KAWALANG-PAGTATANGI
[sa Ingles, impartiality].
Kawalan ng kinikilingan o paboritismo; patas na pakikitungo. Ang kawalang-pagtatangi ay ang hindi pagpapahintulot na ang posisyon, kakayahang magsalita nang mahusay, yaman, suhol, o, sa kabilang panig, sentimyento para sa isang dukha o kaya’y sa isang tao na nasa di-kaayaayang kalagayan, ay makaimpluwensiya sa paghatol o mga pagkilos ng isa upang paboran ang isang indibiduwal. Tinitiyak ng kawalang-pagtatangi na lahat ay pinakikitunguhan kasuwato ng kung ano ang patas at makatarungan, ayon sa kung ano ang nararapat sa bawat isa at pangangailangan ng bawat isa.—Kaw 3:27.
Ang pananalitang Hebreo na na·saʼʹ pa·nimʹ, isinaling ‘pakitunguhan nang may pagtatangi,’ ay literal na nangangahulugang “itaas ang mukha.” (Lev 19:15) Noon, ang isang paraan ng pagbati ng mga taga-Silangan ay ang mapagpakumbabang pagyukod at paghaharap ng mukha sa lupa. Bilang tanda ng pagtanggap at pagkilala sa pagbati, itinataas, o iniaangat, niyaong binati ang mukha niyaong yumukod. (Ihambing ang Gen 32:20, kung saan ang pariralang Hebreo na literal na nangangahulugang “itaas ang mukha” ay isinalin bilang ‘magpakita ng magiliw na pagtanggap.’) Nang maglaon, ang pananalitang ito ay ginamit na nang may paghamak, kapag ang tinutukoy ay ang tiwali at may-kinikilingang pakikitungo. Ang pariralang Hebreo na na·kharʹ pa·nimʹ (isinaling ‘magtangi,’ ngunit literal na nangangahulugang “kilalanin ang mukha”) ay ginamit din sa gayong diwa. (Deu 1:17; 16:19) Ang pananalitang Griego na lam·baʹno proʹso·pon (‘magpakita ng pagtatangi’; sa literal, “kunin o tanggapin ang mukha”) ay itinulad naman sa Hebreo. (Luc 20:21; ihambing ang Int.) Ang mga anyong tambalan ng dalawang salitang ito ay isinasalin bilang “pagtatangi; paboritismo” (Ro 2:11; San 2:1), ‘magpakita ng paboritismo’ (San 2:9), at “nagtatangi” (Gaw 10:34).—Ihambing ang Int.
Hindi Nagtatangi si Jehova. Sinasabi ni Jehova na siya ay “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi ni tumatanggap man ng suhol.” (Deu 10:17; 2Cr 19:7) Nang ang apostol na si Pedro ay isugo ng Diyos upang ipahayag ang mabuting balita sa di-tuling Gentil na si Cornelio, sinabi niya: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gaw 10:34, 35; Ro 2:10, 11.
Hindi maaaring kuwestiyunin ang mga pasiya at mga pagkilos ni Jehova, ang Maylalang at Kadaki-dakilaan. Magagawa niya sa kaniyang mga nilalang ang anumang kalugdan niya at wala siyang anumang pagkakautang kaninuman. (Ro 9:20-24; 11:33-36; Job 40:2) Nakikitungo siya sa mga indibiduwal o mga grupo, maging sa mga bansa, ayon sa kaniyang layunin at sa kaniyang sariling takdang panahon. (Gaw 17:26, 31) Gayunpaman, hindi nagtatangi ang Diyos. Ginagantimpalaan niya ang bawat tao, hindi ayon sa panlabas na anyo o mga pag-aari nito, kundi ayon sa kung ano ito at kung ano ang ginagawa nito. (1Sa 16:7; Aw 62:12; Kaw 24:12) Sinusundan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang gayunding landasin ng kawalang-pagtatangi.—Mat 16:27.
Hindi itinangi ang Israel. Pinanghahawakan ng ilang tao na si Jehova ay nakitungo nang may pagtatangi dahil ginamit at pinaboran niya ang Israel bilang kaniyang bayan noong sinaunang mga panahon. Gayunman, isisiwalat ng isang matapat na pagsusuri sa kaniyang mga pakikitungo sa Israel na mali ang gayong paratang. Pinili at pinakitunguhan ni Jehova ang Israel, hindi dahil sa kanilang kadakilaan at dami, kundi dahil sa kaniyang pag-ibig at pagpapahalaga sa pananampalataya at pagkamatapat ng kaniyang kaibigang si Abraham, ang ninuno ng mga ito. (San 2:23) Gayundin, pinagpakitaan niya sila ng mahabang pagtitiis dahil inilagay niya sa kanila ang kaniyang pangalan. (Deu 7:7-11; Eze 36:22; Deu 29:13; Aw 105:8-10) Kapag masunurin ang Israel, pinagpapala sila nang higit kaysa sa mga bansang wala sa ilalim ng Kautusan. Kapag masuwayin naman ang Israel, naging matiisin at maawain ang Diyos, gayunpama’y pinarurusahan niya sila. At bagaman kinalulugdan ang kanilang posisyon, mas mabigat ang kanilang pananagutan sa harap ng Diyos dahil taglay nila ang pangalan ng Diyos at dahil nasa ilalim sila ng Kautusan. Ito’y sapagkat may dalang mga sumpa ang Kautusan laban sa isa na lumalabag nito. Nasusulat: “Sumpain ang hindi tutupad sa mga salita ng kautusang ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga iyon.” (Deu 27:26) Dahil sa paglabag nila sa Kautusan, ang mga Judio ay napasailalim ng sumpang ito, anupat karagdagan ito sa hatol sa kanila bilang mga supling ng makasalanang si Adan. (Ro 5:12) Sa gayon, upang matubos ang mga Judio mula sa pantanging kapansanang ito, hindi lamang kinailangang mamatay si Kristo kundi kinailangan din siyang mamatay sa isang pahirapang tulos, gaya ng ipinaliliwanag ng apostol na si Pablo sa Galacia 3:10-13.
Kaya nga, hindi itinangi ng Diyos ang Israel. Ginagamit noon ng Diyos ang Israel sa layuning pagpalain ang lahat ng mga bansa. (Gal 3:14) Sa pamamagitan nito, sa totoo ay gumagawa ang Diyos para sa kapakinabangan ng mga tao ng lahat ng mga bansa sa kaniyang takdang panahon. Kasuwato nito, sinasabi ng apostol: “Siya ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba gayundin siya sa mga tao ng mga bansa? Oo, sa mga tao rin ng mga bansa, kung totoong ang Diyos ay iisa, na siyang magpapahayag na ang mga taong tuli ay matuwid dahil sa pananampalataya at na ang mga taong di-tuli ay matuwid sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.” (Ro 3:29, 30) Karagdagan pa, sa sinaunang Judiong komonwelt, ang mga tao mula sa ibang mga bansa ay maaaring mapasailalim ng pabor at pagpapala ng Diyos kung sasambahin nila si Jehova na Diyos ng Israel at tutuparin nila ang kaniyang kautusan, gaya ng ginawa ng mga Gibeonita, ng mga Netineo (nangangahulugang “Mga Ibinigay”), at ng maraming naninirahang dayuhan.—Jos 9:3, 27; 1Ha 8:41-43; Ezr 8:20; Bil 9:14.
Bagaman matiisin at maawain si Jehova, anupat paulit-ulit niyang tinatanggap ang Israel kapag nagsisisi ang mga ito, tuluyan niya silang itinakwil bilang bayang nagtataglay ng kaniyang pangalan. (Luc 13:35; Ro 11:20-22) Kumakapit dito ang pananalita ng apostol: “Ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa: . . . poot at galit, kapighatian at kabagabagan, sa kaluluwa ng bawat tao na gumagawa niyaong nakapipinsala, sa Judio muna at gayundin sa Griego; ngunit kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan para sa bawat isa na gumagawa ng mabuti, para sa Judio muna at gayundin para sa Griego. Sapagkat walang pagtatangi ang Diyos.”—Ro 2:6-11.
Kaya, bagaman waring nagsisiwalat ng pagtatangi ang isang mababaw at makitid na pangmalas sa mga pakikitungo ng Diyos, inihahayag ng mas malalim at malawak na pangmalas ang kahanga-hangang kawalang-pagtatangi at katarungan na higit pa sa anumang maiisip ng tao. Kay husay nga ng kaniyang mga ginawa upang ang buong sangkatauhan ay magkaroon ng pagkakataong tumanggap ng pabor at buhay mula sa kaniya!—Isa 55:8-11; Ro 11:33.
Hindi itinangi si David. Gaya ng sinabi ni Jehova kay Moises, Siya ay Diyos na sa anumang paraan ay walang pinaliligtas sa kaparusahan para sa paggawa ng masama. (Exo 34:6, 7; Col 3:25) Maging ang minamahal niyang lingkod na si David, na sa kaniya ay nakipagtipan si Jehova ukol sa kaharian, ay hindi pinaligtas ng Diyos. Pinarusahan niya nang matindi si David dahil sa mga pagkakasala nito. Matapos magkasala si David laban sa Diyos may kaugnayan kay Bat-sheba at sa asawa nitong si Uria, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Narito, magbabangon ako laban sa iyo ng kapahamakan mula sa iyong sariling sambahayan; at kukunin ko ang iyong mga asawa sa iyong paningin at ibibigay ko sila sa iyong kapuwa, at sisipingan nga niya ang iyong mga asawa sa paningin ng araw na ito. Samantalang kumilos ka nang palihim, gagawin ko naman ang bagay na ito sa harap ng buong Israel at sa harap ng araw.”—2Sa 12:11, 12.
Isinisiwalat ng ulat ng Bibliya na talagang dumanas si David ng maraming kabagabagan mula sa sarili niyang pamilya. (2Sa kab 13-18; 1Ha 1) Bagaman hindi siya pinatay ng Diyos, bilang paggalang sa tipang kaharian na Kaniyang ipinakipagtipan kay David (2Sa 7:11-16), dumanas naman si David ng labis-labis na kalumbayan. Gaya ng sinabi ng isang naunang lingkod ng Diyos na si Elihu: “May Isa na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga prinsipe.” (Job 34:19) Gayunman, salig sa dumarating na hain ni Jesu-Kristo, mapatatawad ng Diyos si David at mapananatili pa rin Niya ang Kaniyang sariling katarungan at katuwiran. (Ro 3:25, 26) Sa pamamagitan ng hain ng kaniyang Anak, ang Diyos ay may makatarungan at walang-pagtatanging saligan upang pawalang-bisa ang kamatayan ni Uria at ng iba pa, anupat sa katapus-tapusan, walang sinuman ang di-makatarungang magdurusa.—Gaw 17:31.
Payo sa mga Hukom. Mariing nagpayo si Jehova sa mga hukom sa Israel may kinalaman sa kawalang-pagtatangi. Noon, ang mga hukom ay nasa ilalim ng mahigpit na utos: “Huwag kayong magtatangi sa paghatol.” (Deu 1:17; 16:19; Kaw 18:5; 24:23) Hindi sila dapat magpakita ng pagtatangi sa isang taong dukha dahil lamang sa kaniyang karukhaan, dahil sa sentimyento o dahil sa pagtatangi laban sa mayaman. Ni dapat man nilang paboran ang isang taong mayaman dahil sa kaniyang kayamanan, anupat marahil ay pinaluluguran ito para sa kaniyang pabor, para sa suhol, o dahil sa takot sa kaniyang kapangyarihan o impluwensiya. (Lev 19:15) Nang dakong huli ay hinatulan ng Diyos ang di-tapat na Levitikong mga saserdote sa Israel dahil sa paglabag nila sa kaniyang kautusan at, gaya ng partikular niyang itinawag-pansin, dahil nagpakita sila ng pagtatangi, yamang gumanap sila bilang mga hukom sa lupain.—Mal 2:8, 9.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Sa kongregasyong Kristiyano, ang kawalang-pagtatangi ay isang kautusan; ang pagpapakita ng paboritismo ay isang kasalanan. (San 2:9) Yaong mga nagkasala ng mga gawa ng paboritismo ay nagiging “mga hukom na naggagawad ng mga balakyot na pasiya.” (San 2:1-4) Hindi taglay ng gayong mga tao ang karunungan mula sa itaas, na malaya mula sa mga pagtatangi-tangi. (San 3:17) Yaong mga may mabibigat na posisyon sa kongregasyon ay nasa ilalim ng maselan na pananagutan na iniatang ng apostol na si Pablo kay Timoteo, isang tagapangasiwa: “May-kataimtiman kitang inuutusan sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus at ng piniling mga anghel na tuparin ang mga bagay na ito nang hindi patiunang humahatol, na walang anumang ginagawang pagkiling.” Lalo na itong kumakapit kapag nagsasagawa ng mga hudisyal na paglilitis sa kongregasyon.—1Ti 5:19-21.
‘Humahanga sa mga personalidad para sa sariling kapakinabangan.’ Ang paglabag sa simulain ng kawalang-pagtatangi ay maaaring magbunga ng pinakamatinding kahatulan. Inilalarawan ng kapatid sa ina ni Jesus na si Judas ang mga tao na “mga mapagbulong, mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay, lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, at ang kanilang mga bibig ay nagsasalita ng mapagmalaking mga bagay, habang sila ay humahanga sa mga personalidad alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan.” (Jud 16) Ang mga taong ito ay tinutukoy bilang “ang mga gumagawa ng mga paghihiwalay, mga taong makahayop, na walang espirituwalidad.” (Jud 19) Maaaring maimpluwensiyahan ng gayong mga tao ang iba sa pamamagitan ng kanilang mapagmalaking mga salita at ng kanilang paghanga sa mga personalidad, gaya niyaong mga inilalarawan ni Pablo bilang mga taong “may-katusuhang pumapasok sa mga sambahayan at dinadala bilang kanilang mga bihag ang mahihinang babae na lipos ng mga kasalanan, naakay ng iba’t ibang pagnanasa.” (2Ti 3:6) Pagkapuksa ang naghihintay sa kanila.—Jud 12, 13.
“Karapat-dapat sa dobleng karangalan”—Paano? Dahil sa mga bagay na ito, paano kikilalanin niyaong mga nasa kongregasyong Kristiyano ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan bilang “karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo”? (1Ti 5:17) Ito’y hindi dahil sa personalidad ng mga taong ito o dahil sa kanilang kakayahan, kundi dahil sa kanilang sikap at pagpapagal sa karagdagang mga pananagutan na iniatang sa kanila. Dapat igalang ang mga kaayusan at mga pag-aatas ng Diyos. Ang gayong mga lalaki ay dapat na tumanggap ng pantanging pakikipagtulungan at suporta upang maisakatuparan nila ang gawain ng kongregasyon ng Diyos. (Heb 13:7, 17) Itinatawag-pansin ni Santiago na kapatid sa ina ni Jesus na ang mga guro sa kongregasyon ay may mabigat na pananagutan sa Diyos, anupat tatanggap sila ng mas mabigat na hatol. (San 3:1) Kaya naman nararapat lamang na sila ay pakinggan, sundin, at bigyang-dangal. Sa katulad na dahilan, dapat parangalan at igalang ng asawang babae ang kaniyang asawang lalaki, na siyang pinagkalooban ng Diyos ng pananagutan sa sambahayan at hahatulan Niya alinsunod dito. (Efe 5:21-24, 33) Ang pag-uukol ng gayong paggalang sa mga lalaki na inilalagay ng kaayusan ng Diyos sa mabibigat na posisyon ay hindi pagtatangi.
Paggalang sa mga tagapamahala. Sinasabihan din ang mga Kristiyano na igalang nila ang mga tagapamahala ng mga pamahalaan ng tao. Ito’y hindi dahil sa personal na mga katangian ng mga taong ito, yamang ang ilan sa kanila ay maaaring tiwali, ni ito man ay dahil maaaring nasa posisyon ang mga ito upang magkaloob ng pantanging mga pabor. Iginagalang ng mga Kristiyano ang mga tagapamahala dahil ipinag-uutos ito ng Diyos; at dahil din sa kanilang katungkulan. Sinasabi ng apostol: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. Kaya nga siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos.” (Ro 13:1, 2) Kapag ginamit ng mga lalaking ito ang kanilang awtoridad sa maling paraan, mananagot sila sa Diyos. Ang karangalan, o paggalang, na nararapat sa katungkulang ito ay iniuukol ng mga Kristiyano sa mga gumaganap sa katungkulang ito ayon sa alituntuning: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot; sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Ro 13:7) Sa partikular na kasong ito, ang pag-uukol ng mga Kristiyano ng higit na karangalan, higit kaysa sa iniuukol sa ordinaryong mga mamamayan, ay hindi pagpapakita ng pagtatangi.