KAPIGHATIAN
[sa Ingles, tribulation].
Ang salitang Griego na thliʹpsis, na kadalasang isinasalin bilang “kapighatian,” ay may pangunahing kahulugan na kabagabagan, paghihirap, o pagdurusang dulot ng mga panggigipit dahil sa mga kalagayan. Ginagamit ito upang tumukoy sa paghihirap na nauugnay sa panganganak (Ju 16:21), pag-uusig (Mat 24:9; Gaw 11:19; 20:23; 2Co 1:8; Heb 10:33; Apo 1:9), pagkabilanggo (Apo 2:10), karalitaan at iba pang mga kapighatiang karaniwang nararanasan ng mga ulila at mga babaing balo (San 1:27), taggutom (Gaw 7:11), at kaparusahan para sa paggawa ng masama (Ro 2:9; Apo 2:22). Lumilitaw na ang “kapighatian” na binanggit sa 2 Corinto 2:4 ay tumutukoy sa kabagabagang nadama ng apostol na si Pablo dahil sa maling paggawi ng mga Kristiyano sa Corinto at dahil kinailangan niya silang ituwid nang may kahigpitan.
Ang Pag-aasawa ay Nagdudulot ng Kapighatian sa Laman. Nang inirerekomenda ng apostol na si Pablo ang pagkawalang-asawa bilang ang mas mabuting landasin, sinabi niya: “Ngunit kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkakasala. . . . Gayunman, ang mga gagawa ng gayon ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1Co 7:28) Ang pag-aasawa ay may kaakibat na mga kabalisahan at álalahanín para sa asawang lalaki, asawang babae, at sa kanilang mga anak. (1Co 7:32-35) Maaaring magdulot ng pasanin at kaigtingan sa pamilya ang pagkakasakit. Para sa mga Kristiyano, maaaring may bumangong pag-uusig; maaari pa ngang palayasin ang mga pamilya sa kanilang mga tahanan. Baka mahirapan ang mga ama na ilaan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang sambahayan. Ang mga magulang o mga anak ay maaaring magkahiwalay dahil sa pagkabilanggo, magdusa ng pahirap sa mga kamay ng mga mang-uusig, o baka mamatay pa nga.
Katapatan sa Ilalim ng Kapighatian. Maaaring makapagpahina sa pananampalataya ng isang indibiduwal ang kapighatiang dulot ng pag-uusig. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa manghahasik, ipinahiwatig ni Kristo Jesus na may mga tao na aktuwal na matitisod dahil sa kapighatian o pag-uusig. (Mat 13:21; Mar 4:17) Palibhasa’y alam ng apostol na si Pablo ang ganitong panganib, lubha siyang nabahala para sa bagong-tatag na kongregasyon sa Tesalonica. Tinanggap ng mga kaugnay sa kongregasyong iyon ang Kristiyanismo sa ilalim ng labis na kapighatian (1Te 1:6; ihambing ang Gaw 17:1, 5-10) at patuloy silang dumaranas niyaon. Kaya naman isinugo ng apostol si Timoteo upang palakasin at aliwin sila, “upang walang sinuman ang matangay ng mga kapighatiang ito.” (1Te 3:1-3, 5) Lubhang naaliw si Pablo nang bumalik si Timoteo at ibalita na ang mga taga-Tesalonica ay nanatiling matatag sa pananampalataya. (1Te 3:6, 7) Walang alinlangan na ang mga pagsisikap ng apostol na ihanda sila para sa dumarating na kapighatian ay nakatulong din sa mga taga-Tesalonica na manatiling tapat bilang mga lingkod ng Diyos.—1Te 3:4; ihambing ang Ju 16:33; Gaw 14:22.
Bagaman ang kapighatian ay di-kaayaaya, maaaring magbunyi ang isang Kristiyano habang nagbabata, yamang alam niya na ang katapatan ay sinasang-ayunan ng Diyos at na aakay ito sa katuparan ng kaniyang dakilang pag-asa. (Ro 5:3-5; 12:12) Ang kapighatian mismo ay panandalian at magaan lamang kung ihahambing sa walang-hanggang kaluwalhatiang tatanggapin dahil sa pananatiling tapat. (2Co 4:17, 18) Makatitiyak din ang isang Kristiyano na ang matapat na pag-ibig ng Diyos ay hindi kailanman magmamaliw, anumang kapighatian ang sumapit sa tapat na mananampalataya.—Ro 8:35-39.
Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto, tinukoy niya ang ibang mga salik na makatutulong sa isang Kristiyano upang mabata ang kapighatian. Sinabi niya: “Pagpalain nawa ang Diyos . . . ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian, upang maaliw namin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa amin ng Diyos. . . . Ngayon kung nasa kapighatian man kami, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; o kung inaaliw man kami, ito ay para sa inyong kaaliwan na nagpapangyaring mabata ninyo ang gayunding mga pagdurusa na pinagdurusahan din namin.” (2Co 1:3-6) Ang mahahalagang pangako ng Diyos, ang tulong ng kaniyang banal na espiritu, at ang pagsagot niya sa mga panalangin ng mga dumaranas ng kapighatian ay pinagmumulan ng kaaliwan para sa mga Kristiyano. Dahil sa kanilang sariling karanasan, maaari nilang patibaying-loob at aliwin ang iba. Ang kanilang halimbawa ng katapatan at pagpapahayag ng kanilang paninindigan ay nagpapasigla sa mga kapuwa Kristiyano na manatili ring tapat.
Si Pablo mismo ay nagpahalaga sa kaaliwang ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga kapananampalataya habang nagbabata siya ng mga kapighatian. Pinapurihan niya ang mga Kristiyanong taga-Filipos dahil dito: “Mahusay ang inyong ginawa sa pagiging mga kabahagi ko sa aking kapighatian.” (Fil 4:14) Palibhasa’y mayroon silang tunay na interes kay Pablo, na noo’y nakabilanggo sa Roma, tinulungan nila siyang batahin ang kaniyang kapighatian sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na tulong.—Fil 4:15-20.
Gayunman, kung minsan ay natatakot ang ilang tao dahil sa kapighatiang dinaranas ng iba. Ito ang nasa isip ni Pablo nang pasiglahin niya ang mga Kristiyanong taga-Efeso: “Hinihiling ko sa inyo na huwag manghimagod dahil sa mga kapighatian kong ito alang-alang sa inyo, sapagkat ang mga ito ay nangangahulugan ng kaluwalhatian para sa inyo.” (Efe 3:13) Ang mga pag-uusig o mga kapighatiang dinaranas ni Pablo ay bunga ng paglilingkod niya sa mga taga-Efeso at sa iba pa. Sa dahilang ito, maaari niyang tukuyin ang mga iyon bilang mga kapighatian ‘alang-alang sa kanila.’ Ang kaniyang matapat na pagbabata sa ilalim ng gayong mga kapighatian ay nangahulugan ng “kaluwalhatian” para sa mga Kristiyanong taga-Efeso, yamang ipinakita nito na yaong taglay nila bilang mga Kristiyano (kabilang na ang maaasahang mga pangako ng Diyos at ang kanilang mahalagang kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Kristo Jesus) ay sulit na ipagbata. (Ihambing ang Col 1:24.) Kung si Pablo, bilang apostol, ay nanghimagod, mangangahulugan iyon ng kadustaan para sa kongregasyon. Malamang ay may mga matitisod.—Ihambing ang 2Co 6:3, 4.
Ang “Malaking Kapighatian.” Nang sagutin ni Jesus ang tanong ng kaniyang mga alagad may kinalaman sa tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, binanggit niya ang isang “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mat 24:3, 21) Kung ihahambing ang Mateo 24:15-22 sa Lucas 21:20-24, makikita na ang unang tinutukoy nito ay isang kapighatiang sasapit sa Jerusalem. Natupad ito noong 70 C.E., nang ang lunsod ay kubkubin ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito. Nagbunga ito ng matinding taggutom at ng pagkasawi ng marami. Sinasabi ng Judiong istoryador na si Josephus na 1,100,000 Judio ang namatay o pinatay, samantalang 97,000 ang natirang buhay at dinala sa pagkabihag. Lubusang winasak ang templo. Salungat sa kagustuhan ng Romanong kumandante na si Tito, sinilaban ng mga kawal na Romano ang mismong templo. Ayon kay Josephus, naganap ito sa mismong buwan at araw na sinunog ng mga Babilonyo ang dating templo sa dakong ito. (The Jewish War, VI, 249-270 [iv, 5-8], 420 [ix, 3]; 2Ha 25:8, 9) Hindi na muling naitayo ang templong winasak ng mga Romano. Ang gayong “malaking kapighatian” ay hindi na nangyari pang muli o naulit pa sa Jerusalem. Gayunpaman, ipinakikita ng katibayan sa Bibliya na ang kapighatiang sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E. ay tumutukoy sa isang lalong malaking kapighatian sa hinaharap, isang kapighatiang makaaapekto sa lahat ng mga bansa.
Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang hula sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga pangyayaring magaganap sa loob ng mga siglo pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem. (Mat 24:23-28; Mar 13:21-23) Pagkatapos, sa Mateo 24:29, idinagdag niya na “kaagad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon,” magkakaroon ng kakila-kilabot na mga penomeno sa kalangitan. Sinasabi ng Marcos 13:24, 25 na ang mga penomenong ito ay magaganap “sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon.” (Tingnan din ang Luc 21:25, 26.) Anong “kapighatian” ang tinutukoy roon ni Jesus?
May mga komentarista sa Bibliya na nangangatuwirang iyon ay ang kapighatiang sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E., bagaman natatanto rin nila na ang mga pangyayaring sumunod na inilarawan doon ay maliwanag na sa malayong hinaharap pa magaganap, ayon sa pangmalas ng tao. Ikinakatuwiran nila na ang pananalitang “kaagad pagkatapos” ay nagpapahiwatig ng pananaw ng Diyos hinggil sa panahong kasangkot o na ang pagiging tiyak ng mga pangyayaring magaganap ay ipinapahayag nito na para bang malapit nang matupad ang mga iyon.
Gayunman, yamang maliwanag na ang hula sa Mateo 24:4-22 (gayundin sa Mar 13:5-20 at Luc 21:8-24a) ay may dalawang katuparan, hindi kaya ang “kapighatian” na tinutukoy sa Mateo 24:29 at Marcos 13:24 ay ang “kapighatian” na magaganap sa ikalawa at huling katuparan niyaong inihula sa Mateo 24:21 at Marcos 13:19? Kung ibabatay sa sinasabi ng buong Bibliya, waring ganito nga. Ipinahihintulot ba ng mga terminong ginamit sa tekstong Griego ang ganiyang pangmalas? Walang alinlangan. Ang pagtukoy ng Mateo 24:29 sa “mga araw na iyon” at ang pagbanggit ng Marcos 13:24 sa “mga araw na iyon” at sa “kapighatiang iyon” ay nagpapakitang kaayon ng balarilang Griego ang gayong pagkaunawa. Waring sinasabi ng hula ni Jesus na pagkatapos sumiklab ang dumarating na pangglobong kapighatian, magkakaroon ng kapansin-pansing mga penomeno (na kinakatawanan ng pagdidilim ng araw at buwan, pagkahulog ng mga bituin, at pagyanig sa mga kapangyarihan ng langit) at gayundin ng katuparan ng “tanda ng Anak ng tao.”
Mga tatlong dekada pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem, ganito ang sinabi sa apostol na si Juan tungkol sa isang malaking pulutong ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa, mga tribo, at mga bayan: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apo 7:13, 14) Ang ‘paglabas ng isang malaking pulutong mula sa malaking kapighatian’ ay nagpapakitang nakaligtas sila mula roon. Pinatutunayan ito ng isang katulad na pananalita sa Gawa 7:9, 10: “Ang Diyos ay sumasakaniya [kay Jose], at hinango niya siya mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian.” Ang pagkahango ni Jose mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian ay hindi lamang nangangahulugan na tinulungan siyang mabata ang mga iyon kundi na siya ay nakaligtas din mula sa mga iyon.
Kapansin-pansin na ang paglalapat ng Diyos ng kahatulan sa mga di-makadiyos ay tinukoy ng apostol na si Pablo bilang kapighatian. Sumulat siya: “Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo, ngunit, sa inyo na dumaranas ng kapighatian ay ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagpapasapit siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2Te 1:6-8) Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na ang “Babilonyang Dakila” at ang “mabangis na hayop” ay nagdulot ng kapighatian sa mga banal ng Diyos. (Apo 13:3-10; 17:5, 6) Samakatuwid, makatuwiran lamang na kasama sa “malaking kapighatian” ang kapighatiang sasapit sa “Babilonyang Dakila” at sa “mabangis na hayop.”—Apo 18:20; 19:11-21.