Nagtatamasa ng Napakahalagang Pagkakaisa ang Pamilya ni Jehova
“Masdan ninyo! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—AWIT 133:1.
1. Ano ang kalagayan ng maraming pamilya sa ngayon?
NASA krisis ngayon ang pamilya. Sa maraming pamilya, ang tali ng pag-aasawa ay halos malalagot na. Nagiging lalong pangkaraniwan ang diborsiyo, at marami sa mga anak ng mga mag-asawang nagdiborsiyo ay dumaranas ng matinding kalungkutan. Milyun-milyong pamilya ang di-maligaya at di-nagkakaisa. Gayunman, may isang pamilya na nakatatalos ng totoong kagalakan at tunay na pagkakaisa. Iyon ang pansansinukob na pamilya ng Diyos na Jehova. Doon, laksa-laksang di-nakikitang mga anghel ang nagsasagawa ng kanilang atas kasuwato ng banal na kalooban. (Awit 103:20, 21) Subalit mayroon bang pamilya sa lupa na nagtatamasa ng gayong pagkakaisa?
2, 3. (a) Sino ngayon ang bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos, at sa ano natin maitutulad ang lahat ng Saksi ni Jehova sa ngayon? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin natin?
2 Sumulat si apostol Pablo: “Iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efeso 3:14, 15) Ang Diyos ang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat angkan sa lupa sapagkat siya ang Maylalang. Bagaman walang mga pamilya ng tao sa langit, sa makasagisag na pananalita ang Diyos ay kasal sa kaniyang makalangit na organisasyon, at si Jesus ay magkakaroon ng espirituwal na kasintahang babae na makakasama niya sa langit. (Isaias 54:5; Lucas 20:34, 35; 1 Corinto 15:50; 2 Corinto 11:2) Ang tapat na mga pinahiran sa lupa ay bahagi na ngayon ng pansansinukob na pamilya ng Diyos, at ang “ibang mga tupa” ni Jesus na may makalupang pag-asa, ang inaasahang mga miyembro nito. (Juan 10:16; Roma 8:14-17; Ang Bantayan, Enero 15, 1996, pahina 31) Gayunman, lahat ng Saksi ni Jehova sa ngayon ay maitutulad sa isang pambuong-daigdig na nagkakaisang pamilya.
3 Kayo ba ay bahagi ng kamangha-manghang internasyonal na pamilya ng mga lingkod ng Diyos? Kung bahagi nga kayo, tinatamasa ninyo ang isa sa pinakadakilang pagpapala na maaaring taglayin ng sinuman. Milyun-milyon ang magpapatunay na ang pangglobong pamilya ni Jehova—ang kaniyang nakikitang organisasyon—ay isang oasis ng kapayapaan at pagkakaisa sa makasanlibutang disyerto ng alitan at pagkakawatak-watak. Paano mailalarawan ang pagkakaisa ng pambuong-daigdig na pamilya ni Jehova? At anong mga salik ang nagtataguyod sa gayong pagkakaisa?
Anong Buti at Anong Kaiga-igaya!
4. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipahahayag ang sinasabi ng Awit 133 tungkol sa pagkakaisa bilang magkakapatid?
4 Lubhang pinahalagahan ng salmistang si David ang pagkakaisa bilang magkakapatid. Kinasihan pa man din siya na umawit tungkol dito! Gunigunihin siya taglay ang kaniyang alpa habang siya’y umaawit: “Masdan ninyo! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa! Iyon ay parang mainam na langis sa ulo, na tumutulo hanggang sa balbas, sa balbas ni Aaron, na tumutulo hanggang sa kuwelyo ng kaniyang kasuutan. Iyon ay gaya ng hamog ng Hermon na bumababa sa bundok ng Sion. Sapagkat doon ay iniutos ni Jehova na dumoon ang pagpapala, maging ang buhay hanggang sa panahong walang-takda.”—Awit 133:1-3.
5. Salig sa Awit 133:1, 2, anong paghahambing ang maaaring gawin sa pagitan ng mga Israelita at ng mga lingkod ng Diyos sa kasalukuyang panahon?
5 Ang mga salitang ito ay kumakapit sa pagkakaisa bilang magkakapatid na tinatamasa ng sinaunang bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Kapag nasa Jerusalem para sa tatlong taunang kapistahan, talagang sila’y nananahanang magkakasama sa pagkakaisa. Bagaman nagbuhat sila sa iba’t ibang tribo, sila’y iisang pamilya. Ang pagsasama-sama ay may mabuting epekto sa kanila, tulad ng nakagiginhawang pamahid na langis na may kalugud-lugod na amoy. Nang ibuhos sa ulo ni Aaron ang gayong langis, tumulo iyon sa kaniyang balbas at umagos hanggang sa kuwelyo ng kaniyang kasuutan. Para sa mga Israelita, ang pagsasama-sama ay may mabuting impluwensiya na tumatagos sa nagkakatipong bayan bilang kabuuan. Nalulutas ang mga di-pagkakaunawaan, at naitataguyod ang pagkakaisa. Gayunding pagkakaisa ang umiiral ngayon sa pangglobong pamilya ni Jehova. Ang regular na pakikipagsamahan ay may mabuting espirituwal na epekto sa mga miyembro nito. Anumang di-pagkakaunawaan o suliranin ay nalulutas habang ikinakapit ang payo ng Salita ng Diyos. (Mateo 5:23, 24; 18:15-17) Lubhang pinahahalagahan ng bayan ni Jehova ang pagpapatibayan sa isa’t isa na ibinubunga ng kanilang pagkakaisa bilang mga magkakapatid.
6, 7. Paanong ang pagkakaisa sa Israel ay katulad ng hamog ng Bundok Hermon, at saan masusumpungan ngayon ang pagpapala ng Diyos?
6 Paanong ang pananahanang magkakasama sa pagkakaisa ng Israel ay tulad din ng hamog ng Bundok Hermon? Buweno, yamang ang taluktok ng bundok na ito ay mahigit sa 2,800 metro ang taas mula sa pantay-dagat, iyon ay nababalutan ng niyebe nang halos buong taon. Ang maniyebeng taluktok ng Hermon ang siyang sanhi ng pamumuo ng mga singaw sa gabi at sa gayo’y nagbubunga ng saganang hamog na tumutustos sa mga halaman sa panahon ng mahabang tag-araw. Ang simoy ng malamig na hangin buhat sa kahabaan ng Hermon ay maaaring tumangay sa gayong singaw hanggang sa gawing dulong timog gaya ng Jerusalem, kung saan ang mga ito ay namumuo bilang hamog. Kaya tama ang pagkasabi ng salmista tungkol sa ‘hamog ng Hermon na bumababa sa Bundok ng Sion.’ Ano ngang inam na paalaala ng nakagiginhawang impluwensiya na nagtataguyod sa pagkakaisa ng pamilya ng mga sumasamba kay Jehova!
7 Bago naitatag ang Kristiyanong kongregasyon, ang Sion, o Jerusalem, ang siyang sentro ng tunay na pagsamba. Kaya naman, doon iniutos ng Diyos na dumoon ang pagpapala. Yamang ang Pinagmumulan ng lahat ng pagpapala ay makasagisag na naninirahan sa santuwaryo sa Jerusalem, doon manggagaling ang mga pagpapala. Gayunman, dahil sa ang tunay na pagsamba ay hindi na nakasalig sa isang lugar, ang pagpapala, pag-ibig, at pagkakaisa ng mga lingkod ng Diyos ay masusumpungan ngayon sa buong lupa. (Juan 13:34, 35) Ano ang ilang salik na nagtataguyod sa pagkakaisang ito?
Mga Salik na Nagtataguyod sa Pagkakaisa
8. Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagkakaisa na binanggit sa Juan 17:20, 21?
8 Ang pagkakaisa ng mga sumasamba kay Jehova ay salig sa pagsunod sa Salita ng Diyos na may kawastuang naunawaan, kasali na ang mga turo ni Jesu-Kristo. Sa pagsusugo ni Jehova ng kaniyang Anak sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan at masawi sa isang sakripisyong kamatayan, nabuksan ang daan ukol sa pagkatatag ng nagkakaisang Kristiyanong kongregasyon. (Juan 3:16; 18:37) Na magkakaroon ng tunay na pagkakaisa sa gitna ng mga miyembro nito ay niliwanag nang manalangin si Jesus: “Ako ay humihiling, hindi lamang may kinalaman sa mga ito, kundi may kinalaman doon sa mga naglalagak ng pananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako ay isinugo mo.” (Juan 17:20, 21) Natamo nga ng mga tagasunod ni Jesus ang nakakatulad na pagkakaisa na umiiral sa pagitan ng Diyos at ng kaniyang Anak. Nangyari ito dahil sinunod nila ang Salita ng Diyos at ang mga turo ni Jesus. Ang gayunding saloobin ay isang mahalagang salik sa pagkakaisa ng pambuong-daigdig na pamilya ni Jehova ngayon.
9. Anong papel ang ginagampanan ng banal na espiritu ukol sa pagkakaisa ng bayan ni Jehova?
9 Ang isa pang salik na nagdudulot ng pagkakaisa sa bayan ni Jehova ay ang bagay na taglay natin ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Pinapangyayari nitong maunawaan natin ang isiniwalat na katotohanan ng Salita ni Jehova at sa gayo’y mapaglingkuran siya nang may pagkakaisa. (Juan 16:12, 13) Tinutulungan tayo ng espiritu upang maiwasan ang gayong nakapipinsalang mga gawa ng laman tulad ng alitan, paninibugho, bugso ng galit, at mga pagtatalo. Sa halip, pinupukaw tayo ng espiritu ng Diyos na magpamalas ng nagbubuklod na bunga ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili.—Galacia 5:19-23.
10. (a) Anong pagtutulad ang maaaring gawin sa pagitan ng pag-ibig na umiiral sa isang nagkakaisang pamilya ng tao at sa pag-ibig na makikita sa mga nakatalaga kay Jehova? (b) Paano ipinahayag ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang kaniyang damdamin tungkol sa pakikipagpulong sa kaniyang espirituwal na mga kapatid?
10 Ang mga miyembro ng nagkakaisang pamilya ay nag-iibigan sa isa’t isa at maligayang nagsasama-sama. Gayundin naman, yaong kabilang sa nagkakaisang pamilya ng mga sumasamba kay Jehova ay umiibig sa kaniya, sa kaniyang Anak, at sa mga kapananampalataya. (Marcos 12:30; Juan 21:15-17; 1 Juan 4:21) Kung paanong ang isang likas na pamilya ay nasisiyahan sa pagkain nang magkakasama, yaong mga nakatalaga sa Diyos ay nalulugod na maging presente sa Kristiyanong mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon upang makinabang sa mainam na pagsasamahan at mahusay na pagkaing espirituwal. (Mateo 24:45-47; Hebreo 10:24, 25) Ganito ang pagkasabi minsan ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa bagay na ito: “Para sa akin, ang pakikipagpulong sa mga kapatid ay isa sa pinakamalaking kasiyahan sa buhay at pinagmumulan ng pampatibay-loob. Gustung-gusto kong makabilang sa mga nauunang dumarating sa Kingdom Hall, at sa mga huling umuuwi, hangga’t maaari. Tuwang-tuwa ako kapag nakakausap ang mga kabilang sa bayan ng Diyos. Para akong nasa sariling tahanan kapag kasama ko sila.” Ganiyan ba ang nadarama ninyo?—Awit 27:4.
11. Sa anong gawain lalo nang nakasusumpong ng kaligayahan ang mga Saksi ni Jehova, at ano ang mga ibinubunga kapag ginagawang sentro ng ating buhay ang paglilingkuran sa Diyos?
11 Ang isang nagkakaisang pamilya ay nakasusumpong ng kaligayahan sa paggawa ng mga bagay nang sama-sama. Gayundin naman, yaong mga kabilang sa pamilya ng mga sumasamba kay Jehova ay nakasusumpong ng kagalakan sa may-pagkakaisang pagtupad ng gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang regular na pakikibahagi rito ay lalong nagpapalapit sa atin sa ibang Saksi ni Jehova. Naitataguyod din ang diwa ng pamilya kapag ginagawa nating sentro ng ating buhay ang paglilingkuran sa Diyos at sinusuportahan natin ang lahat ng gawain ng kaniyang bayan.
Napakahalaga ang Teokratikong Kaayusan
12. Ano ang mga katangian ng isang maligaya at nagkakaisang pamilya, at anong kaayusan ang nagtaguyod ng pagkakaisa sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
12 Ang isang pamilya na may matatag ngunit may maibiging pangunguna at na maayos ay malamang na nagkakaisa at maligaya. (Efeso 5:22, 33; 6:1) Si Jehova ay isang Diyos ng mapayapang kaayusan, at lahat niyaong kabilang sa kaniyang pamilya ay tumitingin sa kaniya bilang ang “Isa na Kataas-taasan.” (Daniel 7:18, 22, 25, 27; 1 Corinto 14:33) Kinikilala rin nila na hinirang niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na tagapagmana ng lahat ng bagay at binigyan siya ng lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa. (Mateo 28:18; Hebreo 1:1, 2) Yamang si Kristo ang Ulo nito, ang Kristiyanong kongregasyon ay isang maayos at nagkakaisang organisasyon. (Efeso 5:23) Upang mapangasiwaan ang gawain ng unang-siglong mga kongregasyon, may lupong tagapamahala na binubuo ng mga apostol at iba pang “mga nakatatandang lalaki” na maygulang sa espirituwal. Ang bawat kongregasyon ay may hinirang na mga tagapangasiwa, o matatanda, at mga ministeryal na lingkod. (Gawa 15:6; Filipos 1:1) Nagtaguyod ng pagkakaisa ang pagsunod doon sa mga nangunguna.—Hebreo 13:17.
13. Paano pinupukaw ni Jehova ang mga tao, at ano ang ibinubunga nito?
13 Subalit lahat ba ng tuntuning ito ay nagpapahiwatig na ang pagkakaisa ng mga sumasamba kay Jehova ay dahil sa mahusay at walang-damdaming pamumuno? Tiyak na hindi! Walang anumang bagay na di-maibigin tungkol sa Diyos o sa kaniyang organisasyon. Pinupukaw ni Jehova ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapamalas ng pag-ibig, at daan-daang libo bawat taon ang kusang-loob at maligayang nagiging bahagi ng organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo bilang sagisag ng kanilang buong-pusong pag-aalay sa Diyos. Ang kanilang kaisipan ay katulad niyaong kay Josue, na humimok sa mga kapuwa Israelita: “Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang inyong paglilingkuran . . . Ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod kay Jehova.”—Josue 24:15.
14. Bakit natin masasabi na teokratiko ang organisasyon ni Jehova?
14 Bilang bahagi ng pamilya ni Jehova, hindi lamang tayo maligaya kundi tiwasay din naman. Gayon nga sapagkat teokratiko ang kaniyang organisasyon. Ang Kaharian ng Diyos ay isang teokrasya (buhat sa Griegong the·osʹ, diyos, at kraʹtos, isang pamamahala). Ito ay pamamahala ng Diyos, anupat kaniyang itinalaga at itinatag. Ang “bansang banal” na pinahiran ni Jehova ay nagpapasakop sa kaniyang pamamahala at sa gayo’y teokratiko rin naman. (1 Pedro 2:9) Dahil sa ang Dakilang Teokrata, si Jehova, ang ating Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari, taglay natin ang lahat ng dahilan upang makadama ng katiwasayan. (Isaias 33:22) Subalit, ano kung may bumangong pagtatalo at maging banta sa ating kagalakan, katiwasayan, at pagkakaisa?
Kumilos ang Lupong Tagapamahala
15, 16. Anong pagtatalo ang bumangon noong unang siglo, at bakit?
15 Upang maingatan ang pagkakaisa ng pamilya, sa pana-panahon ay maaaring kailanganing lutasin ang isang pagtatalo. Ipagpalagay na, noon, isang espirituwal na suliranin ang kailangang lutasin upang maingatan ang pagkakaisa ng pamilya ng mga sumasamba sa Diyos noong unang siglo C.E. Ano kung gayon? Kumilos ang lupong tagapamahala, anupat nagpasiya tungkol sa espirituwal na mga bagay. Mayroon tayong maka-Kasulatang ulat ng gayong pagkilos.
16 Humigit-kumulang noong 49 C.E., ang lupong tagapamahala ay nagtipon sa Jerusalem upang lutasin ang isang malubhang suliranin at sa gayo’y maingatan ang pagkakaisa ng “sambahayan ng Diyos.” (Efeso 2:19) Mga 13 taon bago nito, nangaral si apostol Pedro kay Cornelio, at ang mga unang Gentil, o mga tao ng mga bansa, ay naging bautisadong mananampalataya. (Gawa, kabanata 10) Sa panahon ng unang pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, maraming Gentil ang yumakap sa Kristiyanismo. (Gawa 13:1–14:28) Sa katunayan, isang kongregasyon ng mga Kristiyanong Gentil ang naitatag sa Antioquia, Siria. Naniniwala ang ilang Kristiyanong Judio na ang mga nakumberteng Gentil ay dapat na magpatuli at tumupad sa Kautusang Mosaiko, ngunit hindi naman sumang-ayon ang iba. (Gawa 15:1-5) Ang pagtatalong ito ay maaaring umakay sa lubusang pagkakawatak-watak, anupat magkaroon ng magkahiwalay na mga kongregasyong Judio at Gentil. Dahil dito ay kumilos agad ang lupong tagapamahala upang maingatan ang Kristiyanong pagkakaisa.
17. Anong may-pagkakasuwatong pamamaraang teokratiko ang inilarawan sa Gawa kabanata 15?
17 Ayon sa Gawa 15:6-22, “ang mga apostol at ang mga nakatatandang lalaki ay nagtipon upang tingnan ang tungkol sa bagay na ito.” Naroroon din ang iba, pati na ang isang delegasyon mula sa Antioquia. Ipinaliwanag muna ni Pedro na ‘sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay narinig ng mga tao ng mga bansa ang salita ng mabuting balita at naniwala.’ Nang magkagayon “ang buong karamihan” ay nakinig habang inilalahad nina Bernabe at Pablo ang “maraming tanda at palatandaan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga bansa,” o mga Gentil. Sumunod ay iminungkahi ni Santiago kung paano maaaring lutasin ang suliranin. Pagkatapos na makagawa ng pasiya ang lupong tagapamahala, sinabihan tayo: “Minagaling ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki kasama ang buong kongregasyon na magsugo sa Antioquia ng mga lalaking pinili mula sa kanila kasama nina Pablo at Bernabe.” Yaong “mga lalaking pinili”—sina Judas at Silas—ay nagdala ng isang nakapagpapatibay na liham sa mga kapananampalataya.
18. Ano ang ipinasiya ng lupong tagapamahala may kinalaman sa Kautusang Mosaiko, at paano ito nakaapekto sa mga Kristiyanong Judio at Gentil?
18 Ang liham na nagpapatalastas ng pasiya ng lupong tagapamahala ay nagsimula sa mga salitang: “Ang mga apostol at ang mga nakatatandang lalaki, mga kapatid, doon sa mga kapatid sa Antioquia at Siria at Cilicia na mula sa mga bansa: Mga pagbati!” May iba pang dumalo sa makasaysayang pagpupulong na ito, ngunit maliwanag na ang lupong tagapamahala ay binubuo ng “mga apostol at mga nakatatandang lalaki.” Pinatnubayan sila ng espiritu ng Diyos, sapagkat nakasaad sa liham: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.” (Gawa 15:23-29) Ang mga Kristiyano ay hindi na kailangang magpatuli at tumupad sa Kautusang Mosaiko. Ang pasiyang ito ay tumulong sa mga Kristiyanong Judio at Gentil upang kumilos at magsalita nang may pagkakaisa. Nagsaya ang mga kongregasyon, at nagpatuloy ang napakahalagang pagkakaisa, gaya ng umiiral ngayon sa pamilya ng Diyos sa buong lupa sa ilalim ng espirituwal na patnubay ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.—Gawa 15:30-35.
Maglingkod Nang May Teokratikong Pagkakaisa
19. Bakit yumayabong ang pagkakaisa sa pamilya ng mga sumasamba kay Jehova?
19 Yumayabong ang pagkakaisa kapag nakikipagtulungan sa isa’t isa ang mga miyembro ng pamilya. Totoo rin naman ito sa pamilya ng mga sumasamba kay Jehova. Palibhasa’y teokratiko, ang matatanda at ang iba pa sa unang-siglong kongregasyon ay naglingkod sa Diyos nang may lubusang pakikipagtulungan sa lupong tagapamahala at tumanggap ng mga pasiya nito. Sa tulong ng lupong tagapamahala, ang matatanda ay ‘nangaral ng salita’ at ang mga miyembro ng kongregasyon sa pangkalahatan ay ‘nagsalita nang magkakasuwato.’ (2 Timoteo 4:1, 2; 1 Corinto 1:10) Kaya ang gayunding maka-Kasulatang mga katotohanan ay iniharap sa ministeryo at sa mga pulong Kristiyano, maging sa Jerusalem, Antioquia, Roma, Corinto, o saanmang dako. Umiiral sa ngayon ang gayong teokratikong pagkakaisa.
20. Upang maingatan ang ating Kristiyanong pagkakaisa, ano ang dapat nating gawin?
20 Upang maingatan ang ating pagkakaisa, tayong lahat na bahagi ng pangglobong pamilya ni Jehova ay dapat na magsumikap na magpamalas ng teokratikong pag-ibig. (1 Juan 4:16) Kailangan tayong magpasakop sa kalooban ng Diyos at magpakita ng matinding paggalang sa ‘tapat na alipin’ at sa Lupong Tagapamahala. Tulad ng ating pag-aalay sa Diyos, ang ating pagsunod, sabihin pa, ay kusang-loob at may kagalakan. (1 Juan 5:3) Angkop na angkop nga ang pag-uugnay ng salmista sa kagalakan at pagsunod! Umawit siya: “Purihin ninyo si Jah! Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na ang kaniyang mga utos ay lubos niyang kinalulugdan.”—Awit 112:1.
21. Paano natin mapatutunayang tayo’y teokratiko?
21 Si Jesus, ang Ulo ng kongregasyon, ay lubusang teokratiko at palaging gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 5:30) Kung gayon, ating sundin ang ating Uliran sa pamamagitan ng teokratiko at may pagkakaisang paggawa ng kalooban ni Jehova taglay ang lubusang pakikipagtulungan sa Kaniyang organisasyon. Kung magkagayo’y mauulit natin ang awit ng salmista taglay ang taos-pusong kagalakan at pasasalamat: “Masdan ninyo! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang sama-sama sa pagkakaisa!”
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paanong ang ating Kristiyanong pagkakaisa ay maiuugnay sa Awit 133?
◻ Ano ang ilang salik na nagtataguyod sa pagkakaisa?
◻ Bakit napakahalaga ang teokratikong kaayusan sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos?
◻ Paano kumilos ang unang-siglong lupong tagapamahala upang maingatan ang pagkakaisa?
◻ Ano ang kahulugan sa iyo ng paglilingkod nang may teokratikong pagkakaisa?
[Larawan sa pahina 13]
Kumilos ang lupong tagapamahala upang maingatan ang pagkakaisa