) Bakit hindi tayo dapat maging tagasunod ng mga tao? (b) Papaano ipinakikita ng mga halimbawa nina Pablo at Pedro na sila man ay mula sa alabok?
13 Gayunman, pansinin na samantalang kailangang malasin natin itong “ganito kalaking ulap ng mga saksi” bilang isang pampalakas-loob upang “takbuhin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin,” hindi sinasabi sa atin na tayo’y maging kanilang mga tagasunod. Sinasabihan tayo na sundin ang mga yapak ng “Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus,” hindi ng di-sakdal na mga tao—kahit ng tapat na mga apostol noong unang siglo.—Hebreo 12:1, 2; 1 Pedro 2:21.
14 Ang mga apostol na sina Pablo at Pedro, na mga haligi sa kongregasyong Kristiyano, ay natisod kung minsan. “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa,” ang isinulat ni Pablo. “Miserableng tao ako!” (Roma 7:19, 24) At si Pedro sa isang sandali ng labis na pagtitiwala sa sarili ay nagsabi kay Jesus: “Bagaman ang lahat ng iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, hindi ako kailanman matitisod!” Nang babalaan ni Jesus si Pedro na kaniyang itatatwa Siya nang tatlong beses, may kapangahasang sumalungat si Pedro sa kaniyang Panginoon, anupat naghahambog na sinabi: “Kahit na ako ay kailangang mamatay na kasama mo, hindi kita sa anumang paraan itatatwa.” Subalit kaniyang itinatwa si Jesus, isang pagkakamali na itinangis niya nang buong kapaitan. Oo, sina Pablo at Pedro ay alabok.—Mateo 26:33-35.
15. Sa kabila ng katotohanang tayo’y alabok, anong pampasigla ang taglay natin upang sumulong?
15 Gayunman, sa kabila ng kanilang mga kahinaan, sina Moises, David, Pablo, Pedro, at ang iba pang katulad nila ay sa wakas nagtagumpay. Bakit? Sapagkat sila’y nagsagawa ng matibay na pananampalataya kay Jehova, nagtiwala sa kaniya nang lubusan, at nangunyapit sa kaniya sa kabila ng mga kabiguan. Sila’y umasa sa kaniya na maglalaan ng “lakas na higit sa karaniwan.” At gayon ang kaniyang ginawa, hindi tinulutang sila’y mabuwal nang hindi na makatatayo. Kung tayo’y patuloy na magsasagawa ng pananampalataya, matitiyak natin na kapag iginawad na ang hatol sa kaso natin, iyon ay magiging kasuwato ng mga salitang: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” Anong laking pampasigla na tayo ay sumulong sa kabila ng katotohanan na tayo ay alabok!—2 Corinto 4:7; Hebreo 6:10.
Bilang Indibiduwal Ano ang Kahulugan Para sa Atin ng Pagiging Alabok?
16, 17. Kung humahatol, papaano ikinakapit ni Jehova ang simulaing ipinaliwanag sa Galacia 6:4?
16 Ang karanasan ay nagturo sa maraming magulang at mga guro ng karunungan ng paghatol sa mga bata o mga estudyante ayon sa indibiduwal na kakayahan, hindi salig sa mga paghahambing sa mga kapatid o mga kamag-aral. Ito ay kasuwato ng isang simulain sa Bibliya na sinabing sundin ng mga Kristiyano: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magmataas may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 6:4.
17 Kasuwato ng simulaing ito, bagaman si Jehova ay nakikitungo sa kaniyang bayan bilang isang organisadong grupo, kaniyang hinahatulan sila bilang mga indibiduwal. Ang Roma 14:12 ay nagsasabi: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” Alam na alam ni Jehova ang henetikong kayarian ng bawat isa sa kaniyang mga lingkod. Alam niya ang mga sangkap ng kanilang pangangatawan at isip, ang kanilang mga kakayahan, ang kanilang minanang lakas at mga kahinaan, ang maaari nilang magawa, gayundin kung hanggang saan nila ginagamit ang mga posibilidad na ito upang magsibol ng mga bungang Kristiyano. Ang binanggit ni Jesus tungkol sa babaing balo na naghulog ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman ng templo at ang kaniyang talinghaga ng binhing inihasik sa mabuting lupa ay nakapagpapalakas-loob na mga halimbawa para sa mga Kristiyano na maaaring nanlulumo dahilan sa walang-katuwirang paghahambing ng kanilang sarili sa iba.—Marcos 4:20; 12:42-44.
18. (a) Bilang mga indibiduwal, bakit dapat nating alamin kung ano ang kahulugan para sa atin ng pagiging alabok? (b) Bakit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil sa tahasang pagsusuri ng ating sarili?
18 Mahalaga na alamin natin kung ano ang kahulugan para sa atin bilang mga inidibiduwal ng pagiging alabok upang tayo’y makapaglingkod nang buong kaya. (Kawikaan 10:4; 12:24; 18:9; Roma 12:1) Tangi lamang kung tayo’y lubusang palaisip sa ating personal na mga kakulangan at mga kahinaan makapananatili tayong listo sa pangangailangan at mga posibilidad na sumulong. Sa pagsusuri sa sarili, huwag nating kaliligtaan ang kapangyarihan ng banal na espiritu sa pagtulong sa atin na sumulong. Sa pamamagitan niyaon ay nilalang ang sansinukob, isinulat ang Bibliya, at, sa gitna ng isang namamatay na sanlibutan, umiiral ang isang mapayapang bagong sanlibutang lipunan. Samakatuwid ang banal na espiritu ng Diyos ay tunay na may sapat na lakas upang bigyan ang mga humihingi niyaon ng karunungan at lakas na kailangan upang makapanatili sa katapatan.—Mikas 3:8; Roma 15:13; Efeso 3:16.
19. Para sa ano hindi dahilan ang ating pagiging alabok?
19 Anong laking kaaliwan na malamang naaalaala ni Jehova na tayo’y alabok! Gayunman, huwag tayong mangatuwiran na ito ay isang marapat na dahilan sa kakulangan ng kasipagan o marahil kahit sa paggawa ng mali. Hinding-hindi nga! Ang bagay na naaalaala ni Jehova na tayo’y alabok ay kapahayagan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Subalit hindi natin nais na maging “mga taong di-maka-Diyos, na ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi at nagbubulaan sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Judas 4) Ang pagiging alabok ay hindi dahilan sa pagiging di-maka-Diyos. Nagpupunyagi ang isang Kristiyano na paglabanan ang maling mga hilig, na binubugbog ang kaniyang katawan at ginagawa itong isang alipin, upang maiwasang “pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.”—Efeso 4:30; 1 Corinto 9:27.
20. (a) Sa anong dalawang aspekto tayo ay “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”? (b) Bakit tayo may dahilan upang magkaroon ng maaliwalas na pananaw?
20 Ngayon, ang mga huling taon ng sistema ng sanlibutan ni Satanas, ay hindi siyang panahon upang magmabagal—hindi nga kung tungkol sa pangangaral ng Kaharian at hindi kung tungkol sa lubusang pagpapaunlad ng bunga ng espiritu ng Diyos. Sa kapuwa mga larangang iyan tayo ay “maraming ginagawa.” Ngayon ang panahon upang sumulong sapagkat batid natin na ang ating “pagpapagal ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:58) Tayo ay aalalayan ni Jehova, sapagkat tungkol sa kaniya ay sinabi ni David: “Hindi niya tutulutang humapay-hapay ang matuwid.” (Awit 55:22) Anong laking kagalakan na mabatid na pinahihintulutan tayo ni Jehova na personal na makibahagi sa pinakadakilang gawaing naiatas sa di-sakdal na mga nilalang na tao—at ito’y sa kabila ng ating pagiging alabok!
[Talababa]
a Ang komentaryo sa Bibliya na Herders Bibelkommentar, tungkol sa Awit 103:14, ay nagsasabi: “Alam na alam niya na kaniyang nilalang ang mga tao mula sa alabok ng lupa, at batid niya ang mga kahinaan at ang pagkapumapanaw ng kaniyang buhay, na lubhang nakaaapekto sa kanila sapol nang orihinal na pagkakasala.”—Amin ang italiko.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano nagkakaiba ang Genesis 2:7 at Awit 103:14 sa pagtukoy sa mga tao bilang mga alabok?
◻ Bakit ang Hebreo kabanata 11 ay isang pinagmumulan ng pampalakas-loob para sa mga Kristiyano sa ngayon?
◻ Bakit tayo ay marunong kung ikakapit natin ang simulain na nasa Galacia 6:4?
◻ Papaano makatutulong ang Hebreo 6:10 at 1 Corinto 15:58 upang mahadlangan ang panghihina ng loob?
[Mga larawan sa pahina 10]
Tinutularan ng mga Kristiyano ang pananampalataya ng kapuwa mga mananamba, subalit sinusunod nila ang Tagapagsakdal ng kanilang pananampalataya, si Jesus