Bakit Tayo Nagdurusa, Tumatanda, at Namamatay?
Anak ang turing sa atin ng Maylalang. Kaya ayaw niyang nagdurusa tayo. Pero punong-puno ng pagdurusa ang mundo. Bakit?
Nagdurusa Tayo Dahil sa Ating Unang mga Magulang
“Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—ROMA 5:12.
Nang lalangin ng Diyos sina Adan at Eva, ang ating unang mga magulang, binigyan niya sila ng perpektong isip at katawan. Inilagay niya rin sila sa isang paraiso sa lupa—isang magandang hardin na tinatawag na hardin ng Eden. Sinabi niya sa kanila na puwede silang kumain mula sa lahat ng puno sa hardin, maliban sa isa. Pero pinili nina Adan at Eva na kumain ng bunga mula sa punong iyon, at iyan ay isang kasalanan. (Genesis 2:15-17; 3:1-19) Nang suwayin nila ang Diyos, pinalayas niya sila sa hardin, at naging mahirap ang buhay nila. Pagkatapos, nagkaanak sila, at naging mahirap din ang buhay ng mga ito. Tumanda silang lahat at namatay. (Genesis 3:23; 5:5) Nagkakasakit tayo, tumatanda, at namamatay kasi nanggaling tayo sa pamilyang iyon.
Nagdurusa Din Tayo Dahil sa mga Rebeldeng Anghel
“Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.”—1 JUAN 5:19.
Ang “isa na masama” ay si Satanas. Isa siyang anghel na nagrebelde sa Diyos. (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Pagkatapos, sumama sa kaniya ang iba pang mga anghel at nagrebelde rin. Tinawag silang mga demonyo. Ginagamit nila ang kapangyarihan nila para dayain ang mga tao at ilayo ang mga ito sa Maylalang. Iniimpluwensiyahan nila ang marami na gumawa ng masama. (Awit 106:35-38; 1 Timoteo 4:1) Tuwang-tuwa si Satanas at ang mga demonyo kapag nakikita nilang nasasaktan at nagdurusa ang mga tao.
Kung Minsan, Tayo ang Dahilan Kung Bakit Tayo Nagdurusa
“Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.”—GALACIA 6:7.
Nakakaranas tayo ng iba’t ibang pagdurusa dahil sa minana nating kasalanan at dahil sa impluwensiya ni Satanas sa mundong ito. Pero kung minsan, tayo rin ang dahilan kung bakit tayo nagdurusa. Bakit? Kasi kapag nakagawa tayo ng masama o ng maling desisyon, madalas na hindi maganda ang resulta nito. Pero kung gagawa tayo ng mabuti, maganda ang magiging resulta nito. Halimbawa, kung ang isang ulo ng pamilya ay tapat, masipag, at mahal niya ang pamilya niya, maganda ang magiging resulta nito at magiging masaya ang pamilya niya. Pero kung sugarol siya, lasenggo, o tamad, posibleng maghirap sila ng pamilya niya. Kaya dapat tayong makinig sa ating Maylalang. Gusto niyang mapabuti tayo at magkaroon ng “saganang kapayapaan.”—Awit 119:165.
Nagdurusa Tayo Kasi Nasa “mga Huling Araw” Na Tayo
“Sa mga huling araw, . . . ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, . . . masuwayin sa magulang, . . . walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan.”—2 TIMOTEO 3:1-5.
Ganiyan ang marami sa ngayon. Ang mga ugali ng mga tao ngayon ay katibayan na nasa “mga huling araw” na tayo ng mundong ito. Inihula din ng Kasulatan na sa panahon natin, magkakaroon ng digmaan, taggutom, malalakas na lindol, at sakit. (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:10, 11) Dahil dito, marami ang nagdurusa at namamatay.