PAHIRAPANG TULOS
Isang kasangkapan na gaya niyaong kinamatayan ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagbabayubay. (Mat 27:32-40; Mar 15:21-30; Luc 23:26; Ju 19:17-19, 25) Sa klasikal na Griego, ang salita (stau·rosʹ) na isinalin bilang “pahirapang tulos” sa Bagong Sanlibutang Salin ay pangunahin nang tumutukoy sa isang patindig na tulos, o poste, at walang katibayan na ginamit ito ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan upang tumukoy sa isang tulos na may nakapahalang na biga.—Tingnan ang PAGBABAYUBAY; Int, p. 1149-1151.
Ang aklat na The Non-Christian Cross, ni John Denham Parsons, ay nagsasabi: “Wala ni isang pangungusap sa alinman sa maraming akdang bumubuo sa Bagong Tipan, na, sa orihinal na Griego, ay nagbibigay kahit ng di-tuwirang katibayan na wari bang ang stauros na ginamit sa kaso ni Jesus ay iba pa sa pangkaraniwang stauros; wala ring katibayan na wari bang binubuo iyon, hindi ng iisang piraso ng kahoy, kundi ng dalawang piraso na magkapako sa anyong isang krus. . . . Nakapanlilinlang ang ginawa ng ating mga guro sa pagsasalin ng salitang stauros bilang ‘krus’ kapag isinasalin nila sa ating katutubong wika ang mga Griegong dokumento ng Simbahan, at na suportahan ang pagkilos na iyan sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘krus’ sa ating mga leksikon bilang kahulugan ng stauros nang hindi maingat na ipinaliliwanag na ang pinakamahalaga ay na hindi iyan ang pangunahing kahulugan ng salita noong mga araw ng mga Apostol, na hindi iyan ang pangunahing katuturan nito kundi noong dakong huli na lamang, at nagkagayon lamang, kung nagkagayon nga, dahil, bagaman walang katibayang susuporta rito, sa di-malamang kadahilanan ay ipinalagay na ang partikular na stauros kung saan pinatay si Jesus ay may gayong partikular na hugis.”—London, 1896, p. 23, 24.
Kung Bakit Kinailangang Mamatay si Jesus sa Isang Tulos. Nang panahong ibigay ng Diyos na Jehova ang kaniyang kautusan sa mga Israelita, tinanggap nila ang obligasyong sundin ang mga kahilingan nito. (Exo 24:3) Gayunman, bilang mga inapo ng makasalanang si Adan, hindi nila iyon nasunod nang lubusan. Sa dahilang ito, sila’y napasailalim sa sumpa ng Kautusan. Upang maalis sa kanila ang pantanging sumpang ito, si Jesus ay kinailangang ibitin sa isang tulos gaya ng isang isinumpang kriminal. May kinalaman dito ay sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang lahat niyaong sumasalig sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat: ‘Sumpain ang bawat isang hindi nananatili sa lahat ng bagay na nakasulat sa balumbon ng Kautusan upang isagawa ang mga iyon.’ . . . Sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’”—Gal 3:10-13.
Makasagisag na Paggamit. Kung minsan, ang “pahirapang tulos” ay kumakatawan sa mga pagdurusa, kahihiyan, o pahirap na nararanasan ng isa bilang tagasunod ni Jesu-Kristo. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Sinumang hindi tumanggap sa kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mat 10:38; 16:24; Mar 8:34; Luc 9:23; 14:27) Ginagamit din ang pananalitang “pahirapang tulos” upang kumatawan sa kamatayan ni Jesus sa tulos, na naging dahilan upang maging posible ang katubusan mula sa kasalanan at ang pakikipagkasundo sa Diyos.—1Co 1:17, 18.
Ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang naging saligan upang alisin ang Kautusan, na siyang naghiwalay sa mga Judio at sa mga di-Judio. Kaya naman, sa pamamagitan ng pagtanggap nila sa pakikipagkasundo na naging posible dahil sa kamatayan ni Jesus, kapuwa ang mga Judio at mga di-Judio ay maaaring maging “isang katawan sa Diyos . . . sa pamamagitan ng pahirapang tulos.” (Efe 2:11-16; Col 1:20; 2:13, 14) Naging katitisuran ito sa maraming Judio yamang iginiit nila na mahalaga ang pagtutuli at ang panghahawakan sa Kautusang Mosaiko upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya naman sumulat ang apostol na si Pablo: “Mga kapatid, kung nangangaral pa rin ako ng pagtutuli, bakit pa ako pinag-uusig? Kung gayon nga, ang katitisuran ng pahirapang tulos ay napawi na.” (Gal 5:11) “Lahat niyaong mga nagnanais na magpakita ng kalugud-lugod na kaanyuan sa laman ang siyang mga pumipilit sa inyo na magpatuli, upang huwag lamang silang pag-usigin dahil sa pahirapang tulos ng Kristo, si Jesus. Huwag nawang mangyari na ako ay maghambog, malibang sa pahirapang tulos ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ang sanlibutan ay naibayubay sa akin at ako naman sa sanlibutan.” (Gal 6:12, 14) Dahil ipinahayag niya na ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang tanging saligan upang matamo ang kaligtasan, si Pablo ay pinag-usig ng mga Judio. Bunga ng pagpapahayag na ito, sa paningin ng apostol, ang sanlibutan ay naging gaya ng isang bagay na ibinayubay, hinatulan, o patay, samantalang minalas naman siya ng sanlibutan nang may pagkapoot, gaya ng isang kriminal na nakabayubay sa isang tulos.
Ang mga taong yumakap sa Kristiyanismo subalit nang maglaon ay bumaling sa imoral na paraan ng pamumuhay ay nagiging “mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.” (Fil 3:18, 19) Ipinakikita ng kanilang mga pagkilos na wala silang pagpapahalaga sa mga pakinabang na dulot ng kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos. Kanilang ‘niyurakan ang Anak ng Diyos at itinuring na may pangkaraniwang halaga ang dugo ng tipan na sa pamamagitan nito ay pinabanal sila.’—Heb 10:29.