Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan”?—Gal. 2:19.
Isinulat ni Pablo: “Sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan, nang sa gayon ay mabuhay ako para sa Diyos.”—Gal. 2:19.
Ang isinulat ni Pablo ay may kaugnayan sa sinabi niya sa mga kongregasyon sa Galacia, na lalawigan ng Roma. Naiimpluwensiyahan ang ilang Kristiyano doon ng huwad na mga guro. Itinuturo ng mga ito na para maligtas, kailangang sumunod ang isa sa Kautusang Mosaiko, partikular na sa pagtutuli. Pero alam ni Pablo na hindi na ipinag-uutos ng Diyos na magpatuli ang mga mananampalataya. Gumamit siya ng matibay na pangangatuwiran para patunayang mali ang huwad na mga gurong ito at patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid sa haing pantubos ni Jesu-Kristo.—Gal. 2:4; 5:2.
Malinaw na sinasabi ng Bibliya na kapag namatay ang isang tao, wala na siyang alam o hindi na siya apektado ng mga nangyayari sa paligid niya. (Ecles. 9:5) Kaya nang sabihin ni Pablo: “Namatay ako may kinalaman sa Kautusan,” ang ibig niyang sabihin ay wala na siya sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Sigurado siya na dahil sa pananampalataya niya sa haing pantubos, ‘nabuhay siya para sa Diyos.’
Nangyari ang pagbabagong iyon “sa pamamagitan ng Kautusan.” Paano? Katatapos niya lang ipaliwanag na “ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo.” (Gal. 2:16) Alam natin na malaki ang papel na ginampanan ng Kautusan. Ipinaliwanag ni Pablo sa mga taga-Galacia: “Idinagdag ito para maging hayag ang mga pagkakasala hanggang sa dumating ang pinangakuang supling.” (Gal. 3:19) Malinaw na ipinakita ng Kautusan na hindi perpekto at makasalanan ang mga tao at nangangailangan ng isang perpektong pantubos. Kaya inakay ng Kautusan ang mga tao sa “supling,” kay Kristo. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, maipapahayag ng Diyos na matuwid ang isang tao. (Gal. 3:24) Nangyari iyan mismo kay Pablo dahil tinanggap niya at nanampalataya siya kay Jesus sa pamamagitan ng Kautusan. Kaya mula noon, masasabing “namatay [siya] may kinalaman sa Kautusan” at ‘nabuhay para sa Diyos.’ Wala na siya sa ilalim ng Kautusan, kundi nasa ilalim na ng Diyos.
Ganiyan din ang sinabi ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma. “Mga kapatid ko, kayo rin ay ginawang patay sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ng Kristo . . . Malaya na tayo sa Kautusan dahil wala na itong kontrol sa atin.” (Roma 7:4, 6) Ipinapakita sa tekstong ito at sa Galacia 2:19 na ang sinasabi ni Pablo ay hindi ang pagkamatay bilang makasalanan sa ilalim ng Kautusan kundi ang paglaya mula sa Kautusan. Hindi na siya kontrolado ng Kautusan o wala na siya at ang iba sa ilalim nito. Napalaya na sila sa pamamagitan ng pananampalataya sa pantubos ni Kristo.