MANGHAHASIK, PAGHAHASIK
Karaniwan na, ang sinaunang pamamaraan ng paghahasik ng binhi, o pagpapangalat nito sa lupa para tumubo, ay sa pamamagitan ng “pagsasaboy.” Kadalasan, dinadala ng manghahasik ang mga binhi sa isang tupi ng kaniyang kasuutan o sa isang sisidlan. Pagkatapos, dinadampot niya ang mga binhi mula sa lalagyan nito at isinasabog niya ito sa kaniyang unahan patungo sa kabilang direksiyon. Sa Israel, ang kapanahunan ng paghahasik ay nagsisimula nang bandang Oktubre at umaabot hanggang sa unang bahagi ng Marso, depende sa uri ng butil na inihahasik.
Ang Pagpapala ni Jehova. Si Jehova ang naglalaan ng binhi at nagpapatubo ng pananim, siya rin ang naglalaan ng sikat ng araw at ng ulan, anupat dahil sa mga ito ay namumunga ang bukid nang maraming ulit kaysa sa dami ng itinanim. (2Sa 23:3, 4; Isa 55:10) Sa gayon, ang buong sangkatauhan, matuwid man o balakyot, ay nakikinabang mula sa Maylalang.—Mat 5:45; Gaw 14:15-17.
Gayunman, karaniwan nang hindi espesipikong kinokontrol ng Diyos na Jehova ang mga salik na nagpapaging posible sa pagtubo ng pananim. Kaya naman kung minsan, maaaring magtamasa ng saganang ani ang mga taong balakyot, samantalang ang mga matuwid, dahil sa di-kaayaayang mga kalagayan, ay baka dumanas ng mahinang ani.—Ihambing ang Job 21:7-24.
Sa kabilang dako, kapag angkop sa kaniyang layunin, maaaring pagpalain ni Jehova ang manghahasik at bigyan ito ng saganang ani, at maaari niyang pahinain ang pamumunga ng pananim, depende sa katapatan at pagsunod sa Kaniya ng manghahasik. Halimbawa, nilayon ni Jehova na gawing isang dakila at malaking bansa sa Lupang Pangako ang Israel, kaya naman sagana niyang pinagpala ang kaniyang masunuring mga lingkod. Noong nakikipamayan si Isaac sa Canaan, bagaman nililigalig siya ng mga katutubo ng lupain, pinagpala siya ni Jehova anupat sa kaniyang paghahasik ay umaani siya nang hanggang sa isang daang takal mula sa isang takal na inihasik niya.—Gen 26:12.
Nakadepende sa espirituwal na kalagayan ng Israel ang tatanggapin nilang ani. Bago sila pumasok sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Jehova: “Kung patuloy kayong lalakad ayon sa aking mga batas at tutuparin ninyo ang aking mga utos at isasagawa ninyo ang mga iyon, . . . tiyak na aabutan ng inyong paggigiik ang inyong pamimitas ng ubas, at aabutan ng pamimitas ng ubas ang paghahasik ng binhi.” Gayon na lamang kasagana ang magiging ani nila anupat hindi pa tapos ang pag-aani ay panahon na naman upang ihasik ang susunod na pananim. (Ihambing ang Am 9:13.) Sa kabilang dako naman, nagbabala ang Diyos: “Kung hindi kayo makikinig sa akin ni isasagawa ang lahat ng utos na ito, . . . maghahasik nga kayo ng inyong binhi sa walang kabuluhan, sapagkat tiyak na lalamunin iyon ng inyong mga kaaway.” At idinagdag pa niya, “ang inyong lupa ay hindi magbibigay ng kaniyang ani.” (Lev 26:3-5, 14-16, 20; ihambing ang Hag 1:6.) Nang maglaon, noong mga araw ng propetang si Jeremias, nagkatotoo ang babala ni Jehova. Bilang paglalarawan sa kanilang masamang kalagayan, sinabi ni Jehova: “Naghasik sila ng trigo, ngunit mga tinik ang ginapas nila.”—Jer 12:13.
Ang Kautusan ng Israel na Umuugit sa Paghahasik. Sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, iniutos ng Diyos na ang lupa ay hahasikan sa loob ng anim na taon, ngunit walang paghahasik o pag-aaning gagawin sa ikapitong taon (taon ng Sabbath) ni sa taon ng Jubileo. (Exo 23:10, 11; Lev 25:3, 4, 11) Sa pamamagitan nito ay nasubok ang kanilang pananampalataya at nagkaroon sila ng higit na panahon upang magtaguyod ng espirituwal na mga bagay; nakabuti rin ito sa lupa.
Yamang ang lupain ay kay Jehova, ito, sa diwa, ay banal, at ang kaniyang bayan ay banal. Kaya naman kinailangan ang pag-iingat upang maiwasan ang anumang uri ng karumihan. Kapag nahulog sa basang binhi ang bangkay ng isang maruming hayop, halimbawa, isang daga o isang butiki, ito ay nagiging marumi at hindi na dapat pang gamitin, samantalang kung tuyo ang binhi, ito ay malinis. Walang alinlangang iyon ay dahil maikakalat ng tubig sa buong binhi ang karumihan.—Lev 11:31, 37, 38.
Noon, hindi rin pinahihintulutan ang paghahasik ng pinaghalu-halong magkakaibang binhi, bagaman maaaring maghasik ng magkakaibang uri ng binhi, bawat uri ay dapat na may kani-kaniyang lugar sa bukid na iyon. (Lev 19:19; Isa 28:25) Marahil ito’y upang manatiling palaisip ang mga Israelita hinggil sa kanilang pagiging hiwalay at pagiging natatangi bilang bayan ng Diyos, na nasa ilalim ng kaniyang Pagkahari. Kapag nilabag ng isang Israelita ang kautusang ito, anupat pinaghalo niya ang dalawang magkaibang uri ng binhi, ang lahat ng bunga ng kaniyang bukid o ubasan ay magiging bagay na “nakatalaga.” Sa gayon ay mapupunta iyon sa santuwaryo.—Deu 22:9; ihambing ang Lev 27:28; Bil 18:14.
Makatalinghagang Paggamit. Nang inilalarawan niya ang pangangalaga at pagpapala ni Jehova sa mga nalabi na bumalik mula sa Babilonya, sumulat ang salmista: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan. Siya na walang pagsalang yumayaon, na tumatangis pa man din, na may dala-dalang isang supot ng binhi, ay walang pagsalang papasok na may hiyaw ng kagalakan, na dala-dala ang kaniyang mga tungkos.” (Aw 126:1, 5, 6) Sa kanilang paglaya, naging napakaliligaya niyaong mga bumalik mula sa Babilonya, ngunit maaaring tumangis sila nang hinahasikan nila ng binhi ang tiwangwang na lupa na 70 taóng hindi nasaka. Gayunpaman, muli silang tinipon ni Jehova alang-alang sa kaniyang pangalan, at yaong mga nagpatuloy sa gawaing paghahasik at muling pagtatayo ay nagtamasa ng bunga mula sa kanilang pagpapagal. Nang mahinto ang pagtatayo ng templo, pansamantalang ipinagkait ni Jehova ang bunga ng lupain, ngunit sa pamamagitan ng mga propetang sina Hagai at Zacarias, muling napasigla ang bayan sa gawain at muli nilang natamo ang lingap ng Diyos.—Hag 1:6, 9-11; 2:15-19.
Upang ilarawan ang tiyak na katuparan ng kaniyang salita, ginamit ni Jehova ang paghahasik at ang proseso ng pagtubo ng pananim.—Isa 55:10, 11.
Pagiging masikap at bukas-palad. Nagbigay si Solomon ng isang simulain may kaugnayan sa pagkabukas-palad at masipag na paggawa nang isulat niya: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” Ang isang taong nagpapaliban, anupat naghihintay ng panahon kapag waring kaayaaya na sa kaniya ang lahat ng bagay para gawin niya ang gawaing inilagay ng Diyos sa harapan niya, o naghahanap ng dahilan upang makaiwas sa pagtatrabaho, ay hindi tatanggap ng anuman mula sa Diyos. Sa halip, inirekomenda ni Solomon ang pagiging masikap, sapagkat, sinasabi niya sa talata 5, ang Diyos ang “gumagawa ng lahat ng bagay” at hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng paraan ng paggawa ng Diyos. Kaayon nito, ipinapayo niya: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.”—Ec 11:4-6.
Waring ganito rin ang iniisip ng apostol na si Pablo nang pasiglahin niya ang mga Kristiyano sa Corinto na maging bukas-palad may kaugnayan sa tulong bilang paglilingkod para sa mga kapatid sa Jerusalem, na dumanas ng mga paghihirap at nawalan ng kanilang mga pag-aari dahil pinag-usig sila ng mga Judio. Sinabi ni Pablo: “Siya na naghahasik nang kaunti ay mag-aani rin nang kaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana. . . . Bukod diyan, magagawa ng Diyos na managana sa inyo ang kaniyang buong di-sana-nararapat na kabaitan, upang habang lagi kayong may lubos na kasapatan sa lahat ng bagay ay magkaroon kayo ng sagana para sa bawat gawang mabuti. . . . Ngayon siya na saganang naglalaan ng binhi sa manghahasik at ng tinapay na kakainin ay maglalaan at magpaparami ng binhi na inyong ihahasik at magpapalago sa mga bunga ng inyong katuwiran.” Pagkatapos ay binanggit ni Pablo ang mabuting ibubunga nito, bukod sa paglingap ng Diyos at pananagana sa materyal na paraan, samakatuwid nga, na ang gayong pagkabukas-palad ay nagbubunga ng pasasalamat at pagluwalhati sa Diyos, pati na ng pag-ibig at mga panalangin niyaong mga tinutulungan, para roon sa mga tumutulong. Lumalago rin ang pag-ibig sa loob ng kongregasyon dahil dito.—2Co 9:6-14.
Pangangaral ng mabuting balita. Inihalintulad ni Jesu-Kristo ang paghahasik ng binhi sa pangangaral ng salita, ang mabuting balita ng Kaharian. Siya ang Manghahasik ng mga katotohanan ng Kaharian, at si Juan na Tagapagbautismo ay gumawa rin bilang isang manghahasik. Ang mga alagad naman ni Jesus ay isinugo upang gumapas sa mga bukid na nahasikan na at mapuputi na para sa pag-aani. Kaya naman sinabi niya sa kanila: “Tumatanggap na ng kabayaran ang manggagapas at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama. . . . Isa ang manghahasik at iba naman ang manggagapas. Isinugo ko kayo upang gapasin ang hindi ninyo pinagpagalan. Iba ang nagpagal [sa paghahasik], at kayo ang pumasok sa pakinabang ng kanilang pagpapagal [sa pamamagitan ng paggapas].”—Ju 4:35-38.
Sa ilustrasyon tungkol sa manghahasik, muling inihalintulad ni Jesus ang gawaing pangangaral sa paghahasik. Sa talinghagang ito, ang binhing inihasik ay “ang salita ng kaharian.” Ipinakita ni Jesus na maaaring makaapekto sa pagsibol at pagtubo ng binhi sa puso ng mga tao ang mga kalagayang umiiral nang ihasik ang binhi.—Mat 13:1-9, 18-23; Luc 8:5-15.
Ang trigo at ang mga panirang-damo. Sa ibang ilustrasyon naman, inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa isang manghahasik ng mainam na binhi, at inihalintulad naman niya ang binhi sa “mga anak ng kaharian.” Ang isa pang manghahasik, isang kaaway na naghahasik ng mga panirang-damo sa bukid, ay ang Diyablo. Dito, maliwanag na humuhula si Jesus tungkol sa apostasyang darating, anupat sa panahong iyon, sa loob at sa gitna ng kongregasyong Kristiyano, ay magkakaroon ng mga taong may-kabulaanang mag-aangkin na mga lingkod sila ng Diyos at magtatangkang dungisan ang kongregasyon at ilayo ang mga alagad.—Mat 13:24-30, 36-43; ihambing ang Gaw 20:29; 2Co 11:12-15; 2Te 2:3-9; 1Ti 4:1; 2Ti 4:3, 4; 2Pe 2:1-3.
‘Paghahasik may kinalaman sa laman.’ Pagkatapos niyang isa-isahin ang mga bunga ng espiritu at ang mga gawa ng laman, at paalalahanan ang bawat isa na patunayan ang kaniyang sariling gawa, sinabi ng apostol na si Pablo: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.”—Gal 5:19-23; 6:4, 7, 8.
Sa Roma 1:24-27, binabanggit ni Pablo ang isang halimbawa ng paghahasik may kinalaman sa laman, pati ang mga bunga nito. Ang ibang mga halimbawa ay yaong tao na nagkasala ng insesto sa kongregasyon ng Corinto, anupat nagsagawa ng maruruming bagay na makalaman; gayundin sina Himeneo at Alejandro, na nagtaguyod ng maruruming turo at pamumusong, at ibinigay kay Satanas “para sa pagkapuksa ng laman,” samakatuwid nga, upang maalis mula sa kongregasyon ang gayong makalamang elemento.—1Co 5:1, 5; 1Ti 1:20; 2Ti 2:17, 18.
Pagtuturo at pangangalaga sa kongregasyon. Nang sumulat siya sa kongregasyon sa Corinto, inihambing ni Pablo ang kaniyang pagtuturo at pagtulong sa kongregasyon sa gawaing paghahasik, at ipinaliwanag niya sa kanila na, dahil sa paggawa nito, mayroon siyang awtoridad na tumanggap ng materyal na mga bagay mula sa kanila bilang tulong sa pagtupad niya sa kaniyang ministeryo. Ngunit hindi niya ginawa ang gayon, upang huwag siyang magbigay ng anumang balakid sa mabuting balita.—1Co 9:11, 12.
Kung paanong ang binhi ay mapayapang inihahasik ng isang magsasaka, ang mabuting balita ay inihahasik din nang payapa, anupat nang walang pakikipagtalo, hidwaan, kaguluhan, at paggamit ng dahas. At ang mga naghahasik nito ay mga taong mapayapa, hindi mahilig makipagtalo, hindi palaaway, o magugulo. Kaya naman upang magbunga ng katuwiran ang kanilang paghahasik, dapat umiral sa kongregasyong Kristiyano ang mapapayapang mga kalagayan.—San 3:18.
Ang pagkabuhay-muli. Noong tinatalakay niya ang espirituwal na pagkabuhay-muli, ang paglilibing sa pisikal na katawan ay inihalintulad ni Pablo sa paghahasik ng isang binhi, anupat sinabi niya: “Gayunpaman, may magsasabi: ‘Paano ibabangon ang mga patay? Oo, sa anong uri ng katawan sila paririto?’ Ikaw na taong di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito; at kung tungkol sa inihahasik mo, inihahasik mo, hindi ang katawan na tutubo, kundi ang isang butil lamang, maaaring trigo o alinman sa iba pa; ngunit binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan, at sa bawat isa sa mga binhi ay ang sarili nitong katawan. . . . At may mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa . . . Gayundin naman ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Inihahasik ito sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan. . . . Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal. . . . Sapagkat ito na nasisira ay kailangang magbihis ng kawalang-kasiraan, at ito na mortal ay kailangang magbihis ng imortalidad.”—1Co 15:35-53.
Yaong mga pinili ng Diyos upang maging mga kasamang tagapagmana ng kaniyang Anak, at upang tumanggap ng kawalang-kasiraan at imortalidad, ay kailangang mamatay at magsuko ng kanilang katawang laman upang makapagtamo ng isang makalangit na katawan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Nakakatulad ito ng nangyayari sa isang binhi na itinanim, anupat iyon ay ‘namamatay,’ naaagnas, at ang anyo at hitsura ay ibang-iba sa halamang isinisibol nito.
Para sa pagtalakay hinggil sa paghahasik na binabanggit sa Isaias 28:24, lakip ang makatalinghagang kahulugan nito, tingnan ang PAG-AARARO.