Natututo Mula sa mga Nakaraang Pagkakamali
ANG mga batas ng ating Maylalang ukol sa moral ay walang hanggan at di-nagbabago. Dahil dito ay kapit pa rin sa ngayon ang simulaing masusumpungan sa Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Totoo, maaaring itanggi ng isang indibiduwal ang pananagutan sa Diyos, subalit ang makadiyos na alituntunin ay namamalagi. Sa dakong huli, walang tao ang malilibre sa mga bunga ng kaniyang ginawa.
Kumusta naman kung ang isang taong may lisyang pamumuhay ay magbago, anupat naging isang lingkod ng Diyos? Maaaring pagdusahan pa rin niya ang mga bunga ng kaniyang dating istilo ng buhay. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi pa siya pinatatawad ng Diyos. Ang mapangalunyang relasyon ni Haring David kay Bath-sheba ay nagdulot ng matinding kalamidad sa kaniyang buhay. Hindi niya ito matatakasan. Subalit nagsisi siya, at nakamit niya ang kapatawaran ng Diyos.—2 Samuel 12:13-19; 13:1-31.
Nanghihina ba ang iyong loob kapag pinagdurusahan mo ang mga bunga ng iyong ginawang pagkakamali? Kung titingnan sa tamang paraan, ang nadaramang pagsisisi ay maaaring magsilbing isang paalaala sa atin na ‘mag-ingat na huwag bumaling sa nakasasakit.’ (Job 36:21) Oo, ang nadaramang pagsisisi ay makatutulong sa atin na iwasang maulit ang pagkakamali. Mas mabuti pa nga, ginamit ni David ang karanasan mula sa pagkakasalang ginawa niya upang makinabang hindi lamang siya kundi pati ang iba. Sabi niya: “Ituturo ko sa mga manlalabag ang iyong mga daan, upang ang mga makasalanan ay agad na manumbalik sa iyo.”—Awit 51:13.
[Mga larawan sa pahina 7]
Natuto si David mula sa kaniyang kasalanan kasama ni Bath-sheba