Magpatuloy sa “Paggawa ng Kung Ano ang Mainam”
1 Isang mainam na bagay ang nagawa mo nang ikaw ay maging isang lingkod ng Diyos na Jehova. Gayunman, ang hamon ngayon sa mapanganib na mga panahong ito ay ang magpatuloy sa “paggawa ng kung ano ang mainam.” (Gal. 6:9) Bagaman ito ay nangangailangan ng tunay na pagsisikap, magagawa mo ito. Paano?
2 Linangin ang Pangkaisipang Saloobin ni Jesus: Katulad ni Jesus, maaari mo ring mabata ang mga pagsubok kung mananatili kang nakatuon sa pag-asa sa Kaharian. (Heb. 12:2, 3) Manalig ka na si Jehova ay nagmamahal sa iyo at nagnanais na ikaw ay magtagumpay. (2 Ped. 3:9) Ilagak mo ang lubos na pagtitiwala sa kaniya, na may pananalig na ikaw ay tutulungan niya. (1 Cor. 10:13) Magmatiyaga sa pananalangin, na hinihiling kay Jehova na tulungan kang makapagbata. (Roma 12:12) Magalak sa pananalig na ang iyong pagbabata ay aakay sa isang sinang-ayunang kalagayan sa mga mata ng Diyos. (Roma 5:3-5) Ang iyong katapatan sa paglinang ng “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus” ay magdudulot sa iyo ng personal na kasiyahan at makapagpapagalak sa puso ni Jehova.—Roma 15:5; Kaw. 27:11.
3 Magpatuloy sa Paggawa ng Tamang mga Bagay: Lubusang samantalahin ang mga ginawang paglalaan ni Jehova para sa kaniyang bayan upang tulungan silang magpatuloy sa paggawa ng kung ano ang mainam. Panatilihin ang isang mabuting personal na rutin ng pagbabasa ng Salita ng Diyos at pag-aaral ng salig-Bibliyang mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin. Regular na maghanda, dumalo, at makibahagi sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon. Bago at pagkatapos ng mga Kristiyanong pagpupulong, matalik na makihalubilo sa iyong espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. Magtakda ng makatuwirang mga tunguhin para sa iyong ministeryo upang magkaroon ng makabuluhang bahagi sa paglilingkod sa larangan at upang mapasulong ang iyong mga kakayahan sa paghaharap ng mabuting balita sa iba.
4 Ito ang paraan kung paano ka makapagpapatuloy sa paggawa ng kung ano ang mainam at makararanas din ng malaking kagalakan. Hinggil dito, isang kapatid na lalaki sa Italya ang nagsabi: “Pagsapit ng gabi, at umuwi na ako sa tahanan pagkatapos ng maghapong paglilingkod kay Jehova, totoo na nakadarama ako ng pagod. Subalit ako ay maligaya, at ako ay nagpapasalamat kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng kagalakan na hindi maaagaw ng sinuman.” Kasuwato nito, magpatuloy sa paggawa ng kung ano ang mainam, at ikaw man ay makararanas din ng malaking kagalakan.