Ang mga Problema ng Sangkatauhan—Malapit Nang Magwakas!
“ANG pagkakawanggawa ay may limitadong pakinabang lamang kung hindi ito bahagi ng isang mas malawak na estratehiya at walang pulitikal na suporta na naglalayong lumutas sa ugat ng mga dahilan ng alitan. Paulit-ulit na ipinakikita ng karanasan na ang basta pagkakawanggawa lamang ay hindi makalulunas sa mga problema na pangunahin nang pulitikal.”—The State of the World’s Refugees 2000.
Sa kabila ng malawak na pagkakawanggawa, ang mga problema ng sangkatauhan ay patuloy na lumalaki. May posibilidad bang magkaroon ng namamalaging pulitikal na solusyon? Ang totoo, napakaliit ng posibilidad. Ngunit saan pa tayo maaaring bumaling? Sa isang makahulugang bahagi sa pasimula ng kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, ipinaliwanag ni apostol Pablo kung paano wawakasan ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan. Sinabi pa nga niya kung anong ahensiya ang gagamitin ng Diyos upang isagawa ito—isang ahensiya na lulutas sa ugat ng mga dahilan ng lahat ng problema na sumasalot sa atin sa ngayon. Bakit hindi pag-isipan kung ano ang sasabihin ni Pablo? Ang bahaging ito ay masusumpungan sa Efeso 1:3-10.
“Upang Muling Tipunin ang Lahat ng mga Bagay kay Kristo”
Ang layunin ng Diyos, sabi ng apostol, ay para sa tinatawag niyang “isang pangangasiwa [o pamamahala sa mga bagay-bagay] sa hustong hangganan ng mga takdang panahon.” Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan ito na ang Diyos ay nagtakda ng panahon kung kailan siya kikilos sa gayong paraan “upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:10) Oo, sinimulan nang ipatupad ng Diyos ang isang kaayusan upang muling pagkasunduin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa sa ilalim ng kaniyang tuwirang pamamahala. Kapansin-pansin, hinggil sa termino rito na isinaling “upang muling tipunin,” ganito ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si J. H. Thayer: “Tipunin muli nang sama-sama sa kaniya . . . ang lahat ng bagay at mga nilalang (na sa panahong ito ay nagkawatak-watak dahil sa kasalanan) tungo sa iisang pinagsamang kalagayan ng pakikipagsamahan kay Kristo.”
Ipinakikita niyan ang pangangailangang gawin ito ng Diyos, lalo na kapag isinaalang-alang kung paano umiral ang pagkakabaha-bahagi. Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay sumunod kay Satanas na Diyablo sa pagrerebelde laban sa Diyos. Nais nila ng kasarinlan sa pamamagitan ng karapatang magpasiya para sa kanilang mga sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. (Genesis 3:1-5) Alinsunod sa katarungan ng Diyos, sila ay itinakwil mula sa pamilya ng Diyos at naiwala nila ang pakikipagsamahan sa kaniya. Isinadlak nila ang sangkatauhan sa di-kasakdalan taglay ang lahat ng kakila-kilabot na mga resulta na nararanasan natin sa ngayon.—Roma 5:12.
Pansamantalang Pagpapahintulot sa Kasamaan
‘Bakit pinahintulutan ng Diyos na gawin nila iyon?’ maaaring itanong ng ilan. ‘Bakit hindi na lamang niya ginamit ang kaniyang sukdulang kapangyarihan at ipinatupad ang kaniyang kalooban, sa gayo’y naiwasan ang lahat ng kirot at pagdurusa na nararanasan natin ngayon?’ Maaaring likas lamang na gayon ang isipin natin. Ngunit ano ba talaga ang mapatutunayan ng gayong paggamit ng ubod-lakas na kapangyarihan? Humahanga ka ba o sumasang-ayon sa sinuman na basta na lamang dinudurog ang lahat ng sumasalansang sa unang palatandaan ng pagsalungat dahil sa siya ay may kapangyarihang gawin iyon? Tiyak na hindi.
Hindi naman talaga hinamon ng mga rebeldeng iyon ang ganap na kapangyarihan ng Diyos. Ang partikular na hinamon nila ay ang moral na karapatan at pagkamakatarungan ng paraan ng pamamahala niya. Upang tuluyan nang malutas ang pangunahing mga isyu na ibinangon, pinahintulutan ni Jehova ang kaniyang mga nilalang na mamahala sa ganang sarili nila nang walang tuwirang pamamahala niya sa loob ng limitadong panahon. (Eclesiastes 3:1; Lucas 21:24) Kapag natapos ang panahong iyon, siya ay makikialam upang muling magkaroon ng lubusang pamamahala sa lupa. Sa panahong iyon ay magiging lubusang maliwanag na ang kaniyang paraan ng pamamahala ang tanging paraan na tumitiyak sa namamalaging kapayapaan, kaligayahan, at kasaganaan sa mga tumatahan sa lupa. Pagkatapos ang lahat ng maniniil sa daigdig ay aalisin na magpakailanman.—Awit 72:12-14; Daniel 2:44.
“Bago Pa ang Pagkakatatag ng Sanlibutan”
Matagal nang nilayon ni Jehova na gawin ang lahat ng ito. Binabanggit ni Pablo na “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Efeso 1:4) Iyon ay hindi noong bago lalangin ang lupa o sina Adan at Eva. Ang sanlibutang iyon ay “napakabuti,” at wala pang nagaganap na pagrerebelde. (Genesis 1:31) Kung gayon, anong “sanlibutan” ang ibig tukuyin ni apostol Pablo? Ang sanlibutan ng mga anak nina Adan at Eva—isang makasalanan at di-sakdal na sanlibutan ng sangkatauhan na may pag-asang matubos. Bago pa man may isilang na mga anak, alam na ni Jehova kung paano niya aasikasuhin ang mga bagay-bagay upang magdulot ng ginhawa sa mga inapo ni Adan na maaaring tubusin.—Roma 8:20.
Sabihin pa, hindi naman nito ipinahihiwatig na aasikasuhin ng Soberano ng uniberso ang mga bagay-bagay na gaya ng ginagawa ng mga tao. Sa pagkatanto na maaaring bumangon ang isang kagipitan, sila ay nagpaplano ng iba’t ibang detalyadong mga estratehiya upang maharap ito. Hindi, isinasaad lamang ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang layunin at tinutupad ito. Magkagayunman, ipinaliwanag ni Pablo kung paano lulutasin ni Jehova ang mga bagay-bagay upang makapagdulot ng permanenteng kaginhawahan sa sangkatauhan. Anu-anong paraan iyon?
Sino ang Magdudulot ng Kaginhawahan?
Ipinaliliwanag ni Pablo na ang pinahiran ng espiritu na mga alagad ni Kristo ay may pantanging papel sa pagpawi ng pinsalang idinulot ng kasalanan ni Adan. ‘Pinili tayo ni Jehova kaisa ni Kristo,’ sabi ni Pablo, upang mamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. Sa higit pang pagpapaliwanag, sinabi ni Pablo na ‘patiuna tayong itinalaga ni Jehova sa pag-aampon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang mga anak sa ganang kaniya.’ (Efeso 1:4, 5) Sabihin pa, sila ay hindi pinili, o patiunang itinalaga, ni Jehova bilang mga indibiduwal. Gayunman, patiuna niyang itinalaga ang isang grupo ng tapat at debotong mga tao na makikibahagi kay Kristo sa pagpawi ng pinsalang idinulot ni Satanas na Diyablo, pati na nina Adan at Eva, sa pamilya ng tao.—Lucas 12:32; Hebreo 2:14-18.
Tunay na isang kamangha-manghang bagay! Sa kaniyang orihinal na hamon laban sa soberanya ng Diyos, nagpahiwatig si Satanas na may kapintasan ang mga taong nilalang ng Diyos—na kapag nagipit at natukso, magrerebelde silang lahat laban sa pamamahala ng Diyos. (Job 1:7-12; 2:2-5) Sa isang madulang pagtatanghal ng “kaniyang maluwalhating di-sana-nararapat na kabaitan,” ipinakita ng Diyos na Jehova nang maglaon ang kaniyang pagtitiwala sa kaniyang makalupang mga nilalang sa pamamagitan ng pag-aampon sa ilang miyembro ng makasalanang pamilya ni Adan upang maging mga espirituwal na anak niya. Yaong mga kabilang sa maliit na grupong ito ay kukunin upang maglingkod sa langit. Para sa anong layunin?—Efeso 1:3-6; Juan 14:2, 3; 1 Tesalonica 4:15-17; 1 Pedro 1:3, 4.
Ang inampon na mga anak ng Diyos na ito, ang sabi ni apostol Pablo, ay magiging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Roma 8:14-17) Bilang mga hari at saserdote, makikibahagi sila sa pagpapalaya sa pamilya ng tao mula sa kirot at pagdurusa na nararanasan nito sa ngayon. (Apocalipsis 5:10) Totoo, “ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” Gayunman, hindi na magtatagal at ang piniling mga anak na ito ng Diyos ay kikilos katulad ni Jesu-Kristo, at ang lahat ng masunuring tao ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at [muling] magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:18-22.
“Paglaya sa Pamamagitan ng Pantubos”
Ang lahat ng ito ay naging posible sa pamamagitan ng maituturing na pinakakahanga-hanga at pinakadakilang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa sanlibutang ito ng sangkatauhan na maaaring tubusin—ang haing pantubos ni Jesu-Kristo. Sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan [ni Jesu-Kristo] ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.”—Efeso 1:7.
Si Jesu-Kristo ang pangunahing tauhan sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. (Hebreo 2:10) Ang kaniyang haing pantubos ay naglalaan ng legal na saligan upang ampunin ni Jehova ang ilan sa mga inapo ni Adan tungo sa kaniyang makalangit na pamilya at upang palayain ang sangkatauhan sa mga ibinunga ng kasalanan ni Adan, nang hindi sinisira ang pagtitiwala sa Kaniyang mga kautusan at mga simulain. (Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:6) Ginawa ni Jehova ang mga bagay sa paraan na nagtataguyod sa kaniyang katuwiran at nakatutugon sa mga kahilingan ng sakdal na katarungan.—Roma 3:22-26.
Ang “Sagradong Lihim” ng Diyos
Sa loob ng libu-libong taon, hindi isiniwalat ng Diyos kung paano niya isasakatuparan ang kaniyang layunin para sa lupa. Noong unang siglo C.E., “ipinaalam niya sa [mga Kristiyano] ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban.” (Efeso 1:9) Maliwanag na naunawaan ni Pablo at ng kaniyang kapuwa mga pinahirang Kristiyano ang maringal na papel na iniatas kay Jesu-Kristo sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Naunawaan din nila ang kanilang pantanging papel bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Efeso 3:5, 6, 8-11) Oo, ang pamahalaan ng Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala ang ahensiya na gagamitin ng Diyos upang pasapitin ang walang-hanggang kapayapaan hindi lamang sa langit kundi gayundin sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Sa pamamagitan nito, isasauli ni Jehova ang lupang ito sa kalagayan na dati niyang nilayon para rito.—Isaias 45:18; 65:21-23; Gawa 3:21.
Ang kaniyang itinakdang panahon para sa tuwirang pagkilos upang alisin sa lupa ang lahat ng paniniil at kawalang-katarungan ay malapit nang maganap. Ngunit aktuwal na pinasimulan ni Jehova ang proseso ng pagsasauli noong Pentecostes 33 C.E. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapasimula noon na tipunin “ang mga bagay na nasa langit,” yaong mga mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. Kabilang sa mga ito ang mga Kristiyano sa Efeso. (Efeso 2:4-7) Kamakailan lamang, sa ating panahon, sinimulang tipunin ni Jehova “ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:10) Sa pamamagitan ng pangglobong kampanya sa pangangaral, ipinababatid niya sa lahat ng bansa ang mabuting balita tungkol sa kaniyang pamahalaan ng Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Yaong mga tumutugon ay tinitipon na maging sa ngayon sa isang dako ng espirituwal na sanggalang at pagpapagaling. (Juan 10:16) Hindi na magtatagal, sa isang nilinis na paraisong lupa, mararanasan nila ang ganap na kalayaan mula sa lahat ng kawalang-katarungan at pagdurusa.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 11:18.
“Maraming kahanga-hangang pagsulong” ang nagawa na ng mga mapagkawanggawang pagsisikap upang tulungan ang nasisiil na sangkatauhan. (The State of the World’s Children 2000) Gayunman, ang pinakakahanga-hangang pagsulong ay ang nalalapit na pakikialam ni Kristo Jesus at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala sa makalangit na pamahalaan ng Kaharian. Lubusan nilang lulutasin ang lahat ng ugat ng dahilan ng labanán at lahat ng iba pang kasamaan na sumasalot sa atin. Wawakasan nila ang lahat ng problema ng sangkatauhan.—Apocalipsis 21:1-4.
[Mga larawan sa pahina 4]
Ang mga pagkakawanggawa ay hindi nakalutas sa mga problema ng sangkatauhan
[Larawan sa pahina 6]
Ang haing pantubos ni Kristo ay naglaan sa sangkatauhan ng kaginhawahan mula sa kasalanan ni Adan
[Larawan sa pahina 7]
Posibleng makasumpong ng espirituwal na sanggalang at pagpapagaling sa ngayon
[Mga larawan sa pahina 7]
Hindi na magtatagal, sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, sasapit ang ganap na kaginhawahan mula sa mga problema