Sinasabi ni Jehova ang “Wakas Mula Pa sa Pasimula”
“Ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.”—ISAIAS 46:10.
1, 2. Ano ang kamangha-mangha tungkol sa mga pangyayaring kaugnay ng pagbagsak ng Babilonya, at ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ito hinggil kay Jehova?
SA KADILIMAN ng gabi, palihim na dumaan ang mga kalabang sundalo sa pinababaw na Ilog Eufrates patungo sa kanilang sasalakayin, ang makapangyarihang lunsod ng Babilonya. Habang papalapit sila sa pasukan ng lunsod, gulat na gulat sila sa kanilang nakita. Naiwang bukás ang ubod-laking pinto na may dalawang pohas sa pader ng Babilonya! Umahon sila mula sa ilog at pumasok sa lunsod. Sa isang iglap, bumagsak ang lunsod. Agad na kinontrol ng kanilang lider na si Ciro ang nalupig na lupain at pagkaraan ay nagpalabas ng utos na palayain ang mga bihag na Israelita. Libu-libong tapon ang umuwi sa Jerusalem upang isauli rito ang pagsamba kay Jehova.—2 Cronica 36:22, 23; Ezra 1:1-4.
2 Ang mga pangyayaring iyon noong mga taóng 539-537 B.C.E. ay pinatutunayan ngayon ng mga istoryador. Ang kamangha-mangha pa rito, nakaulat na ang mangyayari mga 200 taon bago pa man ito maganap. Kinasihan ni Jehova ang kaniyang propetang si Isaias na ilarawan ang pagbagsak ng Babilonya nang gayon kaaga. (Isaias 44:24–45:7) Isiniwalat ng Diyos hindi lamang kung paano babagsak ang Babilonya kundi pati na rin kung sinong lider ang magpapabagsak nito.a Sinabi ni Jehova sa mga Israelita, na mga saksi niya noon: “Alalahanin ninyo ang mga unang bagay noong sinaunang panahon, na ako ang Makapangyarihan at wala nang iba pang Diyos, ni may sinumang tulad ko; ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:9, 10a) Si Jehova talaga ang Diyos na nakababatid ng mangyayari sa hinaharap.
3. Mga sagot sa anong mga tanong ang tatalakayin natin ngayon?
3 Hanggang saan sa hinaharap ang nalalaman ng Diyos? Patiuna na bang alam ni Jehova kung ano ang gagawin ng bawat isa sa atin? Talaga nga kayang nakatadhana na ang ating kinabukasan? Tatalakayin natin dito at sa susunod na artikulo ang mga sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito at sa iba pang kaugnay rito.
Si Jehova—Diyos ng mga Hula
4. Sino ang Pinagmulan ng mga hulang nakaulat sa Bibliya?
4 Palibhasa’y batid ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap, kinasihan niya ang kaniyang mga lingkod noong panahon ng Bibliya na iulat ang maraming hula, kung kaya nalaman natin patiuna ang layunin ni Jehova. “Ang mga unang bagay—narito na ang mga iyon, ngunit ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko,” ang sinabi ni Jehova. “Bago magsimulang lumitaw ang mga iyon ay ipinaririnig ko na sa inyo.” (Isaias 42:9) Napakapalad naman ng bayan ng Diyos!
5. Anong pananagutan ang kaakibat ng patiunang kaalaman tungkol sa gagawin ni Jehova?
5 Tinitiyak sa atin ng propetang si Amos: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” May kaakibat na pananagutan ang patiunang kaalamang ito. Pansinin ang mabisang ilustrasyon na sumunod na ginamit ni Amos: “Isang leon ang umungal! Sino ang hindi matatakot?” Kung paanong may reaksiyon agad ang tao at hayop kapag nakarinig ng ungal ng leon, gayundin kabilis ipinahayag ng mga propetang gaya ni Amos ang mga kapahayagan ni Jehova. “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ay nagsalita! Sino ang hindi manghuhula?”—Amos 3:7, 8.
“Tiyak na Magtatagumpay” ang “Salita” ni Jehova
6. Paano natupad ang “pasiya” ni Jehova may kaugnayan sa pagbagsak ng Babilonya?
6 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ni Jehova: “Ang aking pasiya ay mananatili, at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.” (Isaias 46:10b) Kalakip sa “pasiya” ng Diyos, na siyang kalooban o layunin niya may kaugnayan sa Babilonya, ang pagtawag kay Ciro mula sa Persia upang lupigin ang Babilonya at ibagsak ito. Patiuna nang ipinahayag ni Jehova ang layuning iyan. Gaya ng nabanggit na, natupad nga ito noong taóng 539 B.C.E.
7. Bakit tayo makapagtitiwalang palaging magtatagumpay ang “salita” ni Jehova?
7 Halos apat na siglo bago lupigin ni Ciro ang Babilonya, hinarap ni Haring Jehosapat ng Juda ang magkasanib na hukbo ng Ammon at Moab. May-pagtitiwala siyang nanalangin: “O Jehova na Diyos ng aming mga ninuno, hindi ba ikaw ang Diyos sa langit, at hindi ba nagpupuno ka sa lahat ng kaharian ng mga bansa, at hindi ba nasa iyong kamay ang kapangyarihan at ang kalakasan, anupat walang sinuman ang makapaninindigan laban sa iyo?” (2 Cronica 20:6) Gayundin ang naging pagtitiwala ni Isaias nang sabihin niya: “Si Jehova ng mga hukbo ang nagpasiya, at sino ang makasisira nito? At ang kaniyang kamay ang nakaunat, at sino ang makapipigil nito?” (Isaias 14:27) Pagkaraan, nang manumbalik ang kaniyang katinuan matapos ang ilang panahong pagkabaliw, mapagpakumbabang inamin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya: ‘Walang sinumang umiiral ang makapipigil sa kamay ng Diyos o makapagsasabi sa kaniya, “Ano ang ginagawa mo?”’ (Daniel 4:35) Oo, tinitiyak ni Jehova sa kaniyang bayan: “Magiging gayon ang aking salita . . . hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isaias 55:11) Lubos tayong makapagtitiwala na palaging magkakatotoo ang “salita” ni Jehova. Siguradong matutupad ang layunin ng Diyos.
Ang “Walang-Hanggang Layunin” ng Diyos
8. Ano ang “walang-hanggang layunin” ng Diyos?
8 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, tinukoy ni apostol Pablo ang Diyos bilang isa na may “walang-hanggang layunin.” (Efeso 3:11) Hindi ito basta isang plano ng mga bagay-bagay, na para bang kailangan pang isa-isahin ng Diyos ang kaniyang mga gagawin. Sa halip, tumutukoy ito sa determinasyon ni Jehova na isakatuparan ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan at sa lupa. (Genesis 1:28) Upang matulungan tayong maunawaan ang katiyakan ng kaniyang layunin, talakayin natin ang unang hula na nakaulat sa Bibliya.
9. Ano ang kaugnayan ng Genesis 3:15 sa layunin ng Diyos?
9 Ang pangakong nasa Genesis 3:15 ay nagpapahiwatig na karaka-raka matapos magkasala sina Adan at Eva, tiniyak na ni Jehova na magsisilang ng isang binhi, o anak, ang kaniyang makasagisag na babae. Patiuna ring nakita ni Jehova ang magiging resulta ng alitan sa pagitan ng kaniyang makasagisag na babae at ni Satanas at ng kani-kanilang magkalabang binhi. Bagaman pahihintulutan ni Jehova na masugatan sa sakong ang Binhi ng makasagisag na babae ng Diyos, sa takdang panahon ng Diyos, susugatan naman ng Binhi ang serpiyente, o si Satanas na Diyablo, sa ulo. Samantala, nagpatuloy ang layunin ni Jehova sa pamamagitan ng piniling talaangkanan hanggang sa paglitaw ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Lucas 3:15, 23-38; Galacia 4:4.
Ang Itinalaga ni Jehova na Magaganap
10. Patiuna na bang itinakda ni Jehova, sa pasimula pa lamang, na magkakasala sina Adan at Eva? Ipaliwanag.
10 Sa pagbanggit tungkol sa papel na gagampanan ni Jesus sa layunin ng Diyos, sumulat si apostol Pedro: “Siya [si Jesus] ay patiunang nakilala bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan, ngunit siya ay inihayag sa wakas ng mga panahon alang-alang sa inyo.” (1 Pedro 1:20) Patiuna na bang itinakda ni Jehova, sa pasimula pa lamang, na magkakasala sina Adan at Eva at na kakailanganin ang haing pantubos na inilaan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo? Hindi. Ang salitang “pagkakatatag” ay salin ng terminong Griego na literal na nangangahulugang “paghahagis ng binhi.” May naganap na bang “paghahagis ng binhi,” o may naipaglihi na bang tao, bago magkasala sina Adan at Eva? Wala pa. Nangyari lamang ito matapos sumuway sina Adan at Eva. (Genesis 4:1) Kaya matapos maghimagsik at bago may maipaglihing supling sina Adan at Eva, patiuna nang itinalaga ni Jehova ang paglitaw ng “binhi.” Ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ang naglaan ng maibiging kaayusan ng pantubos, kung saan mawawala na ang minanang kasalanan at mawawalan na ng saysay ang lahat ng ginawa ni Satanas.—Mateo 20:28; Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8.
11. Anong pangyayari ang patiuna nang itinalaga ni Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin?
11 Patiuna nang itinalaga ng Diyos ang isa pang pangyayari sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Ipinahihiwatig ito sa isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, na ‘muling titipunin ng Diyos ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.’ Pagkatapos, sa pagtukoy sa “mga bagay na nasa langit,” samakatuwid nga, ang mga pinili bilang tagapagmanang kasama ni Kristo, nagpaliwanag si Pablo: “Patiuna tayong itinalaga ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.” (Efeso 1:10, 11) Oo, patiuna nang itinalaga ni Jehova na may isang limitadong bilang ng mga tao na bubuo sa pangalawahing bahagi ng binhi ng makasagisag na babae ng Diyos at makakasama ni Kristo sa pagkakaloob ng mga kapakinabangan ng pantubos. (Roma 8:28-30) Tinukoy ni apostol Pedro ang mga ito bilang “isang banal na bansa.” (1 Pedro 2:9) Nagkapribilehiyo si apostol Juan na malaman sa isang pangitain ang bilang ng makakasamang tagapagmana ni Kristo—144,000. (Apocalipsis 7:4-8; 14:1, 3) Yamang kaisa ni Kristo bilang Hari, naglilingkod sila ‘sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng Diyos.’—Efeso 1:12-14.
12. Paano natin nalaman na hindi nakatadhana ang 144,000 bilang mga indibiduwal?
12 Ang patiunang pagtatalaga sa 144,000 ay hindi nangangahulugang may ilang indibiduwal na nakatadhana nang maglingkod nang tapat sa Diyos sa ganitong paraan. Sa katunayan, pangunahin nang isinulat ang payo na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan upang gabayan at patibayin ang mga pinahiran na manatiling tapat at karapat-dapat sa kanilang makalangit na pag-asa. (Filipos 2:12; 2 Tesalonica 1:5, 11; 2 Pedro 1:10, 11) Patiuna nang alam ni Jehova na may 144,000 indibiduwal na magiging kuwalipikadong gumanap sa kaniyang layunin. Ngunit kung sinu-sino ang makakasama sa bilang na iyon sa dakong huli ay nakadepende sa paraan ng pamumuhay na pipiliin ng mga inanyayahang indibiduwal, isang desisyon na dapat gawin ng bawat isa sa kanila.—Mateo 24:13.
Ang Patiunang Nalalaman ni Jehova
13, 14. Kasuwato ng ano ang paggamit ni Jehova sa kaniyang kakayahang umalam nang patiuna, at bakit?
13 Yamang si Jehova ay isang Diyos ng mga hula at layunin, paano niya ginagamit ang kaniyang kakayahang umalam nang patiuna? Una sa lahat, tinitiyak sa atin na lahat ng daan ng Diyos ay tapat, matuwid, at maibigin. Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo C.E., tiniyak niya na ang sumpa ng Diyos at ang kaniyang pangako ay bumubuo ng “dalawang bagay na di-mababago na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:17, 18) Sa kaniyang liham sa alagad na si Tito, nabanggit din ni Pablo ang kaisipang ito nang isulat niyang ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling.”—Tito 1:2.
14 Bukod dito, bagaman walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova, hindi siya kailanman kumikilos nang di-makatarungan. Inilarawan ni Moises si Jehova bilang “isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Lahat ng ginagawa ni Jehova ay kasuwato ng kaniyang kahanga-hangang personalidad. Makikita rito ang sakdal na pagkakasuwato ng kaniyang pangunahing mga katangian ng pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan.
15, 16. Anong pagpapasiya ang iniharap ni Jehova kay Adan sa hardin ng Eden?
15 Tingnan natin kung paano niya ipinakita ang lahat ng ito sa mga pangyayari sa hardin ng Eden. Bilang maibiging Ama, inilaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan ng mga tao na kaniyang nilalang. Binigyan niya si Adan ng kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at magpasiya. Di-tulad ng mga nilalang na hayop, pangunahing inuugitan ng likas nilang ugali, si Adan ay may kakayahang magpasiya. Matapos lalangin si Adan, tiningnan ng Diyos mula sa kaniyang makalangit na trono “ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.”—Genesis 1:26-31; 2 Pedro 2:12.
16 Nang utusan ni Jehova si Adan na huwag kumain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” nagbigay Siya ng sapat na tagubilin upang makapagpasiya si Adan sa kaniyang gagawin. Hinayaan niya si Adan na kumain mula sa “bawat punungkahoy sa hardin” maliban sa isa at nagbabala siya tungkol sa nakamamatay na resulta ng pagkain ng bunga ng ipinagbabawal na punungkahoy. (Genesis 2:16, 17) Ipinaliwanag niya kay Adan ang ibubunga ng kaniyang mga pagkilos. Ano kaya ang gagawin ni Adan?
17. Bakit natin masasabing pinipili lamang ni Jehova kung ano ang nais niyang malaman nang patiuna?
17 Maliwanag na pinili ni Jehova na huwag alamin nang patiuna kung ano ang gagawin nina Adan at Eva, kahit na may kakayahan Siyang alamin ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari. Kung gayon, ang isyu ay hindi kung kaya ni Jehova na alamin ang hinaharap, kundi kung gusto niyang alamin ito. Isa pa, puwede nating ikatuwiran na hindi sasadyain ni may-kalupitang itatakda ni Jehova, isang Diyos ng pag-ibig, na mangyari ang gayong paghihimagsik pati na ang lahat ng masaklap na resulta nito. (Mateo 7:11; 1 Juan 4:8) Samakatuwid, pinipili lamang ni Jehova kung ano ang nais niyang malaman nang patiuna.
18. Bakit hindi nagpapahiwatig ng di-kasakdalan sa bahagi ni Jehova ang hindi niya patiunang pag-alam sa lahat ng bagay?
18 Dahil hindi patiunang inaalam ni Jehova ang lahat ng bagay, nangangahulugan ba ito na di-sapat at di-sakdal ang kaniyang kapangyarihan sa paanuman? Hindi. Inilarawan ni Moises si Jehova bilang “ang Bato,” at idinagdag pa: “Sakdal ang kaniyang gawa.” Hindi siya dapat sisihin sa mga resulta ng pagkakasala ng tao. Ang masasamang epektong nadarama nating lahat sa ngayon ay dulot ng pagsuway ni Adan. Maliwanag na ikinatuwiran ni apostol Pablo na “sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Deuteronomio 32:4, 5; Roma 5:12; Jeremias 10:23.
19. Anu-anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Sa ating tinalakay, nakita natin na walang masusumpungang kawalang-katarungan kay Jehova. (Awit 33:5) Sa halip, nakatutulong ang mga kakayahan, katangian sa moral, at mga pamantayan ni Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. (Roma 8:28) Bilang Diyos ng mga hula, sinasabi ni Jehova ang “wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:9, 10) Nakita rin natin na pinipili niya kung ano ang nais niyang malaman nang patiuna. Kung gayon, paano tayo naaapektuhan nito? Paano natin matitiyak na ang ating mga desisyon ay kasuwato ng maibiging layunin ng Diyos? At anong mga pagpapala ang idudulot sa atin ng paggawa nito? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, pahina 28, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Anong mga sinaunang halimbawa ang nagpapatunay na ang “salita” ng Diyos ay palaging “tiyak na magtatagumpay”?
• Ano ang patiunang itinalaga ni Jehova kaugnay ng kaniyang “walang-hanggang layunin”?
• Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kakayahang malaman nang patiuna ang mga bagay-bagay?
[Larawan sa pahina 22]
Nagtiwala si Jehosapat kay Jehova
[Larawan sa pahina 23]
Inihula ng Diyos ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus
[Larawan sa pahina 24]
Patiuna na bang itinalaga ni Jehova ang gagawin nina Adan at Eva?